Ito ay tumutukoy sa limang karamdamang pisikal o mga
panlabas na pandama na nakapagdudulot ng panandaliang kasiyahan o paghihirap sa tao. Halimbawa ng mga ito ay pagkagutom, pagkauhaw,kalasingan, halimuyak, panlasa, kiliti, kasiyahan, at sakit. Sa katotohanan, angkasiya-siya ay higit na naiibigan. Ang ilan ay hinaharap ang hindi kasiya-siyabilang pagsasakripisyo tungo sa pagtatamo ng mas mataas na halaga. 2. Kalagayan ng damdamin (feelings state). Ito ay may kinalaman sa kasalukuyang kalagayan na nararamdaman ng tao. Halimbawa nito ay kasiglahan, katamlayan,may gana, walang gana. 3. Sikikong damdamin (psychical feelings). Ang pagtugon ng tao sa mga bagay sa kaniyang paligid ay naiimpluwensyahan ng kasalukuyang kalagayan ng kaniyang damdamin. Dahil ang tao ay may likas na kagalingan o kahusayan, at may pagpapahalaga sa mabuti, ang kaniyang dagliang tugon ay maaaring mapagbago ng kaniyang kalooban at pag-iisip tungo sa positibong panlipunang pakikipag-ugnayan. Ilan lamang sa mga halimbawa nito ay sobrang tuwa, kaligayahan, kalungkutan, kasiyahan, pagdamay, mapagmahal, poot. 4. Ispiritwal na damdamin (spiritual feelings). Ayon kay Dr. Manuel B. Dy Jr., ang mga ispiritwal na damdamin ay nakatuon sa paghubog ng pagpapahalaga sa kabanalan tulad ng pag-asa at pananampalataya. Narito ang talaan ng pangunahing emosyon na hango sa aklat ni Esther Esteban na Education in Values: What, Why and For Whom: (1990, ph. 51). PANGUNAHHING EMOSYON Pagmamahal (love) Paghahangad (desire) Pagkatuwa (joy) Pag-asa (hope) Pagiging matatag (courage) Pagkamuhi (hatred) Pag-iwas (aversion) Pagdadalamhati (sorrow) Kawalan ng pag-asa (despair) Pagkatakot (fear) Pagkagalit (anger) Ang mga emosyon sa unang hanay ay nakasisiya ngunit nangangailangan ng wastong pamamahala. Bagaman natuwa ka sa nakita mong tsokolate sa inyong refrigerator ngunit alam mo na hindi sa iyo ito kaya hindi mo ito dapat na kainin. Mahalaga na ikaw ay makapagtimpi at makapagpigil sa pagkuha nito. Ang mga emosyon sa ikalawang hanay ay nagpapahirap sa damdamin dahil ito ay nakatatakot, nakalulungkot at nagdudulot ng sakit sa kalooban ng tao. Maraming mga mag-aaral na ayaw nang subukang mag-aral sa kolehiyo dahil nahihirapan silang tustusan ang kanilang pinansiyal na pangangailangan. Mas pipiliin nilang makapagtrabaho pagkatapos ng Baitang 10. Natatakot silang hindi rin makapagtatapos. Sa ganitong pagkakataon ay kailangan ang katatagan ng loob (fortitude) upang malampasan ang hirap at takot na nararamdaman. Ang birtud na ito ay nagbibigay ng kakayahan sa tao na malampasan ang kahirapan, labanan ang mga tukso at pagtagumpayan ang mga balakid tungo sa higit na maayos na pamumuhay. Napakahalaga na pinag-iisipang maigi ang gagawin lalo na sa panahon na nawawalan ka na ng pag-asa at pilit na iniiwasan ang pangyayari dala nang bigat ng suliranin at hindi alam kung ano ang gagawin. Ikaw ay nakararanas ng krisis at pagkalito. Hindi mo na alam ang iyong gagawin. Ikaw ay nagalit sa iyong matalik na kaibigan dahil narinig mong sinisiraan ka niya. Iniisip mo na gantihan siya. Mahalaga na maging mahinahon, pagnilayan ang sitwasyon at pag-isipang mabuti ang pinakamainam na gawin upang maiwasan ang pagsisisi sa huli. Ayon kay Sto. Tomas de Aquino, ang matalinong paghusga ay hindi lamang tumutukoy sa kung ano ang dapat gawin ng tao sa pagharap sa mga krisis sa buhay, kung hindi kakayahang makagawa ng pasiya sa napapanahong paraan. Ang katatagan ng loob ang nagbibigay ng kakayahan sa tao na malampasan ang kahirapan at labanan ang mga tukso upang mapagtagumpayan ang mga balakid sa buhay. Ayon kay Feldman (2005, ph.346), sa pamamagitan ng emosyon ay: a. Nababatid ng tao ang nangyayari sa kaniyang paligid at nabibigyan ito ng katuturan ng kaniyang isip. Kung ikaw ay binantaan ng iyong kamag-aral na sasaktan paglabas ng paaralan ang karaniwang mararamdaman ay takot. Dahil sa naramdaman mong takot ikaw marahil ay agad na aalis upang hindi na kayo magpang-abot. b. Nakatutukoy ng higit na angkop na kilos kung sakaling maramdaman muli ang damdamin. Nakapag-iingat at nakaiiwas ang tao sa posibleng panganib na dala ng sitwasyong nararanasan sa sarili at sa kapwa. c. Nagagamit sa pakikipagkomunikasyon at pakikipag-ugnayan sa kapwa. Ang pagpapahayag ng emosyon ay maaaring marahan o lantad tulad ng ekspresyon ng iyong mukha, pagsuntok sa pader, pag-iyak, o pagtawa nang malakas. Sa pamamagitan ng emosyon, naipababatid natin ang tunay nating nararamdaman at naipahihiwatig ang mga pangangailangan natin at inaasahan mula sa iba. Ang mga emosyon na hindi napamamahalaan ay maaaring hindi maganda ang impluwensiya sa ating mga kilos at pagpapasiya sa sitwasyong may krisis, suliranin o pagkalito. Ngunit hindi lahat ay sapat ang kakayahan upang mapamahalaan ang kanilang emosyon. Nabalitaan mo ba ang isang mag-aaral na nakasakit ng kamag-aral dahil sa selos? O kaya’y ang isang tatay na nagmukmok na lamang sa bahay nang matanggal ito sa trabaho? Ilan lamang ito sa mga pagkakataon na hindi napamamahalaan nang maayos ang emosyon kung kaya’t nagbubunga ang mga reaksyong hindi maganda sa sarili at sa pakikipagkapwa. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng tao ng literasiya sa kaniyang emosyon. Ayon kay Seeburger, F. (1997, ph.30), ang literasiyang pandamdamin ay tumutukoy sa dalawang bagay. Una, kakayahang alamin at unawain ang mga sariling emosyon; at pangalawa, matukoy at maramdaman ang damdamin na angkop o akma lamang sa sitwasyon na kinakaharap. Nakita ng mga ilang siyentipiko tulad nina Salovey, Gardner, at Goleman ang kahalagahan ng pamamahala sa emosyon sa pagpapaunlad ng sarili at pakikipagkapwa. Kapag napagtagumpayan ng tao ang pamamahala ng kaniyang emosyon, nangangahulugan na mataas ang kaniyang EQ o Emotional Quotient na kilala rin sa tawag na Emotional Intelligence. Paano napauunlad ng EQ ang tao? Narito ang limang pangunahing elemento ng EQ (Goleman, D., 1998): 1. Pagkilala sa sariling emosyon. Mahalaga na may kamalayan sa sariling damdamin. Ito ay makatutulong sa pagkakaroon ng pang-unawa sa sarili. Ikaw ay nakagagawa ng pagpapasiya sa iyong sarili at hindi ka lang sunod nang sunod sa nais ng iba. 2. Pamamahala sa sariling emosyon. Ang kakayahang mapamahalaan ang ating emosyon ay mahalaga dahil ang mga ito ay may epekto sa kalagayan ng ating kalooban at pakikipag-ugnayan sa kapwa. Ang taong may ganitong kakayahan ay madaling makabangon sa mga pagsubok sa buhay at makamit ang kaniyang mga mithiin sa buhay. 3. Motibasyon. Ito ay kakayahang magtimpi o magpigil na gawin ang isang bagay na hindi dapat upang matupad ang isang layuning higit na mahalaga para sa ikabubuti ng iba. Ang taong may ganitong kakayahan ay may disiplina sa sarili at hindi pabigla-bigla ang pagpapasiya. Naglalaan siya ng oras upang makapag-relax at magnilay. 4. Pagkilala at pag-unawa sa damdamin ng iba. Ito ay kakayahang makadama sa damdamin at pangangailangan ng iba. Ang taong may ganitong kakayahan ay marunong ding bumasa at bigyan ng kahulugan ang kilos ng iba. Maaari din siyang sumangguni upang humingi ng tulong sa mga kapamilya at mga pinagkakatiwalaang kaibigan. 5. Pamamahala ng ugnayan. Ito ay nangangahulugan na napamamahalaan nang wasto ang emosyon sa pakikipag- ugnayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaalaman sa pagpapanatili ng magandang ugnayan. Mahalaga sa pagpapanatili ng magandang ugnayan ang pagtitiwala sa sarili, malawak at bukas ang isipan at kalooban, paggalang, pagtanggap sa mga pangyayari at pagiging tapat sa sinasabi. Mahalaga na makapagbalangkas ka ng pamamaraan upang makayanan at mapagtagumpayan mo ang mga emosyon bunga ng iyong pinagdaraanan at mga karanasan. Ilan sa mga mungkahing paraan upang mapamahalaan ang mga ito ay (Moratό, Jr., 2007): a. Tanungin ang sarili, “hahayaan ko bang magawa ko ang di karapat-dapat o mas pipiliin kong gumawa ng makabubuti?” Hindi lamang ang sarili ang nagiging biktima sa ating maling pamamahala ng ating emosyon. Mahalagang naipahahayag natin ito nang maayos upang mapanatili natin ang ating mabuting ugnayan sa ating kapwa. b. Tanggapin na ikaw ay takot harapin ang takot, ngunit isipin na mayroon pang higit na magandang mangyayari. Maging positibo sa pagharap sa hamon ng buhay. c. Isaisip na ang tagumpay ay hindi nasusukat sa yaman, kapangyarihan, at pagiging tanyag kung hindi sa kakayahan na mamuhay nang may pagpapahalaga at dangal. d. Matutong tanggapin na may hangganan ang lahat ng bagay na mayroon tayo, tao man o bagay. Hindi naman ito nangangahulugan na magiging wala kang pakialam o wala silang halaga sa iyo. e. Sa tuwing ikaw ay nawawalan ng pag-asa, isipin na may mga taong maaari mong pagkatiwalaan at mahingan ng tulong. Buksan ang isipan at kalooban na kaya mong makamit ang hangarin sa buhay. Hangad ng bawat isa ay magkaroon ng matiwasay, masaya, at makabuluhang buhay sa pamamagitan nang mabuting ugnayan sa sarili at sa kapwa. Kaya nararapat lamang na sa araw-araw nating pamumuhay ay piliing maigi ang mga bagay na pagtutuunan nang higit na pansin. Mahalaga na magtiwala sa sarili, sa kapwa at sa Diyos sa paggawa ng pagpapasiya tungo sa ikauunlad ng iyong pakikipagkapwa. Nakikita natin ang epekto ng padalos-dalos nating pasiya at kilos dala ng mga negatibong emosyon na hindi napamamahalaan. Madalas ay hindi nagiging maganda ang idinudulot nito sa ating sarili at higit sa iba.