You are on page 1of 27

Aralin 1

Ano ang Panitikan?

Mga Layunin: Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay dapat na:

1. naipaliwanag ang mga konseptong may kaugnayan sa kahulugan ng panitikang Filipino;


2. natukoy ang kahalagahan ng panitikang Filipino sa pamumuhay ng bawat Filipino;
3. naihambing ang tradisyunal na panitikan at kontemporaryong panitikan; at
4. patuloy na naipakita ang pagpapahalaga sa panitikang Filipino sa pamamagitan ng
aktibong pakikilahok sa lahat na mga talakayan at gawain.

Talakayin Natin
Ano ang panitikan o literatura?

Ang salitang literatura ay mula sa Kastila na tinumbasan ng panitikan sa Filipino.


Nanggaling ang salitang panitikan sa unlaping pang- na nagiging pan- (alomorp) kapag ang
kasunod na salitang-ugat ay nagsisimula sa alinmang titik na d, l, r, s, at t; sa salitang-ugat na
“titik” na nawawala ang unang titik nito sa pagkakasunod sa unlaping pan- at dinagdagan ng
hulaping –an. Dito nabuo ang salitang panitikan na katumbas sa Ingles ng literature na batay
naman sa Latin na litera na nangangahulugang letra o titik.

Ang mga akdang pampanitikan ay isang mahalagang asignaturang itinuturo sa mga


paaralan. Nakatutulong ang mga ito upang higit na matutunan ng mga mag-aaral ang tungkol
sa kabutihan para sa sarili at iwasan ang mga gawaing masasama.

Sa panitikan makakatas ang mga akdang sumasalamin sa samu’t saring kaisipan at


damdamin ng tao na nakukulayan ng iba’t ibang kaganapan sa kanyang buhay. Sa panitikan din
masisinag ang kultura at kabihasnan ng isang lahi at nahuhubog ang pagkatao at kaasalan ng
mamamayan. Sa madaling salita, naghahayag ang mga akdang pampanitikan ng buhay,
pamumuhay at ikinabubuhay ng mga tao sa isang bansa o ng isang pangkat/tribo

Kahulugan ng Panitikan

1. Ang panitikan ay pagpapahayag ng damdamin ng mga tao hinggil sa mga bagay- bagay
sa daigdig, sa pamumuhay, sa lipunan, sa pamahalaan, at sa kaugnayan ng kaluluwa sa
Bathalang Lumikha. Ang paraan ng pagpapahayag ay iniayos sa iba’t ibang karanasan
ng mga tao, lagay ng kanilang kalooban at kaluluwa na nababalutan ng pag-ibig o poot,
ligaya o lungkot, pag-asa o pangamba.

2. Ang panitikan ay ulat na nagpapakilala ng pagkukuro at mga damdamin ng lahi nito. Sa


panitikan ng isang bansa mababakas ang mga kaisipan at mga bagay na nilulunggati,
kinahuhumalingan o kinasusuklaman ng lahi nito. Ang pagbabago sa kabuhayan ng
isang bansa ay nakaiimpluwensiya sa panitikan nito (Lalic & Matic, 2004).

3. Panitikan ang tawag natin sa lahat ng uri ng pahayag – nakasulat man ito, binibigkas o
kahit ipinahihiwatig lang ng aksiyon ngunit may takdang anyo o porma katulad ng tula,
maikling kwento, dula, nobela, at sanaysay. Nakikilala natin na ang isang pahayag ay
may katangiang pampanitikan kapag ito ay may anyo at gumagamit ng wikang
sinasadyang bigyang-anyo bilang pahayag.

4. Ang panitikan ay nagsasabi o nagpapahayag ng mga kaisipan, mga damdamin, mga


karanasan, hangarin at diwa ng mga tao. At ito rin ang pinakapayak na paglalarawan
lalo na sa pagsulat ng tuwiran o tuluyan at patula.

Ano ang Panitikang Filipino?

Ang panitikang Filipino ay pahayag na pasalita o pasulat ng mga damdaming Filipino


tungkol sa pamumuhay, pag-uugaling panlipunan, paniniwalang pampulitika, at
pananampalatang niyakap ng mga Filipino.

Bakit Mahalagang Pag-aralan ang Panitikang Filipino?

1. Upang makikilala ang kalinangang Filipino, malaman ang ating minanang yaman ng
kaisipan at taglay na katalinuhan ng lahing ating pinagmulan.

2. Tulad ng ibang lahi sa daigdig dapat nating mabatid na tayo'y may dakila at marangal na
tradisyon na ating ginawang sandigan ng pagkabuo ng ibang kulturang nakarating sa
ating bansa.

3. Upang matanto natin ang ating mga kakulangan sa pagsulat ng panitikan at


makapagsanay upang maging matuwid at maayos.

4. Upang makilala at magamit natin ang mga kakayahan sa pagsulat at magsikap na ito’y
malinang at mapaunlad pa lalo.

5. Ang pag-aaral ng iba’t ibang panitikan ay nakapagpapalawak ng imahinasyon at


nakapagpapabuti sa paraan ng pagbabasa at pagsusulat.

6. Ang pag-aaral ng panitikan ay nakatutulong upang mararanasan na makita ang buong


mundo.

7. Sinasalamin din ng panitikan ang pagkakaiba at pagkakapareho ng pamumuhay ng


mga tao sa iba’t ibang lugar. Binibigyan tayo nito ng kaalaman tungkol sa iba’t ibang
kultura, pinahuhusay din nito ang kakayahan natin sa pakikipag-usap sa iba.

8. Ang pagkamulat ng kamalayan sa pag-aaral ng panitikan ay naglilikha ng sariling


paniniwala, opinyon at pananaw ng isang tao. Ang mahuhusay na akda ay tumutulong
upang mapalawak ang karanasan ng isang tao.

9. Dahil sa panitikan, nakapag-iisang damdamin ang tao sa kapwa at nagbibigay daan sa


pag-unawa sa kung anuman ang kanilang nararamdaman sa isang sitwasyon o
pangyayari. Ang panitikan ay parang isang mahabang tulay na nagdudurugtong sa
sangkatauhan.
10. Higit sa lahat, bilang mga Filipinong nagmamahal sa sariling kultura ay kailangang
maipamalas ang pagmamalasakit sa ating sariling panitikan.

Ano ang Kontemporaryong Panitikan?

Ang kontemporaryong panitikan ay tumutukoy sa uri ng panitikang moderno o


makabago. Ilan sa mga kilalang panitikang kontemporaryo ay yaong mga nakikita, nababasa, at
naririnig sa popular na kultura o panitikang popular, na siyang pinapalawig ng makabagong
teknolohiya, tulad ng internet at telebisyon. Kontemporaryo rin ang panitikan sapagka’t
sinasalamin nito ang pamumuhay ng kontemporaryong lipunang Filipino.

Maririnig na sa kasalukuyan na nakapagpapahayag na ng tunay na niloloob nang


walang takot o pangamba ang mga tagapagsalita sa radyo at mga lumalabas sa telebisyon.
Marami na sa panahong ito ang mga komentarista sa radyo at telebisyon kung saan pawang
laman ng bibig ng mga ito ang hayagang pagpuna nila sa mga gawain ng mga nasa pwesto.
Naging malikhain at malaya ang mga palabas sa radyo dahilan kung bakit nagkaroon ng
napakaraming genre ng mga programa kasama na rito ang mga reality programs, fantaserye,
anime atbp.

Dahil sa kontemporaryong panitikan:

1. marami ang sumubok sumulat gamit ang saring bernakular. Namulat ang mga Filipino
sa kahalagahan ng Wikang Pambansa;

2. mas mayaman ang pinagkukunan ng paksang sinulat. Malaki ang impluwensiya ng


agham at teknolohiya. Nagbabago ang mga wikang ginagamit;

3. ang mga panitikan sa kasalukuyan ay naglalaman ng halos walang kakimiang


pagpapahayag ng tunay na damdamin ng mga makata; tulad ng:

a. kanilang mga tuwirang panunuligsa sa mga panunungkulang may tiwaling gawain;


b. pagpuri sa mga nakagagawa ng kabutihan; at
c. makabagong damdamin/emosyon na nararamdam.

Ano ang anyo, hugis at kulay ng kasalukuyang panitikan?

Ang wika ng panitikan sa kasalukuyang panahon ay chat, facebook, tweet, Instagram,


blog, jejemon, unli, website, usb, e- mail, download, wifi, connect, burn, scan, cd atbp. Ito ay
mga salitang karaniwan nang ginagamit ngayon sa ating wika sa kasalukuyan at masasabing
dulot ng teknolohiya na ginagamit na rin sa mga akdang pampanitikan. At dahil parte na ng
ating buhay ang teknolohiya, mabilis ang pagbabagong idinulot nito sa buhay at lipunan. Mabilis
din ang pagbabago sa papel na ginagampanan ng impormasyon sa ating trabaho, buhay, at
pag-iisip.

Sa kasalukuyan ay umuunti na ang bilang ng mga panitikang Filipino na tumatatak sa


mga utak ng mga Filipino, lalo na sa ating kabataan. Madalas ay galing Amerika o ibang bansa
ang mga panitikang nagagamit ngayon, kaya naman ay bumababa ang tingin ng mga tao sa
mga likhain ng mga dating kamay ng bansang ito. Nakalimutan na ang halaga, pati na rin ang
galing ng ating mga manunulat, direktor at artistang nagbibigay karangalan sa wika at
panitikang Filipino.

Sa panahon ngayon ay mapapansin din ang mabilis na paglaki ng kabataan, kasama


rin nito ang mabilis na paglimot sa likhang gawa ng Filipino. Mababatid na sumasabay ang
panitikan sa modernisasyon ng mundo, sa pabago-bagong aspekto ng teknolohiya at internet.
Ang modernisasyong ito ang nagluwal sa makabagong anyo sa pamamaraan ng pagtula,
pagkukuwento at iba pang anyo ng panitikan.

Nariyan ang mga kuwentong isinulat at anyo ng isang bidyo na may kaagapay na
musika habang binabasa kung saan dito sumikat si Marcelo Santos III, na mayroon na ngayong
dalawang nailimbag na libro.

Nariyan ang mga lupon ng maiikling tula. Nariyan ang lumalagong panitikan ng spoken
word poetry o pagbigkas na patula sa bansa kung saan naging tanyag si Juan Miguel Severo
na tinataguriang “Prinsipe ng Hugot”. At nariyan din ang battle rap na pinabantog ng Flip Top
Battle League na ipinagpalagay na makabagong anyo ng balagtasan.

Dahil din sa internet, mas naging malapit o accessible ang mga akda , tula at sulatin ng
mga manunulat sa maraming mambabasa. Katulad na lamang sa mga kwento sa Wattpad na
kalaunan nailimbag bilang mga aklat at naisapelikula.

Nariyan ang mga social networking site na nagsisilbing plataporma ng mga manunulat.
Ang makabagong anyo ng pamamaraan sa pagkukuwento ang nagpalapit sa bituka ng
henerasyon ngayon o tinatawag na mga milenyal sa kultura ng pagbabasa. Internet din ang
tinutukoy na isa sa mga dahilan ng kawalan ng interes ng mga milenyal sa mga panitikan dahil
mas nahuhumaling ang sila ngayon sa mga banyagang akda at ibang anyo ng panitikan.
Aralin 2

Ang mga Sinaunang Filipino:

Pinagmulan ng mga Lumang Akdang Panitikan

Mga Layunin: Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay dapat na:

1. nakilala ang mga sinaunang Filipinong pinagmulan ng mga akdang panitikan;


2. naihanay nang tama ang mga ambag na akdang panitikan ng mga sinaunang Filipino; at
3. nailahad nang malinaw ang mga naubong ideya hinggil sa mga sinaunang Filipino.

Ang mga Negrito o Ita

Ang kauna-unahang mga nanirahan sa Filipinas ay ang Negrito o Ita. Sinasabi ng


kasaysayang ang mga taong ito’y dati-rating nanirahan sa Tsina ngunit nang magkaroon ng
pagsabog ang mga bulkan sa ilalim ng dagat ay nagkawatak-watak ang mga gilid ng lupa ng
Tsina at ang sumabog na lupa’y naging Filipinas. Kaya’t noon, ang lupang Filipinas ay bahagi
ng Tsina. Mapapatunayan daw na magkatulad na magkatulad ang mga unang Ita sa Filipinas at
ang mga nuno ng mga Intsik. Sila’y naninirahan na sa Filipinas mula pa noong 25,000 taon.
Walang sariling kulturang masasabi ang mga Ita. Walang silang nalalaman sa agham, sa
paghahanapbuhay, sa pamahalaan, sa sining, sa pagsulat at sa pamumuhay. Sa panitikan ay
wala silang nalalaman kundi ilang awitin at pamahiin. Ang kanilang kasangkapan ay busong at
panang ginagamit sa paghanap ng makakain. Sa ngayon, sila’y sa mga bundok naninirahan
ngunit natuto na rin ng ilang bahagi ng kulturang Filipino.

Ang Pagdating ng mga Indonesyo

Ang mga Indonesyo ay nakarating sa Filipinas may 8,000 taon na ang nakaraan. Ang
unang sapit ng mga Indonesyo ay may lahing Mongol at Kaukaso kaya’t sila’y mapuputi at
manila-nilaw ang mga balat. Matatangkad at balingkinitan ang kanilang katawan. Walang
masasabing gaanong kultura ang kanilang dinala dito liban sa sila’y marunong nang mamahay
nang sarili, marunong magtanim ng mga halaman at marunong nang mangisda. Pagkaraan ng
4,000 taon ay dumating naman ang ikalawang sapit. Iba ang mga hitsura nito kaysa mga unang
Indonesyong nandarayuhan sa atin. Ang mga ito’y mabubulas at matipuno ang mga katawan
ngunit maiitim sapagkat bago sila nakarating dito’y nagdaan muna sila sa Papua, ang bansa ng
mga Negro at sila’y napangasawa ng mga ito. Tumira sila roon ng may isang libong taon. Ang
mga Indonesyong ito’y nakahihigit ng kalinangan kaysa doon sa una. Sila’y may sarili ng
sistema ng pamahalaan, may mga hanapbuhay, marunong magluto ng pagkain at may dalang
panitikang gaya ng epiko, kwentong bayan, mga alamat, mga pamahiin at pananampalatayang
pagano. Sila ang mga ninuno ng Ifugao.
Ang Pagdating ng mga Malay

Tatlong pangkat ng mga Malay ang nakarating sa Filipinas. Ang unang pangkat ay
nakarating dito noong humigit-kumulang sa 200 taon bago namatay si Kristo at 100 taon
pagkamatay ni Kristo. Ang mga Malay na ito’y nagdala ng kanilang pananampalatayang pagano
at mga awiting panrelihiyon. Sila’y nangatira sa kabundukan ng Luzon at sila ang mga ninuno
ng mga Igorot, Buntok at Tinguianes.

Ang ikalawang pangkat ay dumating dito mula noong 100 hanggang 1,300 taon
pagkamatay ni Kristo. Sila ang mga ninuno ng mga Tagalog, Bisaya, Ilokano, Pangasinan,
Ibanag, Kapampangan, Bikolano at iba pa. Sila’y may dalang wika alpabeto, awiting bayan,
kwentong bayan, mga alamat at mga karunungang-bayan. Ang mga ito bagamat mga tubong
Malaysia ay kung saan-saan nanggaling na mga kalapit bansa gaya ng Borneo, Malacca at
Indonesya at pagdating sa Filipinas ay kumalat sila sa iba’t ibang lalawigan ng Luzon at Bisaya.
Sila ang nagdala ng barangay.

Ang ikatlong pangkat ay ang mga Malay na Moslem. Nagsidating sila rito noong 1,300
taon at 1,500 taon at sila ang mga ninuno ng mga Moslem. Nanggaling sila sa Malaysia at
nanirahan sa Mindanao at Sulu. Nagdala sila rito ng epiko alamat, kwentong bayan at ng
pananampalatayang Moslem.

Ang mga Intsik

Ang mga Intsik ay nakarating sa Filipinas sa pagitan ng ikatlo hanggang ikawalong siglo.
Marami sa kanila ang mga nanirahan sa baybayin ng Batangas, Quezon, Sorsogon, Samar,
Silangan Mindanao, Palanan, Marinduque at Mindor. Ang mga Intsik ay nagdala ng kanilang
wika, kaya’t mahigit sa 600 salitang Intsik ay bahagi na ng wikang Filipino. Ang mga salitang
gusi, susi, mangkok, talyasi, kawali, inso, kuya, diko, sangko at mga iba ay nanggaling sa Intsik.
Ang ilang kaugaliang sosyal ay galing din sa kanila gaya ng panggalang, pagkakalapit at
pagkakaisa ng pamilya at katipiran. Ang paglalagay ng bangkay sa gusi bilang kabaong ay
isang kaugaliang dinala rito kaya’t sila’y tinawag na manggugusi. Ang Filipinas ay nasakop ng
mga Intsik noong taong 1405 hanggang 1417 noong panahon ni Yonglo. Si Cheng Ho, ang
mananalakay na Intsik ang sumalakay sa Pangasinan, Mindoro, Sulu at Maynila at ang
Filipinas ay nagbayad ng buwis noon sa Tsina. Nang mamatay si Cheng Ho ay nanghina ang
kapangyarihan ni Yonglo. Kaya’t napabayaan na ng Tsina ang Filipinas. Sila ang nagbigay ng
pangalang Luzon o Lusong sa pinakamalaking pulo sa Filipinas.

Impluwensiya ng mga Bumbay

Ang mga Bumbay o Hindu ay nakarating sa Filipinas noong ikalabing dalawang siglo.
Sila’y nandarayuhan muna sa Indonesya bago nakarating sa Filipinas. Ang unang sapit ng mga
Bumbay ay nanggaling sa Borneo at sila’y nagdala ng pananampalatayang Budismo, epiko, at
mahiya. Ang ikalawang sapit ay nanggaling sa Java at Borneo din noong ikalabing-apat na
siglo, noong panahon ng Imperyo ni Madjapahit. Nagdala sila ng pananampalatayang
Bramanistiko at panitikang epiko, awiting bayan, at liriko. Marami ring salitang Bumbay o Hindu
na bahagi na ng wikang Filipino. Ang mga ito’y guro, bansa, mukha, likha, hukom, dukha at iba
pa.

Mga Arabe at Persiyano

Dumating ang mga mangangalakal na Arabe sa Filipinas noong ika-12 siglo, ngunit ang
nagdala ng pananampalatayang Muslim ay ang tinatawag na “Hadramaut Sayyids”, mga
misyonerong Arabe na nanggaling sa Malaysia at dumating sa Filipinas noong ika-16 siglo.
Kasama nila ang maraming mga nangangalakal na Arabe at Persiyano, sila’y nanirahan sa
Mindanao at Sulu. Nagdala rin sila ng mga epiko, alamat, kwentong bayan at dula.

Impluwensiya ng Imperyo ng Madjapahit.

Ang Imperyo ng Madjapahit na ang pinakasentro ay Java sa Indonesyo ay naging


napakamakapangyarihan at maraming mga kalapit bansa ang nasakop. Kabilang dito ay Indo
Tsina, Cambodia, Siam, Anma, Tonkin at Filipinas. Ang mga bansang ito’y nagkalapit-lapit at
nagkapalitan ng mga kalakal at kultura. Kaya’t ang Filipinas ay nagkaroon ng impluwensiya ng
mga bansang nabanggit lalo na sa panitikan. Ang mga kwentong bayan ng Cebu, Panay,
Negros at Palawan ay katulad ng mga kwentong bayan ng mga nabanggit na mga bansa.

Ang Imperyo ng Malacca

Sa pagbagsak ng Imperyo ng Madjapahit ay ang Imperyo naman ng Malacca ang


naging makapangyarihan sa Silangan. Ito’y imperyong Muslim na lumaganap sa Borneo, Luzon
at Mindanao. Nagtatag sila ng pamahalaang pinamumunuan ng mga Sultan o Rajah. Tumagal
ang kapangyarihan ng Malacca ng may 20 taon mula noong 1430 hanggang 1450. Sa mga
baybayin ng mga lalawigan Batangas, Rizal, Mindoro, Laguna, Quezon at Lanao, naninirahan
ang mga Muslim na ito. Sinasabing ang karaniwang pahayag na “Allah-eh” sa Batangas ay
impluwensiya ng Imperyo ng Malacca.
Aralin 3

Mga Anyong Tuluyan

Mga Layunin: Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay dapat:

1. naisa-isa ang mga anyo ng panitikan na nauuri sa tuluyan;


2. naihambing ang paraan at kaanyuan ng panitikan;
3. naipaliwanag ang katangiang taglay ng bawat anyo ng panitikang tuluyan; at
4. nasuri ang mga halimbawa ng anyong panitikan na tuluyan.

Talakayin Natin

Anumang anyo ng panitikan, ito’y naililipat-lahi o naipapamanang-tuto sa bawat


henerasyon alinsunod sa pagbabago at pag-unlad ng panahon (Arrogante et al. 2004). Nauuri
ito ayon sa mga sumusunod na paraan:

a. Pasalindila o pasalita /pabigkas kung saan bukambibig o nalilipat-lipat-isip ang mga


akda. Ito’y sa paraang pagsasaawit, pagsasakwento, pagsasatula na namememorya ng
karamihan.

b. Pasalinsulat o pasulat na naipasa ang mga akda sa pamamagitan ng Alibata o


matandang alpabeto ng mga sinaunang Filipino at sa kalaunan ay naipremta at
nailimbag na ang naisasatitik na kaalamang lahi.

c. Pasalintroniko o paelektroniko ang pinakabagong paglilipat ng kaalaman dulot ng


teknolohiya. Nagiging makulay at komplikado ang paraan ng pagtatala at pagsasalin ng
panitikan dahil sa mga kagamitang audio-visual. Katulad na lamang ang mga malayang
pagpapahayag ng mga akda gamit ang radyo, telebisyon at pelikula na mas masining
dahil halos lahat ng uri ng sining, musika, sayaw, arkitektura, fotograpiya, pintura at iba
pang kauri ay nagpasama-sama. Sa kasalukuyan, mas higit itong kinahuhumalingan ng
madla lalo na ng kabataan kaysa pagbasa dahil bukod sa napakamalikhain at
napakasining ay napakamakatotohanan pa ang mapanlibang at mapangaral na
pagtunghay dito.

Naipapahayag ang panitikan ayon sa mga sumusunod na kaanyuan:

a. Patula ang anyo kung may taludturan at saknungan. Maaaring may sukat at tugmaang
pantig sa hulihan na sumusunod sa tradisyunal o makalumang anyo ng akdang tula;
malaya na walang sukat at tugma (free verse); o di kaya’y may tugmaan ngunit walang
sukat o kabaligtaran. Taglay ng tula ang tugmaan dahil layunin ng makata na mapanatili
ang aliw-iw o kagandahan sa pandinig sa pagbigkas nito.

b. Patuluyan naman ang anyo ng akda kung ito’y nahuhulma sa pamamagitan ng mga
talata na binubuo ng mga pangungusap. Kabaligtaran ito ng anyong patula dahil madali
itong basahin at unawain, di tulad ng patula na kailangan ng malawak na kaalaman sa
mga talinghaga.
c. Patanghal ang anyo ng akda kapag ito’y isinasadula o itinatanghal sa entablado.
Tinatawag din itong drama o dula. Ang mga dayalogong naisusulat ay maaaring patula o
patuluyan. Pasalitaan o padayalogo ang paglalahad nito na karaniwang nahahati sa
yugto na maaaring iisahin, dadalawahin o tatatluhing yugto, ang kabuuan. Tagpo naman
ang tawag sa bumubuo ng yugto.

URI NG AKDA AYON SA ANYONG TULUYAN, KATANGIAN AT MGA HALIMBAWA

1. Alamat- kwento o salaysay na nagsasalamin ng mga matatandang kaugaliang Filipino,


kadalasan ay naglalahad ng pinagmumulan ng ngalan ng bagay, pook o pangyayari.
Mayaman na nito ang mga Filipino bago pa dumating ang Kastila. Ito’y naisasaling-bibig
mula sa mga kauna-unahang Filipino hanggang sa ngayon. Nag-iiwan ng mahahalagang
kaisipan ang mga ito sa mga mambabasa, maliban sa naidudulot nitong giliw sa pagbasa
ng mga pangyayaring hindi makatotohanan o kapani-paniwala. Ilan sa mga halimbawa ng
alamat:

Alamat ng mga Tagalog:


Alamat ng Bigas
Alamat ng Hayop na Nagkapakpak para Lumigaya ang Bulaklak
Alamat ng Bundok Pinatubo

Ang Pinagmulan ng Makapuno- Apayao


Ang Sakim na Unggoy- Ilocano
Bakit Maliwanag ang Araw kaysa Buwan- Pampanga
Ang Unggoy at Pagong- Tinggianes, Cordillera
Ang Batik ng Buwan- Cebuano
Ang Unang Unggoy- Bikol
Alamat ng Bulkang Mayon- Bikol
Alamat ng Bundok Kanlaon- Negros
Ang Pinaggalingan ng Pulo ng Bisayas- Visayas
Alamat ng Iloilo
Ang Makasaysayang Siete Islas de Peccado- Iloilo
Bakit Mataas ang Langit- Tiruray, Mindanao
Ang Buwan at ang mga Bituin- Bukidnon
Ang Unang Mag-asawa- Mandaya, Davao
Ang Pinagbuhatan ng Eklipse- Maranao
Ang Unang Lalaki at Babae- Bagobo

Alamat ng Bulkang Mayon

Ang Mayon na isa sa pinakamagagandang bulkan sa Pilipinas ay ipinagmamalaki ng


mga taga-Albay. Pero paano nga ba nagkaroon ng Bulkang Mayon?

Ayon sa isang matandang alamat, sa Albay ay may isang kagalang-galang na raha na


sinusunod ng lahat. May anak itong dalaga na hinahangaan dahil sa pagtataglay nito ng
kagandahan at kabaitan. Daragang Magayon ang kilalang bansag sa anak ng raha. Daraga na
nangangahulugang dalaga at magayon na ang ibig sabihin ay maganda.

Sapagkat ubod ng ganda, maraming binata ang dumadayo pa sa Albay makita lamang
ang anak ng raha. Kabilang sa mga mangingibig ni Daragang Magayon ay mga binatang anak
ng mga raha rin mula sa Camarines Del Norte, Camarines Del Sur, Catanduanes at Sorsogon.

Bagama't kalat na kalat sa kabikulan ang nababalitang kariktan ni Magayon, pinagtiyap


lang ng pagkakataon kung bakit nalaman din ng isang binatang mula sa napakalayong lugar sa
katagalugan ang kahali-halinang kagandahan. Ang binata ay si Ulap na anak ni Raha Tagalog
ng Quezon. Isa siyang abenturerong manunudla ng mga hayop gubat kaya siya pinadpad sa
kabikulan.

Minsang nakatulog siya sa kagubatan ay ginising siya ng halakhakan ng mga


kadalagahan mula sa batis ng Rawis. Nakita niyang naglulunoy sa malinaw na tubig ang
magagandang dilag. Pinakamaganda rito si Daragang Magayon. Hindi nagpakilala si Ulap sa
inibig na kaagad na dilag. Sapagkat nalaman ng binatang buwan-buwang naglulunoy ang
magkakaibigan sa batis ay pinagsasadya niya ang nasabing lugar upang masilayan lamang ang
pinakamamahal. Sa tuwing nagsisiahon ang mga dalaga sa kristal na batis ay gustung-gusto na
sanang makipagkilala ni Ulap kay Magayon subalit nag-aalala siyang baka sabihing siya ay
pangahas.

Minsang napansin niyang may mga binata ring nakipaligo sa bukal Rawis ay nakiligo na
rin si Ulap. Sa sobrang pagmamahal kay Magayon ay sinikap niyang mapansin siya ng dalaga.

Naging madalas ang pakikilunoy ni Ulap sa mga kabinataan upang mapalapit lamang
kay Daragang Magayon.

Minsang nagpapahinga na sa talampas si Ulap at paakyat na ang dalaga ay napansin


ng binatang isang malaking ahas ang umuusad papalapit sa damuhang nilalakaran ng kaniyang
diyosang sinasamba. Patakbo siyang sumaklolo at sa isang kisapmata ay natagpas ang ulo ng
ahas na nagkikisay sa paanan ni Daragang Magayon. Laking pasasalamat ng dalaga.

Iyon ang pagkakataon upang makipagkilala na si Ulap sa dalaga. Lagi at lagi na silang
nagkikita. Mga sariwang prutas lang ang inihahandog nito sa kaniya. Akala ni Daragang
Magayon na ordinaryong mamamayan lang si Ulap sa kanilang bayan. Wala kasi itong yabang
sa katawan.

Nang masukol sa kuwentuhan ay naipagtapat niyang anak din siya ng sikat na si Raha
Tagalog sa Tayabas.

Lalong humanga sa pagpapakumbaba ni Ulap si Daragang Magayon.

Naikumpara niya ang binata sa manliligaw niyang si Iriga, matandang balong pinuno ng
Camarines Sur. Pawang nagkikinangang alahas ang inihahandog nito sa kaniya. Magarbong
matanda si Raha Iriga na kinatatakutan ng lahat pagkat kilala ito sa kawalan ng katarungan,
raha ng mga magnanakaw at puno ng kasamaan.

Nagkaibigan si Ulap at si Daragang Magayon. Upang patunayan ang pagmamahal sa


dalaga ay pinagsadya niya sa kaharian ang ama nito at malakas na itinulos ang matulis na sibat
bilang pagpapatunay sa masidhi niyang pagmamahal kay Daragang Magayon. Iyon ay
paghamon din sa sinumang nais magpahayag ng pag-ibig kay Daragang Magayon. Humanga
sa tapang ni Ulap si Raha Makusog. Nag-usap sila. Ipinagpaalam ng binatang papupuntahin
ang mga magulang niya upang pormal na hingin ang kamay ni Daragang Magayon upang sila
ay makasal sa lalong madaling panahon. Pumayag ang mabait na ama ni Magayon. Bago
sumagot ay nagpasya na si Raha Makusog na isauli na ang lahat ng alahas na handog ng
ganid na si Raha Iriga.

Nakarating kay Raha Iriga ang nalalapit na pamamanhikan at kasalan.

Habang papauwi si Ulap upang sunduin ang mga magulang ay nilusob ni Raha Iriga
ang baranggay ni Raha Makusog.

Bilang benggansa, binuhay niya bilang alipin si Raha Makusog at itinakda ang kasal
nila ni Magayon sa pagbibilog ng buwan. Nagpakatanggi-tanggi ang dalaga subalit tuso si Raha
Iriga. Ipapapatay daw niya ang ama kung hindi pakakasal sa kaniya ang dalaga. Kumagat sa
patalim si Daragang Magayon na dasal nang dasal na sana ay dumating na ang binatang
pinakamamahal.

Naghahanda na sa maringal na pamamanhikan si Ulap at ang mga magulang nang


makarating sa binata ang balitang sinapit ni Magayon. Galit na galit na isinama niya kaagad ang
mga kawal. Ang paghaharap ni Ulap at Raha Iriga ay tunggalian ng lakas sa lakas. Sapagkat
katarungan ang ipinakikipaglaban kaya lalong lumakas si Ulap na sa huling malakas na taga ay
napatay ang Raha ng Kasamaan. Tuwang-tuwa si Daragang Magayon na patakbong yumakap
sa tagapagtanggol. Sapagkat napagitna ang magkasintahan sa mga kawal na nagdidigmaan ay
di napansin ni Daragang Magayon ang ligaw na sibat na tumama sa dibdib niya. Natulala si
Ulap na sumapo at yumakap sa mahal niyang diyosa. Napakabilis ng pangyayari. Hindi na
nakapagpaalam pa ang magandang dalaga. Sa isang kisapmata ay sinugod naman ng
tagapagtanggol ni Iriga si Ulap. Tumagos sa dibdib ng binata ang may lasong sandata. Nang
makita ni Raha Makusog ang katampalasanan ng alipin ay tinagpas niya ang ulo ng buhong.

Nagapi sa digmaan ang ilan sa mga tauhan ng ganid na raha. Ang karamihan na
naniniwala pa rin sa katarungan, kapayapaan at pag-iibigan ay nagsiluhod at pumayag na
paampon sa mga matatapat na kawal ni Raha Makusog na inalalayan ng mga mandirigma ni
Ulap mula sa katagalugan.

Bagama't nauwi sa pagdadalamhati ang kasalan ni Ulap at ni Daragang Magayon ay


nagyuko na lang ng ulo si Raha Makusog bilang pag-alinsunod sa itinakda ni Bathala.
Bilang pagbibigay pahalaga ng ama sa nag-iisang anak, pinagsama niya ang
bangkay ng magsing-irog sa lugar na malapit sa batis Rawis na unang pinagtagpuan ng
dalawa.

Ang lugar na iyon na pinaglibingan kay Daragang Magayon ay kapansing-pansing


tumataas taun-taon. Sa kinatagalan ay lumaki ito nang lumaki at naging isang bundok. Bilang
pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig na inialay kay Daragang Magayon, ito ay tinawag na
Bundok ni Daragang Magayon na ngayon ay naging Mayon.

Sa panahong tila humahaplos ang maninipis na ulap sa tuktok ng bundok, sinasabi ng


mga matatanda na hinahagkan ni Ulap ang pisngi ni Magayon. At kapag marahang dumadaloy
ang ulan sa gilid ng bundok, iyon daw ay pagluha ni Ulap na nangungulila sa pagmamahal na
hindi nabigyan ng katuparan.

May mga taga-Bicol na naniniwala pa rin sa nagngangalit na kaluluwa ni Raha Iriga.


Sinasabi nilang sa pagnanais nitong makuhang muli ang mga alahas na inihandog kay
Magayon ay nag-aapoy ang bulkan ng Mayon.

Iyan ang alamat ng Bulkang Mayon.

2. Mito o Mulamat- kwento o salaysay tungkol sa pinagmulan ng sansinukuban, kalipunan ng


iba’t ibang paniniwala sa mga diyos at diyosa, kwento ng tao at ng mga mahiwagang nilikha.
Halos magkatulad sa alamat. Ang mga sumusunod ay mga halimbawa nito:

Si Maria Makiling- Tagalog


Ang Pinagmulan ng mga Wikain- Tagalog
Ang Pagkakalikha ng Diyos sa Kahinaan ng Tao kaya Kinakapitan ng mga Sakit- Bilaan.
Mindanao
Ang Mapanumpa at Mainggiting Diyos- Bilaan. Mindanao

Mga ngalan ng mga diyosa sa mitolohiyang Filipino:

Anion tabo diyosa ng hangin at ulan

Apolaki diyosa ng digmaan

Bathala o abba Pangunahing diyos

Hanan diyos ng mabuting pag-aani

Idionale diyos ng mabuting gawain

Libugan Ang nangangasiwa sa pag-aasawa


Limbongan Nagtatanod sa pagsilang sa isang buhay

Limoan Ang nangangasiwa kung paano mamamatay

Mapolan masalanta Patron ng mangingibig

Tala diyosa ng pang-umagang bituin

Patianak Tagabantay sa lupa

3. Kwentong bayan- ito’y naglalarawan ng mga kaugalian, pananampalataya at mga suliraning


panlipunan ng panahong yaon. Malimit itong maririnig noon sa mga kasayahan, pagtitipon at mga
lamayan. Karamihan sa mga ito ay hindi nagtataglay ng ngalan ng may-akda lalo na’t pasalindila
lamang ang uring ito. Mga halimbawa ng kwentong bayan:

Ang Pakikipagsapalaran ni Juan Pusong


Si Juan Tamad na’y Matakaw Pa
Si Juan Tamad at ang Kura
Si Lolo Jose at ang Kapre
Ang Trahedy sa Makopa
Si Pusong at ang Sultan
Ang Lalaking may Tatlong Maybahay

Tunghayan ang halimbawa sa ibaba.

Naging Sultan si Pilandok

Ang kinagigiliwang Juan ng Katalugan ay may katumbas sa mga Maranao na si


Pilandok

Dahilan sa isang pagkakasalang ginawa ni Pilandok, siya ay nahatulang ikulong sa


isang kulungan at itapon sa gitna ng dagat.

Makalipas ang ilang araw, ang sultan ay nanggilas nang makita si Pilandok sa kanyang
harap na nakadamit ng magarang kasuotan ng sultan. Nakasabit sa kanyang beywang ang
isang kumikislap na ginintuang tabak.

“Hindi ba itinapon ka sa gitna ng dagat?” nagtatakang usisa ng sultan kay Pilandok.


“Siya pong tunay, mahal na sultan.” “Paanong nangyaring ikaw ay nasa harap ko ngayon at
nakadamit ng ganyan? Dapat at patay ka na ngayon?” ang sabi ng sultan. “Hindi po ako
namatay, mahal na sultan, sapagkat nang sumapit po ako sa ilalim ng dagat ay nakita ko po
ang mga aking mga ninuno. Sila po ang nagbigay sa akin ng mga salapi, ginto at pilak,”
paliwanag ni Pilandok. “Sino po ang magnanais na mamatay sa isang kahariang masagana sa
lahat ng bagay.”
“Siguro’y nasisiraan ka na ng ulo,” tugon nang ayaw maniwalang sultan. “Nalalaman ng
lahat na walang kaharian sa ilalim ng dagat.” “Kabulaanan” sagot ni Pilandok. “Bakit po ako
naririto ngayon? Ako na ipinatapon ninyo sa gitna ng dagat. Ako na ikinulong pa ninyo sa hawla
ay naririto ngayon sa inyong harapan at kau-kausap pa ninyo, ang pagpapatunay ni Pilandok.
Mayroon pong kaharian sa ilalim ng dagat at sa gitna ng dagat.” Umakmang aalis si Pilandok
upang magbalik na muli sa kaharian sa ilalim ng dagat. “Ako po’y aalis na at marahil hinihintay
na ako ng aking mga kamag-anak.”

“Hintay”, sansala ng sultan ka Pilandok. “Isama mo ako at nais kong Makita ang aking
kanunu-nunuan, ang sultan ng mga sultan at iba ko pang mga kamag-anak.” “Hindi po maaari
iyan,” sagot ni Pilandok. “Mag-isa kayong pupunta roon sa loob ng isang hawla”.

“Kung gayon ilagay mo ako sa loob ng hawla at itapon mo ako sa gitna ng dagat.”
Tumindig ang sultan upang patunugin ang gong upang tumawag ng ilang kampon ngunit
sinansala siya ni Pilandok. “Huwag po kayong tatawag kanino man kung nais ninyong Makita
ang inyong mga ninuno. Ang isa pa po’y ano ang mangyayari sa inyong kaharian kung
malalaman nila ang tungkol sa kahariang ito?. Magnanais din sila marahil na makatungo sa
kahariang iyon. Sino ngayon ang mamumuno sa mga maiiwan?” tanong ni Pilandok sa sultan.

Sandaling nag-isip ang sultan at pagkaraan ay pangiting nagwika, “gagawin kitang


pansamantalang sultan, Pilandok. Iiwanan ko ngayon din ang kautusang ikaw ang aking
pansamantalang kahalili.” “Hintay, mahal na sultan”, sansala ni Pilandok. “Hindi ito ninyo dapat
na ipaalam sa inyong mga ministro”. “Ano ang dapat kong gawin?” “Ililihim natin ang lahat na
ito. Basta’t ipagkaloob ninyo sa akin ang inyong singsing, korona at espada. “Pag nakita ito ng
inyong kabig, ako’y kanilang susundin.”

Pumayag naman ang sultan. Ipinagkaloob kay Pilandok ang lahat ng kanyang hinihingi
at sila’y tumungo sa may tabing-dagat. Ikinulong ni Pilandok ang sultan sa loob ng isang hawla
at isinakay sa isang lunday. Pagdating sa laot ay inihagis ang hawlang kinalululanan ng sultan
at ang sultan ay namatay. Mula noon si Pilandok ay naging sultan.

4. Pabula- kwento o salaysay na ang mga gumaganap ay mga hayop na nagsasalita. Layunin
nito na itatak sa isipan ng mga mambabasa o nakikinig lalo na ng mga bata ang katapangan,
kagitingan, kagandahang-asal, ang pagkamasunurin sa magulang, pagkamapitagan sa
matatanda, at ang pananampalataya sa Diyos. Isa sa mga kilalang mangangatha nito ay si
Aesop ng Griyego.

5. Parabola- kwento o salaysay batay sa banal na kasulatan na naglalahad ng katotohanang


moral o espiritwal sa pamamagitan ng mga matalinhagang paraan.

Mga halimbawa:

Ang Alibughang Anak


Ang Nawawalang Tupa
Ang Mabuting Samaritano
Ang Sampung Dalaga

Ang Alibughang Anak

May isang mayamang ama’y may dalawang anak na kapwa lalaki. Hiniling ng batang
anak na ang kanyang parte sa kayamanan ng kanyang ama ay ibigay na sa kanya. Nang
makuha na ng bunso ang kanyang mana ay tumungo ito sa malayong bayan at nilustay ang
kabuhayang ipinagkaloob ng ama.

Naubos na lahat ang kanyang salapi. Namumulubi siya at nang wala ng makain ay
inisip nang bumalik sa dating tahanan upang makain man lamang niya ang kinakain ng alila ng
kanyang ama. Gayon na lamang ang galak ng kanyang ama, sinalubong ng yakap at halik ang
bumalik na anak. Inutusan ang isang alila na bigyan ang anak ng pinakamagarang kasuotan,
ipinasuot sa daliri ang isang mamahaling singsing at ipinagpatay ng isang matabang baka.

Namangha ang matandang kapatid nang dumating siya sa kanilang tahanan. Nang
malaman niya ang sanhi ng kasayahan ay nagalit nang gayon na lamang at sinumbatan ang
ama.

“Akong masunurin ninyong anak na buong katapatang naglilingkod sa inyo


ay hindi ninyo naipagpatay kahit isang guya man lamang. Ngayong dumating ang alibughang
anak ninyo ay gugugol kayo nang malaki at magdiriwang.”

Sumagot nang marahan ang ama. “Anak ko, ikaw ang lagi kong kapiling. Ang
lahat ng akin ay iyo. Tayo’y nagsasaya ngayon sapagkat ang kapatid mong namatay ay muling
nabuhay, nakita nating muli ang nawala.”

6. Anekdota-kwento o salaysay na maaaring batay sa tunay na karanasan o hindi, katawa-


tawa at may naiiwang mahalagang kaisipan sa mambabasa.

Ang Malaking Puso ni Pangulong Quezon

Sinasabing may isang binata na nagtatrabaho sa loob ng Malacañang noong nabubuhay


pa ang Pangulong Quezon. Gawing-gawi ng pangulo ang maagang manaog sa lupa at
kakausapin ang mga manggagawang naroroon. Isa sa mga naghuhukay ng lupa ang nilapitan
niya at kinausap. Ito’y isang binata, na namumukod sa kanyang mga kasamahan sapagkat
sila’y pawang matanda na.

“Ano ang pangalan mo?”, ang tanong ng pangulo. Sumagot ang kinausap. “Bakit ka
nagtatrabaho rito? Hindi ka ba nag-aaral?” “Mahirap po ang aking mga magulang kaya napilitan
po akong maghinto ng pag-aaral,” ang tugon ng binata. “Huwag ka nang gumawa riyan,” ang
sabi ng Pangulong Quezon. “Bibigyan kita ng ibang gawain at nang makapag-aral ka.” Gayon
na lamang ang kagalakan sa puso ng binata.
Minsan naman nang ang pangulo raw ay nasa Zamboanga, ang mga nagtatanod ay
nalingat at siya’y nakaahon sa pantalan nang hindi nalalaman. Tigas nilang kahahanap ay hindi
makita ang Pangulong Quezon. Nang sila’y paroon sa pampang ay nakita nila ang pangulo na
nakaupo sa isang malaking bato at nakikipag-usap sa matanda ang Pangulong Quezon, kaya
gayon na lamang ang pagdaing na ginawa. Nasabi pang siya’y tumanda na sa paglilingkod sa
pamahalaan ngunit hayun siya’t isang manggagawang ang kinikita’y kulang pa sa sarili niyang
bibig.

Noon di’y umalis ang pangulo at itinagubilin sa mga nasa pamahalaan sa nasabing pook
na ang matanda’y itaas ng limang baiting sa kanyang pagkakawani ng pamahalaan.

Isa pa ring pangyayaring nababanggit sa mga pahayagan ukol sa yumaong pangulo.


Nang siya raw ay paroon sa Tayabas ay pinilit niyang hanapin ang isang matandang noong
mga unang araw ay nakatulong sa kanya ng malaki. Nang makita ang matanda, at nalamang
ito’y naglalabada lamang upang makakita ng ikabubuhay, ang pangulo ay hindi nagkulang.
Ginantimpalaan ang naturang matanda alang-alang sa kabutihang nagawa niya sa Pangulong
Quezon noong mga nagdaang-taon.

7. Maikling kwento- kwento o salaysay na nag-iiwan ng isang impresyon o kakintalan sa


mambabasa. Ito ay maikli at maaaring matapos sa isang upuan lamang. May kakaunting
tauhan, tagpo at mga pangyayari.

Uri ng Maikling Kwento

a. Salaysay- malawak ang saklaw ng kwento ngunit ang paglalahad sa mga bahagi
(tauhan, pook, panahon) ay maluwag at timbang.
b. Kwento ng Madulang Pangyayari- ang pangyayari sa loob ng kwento ang siyang
nagingibabaw sapagkat dito nasasalig ang magiging katayuan o kalagayan ng mga
tauhan.
c. Kwento ng Pakikipagsapalarang Maromansa- ang balangkas ng kwento ay nakakawili at
siyang nagbibigay-buhay sapagkat tumatalakay sa sunod-sunod at masiglang
pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan.
d. Kwento ng Pag-ibig- ang galaw ng kasaysayan ay umiikot sa pag-ibig, kaya ang
paglalahad sa iba pang mga sangkap ng kwento ay madalian, mababaw at hindi
kapuna-puna
e. Kwento ng Kababalaghan- naglalaman ng mga pangyayaring mahirap paniwalaan
sapagakat salungat sa batas ng kalikasan at nakatuwirang pag-iisip. Ang ganda ng
kwentong ganitong uri ay nasa pananabik na malaman kung paano
mapagtatagumpayan, malulutas o maipapaliwanag ng bayani ang kababalaghang
nagaganap.
f. Kwento ng Katatakutan- matindi ang damdaming nagbibigay-buhay sa kwentong ganito,
sapagkat ang kaisahan ng mga sangkap, napakaikling panahon, iisang pook at iisang
galaw ng pangyayaring pinagbuklod nang mahigpit upang palitawing lalo ang damdamin
ng takot at lagim.
g. Kwento ng Katatawanan- Malaki ang pagkakatulad ng ganitong kwento sa salaysay
sapagkat ang galaw ng mga pangyayari ay magaan, mababaw at maaaring pabago-
bago ang balangkas.
h. Kwento ng Katutubong Kulay- nangingibabaw ang paglalarawan sa isang tiyak na pook:
ang anyo ng kalikasan doon at ang uri, pag-uugali, paniniwala, pamumuhay at
pamantayan ng mga taong naninirahan sa nasabing lugar.
i. Apologo- nagbibigay ng aral sa buhay sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa mga
tauhan at pangyayari sa kwento. Ang pabula ay isang karaniwang anyo nito.
j. Kwento ng Talino- ang balangkas ng ganitong kwento ay isang kalagayang punong-
puno ng suliranin na hahamon sa katalinuhan ng babasa upang lutasin. Kung matalino
ang kumatha ng kwento, maaari niyang ibitin sa pananbik ang bumabasa hanggang sa
katapusan ng kwento.
k. Kwento ng Pagkatao- nangingibabaw ang isang masusing pag-aaral at paglalarawan sa
tunay na pagkatao ng tauhan sa kasaysayan.
l. Kwento ng Sikolohiko- sinisikap na pasukin ng manunulat ang kasulok-sulukang pag-
iisip ng tauhan ng kwento at inilalahad ito sa babasa. Ito ang pinakamahirap sulatin sa
lahat ng kwento sapagkat ang tunay na diwa ay wala sa takbo ng mga pangyayari kundi
sa dahilan na siyang gumagawa ng mga pangyayari, at ito’y malalaman lamang
pagkatapos ng lubos nap ag-unawa sa damdamin at kalooban ng tauhan ng kwento.

Mga Bahagi ng Maikling Kwento

Simula:

a. Mga tauhan- dito malalaman kung sino-sino ang magsisiganap sa kwento at kung
ano ang papel na gagampanan. Ang pangunahing tauhan at iilang kasamang tauhan
b. Tagpuan- dito nakasaad ang lugar na pinangyarihan ng mga aksyon o mga insidente
gayundin ang panahon kung kailan naganap ang kuwento.
c. suliranin- kababasahan ng problemang haharapin ng pangunahing tauhan. Ito ay
lalong magpapatibay sa pagkakahawak ng manunulat sa atensyon ng kanyang
mambabasa na maaasahang hindi titigil hangga’t hindi niya nakikita kung ano ang
naging kalutasan ng suliranin. Ito rin ang nagbibigay-daan sa madudulang tagpo
upang lalong maging kawili-wili at kapana-panabik ang mga pangyayari kayat
sinasabing ito ang sanligan ng akda. Kadalasan ay may tatlong suliraning
hahanapan ng lunas ng pangunahing tauhan na matutunghayan sa kwento.

Gitna:

a. Saglit na kasiglahan- nagsisilbing panghatak o pang-akit sa mambabasa na ituloy ang


kanyang pagbasa. Ito’y naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang
masasangkot sa suliranin.
b. Tunggalian- bahaging kababasahan ng pakikipagtunggali ng pangunahing tauhan sa
mga suliraning kakaharapin na minsa’y ang sarili, ang kapwa o ang kalikasan
c. kasukdulan- dito nagwawakas ang tunggalian. Sa bahaging ito rin madarama ng mga
mambabasa ang pinakamasidhing pananabik sapagkat dito pagpapasiyahan ang
kapalaran ng pangunahing tauhan sa kuwento Sa bahaging ito, unti-unting naaalis o
nakakalas ang sagabal tungo sa kalutasan ng suliranin o tunggalian. Sa kasukdulan
natin nababatid ang katayuan ng tauhan kung siy’a tagumpay o bigo.

Wakas:
a. kakalasan- sa bahaging ito ikakalas ang mga pangyayaring nagpapatong-patong
hanggang makarating sa kasukdulan. Ito ang katapusan ng kuwento at karaniwan itong
nagliliwanag para sa mambabasa ng mga katanungang maaaring naiwan sa kanyang
isip.
b. katapusan- kababasahan ng magiging resolusyon ng kuwento. Maaaring masaya,
malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.

Mga Sangkap ng Maikling Kwento

a. Tauhan. Ang bida sa kwento at ang mga kasamang tauhan na nagpapagalaw sa


mga pangyayari. Ang dami ng tauhan sa kwento ay naaayon sa pangangailangan.
May dalawang uri ng tauhan sa kwento. Ito ay ang tauhang lapad at bilugang
tauhan.

a.1.Tauhang lapad (flat character). Ang mga tauhan sa loob ng kwento ay hindi
nagbabago ang katauhan mula umpisa hanggang katapusan. Bihira lang ang
ganitong uri ng tauhan sa kwento.
a.2. Bilugang tauhan (round character). Kabaligtaran ito ng tauhang lapad dahil
habang umuusad ang mga pangyayari sa kwento ay nagkakaroon din ng pagbabago
sa katauhan ng tauhan.

b. Tagpuan. Tumutukoy sa lugar at panahon na kinagaganapan ng mga pangyayari sa


kwento.
c. Banghay. Binubuo ng mga pinag-ugnay- ugnay na mga pangyayari na
nagpapagalaw sa kwento. Ang mga pangyayari na lumilikha ng mga tunggalian,
pisikal o sikolohikal upang bumuo ng kaisahang kintal o bisa.
d. Tono. Ang namumuong damdamin sa kwento. Mas kaakit-akit kung ang
pinakamalalim na emosyon at damdamin ay mailalahad.
e. Pahiwatig. Mas nakawiwiling basahin ang akda kung may mga di literal na pahayag
na binabanggit ngunit nauunawaan ng mambabasa.
f. Dayalogo. Nagbibigay buhay ito sa kwento. Nakilala ang tauhan sa mga salitang
lumalabas sa kanyang bibig, kasama na rito ang damdaming nais niyang ipabatid.
Ito ang panalitang pangkwento ng tao, o bagay na binigyang buhay at hayop.
g. Simbolismo. Pagbibigay ng kahulugan sa mga literal na bagay, lugar, tao at iba pa.
Nangangailangan ito ng mataas na antas ng pag-unawa ng mambabasa upang
maintindihan ang akda.
h. Tema. Ito ang diwa o ang kabuuang mensaheng tinatalakay sa mga pangyayari na
nais palitawin ng sumulat.
i. Damdamin. Ito ang tagapagkulay ng mga pangyayari sa loob ng kwento.
j. Tunggalian. Ito ang nagbibigay ng kapanabikan dahil naging batayan ito ng aksyon
sa kwento ng tauhan. May mga uri ito:
j.1.Tao laban sa kanyang sarili
j.2. Tao laban sa kapwa tao
j.3.Tao laban sa isang bagay sa kanyang paligid o lipunan
j.4. Tao laban sa kalikasan
k. Pananaw o punto de bista. Ito ang paraan ng pagtana ng manunulat sa kanyang
akda. May mga uri ito:
k.1.Unang panauhang pananaw kung saan ang pangunahing tauhan ang
nagkukwento. Ang bidang karakter ay ay ginagamitan ng mga panghalip na:
ako, ko, akin, atin, natin, tayo, kami.
k.2.Tagamasid na pananaw kung nais isulat ang karanasan ng iba. Ang bidang
karakter ay tinutukoy gamit ang panghalip na: ikaw, mo, ka, iyo, kata, kita,
kayo, inyo, ninyo, kanila.
k.3. Ikatlong panauhang pananaw. Ang bidang karakter ay tinutukoy sa
pamamagitan ng panghalip na: siya, niya, kanya, sila, nila, kanila.

8. Nobela o kathambuhay- ang salitang nobela ay hiram sa Kastila na hiram din sa Italyanong
novella. Isang kwento o salaysay na mahaba, maraming tauhan at tagpuang mababasa sa
mga kabanata. Isang katha na nagsasalaysay ng anumang bagay na sa kabuuan o sa isang
bahagi ay hinango sa isang pangyayari at sinulat upang makabigay kasiyahan sa
mambabasa dahil sa magandang paglalarawan ng tagpo, ng ugali at gawi ng mga taong
pinagagalaw na nagiging salaminan pagkatapos sa pagkamarangal at pagpapakasakit nang
dahil sa isang dakilang bagay o layon.

Tatlong sangkap ng isang mahusay na nobela

a. Ang kwento o kasaysayan


b. Ang pag-aaral o pagmamasid sa mga gawa at kilos ng sangkatauhan
c. Ang paggamit ng malikhaing guniguni

Uri ng Nobela

a. Nobela ng romansa- tumutukoy sa pag-iibigan


b. Nobelang makabanghay- ang pagkakabalangkas ng mga pangyayari ang siyang
ikinawiwili ng mga mambabasa sa uring ito.
c. Nobela na salig sa kasaysayan- ang binibigyang diin ay ang kasaysayan o ang
makasaysayang pangyayari.
d. Nobela ng tauhan- nangingibabaw sa uring ito ang mga pangangailangan, kalagayan at
hangarin ng mga tauhan.
e. Nobela ng layunin- ang mga layunin at simulaing lubhang mahalaga sa buhay ng tao
ang binibigyang diin sa uring ito.
f. Nobelang masining- may mahusay na pagkakatalakay at pagkakahanay ng mga
pangyayari at pagkakalarawan ng pagkatao ng mga tauhan at gumawa ng isang
makatuwirang pananawagan sa damdamin ng mambabasa.

Sa masusing pagbabasa at pagpapahalaga sa nobela ang mga mambabasa ay


makatatagpo ng mga sumusunod na tradisyon:

a. Tradisyong katutubo - ang nobela ay kasasalaminan ng katutubong ugali ng mga


Filipino. Marahil naaipapaliwanag ito sa nobelang Nena at Neneng ni Valeriano
Hernandez y Peña. Sa nobelang ito ay ipinahahayag ang katapatan ng isang kaibigan
ng mga taganayon. Ang pagpapahalaga sa puri at dangal ng isang dalagang Filipina
atbp.
b. Tradisyong panrelihiyon - sa nobela nababasa ang tungkol sa pananampalataya, ang
pagkilala sa kapangyarihan ng Panginoon ang mga pagmimilagro at tungkol sa
kagandahang asal.
c. Tradisyong romantisismo - sa nobela, pinag-ukulan ng pansin ang emosyon, ang
damdamin, inilalarawan ang magandang bagay at ng lungkot, at kaligayahan, ang
pantasya tulad ng mga inilalarawan sa nobelang “Sampaguitang Walang Bango” ni Iñigo
Ed Regalado.
d. Tradisyong realismo - ang pagbabagong bunga ng pag-unlad ng agham at teknolohiya
kasabay ng pagkagising ng mga Filipino sa pagpapahalaga sa demokrasya at
nasyonalismo ay nakaimpluwensiya sa pagbabago ng himig at paksa ng mga nobela.
Nabaling ang mga paksa sa mga makatotohanang pangyayaring nagaganap sa paligid
sa lipunan sa pamahalaan at pulitika.

Satanas sa Lupa
Celso Al. Carunungan

Si Benigno Talavera ay isang karaniwang tao bago siya mahalal na Kongresista sa ating
Batasang-Bayan. Ang kaniyang pagiging gerilya ang siyang naghatid sa kanya sa tagumpay
bilang kinatawan ng lalawigan ng San Miguel.

Tulad ng karamihan sa mga kongresista, si Benigno ay mabuti at matuwid. Ginawa niya


ang mga dapat niyang gawin para sa ikabubuti ng kanyang lalawigan. Sa pananamit at
pamumuhay ng pamilya niya, makikita na hindi siya magnanakaw sa kaban ng bayan.

Nagbago ang prinsipyo ni Benigno sa hindi niya kagustuhan. Minsan, nagkasakit ang isa
niyang anak at kailangang ipasok sa ospital. Nang magaling na ito, wala siyang perang
ipambayad sa ospital nakiusap siya at pumayag naman ang may-ari na si Dr. del Rey. Makikita
sa katauhan ni Benigno na ayaw niyang maging masama ngunit sa pagpupumilit ni Dr. del Rey,
nagbago siya. Kinasangkapan ng doktor ang pagiging kongresista niya upang ipalakad ang
“loan application” nito sa PNB. Nalakad ni Benigno ang loan ng doktor kaya nagpasalamat ang
huli. Binigyan nito ang kongresista ng isang sobre na kinalalagyan ng maraming pera.
Nagpupumilit si Benigno na isauli ito ngunit umalis ang doktor, kaya’t ipinagpalagay na lamang
niya itong bayad sa kanyang nagawang paglilingkod.

Simula sa pangyayaring ito, sunod-sunod na ang mga tuksong dumating kay Benigno.
Sumunod si Mr. Lim. Ang Intsik na ito ay isang “smuggler” at si Benigno ang tagapaglusot nito
sa adwana. Si Balbino Marcial, isang kawani ng adwana, ang siyang tagalakad para mailabas
ang mga kontrabando. Gaya ng kay del Rey, ipinalagay ni Benigno “para sa paglilingkod” niya
ang mga salaping ibinibigay ni Mr. Lim.

Ang pagpapalipas ng oras sa mga “niteclub” ay isang karaniwang gawain ng mga


kongresista. Sa isang paghahapi-hapi ni Benigno sa may Roxas Boulevard, nakatagpo niya si
Kongresista Carpio. Inanyayahan nito si Benigno na uminom at pagkatapos ay dinala sa isang
bahay na kung saan ipinakilala siya kay Diana- isang babaeng labing-anim na taong gulang at
sariwa pa. Madaling nahulog ang loob ni Benigno sa babaeng ito. Pagkatapos ng di inaasahang
maganap, ikinuwento ni Diana ang buhay niya. Lalong naawa siya kaya sinabi na ititira na lang
niya si Diana sa isang apartment. Pumayag agad ang babae. Sa pag-uusap nila, biglang may
pumasok na mga lalaki. Tinakot nila si Benigno pero sinabi ni Diana na kasamahan siya ni
Kongresista Carpio. Pagkatapos umalis ng mga lalaki, napag-alaman ni Benigno na mga “black-
mailer” lamang ang mga ito.

Ibinahay nga ni Benigno si Diana. Naging malayo siya sa kanyang pamilya at napalapit
na lalo kay Diana. Ang kabit na ito ng ating kongresista ang siyang naging tagapag-ayos ng
mga “deal”. Dahil sa pagbabago ni Benigno sa kanyang pamilya, umalis ang kanyang mag-anak
patungong probinsiya. Sa kasamaang-palad, naaksidente sila. Malubha ang naging sugat ng
anak nilang si Marichu. Hindi nagtagal at namatay ito. Galit na galit si Benigno. Isinumpa niyang
magbabayad ang may kagagawan nito. Sa kasamaang-palad ulit, namatay ang tsuper ng trak
na nakabangga sa kotse nila. Napag-alaman ni Benigno na si Don Ignacio ang may-ari ng trak.
Nagbago ang isip niya sapagkat hindi niya kayang idemanda ang Don na isa sa mga tumulong
sa kanya nang malaki. Nagalit si Virgie sa naging desisyon ng asawa niya. Naisip nitong mas
mahalaga sa asawa niya ang pulitika kaysa buhayng anak nila.

Upang makalimutan ang pagkamatay ni Marichu, iminungkahi ni Benigno kay Virgie na


magbakasyon sila sa Roma. Alam ni Benigno na wala silang gagastusin sapagkat si Mr. Lim
ang bahala. Pumayag ang babae. Sa may airport, iniabot ni Mr. Lim kay Benigno ang isang
maleta upang ibigay sa kapatid nito sa Hongkong. Sinilip ni Benigno ang laman ng maleta at
nabigla siya nang makita na dolyar ang laman nito. Dahil sa pusisyon niya sa pamahalaan,
madaling nakalusot ang maleta sa Custom.

Sinalubong ng kapatid ni Mr. Lim sina Benigno sa airport ng Hongkong. Inasikaso silang
mabuti. Ipinasyal, pinakain at pinatira sa pinakamahal na hotel. Kinabukasan, lumipad na sila
patungong Roma na may sama ng loob sa kapatid ni Mr. Lim. Nagtampo si Benigno dahil hindi
siya nabigyan ng babae.

Sa Roma, tinawagan ni Benigno ang embahador ng Pilipinas. Pinadalhan siya ng isang


kawani ng embahada upang tulungan siya. Nagbigay ng isang salu-salo ang embahador para
sa karangalan ng kongresista. Sa piging na ito, sinabi ni Benigno sa embahador na gusto
niyang magkaroon ng isang “exclusive audience” sa Papa.

Sa “audience” nina Benigno at Virgie sa Papa, nagdala siya ng isang libong rosaryo
upang pabendisyunan. Binalak ni Benigno na magkaroon siya ng larawan na kasama ang
Papa. Nasunod ito ngunit nagtampo naman si Virgie dahil hindi siya nakasama. Dahil sa
pagnanais ni Benigno na magkaroon ng larawan, nakalimutan niyang pabendisyunan ang mga
rosaryo.

Namasyal sila sa iba’t ibang pook ng Roma. Inutusan ng kongresista ang kawani ng
embahada na isama nito ang asawa upang ipasyal si Virgie. Nang silang dalawa pa lamang ang
magkasama, nagpadala siya sa mga babaeng nagbibili ng aliw. Kinabukasan, nakaramdam si
Benigno ng kakaiba. Nahihirapan siyang umihi. Nag-alala siya dahil maaaring nagkaroon siya
ng sakit sa babae at maaaring nahawa si Virgie dahil mahilig siya noong nakaraang gabi.
Pumasok siya sa ospital. Dito nalaman na hindi ito sakit sa babae.
Bumalik sila sa Pilipinas. Sinalubong sila ng maraming tao na puro naman binayaran.
Nagkaroon ng isang salu-salo sa Manila Hotel sa kanilang pagdating. Ang Pangulo at ang
Unang Ginang ay dumalo rin.

Pagdating nila sa bahay, nalaman nilang nagtanan ang anak nilang si Ester. Kasama
ang anak ni Kongresista David na si Rosendo. Hindi nagtagal at bumalik ang dalawa. Humingi
sila ng tawad at bendisyon. Noong una’y ayaw ni Benigno na maging balae si Kongresista
David. Ipinatawag niya ang mag-ama upang pag-usapan ang kasal. Sinabi niya na kailangang
malaki ang kasalan pero tumanggi ang ama ni Rosendo sa kadahilanang wala silang pera.

Umuwi si Rosendo at ang ama niya. Kinagalitan ni Benigno si Ester hanggang sa


maitulak nito ang anak. Namilipit si Ester kaya dinala siya sa ospital. Napag-alaman nila na
nalaglag ang sanggol na dinadala nito.

Gumaling si Ester at umuwi na ng bahay. Si Benigno naman ay abalang-abala dahil sa


imbestigasyon ng Kongreso sa masamang gawain niya. Naisip niya ang ama ni Rosendo.
Ipinatawag at kinausap tungkol sa kasal ng kanilang anak. Nagkasundo sila.

Sa papagpapalipas-oras ni Benigno sa isang niteclub, napag-alaman niya ang mga


pagmamalabis ng anak ni Kongresista Carpio na si Ricky. Nagkakaharap ang dalawa at nag-
uusap. Nagkasagutan sila at pagkatapos, bigla na lamang nakarinig ng isang putok. Bumagsak
si Ricky at naligo sa sariling dugo.

Mula sa insidenteng ito, sunod-sunod na ang mga problemang dumating kay Benigno.
Ang anak nitong si Ismael ay naging isang drug addict. Si Diana naman ay nakikitungo kay
Balbino Marcial. Pati ang pangarap niyang maging Bise Presidente ng bansa ay naging malabo.

Si Conrado, ang seminaristang anak ni Benigno ay gumulo sa kanyang isip hanggang


dumating ang kasukdulan. Hindi na niya kaya pang tanggapin. Ang puso niya ay sumuko na sa
mga sama ng loob. Dinala siya sa ospital ngunit talagang wala na…hindi na niya gustong
mabuhay. Hindi nagtagal at binawian na siya ng hininga.

Sa bulwagan ng Kongreso, pinangaralan si Benigno bilang isang magaling na


Kongresista ngunit hindi ito nagustuhan ni Virgie. Sinabi niya na hindi na niya kayang tanggapin
ang lahat ng paghihirap ng kanyang kalooban dahil sa lahat ng mga pagkukunwaring ginagawa
sa harap ng bangkay ng asawa niya. Sumigaw siya at sinabing iwan na lamang siya. Nailibing
si Benigno nang matiwasay ngunit ang mga gawaing pulitika ay patuloy pa ring gumugulo sa
pamilya niya.

Tulad ng sabi ni Carpio kay Virgie, “Hindi po blackmail, Misis. Ito po’y pulitika!”

9. Dula - layunin na itanghal sa entablado ang mga pangyayari na maaring binubuo ng isa o
higit pang pangyayari na may isa o higit pang mga pangunahing tauhan at mga katulong na
tauhan. Ang dulang iisahing yugto ay naglalahad ng isang pangyayari sa buhay ng
pangunahing tauhan at natatapos sa maikling panahon. Samantala, ang mahabang dula ay
binubuo ng maraming pangyayari, maraming tauhan at tumatagal ng mahabang panahon.

Tatlong Bahagi ng Dula

a. Yugto- ito ang bahaging ipinaghahati sa dula. Inilalahad ang pangmukhang tabing upang
magkaroon ng panahong makapahinga ang mga nagsisiganap gayundin ang mga
manonood.
b. Tanghal- ang bahaging ito ang ipinanghahati sa yugto kung kinakailangang magbago ng
ayos ang tanghalan.
c. Tagpo- ito ang paglalabas-masok sa tanghalan ng mga tauhang gumaganap sa dula.

Mga Uri ng Dula

a. Trahedya- ito’y mahigpit na tunggalian. Mapupusok ang mga tauhan at ginagamitan ng


masidhing damdamin ito’y nagwawakas sa pagkasawi ng pangunahing tauhan.
b. Komedya- ito’y nagtatapos sa masaya sapagkat ang mga tauhan ay nagkakasundo. Ang
wakas ay kasiya-siya sa mga manonood.
c. Melodrama- nagwawakas nang kasiya-siya sa mabuting tauhan bagamat ang uring ito’y
may malungkot na sangkap. Labis kung minsan ang pananalita at damdamin sa uring
ito.
d. Parsa- ang layunin nito’y magpatawa sa pamamagitan ng kawil-kawil na pangyayari at
mga pananalitang lubhang katawa-tawa.
e. Saynete- ang pinakapaksa rito’y ang mga karaniwang ugali. Katulad ng parsa, ang
dulang ito’y katawa-tawa rin.

Iba pang uri ng Dula

a. Walang tinigang dula (pantomime)- isang uri ng dula na ang kwento ay itinatanghal sa
aksyon lamang at walang salita.
b. Pangkasaysayang Dula (Historical Play)- batay sa isang kasaysayan ang dulang
itinatanghal.
c. Dulang Papet (Puppet play)- isang dulang itinatanghal sa pamamagitan ng mga manika.
d. Dulang walang katotohanan (Plays of Fantasy)- isang uri ng dula na ang pangyayari ay
hindi hango sa tunay na buhay ng tao.

Sangkap ng Dula

a. Tagpuan – panahon at pook kung saan naganap ang mga pangyayaring isinaad sa dula.
b. Tauhan – ang mga kumikilos at nagbibigay-buhay sa dula; sa tauhan umiikot ang mga
pangyayari; ang mga tauhan ang bumibigkas ng diyalogo at nagpapadama sa dula.
c. Sulyap sa suliranin – bawat dula ay may suliranin, walang dulang walang suliranin;
mawawalan ng saysay ang dula kung wala itong suliranin; maaaring mabatid ito sa
simula o kalagitnaan ng dula na nagsasadya sa mga pangyayari; maaaring magkarooon
ng higit na isang suliranin ang isang dula.
d. Saglit na kasiglahan – saglit na paglayo o pagtakas ng mga tauhan sa suliraning
nararanasan.
e. Tunggalian – ang tunggalian ay maaaring sa pagitan ng mga tauhan, tauhan laban sa
kanyang paligid, at tauhan laban sa kanyang sarili; maaaring magkaroon ng higit sa aisa
o patong-patong na tunggalian ang isang dula.
f. Kasukdulan – ito’y climax sa Ingles; dito nasusubok ang katatagan ng tauhan; sa
sangkap na ito ng dula tunay na pinakamatindi o pinakamabugso ang damdamin o
kaya’y sa pinakakasukdulan ang tunggalian.
g. Kakalasan – ang unti-unting pagtukoy sa kalutasan sa mga suliranin at pag-ayos sa mga
tunggalian.
h. Kalutasan – sa sangkap na ito nalulutas, nawawaksi at natatapos ang mga suliranin at
tunggalian sa dula; ngunit maaari ring magpakilala ng panibagong mga suliranin at
tunggalian sa panig ng mga manonood.

Mga Elemento ng Dula

a. Iskrip o nakasulat na dula. Ito ang pinakaluluwa ng isang dula; lahat ng bagay na
isinasaalang-alang sa dula ay naaayon sa isang iskrip; walang dula kapag walang iskrip.
b. Gumaganap o aktor. Ang mga aktor o gumaganap ang nagsasabuhay sa mga tauhan sa
iskrip; sila ang nagbibigkas ng dayalog; sila ang nagpapakita ng iba’t ibang damdamin;
sila ang pinapanonood na tauhan sa dula.
c. Tanghalan. Anumang pook na pinagpasyahang pagtanghalan ng isang dula ay
tinatawag na tanghalan.
d. Direktor. Siya ang nagbibigay-kahulugan sa iskrip mula sa pagpasya sa itsura ng
tagpuan, ng damit ng mga tauhan hanggang sa paraan ng pagganap at pagbigkas ng
mga tauhan.
e. Manonood. Saksi sa itinatanghal na dula.

10. Talambuhay - nagsasalaysay ng mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang tao mula


nang siya’y isinilang hanggang sa pagkamatay. Pansariling talambuhay ang tawag kapag
ang talambuhay ay sariling gawa.

11. Pangulong tudling o Editoryal - mababasa sa mga pahayagan na pawang kuro-kuro ng


punong patnugot tungkol sa napiling paksa. May layuning hikayatin ang madla. Ito ay may
tungkuling magturo, pumuri, tumuligsa at magtanggol.

12. Balita - naglalahad ng mga pang-araw-araw na kaganapan sa loob at labas ng bansa.


Sinasaklaw ang halos lahat na larangan tulad isport, pulitika, ekonomiya, edukasyon,
kalusugan, relihiyon, espesyal at iba pang kauri.

13. Kasaysaysan - ito’y tala o mga nakasulat tungkol sa mga ulat na matagal nang nakaraan o
nakalipas na.

14. Sanaysay - tumatalakay sa isang nakapakahalagang paksa. Naglalahad ng sariling opinyon


o pananaw ng sumusulat. Maaaring pormal/maanyo o impormal/malaya.

Mga katangian ng maanyo o pormal:

a. Pinag-uukulan ng may-akda ng masusing pag-aaral ang paksa.


b. Pinipiling mabuti ang mga salitang ginagamit.
c. Maingat, maayos at mabisa ang paglalahad.
Mga katangian ng malaya o impormal:

a. May pagkamalapit sa mambabasa sa himig man ng mga pananalita o sa


ipinahihiwatig ng paksa.
b. Malaya ang pamamaraang ginagamit at karaniwang ang himig ay parang nakikipag-
usap lamang sa mga mambabasa sa paraang masigla.

Ang paksa ng isang sanaysay

Ang paksa ay dapat na magtaglay ng pamalagiang kahalagahan, napapanahon, o


iniagpang sa kasalukuyang kalakaran, madiwa o malaman, at kasisinagan ng kataasan, laya at
talino ng isang manunulat/may-akda.

Sa pagsulat ng sanaysay ay maaaring paksain ang tungkol sa mga kaugalian, kilusan,


kabutihang-asal, o anumang may kinalaman sa uri at halaga ng buhay na maaaring lapatan ng
sariling palagay, pagpansin, damdamin at kaalaman ng may-akda.

Ang Sukatan ng Tagumpay


ni Gemiliano Pineda

Isang guro sa pamantasan ang kamakaialan ay nagpahayag ng ganito sa kanyang mga


tinuturuan:

“Ako’y hindi mayaman. Hindi ako tanyag. Ngunit sa ngayon ay ipinalalagay ko na ako’y
isang tagumpay. Itinuturing kong ang aking sarili’y isang tagumpay, sapagkat kumikita ako ng
ikabubuhay at ng ikatutustos sa aking kaanak sa pamamagitan ng sarili kong pagsisikap at
isang paraang marangal at malinis. Napapag-aaral ko ang anak. Kami’y kumakain nang hindi
sumasala sa oras. Nakadaramit kami ng katamtaman. At nakadadalo rin kami sa mga
kasayahan. Oo, sa kabila ng kawalan naming mag-anak ng isang magarang tahanan, ng isang
sariling sasakyan, ay itinuturing kong ako’y isang tagumpay, sapagkat ako’y matahimik sa
sariling pamamahay. Wala akong kaaway. Ngunit marami akong kaibigan. Kaya para sa akin
ako’y isang tagumpay.”

Sa palagay ako’y walang makatututol sa sinabi ng gurong yaon: isa nga siyang
tagumpay. At dahil sa pahayag na iyan ay napag-isip kong ang tagumpay ay maraming
sukatan. Ang tagumpay ay hindi isang bagay na may isang sukatan lamang; yao’y nag-iiba ng
anyo.

Nagugunita ko tuloy ang panahon noong ako’y nag-aaral pa lamang sa mataas na


paaralan. Noon, ayon sa aking pagkamalas sa buhay, ang aming guro ay isang sagisag ng
tagumpay. Isa siyang halimbawang dapat tularan. At kung ako lamang ay makatutulad sa kanya
ay masasabi kong sumapit na ako sa tugatog ng aking mga pangarap. Datapwat, napatunayan
kong ang tao, habang tumatanda na nararagdagan ng karanasan, ay nagbabago ng pananaw
at pagtingin sa buhay, at sa gayon ay nagbabago rin ang kanyang nilalayon. Kaya naman,
yaong bagay na lubhang naging kaakit-akit para sa akin nang panahon ng kamusmusan ay
nawalan ng dating ningning nang mapagmalas buhat sa panining nakarating sa iba’t ibang
paligid.

Dahil diyan, ang sukatan ng tagumpay ay pabagu-bago, hindi palagian sa habang


panahon sa buhay ng tao. May mga tagumpay na nagiging sanhi na lalong paghahangad ng
ibayong tagumpay, ayon sa sariling kalooban. At sa pagiging tao natin ay taglay ang mga
makataong kahinaan: ang di kasiyahan sa mga bagay na nasa ating mga palad at
paghahangad pang lalo ng ibayong biyaya.

Kung talagang tutuusin, hindi lamang yaong mga taong naging dakila, nabantog,
yumaman o naging bayani ang masasabing nagsipagtagumpay sa buhay. Hindi itinadhanang
ang lahat ng nilalang ay magiging tanyag o dakila. Mangyari pang may mga tao- ang malaking
bahagi ng sangkatauhan- na mananatiling lingid at di kilala ngunit patuloy na nabubuhay sa
paraang ikinasisiya nila. At para sa akin, ang taong nabubuhay nang mapayapa ay tagumpay
kaipala’y higit pa kaysa mga mayayaman at mga bantog na ang mga buhay ay lubhang
magusot at puno ng mga alalahanin.

Sa gayon, hindi natin dapat pakahangarin ang lubos na kadakilaan o kabantugan. Sapat
nang sa ating sarili ay nalalaman nating tayo’y marangal at may malinis na kalooban, at tayo’y
nabubuhay sa pamamagitan ng sariling pagsisikap, upang tayo’y masiyahan sa idinudulot ng
buhay at ipalagay na sa buhay na ito ay ganap tayong nagtagumpay.

Ang mga magsasakang tahimik na nagbubungkal ng lupa at nag-aani, ang mga


manggagawang sa araw-araw ay nagbabanat ng buto upang pagdating ng hapon ay umuwi sa
kani-kanilang mga tahanan na may dalang pasalubong sa mga anak, ang mga kawaning
nagsisipaglingkod sa pamahalaan at sa mga bahay-kalakal at ang iba pang mga bahagi ng
ating lipunan, ay para-parang mga tagumpay sa buhay na ito, sapagkat ginagawa nila ang
kanilang tungkulin sa abot kaya. Hangga’t ang bawat isa sa atin ay nag-uukol ng pagsisikap at
nagpapakapagod upang matupad ang mga tungkuling nakaatang sa ating mga balikat ay
walang makasusumbat na tayo’y hindi ganap na tagumpay sa buhay na ito. Saka lamang
maaaring sabihing tayo ay mga bigo kung sa ating paggawa’y maging pabaya, kung ang
ipinagagawa sa atin ay hindi natupad. Ngunit habang an gating mga gawain ay natupad,
habang sa ating tungkulin ay ipinakikita nating tayo’y buong-pusong nagsusumikap sa
ikauunlad ng gawain at ng ating sarili, ay naniniwala akong taas-noong masasabi nating tayo’y
para-parang mga tagumpay sa daigdig na ito.

Ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang tungkulin sa buhay. Ang tadhana’y may
inilalaang landas sa bawat isa. Hindi maaaring magkasama-sama ang lahat sa isang landas na
patungo sa pagyaman, sa pagkadakila o sa pagkabantog. Ngunit ang mahalaga’y na tayo’y
tumalunton at patuloy na lumakad sa landas na nakalaan para sa atin. Habang tayo’y
humahakbang, habang ang ating mga paa’y kumikilos, ang bawat isa sa atin ay tumutupad ng
tungkulin at sa gayo’y nagiging tagumpay.
Ang mga mag-aaral sa paaralan, bagamat bago pa lamang sa daigdig, ay maituturing
na ring mga tagumpay kung sa kanilang pag-aaral ay iniuukol ang pagsisikap na kinakailangan.
Maging ang mga bata- kung ganap na tutupad sa papel ng pagiging bata- ay maituturing na
tagumpay. Kaya naman, yaong mga matatandang nagpipilit na maging bata, ay itinuturing na
mga bigo sa buhay na ito, sapagkat lumalabag sila sa kanilang tungkulin- ang pagiging
matanda- at sila’y kakatwa.

Sa pamamagitan ng sukatang iyan ang tagumpay- na pansarili ko lamang at hindi


ipinaaangkin sa iba pa- ay walang dapat ikainggit ang sino man sa kaniyang kapwa. Kung tayo
lamang ay magtataglay ng ganyang pagkaunawa sa tagumpay, hindi magaganap ang pang-
araw-araw na pagtutunggalian ng marami at pagsisikap na ang isa’y makahigit sa isa. At kung
mawala na nga ang palaluan na siyang sanhi ng maraming sigalot at katiwalian sa ating
lipunan, ay saka pa lamang natin masasabing ang tagumpay ay hindi isang salitang iniuukol sa
ilan kundi sa isang katawagang maiuukol sa lahat, na gaya ng hangin, at liwanag ng araw at
buwan.

You might also like