You are on page 1of 9

Republika ng Pilipinas

KAGAWARAN NG EDUKASYON
Rehiyon I
Sangay ng Ilocos Sur

SARILING
LINANGAN KIT SA
FILIPINO
8
Pamagat ng Aralin :

POPULAR NA BABASAHIN
Kuwarter : 3 MELC NO. : 2

MELC:
F8PT-IIIa-c-29 Nabibigyang-kahulugan ang mga lingo/ termino na ginagamit
sa mundo ng multimedia.

Pangalan ng Guro-Manunulat: HILDA S. SAVELLA


Paaralan : Cabugao National High School

1
KUWARTER 3
SARILING LINANGAN KIT (MELC #) 2

TUNGKOL SA SARLING LINANGAN KIT


Ang Sariling Linangan Kit na ito ay ginawa para sa inyong mga mag-aaral. Ito ay inihanda para
makatulong at makaagapay sa ganitong panahon. Basahin at pag- aralan ninyong mabuti ang
nilalaman nito. Susukatin ng Learning Kit na ito ang inyong mga kaalaman sa pagsagot sa mga tanong.
Bagaman, maaaring bago sa inyong panlasa ang ganitong pamamaraan ng pagkatuto dala na rin ng
masalimuot na panahon o sitwasyon, alam kong maiibigan ninyo pa rin ang pagsasagawa ng mga iba’t
ibang mga gawaing inihanda para sa inyo.
Matutuhan ninyo sa bahaging ito ang mga lingo o termino na ginagamit sa mundo ng multimedia at
social network.
Panatilihing malinis ang Sariling Linangan Kit at iwasang sulatan ang mga pahina nito.
Inaasahang ibayong pag-iingat ang ilalaan dito. Gumamit ng kuwaderno sa asignaturang Filipino 8 para
sa mga sagot. Maging tapat sa pagsagot sa mga tanong/gawain na naihanda. Ang mga gawain sa kit
na ito ay inaasahang maisasakatuparan ninyo nang maayos at maluwalhati.

Para sa mga Magulang/Tagapag-alaga


Napakahalagang papel ang ginagampanan ng bawat isa para sa ikatatamo ng mas mataas na
antas ng kaalaman ng inyong mga anak. Bilang mga magulang, magiging malaki ang bahaging inyong
gagampanan para matuto ang inyong mga anak sa panahong ito. Magiging hamon para sa inyo kung
papaano ninyo matutulungan ang inyong mga anak para sila’y magkaroon ng interes sa kanilang pag-
aaral. Tulungan at gabayan sila sa kanilang pag-aaral. Bigyan natin sila ng panahon at atensyon lalo
pa’t iba-iba ang paraan ng pagtuturo ngayon sa mga mag-aaral. Nararanasan nila ngayon ang mga
pagbabago sa larangan ng edukasyon. Tulungan natin sila para higit nilang maunawaan ang kanilang
mga aralin lalong-lalo na sa pagsagot sa mga gawaing inihanda para sa kanila. Gabayan at
paalalahanan natin silang maging maingat at responsable sa paggamit ng linangan kit na ito.

KASANAYANG PAMPAGKATUTO: ( MELC )


Pagkatapos ng aralin, ikaw ay inaasahang :
1.Naisasaayos ang mga salitang ginulo upang mabuo ang iba pang mga lingo/ termino mula sa tekstong
binasa.
2.Nasusuri ang kahulugan ng mga bagong salita batay sa pagkakagamit nito sa akda/ batay sa
diksyunaryo.
3. Nabibigyang-kahulugan ang mga lingo/termino na ginagamit sa mundo ng multimedia. ( F8PT-IIIa-c-29 )

PAGTALAKAY SA ARALIN
PAGGANYAK
Suriin ang mga sumusunod na larawan at sagutin ang mga tanong.
1. Pamilyar ba kayo sa inyong mga nakikitang larawan? Ano-ano ang tawag sa mga ito?
2. Saan natin madalas na nakikita ang mga nabanggit na larawan?
a. b. c. d.

e. f. g.

Madali bang nakilala ang mga larawan? Magandang simula ito. Dagdagan natin ang iyong kaalaman kaugnay ng mga
nabanggit na larawan

Panimula:
Ayon kay Jeslie Lapuz, ang dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, kailangan nating ihanda
ang kabataang Pilipino para sa pagharap sa isang komplikadong bukas. Ang masalimuot na bukas na
binabanggit dito ay ang mga pagbabagong nararanasan sa buhay ng kabataang Pilipino dulot ng
pagsibol ng modernisasyon at pagsulpot ng mga makabagong imbensyon sa teknolohiya.
Ang kabataan sa kasalukuyang panahon ay nabubuhay na sa panahon ng digital age--kung saan sa
bawat click nila ng mouse o pagpindot sa screen ng iPad, laptop, o cellphone ay agad nilang nakukuha
o nababasa ang mahahalagang impormasyong kanilang kinakailangan.

Bilang panimulang gawain, sagutin ang mga tanong na makikita sa ibaba bilang pagtataya kung
gaano ka kadalas gumamit ng mga makabagong teknolohiya sa loob ng isang araw. Isulat sa sagutang
papel ang iyong sagot .
1. May cellphone ka ba? _________ Mga ilang text messages ang naipadadala mo sa loob ng
isang araw? ________________
2. Mayroon ka bang Facebook o Twitter account?_________Kung mayroon, gaano mo kadalas
itong bisitahin sa loob ng isang araw?______________
3. May computer ka ba? _________Ilang oras ka gumagamit ng computer sa loob ng isang araw?
__________________
Bilang pagsusuri sa iyong mga maging sagot sa tatlong tanong na nasa itaas, masasabi mo bang
malaki ang impluwensiya ng teknolohiya sa iyong buhay? Bakit oo o bakit hindi?
_____________________________________________________________________________

Alam Mo Ba?

Sadyang napakabilis ng buhay ngayon sa mundo. Tila ang bawat sandali ay nagmamadali. Sa isang
kurap ng mata ay maaaring magbago ang lahat. Sa mga ganitong pagkakataon, kailangan ang mga
makabagong kagamitan at teknolohiya upang makipagsabayan ang isang tao sa mabilis at
sopistikadong paggalaw na ito ng sangkatauhan. Isa sa pangunahing paraang ginagamit ngayon ng
napakaraming tao upang mapabilis ang komunikasyon at iba pang transaksyon ay ang Internet.
Tunghayan ang estadistika ng bilang ng mga tao sa mundo na gumagamit ng Internet at ng social
media network na Facebook ayon sa pag-aaral na ginawa ng Internet World.
Isa ang Pilipinas sa mga bansang patuloy na sumasabay sa mga pagbabagong ito. Tunghayan
natin ang Estadistika ng bilang ng mga tao sa mundo na gumagamit ng internet at ng social media
network na Facebook ayon sa pag-aaral na ginawa ng Internet World.

Estadistika ng Bilang ng mga Gumagamit


ng Internet at Facebook sa Buong Mundo
Rehiyon Populasyon Bahagdan ng Bilang ng Bilang ng
populasyon Gumagamit ng Miyembro ng
Internet Facebook
Asya 4,640,019,038 59.76% 1,792,163,654 559,003,000
Iba pang bahagi
ng mundo 3,287,441,091 40.24 % 1,819,212,159 1,103,230,530
Buong mundo 7,927,460.129 100.00 % 3,611,375,813 1,662,233,530

Isa ang Pilipinas sa mga bansang patuloy na sumasabay sa mga pagbabagong ito. Tunghayan natin
ang mahahalagang tala kung paano naiimpluwensiyahan ang mga Pilipino ng paggamit ng mga
makabagong teknolohiya at social media networks.
Ang Pilipinas ang tinaguriang Texting Capital of the World. Tinatayang 2 bilyong text messages ang
ipinadadala ng mga Pilipino bawat araw.
Umaabot sa 67 milyon ang bilang ng Pilipinong gumagamit ng Internet. Ayon sa ulat,
panglabindalawa ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may pinakamalaking bilang ng taong
gumagamit nito.
Tinatayang 45.4 milyon ang bilang ng mga Pilipinong miyembro ng Facebook ayon sa tala ng Internet
World Statistics ngayong 2020.
Ang mga tala sa itaas ay ilan lamang sa mga patunay na ang information and technology ay sadyang
nakaaapekto nang malaki sa buhay ng mga tao sa mundo partikular ang mga Pilipino. Sa araling iyong
babasahin, matutunghayan kung paanong maging ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas at ang pag-
unlad na nagaganap sa wikang Pilipino ay patuloy na sumasabay sa mga pagbabagong hatid ng
modernisasyon
Halina’t iyong tunghayan ang isang lathalaing pinamagatang “Ang Wikang Filipino sa
Edukasyong Panteknolohiya: Isang Teknolingguwal na Pagtalakay “na isinulat ni Prof. Christian George
C. Francisco.

Namangha ba kayo sa mga datos na inyong nalaman? Nakakagulat ba ang dami ng mga taong gumagamit
ng internet sa buong mundo? Ngayon naman, kilalanin natin ang mga salitang nagamit sa tekstong tatalakayin.
Basahin at unawaing mabuti ang kasunod na teksto.
Ang Wikang Filipino sa Edukasyong Panteknolohiya
Christian George C. Francisco

Isandaan at walumpu (180) sa humigit- kumulang na anim na libong buhay na wika sa daigdig ay
matatagpuan sa Pilipinas. Ang ganitong sitwasyon ay maituturing na isang penomenong pangwika na
nagaganap sa isang lipunan. Sa katunayan, bawat wika sa mundo ay maikakategorya batay sa uri nito.
May mga wikang intelektuwalisado at malawakang ginagamit sa iba’t ibang antas ng komunikasyong
pasalita at pasulat, halimbawa nito ay ang English, French, Spanish, at German. Samantala, may mga
wika rin na inteltuwalisado subalit limitado ang gamit sa mga bansang mauunlad gaya ng wikang
Korean at Niponggo (tonal languages kung ituring ang mga ito). Higit sa lahat, may tinatawag na
papaunlad na mga wika sa mundo na karaniwang matatagpuan sa Asya gaya ng Filipino, Malay, at iba
pa. Tinawag itong papaunlad dahil patuloy itong dinedebelop sa pamamagitan ng mga linggwistikong
pag-aaral hinggil sa kalagayang pangwika sa ating bansa.
Pinatutunayan lamang nito na bawat wika ay may kani-kaniyang papel na ginagampanan sa
tinatawag nating pangkat-wika o speech community. Kung kaya, sa larangan ng linggwistika, walang
tinatawag na superior at/o inferior na wika. Nangangahulugan lamang na ang isang wika ay nararapat
na mabisang tugunan ang pangangailangan ng mga gumagamit nito. Halimbawa, ang paggamit ng
Filipino ay nakatutugon sa mga personal na pangangailangan ng Pilipino. Ang mga pangangailangang
ito ay tumutukoy sa kanyang emosyon, paniniwala, at mga
adhikaing nais niyang personal na maipaabot sa kanyang kapwa. Sa kabilang banda, ginagamit naman
natin ang English ( American English ang tinutukoy ko rito at hindi ang ibang varayti ng English sa
mundo) para sa instrumental na pangangailangan.
Sa pamamagitan nito, malayang nagagawa ng mga Pilipino na makipagtalastasan tungo sa
paghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Nagsisilbi itong instrumento sa pang-empleyong perspektiba
gayundin naman sa aspektong pansosyalisasyon.
Bunsod ng ganitong sitwasyon ang pagpapakita ng halaga sa pagkakaroon ng sarili o pampersonal
na wika, pambansang wika, at mga wikang global. Marami man ang wika sa buong daigdig gayundin
din sa Pilipinas , hindi maaaring pagkompara- hin ang bawat isa. Dahil ang WIKA MO, ang
tumutulong sa iyo upang lubos mong maiparamdam ang nais mo sa pinakamabisang paraan. Bukod
pa ; hatid din nito ang kristalido at awtentikong mensahe na hindi kayang maibigay ng kahit na
anong banyagang wika. Ang WIKANG PILIPINO naman ang nagsisilbing wika ng nagkakaisang
bansa. Ito rin ang wikang nagiging daluyan ng mahahalagang impormasyong politikal at sosyal na
kayang-kayang maipaabot anumang antas ng kabuhayan ang iyong kinabibilangan. Ang pagsulong at
pagtangkilik sa wikang ito ang tutulong sa bawat Pilipino na maunawaan ang mga pinakamahihirap
na konsepto ng mundo. Higit sa lahat, ang WIKA NG MUNDO ang siyang nagiging tagapag-ugnay
sa mas malawak na impormasyon. Naga gawa nitong maging kongkreto ang global village kung
saan ang bawat tao ay malayang nauunawaan ang wika, kultura gayundin ang mga paniniwala ng
iba’t ibang nasyon.
Gayunpaman, bahagi ng global na kalakaran ang dimensyong teknolohikal na ang bawat kultura sa
mundo ay nagpapakita ng kani-kanilang pekulyaridad sa aspekto ng
popular na paniniwala kung saan bahagi ang pag-aaral ng wika.Sa bahaging ito malawakang
nakikisangkot ang akademiya upang matugunan ang pangangaila-ngang pedagohikal. Kung kaya,
minsan na ring naipahayag ni Tony Blair na, “ Ang ginawang pagbabago ng teknolohiya sa takbo ng
buhay ng tao ay hindi matatawaran lalo na sa larangan ng edukasyon. Sadyang mawawalang-saysay
ang husay at galing ng susunod na henerasyong propesyonal gaya ng mga titser kung patuloy itong
sasandig sa mga propesyonal na kaparaanan.” Sa katunayan, halos lahat ng bansa sa buong daigdig
ay nagpapasiklaban sa tinatawag na “ battlefields of learning “ nang sa gayon ay huwag silang mahuli
kaugnay sa mga bagong kaalamang hatid ng Information and Communication Technology.Isang
halimbawa nito ay ang world wide web ( www ) na tinatayang pinakamalaking imbakan ng
impormasyon sa buong mundo. Sa pamamagitan nito, nagagawa ng tao na maka-akses sa anumang
uri ng datos o kaalaman na naisin niya.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring pinanghahawakan ng mga techie
( eksperto sa teknolohiya ) na ang modernong panahon ay mahigpit na nakasalalay sa mga inobasyong
ihahatid pa ng teknolohiya.Paliwanag nila, ito ay isang komprehensibong paghahanda kaugnay sa iba’t
ibang opurtunidad ng pagkatuto na ang makikinabang ay ang sangkatauhan partikular na ang
akademiya .Hindi na naman bago sa atin ang mga termino gaya ng information age, e-class,
multimedia, e-mail, on-line, distance learning education, cybernetics, webpage, hypermedia, at
marami pang iba. Bagamat may mga ilan pa rin marahil na napabalikwas at hayagang tinatalikuran ang
magandang dulot ng teknolohiya.
Sa ganitong pagkakataon, binigyang-pansin nina Caroll at Witherspoon ( 2002 ) na sa loob ng klasrum
ng bawat eskuwela, lahat tayo ay pawing mga estudyante, nagkataon lamang na ang iba ay baguhan
at ang iba ay eksperto na. Sa kasalukuyang panahon, kitang-kita ito sa bawat klasrum sa
Pilipinas.Kadalasan, ang mga titser ang siyang nalalagay sa alanganing posisyon kapag usaping
teknolohiya na ang nakalatag. Naniniwala naman si Reksten ( 2000 ) na kung magkakaroon ng
pagtutulungan sa paggamit ng teknolohiya, mas magiging madali ang pagkatuto rito. Sa madaling sabi,
ang pagsasanib-puwersa ng titser at ng mga estudyante ay mainam tungo sa mas makabuluhang
talakayang pangklasrum. May kakayahan kasi ang teknolohiya na maiangat ang pag-iisip ng mga
estudyante lalo na kung ito ay maayos na naidisenyo sa kurikulum.
Samantala, sa pag-aaral na isinagawa nina Norton at Wiburg ( 2003 ), ang konsepto ng teknolohiya
ay maitutumbas sa salitang technique na ang na ibig sabihin ay ang tamang paraan ng pagpili at
pagkilala kaugnay sa mga kaparaanang nagagamit ng tao sa kanyang mga gawain. Ang angkop at
tamang pagpili ng teknolohiya na ating gagamitin sa ating mga klase ay nararapat ding isaalang-alang
nang sa gayon ay mas epektibo itong mailapat sa bawat aralin. Nagagawa kasi nito na mas maging
produktibo pa ang kalidad ng edukasyon ng isang lipunan. Bukod dito, mas napabibilis din nito ang
akses ng bawat estudyante at titser sa impormasyon saan mang dako ng daigdig. Ayon nga kay
Villacorta (2003 ), ang edukasyon ay ang pagpapaabot sa mga mag-aaral ng mga kaalaman,
kakayahan at kaugaliang higit na magbibigay sa kanila ng pagkakataong maging produktibo at
makabayang mamamayang makapag-aambag sa kaunlaran ng kanilang lipunan. Ibig sabihin,
angedukasyon ay ang pagbibigay sa mga mag-aaral ng karunungan bilang produkto o end result ng
kaakuan ng isang indibidwal. Nangangahulugan lamang ito na sinumang tao na sumailalim o sasailalim
sa gawaing ito ay hindi matatakasan ang mga pagbabago sa kanyang paniniwala at mga ideolohiya
sa buhay na makaaapekto hindi lamang sa kanyang sarili bagkus sa lipunang kanyang ginagalawan.
Sa katunayan, marami ng mga pananalig pampagtuturo ang nabago ng modernong panahon na
nagdulot ng malaking impak sa edukasyon. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
1. Linyar tungo sa Hypermedia na Pagkatuto. Pagpapakita ito ng kumbensyonal na pamamaraan ng
pagtuturo gamit ang mga libro at iba pang tradisyonal na parapernalya bilang mga pangunahing
instrumento ng pagtuturo. Samantala, ang hypermedia na paraan ng pagkatuto ay tumutukoy
naman sa gamit ng telebisyon, iba’t ibang larong panteknolohiya gayundin ang gamit ng Internet
sa loob ng klasrum.
2. Simpleng Instruksiyon tungo sa Pagtuklas ng Kaalaman. Ipinapakita naman dito ang magkatuwang
na debelopment ng pagtuturo at pagkatuto.Sa kasalukuyang mga pananalig ng pagtuturo, mas
ninanais na ngayon ng mga estudyante na matuto sila mula sa sarili nilang mga karanasan at
mga pagtuklas. Dahil dito, mas nagiging mabisa at episyente ang kanilang pagkatuto sapagkat
awtentiko ang bawat karanasan nila.
3. Pagtuturong Nakapokus sa Titser tungo sa Pagkatutong Nakasentro sa Estudyante. Gamit ang
mga makabagong teknolohiya, magaganap ang pagtuturong nakasentro sa estudyante dahil sa
kanila nagmumula ang aksiyon o inisyatibo. Subalit, hindi nangangahulugang kaunti na lamang ang
papel ng titser sa loob ng klasrum, bagkus mas magiging malawak pa ito dahil siya ang magsisilbing
gaby ng kabuoang talakayang ilalahad ng mga estudyante.
4. Mula Paaralan tungo sa Panghabambuhay na Pagkatuto.Dito ay binubuwag ang paniniwalang sa
paaralan lamang magsisimula at magtatapos ang pagkatuto, bagkus gamit ang mga makabagong
teknolohiya, dulot ang panghabambuhay na pagkatamo ng mga kaalaman sa mundo. Nagsisilbi rin
itong hamon sa mga estudyante gayundin naman sa mga titser upang patuloy na tumuklas ng mga
bagong kaalaman sa kanilang paligid.
5. Tortyur na Paraan ng Pagkatuto tungo sa Pangkasiyahang Pagkatuto.Isa sa mga makabagong
inobasyon na isinasagawa ng mga paaralan sa kasalukuyang panahon ay kung paano matututo
ang mga estudyante sa paraang napahahala-gahan nila ang bawat sandaling pananatili nila sa
loob o labas man ng klasrum. Sabi nga, “ teachers are also enteratainers.” Ang entertainment ay
malaki ang naitutulong upang ma-motivate sa pag-aaral ang mga estudyante.
Ang Paniniwalang Titser bilang Tagapaghatid ng Impormasyon tungo sa Pagiging Facilitator.
Sa panahon ng impormasyon, nararapat na malinaw ang papel ng titser na siya ay hindi lamang
simpleng tagapaghatid ng impormasyon
sa mga estudyante. Nararapat niyang panghawakan na siya ay facilitator na gagabay at
magsisilbing consultant ng kaalaman sa klasrum.
Tinatayang ang mga nabanggit na pagbabago ay ang mga modernisadong perspektibo ng
edukasyon sa modernong panahon. Bagamat ang ilan sa mga ito ay lantaran na rin namang
nagagamit ng maraming titser sa kasalukuyan. Gayunpaman, hindi rito nagtatapos ang ating
gawain, bagkus, nararapat pa ring maglaan ng pagtataya o ebalwasyon kung mahusay bang
nagamit ang teknolohiya sa isang particular na aralin.
Sa puntong ito, makikita ang kahalagahan ng integrasyon ng teknolohiya sa wika partikular sa
aspektong pansarili, panlokal, at pangglobal na. Higit pa, sa kalakarang global kung saan lubos
ang kontribusyong inihahatid ng Information and Communications Technology. Ito ang bumubuo
isang lipunang lubos na pinahahalagahan ang konseptong teknolingguwal. Kung
saan, pinalalakas ang ugnayan ng mga wikang ginagamit katuwang ang lantarang pakikilahok sa
global village.
Sa huli, isang katotohanan na kung ang isang lipunan ay marunong magpahalaga sa kung
anumang wikang mayroon sila ay isang lipunang naniniwala sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan
at kaakuhan.
Maraming salamat!

Ngayon naman ay tunghayan mo ang ilang mga halimbawa ng mga lingo/ terminong ginagamit sa
mundo ng multimedia o social network.

Halimbawa ng mga lingo / terminong ginagamit sa mundo ng multi media


1. Instagram- isang online mobile na serbisyong photo sharing, video sharing at social networking na
nagbibigay- pahintulot sa mga gumagamit na kumuha ng mga larawan at bidyo at ibahagi ang mga ito
sa iba’t ibang plataporma ng social networking.
2. Facebook- isang social networking website na libre ang pagsali, pinapatakbo at pag-aari ng
Facebook Inc.,na isang pampublikong kompanya.Maaaring magdagdag ng mga kaibigan at magpadala
ng mensahe sa kanila.
3. Twitter- isang online news at social networking service kung saan ang mga user ay nagpopost at
nakikipag-ugnayan gamit ang mga mensaheng tinatawag na tweet.
4. Netflix- isang website o pahinarya na ginawa upang makapanood ng pelikula at mga palabas sa
telebisyon sa pamamagitan ng kompyuter, telebisyon, smartphone at iba pang gadget na ginagamitan
ng internet.
5. Messenger - isang app na dinadownload sa phone na nangangasiwa rin ng Facebook upang
makapagbigay ng mensahe sa kausap.

Pagkatapos mong malaman ang ilan sa mga lingong ginagamit sa multimedia/ social media at
ang kahulugan ng mga ito, iyong isagawa ang mga susunod na gawain

GAWAIN 1 : Panuto : Ayusin ang mga ginulong letra upang mabuo ang iba pang mga lingo/ terminong
nagamit sa teksto.

1. F I N O RA M O T I N E A G-------- __________________________________

2. E- S S A C L------------------------------- __________________________________

3. E- L I A M---------------------------------- __________________________________

4. N O - E N I L----------------------------- __________________________________

5. B E W A G E P-------------------------- __________________________________

Gawain 2 : Panuto : Isulat sa unang hanay ang mga bagong salita para sa iyo at ibigay ang kahulugan
nito gamit ang diksyunaryo o ang konteksto ng pangungusap kung saan ito ginamit sa ikalawang hanay.

Mga Bagong Salita para sa Akin Kahulugan ng salita Batay sa Pagkakagamit sa


akda/ mula sadiksyunaryo
Gawain 3 : Panuto: Ang mga salitang nakasulat nang may diin sa mga pahayag sa hanay A ay
mga salitang ginagamit sa mundo ng media. Bigyang-kahulugan ang mga ito sa pamamagitan ng
pagpili ng kahulugan nito sa mga salitang ginagamit sa mundo ng media.Bigyang-kahulugan ang mga
ito sa pamamagitan ng pagpili ng kahulugan nito sa mga salitang nakasulat sa hanay B.Titik Lamang
ang isulat bilang sagot.

1. pinanghahawakan ng mga techie


2. kahalagahan ng multimedia
3. mga gamit ng cybernetics
4. tungo sa hypermedia na pagkatuto
5. pakikilahok sa global village
6. halimbawa nito ay ang world wide web ( www )
7. paggamit ng e-learning
8. Internet sa loob ng klasrum

a. agham ng komunikasyon at ng awtomatikong sistema ng pagkontrol kapwa sa makina at


buhay na nilalang.
b. internasyonal na network na pang-computer na nag-uugnay sa mga indibidwal na nasa iba’t
ibang panig ng mundo
c. isang sistema ng magkakabit na mga dokumento na makukuha sa Internet
d. isang uri ng pagkatuto at pagtuturo sa pamamagitan ng elektronikong paraan
e. paggamit ng higit sa isang pamamaraan ng pagpapahayag o komunikasyon
f. taong eksperto sa teknolohiya
g. uri ng kimunidad na nasasaklawan ang buong mundo
h. ang pagsasama-sama ng iba’t ibang klase ng teknolohiya katulad ng audio, video, graphics,
plain text, at hyperlinks

PAGLALAGOM

Isaisip…
Masasabi natin na malaking tulong ang teknolohiya sa pag-unlad ng iba’t ibang aspeto ng kaalaman at ng
edukasyon. Gamit ang sariling wika at unibersal na wika, ang Ingles na nauunawaan ng nakararami. Ito rin ay
kinikilala bilang first global lingua franca na ginagamit sa pang-internasyonal na pakikipagtalastasan. Subalit
kailangan nating tandaan na nararapat nating gamitin ito nang wasto.
Ang wastong paggamit ng teknolohiya ay isa lamang sa mga karagdagang pamamaraan na makakatulong
sa pag-aaral. Depende na sa atin kung paano natin ito gagamitin. Bilang mga tao na nilikha ng Diyos, tayo pa
rin ang lubos na makatutulong sa ating mga sarili at maging sa mga mag-aaral upang maging makabuluhan at
maging daan upang mapaunlad ang tinatawag na makabagong pamamaraan para sa edukasyon na siyang
huhubog sa bagong henerasyon.

APLIKASYON

Kumusta ang pag-aaral mo minamahal kong mag-aaral? Patuloy nating dagdagan ang iyong kaalaman. Muling
ilabas ang iyong kuwaderno at sagutin ang gawain sa ibaba.

PAYABUNGIN NATIN !

Bilang
ALAMINkabataan,
NATIN: paano mo mapananatili ang iyong maalab na pagmamahal sa wikang Filipino sa
kabila ng malawakang pagsusulong ng information technology?
_________________________________________________________________________________
PAGTATAYA

TSEK ( / ) ? O EKIS ( X ) ?
Gawain 1 : Panuto : Basahin ang mga sumusunod na pangungusap. Ilagay ang TSEK ( √ ) kung ito
ay nagsasaad ng katotohanan at EKIS ( x )naman kung hindi.
1. Ang paggamit ng WIKA MO, ang tumutulong sa iyo upang lubos mong maiparamdam ang nais mo
sa pinakamabisang paraan.
2. Daig ng teknolohiya ang utak ng isang indbidwal.
3. Ang teknolohiya ay maitutumbas sa salitang technique na ang ibig sabihin ay ang tamang paraan
ng pagpili at pagkilala kaugnay sa mga kaparaanang nagagamit ng tao sa kanyang mga gawain.
4. Ang wikang Filipino ang itinuturing na universal language dahil ito ang wikang nauunawaan ng
nakararami.
5. Dahil sa pagbabagong hatid ng teknolohiya, hind uunlad ang sistema ng edukasyon
6. Ang mga titser ay kailangang sumabay sa pagsulong ng terknolohiya upang hindi siya maiwan ng
mga pagbabagong hatid nito.
7. Ang Hypermedia ang tinatayang pinakamalaking imbakan ng impormasyon sa buong mundo.
8. Ang wika ng bawat bansa ay may may kaniya-kaniyang taglay na katangian at kakanyahan.
9. Ang angkop at tamang pagpili ng teknolohiya na ating gagamitin sa ating klase ay nararapat
isaalang-alang nang sa gayon ay mas epektibo itong mailapat sa bawat aralin.
10. Gamit ang makabagong teknolohiya, magaganap ang pagtuturong nakasentro sa titser dahil sa
kanila nagmumula ang aksyon o inisyatibo.

Gawain 2 : Panuto: Piliin sa loob ng panaklong ang tinutukoy na lingo o termino ng mga sumusunod
na pahayag.
1. Ito ang tinatayang pinakamalaking imbakan ng impormasyon sa buong mundo.
a. Multimedia b.world wide web c. cybernetics d. on-line
2. Ito ay tumutukoy naman sa gamit ng telebisyon, iba’t ibang larong panteknolohiya gayundin ang
gamit ng internet sa loob ng klasrum.
a. Hypermedia b. global village c. cybernetics d. on-line
3. Ito ang bumubuo sa isang lipunang lubos na pinahahalagahan ang konseptong telnolingguwal.
Kung saan, pinalalakas ang ugnayan ng mga wikang ginagamit katuwang ang lantarang
pakikilahok sa global village.
a. w.w.w b. cybernetics c. on-line d.Information and Communications Technology
4. Ito ang tamang paraan ng pagpili at pagkilala kaugnay sa mga kaparaaanang nagagamit ng tao
sa kanyang mga gawain.
a. Hypermedia b. cybernetics c. techie d. technique
5. Pinanghahawakan ng mga eksperto sa teknolohiya na ang modernong panahon ay mahigpit na
nakasalalay sa mga inobasyong ihahatid ng teknolohiya.
a. e-mail b. on-line c. hypermedia d. techie

Gawain 3 : Panuto : Tama o Mali. Isulat ang salitang OKEY kung wasto ang isinasad ng pangungusap
at WALEY naman kung mali ang isinasaad ng pangungusap.
1. Ang paggamit ng e-learning ay nakatutulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
2. Sa pamamagitan ng hypermedia ay nagagawa ng tao na makaakses sa anumang uri ng datos o
kaalaman na naisin niya.
3. Ang global village ay ang pagsasama-sama ng iba’t ibang klase ng teknolohiya katulad ng audio,
video, graphics, plain text, at hyperlinks.
4. Ang world wide web (www) ay isang sistema ng magkakabit na mga dokumento na makukuha
sa internet.
5. Ang internet sa loob ng klasrum ay paggamit ng higit sa isang pamamaraan ng pagpapahayag o
komunikasyon.
Pangganyak: bilang 1 at 2- mga posibleng sagot ( a.Facebook, b Instagram,
c. Messenger, d. Twitter e. Youtube f. Playstore g. Flicker
bilang 1-3. Sa bahaging ito ng SLK , ang guro ang magwawasto sa mga sagot ng mga mag-aaral..
Nakadepende sa sagot ng mga mag-aaral.
( Iba pang mga posibleng sagot)
Gawain 1:
1. Information age
2. E-class
3. E-mail
4. On- line
5. Webpage
Gawain 2 :
• Sa bahaging ito ng SLK , ang guro ang magwawasto sa mga sagot ng mga mga mag-aaral.
Nakadepende sa sagot ng mga mag-aaral.
Gawain 3 :
1. F
2. H
3. A
4. E
5. G
6. C
7. D
8. B
APLIKASYON:
PayabunginNatin! Sa bahaging ito ng SLK ang guro ang magwawasto sa mga sagot ng mga mag-aaral..
Nakadepende sa sagot ng mga mag-aaral.
Pagtataya:
Gawain 1 :
1. TSEK √ 6. TSEK √
2. EKIS X 7. EKIS X
3. TSEK √ 8. TSEK √
4. EKIS X 9. TSEK √
5. EKIS X 10. EKIS X
Gawain 2 :
1. B
2. A
3. D
4. D
5. D
Gawain 3 :
1. OKEY
2. WALEY
3. WALEY
4. OKEY
5. WALEY
SUSI SA PAGWAWASTO

You might also like