You are on page 1of 17

SANAYSAY

Dangal ng Lahing Pilipino ang Wikang Filipino


ni Marie U. Quarre
Ang wika ang nagsisilbing kaluluwa ng bansa, ito ang sumasalamin sa kulturang
mayroon ang isang bansa. Napakayaman ng ating bansa pagdating sa kultura at wika,
marami tayong maipagmamalaking katangian na sa atin lamang makikita. Kung
gagamitin palagi ang ating sariling wika mas lalong yayabong ang dangal ng lahing
Pilipino.
Marapat nating ipagmalaki ang wikang Filipino dahil ito ay sariling atin at
instrumento natin ito upang ipahayag ang ating mga damdamin at saloobin.
Ipinagmalaki at ginamit ng ating mga bayani upang kalayaan ay ating makamtan,
tayong mga kabataan na sinasabi ni Rizal na pag-asa ng bayan ang dapat magpatuloy
ng ganitong kaugalian. Gamitin ang wikang Filipino upang magapi natin ang sistema ng
katiwalian sa bansa at maipakita sa sambayang Pilipino kung anong mayroon sa atin at
ano ang magagawa natin upang tayo'y magkabuklod-buklod. Bilang
nagpapakadalubhasa sa larangan ng Filipino ay aking itataguyod ang paggamit ng
wikang Filipino saan man tayo naroroon upang ito'y mas lalong lumago. Ayon nga sa
panayam ni Bueza (2014) sa dating pangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino marapat
na gamitin ang wikang Filipino maging sa mga kasulatan at dokumento imbes na Ingles
dahil hindi tayo magkakabuklod-buklod kung magkakaiba ang mukha ng wika na
gagamitin. Ang sambayanang Pilipino ang magpapaunlad ng wikang Filipino at upang
mangyari ito ay kailangang gamitin nang gamitin sa pang-araw-araw upang malaman
natin ang diwa ng wikang ating ginagamit at sa pamamagitan nito malalaman natin kung
paano ito mas pagyayamanin at pauunlarin dahil nagkakaroon tayo ng kamalayan.
Sumasang-ayon ako sa pahayag ng dating pangulo ng KWF dahil hindi pamahalaan
ang magpapaunlad nito kundi tayong lahat na mga Pilipino at upang maipabatid ito sa
lahat, sisimulan ko sa aking sarili na gamitin palagi ito sa paaralan, tahanan at
pampublikong lugar. Kung mas gagamitin ko ito malalaman ko kung paano ito lumalago
at paano mas maitatama.
Dangal nating mga Filipino ang ating wika kaya't isang karangalan na
magpakadalubhasa sa larangang ito dahil nalalaman ko kung ano ang pinagmulan ng
ating wika at paano ang isang salita sa Filipino ay nanganganak. Ang palaging
paggamit nito sa pagsagot sa mga tanong ng guro at midyum sa
pakikipagkomunikasyon ay isang magandang paraan na upang buhayin ang ating wika.
Huwag palaging tangkilin ang ibang lenggwahe katulad ng Ingles dahil hindi ito ang
basehan ng kagalingan. Mentalidad natin na kapag bihasa sa Ingles ay magaling na
ang isang tao di ba mas nararapat na humanga at sabihing magaling ang isang tao
kung gamay na gamay niya ang wikang Filipino bukod sa masalimuot ang pagaaral nito
ay sariling atin ito.
Samantala, ayon naman sa ulat ni Coloma (2020) sa komisyuner ng KWF Arthur
Casanova gamitin ang wikang Filipino at mga katutubong wika sa pagpapakalat ng mga
impormasyon tungkol sa COVID19. Sa ganitong pagkakataon mas mabilis na
mauunawaan ng mga Pilipino ang tungkol sa sakit na kumakalat sa buong mundo. Isa
sa kahalagahan ng wika ay nakapagbibigay ito ng mga impormasyon na kailangan natin
at kung nakasulat ito sa Filipino tiyak na mas marami ang makakaintindi sa mga
anunsyo dahil halos lahat sa bansa ay gumagamit ng Filipino. Kaya't nararapat na
ipagpatuloy ito at ipagmalaki dahil may sarili tayong sistema ng wika at hindi natin
kailangang manghiram pa sa ibang bansa. Himukin natin ang bawat isa na
palaging gamitin ang wikang Filipino upang manatili itong buhay at maunlad. Bawat isa
sa atin ay may maiaambag upang sa susunod na henerasyon ay hindi ito matabunan
bagkus magpatuloy pa at maging dangal natin ang ating wika na ipinaglaban ng ating
mga bayani.

Sanggunian:
Bueza, Michael. 2014. Panayam: Paano mapapaunlad ng
Pilipino ang kanyang wika?.
https://www.rappler.com/video/almario-pagpapaunlad-wikang-pambansa-filipino

Coloma, Angela. 2020. Paggamit ng Filipino sa pagbibigay-alam sa COVID-19 hinimok


ngayong Buwan
ng Wika. https://news-abs--
cbn-com.cdn.ampproject.org/v/s/news.abscbn.com/amp/news/08/01/20/
paggamit-ng-filipino-sa-pagbibigay-alam-sa-covid-19hinimok-ngayong-buwan-
ngwika?amp_js_v=a6&amp_gsa=1&usqp=mq331AQHKAFQArABIA%3D
%3D#aoh=1611965492 9324&referrer=https%3A%2F
%2Fwww.google.com&amp_tf=From%20%251%24s&ampsha re=https%3A
%2F%2Fnews.abs-cbn.com%2Fnews%2F08%2F01%2F20%2Fpaggamit-
ngfilipino-sa-pagbibigay-alam-sa-covid-19-hinimok-ngayong-buwan-ng-wika
Ang Guro sa Moderno at Bagong Milenyo
ni Marie U. Quarre
Isang hamon sa mga guro ang pagharap sa bagong milenyo kung saan marami
ang nagbago. Ang dating mga nakagawian ay tuluyan ng nabago at ang iba ay
napalitan pa, ngunit bilang isang guro nararapat na harapin ang hamong ito at gumawa
ng solusyon dahil hindi ito malalampasan hangga’t hindi nabibigyan ng kasagutan.
Bilang tayo ang pumapanday sa kinabukasan ng ating mga mag-aaral marapat
na atin itong panindigan at gawin ang lahat ng makakaya, upang ang ating mga
magiging mag-aaral ay magkaroon ng magandang kinabukasan at ambag sa lipunan.
Bilang nagpapakadalubhasa sa larang ng asignaturang Filipino marapat na pagtuunan
natin ng pansin ang mga asignaturang may kauganayan sa ating wikang pambansa
ang siyang hahasa at papanday patungo sa magaling na pagtuturo. Lahat ng iyon ay
mahalaga dahil ito ang magiging pundasyon ng mga guro sa pagharap sa klase sa
hinaharap. Pagkatapos nating matutunan lahat ng kaalaman at teorya tungkol sa
pagtuturo ay magkaroon din dapat ng aplikasyon upang maisagawa ang lahat ng mga
natutunan at magiging dahilan upang tuluyang mahasa. Ang mga ugaling dapat
taglayin ng isang guro ay dapat isabuhay ng mga guro nang sa gayon sila’y maging
isang epektibong guro. Ang mga alituntunin, kasanayan at mga kaalaman tungkol sa
paghawak sa klase ay dapat alam din nila dahil ito ang magsisilbing baon at bala sa
pagtuturo ng aktwal sa mga paaralan. Ngayon pa lamang ay dapat nahasa na ng mga
mag-aaral na nagpapakadalubahasa sa pagkaguro ang kanilang kakayahan sa
pakikipagkomunikasyon upang matugunan nila agad ang mga problemang maaaring
kakaharapin, dahil kung marunong kang makipagkomunikasyon mas mabili maaayos
ang mga suliranin. Isang katutak na lakas ng loob at tibay ang dapat ding baunin dahil
hindi biro ang maging guro. Lalo’t higit ang mahabang pasensya sa paghawak sa klase
at pag-intindi sa mga mag-aaral. Ang mga pamamaraan naman na dapat gagamitin ay
marapat na angkop sa interes ng mga estudyante at ganun na rin sa paksang
tatalakayin. Ang iba’t ibang uri ng estratehiya ay dapat alam din na upang hindi lamang
isa ang maaaring gagamitin nang sa ganun hindi mauumay ang mga magiging mga
magaaral. Napapanahon din ang dapat gagamitin upang hindi mapag-iwanan at mas
mabilis ang maging daloy ng pagtuturo. Ang mga pamamaraan din na nararapat
gagamitin ay iyong nakabubuhay ng dugo dahil ang mga mag-aaral ngayon ay gusto
nila lagi ang mag-explore. Kailangang sabayan din ang mga pangangailangan ng mga
mag-aaral at nang maiangkop ang paraan na gagamitin upang mas maging mabisa
ang kanilang pagkatuto. Ang mga kagamitang pampagtuturo naman na gagamitin ay
dapat napapanahon, hindi magastos, angkop sa paksang tatalakayin, angkop sa
layunin ng paksa, alam kung paano gamitin at angkop sa interes o karanasan ng mga
mag-aaral. Kung tataglayin ito ng kagamitang pampagtuturo tama ang iyong magiging
katuwang upang mas maging mabilis ang pagkatuto.
Likas na katangian ng mga guro ang pagiging flexible dahil lahat kakayaning
gawin para sa ikabubuti ng mga mag-aaral. Mahirap na propesyon ang pagiging guro
ngunit napakasarap sa pakiramdam na makita ang mga estudyante mo na natututo.
Maging inspirasyon tayo sa bawat estudyante at maging simbolo ng kanilang pag-asa
na magkaroon ng magandang buhay. Ituring na buhay ang pagtuturo at hindi lamang
propesyon dahil kung ganun ang magiging turing ang lahat ng hirap na dadanasin ay
mapapaltan ng kasiyan dahil nakatutulong ka at pumapanday ka ng tinaguriang pag-
asa ng bayan. Lalo ngayong panahon ng pandemya maraming pagbabagong naganap
na kailangang sabayan upang amg mga estudyante ay maturuan nang ayos at
makapagbahagi ng mga impormasyong maaari nilang gamitin sa kanilang buhay.
MAIKLING KWENTO
Alasais na Naman!
ni Marie U. Quarre
Alasais na naman, nagsimula na naman ang araw ni Rina. Abala na siya sa pag-
aabyad ng kaniyang mga kapatid para pumasok sa eskwela. Gumising siyang may luto
na pero wala na ang kaniyang mga ama’t ina sa kadahilanang nagtatrabaho na naman
sa lansangan. Ang ama niya ay isang jeepney driver at ang kaniyang ina naman ay
isang tindera sa canteen sa isang pribadong paaralan.
"Ate nasa'n na ang pampasok ko?,"tanong ng bunso.
"Ate ang sa maluto ko, okay na ba?," tanong naman ni Rico.
"Naihanda ko na lahat ng gamit nyo, bilisan nyo ng kumain baka mahuli pa tayo
sa klase," tugon ni Rina.
Ngunit lahat ng nakasanayan ni Rina ay nagbago simula ng dumating ang
pandemya. Alasais na ngunit hindi na niya kailangan pang bumangon agad dahil
nariyan na ang kaniyang ina para sila'y abyarin dahil nawalan ito nh trabaho dulot ng
pandemya.
"Mga anak bumangon na kayo at kumain magsasagot pa kayo ng module nyo,"
sigaw ng ina.
"Si nanay naman e! Maaga pa po!," tugon ng bunso.
"Nanay turuan nyo po akong magburda, sabi po ng teacher namin kelangan daw
po naming magvideo habang nagbuburda, mabuti na lang nariyan po kayo," masayang
sabi ni Rina.
"Nanay, ako rin po turuan nyo ako sa module, di ba po magaling kayo sa math.
Tiyak na matututo ako sa inyo," pambobola naman ni Rico.
"Oo na, tutulungan ko kayo sa isa-isa. Marami akong oras para diyan. Maige na
iyong ganiyan ang ginagawa nyo kaysa lumabas ng bahay delikado," sagot ng ina.
Ganun na nga ang naging gawain araw-araw ng mag-iina, habang ang haligi ng
tahanan ay patuloy na namamasada kahit kakaunti ang pasahero para mabuhay niya
ang kaniyang pamilya.
Isang araw namalengke ang ina. Nakakita siya ng mag-iina sa may malapit sa
tulay at namamalimos, nalaman niya na napalayas sila sa kanilang inuupahan kaya't sa
lansangan na lang sila naroroon.
"Naku! Ito lang ang maiibigay ko sa inyo, nawalan din kasi ako ng trabaho. Narito
pa ang tinapay paghati-hatian ninyo," sabi ng ina sa mga namamalimos.
"Maraming salamat Ate," mangiyak-ngiyak na wika ng babae.
Pag-uwi niya sa kanilang bahay ikinuwento niya ito sa kanyang mister na kauuwi
lamang galing pasada.
"Alam mo ba Rudy, nakakita ako ng mag-iina na pinalayas sa inuupahan. Naawa
ako kaya't ayun binigyan ko ng kaunting tulong," sabi ng ilaw ng tahanan.
"Mabuti naman binigyan mo ng tulong kahit paano, nakakaawa talaga iyong mga
ganun. Kaya maswerte pa rin tayo kahit paano nakakaraos tayo sa pang-araw-araw,"
tugon ng ama.
Narinig ni Rina ang pag-uusap ng kaniyang magulang. Kaya't napag-isip niya na
kausapin ang mga kapatid para makatipid sila.
"Rita at Rico, huwag na kayong magpapabili ng kung ano kila nanay at tatay ha!
Mahirap ang buhay ngayon kailangan nating magtipid para makatulong tayo sa kanila,"
paliwanag ni Rina.
"Oo, ate di na kami magpapabili ng hindi naman kailangan," sagot ni Rico.
Simula noon imbes na magpabili ng kung ano-ano ay mas pinili na lang nilang
makuntento sa kung anong mayroon sila at tumulong sa ibang gawaing bahay.
Alasais na muli ng umaga ngunit hindi na ganun ang gawain ni Rina bagkus
kasama na niya ang kaniyang mga kapatid sa pagdidilig ng mga halamang gulay na
itinanim nila katulong ang ina para mapagkunan nila ng pagkain. Ang masosobra
naman ay ipamamahagi nila sa kapitbahay na gipit din sa buhay.
Iba't ibang hirap ang pinagdadaanan ng bawat pamilya kung kaya't minarapat ng
pamilya ni Rina na gamitin ang mga oras na iyon para maging makabuluhan at
makatulong sa pangangailangan nila sa pang-araw-araw.
Sinungaling si Papa
ni Marie U. Quarre
Isinilang akong kumpleto ang aking pamilya ngunit nang dahil sa pagkakamali ni
Mama nasira ang pagsasama nila ni Papa. Sumama sa ibang lalaki ang aking ina
kaya’t naiwan kaming apat na magkakapatid sa pangangalaga ni Papa, sobrang sipag
ng aking ama para matustusan ang aming pangangailangan. Isang araw nakita ko siya
sa aming hardin tila may namumuong mga luha at tumulo na nga, ngunit agad din niya
iyong pinahid.
Nagtaka ako kasi bata pa ako noon nung makita ko siyang lumuluha, ang alam
ko lang noon kapag umiiyak ay maaaring nasaktan siya pisikal o malungkot lamang
siya, iyon pa lamang ang abot ng aking pag-iisip. Ngunit ngayon na malaki na ako alam
ko na kung bakit.
Ako ang bunso sa aming magkakapatid, nag-asawa na ang dalawang kong
nakatatandang kapatid at ang isa ko pang ate ang kasama ko sa bahay. Tuwing umaga
naglalako ng isda ang Papa ko at sa gabi naman nag-iihaw siya ng mga isaw,
barbeque, betamax at adidas sa tapat ng bahay namin na siyang bumubuhay samin.
Isang araw galling si Papa sa paglalako at nabasa siya ng ulan dahil naabutan
siya sa daan ng malakas na ulan.
“Naku Pa! Basang bas ana kayo ng ulan hindi muna kayo nakisilong sa ibang
bahay. Ayos lang po ba kayo?”, tanong ni ate.
“Aba’y oo ayos na ayos naman ako, ulan lamang iyan o narito at may
pasalubong pa ako sa inyo,” nakangiting sabi ni Papa.
Pero ilang oras lang ay sumama na nga ang pakiramdam nito kaya’t hindi na
nakapag-ihaw pagsapit ng gabi. Kinabukasan kahit mukha siyang matutumba ay umalis
pa rin siya upang kunin ang kaniyang mga ilalakong isda.
“Pa, masama pa po yata ang pakiramdam nyo. Magpahinga po muna kayo saka
na po kayo maglako,” nag-aalalang sabi ko sa kaniya.
“Ano ka ba utoy, ako’y ayos lamang nakainom na naman ako ng gamot.
Kailangan kong maglako para may pambili tayong pagkain at mabigyan din natin ng
pera ang dalawa mong kapatid na may asawa na,” paliwanag ni itay.
Wala naman akong nagawa. Kahit may asawa na ang aking dalawang kapatid
ay hindi pa rin nakalilimutan ni Papa na tulungan sila sa kanilang mga panggastos
kaya’t ganun na lamang ang pagsisipag niya.
“Narito na uli ako o may pasalubong akong paborito nyong tinapay kainin nyo na
ito habang mainit-init pa,” bungad agad ni Papa pagkauwe.
“Salamat Papa, the best ka talaga. Tara sabay-sabay na tayong kumain,” anyaya
ko sa kaniya.
“Naku! Hindi na at ako’y nakapagmerienda na. Ako’y magluluto na ng hapunan,
kainin niyo na iyan,” masayang sabi ni Papa.
Ngunit nagtataka ako dahil para namang hindi pa nakakakain si Papa ngunit
ayaw naman niya kaming saluhan, kasya naman ito samin ang mahalaga ay makakain
kaming lahat.
Nakita ko pang tila umiiyak si Papa, kaya’t akin itong nilapitan. Agad na naman
niyang pinahid ang kaniyang mga luha.
“Pa? Bakit po kayo umiiyak?” tanong ko sa kaniya.
“ Hindi ah! Ano ka ba namang bata ka malakas lang hangin dito sa labas
napuwing lang ako,” pangungumbinsi sakin ni Papa.
Hindi ako naniwala sa kaniya dahil alam kong may mali, simula nang umalis si
Mama sa ibang bahay naging tahimik na si Papa ngunit ginagampanan pa rin niya ang
kaniyang responsibilidad sa amin. Ramdam na ramdam ko rin ang pagmamahal niya
ngunit nais ko lamang n asana ay ibahagi niya ang kaniyang mga nararamdaman para
madamayan naming siya dahil isang pamilya naman kami. Naiintindihan ko rin naman
siya dahil bilang isang lalaki dapat ipakita na malakas at bilang ama ng tahanan ay
matatag ka.
“Lucas!Lucas! Ang Papa mo nawalan ng malay isinugod na sa ospital!,”
hinihingal na sinabi ng aming kapitbahay.
Nataranta kami ni ate pero nagawa namin na makapunta sa ospital. Nadatnan
naming siya na may malay na, nahimatay raw ito dala ng sobrang pagod.
“Papa naman kasi eh! Sabi ko sa inyo magpahinga muna kayo,” umiiyak na sabi
ni ate at naiyak na rin ako.
Magmula noon sinasamahan ko na si Papa maglako kapag wala akong pasok
para matulungan ko siya. Dahil sinungaling si Papa ayaw niya kaming maabala pero
para masigurado na ligtas siya palagi ay tinutulungan naming siya. Sinungaling ang
Papa ko dahil ayaw niya na mag-alala kami sa kaniya at ayaw niyang malungkot kami.
Nang dhil doon lalo kong napatunayan na labis ang kaniyang pagmamahal at siya ang
ama na gugustuhin ng lahat. Sobrang saludo ako sa kaniya, ang ginagawa na lang
naming ni ate ay ang iparamdam sa kaniya na mahal na mahal naming siya at nakikita
naman naming masaya na muli ang aming ama.
TULA
Simoy ng Pasko
ni Marie U. Quarre
Lamig ng hangi’y madarama
Usok galing sa nilulutong bibingka
Amoy ng puto bumbong na may mantikilya
Pagsipol nito’y nang-aakit ng bisita.

Kaliwa’t kanang mga parol nakasabit na


Kumukuti-kutitap na mga bumbilya
Halos lahat ng tahanan nagnining-ning sa gabi
Minsa’y makikita umaawit na mga kabataan

Karaniwan mga tao’y pumupuntang


Divisoria namimili ng panregalo para sa pamilya
Dinaragsa dahil sa mura
Takilya tuwing Pasko’y malapit na.

Pinakamatagal na selebrasyon
Sa Pinas lamang makikita
Simula Setyembre hanggang Disyembre Apat na
buwan tila di pa sapat.

Misa de Gallo’y maririnig na


Halos walumpong porsyento sumasamba
Katoliko kung tawagin
Nagpapasalamat at nanalangin

Anak ni Maria ay isinilang na


Kasama si Jose sa Sabsaban
Dinalaw ng tatlong hari
Hinirang at kabutiha’y sa kanya’y mamumutawi.

Bawat Pilipino’y nagdiriwang muli


Nabalot man ng unos, babangong muli
Ngunit pag-asa laging diwa ng kapaskuhan
Pagbibigayan likas satin ‘yan.
Kalasag ng Bayan
ni Marie U. Quarre

Bagong bayani’y isinilang sa bayan ni Juan


Kapahamakan man sa kanila’y nakaabang
Pinili pa ring maglingkod para sa bayan
Upang pandemya’y labanan.

Sila ang nagsilbing kalasag nating mga mamamayan


Kahit pamilya nila’y napababayaan
Oras nila’y nilalaan sa pagsisilbi sa bayan
Kaya’t nararapat sila’y parangalan.

Dedikasyon sa piniling larang


Masasabing labis-labis at di kulang
Hindi matatawaran kanilang sakripisyo
Para mabawasan dala ng pandemyang namumurwisyo.

Sila ang tinaguriang front liners ng mundo


Karapat-dapat sila sa pagsaludo
Ibigay sa kanila ang tamang proteksyon
Nang sa ganun matupad ang lahat ng kanilang misyon.
DULA
Tagu-taguan
ni Marie U. Quarre
Tagapagsalaysay: Mama! Papa!,iyan ang laging bungad ni Luna tuwing sasapit ang
umaga sa kanilang tahanan.
(Baong gising si Luna na lalabas ng kwarto at tila inaantok pa.)
Luna: Mama magandang umaga! May almusal na po tayo?
Tagapagsalaysay: Sabay tingin niya sa mesa at nahagilap ng kanyang tingin ang
masasarap na luto ng kanyang ina may sinangag, pritong meat loaf, hotdog, at mainit
na tsokolateng umuusok pa. Habang ang ina nya ay nag-aayos pa ng kanyang
pinaglutuan malapit sa lababo.
Mama: Tawagin mo na ang iyong mga kapatid kakain na tayo, tanghali na may pasok
pa kayo sabihin mo na rin sa Papa mo pumunta na rito.
Tagapagsalaysay: Habang naglalakad papuntang kwarto ng mga kapatid nadaanan
niya ang kanyang ama na nasa sala na nonood ng balita habang bihis na at
nagkakape.
Luna: Magandang umaga Papa.
Papa: Magandang umaga Ate Luna, dalian mo na gisingin mo na sila may muta ka pa
ah! Joke lang hahahaha. Mahal na mahal kayo ni Papa. Ang ganda mo talaga anak
manang mana ka sa Papa mo magandang lalaki.
Luna: Si Papa talaga nakapaghilamos na po ako. Mahal na mahal din po namin kayo.
Syempre naman po anak ako ni Lucio e hahaha.
Mama: Nagbolahan pa kayo dyan, sakin nagmana yang mga anak mo hoy! Lucio.
Papa: Nainggit pa si Mama mo oh! Syempre naman pinakamaganda ka Mama at ikaw
ang aming reyna yieeee kikiligin na 'yan.
Mama: Puro ka kalokohan ho! Gisingin na sila at halika na rito Lucio tulungan mo ko.
Papa: Nagpapalambing ang aking reyna.
Luna: Ang aga-aga nilalanggam na ako sa inyo hahaha.
Tagapagsalaysay: Pumunta na si Luna sa kwarto ng kanyang mga kapatid. May tatlo
pa itong nakababatang kapatid si Lucas na nasa ika-limang baitang, si Lloyd na nasa
unang baitang at ang bunsong kapatid na tatlong taon pa lang si Loisa. Magkakasundo
silang magkakapatid, dahil si Luna ang panganay pag wala ang kanilang mga
magulang siya ang nag-aasikaso sa kanila. Doktor ang Papa niya at nurse naman ang
Mama. Tuwing Linggo ang araw na magkakasama sila, dahil mga bata pa ang kapatid
niya gusto lagi nilang maglaro.
Lloyd: Papa ikaw ang taya!
Papa: Dinadaya nyo yata ako, sya sige magtago na kayo
Mama: Halika na Loisa magtatago na tayo kay Papa baka mahuli tayo.
Loisa: Sige Mama, atago na tayo
Tagapagsalay: Masayang masaya ang pamilya sa paglalaro at buhay na buhay ang
mga bata sa pakikipagtaguan.
Papa: Tagu-taguan maliwanag ang buwan, pagkabilang kong sampu nakatago na
kayo. Isa, dalawa, tatlo... sampu. Andiyan na ako magtago na kayong mabuti.
Tagapagsalay: Biglang napabalikwas si Luna, panaginip lang pala.
Luna: Hayst! Panaginip lang pala miss na miss ko na sila Mama at Papa. Naku!
tanghali na pala magluluto pa ako magigising na sila.
Tagapagsalaysay: Nang nangyari ang krisis nagbago ang takbo ng buhay nila. Ang
dating araw-araw gigising sila na may luto na at maririnig na bukas na ang telebisyon
dahil sa panonood ng balita ay wala na. Dahil ang mga magulang nila ay frontliner
kailangan nilang gamapanan ang kanilang tungkulin at hindi sila umuuwi ng bahay para
mas ligtas ang kanilang mga anak.
Luna: Lucas, Lloyd gising na kakain na. Mamaya magvivideo call tayo kay Mama free
time na nya. Baby Loisa gising na gusto mo ng milk?
Loisa: Antok pa ate. Wala pa si Mama at Papa?
Luna: Wala pa baby pag sinunod mo si ate makikita mo na uli sila okay ba?
Tagapagsalaysay: Nagpunta na ang magkakapatid sa kusina at inaabyad ni Luna ang
bunso.
Lucas: Ate wala na tayong stock ng pagkain. Pupunta kang bayan mamaya?
Luna: Kaya nga, uuwi ako mamaya pagkatawag ni Mama. Bantayan mo sila at baka
lumabas ng bahay ha! Mahuli kayo ng pulis sige kayo.
Lloyd: Ate wala na namang nadaang pulis, pwede na akong maglaro sa labas.
Luna: Anong wala na meron pa aba! Di ba sabi ko sa inyo 'wag munang lalabas di pa
ligtas nagsasakripisyo nga sila Mama kaya makinig kayo sakin ah.
Tagapagsalaysay: Makalipas ang ilang oras tumawag na ang kaniyang ina dahil iyon
lang ang free time nya dahil dumadami na ang kaso ng Covid.
Mama: Kumusta na kayo dyan? Miss na miss na namin kayo. Kuya Lucas tulungan
mo si Ate Luna sa gawaing bahay, Lloyd 'wag matigas ang ulo ha! Loisa nainom pa ba
ng milk?
Loisa: Mama! Miss na kita saka Papa. Nainom po ako ng milk para maging healthy
ako at para big girl na.
Mama: Good girl naman ng baby namin. Pag-uwe namin may pasalubong kayo.
Lucas: Ma, di pa ba kayo makakauwe? Mag-ingat po kayo dyan ha. Si Papa po di pa
namin uli nakakausap ilang araw na Ma.
Mama: Okay lang si Papa nyo busy kasi kaya di na nya kayo nakakausap. May online
class ba kayo mag-aral mabuti ha? Iyong iba walang internet kaya maswerte kayo
makakaconnect kayo.
Lloyd: Tapos na po school year namin Ma, si Ate na lang may mga requirements.
Mama: Sya sige na magpapahinga muna ako ha. Miss ko na kayo Ate ikaw na bahala
ha. I love you mga anak.
Mga Anak: I love you too Mama. Ingat po kayo.
Tagapagsalaysay: Lingid sa kanilang kaalaman ay nagpositibo ang kanilang ama kaya
di nila nakakausap at malubha ang kalagayan nito. Mabuti na lang ang ina nila ay hindi
nahawa.
Nang biglang tumawag kay Luna ang kanyang Mama na umiiyak.
Luna: Ma, bakit ka umiiyak anong nangyari, okay ka lang ba?
Mama: Anak wala na ang Papa mo.
Luna: Anong wala na Ma? Di ba sabi mo busy lang si Papa. Ma naman!
Mama: Nahawa ang Papa mo anak, nakahiwalay ako sa kanya kaya di ako nahawa.
Abo na lang ang Papa mo.
Luna: Ma, gusto kong makita si Papa. Nagbibiro ka lang naman di ba?
Mama: Kahit ako hindi ko nakita ang Papa mo sa huling sandali nya dahil bawal.
Lakasan mo ang loob mo dyan. Kakayanin natin Ate. 'Wag mo munang sasabihin sa
kanila baka mabigla sila. Ako na ang bahala sa lahat.
Tagapagsalaysay: Humahagulgol ang mag-ina sa magkaibang lugar dahil sa sakit na
narardaman ng pagkawala ng kanilang minamahal. Ngunit wala silang magawa dahil
bawal lumapit sa sinumang may Covid. Kahit sana sa hulinh sandali ay hindi man
lamang nila nakausap ang ama. Sinira ng pandemya ang buhay ng nakararami.
Lumabas si Luna para mamili dahil wala na silang stock at kelangan sya ng mga
kapatid nya.
Luna: (Sa isip nya) Napakarami ng tao, lumalabas sila kahit di naman kelangang
lumabas di nila isinasa-alang alang ang mga buhay na nagsasakripisyo para sa taong
bayan. Ang mga magulang nakikipagpatintero kay kamatayan para sa buhay ng
mamamayan. Nakikipagtagu-taguan sa pandemyang sumasalot sa bayan ngunit
deserve ba ng ibang mamamayan na makukulit naman para magbuwis sila ng buhay.
Tagapagsalaysay: Pagkauwi niya ng bahay naglalaro ang mga kapatid nya ng tagu-
taguan bago siya lumapit sa kanila ay naglinis muna sya para masiguradong wala
syang nadalang virus.
Loisa: Ate, sali ka tago tayo.
Luna: Sige, halika tatago tayo sa di kita nila kuya ha? Huwag kang maingay.
Tagapagsalaysay: Humahagikgik ang bata dahil sa tuwa na walang muwang sa
nangyayari sa paligid. Kasabay ng pagtatago nila ay ang pagtatago rin ni Luna ng
pighati at sakit dahil kelangang malakas siya para sa mga kapatid. Kaya't tahimik syang
lumuluha dahil naalala ang ama, kaagad nya rin itong pinupunasan dahil baka makita
ng kapatid.
Lucas: Huli kayo, taya ka ate Luna.
Luna: Nahuli tayo Loisa, tago na kayo si ate na lang ang taya.
Loisa: Lika na kuya.
Tagapagsalaysay: Umiiyak na si Luna dahil di na nya mapigilan ang emosyon na sana
panaginip na lang ang lahat na sana isang araw bumalik na ang kanilang mga
magulang. Oo marangya ang buhay nila pero kung kulanh sila walang silbi ang
karangyaan na pinaghirapan ng magulang nila. Iba't ibanh sitwasyon ang nararanasan
ng mga Pilipino may naghihirap, nawalan ng trabaho, wala ng makain, may online
class pero hindi kayang tumugon ng iba, may mga nawalay sa pamilya at ang
pinakamasakit ay ang mamatayan ng hindi man lang nakausap sa huling sandali. Iniisip
niya na sana biro na lang ito ng tadhana na pagmulat nya kumpleto na sila at
mararamdaman na ang init ng pagmamahal ng buong pamilya.
Luna: Ta----gu..... taguan.... mali---wanag ang buwan pag--kabilang ko...... ng sam----
pu nakatago na k---ayo. Isa, da-lawa, tatlo... sam--pu.

WAKAS
Batang Ina
ni Marie U. Quarre
Tagapagsalaysay: Isang simpleng dalagita si Tesa pero sa likod nito ay ang mga hirap
at sakit na kaniyang dinanas. Tatlo silang magkakapatid at iniwan na sila ng kanilang
ama dahil sa may bago na itong kinakasama.
Nanay: Ano Tesa, wala ka na namang luto! Pagod na pagod na ako sa pagtatrabaho
ito pa ang madadatnan ko.
Tesa: Wala naman tayong lulutuin eh. Pasensya na po.
Nanay: Aba at sumasagot ka pa talaga, ang mga kapatid mo kumain na ba?
Noynoy: Kumain na ako sa kapitbahay.
Tagapagsalaysay: Ang senaryong iyon ay normal na sa buhay ni Tesa dahil nasanay
na siya sa mga reklamo ng kaniyang ina. Kahit ginagawa naman niya ang kaniyang
mga tungkulin sa bahay ay hindi iyon nakikita ng ina.
Tesa: (Nasa kaniyang kwarto) Lagi na lang ganoon si Nanay, kalian kaya niya makikita
ang mga nagawa kong mabuti.
Tagapagsalaysay: Dahil sa murang edad ay parang naging pangalawang ina na siya
na kaniyang mga kapatid kaya’t napagkaitan siya na makipaglaro sa ibang bata at
sabik siya rito.
Nanay: (Pasigaw) Tesa nasaan ka na naman ba?
Tesa: Nandito lang ako sa katabing bahay.
Nanay: Nariyan ka na naman! Laking laki mon a nakikipaglaro ka pa.
Tagapagsalaysay: Wala namang nagawa si Tesa kundi umuwi na lamang at gawin
ang mga gawaing bahay. Ganun na rin upang alagaan ang kaniyang nakababatang
kapatid.
Noon: Si Tesa pa lamang ang anak ay lahat ng pagmamahal ng nanay at tatay niya ay
nakatuon sa kaniya. Buo pa ang pamilya nila at masaya pa sila.
Nanay: Oh, nariyan ka na pala mahal. Halika na kakain na tayo.
Tatay: Tesa, halika may pasalubong ako.
Tesa: Talaga Tay? Paborito ko ba iyan (Masayang masaya si Tesa)
Tatay: Aba! Oo naman paborito mo ito basta para sa aming prinsesa.
Nanay: Talaga naman kayong mag-ama. Halika na Tesa ihahanda ko na ang pagkain
mo at manonood na tayo ng paborito mong palabas pagkatapos.
Tagapagsalaysay: Kay bilis nagbago ng panahon ang dating masayang pamilya ay
nasira na.
Nanay: Ano galling ka na naman sa babae mo? Wala ka talagang kwenta, may pamilya
ka na’t lahat nambabae ka pa.
Tatay: Nang dahil naman sa pera nya nabubuhay tayo at may pambigay ako sa mga
anak natin.
Nanay: Ang kapal talaga ng mukha mo! Ipinagmamalaki mo pa iyan! Imbes na sana
magtrabaho ka at hindi magpasarap. Lumayas ka na rito.
Tagapagsalaysay: Nasaksihan iyon ni Tesa at tahimik siyang umiiyak sa kaniyang
kwarto. Kaya’t naiintindihan niya kung bakit nagging ganun bigla ang ugali ng kaniyang
ina.
Nene: Nanay si Ate inaway ako.
Nanay: Tesa ha! Ang laki laki mon a pinapatulan mo pa ang kapatid mo.
Tesa: Eh, kinukurot ako. Pinagbabawalan ko lang naman pumunta sa kalsada at baka
masagasaan.
Nanay: Edi sana pinagsabihan mo na lang.
Tagapagsalaysay: kahit kalian ay hindi siya kinampihan ng kaniyang ina kahit na ito na
ang tumatayong pangalawang ina ng kaniyang mga kapatid dahil gabi na umuuwi
galing trabaho. Natuto siyang magluto sa pamamagitan ng pagtatanong sa kapitbahay
dahil wala silang kakainin.
Nene: Ate gutom na ako.
Tesa: Teka lang, magluluto lang ako.
Noynoy: Ate ano na nasaan na ang pagkain gutom na ako eh!
Tesa: Saglit nga lang! Maghintay ka!
(Dahil gutom na si Noynoy ay mainit na ang kaniyang ulo kaya’t sinuntok niya ang
kaniyang ate. Ngunit kapag nagsusumbong si Tesa sa ina ay siya pa ang pagagalitan
nito).
Tagapagsalaysay: Isang araw dahil sa labis na hinanakit na nararamdaman ni Tesa
nagpasya siyang lumayas. Baka hanapin din siya ng ina at pagtuunan ng pansin.
Nanay: Nasaan na ang Ate nyo? Hindi ko pa yata nakikita.
Noynoy: Baka na kila Lola.
Tagapagsalaysay: Kinabukasan na at dahil walang trabaho ang ina ay hinahanap muli
si Tesa. Ngunit sabi ng Lola ay wala naman sa kanila ito. Kaya’t tila kinabahan na ang
kaniyang ina. Hanggang sa nakita ng in ana may isang papel na nakalagay sa taas ng
durabox at binasa niya ito. Isang liham mula kay Tesa.
(Nasa sa sulat: Nay, pasensya na po kayo. Umalis na po ako kasi pakiramdam ko hindi
niyo na ako tinuturing na anak, nasasaktan po ako, bakit kapag mga kapatid ko naman
mabait kayo. Bakit kapag sakin na lagi kayong galit? Kulang pa po ba ang ginagawa ko
para sa inyo at para sa kanila? Lumayas na lang po ako para wala na kayong
kagagalitan. Mag-iingat po kayo lagi. Mahal ko po kayo).
Napaiyak ang ina nang Mabasa ang liham at napagtanto ang kaniyang mga ginawa.
Hinanap niya ang kaniyang anak at siya’y nagtanong-tanong. Sa ilang araw na
paghahanap ay Nakita rin niya ang kaniyang anak.
Nanay: Anak, pasensya ka na. Patawarin mo ako, sumama ka na sakin at umuwi na
tayo.
Tesa: Pasensya na rin po Nay. (Humahagugol ang mag-ina)
Tagapagsalaysay: Umuwi na sila ng bahay at simula noon nagbago na ng ugali ang
kaniyang ina. Ipinaramdam na niya sa kaniyang mga anak lalo kay Tesa na mahal na
mahal sila nito. Kahit wala na ang kanilang ama ay ibinuhos na niya ang atensyon sa
mga anak at nang hindi na maghanap ng atensyon ang mga ito. Lumaki ang
magkakapatid na malapit sa isa’t isa at nagbago na nag mga ito. Wala man sa tabi ang
kanilang ama ay naramdaman nil ana buo pa rin sila at labis-labis ang pagmamahal ng
kanilang ina para sa kanila.

WAKAS

You might also like