Professional Documents
Culture Documents
Araling Panlipunan 8
Ikatlong Markahan - Modyul 5 at 6
Ikalawang Yugto ng
Kolonyalismo (Imperyalismo)
Pag-usbong ng Nasyonalismo
sa Europa at iba’t ibang
bahagi ng daigdig
Himagsikang Ruso
Isa sa mga himagsikang nakagimbal sa daigdig ang rebolusyon
ng mga Ruso na naganap noong unang bahagi ng ika-20 siglo.
Bago nagkaroon ng himagsikan, ang Russia ang
pinakamalaking burukrasya sa mundo. Kontrolado ito ng mga
maharlika at pulisya. Magsasakang nakatali sa lupa ang apat sa
bawat limang Ruso, walang karapatan at laging nakabaon sa utang.
Maging ang mga industriya ay nasa ilalim ng pamamahala ng czar.
Nakahikayat sa mga manggagawa ang pagtatayo ng mga
pagawaan upang pumunta sa mga bayan at lungsod. Dito sila
nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral. Dahil sa paghihigpit ng
pulisya, lumikas ang mga intelektwal na Ruso patungo sa
kanlurang Europe at doon nila nakatagpo ang mga disipulo ni Karl
Marx at Friedrich Engels. Nagtatag ang mga ito ng dalawang
partido.
Nagkaroon ng alitan ang pinakamasugid na tauhan- sina Josef
Stalin at Leon Trotsky-tungkol sa kahalili ni Lenin at kung aling
alituntunin ang dapat sundin ng Russia. Si Trotsky ang may
paniniwalang dapat ikalat agad ang komunismo sa pamamagitan ng
rebolusyong pandaigdig.
Samantala, ayon naman kay Stalin, hindi ito napapanahon
dahil mahina pa ang Russia. Nagtagumpay si Stalin at napilitang
tumakas si Trotsky. Nanirahan siya sa Mexico at doon namatay
noong 1940.
Pinasimulan ang October Revolution ng mga komunistang
Soviet. Sa unang pagkakataon, nagkaisa ang mga Ruso, nagapi ang
mga czar at nagwakas ang aristokrasya sa bansa. Napalitan ito ng
diktadurya ng Partido Komunista. Noong Unang Digmaang
Pandaigdig, sumanib ang bansa sa Alyado. Noong 1923, naging
Soviet Union ang pangalan ng bansa. Namatay si Lenin at naghari si
Stalin.
Nasyonalismo sa Latin America
Ang bawat isa sa 20 bansa sa Latin America ay pinamayanihan
ng makabansang damdamin. May ilang mga tao ang nagkakamaling
tawaging bansa ang Latin America. Hindi ito nakapagtataka.
Maraming mga Latin Americans ang nagsasalita ng Espanyol at
Katoliko Romano ang pananampalataya.
Pagtapos makamit ng Estados Unidos ang kanilang kalayaan sa
Great Britain, nag-alsa ang mga lalawigan sa Latin America laban sa
Spain. Nagkabuklod-buklod sila sa kanilang pagkamuhi sa
awtokrasyang Espanyol, katiwalian sa pamahalaan, walang
kalayaang magpahayag ng mga batas na naghihigpit sa
pangangalakal.
Pagkakaiba ng Lahi Bilang Salik ng Nasyonalismo
Halos lahing Europeo ang populasyon ng mga bansa sa Latin
America tulad ng Argentina, Uruguay, Costa Rica at Chile. Ang
populasyon ng iba Ecuador, Peru, Bolivia at Paraguay ay halos
American Indians. Sa Dominican Republic, itinuturing ang ibang
lahi na mababang uri. Ang populasyon ng Brazil ay lahing Aprikano,
Indian at mga nanggaling sa Portugal, France, Spain , Germany at
Italy. Maraming Europeo ang naninrahan sa ibang bansang Latin
America ngunit sa Brazil lamang nagkaroon ng pag-asawahan ng
iba’t ibang nasyonalidad.
Ang mga Creole
Tinatawag na Creole ang mga ipinanganak sa Bagong Daigdig
na may lahing Europeo. Minamaliit ang mga bansang Latin America
na creole ang populasyon, tulad ng Argentina na may populasyong
Indian at iba’t-ibang lahi. Sa magkahalong populasyon, kasama ang
mga mestizo (Espanyol at Indian), zambo (Indian at ibang lahi) at
mulatto (puti at ibang lahi).
Ang pagkakaiba sa wika ang nagbigay ng kakaibang katangian
sa mga bansang Latin America. Halos lahat ng Latin Amerikano ay
nagsasalita ng Espanyol. Ngunit ang mga taga-Brazil ay nagsasalita
ng Portuges. Ang mga taga-Haiti ay nagsasalita ng Pranses at
maraming Indian ang nagsasalita ng kanilang katutubong wika
Hindi tulad ng 13 kolonya sa Estados Unidos, nag-alsa ang mga
kolonya ng mga Espanyol sa iba’t ibang panahon at sa ilalim ng iba’t
ibang pinuno. Nais ng mga bagong republika na mabigyang –halaga
ang kanilang naiambag gayundin ang kanilang mga bayani. Sa Latin
America gumamit ang mga rebolusyonaryo ng dahas sa mga
katiwalian ng monarkiya laban sa republika. Nagbigay-diin ito sa
mga pagkakaiba ng mga Latin Amerikanong bansa. Maraming
himagsikan ang nagpasiklab sa kanilang pambansang pagkamuhi.
Mga Sagabal sa Nasyonalismo
Maraming naging sagabal sa pag-unlad ng nasyonalismo sa
Latin America. Naging pansarili ito kaya maraming mahihirap at
mangmang ang hindi nakikilahok sa mga makabayang pag-aalsa
noong nagsimula ang ika-19 na siglo. Pinaghati-hati ng mga haring
Espanyol sa kanilang mga paborito ang malalaking lupain at
nagsisilbi lamang sa mga estado ng mga maharlikang Espanyol.
Marami ang nakabaon sa utang kaya sila’y nanatiling nakatali sa
lupa at sa pagkakaalipin. Nakilalang peones ang mga taong ito. Ito
ang uri ng piyudalismong umunlad sa Latin America at nakasagabal
sa kanilang nasyonalismo. Sa mga bansang Latin Amerikano,
napabayaan ang nasyonalismo sapagkat matagal na panahon bago
nagkaroon ng panggitnang uri ng lipunan. Itinuturing na mababang
uri ng gawain ang pangangalakal o iba pang gawain. Higit na
mahalaga sa kanila ang pag-aari ng lupa, kaya marami sa kanila
ang mahihirap. Pumunta ang mga Espanyol sa Bagong Daigdig
hindi upang magtayo ng tahanan o magparami ng pamilya kundi
upang magkamit ng kayamanan. Maraming mga Indian ang pinilit
na maghanap ng ginto sa mga minahan ng Mexico at Peru. Ang
katutubong tao sa Peru, Ecuador at Bolivia ang tumira sa bundok
upang malayo sa pamamahala ng banyaga.
Si Bolivar- ang Tagapagpalaya
Isang creole na nagngangalang Simon Bolivar ang nagnais na
palayain ang Timog Amerika laban sa mga mananakop. Siya ay si
Simon Bolivar. Ang pagnanais na ito ay pagpapatuloy lamang sa
mga nasimulan ni Francisco de Miranda, isang Venezuelan. Ang
huli ay nagalsa laban sa mga Espanyol noong 1811 ngunit hindi
siya nagtagumpay na matamo ang kalayaan ng Venezuela mula sa
Spain.
Noong 1816, namatay na may sama ng loob si Miranda sa isang
bartolina ng mga Espanyol. Matapos nito’y pinamunuan ni Bolivar
ang kilusan para sa kalayaan sa hilagang bahagi ng Timog Amerika.
Noong 1819, pagkatapos na mapalaya ang Venezuela, ginulat niya
ang mga Espanyol nang magdaan sa Andes ang kaniyang hukbo.
Ang tagumpay niya ay humantong sa pagtatatag ng Great Colombia
(ang buong hilagang pampang ng South America). Tinawag siyang
tagapagpalaya o liberator at pagkatapos, naging pangulo. Limang
taon ang nakalipas, tinalo ng kaniyang heneral, si Antonio Jose de
Sucre, ang mga Espanyol sa labanan ng Ayacucho sa Peruvian
Andes.
Kung si Bolivar ang naging bayani sa South America, si Jose de San
Martin (1778-1850) naman ang sumunod sa pagtataboy sa mga
Espanyol sa Argentina. Katulad din ni Bolivar, namuno si San
Martin sa kaniyang grupo sa Andes.
Tumulong ito sa liberasyon ng Chile, gayundin sa Peru.
Mayroon din siyang heneral na tulad ni Bernard o’Higgins, isang
Chileno.
Naging malungkot ang mga huling taon ng buhay ni Bolivar.
Maraming tao ang naghinala na nais niyang maging diktador.
Binalak naman ng iba na patayin siya. Nasira ang kanyang
pangarap na magtayo ng isang nagkakaisang South America nang
mahati ito sa tatlong republika- ang Venezuela, Colombia at
Ecuador.
Nasyonalismo sa Africa
Ang Sahara ang naghihiwalay sa Black at Caucasoid Africa.
Ang mga kayumangging Bushman ng Kalahari at ang mga Pygmy
ang sinasabing unang tao sa Africa. Naitaboy sila ng mga higit na
maunlad na mga lahing Itim sa kanluran at mga Bantu sa silangan.
Hindi naglaon, nakipamuhay sila sa mga Bushman at Pygmy.
Binuo ang mga lahing Puti ng mga mangangalakal na Arab, mga
Asyano at mga Europeo. Lumikha ang pakikisalamuha ng kulturang
masalimuot. Samantalang ang Putting minorya (dalawang bahagdan
ng populasyon) ay nagtatamasa sa kayamanan ng Africa, ang
nakararaming lahing Itim (98 bahagdan ng populasyon) ay
naghihirap.
Magtatapos na ang ika-18 siglo ay wala pang gaanong
nalalaman tungkol sa Aprika na dati'y tinatawag na madilim na
kontinente. Bago pa lamang nagsimula ang panahon ng pananakop
ay nakuha na ng France ang Algeria. Matapos ang taong 1874, ang
France at Italy ay sabay na naghangad sa katabing lupain ng Tunis.
Nagmadali ang Italya at marami ang lumipat ng tirahan sa Tunis,
kaya't sa katapusan higit ng malakas ang France kaysa sa bago pa
lamang nagkakaisang Italya, at ang Tunis ay napasama sa Imperyo
ng France.
Upang maghilom ang sugat ng pagkatalo ay kinuha naman ng
Italy ang paligid ng Tripoli. Pinag-awayan rin ng France at Germany
ang Morocco at muntik nang humantong sa isang digmaan. Ang
kolonyang ito ay hindi lubhang mayaman sa mga mina. Ang Algeria
lamang ang mahalagang pinanggagalingan ng phosphate na gamit
bilang pataba ng lupa. Marami rin sa mga Pranses ang naninirahan
sa mga lupaing ito at ang mga katutubo ay natuto ng mga kaugalian
ng mga tagaEuropa kaya naging magandang pamilihan ito ng mga
produktong galing sa France.
Samantala, ang Great Britain ay may mahalagang dahilan sa
pagnanais nitong masakop ang Egypt. May malawak na taniman ng
bulak dito at kilala ang bulak sa Ehipto sa mahaba at malasedang
sutla nito. Pangalawa ay ang Suez Canal, na nagpatipid ng 4,000
milyang paglalakbay patungong India. Nagsimulang masakop ito
nang ang hari ng Egypt ay nangailangan ng malaking halaga upang
mapabuti ang pagkakayari ng Suez Canal. Ngunit ang malaking
bahagi ng salaping ito ay ginamit lamang ng hari sa sariling
kapritso. Upang makabayad sa mga hiniram na salapi ay napilitang
ipagbili ng Egypt ang karapatan sa Suez Canal sa Great Britain.
Noong 1882 ay nagkaroon ng kaguluhan laban sa mga Ingles at
Pranses.
Napilitang magpadala ng hukbo ang dalawang bansa upang
mapangalagaan ang kanilang mga mamamayan. Nang magkaroon
ng katahimikan, ang mga tagapayong Ingles ay nagmungkahi na
ipaubaya ang kanilang pamahalaan sa kanilang pinagkakautangan.
Hindi napilit ng Great Britain ang mga katutubo na gamitin ang
wikang Ingles. Hindi rin nila napalitan sapagkat ang bansang Egypt
ay may makasaysayang tradisyon at kabihasnang ipinagmamalaki.
Ngunit naging matagumpay na rin ang Inglatera sa pagsakop sa
Egypt. Ang kanal o daang tubig sa Suez ang nagpaikli ng daan
patungong India at tinaguriang "pag-asa ng Imperyo ng Britanya".
Ang gitnang grupo ng Afrika ay hindi gaanong kilala ng mga taga-
Europa. Marami sa mga ilog doon ay malalakas ang agos at lubhang
mapanganib at ang mga gubat ay madilim at maraming hayop na
naglipana. Nagkaroon lamang ng kaalaman dito nang marating sa
Gitnang Afrika ang isang misyoneryong Ingles na si David
Livingstone. Noong 1854, ginalugad ni Livingstone ang Ilog Zambesi
at siya ang unang puti na nakamasid sa magandang talon ng
Victoria, na ipinangalan niya sa Reyna ng Inglatera. Nakita rin niya
ang lawa ng Nyasa at Tanganyika. Dito na siya inabot ng
pagkamatay dahil sa sakit na karaniwan sa pook na tropikal.
Marami sa mga mangangalakal ang nakabatid sa kayamanang
makukuha sa Congo na maaaring magamit ng mga kalakal na
nagmumula sa mga gubat gaya ng ivory o garing na galing sa
elepante, at goma na napipiga mula sa katas ng puno ng goma. Sa
karurukan ng pananakop, ang pagkakalat ng relihiyon, ang
pambansang ambisyon, at mga pangkabuhayang pangangailangan
ang nagbunsod sa mga taga-Europa upang pag-agawan ang Gitnang
Afrika. Sa loob lamang ng tatlumpung taon, ang mga pook na dati'y
hindi kilala ng tao ay naangkin na lahat ng mga kanluraning bansa.
Ang pinakamalaking bahagi ng Congo Basin ay nakuha ng Belgium
sa pamumuno ng pinakatusong mangangalakal sa Europa, si
Haring Leopoldo, hari ng Belgium noong 1885. Ang ibang bahagi ay
pinaghatian ng France, Britanya, Germany, Portugal at Italy.
Ang kontinente ay pinaghati-hatian at binalangkas ang ekonomiya
sangayon sa sarili nilang kapakanan. Sila ay nagtayo ng mga daang
bakal at industriya upang mapangalagaan ang kanilang
kapangyarihan. Ang pagkakaiba-iba ng mga kultura ng mananakop
ang siyang naging dahilan ng magkakaibang pag-unlad. Bago
nagsimula ang 1914, tatlo lamang ang malayang bansa sa Africa-
Ethiopia, Liberia at Republika ng South Africa. Sinasabing
nagsimula ang una sa pamamahala ni Haring Solomon (970-931
BCE) at ng Reyna ng Sheba. Itinatag ang ikalawa noong 1810 sa
tulong ng America at ipinangalan kay Pangulong James Monroe ng
Estados Unidos ang kabisera na Monrovia. Naging kasapi ng British
Commonwealth of Nations ang ikatlo noong 1910.
Lumaganap ang nasyonalismo pagkaraan ng Ikalawang
Digmaang Pandaigdig. Maraming bansa ang naging malaya nang
walang karahasan. May mga bansang dumanak ng dugo bago
nakamtan ang kalayaan tulad ng Congo (Zaire) at Algeria. Ang
Rhodesia at Nyasaland ang naging Zimbabwe at Malawi. Lumaya
ang Angola, Mozambique at Guinea Bissau noong 1975. Sa
kasalukuyan, maraming proyekto ang isinasagawa upang umunlad
ang mga bansa gaya ng mga patubig, paaralan, pagawaan, reporma
sa lupa, transportasyon at komunikasyon, subalit marami pa ring
suliraning nakahadlang sa lubusang pag-unlad ng kontinente. Ang
apartheid o diskriminasyon ng mga Aprikano ay isa sa mga ito.
Kailangan din ang puhunan at mga inprastraktura para sa
kaunlarang pang-ekonomiya. Halos lahat ng bansa sa Afrika ay
nagtamo ng kanilang kalayaan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang
Pandaigdig. Subalit maraming mga bansa ang hindi pa lubusang
handa sa naturang kalayaan. Ilan sa mga maraming suliranin ng
mga bansang Aprika ay ang sumusunod:
1. Kakulangan ng kaalaman ukol sa pagsasarili;
2. Kakulangan ng mga sinanay na tao ukol sa pamamahala ng
bansa; 3. Kahirapan ng maraming tao na nabubuhay sa kahirapan
at marami ang namamatay sa sakit at gutom;
4. Mataas ang antas ng kamangmangan kayat maraming tao ang
hindi marunong sumulat at bumasa; at
5. Pagiging matapat sa tribo kayat laganap pa rin ang alitan sa
pagitan ng iba’t ibang tribo at sa pagitan ng mga tribo at ng
pamahalaan. Ang mga suliraning ito ay unti-unting nalulutas sa
pagtulong na ginagawa ng mayayamang bansa sa Europe at ng UN o
Samahan ng Bansang Magkakaanib. Darating ang pagkakataon na
ang mga bansang ito ay makikilala sa mukha ng daigdig bilang mga
malalakas at mauunlad na bansa.