You are on page 1of 13

Mala-Masusing Banghay-Aralin sa Pagtuturo ng Filipino 8

I. KASANAYANG PAMPAGKATUTO
A. Nasasagot ang paunang pagsusulit tungkol sa Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at
Laura
B. Nahuhulaan ang ipinahihiwatig ng mga ipakikitang larawan
C. Nailalahad ang Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at Laura
D. Natutukoy ang iba’t ibang pagkalimbag ng Florante at Laura
E. Nabibigyang kahulugan ang mga talasalitaan
F. Nababatid ang mahahalagang impormasyon sa buhay ni Francisco “Balagtas” Baltazar
G. Natitiyak ang mga mahahalagang konseptong nakuha ng mag-aaral sa Kaligirang
Pangkasaysayan ng Florante at Laura
H. Naiuugnay ang mga dahilan ng pagsulat ng akda sa buhay ni Baltazar
I. Nakagagawa ng sariling pabalat ng Florante at Laura

II. PAKSANG-ARALIN
A. Panitikan: Florante at Laura (Aralin 1) – Ang Kaligirang Pangkasaysayn ng Florante at
Laura
B. Mga Sanggunian: Ruiz, F.L. at Agnes, W.D. “Ang Batikan (Grade VIII)”
Baisa-Julian, A.G. at Dayag, A.M. “Pinagyamang Pluma 8”
C. Kagamitan: laptop at projector

III. YUGTO NG PAGKATUTO


A. TUKLASIN
Gawain 1: Paunang Pagsubok

‘1,2,3,4 GO!’: Ang lahat ng mag-aaral ay sasali sa larong ito. May ipakikitang
mga katanungan ang guro at pipili ang mga mag-aaral sa “1”, “2”, “3”, “4” ng tamang
sagot. Kung ang mga mag-aaral ay nakuha ang tamang sagot, maaari pa silang sumagot
sa susunod na tanong, ang iba naman ay makauupo na. Kung sinong mag-aaral o mga
mag-aaral ang matitira hanggang dulo, makatatanggap siya o sila ng papremyo.

Mga Tanong:
A. Anong akda ang binubuo ng lalabindalawahing pantig, apat na taludtod at nagsasaad
ng buhay ng tauhan sa isang kaharian?
1. Korido 3. Dalit
2. Awit 4. Tula
B. Paano inaawit ang ganitong akda?
1. Pamartsa 3. Malumanay
2. Mabilis 4. May bilang
C. Sino ang may-akda ng Florante at Laura?
1. Buenaventura Medina Jr. 3. Jose dela Cruz
2. Francisco Baltazar 4. Soledad Reyes
D. Alin ang hindi palagay kung bakit nasulat ang Florante at Laura?
1. Bigyang-halaga ang mga Pilipino at lumaban para sa bayan
2. Maaari pa ring magbuklod ang mga tao sa kabila ng magkaibang kultura
3. Ibunyag ang katiwalain at bulok na sistema ng pamamahala
4. Maipadama sa bawat Pilipino ang paghihiganti sa mga kaaway
E. Bakit nasabi ni Baltazar ang “Mabuti pang putulin mo ang mga daliri ng ating mga
anak kaysa maging bokasyon ang paggawa ng tula”?
1. Nabibilanggo ang isang manunulat dahil sa pagsusulat ng katotohanan
2. Walang kaginhawaan sa buhay ang pagiging manunulat
3. Nalalagay sa kapahamakan ang buhay
4. Mahirap maging manunulat

Gawain 2: Pagganyak
A. Pagmasdan ang mga larawan. Sagutin ang mga katanungan

B. Mga tanong:
1. Ano ang ipinahihiwatig ng mga larawan?
2. Saang akda o nabasa na maaaring iugnay ito? Bakit?
3. Sa iyong palagay, ano-ano ang mga dahilan sa paglikha ni Balagtas ng
Florante at Laura?
4. Mahalaga pa bang pag-aralan ang akdang to hanggang sa kasalukuyan?

Gawain 3: Paglalahad ng mga Pokus na Tanong


1. Bakit isinulat ni Francisco Balagtas ang Florante at Laura?
2. Paano nagsisilbing hamon sa buhay ang kahirapan?

Gawain 4: Paglalahad ng Inaasahang Produkto at Pamantayan sa Pagmamarka


Gumawa o gumuhit ng sariling pabalat ng Florante at Laura. Ilagay sa 8 pulgada (taas) at
6 na pulgada (haba) (8 inches by 6 inches) na illustration board. Sa hiwalay na papel
(kalahating bond paper, pahalang), ilagay ang paliwanag kung bakit ganoong pabalat ang
ginawa.
Pamantayan Bahagdan
Nilalaman 50%
Pagkamalikhain 30%
Orihinalidad 15%
Kalinisan at Kaayusan 5%
Kabuoan 100%

Gawain 5: Pagtalakay sa Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at Laura

Pagkakaiba ng Awit at Korido

Nang dumating ang mga Kastila sa ating bayan, panitikan ang nagsilbing paraan upang
madaling maipalaganap at maipamulat ang Kristiyanismo sa mga katutubo. Ngunit, ayon kina
Soledad Reyes, propesora ng literatura sa Ateneo at Isagani Cruz, propesor ng literatura sa La
Salle, sa kanilang publikasyong “Ating Panitikan”, “Hindi kaagad nagbago ang ating panitikan
dahil sa pagsipot sa ating bayan ng mga Kastilang may dalang krus at espada… Subalit malinaw
ang pagpasok ng oryentasyong relihiyoso sa panahong ito, ang malaking bilang ng katha ay
kumuha ng anyo ng mga dalit, mga tula tungkol sa doktrinang kristiyano, at mga buhay ng
santo.” Upang matugunan naman ang interes na maaaliw ang mga katutubo, pumasok ang mga
anyong panitikan na tinatawag na Awit at Korido. Naging kilala ang mga ito, at naging mainam
na tagapag-ugnay sa mga manunulat at mambabasa. Ayon kina Reyes at Cruz, hindi lang naaaliw
ang mga mambabasa sa pamamagitan ng awit at korido kundi, natuturuan pa silang magpakatao
at di tuwirang nayayakag silang pahalagahan ang katolisismo at talikuran ang mga paniniwalang
pagano. Dahil rin dito, ipinagpalagay ng mga dayuhan na ang mga ito ay ligtas at nakatutuwang
libangan.

Korido

 Isang genre ng panitikan na nasa anyong patula.


 Mula sa salitang “corrido” na ang ibig sabihin ay kasalukuyang pangyayari.
 Ito ay salaysay sa pakikipag-ibigan at pakikipagsapalaran ng isang tauhang malabayani
na punung-puno ng kababalaghan.
 Ayon kay Trinidad H. Pardo de Tavera, ito ay kuwentong nasa berso ukol sa
makasaysayang pangyayari; trahedyang pag-ibig, puno ng kahanga-hangang insidente,
sinamahan ng pananampalataya, alamat at kagila-gilalas o kababalaghang pangyayari.

Mga Katangian ng Korido:

1. Mabilis ang pagbigkas ng korido sa kumpas ng martsa - “allegro”

2. May walong pantig

3. Ikinawiwili ng mga mambabasa at ang kuwento o kasaysayang nakapaloob dito

Mga Halimbawa ng Korido:

• Ibong Adarna, • Don Juan Teñoso, • Mariang Kalabasa, • Ang Haring Patay, • Mariang
Alimango, • Bernardo Carpio ni Jose de la Cruz, • Rodrigo de Villas ni Jose de la Cruz,
• Prinsipe Florennio ni Ananias Zorilla, • Buhay na Pinagdaanan ni Donya Maria sa Ahas

Awit

 Isang uri ng tulang pasalaysay na binubuo ng tig-aapat na taludtod ang bawat saknong,
na ang bawat taludtod ay may lalabindalawahing pantig,
 Ito ay salaysay sa pakikipag-ibigan at pakikipagsapalaran ngunit ang mga tauhan at
walang sangkap na kababalaghan.
Mga Katangian ng Awit:

1. Mabagal ang pagbigkas ng awit sa saliw ng gitara o bandurya - “andante”

2. May lalabindalawahing pantig

3. Mayroong kapani-paniwalang daloy ng kuwento at may aral na ipinahihiwatig

Mga Halimbawa ng Awit:

• Florante at Laura ni Francisco Balagtas, • Buhay ni Segismundo ni Eulogio Juan de Tandiona,


• Doce Pares na Kaharian ng Francia ni Jose de la Cruz, • Salita at Buhay ni Mariang Alimango,
• Prinsipe Igmidio at Prinsesa Clariana

Ang Iba’t Ibang Pagkalimbag ng Florante at Laura

Isa sa mga basehan sa kasikatan ng anumang aklat noong panahon ng mga Espanyol ay
ang dami ng pagkakalimbag nito mula 1800 hanggang 1900. Marami-rami na rin ang naglimbag
ng Florante at Laura ni Balagtas.

Ayon kay Epifanio de los Santos, nailimbag ang mga kopya ng Florante at Laura sa mga
mumurahing klase ng papel o papel de arroz na yari sa palay na ipinagbibili tuwing may misa at
kapistahan sa halagang 10 centavo bawat isa.

Gabriel Bernardo, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas - “may labing-isang edisyon ng tula


buhat noong 1853 hanggang 1901:1853, 1861, 1863, 1865 (dalawa), 1875 (dalawa), 1879, 1889,
1893, 1894, at 1901”

Anacleto Dizon, propesor ng literatura sa Unibersidad ng Silangan – “ang unang edisyon ng


Florante at Laura ay lumabas noong 1838 at nilimbag ng Imprenta ng Unibersidad ng Santo
Tomas.”

Herminigildo Cruz at Epifanio de los Santos, mga mananalaysay – unang nalimbag ang Florante
at Laura noong 1838.

Maraming lumabas na mga edisyon ng Florante at Laura na nasa wikang Tagalog at Ingles,
subalit natupok ang mga ito noong 1945, nang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Natatanging ang Aklatang Newberry ng Chicago, Estados Unidos lamang ang nakapagtabi ng
mga kopyang nalimbag noong 1870 at 1875, kabilang sa tinatawag na Koleksiyong Ayer. Si T.H.
Pardo de Tavera, isang mananalaysay, ang nag-iingat sa edisyong 1870 na nailimbag ng
Imprenta de B. Gonzales Mora sa Binondo.

Gawain 6: Takdang-Aralin
Magsaliksik tungkol sa mga sumusunod. Ilagay sa filler.
1. Mahahalagang impormasyon sa buhay ni Francisco “Balagtas” Baltazar
2. Apat na Himagsik ni Francisco Baltazar
3. Buod ng Florante at Laura

B. LINANGIN
Gawain 1: Balik-Aral
Kumpletuhin ang talahanayan sa pamamagitan ng paglalagay ng hinihinging kasagutan.
AWIT KORIDO
Mabagal ang pagbigkas ng
awit sa saliw ng gitara o
bandurya - “andante”
May walong pantig
Ikinawiwili ng mga
mambabasa ang kuwento o
kasaysayang nakapaloob dito

Gawain 2: Pagganyak
Hahatiin sa apat na pangkat ang mga mag-aaral. Sa loob ng sobre, nakalagay ang mga
papel na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa Kaligirang Pangkasaysayan ng
Florante at Laura. Ang mga impormasyong ito ay nakasulat sa magkakahiwalay na papel na
pagdurugtungin at ididikit ng mga mag-aaral sa isang kalahating manila paper upang mabuo
at malaman ang isinasaad na impormasyon. Ang pangkat na unang makapagpapaskil ng
manila paper sa harap na may tamang pagkakasunod-sunod ng mga impormasyon ang
itatanghal na panalo.
Upang matugunan naman ang interes na maaaliw ang mga
katutubo, pumasok ang mga anyong panitikan na tinatawag na
Awit at Korido. Naging kilala ang mga ito, at naging mainam na
tagapag-ugnay sa mga manunulat at mambabasa. Hindi lang
naaaliw ang mga mambabasa sa pamamagitan ng awit at korido
kundi, natuturuan pa silang magpakatao at di tuwirang
nayayakag silang pahalagahan ang katolisismo at talikuran ang
mga paniniwalang pagano.

Isa sa mga basehan sa kasikatan ng anumang aklat noong


panahon ng mga Espanyol ay ang dami ng pagkakalimbag nito
mula 1800 hanggang 1900. Ayon kay Gabriel Bernardo,
Propesor ng Unibersidad ng Pilipinas, “may kabing isang
edisyon ng tula buhat noong 1853 hanggang 1901” Ayon kay
Anacleto Dizon, propesor ng literatura sa Unibersidad ng
Silangan, “Ang unang edisyon ng Florante at Laura ay
lumabas noong 1838 at nilimbag ng Imprenta ng Unibersidad
ng Sto. Tomas.”

Dahil sa kahirapan, kinailangan ni Francisco Balagtas na


manilbihan bilang katulong sa Tondo, Maynila at bilang kapalit,
pinag-aral siya ni Donya Trinidad sa Colegio de San Jose. Mula
sa Tondo ay lumipat si Balagtas sa Pandacan kung saan niya
nakilala si Maria Asuncion Rivera. Nagkaroon siya ng mahigpit
na katunggali sa pag-ibig sa katauhan ni Mariano “Nanong”
Kapule at kalaunan ay nakulong dahil sa paratang ng paninirang
puri. Sa Bataan, muli siyang nakulong dahil sa paratang na
pinutulan niya ng buhok ang isang babaeng utusan.

Sa isang madilim na gubat, naghihimutok ang nakataling


Florante na inusig ng masamang kapalaran. Narinig ito ng
naglalakad na Morong nagngangalang Aladin at kinalag ang tali
ng binata. Pagkatapos ng pagkukwentuhan ng dalawa, narinig
nila ang dalawang tinig na nag-uusap. Tumayo ang dalawang
lalaki at nakita nila sina Laura at Flerida, ang kanilang mga
kasintahan. Sa ganoon ay nabatid nina Florante at Aladin na
ang kani-kanilang mga katipan ay pawang tapat sa kanila.
Gawain 3: Paglinang ng Talasalitaan

pag-IBIG SABIHIN

Mayroong sampung hugis puso na hinati sa dalawa ang ibibigay sa dalawampung


mag-aaral. Sa kalahati ng puso ay nakalagay ang malalim na salita at sa kabiyak
naman nito ang kahulugan nito. Hahanapin ng dalawampung mag-aaral ang
kabiyak ng hawak nilang kalahating puso upang malaman ang kahulugan ng salita.
Matapos makita ang kapareha ay magbibigay sila ng tig-isang halimbawa gamit
ang malalim na salita.

Karibal Kaagaw Pinagpipitagan Iginagalang

Ang matalik niyang kaibigan noon Pinagpipitagan ang pagiging


ay karibal na niya ngayon sa pag- klerk noon.
ibig.

Bantog Sikat Kahabag-habag Kaawa-awa

Si Francisco Baltazar ay bantog Kahabag-habag ang sinapit ni


sa larangan ng balagtasan. Rochelle sa piling ng ina.

Moro Muslim Hukbo Militar

Nagpakilala si Aladin bilang isang Kabilang si Paco Roman sa mga


Moro na mahigpit na kaaway ng hukbo ni Heneral Luna.
relihiyong Kristiyano.
Naghihimutok Naghihinagpis Nasumpungan Nakita

Naghihimutok si Jose dahil sa Nasumpungan na ni Francis ang


sakit na dinanas niya sa buhay. hinahanap niyang relo.

Paghuhuwad Pandaraya Katipan Kasintahan

Nabisto ang ginawang Tinaggap na ni Carla si Daniel


paghuhuwad ni Joseph sa bilang kaniyang katipan.
kaniyang lagda.

Gawain 4: Pagtalakay sa Nilalaman ng Akda

Mahahalagang Pangyayari sa buhay ni Francisco “Balagtas” Baltazar

Francisco Baltazar

 Binansagan bilang “Prinsipe ng Makatang Tagalog”


 Isinilang noong ika-2 ng Abril, 1788 sa Panginay, Bigaa, Bulacan (na ngayon ay
Balagtas na nang palitan noong Agosto 8, 1966 bilang pagsunod sa panukalang batas ni
Kinatawan Teodulo Natividad ng Bulacan. Pinagtibay ng Kongreso at nilagdan ng dating
Pangulong Ferdinand Marcos)
 Ama – Juan Baltazar (panday); ina – Juana dela Cruz (pangkaraniwang maybahay)
 Taong 1799, sa edad na labing-sang taon, nagsimula siyang mag-aral
 Dahil sa kahirapan, kinailangang manilbihan bilang katulong sa Tondo, Maynila.
 Donya Trinidad – pinag-aral si Francisco bilang kapalit sa paninilbihan nito.
 Colegio de San Jose – nakatapos ng Gramatica Castellana, Gramatica Latina,
Geografia at Fisica, at Doctrina Christiana – ang mga karunungang kinailangan
niyang malaman upang makapag-aral ng Canones (Canon Law), ang batas ng
pananampalataya.
 Pinalad makapag-aral sa San Juan De Letran at natapos ang Humanidades, Teolohiya, at
Pilosopiya – naging guro si Padre Mariano Pilapil, isang bantog na guro na sumulat ng
Pasyon na binabasa at inaawit tuwing Kuwaresma at Semana Santa.
 Magdalena Ana Ramos – nakatira sa Gagalangin, Tondo, Maynila; babaeng unang
bumihag sa kanyang puso.
 Sinikap niyang handugan ng tula ang dalaga para sa kaarawan nito ngunit hindi
siya natulungan ng isa pang makata, si Jose dela Cruz o kilala sa tawag na
“Huseng Sisiw” dahil wala siyang dalang sisiw bilang pambayad.
 Naging kasintahan din ni Balagtas ang dalawa pang dalagang taga-Tondo; sina Lucena at
Biyanang.
 Maria Asuncion Rivera o Selya – nakilala nang lumipat mula sa Tondo patungong
Pandacan.
 Bukod sa pagiging maganda, ay isang mang-aawit at dalubhasa sa pagtugtog ng
alpa.
 Ang “Selya” ay kinuha ni Balagtas sa pinaikling pangalan ni Santa Cecilia, ang
patroness ng musika.
 Mariano ‘Nanong’ Kapule – naging karibal sa pag-ibig kay Maria Asuncion Rivera
 Ipinakulong si Balagtas sa kasong paninirang puri sa pamilya Kapule
 Ikinasal kay Maria Asuncion Rivera habang nasa loob ng piitan si Balagtas -
dahilan kung bakit naisulat niya ang obrang Florante at Laura
 Bumalik sa Tondo nang siya ay makalaya at doon nagsimulang sumulat ng mga tula at
dula
 Naging klerk sa hukuman at nadestino sa Udyong, Bataan noong 1840
 Juana Tiambeng – babaeng pinakasalan niya noong 1842
 Si Juana Tiambeng ay 31 taong gulang at 54 naman si Balagtas – tutol ang
 pamilya ni Juana sa kanilang dalawa dahil sa malaking agwat ng kanilang edad.
 Nagkaroon sila ng labing-sang anak; limang lalaki at anim na babae, ngunit pito
ang namatay sa kasanggulan at pagkabata pa lamang.
 Mula sa pagiging klerk, naging Tenyente Mayor at Juez de Sementera – pinagpipitagan
ang posisyong ito noong panahong iyon
 Muli siyang nakulong, apat na taon, dahil sa hindi inaasahang pangyayari sa Balanga,
Bataan nang pagbintangan siyang pumutol ng buhok ng isang babaeng katulong ni
Alferez Lucas – Malabo ang impormasyon tungkol sa inhustisyang ipinadanas kay
Balagtas dahil wala pang imbestigasyon sa kung anong katuwiran ang pagkaparusa sa
kaniya - inggitan kaya sa burokrasya, alitang personal, o sintomas ng pagtatagisan ng
mga angkan at uring panlipunan.
 Pumanaw si Balagtas noong ika-20 ng Pebrero, 1862 sa gulang na 74.

Apat na Himagsik ni Francisco Baltazar

1. Ang Himagsik laban sa Malupit na Pamahalaan

 Ang mga tauhan at mga pangyayaring nagdulot ng kaawa-awang kalagayan sa


kaharian ng Alabanya ay kasasalaminan ng mga naganap na kaliluhan, kalupitan,
at kawalang katarungan sa Pilipinas (Bagaman ang pagsasaysay ay di tumitiyak
na ang mga lupit at kasamaang iyon ay sa Pilipinas nangyayari; datapwat ang
mga bagay at pangyayaring iniuulat o binabanggit ay akmang-akma at malápit sa
larawan ng mga nangyayari dito noon) sa ilalim ng pamamahala ng mga
Espanyol.
 Samakatwid, nauna pa siyang di-hamak sa ating mga Burgos, Rizal, Del Pilar, at
Bonifacio, kung sa gawang paggísing at pagpapabangon sa ating nakagulapay na
bayan sa banig ng kaapihan at pagkaalipin.

2. Ang Himagsik laban sa Hidwaang Pananampalataya

 Ang simbahan at pamahalaan noon ay may iisang turing at iisang kapangyarihan at


tanging ang Iglesya Katolika Apostolika Romana lamang ang sinasampalatayanang
relihiyon na siyang kinikilala ng pamahalaan bilang “religión oficial del estado.”
Kakaibá sa ngayon na bawal sa Saligang-Batas ang pagkakapisan ng kapangyarihan ng
estado at kapangyarihan ng iglesya, at ang lahat ng mamamaya’y may lubos na kalayàan
sa pananampalataya at pagsamba. Dahil dito, anumang aklat, pahayagan, at iba pang uri
ng mga limbag na babasahin, ay hindi maaaring maikalat kung yari rito, o makapasok
kung yari sa labas, nang di magdaraan muna sa Censura. Kung mangakaraan na ay
kinakailangan pa ring magkapahintulot at magkatatak ng tinatawag na “gobierno
civil” at ng “gobierno ecleciastico.” Aklat na lumabas nang wala ng alinman sa mga
pahintulot at tatak nila ay naipapalagay na “kontrabando,” at ang kusang bumása ay
napapalagay namang nakagawa ng “pekado mortal,” at kaipala’y maging
“excomulgado” pa
 Ang relihiyon at ang paglalaban ng mga Moro at Kristiyano ay siya ring temang
ginamit ni Balagtas sa kaniyang awit bagama’t naiugnay niya ito sa pag-iibigan nina
Florante at Laura. Ito ang dahilan kaya’t nagtagumpay siyang mailusot ang awit sa
mahigpit na sensura ng mga Espanyol.

3. Ang Himagsik laban sa Mga Maling Kaugalian

 Mga Maling Kaugalian: pagpapabukas-bukas ng dapat nang gawin ngayon, ang


masagwang pagpapalayaw sa mga anak, ang pagkamapaniwalain o mapagtiwala, ang
pagbabalatkayo at pagkamainggitin, ang pagkamapanghamak at mapaghiganti sa
kaaway, ang pangangagaw sa iba ng pag-ibig, at iba pang masamang pinagkaugalian
sa lipunan.
 Ang bawat maling kaugalian na ito ay tinatapatan niya ng mga lunas na pangaral at
kahiyang na mga halimbawa, sa pamamagitan ng mga kawili-wiling pananalita ngunit
matalinghaga.

4. Ang Himagsik laban sa Mababang Uri ng Panitikan

 Ang Florante at Laura ay itinuturing na isang obra-maestra ng panitikang


Pilipino at sinasabing nagbukas ng landas para sa panulaang Tagalog noong
ika-19 na dantaon. Isinulat niya kasi ang kaniyang akda sa wikang Tagalog sa
panahong ang karamihan asa mga Pilipinong manunulat ay nagsisulat sa
wikang Espanyol.
 Lumitaw si Balagtas at napagitna nang kasalukuyang ang panitikang Tagalog
na kadalasang pumapatungkol sa pananampalataya. Ang mga mabubuting
manunula at manunulat ay walang ibang nagawang sulatin o tulain noon
kundi mga nobena, loa, duplo, buhay ng mga santo, pasyon, sari-saring
dasalan, padalahan (sulatan sa pag-ibig), paanyayang patula sa mga pistahan,
sermon o platika, awit, korido, komedya, at iba pang tuad ng mga ito, na
pawang himig-simbahan, amoy-kandila, matuwid na landas, at hagdanang
pakabilang-buhay.

Buod ng Florante at Laura

Ang kuwento ng Florante at Laura ay nagsisimula sa isang madilim na gubat sa may


dakong labas ng bayang Albanya, malapit sa Ilog Cositong na ang tubig ay makamandag.
Dito naghihimutok ang nakataling si Florante na inusig ng masamang kapalaran. Ang mga
gunita niya ay naglalaro sa palagay niya ay nagtaksil na ang giliw na si Laura, sa kanyang
nasawing ama, at kahabag-habag na kalagayan ng bayan niyang mahal.
Sa gubat ay nagkataong may naglalakad na isang Moro na nagngangalang Aladin.
Narinig niya ang tinig ni Florante at dali-dali niya itong tinunton. Dalawang leon ang handang
sumakmal sa lalaking nakatali ngunit napatay ni Aladin ang dalawang mababangis na hayop
at kaniyang kinalagan at inalagaan si Florante hanggang sa muling lumakas.
Ikinuwento ni Florante ang kaniyang buhay. Siya ay anak nina Duke Briseo at
Prinsesa Floresca. Noong bata ay muntik na siyang madagit ng buwitre ngunit iniligtas siya
ng kaniyang pinsang si Menalipo na taga-Epiro. Pinadala siya ng kaniyang ama sa Atena
upang mag-aral sa ilalim ng gurong si Antenor. Natagpuan niya doon ang kaniyang
kababayang si Adolfo na kaniya ring lihim na kaaway. Iniligtas siya ni Menandro sa
mga taga ni Adolfo nang minsang magtanghal sila ng dula sa kanilang paaralan. Tapos ay
nakatanggap si Florante ng liham tungkol sa pagkamatay ng sinisinta niyang ina.
Pagkabalik niya sa Albanya kasama ang matalik niyang kaibigang si Menandro,
pinatay niya si Heneral Osmalik na kumubkob sa Krotona. Nagkaroon siya ng mga tagumpay
sa labimpitong kahariang di-pa-binyagan matapos niyang iligtas si Laura sa hukbo ni Aladin
na umagaw sa Albanya nang siya’y nakikipaglaban sa ibang bayan. Natalo din niya ang
Turkong hukbo ni Miramolin at iba pa. Nagwakas ang kaniyang pagsasalaysay sa
pandarayang ginawa sa kanya ni Adolfo matapos kunin ang trono ng Albanya at agawin sa
kanya si Laura.
Nagpakilala ang Moro na siya’y si Aladin, kaaway na mahigpit ng relihiyong
Kristiyano at ng bayan ni Florante. Ang kaniyang kapalaran ay sinlagim ng kay Florante.
Inagaw sa kanya ng kaniyang amang si Sultan Ali-Adab ang kaniyang kasintahang si Flerida.
Pagkatapos ng pagsasalaysay ay narinig nila ang dalawang tinig na nag-uusap.
Tumayo ang dalawang lalaki at nakita nila sina Laura at Flerida na nag-uusap. Si Flerida ay
tumakas sa Persya upang hanapin si Aladin at nang mapagawi siya sa may dakong gubat ay
nasumpungan niya si Laura na ibig gahasain ni Adolfo, pinana niya ito at naligtas si Laura sa
kamay ng sukab.
Ikinuwento ni Laura ang paghuhuwad ni Adolfo sa lagda ng kaniyang ama upang
madakip si Florante. Isinalaysay niya ang pamimilit ni Adolfo sa kanya at pagdadala sa gubat.
Sa ganoon ay nabatid nina Florante at Aladin na ang kani-kanilang mga katipan ay pawang
tapat sa kanila. Sina Florante at Laura ay matagumpay na naghari sa Albanya at sina Aladin at
Flerida, pagkatapos na maging binyagan at pagkamatay ni Sultan Ali-Adab, ay naghari sa
Persya.

Gawain 4: Paglalahad ng Sintesis ng Aralin

Batay sa tinalakay nating kaligirang pangkasaysayan, nagkaroon


nga kaya ng impluwensiya ang Florante at Laura sa mga nangyaring
pag-aalsa ng mga Pilipino laban sa pamahalaang Kolonya?

C. PAGNILAYAN AT UNAWAIN
Gawain 1: Balik-Aral

Ang klase ay hahatiin sa apat na pangkat. Ang bawat pangkat ay gagawa ng


sariling buzzer na gagamitin sa pagsagot ng mga tanong. Ang pangkat na unang
makasasagot ng limang tamang sagot ang tatanghaling panalo.

Mga Tanong:
1. Anong akda ang binubuo ng lalabindalawahing pantig, apat na taludtod at
nagsasaad ng buhay ng tauhan sa isang kaharian?
Sagot: Awit
2. Ano ang nagsilbing paraan upang madaling maipalaganap at maipamulat ang
Kristiyanismo sa mga katutubo?
Sagot: Panitikan
3. Ano ang kahulugan ng “corrido”?
Sagot: “Kasalukuyang Pangyayari”
4. Awit o Korido? Kinukumpas nang mabagal sa saliw ng gitara o bandurya
Sagot: Awit
5. Ano ang basehan ng kasikatan ng mga aklat noong panahon ng Espanyol?
Sagot: dami ng pagkakalimbag
6. Sinong nagsabi na mayroong labing-isang edisyon ang Florante at Laura
noong 1853 hanggang 1901?
Sagot: Gabriel Bernardo
7. Anong taon ang sinasabing unang edisyon ng Florante at Laura?
Sagot: 1838
8. Ano ang pangalan ng mga magulang ni Balagtas?
Sagot: Juan Baltazar at Juana dela Cruz
9. Saang pamantasan natapos ni Balagtas ang Humanidades, Teolohiya, at
Pilosopiya at naging guro si Padre Mariano Pilapil?
Sagot: San Juan De Letran
10. Ano ang naging bansag kay Jose dela Cruz?
Sagot: “Huseng Sisiw”
11. Bakit ganito ang naging bansag sa kaniya?
Sagot: dahil sisiw ang hinihingi niyang bayad sa tuwing may
mangangailangan ng kaniyang tulong
12. Sino ang unang pag-ibig ni Balagtas?
Sagot: Magdalena Ana Ramos
13. Bakit nakulong si Balagtas sa unang pagkakataon?
Sagot: dahil sa paratang na paninirang puri sa pamilya ni Mariano
Kapule
14. Sino si Selya?
Sagot: Maria Asuncion Rivera
15. Sino ang babaeng pinakasalan ni Balagtas?
Sagot: Juana Tiambeng

Gawain 2: Pagbibigay ng Pagsasanay


Kalahating papel
I. Basahin at unawain ang mga tanong. Isulat ang titik ng tamang sagot. (1 puntos bawat
isa)

1. Lugar at taon ng kapanganakan ni Francisco Baltazar


A. Bulacan, 1877 C. Bulacan, 1788
B. Pangasinan, 1788 D. Pangasinan, 1877
2. Pinaghandugan ng “Florante at Laura”
A. Maria Clara C. Laura
B. Selya D. Juana Tiambeng
3. Kahulugan ng bansag na “M.A.R.”
A. Magdalena Ana Ramos C. Magdalene Ana Ramos
B. Maria Asunscion Rivera D. Maria Asuncion Rivera
4. Unang edisyon ng Florante at Laura
A. 1833 C. 1853
B. 1838 D. 1883
5. Tawag sa papel na unang pinaglimbagan ng “Florante at Laura”
A. Papel de Hapon C. Papel de Arroz
B. Papel de Liha D. Papel de Ahensya
II. Ibigay ang mga hinihinging kasagutan
 Dalawang pagkakaiba ng Awit at Korido (4 na puntos)
 Apat na Himagsik ng Florante at Laura (4 na puntos)
 Bansag kay Francisco “Balagtas” Baltazar (2 puntos)

Gawain 3: Pagsagot sa Pokus na Tanong


1. Bakit isinulat ni Francisco Balagtas ang Florante at Laura?
2. Paano nagsisilbing hamon sa buhay ang kahirapan?

Gawain 4: Paglalahad ng Sintesis


Sagutin ang mga tanong:
1. Bakit mahalagang pag-aralan at suriin ang Florante at Laura?
2. Sa iyong palagay, ano ang maaaring kaugnayan ng Florante at Laura sa buhay
ni Francisco Baltazar?

D. ILIPAT
Gawain 1: Balik-Aral

Ano-ano ang naging gawain natin noong


nakaraang pagkikita?

Gawain 2: Paglalahad ng Inaasahang Produkto


Gumawa o gumuhit ng sariling pabalat ng Florante at Laura. Ilagay sa 8 pulgada (taas) at
6 na pulgada (haba) (8 inches by 6 inches) na illustration board. Sa hiwalay na papel
(kalahating bond paper, pahalang), ilagay ang paliwanag bakit ganoong pabalat ang ginawa.

Gawain 3: Paglalahad ng Pamantayan sa Pagmamarka

Pamantayan sa Pagmamarka
Pamantayan Bahagdan
Nilalaman 50%
Pagkamalikhain 30%
Orihinalidad 15%
Kalinisan at Kaayusan 5%
Kabuuan 100%

Gawain 4: Pagbabahagi at Pagbibigay-puna sa Natapos na Produkto

Gawain 5: Paglalahad ng Sintesis

IV. TAKDANG-ARALIN
I. Ibigay ang mga mahahalagang tauhan ng Florante at Laura at ilagay ang deskripsyon ng bawat
isa. Isulat sa filler.
II. Basahin ang “Kay Selya” at “Sa Babasa Nito”

You might also like