You are on page 1of 4

FILIPINO 10

Quarter 4
Republika ng Pilipinas Linggo 1
Kagawaran ng Edukasyon
REGION V (BIKOL)
TANGGAPANG PANSANGAY NG MGA PAARALAN NG LUNGSOD IRIGA

QUICK STUDY NOTES


(Mabilisang Pagkatuto sa Filipino 10)

A.Paksa: El Filibusterismo
B.Susing Konsepto:

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG EL FILIBUSTERISMO

Ang El Filibusterismo ay ang ikalawang obra maestra ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose
Rizal. Ito ay karugtong ng Noli Me Tangere na una niyang isinulat. Ipinaliwanag ni Rizal sa kanyang
kaibigang si Dr. Ferdinand Blumentritt ang kahulugan ng Filibusterismo. Ayon sa kanya, lingid pa sa mga
Pilipino ang kahulugan nito noong una hanggang masaksihan nila ang malagim at kalunos-lunos na pagbitay
sa tatlong paring martir. Malinaw pa sa kanyang alaala ang matinding takot na hatid ng kahulugan ng
salitang Filibusterismo dahil mahigpit na ipinagbawal sa kanilang tahanan ang pagsambit man lamang sa
salitang ito. Labing-isang taong gulang pa lamang si Rizal noon nang marinig niya ang salitang Filibustero.

Sa murang edad ay naging saksi siya sa mapapait, masasakit, at madidilim na bahagi ng buhay ng
ating mga ninuno kaya tumimo sa kanyang puso ang pagnanais na mailantad ang kabuktutan ng mga
mananakop. Ginamit niya ang pinakamabisang sandata sa pagkamit ng minimithing pagbabago at kalayaan
ng mga Pilipino—ang kanyang panulat. Gaya nang nabanggit, ang unang obra maestro ni Rizal ay ang Noli
Me Tangere na matagumpay na lumabas noong Marso 1887. Maraming makabayan ang nagalak at
humanga sa katapangan ni Rizal sa pagsulat sa mga kabuktutan at pagmamalabis ng mga Espanyol subalit
tulad ng inaasahan, nagpuyos ang damdamin ng mga makapangyarihang Espanyol matapos mabasa ang
nilalaman nito. Bitbit ang kaba sa puso ay nagpasiya siyang bumalik sa Pilipinas kahit batid niyang ito ay
mapanganib. Noong Agosto 1887, muli niyang nasilayan ang kanyang pamilya. Isinagawa niya ang kanyang
mga layunin sa kanyang pagbabalik. Ginamot niya ang mata ng kanyang ina; nakipag-usap kay Leonor
Rivera, at inalam ang pagtanggap ng mga Pilipino sa kanyang isinulat na nobela.

Nang ipagbawal ng pamahalaang Espanyol sa Pilipinas ang pag-aangkat, pagpapakalat ng nobela ay


nakaramdam ng higit na panganib si Rizal ni GobernadorHeneral Emilio Terrerong lisanin ang bansa upang
maiiwas siya at ang kanyang pamilya sa lalo pang kapahamakan at sa pagmamalupit ng mga
makapangyarihang prayle sa kanyang pamilya. Nagpahinuhod siya sa payo ng Gobernador-Heneral at
palihim na tumalilis ng Pilipinas noong Pebrero 1888. Nagtungo siya iba,’ t ibang bansa sa Asya sa Amerika,
at sa Europa. Napakarami niyang natutuhan sa mga paglalakbay na iyon. -2- Sinimulang isulat ni Rizal ang El
Fili sa London noong 1890. Ayon kay Maria Odulio de Guzman, binalangkas ni Rizal ang pagkatha sa El Fili
noong mga huling buwan ng 1885 nang isinusulat pa niya ang Noli. Habang isinusulat ni Rizal ang El Fil,
naisasabay rin niya ang pagbisita sa mga kaibigan at pamamasyal sa magagandang lugar sa Europa.
Lubhang nasiyahan at naaliw si Rizal sa ganda ng Paris kaya,’ t napag-isipan niyang lumipat muna sa
Brussels, Belgium upang matutukang mabuti at mapag-isipan nang lubusan ang pagsulat ng nobela. Kasama
ang kaibigang si Jose Alenjandrino ay nanirahan sila roon. Nanggamot din siya upang matugunan ang mga
pangangailangan niya roon. Patong-patong na suliranin ang kanyang naranasan habang isinusulat niya ang
El Fili.Kung kinulang siya sa pananalapi nang isinusulat niya ang Noli Me Tangere ay higit siyang kinapos
nang isinisulat na niya ang EL Fili kaya sadya siyang naghigpit ng sinturon. Halos lumiban siya sa pagkain
Republika ng Pilipinas
Kagawaran ng Edukasyon
REGION V (BIKOL)
TANGGAPANG PANSANGAY NG MGA PAARALAN NG LUNGSOD IRIGA

makatipid lamang. Nakapagsanla rin siya ng kanyang mga alahas upang matustusan ang pagsusulat.
Matindi ang pagnanais niyang tapusin na agad ang nobela dahil maging sa kanyang pagtulog ay
napapanaginipan niyang may namamatay sa kanyang mga mahal sa buhay. Iniwasan niyang kapusin ng
panahon sa pagsusulat. Batid niyang walang ibang makakatapos ng kanyang obra kung hindi siya lamang.
Hindi lamang kawalan ng pondo ang kanyang naging suliranin upang matapos ang El Fili.Naging balakid din
ang suliranin niya sa puso, sa pamilya, at sa mga kaibigan. Nakarating sa kanyang kaalaman na ang kanyang
pinakaiibig na si Leonor Rivera ay pinakasal ng magulang nito sa ibang lalaki. Ipinagpapalagay na
mababakas ang pighati niya sa pangyayaring ito sa nobela sa bahaging nagtalusira si Paulita sa katipang si
Isagani at nagpakasal kay Juanito. Nabatid din niyang ang kanyang magulang at mga kapatid ay
pinasasakitan at pinag-uusig ng pamahalaang Espanyol dahil sa usapin sa lupa at sa maling paratang. Labis
siyang nag-aalala sa mga mahal niya sa buhay sa Calamba, Maiuugnay ito sa kuwento ni Kabesang Tales na
may ipinaglalabang usapin hinggil sa pangangamkam ng lupa ng mga prayle kahit wala silang katibayan ng
pag-aari ng lupa. Sa pagpapatuloy ng pagsusulat ni Rizal ng nobela ay nagkaroon siya ng iba’t ibang
pangitain. Ganito rin ang pangyayari sa buhay ni Simoun nang nag urong-sulong siyang isagawa ang
katuparan ng kanyang plano. Nakita niya ang nagdusang ama at si Elias sa kanyang pangitain. Lumayo rin
kay Rizal ang mga kasama niya sa La Solidadaridad. Ikinalungkot din niya ang nakitang kawalan ng
pagkakaisa ng mga Pilipinong Ilustrado sa Espanya na sila sanang pag-asa ng nakalugmok na mamayan ng
Pilipinas. Dahil sa samo’t saring suliraning nararanasan, naisip ni Rizal na sunugin na lamang ang kanyang
isinulat. Sinasabing may bahagi sa nobela ang hindi niya napigilang ihagis sa apoy sa bigat at tindi ng
kanyang alalahanin. Dahil sa adhikain ni Rizal na imulat ang kaisipan at gisingin ang damdamin ng mga
Pilipino laban sa pang-aapi at pang-aabuso ng pamahalaang Espanyol ay pinagtibay niya ang kanyang
kalooban upang ipagpatuloy at tapusin ang nobela kahit kulang sa panustos mula sa pamilya. Nang
matapos ito noong Marso 29, 1891 at makahanap ng murang palimbagan, ang palimbagang F. Meyer-Van
Loosa Ghent, Belgium ay ipinadala niya ang manuskrito sa kaibigang si Jose Alejandrino. Sa kasamaang-
palad, hindi natapos ang paglilimbag ng aklat. Mahigit na isandaang pahina pa lamang ito nang maipahinto
na dahil naubos na ang kanyang pambayad mula sa salaping kanyang natipid at nang hindi dumating ang
hinihintay na salapi mula sa kanyang pamilya sa Pilipinas. -3- Nilimot din ng ilang mayayamang kaibigang
Pilipino ang kanilang pangakong tulong sa paglilimbag ng nobela. Sa oras ng pangangailangang ito ay
himalang dumating ang saklolo ng mayamang kaibigang si Valentin Ventura. Siya ang gumastos upang
maituloy ang nahintong paglilimbag ng nobela noong Setyembre 1891.Dahil mabuting kaibigan si Rizal ay
inialay niya ang isang panulat at ang orihinal na manukristo ng El Fili kasama ang isang nilimbag at
nilagdaang sipi bilang pasasalamat at pagtanaw ng malaking utang na loob sa kaibigang si Valentin Ventura.
Ipinadala ni Rizal sa Hongkong ang karamihan ng mga aklat at ang ibang bahagi ng mga ito ay sa Pilipinas
napunta pagkatapos niyang mabigyan ng kopya ang mga kaibigang sina Juan Luna, Marcelo H. Del Pilar,
Graciano Lopez Jaena, at Dr. Ferdinand Blumentritt. Sa kasamaang palad, nasamsam sa Hongkong ang mga
aklat na ipinadala ni Rizal gayundin ang mga kopyang ipinadala niya sa Pilipinas. Ipinasira ng Pamahalaang
Espanyol ang mga sipi ng nobela subalit may ilang nakalusot at nagbigay ng malaking inspirasyon sa mga
naghihimagsik. Patuloy nitong naantig at nagising ang damdamin ng mga Pilipino.Kung ang Noli ang
gumising at nagpaalab sa diwa at damdamin ng mga Pilipino ukol sa karapatan, nakatulong naman nang
Malaki ang El Fili kay Andres Bonifacio at sa Katipunan upang maiwaksi ang mga balakid na nakasasagabal
Republika ng Pilipinas
Kagawaran ng Edukasyon
REGION V (BIKOL)
TANGGAPANG PANSANGAY NG MGA PAARALAN NG LUNGSOD IRIGA

sa paghihimagsik noong 1896. Ang El Fili ay inialay ni Rizal bilang pagpupugay sa tatlong paring martir na
binitay sa Bagumbayan noong Pebrero 1872 na sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre
Jacinto Zamora dahil lamang sa maling hinala ng mga Espanyol. Bilang paggalang at pag-alala sa kanilang
sakit at hinagpis inihandog niya ang nobela. Wika niya: “Sa di pagsang-ayon ng relihiyon na alisan kayo ng
karangalan sa pagkapari ay inilagay sa alinlangan ang kasalanang ibinibintang sa inyo; sa pagbabalot ng
pagkakamaling nagawa sa isang masamang sandali, at ang buong Pilipinas, sa paggalang sa inyong alaala at
pagtawag na kayo’y mga pinagpala, ay hindi lubos na kinilala ang inyong pagkakasala. “Samantala ngang
hindi maliwanag na naipakikilalang ang inyong pagkakasangkot sa pagkakagulo sa Kabite, maging bayani
man kayo o hindi, nagkaroon man o hindi ng hilig sa kalayaan, ay may karapatan akong ihandog sa inyo,
bilang ginahis ng kasamaang ibig kong bakahin, ang aking akda. At habang hinihintay naming na kilalanin ng
Espanya balang araw ang inyong kabutihan at hindi makipanagot sa pagkakapatay sa inyo, ay maging
putong na dahong tuyo man lamang ang inyong liblib na libingan ang mga dahon ng aklat, at lahat nang
walang katunayang maliwanag na umupasala sa inyong alaala ay mabahiran nawa ang kanilang kamay ng
inyong dugo.” Ayon sa pag-aaral, hindi napatunayan ang pagkakasangkot ng tatlong paring martir sa pag-
aalsa sa Cavite. Hindi rin pinayagan muli ng mga Espanyol na mabuksan ang kanilang kaso upang hindi na
lumabas ang katotohanan. Inihambing naman ni Ginoong Ambeth Ocampo ang Noli sa El Fili. Ayon sa
kanya, mas maraming hindi isinama si Rizal sa El Fili. May halos apatnapu’t pitong (47) pahina ang
tinanggal, nilagyan ng ekis, binura at binago. Samantalang sa Noli Me Tangere ay ang kabanata lamang
tungkol kina Elias at Salome ang hindi niya naisama sa pag-imprenta buo ito at maaring isalin at pag-aralan
din. Ayon din sa kanya, noong 1925, binili ng pamahalaan ang orihinal na kopya ng nobela mula kay
Valentin Ventura. -4- Totoong binagtas ni Dr. Jose Rizal ang napakatinik na daan tungo sa kaniyang adhikain
subalit siya’y nagtagumpay. Nakarating sa pinagpalang mga kamay ang ikalawang obra maestrang El
Filibusterismo na nagsilbi at patuloy na nagsisilbing inspirasyon ng lahat ng Filipino sa bansa at maging sa
mga Filipinong nasa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nawa’y isapuso nating lahat ang mga mensaheng taglay
nito

Pagtataya

Lagyan ng tsek (√) ang kahon kung ang pangyayari ay tumutukoy sa mga kondisyon sa panahong isinulat
ang El Filibusterismo. Isulat sa linya ang magpapawasto sa pangyayari kung mali ito.
1. Si Gobernador-Heneral Emilio Terero ang namumuno sa bansa nang sinimulan ni Rizal ang
pagsusulat ng ikalawang nobelang El Filibusterismo.
_________________________________________________________________
2. Higit na naging madali para kay Rizal ang pagsulat ng El Filibusterismo kaysa Noli Me Tangere.
________________________________________________________________
3. Nalagay sa panganib ang pamilya at iba pang mahal sa buhay ni Rizal habang isinusulat niya ang
nobelang ito. _________________________________________________________________

4. Ang ganda at kasiyahang hatid ng Paris ay nagbibigay inspirasyon sa kanya na tapusin na ang
nobela sa lugar na ito ________________________________________________________
Republika ng Pilipinas
Kagawaran ng Edukasyon
REGION V (BIKOL)
TANGGAPANG PANSANGAY NG MGA PAARALAN NG LUNGSOD IRIGA

5. Mas maraming pahina ang tinanggal, nilagyan ng ekis, binura, o hindi isinama ni Rizal sa Noli kaysa sa
mga pahinang hindi niya isinama sa El Fili.
___________________________________________________________

D. Repleksiyon:

Ang aking natutuhan ay

TBB

You might also like