You are on page 1of 17

• Tinataglay o dinadala ng wikang Filipino ang sikolohiya ng

mismong gumagamit nito, ang mga Filipino. Sa


kasalukuyan, kinikilala ang Sikolohiya bilang isang agham
na nagsusuri sa pag-uugali at kamalayan ng tao. Ito rin
ang siyentipikong pag-aaral ng pag-iisip ng tao at
fungsiyon nito lalo na iyong nakakaapekto sa kilos;
mental na katangian o aktitud ng isang tao o pangkat.
Kaugnay nito, batay na rin sa naibigay na depinisyon ng
sikolohiya, ang Sikolohiya ng Wikang Filipino ay ang pag-
aaral sa karanasan, kaisipan at oryentasyong Pilipino, ito
ang Sikolohiyang Pilipino.
• Dahil sa walang sikolohiyang hindi bunga ng partikular na
kultura, ang sikolohiyang nilinang sa ibang bansa ay hindi ang
sikolohiyang naangkop para sa iba pang bansa. Kung gayon,
mayroong sikolohiya ang mga Filipino na mamalas sa kultura
at gayon din sa wika nito, ang Wikang Filipino. Ang
panimulang pagsusuri ni Enriquez sa Sikolohiyang Pilipino
batay sa kultura at wika ng mga Filipino ang siyang nagbunsod
upang matukoy na ang sikolohiya ay tungkol sa kamalayan
(tumutukoy sa damdami’t kaalamang nararanasan), sa ulirat
(pakiramdam), sa isip (kaalaman at pagkaunawa), sa diwa
(ugali, kilos o asal) at kaluluwa (daan upang pag-aralan ang
budhi ng tao). Kung kaya matutukoy na mayroon ngang
sikolohiya ang Wikang Filipino sapagkat mamalas ang mga
elementong nabanggit ni Enriquez sa wikang ginagamit ng
mga Filipino, na nagpapakita ng kasaklawan nit
• Sapagkat lubhang pinapahalagahan ang interaksyon o
pakikipagkapwa-tao sa pamumuhay o sikolohiya ng mga
Filipino, kinakailangan nila ang wika upang magsagawa ng
komunikasyon, maging ito ay berbal o di-berbal na
pamamaraan. Mainam na ilahad ang ilang halimbawa na
magpapakita ng manipestasyon na mayroon ngang sariling
sikolohiya ang wikang Filipino, na masasabing Pinoy na
Pinoy ang dating. Umpisahan natin sa berbal na
komunikasyon, sa puntong ito, isang katangian ng mga
Filipino ang pagiging magalang, pagpapahalaga sa kapwa
lalo na sa mga nakakatanda. Makikita ito sa paggamit ng
“po” at “opo” tulad ng Saan po ang lakad ninyo?, Ano po
ang kailangan ninyo?. Bata pa lamang ay tinuturuan na tayo
ng ating mga magulang na  gumamit ng po at opo bilang
pagbibigay galang sa mga nakakatanda
• Isa ito sa mga katangian ng ating wika na nagpapaiba mula
sa iba pang bansa. Dahil mahalaga para sa mga Filipino
ang paggalang, mayroon ding tinatawag na pasintabi
bilang pagpapaalam sa pagdaan sa lugar na pag-aari ng iba
upang hindi makaperwisyo ng kapwa at ng di masamain
ang iyong pagdaan. Nagsasabi tayo ng “Makikiraan lang
ho.” upang igalang ang karapatang magmay-ari ng kapwa.
Usong-uso lalo na sa mga probinsya ang pagbigkas ng
pasintabi kapag dumaraan sa nuno ng punso. Ito ay ang
paggalang o paniniwala na mayroong mga elemento sa
kalikasan na makapangyarihan kaysa tao. Maaaring
nauugat ito sa pagiging animistikong paniniwala ng mga
katutubong Pilipino, pagsamba at pagpapahalaga sa
kalikasan na itinuturing nilang diyos o makapangyarihan.
• Tunay na lutang na lutang na may sikolohiya ang wika nating
mga Filipino sa mga oral na tradisyon at panitikan. Makikita sa
mga bugtong, salawikain, awit, tula, alamat at epiko ang mga
pagpapahalaga ng mga Filipino. Sa bugtong, salawikain at awit,
makikita dito ang  katangiang pagiging malikhain ng mga Filipino
kung saan ang isang bagay na nakikita niya sa kanyang paligid ay
nagagawan niya ng talinghaga at simbolismo upang maipakita
ang katangian ng bagay na tinutukoy nito sa realidad na may
layon na mangaral sa buhay, magpasaya, o manlibang sa
kanyang kapwa. Gayundin naman ang mga epiko at alamat kung
saan itinatanghal ang mga pagpapahalagang taglay ng mga
Filipino tulad ng pagkakaroon ng malapit na relasyon sa pamilya,
matapang, pakikiisa, pagmamahal sa bayan at marami pang iba
tulad ng Biag ni Lam-ang, isang epiko. Bukod dito, sa mga
katutubong panitikan, mababakas ang kultura ng mga Filipino.
• Sa pagbibiro, bagamat meron din namang
nagaganap na pagbibiruan sa ibang mga bansa,
naiiba naman ang layon ng pagbibiro dito sa
Pilipinas. Bukod sa ang paksa naman talaga ng mga
biro dito sa Pilipinas ay karaniwang nagpapakita ng
kultura mayroon ang Pilipinas, isang mahalagang
dahilan ng pagbibiro sa Pilipinas ay upang magsilbi
itong coping mechanism ng mga Pilipino sa oras na
mahirap ang kanyang sitwasyon o may problema.
Dito makikita na ginagamit ang pagbibiro upang
magdamayan ang mga Filipino sa oras na kailangan
upang hindi gaanong maging mabigat ang impak ng
mga problema sa kanilang buhay. 
• Sa pagmumura naman, isa itong pagsasabi ng
masasakit na salita upang ibaba ang halaga ng
isang tao. Kung mapapansin ang mga salitang
mura sa wikang Filipino ay may kaugnayan sa
seks at pagkawalang-gaalang sa ina (tulad ng
putangina). Sa lipunan kasi na sobra ang
pagpapahalaga sa pamilya lalo na sa ina, ang
paggamit nito sa mura ay lubhang
makapagpapasakit sa damdamin kung sino
man ang pinatutungkulan nito.
• Isa pang magandang patunay na may partikular na
sikolohiya ang wikang Filipino na mauunawaan
lamang ng mga Filipino ay ang kawalan ng katumbas
ng pagsasalin ng mga terminong Filipino sa ibang
wika tulad ng Ingles. Ang kawalan nito ng katumbas
sa ibang wika ay nangangahulugan na katangi-tangi
ang salita o wikang iyon sa bansang pinagmulan
nito at dinadala nito ang kultura at sikolohiya ng
lipunang pinagmulan nito. Halimbawa, sa Bulacan
ay mayroong Singkaban Festival na nagaganap taun-
taon. Ang salitang Singkaban ay tumutukoy sa
arkong kawayan na inilalagay tuwing may
kapistahang nagaganap.
• Sapagkat ito ay bahagi ng tradisyon o ng sikolohiya ng
mga Filipino, tanging ang mga Filipino lamang ang
makapagbibigay nito ng kahulugan. Ang salitang
Singkaban ay walang katumbas sa ibang mga wika
sapagkat hindi ito bahagi o abot ng kanilang sikolohiya.
Ang mga tradisyon at kaugaliang Pilipino ang mga
halimbawa kung saan mahirap matumbasan sa ibang
wika ang mga terminong ginagamit dito sapagkat ang
sikolohiya ng mismong Filipino ay nakapaloob din sa wika
nito. Magandang halimbawa din ang konsepto ng rice sa
Pilipinas, maraming katawagan ito sa atin tulad ng palay,
bigas, kanin, tutong, samantalang sa Amerika ang tawag
lamang nila dito ay rice. Sapagkat pangunahing pagkain
ng mga Filipino ang bigas, marami silang katawagan dito.
• Ang yupemismo sa lenggwahe ng mga Pinoy ay isang pag-aangkop
sa mga sitwasyong kailangang iwasan. Halimbawa nito, kapag
mayroong nakikiusap sa atin sa halip na sabihin nating hindi,
sinasabi natin na siguro, depende, ewan ko, pag-iisipan ko sapagkat
ayaw nating mapahiya ang taong nakikiusap sa atin. Sa ganitong
paraan, naipakikita sa mga simpleng salitang ito ang lubhang
pagpapahalaga sa kapwa.ng mga Filipino. Ginagamit din ang
yupemistikong salita upang pag-iwas na makasakit ng loob. Bilang
pagbati sa isang kakilala na pumapayat, sasabihin natin na “lalo ka
yatang sumeseksi ngayon” o kaya naman sasabihan na “malusog ka
ngayon” para sa mga tumataba. Ito’y sa paniniwalang mas
mabuting gamitin ang mga salitang positibo o kaya’y nagpapakita
ng concern o pagmamalasakit kaysa diretsang pagsasabi na tila
isang pagpuna. Ang salitang bawal o taboo ay napapalitan ng mga
yupemistiko tulad ng dibdib sa halip na suso, bulaklak sa halip na
ari ng babae, pokpok sa halip na puta, at marami pang iba
• Ginagawa ito sapagkat hindi diretsang masabi
dahil nakahihiyang gamitin at malakas ang
dating. May mga pananaw na nag paggamit ng
yupemistiko ay panloloko, panlilinlang,
pagsisinungaling o pag-iwas man ito ngunit
para sa mga Filipino ito ay isang
pangangailangang sikolohikal upang maging
maayos at walang gusot ang relasyon sa
komunidad at pagpapahalaga sa  damdamin
ng kapwa.
• Sa mga di-berbal na pamamaraan na  ginagamit ng
mga Filipino sa kanilang komunikasyon, kakakitaan
din ito ng kakanyahan sa sikolohiya na tanging ang
mga Filipino lamang syang gumagawa at
makakaunawa. Ang pagmamano, ay isang kaugalian
ng pagbibigay-galang sa mga nakatatanda. Bata pa
lamang ay tinuturuan na ng kanilang mga magulang
nang sa gayon ay masanay ang bata na magbigay
galang sa mga nakatatanda. Isa pang yunik o
katangi-tangi sa di-berbal na komunikasyon ng mga
Filipino na kapag nagtuturo ng direksyon ay
iminumuwestra pa o kaya ay ininguguso o itinuturo
bukod sa pagsasabi pa g direksyon
• Ito marahil ay tanda din ng pagmamalasakit ng
mga Filipino sa kanyang kapwa. Upang maging
tiyak sa kanyang sinasabi na simpleng kanan o
kaliwa (kung saan maaring mapagpalit ang
dalawa dahil sa pagkalito), mas mainam na
gamitin na ang pagtuturo gamit ang nguso o
kamay upang hindi magkaroon ng kalituhan sa
parte ng binibigyan ng direksyon at gayundin
sa nagbibigay ng direksyon upang makatiyak
siya sa kanyang sinasabi at di maligaw ang
nagtatanong.
• Pagdating sa espasyo, naiiba din ang konsepto ng mga
Filipino. Mas intimate o personal ang kanilang
konsepto ng espasyo na taliwas sa ibang bansa tulad
ng Amerika na malalaking espasyo ang kailangan ng
isang indibidwal. Dito lang yata sa Pilipinas, uso ang
siksikang dyip, bus, LRT o MRT. Handa na makisiksik
ang mga Filipino sapagkat alam nila na ang bawat isa
ay may kani-kaniyang lakad at mahalaga na hindi
mahuli sa kani-kanilang lakad ang bawat isa. Maging
ang mga upuan sa klasrum ay lapit-lapit, mainam ito
upang maging malapit sa isa’t isa ang mga mag-aaral.
Sa Amerika, masyadong malalaki ang agwat ng silya ng
mga mag-aaral sapagkat mas namamayani ang
indibidwalismo sa kanila.
• Ang mga pagtapik at paghipo sa mga Filipino
ay isang mahalagang akto ng pakikipag-kapwa.
Sa gitna ng mga kalamidad, ang isang tapik at
akbay sa balikat ay sapat na upang mapanatag
ang isang tao. Ang mga simpleng gestures na
ito ay tanda ng pagmamalasakit, pagdamay at
pagsalo o pagsuporta sa naturang indibidwal.
• Sa kabuuan, batay sa mga ibinigay na halimbawa, masasabi
ko na mayroon talagang partikular na sikolohiya ang wikang
Filipino. Kahit na mangibang bansa pa ang isang Filipino at
makatagpo ng kapwa niya Filipino doon ay natitiyak ko na
magkakaroon sila ng ugnayan at magkakaunawaan sila
sapagkat tinataglay ng wikang Filipino ang sikolohiya ng
mga Filipino na tanging Filipino lamang ang makauunawa.
Ang partikular na sikolohiya ng wikang Filipino ay yaong
wika na nagpapahalaga sa pakikipagkapwa-tao, may
katangiang malikhain, may pagpapahalaga sa damdamin ng
kapwa at pagpapahalaga maging sa kalikasan. Nakapaloob
din sa wika ang kultura at tradisyon ng mga Filipino na
siyang nagdadala ng partikular na sikolohiya ng mga Filipino
na mamamalas sa wikang Filipino

You might also like