You are on page 1of 50

Mahahalagang

Tauhan
ng
El Filibusterismo
Simoun
Isang napakayamang mag-aalahas at
kaibigang matalik at tagapayo ng Kapitan-
Heneral. Makapangyarihan siya kaya’t
iginagalang at pinangingilagan ng mga Indio at
maging ng mga prayle. Nais niyang udyukan ang
damdamin ng mga makabayang Pilipino sa
palihim at tahimik niyang paghahasik ng
rebolusyon; linisin ang bayan; at lipunin ang
lahat ng masasama.
Kapitan Heneral
Hinirang siya ng Espanya bilang pinakamataas
na pinuno ng pamahalaan. Nais niyang
magpakita ng kasipagan at pagpapahalaga sa
oras kaya ginagawa niya ang importanteng
pagpapasiya habang naglilibang at
nagmamadali. Larawan siya ng pinunong
pabigla-bigla at makapritsong humatol. Salungat
siya lagi sa pasiya ng Mataas na Kawani.
Mataas na Kawani
Siya ay isang Espanyol at mataas na kawani
ng pamahalaan na kagalang-galang; tumutupad
sa tungkulin; may paninindigan; at may
kapanagutan. Siya ay may mabuting kalooban
para sa kapakanan ng mga makabagong mag-
aaral na nagsusulong ng pagtuturo ng wikang
Kastila. Ang pasiya ng Kapitan Heneral ay
kanyang sinasalungat at tinutuligsa kapag ito ay
hindi marapat at mabuti.
Padre Florentino
Isang mabuti at kagalang-galang na paring
Pilipino. Siya ay pinilit lamang ng kanyang ina na
maging lingkod ng Diyos dahil sa kanyang
panata. Siya ang kumupkop sa pamangking si
Isagani nang maulila ito sa magulang.
Padre Bernardo Salvi
Isang paring Pransiskano na pinakikinggan at
ginagalang ng iba pa niyang kasamahang
prayle. Siya ay mapag-isip. Umibig ng lubos kay
Maria Clara at kompesor ng dalagang ito ni
Kapitan Tiago.
Padre Hernando Sibyla
Isang matikas at matalinong paring Dominiko.
Siya ang Vice-Rector ng Unibersidad ng Santo
Tomas. Salungat siya sa pagpasa ng panukala
upang makapag-aral at matuto ng wikang Kastila
ang mga mag-aaral.
Padre Irene
Isang paring Kanonigo na minamaliit at di
gaanong iginagalang ni Padre Camorra. Siya
ang nilapitan ng mga mag-aaral upang
mamagitan at maipasa ang panukalang
magkaroon ng akademya sa pagtuturo ng
wikang Kastila ang mga estudyante. Naging
tagaganap siya ng huling habilin ng kaibigang si
Kapitan Tiago.
Padre Fernandez
Isang paring Dominiko na bukas ang isip sa
pagbabago lalo na sa edukasyon ng mga mag-
aaral. Sang-ayon siya sa adhikain ng mga
makabagong mag-aaral sa pag-aaral ng wikang
Kastila. Hindi siya nalulugod sa tiwaling gawain
ng mga pinuno at kawani ng pamahalaan at ng
mga kapwa niya prayle.
Padre Camorra
Isang batang paring Pransiskano na mahilig
makipag-tungayaw kay Ben Zayb sa kung ano-
anong bagay na maibigan. Siya ang kura ng
Tiani. Wala siyang galang sa kababaihan lalo na
sa magagandang dilag.
Padre Millon
Isang paring Dominiko na propesor sa Pisika
at Kemika. Mabuti siyang pilosopo at bantog siya
sa husay sa pakikipagtalo subalit hindi niya
lubusang maiparanas o maituro nang mahusay
ang aralin sa mga mag-aaral.
Telesforo Juan de Dios
Kilala rin bilang si Kabesang Tales, ang
napakasipag na magsasaka na dating kasama
sa mayayamang may lupain. Pinili siyang
maging Kabesa ng Barangay ng kaniyang mga
kanayon dahil sa kanyang kasipagan at pagiging
mabuti.
Juliana o Juli
Ang pinakamagandang dalaga sa Tiani na
anak ni Kabesang Tales. Larawan siya ng
Pilipinang madasalin, matiisin, masunurin, at
madiskarte sa buhay para makatulong sa
pamilya. Tapat at marunong maghintay sa
kanyang katipan na si Basilio.
Tata Selo
Ang kumalinga sa batang si Basilio sa gubat
nang tumakas siya mula sa mga guwardiya sibil
sa Noli Me Tangere. Siya ang maunawaing tatay
ni Kabesang Tales. Mapagmahal na lolo siya
nina Juli at Tano. Tiniis niya ang matinding
kasawian at pighati ng mga mahal niya sa
buhay.
Tano/ Carolino
Anak ni Kabesang Tales na tahimik at kusang-
loob na sumusunod sa kagustuhan ng amang
siya’y magsundalo. Nawala nang matagal na
panahon.
Basilio
Nalampasan niya ang mga hilahil ng buhay
dahil nagpaalipin siya kay Kapitan Tiago. Nilunok
niya ang pangmamaliit sa kaniya ng mga kapwa
mag-aaral at guro dahil sa kanyang anyo at
kalagayan sa buhay. Nagtagumpay siya at
nakapanggamot agad kahit pa hindi pa
natatanggap ang diploma ng pagtatapos.
Isagani
Isang malalim na makata o manunugma.
Mahusay siyang makipagtalo. Matapang siya sa
pagpapahayag ng kanyang pinaniniwalaan
kaninuman. Matuwid siya at ayaw sa likong
paraan sa pagkakamit ng adhikain. Pamangkin
siya ng butihing si Padre Florentino.
Makaraig
Isang mag-aaral sa abogasya na nangunguna
sa panawagang pagbubukas ng akademya sa
pagtuturo ng Kastila. Siya ay masipag mag-aral,
mahusay makipagtalo, mapitagan, nakalulugod
na mag-aaral, at palabasa ng iba’t ibang aklat
kaya’t nangunguna sa pagbabago.
Placido Penitente
Mahinahon at mapagtimpi ang kahulugan ng
kanyang pangalan na pilit niyang pinaninindigan
kahit pa lubhang kinaiinisan din niya ang
pangalang ito. Kapag siya ay napuno, parang
bulkan siyang sumasabog at walang
kinatatakutan.
Pecson
Mapanuring mag-aaral si Pecson. Masigasig
siyang makipagtalo upang mailabas ang
matalinong kaisipan at kasagutan sa iba’t ibang
usapin. Hindi siya agad naniniwala sa mga bali-
balita lamang kaya tila lumalabas sa iba na siya
ay mapangambahin at laging nag-aalala.
Juanito Pelaez
Isang mayamang mag-aaral na tamad at
lakwatsero. Laging inaabuso at tinatakot si
Placido. May kapansanang pisikal subalit hindi
niya naipakitang sagabal ito sa kanyang
pagkatao dahil nakakamit pa rin niya ang mga
gusto. Masugid siyang manliligaw ni Paulita
Gomez na pinaburan ng kanyang tiyahing si
Donya Victorina.
Sandoval
Isang tunay na Espanyol si Sandoval na lubos
na kaisa sa adhikain ng mga estudyanteng
Pilipino. Mahilig makipagdebate ng kahit anong
paksa upang siya ay mahangaan. Nais niyang
mailabas ang katotohanan sa isang usapin.
Tadeo
Siya ay mag-aaral na lubhang tamad at laging
nagsasakit-sakitan tuwing makakikita ng
propesor. Hangad niyang laging walang pasok
sa paaralan upang makapaglakwatsa.
Nagdudunong- dunungan siya at nagyayabang
sa mga walang- muwang na nilalang.
Paulita Gomez
Isang masayahin at napakagandang dalagang
hinahangaan ng karamihang lalaki. Pamangkin
siya ni Donya Victorina at kasintahan ni Isagani.
Larawan siya ng dalagang laging maayos at
maalaga sa sarili.
Donya Victorina de Espadaña
Larawan siya ng isang Pilipinang walang
pagpapahalaga sa kaniyang lahi. Inaalimura,
tinutuligsa, at itinatakwil ang mga Indiong
kanyang kalipi.
Don Tiburcio de Espadaña
Isang Espanyol na asawa ni Donya Victorina
na nagtago at nagpasiyang hindi na muling
magpakita sa asawa dahil sa kapritso nito. Siya
ang larawan ng mga lalaking walang buto,
sunod- sunuran, at takot sa asawa.
Don Santiago “Kapitan Tiago” delos Santos
Dating kaibigan ng mga prayle subalit ngayon
ay masama na ang kaniyang loob sa mga ito.
Nawalan ng kahulugan ang kaniyang buhay
nang pumasok si Maria Clara sa monasteryo.
Nalulong siya sa sabong at paghithit ng apyan.
Nawala siya sa katinuan. Siya ang naging
kasangkapan sa pagbabagong-buhay ni Basilio.
Maria Clara delos Santos
Ang tanging babaeng inibig ni Simoun sa
kanyang buhay. Isa siya sa mga dahilan ng
pagbabalik ni Ibarra sa katauhan ni Simoun sa
Pilipinas. Nais niyang kunin at itakas ni Simoun
mula sa monasteryo.
Kapitan Basilio
Isang mayamang mamamayan na taga- San
Diego. Siya ang ama ni Sinang at asawa ni
Kapitana Tika. Galante sa mga pinuno at kawani
na pamahalaan at sa mga prayle upang
maiwasan ang problema o kagipitan sa mga
pabor na kanyang kakailanganin.
Don Custodio de Salazar y Sanchez de
Monteredondo
Nakapag-asawa ng maganda at mayamang
mestisa. Umangat ang kanyang posisyon
hanggang naging opisyal na tagapayo ng
Kapitan Heneral dahil sa likas niyang talino. Alam
na alam ni Don Custodio ang kanyang tungkulin
subalit kakatwa ang kanyang mga panukala at
pasiya sa mga ito.
Ben Zayb
Ang mamamahayag na malayang mag-isip, at
minsan ay kakatwa ang paksang nais niyang
isulat magkaroon lamang ng ilalathala. Mababa
ang pagtingin niya kay Padre Camorra. Siya ang
utak sa lumalabas na magaganda at mabubuting
balita tungkol sa Kapitan Heneral at sa iba pang
matataas na opisyal upang mapalapit siya sa
mga ito.
Ginoong Pasta
Naging alila siya ng mga prayle habang nag-
aaral bago siya naging pinakatanyag na
abogadong Pilipino. Dati siyang kaklase ni Padre
Florentino. Mapanuri at namimili siya ng kausap.
Takot siyang mamagitan para sa kaunlaran ng
mga mag-aaral at walang malasakit sa kanilang
iniisip na kabutihan.
Pepay
Isang kaakit-akit na mananayaw. Siya ay
maputi at kaiba ang kulay sa karaniwang Pilipina.
Mahilig siyang humingi ng mga pabor sa
kaibigang si Don Custodio na nahihibang sa
kanyang alindog. Kaibigan din niya si Juanito
Pelaez.
Hermana Bali
Isang batikang panggingera. Siya ang
nangunguna sa pagbibigay-payo sa mga may
suliranin sa kanilang baryo. Siya ang nagpayo
kay Juli na magpaalipin nang kapusin ang
amang si Tales. Siya rin ang nagbalita kay Juli
tungkol sa pagkakulong ni Basilio.
Hermana Penchang
Isang masimbahing manang. Naging
panginoon ni Juli. Mapanghusga siya sa mga
taong sawimpalad--pinarurusahan daw ng Diyos
ang may mga suliranin dahil makasalanan. Takot
siya sa mga prayle kaya ayaw tumulong sa
inaakala niyang kalaban ng mga ito.
Kapitana Tika
Asawa ni Kapitan Basilio at ina ni Sinang.
Ayaw niyang magpahalatang nagugustuhan
nilang mag-ina ang magaganda at mamahaling
alahas upang hindi raw taasan ni Simoun ang
presyo ng kanilang mga ibig na alahas.
Sinang
Ang isa sa matalik na kaibigan ni Maria Clara
sa Noli Me Tangere. Siya ay mabiro at
masayahin. Anak ng mayamang si Kapitan
Basilio at ni Kapitana Tika. Mahilig siya sa antigo,
mamahalin, at magagandang alahas.
Kabesang Andang
Butihing ina ni Placido Penitente. Kahit balo na
ay matiyaga niyang pinag-aral ang anak.
Naghigpit siya ng sinturon para sa sarili
mabigyan lamang ng edukasyon ang anak. Siya
ay larawan ng ulirang magulang dahil sinisiguro
niyang matutugunan ang mga pangangailangan
ng anak.
Quiroga
Isang mayamang mangangalakal na Intsik si
Quiroga. Halos kontrolado niya ang takbo ng
kalakalan. iniaangkop niya ang ugali depende sa
kaniyang kaharap. Isinusulong ni Quiroga ang
pagkakaroon ng Konsulado ng mga Intsik sa
bansa.
Don Timoteo Pelaez
Siya ang ama ni Juanito Pelaez. Larawan siya
ng mapandustang mangangalakal. Siya ang
nakabili ng tahanan ni Kapitan Tiago sa murang
halaga. Naging kasosyo siya sa negosyo ni
Simoun.
Mr. Leeds
Mahusay sa mahika. Napaniwala niya ang mga
manonood at nakapag-usig sa budhi ni Padre
Salvi sa kanyang palabas.
Kapitan ng Barko
Isang beteranong marinero ang kapitan ng
barko. Siya ay may malawak na karanasan sa
paglalakbay sa iba’t ibang panig ng mundo
noong kanyang kabataan lulan ng matutulin at
malalaking barko.
Sinong
Ang kutserong dalawang ulit na nahuli ng
guardiya sibil bago mag-noche buena dahil sa
wala siyang sedula at wala ring ilaw ang kanyang
kalesa. naging kutsero siya ni Simoun sa huli at
naging kasapi sa lihim niyang kilusan.
Camaroncocido
Ang tanging nilalang sa siyudad na walang
pakialam sa pinagkakaguluhan ng lahat sa
siyudad na opereta mula sa Pransiya. Dati
siyang mamamahayag at anak ng kilalang
pamilyang Espanyol pero sa kadahilanang hindi
nabanggit sa nobela ay namumuhay nang
maralita at namamalimos.
Tiyo Kiko
Isang matandang pandak na buhay na buhay
ang mga mata. Nabubuhay sa pagbabalita ng
mga palabas at pagpapaskil ng mga anunsiyo.
kaibigan siya ni Camaroncocido. Isa siyang
mahirap na Indio.
Iba pang tauhan:
• Maestro- ang guro sa Tiani na naging
mahusay sa paggawa ng paputok

• Kalihim- ang tagatala at


tagapagpaliwanag ng mahahalagang
usapin sa Kapitan Heneral upang mapag-
usapan, maipasa, o maibasura
• Hukom Pamayapa- mabalasik, magaspang
ang ugali, may pagnanasang tumingin sa
babae, hiningan ng tulong ni Hermana Bali at
Juli upang mapalaya si Basilio
• Kababayan ni Tadeo- baguhan sa lungsod,
mausisa, walang- muwang sa maraming
bagay, mapaniwalain, at madaling mabola at
mapagyabangan ni Tadeo
Sa Tahanan ng mga Orenda:
• Orenda- masipag at mayamang mag-aalahas
ng Sta. Cruz
• Tinay- dalagitang makalaro ni Isagani ng
sungka
• Chichoy- ang nakasaksi ng mga pangyayari
sa kasalan na siyang nagkuwento sa mga tao
sa tahanan ng mga Orenda
• Momoy- matanda sa magkakapatid na
Orenda, kasintahan ni Sensia
• Sensia- maganda, masiglang dalaga, at
palabiro
• Kapitana Loleng- masipag at matalinong
Kapitana
• Kapitan Toringgoy- si Domingo na walang
inatupag kundi mamasyal at
makipagkuwentuhan samantalang
nagtatrabaho ang kaniyang pamilya
• Tia Tentay- tiyahin nina Sensia na nagsabing
demonyo si Simoun na nabili ang kaluluwa ng
mga Kastila
• Binday- isa sa mga dalagang Orenda, tapat
at kaibig-ibig
Mga Kasapi ng Liberal:
• D. Eulogio Badana- reteradong sarhento ng
karabinero
• Armendia- isang marangal na piloto at
masugid na Carlista
• D. Eusebio Picote- ang namamahala ng
aduana
• D. Bonifacio Talon- sapatero at talabatero

You might also like