You are on page 1of 15

ANO ANG

KOMIKS??
Ang komiks ay isang babasahing isinalarawan at
maaaring nagsasaad ng kuwento, buhay ng tao o
pangyayari. Ang salitang komiks ay hango sa
salitang ingles na "comics" at isinulat lamang na
may titik "k" alinsunod sa baybayin ng wikang
Filipino.
Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, naglipana at
naging popular ito sa buong bansa, dahilan upang
maging isa ang Pilipinas sa mga pinakamalalaking
tagalimbag ng komiks sa buong mundo. Pero sa
mga nagdaang dekada, bumababa ang
popularidad ng komiks dahil sa iba't ibang salik,
kabilang na rito ang iba pang anyo ng mass-
media tulad ng telebisyon at Internet.
Sinasabing ang bayaning si Jose Rizal ang
kauna-unahang Filipino na gumawa ng
komiks. Noong 1884 inilathala sa magasing
"Trubner's Record" sa Europa ang komiks strip
niya na "Pagong at Matsing". Ito ay halaw ng
bayani mula sa isang popular na pabula sa
Asya.
Mula 1896 hanggang 1898, habang ang
Pilipinas ay dumadaan sa yugto ng rebolusyon,
ilang magasin ang lumabas sa Maynila na may
nakaimprentang cartoons. Dalawa sa mga ito
ay ang "Miao" at "Te Con Leche". Sa pagkatalo
ng Pilipinas sa digmaan, maraming Pilipino na
kontra sa pamamahala ng Amerikano ang
lumipat sa malalayang pamamahayag. Ang
mga nasyonalista ay binitawan ang kanilang
rebolusyonaryong pamamaraan upang
lumathala ng ilang babasahing satiriko upang
batikusin ang mga kolonyalista.
Karamihan sa mga magasing ito ay nakalathala
lamang sa Tagalog at Espanyol, ang dalawang
wikang hindi naiintidihan ng mga Amerikano.
Noong 1907, inilathala ang "Lipang Kalabaw",
isang magasin na nasa ilalim ng pangangasiwa ni
Lope K. Santos. Ang magasin na ito ay nasa
wikang Tagalog, at nagtataglay ng mga
satirikong cartoons na patungkol sa mga
Amerikanong opisyal. Ang paglalathala ng
magasin na ito ay natigil din noong 1909.
Ang mga unang serye ng Filipino komiks ay
lumabas sa simula ng 1920 bilang page filler sa
mga magasing Tagalog. Dalawa sa mga
magasing ito ay ang "Telembang" at ang muling
binuhay na "Lipang Kalabaw", na nagtataglay ng
mga satirikong cartoons na laban sa mga
Amerikano at mga pederalista. Ang dalawang
komiks na ito ay maaaring ituring na nagpasimula
sa mga komiks sa Pilipinas.
Dalawang komiks sa mga magasin na ito ang
naging popular sa mga Pilipino noong mga
panahong iyon: ang "Kiko at Angge" sa
Telembang, at ang "Ganito Pala sa Maynila" sa
bagong Lipang Kalabaw.
Noong 1923, isinilang ang Tagalog magasin na
Liwayway. Sa simula ay hindi pa ito nagtataglay ng
mga serye ng komiks, pero pagdating ng 1929,
inilathala kasama ng magasin ang "Album ng Mga
Kabalbalan ni Kenkoy" bilang isang filler sa
entertainment section nito. Ang karakter na si
Kenkoy ang bida sa seryeng ito, isang
nakatutuwang batang Pilipino na naging
representasyon ng mga kabataang may pagiisip
na kolonyal noong 1930s.
Noong 1946, lumabas ang unang regular na
nailalathalang magasin ng komiks, ang Halakhak
Komiks. Tumagal lamang ang Halkhak ng sampung
edisyon dahil sa kakulangan ng maayos na
distribusyon. Hindi tuluyang namatay ang industriya
ng komiks dahil noong 1947, lumabas ang Pilipino
Komiks, sa ilalim ng pamamahala ni Tony Velasquez.
Ito ay nagbukas ng daan para sa iba pang magasin
ng komiks na mailathala.
Pagkatapos nito ay sunod-sunod na lumabas ang
mga naging sikat na komiks tulad ng Tagalog
Klasiks noong 1949, at Silangan Komiks noong 1950.

Ang unang komiks ng Silangan ay lumabas noong


March 15, 1950 sa ilalim ng pamamahal ng editor
na si Ben Cabailo, Jr. Ipinagmalaki nito ang mga
pinakabata at magagaling na ilustrador ng
panahong iyon: Nestor Redondo, Alfredo Alcala,
Nolasco "Noly" Panaligan, Elpidio Torres, at Antonio
de Zuniga. Isa sa mga sumikat na kuwento mula sa
Silangan ay ang "Prinsipe Ahmad, Anak ni Aladdin",
likha ni Alfredo P. Alcala.
Ilang linggo matapos ilabas ang unang komiks ng
Silangan, inilathala ang Aksiyon Komiks ng Arcade
Publications. Naging editor nito si Eriberto Tablan, at
sina Alfredo Alcala at Virgilio Redondo ang mga
punong ilustrador.
Sumunod sa mga ito ang Bituin Komiks (April 1950),
Bulaklak Komiks (August 1950), Pantastik Komiks
(October 1950) Hiwaga Komiks (1950), Espesyal
Komiks (1952), Manila Klasiks (1952), at Extra Komiks
(1953). Dito nagsimula ang isa sa pinakamalaking
industriya ng komiks sa buong mundo, kaya noong
kalgitnaan ng 1950s, hindi man opisyal ay itinuring
ang komiks bilang pambansang libro ng mga
Pilipino. Mayroong dalawampu o mahigit pang titulo
ng komiks sa mga tindahan.
Lumawak pa ang mga ginamit na anyo sa paggawa
ng komiks. Noong 1950s, kumuha ng inspirasyon ang
komiks mula sa ibang anyo ng literatura tulad ng
komedya, alamat, mga paniniwala at maging sa
mitolohiyang Pilipino. Ang mga naunang komiks na
Tagalog ay mayaman sa mga kwentong patungkol
sa aswang, kapre, nuno sa punso, tikbalang at iba
pang mga karakter na mga sinaunang paniniwala
ng mga Pilipino.
Ang ilang komiks ay hinango ang mga ideya ng
karakter sa mga komiks ng Amerika, tulad ng Kulafu
at Og (Tarzan), Darna (Wonder Woman o
Superman), at D.I. Trece (Dick Tracy).
Sa panahon ng Martial Law, ipinatanggal ang ilan sa
mga nilalaman ng komiks. Ipinagutos niya ang
paggamit ng murang papel na ginagamit sa komiks.
Naapektuhan nito ang itsura at kalidad ng komiks,
kaya naman bumaba ang benta ng mga ito
pagdating ng 1980s.
Nagresulta ito sa pagalis ng mga ilustrador ng komiks
sa Pilipinas para magtrabaho sa parehong industriya
sa Amerika. Kabilang dito sina Alfredo Alcala, Mar
Amongo, Alex Niño, Tony de Zuniga, Rudy Nebres, at
Nestor Redondo
Pagkatapos ng Martial law, muling namuhunan
ang industriya ng komiks sa mga makabagong
mamamasa. Drama ang naging usong tema sa
komiks, sa pagpapasikat ng mga manunulat na
sina Pablo S. Gomez, Elena Patron, at Nerissa
Cabral.
Ang pagbabalik ng interest sa komiks ay tumagal
lamang hanggang sa simula ng 1990s kung
kailan nagsimula nang mahumaling ang mga
Filipino sa ibang anyo ng paglilibang tulad ng
video games, karaoke, 'pocket book novels',
'cellphones', at sa bandang huli - Internet at text
messaging.
Maraming gumagawa ng komiks ang nagtipid sa
produksyon, binawasan ang sweldo ng mga
manunulat at ilustrador, gumamit ng murang papel,
at dinamihan ang mga pahinang nakatuon sa
showbiz kaysa sa komiks.
Dahil sa baba ng sweldo, ang mga manggagawa sa
industriya ng komiks ay nawalan na ng gana sa
paggawa ng mga bagong istorya. Ang mga
manunulat ay napilitan ulitin na lamang ang mga
lumang kwento, at ang guhit ng mga ilustrador ay
pangkaraniwan na lamang. Samakatuwid, hindi na
nito nasasalamin ang mayamang tradisyon ng
komiks na nasimulan noon.
Ang mga salik na ito ang nagtulak upang
bumababa ang konsumo ng komiks kahit
maging ng mga tagahanga nito. Patuloy
pang nanghina ang industriya hanggang sa
napilitan na ang mga gumagawa ng komiks
na magsara at kanselahin ang kanilang
titulo.
Sa taong 2005, wala ng kahit anong
kumpanya o malaking tagalimbag ng
komiks sa Pilipinas. Ang mga naiwan ay ang
mga maliliit na naglalathala ng sariling titulo
ng komiks.

You might also like