You are on page 1of 6

Bilang isang mamamayang Pilipino, mahalagang maintindihan ang pinagmulan ng Pilipinas at

ang mga naunang tao dito, sapagkat nakatutulong ito upang lubos nating makilala ang sarili. Sa pag-
alam sa ating identidad at pagkakakilanlan, napayayabong ang pagmamahal sa bayang ating
pinagmulan. Kaya naman, ating talakayin ang kapuluan ng Pilipinas at ang pagtatao rito.

May dalawang magkaibang salaysay tungkol sa pagkabuo ng arkipelago ng Pilipinas: ang


heolohiyang salig sa kaalamang bayan ng ating mga ninuno at ang makaagham na heolohiyang
resulta ng sistematikong pananaliksik. Una, ay ayon sa mito o sa tradisyong oral tulad ng epiko,
alamat, at mga kwentong bayan na may temang kadalasang tungkol sa digmaan sa pagitan ng mga
diyos at pwersa ng kalikasan. Ang mitong ito raw ay itinuturing na sagradong salaysay ng ating mga
ninuno na pinagmumulan ng kaalaman tungkol sa paglikha ng daigdig at ng tao. Sa kabilang banda,
pinaliliwanag naman ng agham sa tulong ng Teorya ng mga Platong Tektoniko na ang Pilipinas di
umano’y nabuo dahil sa pag galaw at sugpungan ng tatlong naglalakihang mga plato na binubuo ng
Philippine Sea Plate at Pacific plate sa silangan, Eurasian Plate sa kanluran, at Indian – Australian
Plate sa timog. Tinatayang ang buong kapuluan ay nabuo noong Tertiary Period, mga anim na pu’t
limang milyong taon ang nakararaan. Ang magkakatabi at nagtutulakang mga platong tektoniko
naman ay nagresulta rin sa mga bulkan na nagpabilang sa Pilipininas sa Pacific Ring of Fire.

Malaki naman ang ginampanan ng lokasyon ng bansa sa paraan kung paano narating ng mga
sinaunang tao ang mga kapuluan nito. May apat na teorya ng pagtatao sa Pilipinas, una ay ang
Wave Migration Theory ni Henry Otley Beyer na nagsasaad na ang sunod-sunod na pagdating ng
mga Aeta, Indones at Malayo sa pamamagitan ng mga sasakyang pandagat nagsimula ang pagtatao
sa Pilipinas. Ang teorya naman ni Wilhelm Solheim ay ang tumukoy sa mga Nusantao bilang unang
mga tao sa Pilipinas at ang kanilang Malayo-Polynesian Movement mula sa South China, Taiwan at
patungong Palawan na siya ring kalauna’y naglayag patungong South Borneo at Indonesia. Pangatlo
ang “Austronesian Migration Theory” ni Peter Bellwood na nagsasabing nagsimula ang mga unang
tao sa Pilipinas sa pagdating ng mga Austronesyano na naglayag mula sa Taiwan, paibaba sa timog
na bahagi ng China, tumawid sa hilagang bahagi ng Pilipinas at nagpalipat-lipat din sa Indonesia,
Malaysia at mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Pang huli naman ay ang Bagong teorya ng pagtatao
sa Pilipinas na may kaugnayan sa DNA sampling ng Kankanaey sa Lapita at DNA sampling ng manok
sa Polynesia. Ipinapaliwanag nito na maaring naglakbay sa pamamagitan ng sasakyang pandagat o
balangay ang mga sinaunang Kankanaey at nakarating diretso sa Lapita kung saan sila nanahan.
Sinasabi rin nito na ang mga manok sa Polynesia ay galing sa Pilipinas sa pamamagitan ng DNA
sampling. Ito ang mga teoryang nagpapaliwanag kung papaano nagkaroon ng tao, at paraan ng
pagtatao sa Pilipinas. Sa pag-alam ng mga ito, nabubuo ang ating kamalayan at mas nakikilala natin
ang ating sarili na siyang mas nakapagpapatatag ng ating pagiging makabayan.

Sunod sa pag-alam ng pagbuo at pagtatao sa Pilipinas, mahalaga ring pag-aralan ang mga
katangian ng mga sinaunang pamayanan na nanirahan dito. Aking hinati sa tatlong aspeto ang
pagtukoy sa mga katangiang ito. Ang una ay ayon sa aspektong politikal. Makikita nga rito na nauuri
ang mga tao sa lipunan. Ang mga pinuno ay tinawag na datu, raja, at sultan o mga kahawig na
kataga na nagpapahiwatig ng kapangyarihan. Sunod ang mga timawa o maharlika at panghuli ang
mga oripun o alipin. Ito ang bumubuo sa barangay, na siya ring binubuo ng mga pamayanan. Ang
mga pamayanan noon ay nahahati sa dalawa, mga pamayanang sa-raya o ilaya o mga nasa
kabundukan at ang pamayanang sa-ilud o ilawod na nasa tabing dagat o ilog. Ang mga ilawod
umano ang nagkaroon ng higit na kapangyarihan dahil sa sa kanilang kaaalamang maritimo at
pakikipagkalakalan na siyang kumokonekto sa ekonomiya noong panahong iyon. Gayun nga’y
nakipag-ugnayan ang mga pamayanang ito gamit ang mga maritimong sistema sa iba’t ibang mga
pangkat tulad ng mga mangangaso-mangangahoy sa mga kagubatang tropikal, mga populasyong
nagkakaingin, mga estadong etniko ng kapuluan at kalupaang Timog Silangang Asya, at maging ang
mga dinastiyang Tsino ng Sung, Yuan, at Ming.

Sa kabilang banda, akin namang ipaliliwanag ang aspektong paniniwala o espiritwal. Ang
mga sinaunang Pilipino ay naniniwala sa kaluluwa na nakabatay sa kaisipan ng pagkakaroon ng
dalawang bahagi ng isang tao: ang nakikitang katawan at ang di-nakikitang bahagi o ang kaluluwa.
Alinsunod dito ang tagapag-ugnay ng magkakaibang sapin o larangang pisikal at espiritwal na
tinawag nilang mga Babaylan. Sila umano ang nangunguna sa mga ritwal, ang nagsisilbing
manggagamot at ang tagapag-ingat at tagapagbahagi ng mga mito at kaalamang bayan sa mga
pamayanan. May paniniwala rin ang ating mga ninuno na nahahati sa tatlong bahagi ang pananaw-
daigdig ng iba’t ibang mga sinaunang pamayanan sa Pilipinas. Una ay ang langit kung saan ang
tahanan ng mga banal at makapangyarihan tulad ni Bathala, pangawala ang ibabaw ng lupa kung
saan tayo umiiral at pangatlo ang ilalim ng lupa. Ilan lamang ang mga ito sa mga paniniwalanag
umiral noon. Kaya naman, makikita nating napakayaman sa kultura at tradisyon ang mga Pilipino
dahil sa mga pamana ng ating mga ninuno.

Sa bahaging ito, aking tatalakayin ang naging epekto ng pananakop ng mga kastila sa mga
pamayanang Pilipino. Ito umano ang nagpasimula ng pagbabago sa lipunan at sa katunayan nga’y
mayroon pa ring silang impluwensiyang umiiral sa kasalukuyang panahon. Gayun nga’y, isang
malaking bahagi ang ginampanan ng reduccion sa pagiistilo ng impluwensiya at kapangyarihan sa
mga Pilipino noon. Mula sa kalat-kalat na mga barangay ay inilipat sa isang lugar na madaling
maabot ng mga paring misyonaryo ang mga Pilipino. Ito ay ang naging paraan nila upang pisikal na
maiayos ang komunidad—dito uminog ang pueblo at kabisera o sentro ng pamayanang kolonyal
kung saan din itinayo ang mga plaza mayor at simbahan na naglalayon upang mas mapabilis ang
kumbersyon ng mga Pilipino sa Kristiyanismo. Sa pagpalaganap nga ng relihiyong Kristiyano,
nagkaroon ng pagtuturo ng mga doktrina tulad ng bautismo na ayon sa kanila’y lunas sa
karamdaman na siyang pinangungunahan ng mga paring agustino, heswita, dominiko, at mga
rekoleto. Sa mga kumbento rin uminog ang edukasyon dahil nagtayo sila ng escuelas parroquiales o
parish schools kung saan itinuturo ang katesismong katoliko. Sa pagdaan ng panahon, nakapag tatag
ng mga colegio na siya namang pinagmulan ng pag ng iba’t-ibang mga sulatin o mga jornal tungkol sa
biyolohiya, botanika, zoolohiya, at medisina.

Sa kabilang banda, ng inorganisa ang mga katutubong pamayanan upang maging pueblo,
nilikha ang isang uri ng pamahalaan na pinamumunuan ng Gobernador y Capitan General na
mismong Hari ng Espanya sa kolonya. Ang mga datu naman ng mga sinaunang barangay ay naging
mga cabeza de barangay o gobernadorcillo ng mga pueblo. Dahil sa pagkakaroon ng isang sistema
ng pamahalaan, naipatupad ang pagkolekta sa tributo, pati na rin ang Vandala na naguutos na
ipagbili ng mga magsasakang Pilipino ang kanilang mga ani sa pamahalaan, ang Polo y servicios na
nag-uutos sa mga Pilipinong may edad labing anim hanggang apat na pu upang magtrabaho sa loob
ng apat na pu’t na araw. Ang kalakalang galyon ay nakatulong din sa pag-unlad ng ekonomiya,
ngunit ito rin ay nagdulot ng kultural na pagbabago sa mga Pilipino. Ito ang nagsilbing tagapagdala
ng mga impluwensiyang pangkanluran sa bagong kolonya ng Espanya sa Asya tulad ng Pilipinas na
siya namang nahahati sa mga materyal o tangible at di-materyal o intangible na uri ng pamanang-
yaman.
Bagamat marami ang nabago at nadala sa impluwensiya ng mga kastila, mayroon pa ring
mga tutol sa kolonyalismo na siyang nagpasimula sa pag-aalsa ng mga Pilipino. May tatlong pag-
aalsa ang natukoy at una rito ang mga taong labas o mga kontra-sentro na siyang lumihis at piniling
manatili sa mga lugar na hindi naaabot ng “tunog ng kampana”. Hindi man direktang tumutol o
gumamit ng puwersa ang grupong ito, ang kanilang pag-iwas, paglihis, pagtiwalag, pagbubukod,
pagsasagubat at pamumundok ay nagpapakita ng pagtutol sa kolonyalismong dulot ng mga kastila.
Sunod dito ay ang mga katutubo o mga etnolinggwistikong grupo sa kabundukan ng Cordillera at
Moro sa Mindanao na siyang nagpakita ng walang humpay na pagtutol sa kapangyarihang kolonyal.
At panghuli ay ang mga pag-aaklas sa pagitan ng taong 1565 at 1872 sa iba’t ibang kapuluan ng
Pilipinas na siyang sinasabing dulot ng pagkawala ng prekolonyal na kapangyarihan, mga isyu sa
relihiyon at pagbabalik sa natibismong relihiyon, oposisyon sa kolonyal na paniniil na dala ng mga
institusyong kolonyal at mga usapin sa pagmamay-ari ng lupa. Ang mga pagaaklas na ito ang patunay
na may mga Pilipinong mataas ang pagpapahalaga bansang sinilangan. Kaya naman, hindi
masasabing naging ganap ang pananakop sa mga Pilipino.

Bilang isang mamamayang Pilipino na may pagpapahalaga sa bayang sinilangan, mahalagang


pag-aralan ang mga pangyayaring nagbuklod sa mga Pilipino na siyang sama-samang naghimagsik
laban sa kolonyalismong bumihag sa bansa. Sa pag-alam ng mga ito, mas napatitibay at
napayayabong ang ating pagiging nasyonalistiko na siya namang nagpapalawak ng ating kamalayan.

Sa ilang taong pamamalagi ng mga kastila sa Pilipinas, maraming mga pagbabago ang
naranasan ng mga Pilipino sa lipunan. Mula sa reduccion at pagtanggap sa Kritiyanismo na siyang
lubos na nagpabago sa buhay nila—hindi pa rin ganap na nasakop ang bansa dahil sa mga grupong
nagpasimula ng mga kilusang naglalayong labanan ang pwersa ng espanya upang makamit natin ang
kalayaan. Gayun nga’y nagkaroon ng sekularisasyon na siyang naglalayong mabago ang lipunan.
Makikita dito ang naging tunggalian ng mga mga prayle na siyang naging haligi ng kolonyalismong
Espanyol para sa ebanghelisasyon at kolonisasyon bilang mga misyonero, mga pari ng maraming
parokya sa kapuluan, at may-ari ng mga hacienda, laban sa mga paring sekular na nag proprotesta
sa patakaran ng estadong kolonyal na pabor sa mga prayle. Kabilang dito ang tatlong paring martyr
na namumuno sa kilusang sekularisasyon, sina Fr. Mariano Gomez, Fr. Jose Burgos at Fr. Jacinto
Zamora o mas kilala bilang GomBurZa. Sila ay binitay dahil sa pagaakusa ni Gobernador Heneral
Rafael Izquierdo na sila umano ang nanguna sa pagpatay sa mga sundalong kastila sa nangyaring
pag-aalsa ng mga sundalong Pilipino sa Cavite.

Dahil dito, mas lalong umalab ang pagnanais ng mga Pilipino upang makalaya sa kamay ng
Espanya. Kaya naman ipinagpatuloy ng mga estudyanteng Pilipino sa Europa ang pagkilos para sa
pagbabagong politikal at pang-ekonomiya ng bansa. Sila ay nag-aral ng medisina, abogasya,
iskulutra, pagpipinta at inhinyeriya sa iba’t ibang unibersidad sa Europa na siyang nagpamulat sa
kanila sa ideya ng liberalismo at nasyonalismo. Ngunit kinailangan nila ng pondo para
maisakatuparan ang kanilang reporma, kaya naman noong 1888, naitatag sa Manila ang Comite de
Propaganda o La Propaganda para lumikom ng pondo sa mga gawain sa Espanya at upang isulong
ang mga reporma tulad ng representasyon sa Cortes, pagkapanta-pantay ng mga Pilipino at
Espanyol, pagbibigay ng mga parokya sa mga paring sekular at pagpapatalsik sa mga prayle. Noong
parehong taon, naitatag din ang La Solidaridad sa Barcelona na nagsilbing malaking bahagi sa
pagsulong ng kalayaan sa pamamahayag, pagkakapantay sa batas, pakikilahok sa pamahalaan, at
kalayaang panlipunan at pulitikal. Ilan sa mga naging ilustrado ay sina Graciano Lopez Jaena, Marcelo
del Pilar, Mariano Ponce at Jose Rizal. Ngunit hindi nagtagumpay ang propagandang ito dahil kulang
sa pondo at nagkaroon ng di pagkakaunawaan sa mga kasapi.

Kaya naman may mga nagpasyang umuwi sa Pilipinas na may hangaring imulat ang mga
kamalayan ng mga Pilipino. Isa na rito si Jose Rizal na nagtatag ng La Liga Filipina ngunit kalauna’y
naipatapon sa Dapitan. Sinubukan pa itong ipagpatuloy ni Andres Bonifacio ngunit hindi rin
nagtagumpay at tuluyan ngang nagwakas. Ngunit ang pagwawakas nito ay hindi nangahulugang
tapos na rin ang pagsulong sa reporma. Pinangunahan nga ni Andres Bonifacio ang pagtatatag sa
isang sikretong samahan na tinawag nilang Kataastaasan Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak
ng Bayan o KKK. Kabilang sila Deodato Arellano, Ladislao Diwa, Ventin Diaz, Jose Dizon at Teodoro
Plata sa mga naunang kasapi nito. At noong 1896 nga ay pinangunahan ni Bonifacio ang pagsalakay
sa Maynila na siyang naghudyat sa Himagsikang Pilipino na natapos pagkalipas ng dalawang taon ng
ideklara ni Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas mula sa kamay ng Espanya noong June 12,
1898. Isang taon ang nakalipas, naitatag ang Unang Republika ng Pilipinas kasabay ang Pagkakatatag
ng Kongreso ng Malolos. Ngunit hindi rin ito nagtagal dahil sa Treaty of Paris na pinagkasunduan ng
Espanya at Amerika na nagpasiklab naman ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Ito ay nagtagal ng
tatlong taon at natapos sa pagdakip kay Emilio Aguinaldo sa Palanan Isabela. Ngunit hindi agad
lubos na naging malaya ang mga Pilipino noon. Taong 1946 ng maisabatas ang Tydings–McDuffie
Act pa lamang nakamtan ang tunay na kalayaan sa bansa.

Ating mapapansin dito ang naging progreso ng kamalayang nasyonalistiko. Mula sa pagiging
kolonya ng espanya, unti-unting namulat at nagkamalay ang mga Pilipino na siyang nagdulot ng mga
pag-aaklas at kilusan tungo sa pagkamit ng kalayaan. Makikita kung papaano nagtulungan ang mga
mamamayan hindi lamang upang bawiin ang bansa at mga teritoryong tunay nating pagmamay-ari,
ngunit higit sa lahat, upang matigil ang mga pang-aalipusta sa mga Pilipino. Hindi naman sila nabigo,
at ngayon nga’y ating tinatamasa ang biyayang handog nito. Ngunit kalakip ng biyayang ito ay ang
responsibilidad sa bayan. Bilang mga Pilipinong mulat sa panahong ito, dapat malawak din ang ating
kamalayan sa mga pangyayaring pang-lipunan. Hindi dapat tayo nagbubulag-bulagan at nagbibingi-
bingihan sa mga daing sa bansa. Hindi dapat binibigyan ng espasyo ang mga pang-aapi at pang-
aalipusta sa lipunan. Dahil hindi lamang kalayaan ang inilaban noon—kundi ang mga Pilipinong
pinaghirap ng kolonyalismo. Bigyan natin ng boses ang mga pinipi at binusalan nang sa gayo’y sabay-
sabay tayong makasisigaw para sa pagbabago ng sistema tungo sa pag-unlad ng mga pamayanang
Pilipino.

You might also like