You are on page 1of 2

KAGAMITANG PAMPAGKATUTO BLG.

8
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang-Akademik (SHS Applied)
Lesson Content
Guro Bb. NORJANNAH B. MANSOR Baitang SHS Grade 12
AU-SHS Linggo Ikalawang Linggo Markahan Ikalawa (1st Semester)

ARALIN 8: ANG PAGSULAT NG KATITIKAN NG PULONG

Pangunahing Kaisipan:
Ang pulong ay mababalewala kung hindi maitala ang mga napag-usapan o napagkasunduan. Ang opisyal na tala ng
isang pulong ay tinatawag na katitikan ng pulong.

Kahulugan ng Katitikan ng Pulong


 Isang opisyal na rekord na pulong ng isang organisasyon, korporasyon o asosasyon. Ito ay tala ng mga
napagdesisyunan at mga pahayag sa isang pulong.
 Ito ay kalimitang isinasagawa nang pormal, obhetibo, organisado, sistematiko at komprehensibo o nagtataglay ng
lahat ng mahahalagang detalyeng tinalakay sa pulong. Matapos itong maisulat at mapagtibay sa susunod na
pagpupulong, ito ay nagsisilbing opisyal at ligal na kasulatan ng samahan, kompanya, o organisasyon na
maaaring magamit bilang prima facie evidence sa mga legal na usapin o sanggunian para sa susunod na
pagpaplano at pagkilos.
 Bagama’t hindi ito verbatim na pagtatala sa mga nangyari o nasabi sa pulong, ang mga itinatalang aytem ay may
sapat na deskripsyon upang madaling matukoy ang pinagmulan nito at mga naging konsiderasyong kaakibat ng
tala.

Apat na Elemento ng isang Organisadong Pulong


1. Pagpaplano. Ano ba ang dapat makuha o maaabot ng grupo pagkatapos ng pulong? Ano ang magiging epekto
sa grupo kapag hindi nagpulong? magkaroon ng malinaw na layunin, kung bakit dapat may pagpupulong.

Paraan sa pagpaplano ng pagpupulong:


 Pagbibigay impormasyon (kasapi o miyembro)
 Konsultasyon (mga dapat isangguni na hindi kayang sagutin ng ilang miyembro)
 Paglutas ng problema (mga suliranin na dapat magkaisa ang lahat) Pagtatasa (ebalwasyon sa mga nakaraang
gawain o proyekto

2. Paghahanda. Tiyakin na ang sumusunod ay napaghandaan bago ang gagawing pagpupulong:


 Chairman/President- nakakaalam ng pag-uusapan, ang daloy ng pulong at kung paano hahawakan ang
mga mahihirap at kontrobersyal na mga isyu
 Secretary (Kalihim)- inihahanda ang katitikan o talaan noong nakaraang pulong at iba pang mga ulat at
kasulatan ng organisasyon
 Members (Kasapi)- pag-aaralan at aalamin ang napag-usapan sa pulong.

3. Pagpoproseso. Ang pulong ay dapat mayroong tuntunin at patakaran o pamamaraan (rules, procedures o
standing orders) kung paano ito patatakbuhin. Patakaran ng pulong, mga dumalo at pagsasagawa ng desisyon.

Ilan sa mga termino na ginagamit sa proseso ng pagpupulong:


 korum- bilang ng mga kasapi ng kasama sa pulong na dapat dumalo. Madalas ito ay 50% + 1 ng bilang ng
mga inaasahang dadalo sa pulong
 konsensus- isang proseso ng pagdedesisyon kung saan kinukuha ang nagkakaisang desisyon ng lahat ng
mga kasapi sa pulong
 simpleng mayorya- isang proseso ng pagdedesisyon kung saan kinakailangan ang 50% +1 ng pagsang-
ayon o hindi pagsang-ayon ng mga nakadalo sa isang opisyal na pulong
 2/3 mayorya- isang proseso ng pagdedesisyon kung saan kinakailangan ang 2/3 o 66% ng pagsang-ayon o
hindi pagsang-ayon ng mga dumalo sa opisyal na pulong.

4. Pagtatala. Isinasagawa ito ng kalihim bago, habang at pagkatapos ng pagpupulong.

Mahahalagang Bahagi ng Katitikan ng Pulong


1. Heading- Ito ay naglalaman ng pangalan ng kompanya, samahan, organisasyon, o kagawaran. Makikita ang
layunin, tagapanguna, petsa, lokasyon, at maging ang oras ng pagsisimula ng pulong.
2. Mga Kalahok o dumalo- Dito nakalagay kung sino ang nanguna sa tagapagdaloy ng pulong gayundin ang
pangalan ng lahat ng mga dumalo kasama ang mga panauhin. Maging ang pangalan ng mga liban o hindi
nakadalo ay nakatala rin dito.
3. Preliminaryong Bahagi:
a. Call to Order
b. Panalagin
c. Pananalita ng Pagtanggap
4. Pagbasa at Pagpapatibay ng nagdaang katitikan ng pulong- Dito makikita kung ang nakalipas na katitikan ng
pulong ay napagtibay o may pagbabagong isinagawa sa mga ito.
5. Action items o usaping napagkasunduan- Dito makikita ang mahahalagang tala hinggil sa mga paksang
tinalakay. Inilalagay rin sa bahaging ito kung sino ang taong manguna sa pagtalakay ng isyu at maging ang
desisyong nabuo ukol dito.
6. Pabalita o patalastas- Hindi ito laging makikita sa katitikan ng pulong ngunit kung mayroon mang pabalita o
patalastas mula sa mga dumalo ay tulad halimbawa ng mga suhestiyong agenda para sa susunod na pulong ay
maaaring ilagay sa bahaging ito.
7. Iskedyul ng susunod na pulong- Itinatala sa bahaging ito kung kailan at saan gaganapin ang susunod na
pulong.
8. Pagtatapos- Inilalagay sa bahaging ito kung anong oras nagwakas ang pulong
9. Lagda-Mahalagang ilagay sa bahaging ito ang pangalan ng taong kumuha ng katitikan ng pulong at kung kailan
ito isinumite.

Halimbawa:
BUWANANG PULONG NG HUMSS1B AT 1C
Pebrero 1, 2021 9:00 n.u.
Senior High School Grade 11 Faculty Room

Layunin ng Pulong: Mga Dapat Ihanda at Tandaan ng mga Guro sa HUMSS1B at 1C


Petsa/Oras: Pebrero 1, 2021 sa ganap ng ika-9:00 n.u.
Tagapanguna: Danilo V. Del Mundo, Master Teacher II at Subject Group Head-HUMSS1B/IC

Bilang ng mga Taong Dumalo: Mga Dumalo (5)


1. Danilo Del Mundo - Master Teacher II at Subject Group Head-HUMSS1B/IC
2. Edna Banawa - SHS Teacher II
3. Kathleen Capiral - SHS Teacher II
4. Basilisa Estrope - SHS Teacher II
5. Maricel Bagaporo - SHS Teacher III

Mga Liban (1)


1. Sheth Sali - SHS Teacher III

I. Call to Order
Sa ganap na alas 9:00 n.u. ay pinasimulan ni G. Del Mundo ang pulong sa pamamagitan ng pagtawag sa atensyon ng
lahat.

II.Panalangin
Ang panalangin ay pinangunahan ni G. Joshua Villanueva.

III. Pananalita ng Pagtanggap


Ang bawat isa ay malugod na tinanggap ni G. Danilo Del Mundo bilang tagapanguna ng pulong.

IV. Pagbasa at Pagpapatibay ng Nagdaang Katitikan ng Pulong


Ang nagdaang katitikan ng pulong na ginawa noong Enero 4, 2021 ay binasa ni Gng. Edna Banawa. Ang mosyon ng
pagpapatibay ay pinangunahan ni Bb. Maricel Bagaporo at ito ay sinang-ayunan ni Gng. Diana Maṅ ez.

V. Pagtalakay sa Adyenda ng Pulong at Usaping Napagkasunduan:


Ang sumusunod ay ang mga adyenda ng paksang tinalakay sa pulong:
a. Modyul Ang taga-opisina na ang itinalagang magririso ng mga modyul isa rito ay si Bb. Cloe Bersamina.
b. National Orientation para sa Results-Based Performance Management System (RPMS) Mula Pebrero 1-
3, 2021 ay inaasahang dadalo ang mga guro sa nasabing National Webinar para sa oryentasyon ng
RPMS.
c. Digital Attendance Pinaalalahanan ang mga guro na palaging mag-log sa digital attendance upang hindi
maabsenan.
d. Teachers in Programm (TIP) Sa mga bagong guro ay kailangang matapos ang kanilang sinasagutan para
sa TIP, i-print at ilagay sa clearbook at ipasa sa subject group head.
e. Class Observation Ihanda ang mga dapat isaalang-alang sa class observation. Ibigay ang oras sa mag-o-
observe at i-send ang link ng google meet, bago ang araw ng obserbasyon.

VI. Pabalita o Patalastas


Ibinalita ni G. Joshua Villanueva ang patungkol sa nalalapit na bonding ng HUMSS1B/1C sa Doṅ a Remedios Trinidad
(DRT). Inisa-isa niya ang mga lugar na puedeng puntahan at pasyalan.

VII. Pagtatapos ng Pulong


Sa dahilang wala nang anumang mga paksa na kailangang tatakayin at pag-usapan, ang pulong ay winakasan sa ganap
na alas 11:00 ng umaga.

VIII. Iskedyul ng susunod na pulong


Marso 1, 2021 sa Senior High School Grade 11 Faculty Room ,9;00 n.u.

Inihanda at isinumite ni: DIANA A. MAṄEZ

SANGGUNIAN: Baisca-Julian, Aileen, et.al. 2016. Pinagyamang Pluma Filipino sa Piling Larangan (Akademik). Phoenix Publishing.
Constantino, Pamela C., et.el. 2016. Filipino sa Piling Larangan (Akademik) Rex Book Store
QB, Trisha. Pagpupulong. https://www.youtube.com/watch?v=icg5z8cyx-4 (binuksan Pebrero 23, 2021)

You might also like