BSCE 2-4 Panitikang Filipino Lason at Sakit Pilipino bilang isang Pilipino sa panahon ng mga kastila, ito ang laman ng akdang Tandang Basyo Macunat na isinulat ng isang padre na si Miguel Lucio y Bustamante noon kaalinsabay ng pananakop nila sa Pilipinas. Una’t unang mapapansin dito ay kakaibang estilo ng pagkakasulat sa kwento. Ito ay gumagamit ng tila lumang pamamaraan ng pagbaybay ng mga salita at katulad ng inasahan mula sa isang lumang babasahin ay gumagamit ito ng mga konteksto na mula sa panahon na ito’y isinulat. Kung kaya naman ay naging dagdag na hamon ito sa mambabasa para mas lubos na maintindihan ang nilalaman ng maikling kwento. Muli, ang akda ay umiikot tungkol sa isang nagngangalang Tandang Gervacio Macunat o mas kilala sa bansag na Tandang Basyo at sa kwento mula sa yumao niyang ama. Sa kwento ay ipininakita kung paanong ang isang pamilyang matiwasay ay binuklod ng magkaibang pasya. Ang isang kilalang pamilya na kinabibilangan nina Don Andres Baticot o Cabesang Dales, ang haligi ng tahanan, ang asawa nito na si Donya Maria o si Cabesang Angi, at kanilang mga anak na sina Felicita o Pili, ang panganay na babae, at si Prospero o Proper, ang kapatid nito na tumayong pokus ng kwento. Ito ay umiikot kung paanong magmula sa isang matiwasay na pamumuhay ay naghirap ang mga pamilya baticot. Habang nagpapatuloy ang kwento ay mababakas ang mga sumunod – una ay kung paanong pinipiit na ang mga indio noong panahon na yon ay itali sa mga tinuturing na mababang gawain tulad ng pagsasaka, at pangalawa naman ay kung paanong tila balikad sa akda na ang isang pari ang naghihikayat upang tumuklas at mag-aral ang mga indio ng wikang kastila na ginagamit at talamak noon. Ako ay magsisimula sa unang puntong aking nabanggit. Bilang argumento, ay hindi maipagkakailang hanggang sa panahon ngayon ay itinituring na mababang uri pa rin ng trabaho ang mga gawaing nakakabit sa pagsasaka o sa alin mga mga trabahong may kinalaman sa pagbubukid. Mula dito ay idiniin kong ang ganitong uri ng hanapbuhay ay marangal at hindi nararapat na ituring bilang isang mababang gawain lamang. Ang katotohanan nga’y nararapat na makatanggap ng atensyon ang ganitong uri ng pagtingin sa ating mga magsasaka. Kung iisipin ay napakalayo na ng ating narating, mahabang panahon na ang lumipas simula nang maisulat ang akda ngunit ganito pa rin ang ating ideolohiya. Masasabi kong hindi lamang sa mga dayuhan ang problema kung ‘di sa atin rin mismong mga Pilipino. Kung sa haba ng panahong lumipas ay tila ba hindi nagbabago ang ating pananaw pagdating sa ating mga magsasaka ay masasabi kong isa itong sakit na dapat na lunasan. Sakit na maaaring magamot kung magbabago ang ating mga pananaw at mas tatanggapin at pahahalagahan ang bawat dugo’t pawis na inilalaan ng ating mga magsasaka para makarating ang mga pagkain sa ating mga hapagkainan. Ikalawang punto naman na nais kong ilahad dito sa aking sulatin ay tila ba kataka-taka na isang pari ang naghihikayat na mag-aral ang mga indio. Kung pagbabasehan ang konteksto nito ay maalalang pati sa mga sulatin ni Rizal ay ayaw na ayaw ng mga Kastila na matuto ang mga Pilipino ng kanilang wika dahil ayaw nilang malaman natin ang kanilang mga transaksyon, mga panlalait nila sa ating mga Pilipino, at patuloy na planong pananakop gamit ang iba’t ibang pamamaraan. Isa pang punto na maaaring iugnay sa naunang argumento na aking inilahad ay mababa ang tingin nila sa atin upang tayo ay kanilang hikayatin na matuto. Magmula sa mga bagay na iyan na aking nabanggit ay nais kong salungatin ang bahaging ito ng akda na tila ba ay nagsilbing bida ng kwento ang kastilang na siyang sumulat ng kwento. Matatawag ko itong paggamit ng “reverse psychology” para lumabas na takot lamang tayong mga Pilipino na tumuklas kahit na binibigyan tayo ng pagkakataon kahit ang katotohana’y matagal nang uhaw sa pagkatuto ang mga Pilipino. Hindi ba’t nagmukhang bahag ang ating buntot sa mga bahaging ipinapakita ang pagpigil ni Pili sa pagluwas ng kanyang kapatid. Hindi lang sa bahaging iyan kundi pati na rin ang paggiit ni Tandang Basyo na hindi para sa atin ang pagkatuto. Masasabi ko na kaya ito nasamantala ng mga Kastila ay bunga rin ng isa pang masasabi kong sakit ng mga Pilipino. Dito papasok ang pangatlo at pinakamalaking puntong gusto kong bigyan ng pansin sa akda. Itong bahagi na ito ay hindi lamang talamak noong unang panahon kundi sa panahon ngayon at masasabi kong ugat ng ibang mga problema na kinakaharap ng bansa, ng bawat pamilya, at lalo na ng mga kabataang nagnanais matuto at sumabay sa nagbabagong panahon. Ito ay tatawagin kong lason ng kalayaan. Kung mapapansin sa kwento ay tila ba perpekto ang pamilyang Baticot, sila ay inilarawan bilang binubuo ng mga miyembro na mababait at kilala sa kanila bilang malapit sa Diyos, ngunit ito ay ginusot ng mga pagkakataon. Ito ay mula lumuwas si Prospero sa Maynila. Ito ay natututo ng mga kalayawan, nakatikim ng kalayaan. Si Proper ay nalason ng kalayaan sa bunga ng kakulangan ng disiplina sa sarili at kawalan ng kontrol. Magmula ng makatikim ito ng karagdagang luwag sa sarili ay natuto na itong magsinungaling sa kanyang mga magulang, maging sa kanyang Ate Pili. Ang dating malapit sa simbahan ay naging isang tamad na maninimba. Sa kabuuan ng puntong ito, bakit ko nga ba nasabi na lason ang kalayaan? Paano nangyaring ang kalayaang matagal na ninanais ng mga Pilipino ay itinuring isang lason na siya ring gumapo sa atin? Kung pagbabasehan ang mga kaganapan, kaya naging lason ang kalayaan sa ating mga Pilipino dahil kulang tayo sa disiplina. Tinignan ko si Prosper sa lente ng isang representasyon mga Pilipino noon at ngayon. Ang kawalan ng disiplina at kontrol sa sarili, pagiging ganid, paglimot sa pinagmulan ay mga sakit nating mga Pilipino. Sa kasalukuyang panahon, talamak ang mga ganid na tao sa pamahalaan na masasabi kong dahilan ng kawalang katiyakan sa pag-unlad ng bansa. Kapag nakatikim ng kalayaan, sa iba’t ibang paraan man, ay pakiramdam ata ni Juan dela Cruz ay siya napakamakapangyarihan na. Nagagawang kalimutan maging ang pamilya, maging ang pagmamahal sa bansa, lalo na ang tunay na layunin at esensya ng kalayaang natanggap. Kung hindi magagamot at hindi magiging disiplinado ang mga Pilipino ay magpapatuloy itong mapasa sa mga susunod pang henerasyon at patuloy na gagapi sa ating mga mismong mamamayan ng bansang Pilipinas. Sa kabuuan, gamit ang mga argumentong aking nailahad ay masasabi kong may sakit pa rin ang mga Pilipino na dapat bigyan ng pansin at lunasan. Nakakalungkot lang isipin na sa kabila ng pagkakataong naibigay sa atin ay imbis na pasulong ay naging paurong ang takbo naging takbo ng buhay ng mga Pilipino. Ang kalayaan ay naging lason, ang mga pagkakataon ay nasayang. Napakaraming pwedeng matutunan mula sa mga akda na may kinalaman sa ating mga Pilipino katulad na lamang ng Tandang Basyo Macunat. Kung susuruing mabuti, marami pa tayong panahon para magmuni-muni, mas alamin ang tunay na lagay ng ating bansa, nating mga mamamayan, at higit sa lahat ay baguhin ang mga kamaliang laganap sa lipunan. Kung magiging wais lang si Juan, mas malawak ang pag-intindi sa mga bagay, magiging disiplinado, at mas magpapahalaga sa kanyang pinagmulan ay gagaling at maghihilom ang sakit na ating iniinda.