You are on page 1of 4

Tekstong Impormatibo

Ikatlong Linggo

Bakit nga ba kailangan natin ng mga impormasyon? Malaki ba ang kapakinabangan na makukuha mula
rito? Ang impormasyon ay ang sistematikong pagbubuo, paghahanay, at pag-uugnay ng mga kaisipan, ideya,
saloobin, katotohanan, at mga impormasyon. Ang mga pangunahing impormasyon tulad ng pangalan, edad,
tirahan, paaralan, pisikal na kaanyuan, katangian, at marami pang iba ay ilan lamang sa mga maaaring malaman
sa iyo at sa iyong kapwa. Tiyak at tumpak ang mga impormasyong ito. Sa lahat ng pagkakataon, dapat maihatid
sa tao ang mga impormasyon na kailangan niyang malaman upang magamit niya sa pang-araw-araw na
pamumuhay. Karapatan niyang malaman ang mga impormasyon tungkol sa kanyang sarili, pamilya, komunidad,
at pamayanan.

Ang tekstong impormatibo ay may layuning maging daluyan ng makatotohanang impormasyon sa


mambabasa. Binabaklas nito ang mga di-maunawaang kaisipan sa isang paksa. Obhetibo ito kaya limitado
lamang ang pagkiling o paglapat ng damdamin ng may-akda sa paksa. Ang emosyon, damdamin, saloobin,
kaisipan, opinyon, at sarili ng may-akda ay maaaring mabigyan ng pagkakataong isiwalat kung
napapangibabawan pa rin ito ng samot-saring kaalaman o impormasyon tungkol sa paksa. Sa bawat tekstong
impormatibo na binabasa, kailangan magkaroon ng tamang pagsusuri ang mambabasa sa mga impormasyon
sapagkat nagbibigay ito ng sensitibong paghahanay ng mga kaisipan na madaling paniwalaan ng mambabasa.
Nagtitiwala ang mga mambabasa sa pagbasa ng ganitong teksto sapagkat batid niyang marami at
makatotohanan ang mga impormasyon na makukuha niya rito. Ilan sa mga halimbawa ng tekstong impormatibo
ay ang pagbasa ng pahayagan o diyaryo, pakikinig sa mga balita, panonood sa mga patalastas, at marami pang
iba. Ang mga impormasyon na mababasa rito ay maaaring makabuhay o makapatay, makapagganyak o
mawalan ng interes o pag-asa, maging malakas o makaramdam ng panghihina, matuwa o malungkot ang isang
tao. Umaasa ang mambabasa sa tekstong impormatibo dahil alam niyang may makukuha mula rito. Dapat
isaallang-alang na sa bawat pagbasa ng isang teksto, may mga makukuhang impormasyon na makatotohanan o
maaaring gawa-gawa lamang. Ang pagiging maingat ang isa sa mga katangiang dapat taglayin ng isang
mambabasa. Kailangan ng mga katibayan o ebidensya upang maging makatotohanan ang isang impormasyon.
Ang mga ito ay makatutulong at makapagbibigay-liwanag sa bawat indibidwal na masagot ang ilang mga
katanungan sa kanilang isipan. Layunin ng isang tekstong argumentatibo na alisin at bigyan ng tamang paglilinaw
ang mga katanungan, agam-agam, o pag-aalinlangan na bumabalot sa isipan ng bumabasa hinggil sa paksang
tinatalakay. Ang mga ito ay nangangailangan ng katumpakan o katiyakan ng mga impormasyon.

Kailangang isaalang-alang ang ilang sukatan upang maging impormatibo ang isang teksto. Sa pagkuha
ng datos mula sa isang tekstong impormatibo, napakahalagang malaman kung sino ang may-akda o ang taong
pinanggalingan ng isang impormasyon o datos upang malaman kung ang mga ito ay kongkreto, tiyak, tama at
mapagkakatiwalaan. Napakahalaga ng kredibilidad ng may-akda sa pagkakataong ito. Mahalaga ring matukoy at
masuri ang dahilan o layunin ng may-akda sa pagbabahagi ng impormasyon. Mayroon bang nais isiwalat na
katotohanan ang may-akda sa tekstong binasa? Alamin kung ang teksto ay isang opinyon at may kinikilingan.
Kailangang dokumentado ang teksto upang maging mas mabisa ito at kung ito ba ay napapanahon.

Sa pangangalap naman ng mga impormasyon, kailangang tukuyin kung anong uri ng impormasyon o
datos ang kailangan. Ang pagsusuri ng mga nakuhang impormasyon o datos ang dapat isagawa gayundin ang
pagbasa at pagtala ng mga impormasyon. Tiyakin na ang sanggunian o pinagkunan ng impormasyon ay may
kredibilidad.

Naririto ang ilan sa mga gabay na tanong sa pagsusuri ng isang tekstong impormatibo:

1. Mapagkakatiwalaan ba ang may-akda/tagapaglathala?


2. Makatotohanan ba ang mga impormasyon o datos?
3. Napapanahon ba ang mga impormasyong inilahad?

Mga katangian ng tekstong impormatibo


 Naglalahad ito ng mga mahahalagang impormasyon, bagong kaalaman, bagong pangyayari, bagong
paniniwala, mga bagong impormasyon, at tiyak na detalye para sa kabatiran ng mga mambabasa.
 Ang mga kaalaman ay nakaayos nang may pagkakasunod-sunod at inilalahad nang buong linaw at
kaisahan.
 Karamihan sa mga impormasyon ay patungkol sa mga bagay at paksang pinag-uusapan.
 Nagbibigay ito ng mga impormasyong nakapagpapalawak ng kaalaman at nagbibigay-linaw sa mga
paksang inilalahad upang mawala ang alinlangan.
 Naglalahad ng mga datos na nakatutulong sa paglilinaw ng mga konsepto.
Saan-saan maaaring mangalap ng mga impormasyon o datos?
Hanguang Primarya
 Mga indibidwal o awtoridad
 Mga grupo o organisasyon
 Mga kinagawiang kaugalian
 Mga pampublikong kasulatan o dokumento
Hanguang Elektroniko
 Internet
 Sa pamamagitan ng e-mail
 Telephone o cellphon
Hanguang Sekundarya
 Mga aklat tulad ng diksyunaryo, ensayklopedia, taunang-aklat o yearbook, almanac at atlas
 Mga nalathalang artikulo sa journal, magasin, pahayagan, at newsletter.
 Mga tesis, disertasyon at pag-aaral sa feasibility
 Mga monograp, manwal, polyeto, manuskrito, at iba pa

Iba’t ibang paraan ng paglalahad ng tekstong impormatibo


 Sanhi at Bunga – ito ay paglalahad na nagpapakita ng pagkakaugnay-ugnay ng mga pangyayari at kung
paanong ang kinalabasan ay naging resulta ng mga naunang pangyayari. Sa uring ito, ipinaliliwanag ng
manunulat ang malinaw na relasyon sa dalawang bagay at nagbibigay ng pikus sa kung bakit nangyari
ang mga bagay (sanhi) at ano ang resulta nito (bunga).
 Paghahambing – ang mga tekstong nasa ganitong estruktura ay kadalasang nagpapakita ng mga
pagkakaiba at pagkakatulad sa pagitan ng anomang bagay, konsepto, o pangyayari
 Pagbibigay-depinisyon – ipinaliliwanag sa ganitong uri ang kahulugan ng isang salita, termino o
konsepto. Maaaring ang paksa ay tungkol sa isang kongkretong bagay gaya ng uri ng isang hayop, puno
o kaya naman ay mas abstraktong mga bagay gaya ng katarungan, pagkakapantay-pantay, o pag-ibig. Sa
ganitong uri ng tekstong impormatibo, mahalagang pag-ibahin ang mga kahulugang denotatibo at
konotatibo.
 Paglilista ng klasipikasyon – kadalasang naghahati-hati ng isang malaking paksa o ideya sa iba’t ibang
kategorya o grupo upang magkaroon ng sistema ang pagtalakay. Nagsisimula ang manunulat sa
pagtalakay sa pangkalahatang kategorya at pagkatapos ay bibigyang-depenisyon at halimbawa ang iba’t
ibang klasipikasyon o grupo sa ilalim nito.

PAGSUSURI NG ISANG TESKTONG IMPORMATIBO

A. Talasalitaan: Bigyang kahulugan ang mga salitang may salungguhit ayon sa pagkagamit sa pangungusap.
1. Hindi mapasubaliang ang may tangan ng korona sa larangan ng moda sa damit ay maong o denims.
2. Isang sastre ang narinig na napapalatak, puro maong daw ang dinaanan ng kanyang gunting sa buwan
ng pasukan ngayong Hunyo.
3. Katunayan, may tatak ng etsa-puwera ang hindi nakamaong sa paaralan.
4. Sa mga probinsya, kasama ng telang gris na tulad ng maong at makapal at maruming tingnan.
5. Anumang pagtuturo ng titser sa haisul na hindi disenteng tingnan ang maong, patuloy pa rin itong
isinusuot ng mga kabataan.
6. Naghanap ang kabataan ng kataliwasan ng damit ng middle class, yaong hindi maporma, mukhang
marumi at hindi nagtatago ng kahirapan.
7. Lalo na noong panahon ng mini skirt, ang mga babae ay kailangang bumaba nang de-numero sa kotse o
magtakip ng kwaderno samantalang nakaupo.
8. Para sa ilang matanda, ang kulay asul at pangharabas nito’y nagbibigay ng damdaming macho.

B. Pagbasa sa Teksto:
Mga Gabay na Tanong:
1. Saan nagsimula ang pagsusuot ng maong?
2. Sino si Levi Strauss?
3. Sa paanong paraan maituturing na rebelyon ang pagsusuot ng maong?
4. Bakit ang maong ang itinuturing na umiporme ng daigdig?

SA MAKATI AT DIVISORIA, DENIMS ANG HANAP NILA

Ni: Valerio L. Nofuente

Hindi mapasubaliang ang may tangan ng korona sa larangan ng moda sa damit ay maong o denims. Tila
uniporme ng Pinoy ang pantalong maong lalo na sa mga siyudad at matatagpuang namamayani sa mga kampus,
pabrika, opisina, subdibisyon, at pook-iskwater. Ito’y isinusuot ng traysikel boy at executive, disc jocky at kanto
boy, naka-Mercedes Benz at dyip, babae, bakla, matron at mukhang tatay, estudyante, at drop-out.
Tila lagareng Hapong kumakagat pasulong man o paurong, ang makapal na telang ito’y pwedeng
pambahay, pang-ekskursiyon, pantrabaho, pamparty, at pamporma. Walang pinipiling edad o uri ng tao. Ito ay
unisex, pangmahirap o pangmayaman, pang-tinedyer at pangmatanda. Babagay kina Jean at Johnny, Juan at
Juana, Juanito at Juanita.

Sa malilikot na guniguni at malikhaing kamay ng Pinoy, iba-iba ang anyo na nagagawang palitawin sa
kapirasong tela o bawat putol na papantalunin. Maaaring makakita ng straight cut, bell-bottoms, de-baston, de-
rimatse, at burdado. Isang tinedyer na taga-San Mateo ang may pantalong kung taguri’y pang-Ermita dahil
parang album patches buhat sa insignia ng ROTC, Marist Kindergarten, College of Law, Lions Club, RCPI,
Villages Homeowner’s Association, U.S. Navy, PLDT, Philippine Army, Green Revolution, CIA Palestinian
Liberation Organization, Prisoner of War, at Boy Scout. Sa huling araw ng klase noong nakaraang summer, isang
estudyante ang may dala ng pentel pen at lahat ng kaklase ay pinapirma sa pantalong maong para may maiwang
souvenir sa kanya.

Isang sastre ang narinig na napapalatak, puro maong daw ang dinaanan ng kanyang gunting sa buwan ng
pasukan ngayong Hunyo. Sa mga department store, tila pila ng libreng bigas na laging puno ng tao ang mod
shoppe o mga seksiyong may naka-display na Levi’s, Amco, Hustler, Wrangler, Jag, at iba pa.

Ayon sa isang estudyante, madali raw mahalata ang galing sa probinsyang freshman. Kalimita’y naka-
double knit. Ngunit sa sunsunod ns semestre, kasapi na rin sila ng lehiyon ng kabataang nakasuot ng tila
unipormeng denims. Katunayan, may tatak ng etsa-puwera ang hindi nakamaong sa paaralan.

SERGE DE NIMES

Ang denims (maong sa Pinoy) ay isang uri ng matibay at makapal na telang buhat sa sinulid na bulak.
Dahil sa orihinal na kulay ay naging angkop ito sa gawaing pampabrika. Ang ngalan ng tela ay buhat sa serge de
nimes, o telang buhat sa Nimes, na isang pook sa Pransya. Kalaunan, mas kilala ito sa pinaikling denims.

Ang angkop na gammit para sa pantalong denims ay natuklasan nang di sinasadya noong 1850 sa
California. Panahon yaon ng Gold Rush at isang nandarayuhang Aleman, si Levi Strauss, ang nagtungo sa
minahan dala-dala ang makapal na telang kambas upang ipagbiling tent o bubong ng bagon. Ngunit hindi tent ni
bubong ang kailangan ng minero kundi pantalong may matibay na tela, tahi at di-rimatseng bulsa para tumagal sa
harabas ng trabaho. Hindi masasayang ang kambas, naisip ni Strauss, at ito’y ginawa niyang pantalong matibay.
Naging mabili ang produkto sa mga minero. Nag-empleo si Strauss ng maraming sastre at ang malauna’y denims
na ang ginamit.

Nanatiling damit na pantrabaho ang denims o maong. Sa Pilipinas noong bago magkagiyera, ang maong
ay suot ng nagtatrabaho sa bukid, talyer, at pabrika. Sa mga probinsya, kasama ang telang gris na tulad ng
maong at makapal at maruming tingnan, naging panlaban ito sa putik, ulan, alikabok, at pawis. Sa isang lumang
aklat na ginamit para sa kursong sosyolohiya, ay nagsusuot ng maong ay itinuturing na mamamayang maliit ang
kita at mababa ang pinag-aralan.

Sampung taon lamang ang nakaraan, nakabaligtad na ang pagpapahalaga ng mga tao sa denims.
Anumang pagtuturo ng titser sa haiskul na hindi disenteng tingnan ang maong, patuloy pa rin itong isinusuot ng
kabataang higit na nahihiyang magsuot ng double knit kaysa parusahan ng expulsion. Isang paring Heswita na
nakatalaga sa Marikina ang naging tampulan ng paghagikgik at pagkagulat ng komunidad sapagkat sa
pagbabasbas ng bahay, kotse o patay ay nakasuot ng pantalong denims. Bakit nga naman, nasa ganitong
pagdadamit ang identipikasyon sa taong-bayan.

Hindi lamang karaniwang mamamayan ang nagsusuot ng maong. May ilang opisyal ng gobyerno,
teknokrata, at executive sa malalaking opisina ang nakamaong na ring malimit lalo na kung Sabado at Linggo. Si
Prinsesa Anne ng Inglatera at Susan Ford ng Estados Unidos ay nakunan na rin ng larawan nang nakadenims.
Tuloy, ang denims ay tila moda at kulturang tagapag-ugnay sa buong planeta.

REBELYON SA TIPONG DISENTE

Komplikadto ang dahilan sa pagtanggap ng mayayaman at ng kabataan sa kasuotang dati’y itinuturing na


pangmahirap lamang. Sa pagpasok ng dekada sesenta, naging simbolo ito ng rebelyon para sa mga kabataang
taga-Kanluran dahil sa alyenasyong dulot ng mabilis na industriyalisasyon matapos ang Ikalawang Digmaang
Pandaigdig. Maruming tingnan, gusot at kupas na maong ang suot ni James Dean at ng beatnik na naging idolo
ng kilusang walang direksyon ng mga kabataan noon. Pinag-aalsahan nila ang istriktong moralidad at mahigpit na
pamantayan ng middle class.
Suot naman noon ng establisyemento ang mukhang laging plantsadong wash and wear, tetoron, at
double knit, na tineternuhan ng kurbata. Ang establisyemento ay larawan ng lipunang sakal ng kurbata ng
moralidad at ballot ng batas na ayaw magsuot tulad ng wash and wear.

Ang maong ay rebelyon laban sa establisyementong may baliw halos na paghahangad na magmukhang
disente upang maitago ang kahinaan at katiwalian ng sistema. Naghanap ang kabataan ng kataliwasan ng damit
ng middle class, yaong hindi maporma, mukhang marumi at hindi nagtatago ng kahirapan. Kung mukhang luma
at gusgusin, higit na mas magaling. May estudyanteng taga-Lyceum na bumili ng bagong pantalon. Binuhusan
niya ito ng chlorox at presto, biglang kupas, mukhang luma.

Tatak din ng pantalong maong ang pag-aalsa ng kababaihang itinali sa kumbensyon ng palda at saya.
Lalo na noong panahon ng mini skirt, ang anak ni Eba’y kailangang bumaba nang de-numero sa kotse at
magtakip ng kwaderno samantalang nakaupo sa dyipni upang huwag mabunyag ang takaw-matang tanawin.
Kapag nakapalda’y mahirap makipaghabulan sa pagbitin sa estribo ng bus o sumalagmak sa lupa at nakatatakot
malilisan ng malakas na ihip ng hangin.

Nasuhayan ng espiritu ng 1970 ang pagyakap ng mga kabataan sa maong. Yaon ang panahon ng
demonstrasyon. Noon, itinakwil mula sa kampus hanggang sa Plaza Miranda ang “tamad na burgis.” Ang idolo
noon ay ang masa at ang maong na damit pangmahirap ay naging in. ang maong ang naging tatak ng panahon.

Bukod sa dahilang sosyolohiya, may mga personal na dahilan ang ilang Pilipino na mahilig magsuot ng
maong. Maraming nakikisunod sa moda upang masabing sila’y modern at hindi napag-iiwanan ng panahon. Para
sa ilang matanda. D.O.M. man o hindi, ang kulay asul at pangharabas nito’y nagbibigay ng damdaming macho.
Sa karaniwang estudyanteng tatlo lamang ang pantalon, hindi ito kapitin ng dumi. Kaunting pagpag pagkagamit,
maaari na uling isabit sa hanger. Isang dalagita ang pigil ang ngiting nagkuwento: “Ang hilig kong umupo sa
damuhan, at kiliting-kiliti ako pag hindi nakamaong.”

HINDI BIRONG SALAPI

Sa lipunang namamayani ang may puhunan, ang hilig sa pananamit ng tao ay nagagawang sakyan ng
may salapi upang pakinabangan. Batid ng may capital na nakahanda ang mga Pinoy at maging ang ibang panig
ng daigdig sa pagsusuot ng denims. Itinatag ang Levi Strauss Philippines sa Makati noong 1972, at ang
dalawampung libong pirasong sinubok ay multinasyonal, samantala ang ating bansa’y naging dambuhalang
makinang nagluluwal ng milyon-milyong pantalon para ibenta sa Asya at sa buong daigdig.

Hindi biro ang kinikita at salaping nalilikom ng mga kumpanya. Noong 1977 ang kabuuang benta ng anim
na pinakamalaking kumpanya sa Pilipinas na gumawa ng mga ready-to-wear pants (kabilang dito ang Levi’s,
Wrangler, Amco, Jag, Baxx at di-matiyak ang tatak) ay umabot sa kulang-kulang na 100 milyong piso. Tinatayang
sa kasalukuyang taon, aabot ng 670 milyong piso ang malilikom na salapi. Kung idaragdag pa rito ang salaping
pumapasok sa mga sastreng tumatahi nang solo bawat parukyano, ang negosyo ng pantalong denims ay
magkakahalaga ng humigit-kumulang na isang bilyon.

UNIPORME NG DAIGDIG

Mahirit nang isang dekadang nauuso ang pantalong maong sa daigdig ng modang publikong kay daling
manghinawa. Ang matagal na pamamalagi ng usong ito ay isa nang kasaysayay.

Tinangkang patalsikin sa luklukan ng hari ang maong noong 1976 nang ilunsad ng Shoe Mart ang “khaki
Craze” Lumubog ang hindi halos nakalitaw na khaki ngunit ang denims ay nakakapit pa rin sa baywang at binti ni
Juan at Johnny.

Dumaan ang mini skirt, pumasok ang modi, ngunit sina Juanita at Juan ay nanatiling tapat sa natagpuang
angkop na kasuotang pang-unisex. De-baston ito noong 1960, hanging bell-bottoms pagpasok ng 1970 at
ngayo’y muli na namang nagiging de-baston. Ito’y mayabang na nakabitin sa sampayan ng mga naghihikahos na
distrito ng Tundo at malinis na nakahanger sa cabinet ng taga-Forbes Park; buwan-buwan ay may bagong
etiketang sumisipot sa mga department store upang makipagpaligsahan sa paghigot ng salapi ng publiko.

May humuhulang aabutin pa ng paglipat ng siglo ang denims at may naghahaka ring baka ito
maideklarang opisyal na kasuotan ng lahat ng nilalang sa lupa. Kung magkakgayon, maging santo o pandaigdig
na bayani kaya si Levi Strauss?

You might also like