You are on page 1of 21

Departamento ng Pagpapaunlad ng Pamayanan

Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan


Unibersidad ng Pilipinas - Diliman

Tahimik at May Disiplina:


Konsepto ng ‘Ligtas na Komunidad’
ng mga Kananayan mula sa Kalayaan B

Pangalawang Semestre ng Taong Panuruan 2016-2017


Propesor Lisa Rosel
Ika-25 ng Mayo 2017

Maria Kristina M. Alvarez


Christine Censoro
Karla Coderes
Nicole Reasonda
Konteksto ng komunidad
Matatagpuan ang Barangay Batasan Hills sa Quezon City, malapit sa Commonwealth. Sa
taong 2015, mahigit kumulang 161,409 na ang bilang ng tao sa Batasan Hills. Ito ang barangay
na ikatlo sa may pinakamalaking populasyon sa NCR, ayon sa datos ng Philippine Statistics
Authority.

Ang Kalayaan ay isang urban poor community na matatagpuan sa Batasan Hills. Ito ay
may tatlong kanto, ang kalayaan A, B at C. Ang tinutukan lamang ng grupo ay ang B na may

pinakamahabang iskinita.

Ito ay malapit sa ilang mga opisina pang-gobyerno tulad ng Kapulungan ng mga


Kinatawan ng Pilipinas, Komisyon ng Pagsusuri at Sandiganbayan. Malapit din dito ang ilang
mga paaralan tulad ng Batasan Hills National High School, Corazon Aquino Elementary School
at Quezon City Polytechnic University. Kabi-kabilaan ang mga tindahan, karinderya, at
computer shop sa lugar. Mayroon ding makikitang daycare, simbahan at ilang mga Bantay
Bayan outpost sa lugar.
Ang lupa na kinatatayuan ng mga bahay sa Kalayaan B ay pagmamay-ari ng gobyerno na
buwanang binabayaran ng mga residente sa National Houseing Authority. Sa kasalukuyan, may
ginagawang reblocking sa lugar. Ito ay para sa pagpapalawak ng mga kalsada sa komunidad.
Marami ring mga bahay na ipinapatayo na hindi pa natatapos.

Sa ngayon ay may pinapatupad na curfew sa lugar na kung saan ang mga menor de edad
(o 17 taong gulang pababa) ay inaasahang nasa loob ng kanilang bahay pagsapit ng alas-nuwebe
ng gabi. Para tuparin ito, may mga Barangay Service Point Officers (BSPO) na umiikot sa lugar
mula alas-nuwebe hanggang alas-onse ng gabi. Ang sinumang mahuhuhuli sa pagroronda ng
mga BSPO ay mananatili sa outpost o “barangay” hanggang sa pagsapit ng umaga.

Ngunit bago pa man ipatupad ang curfew sa lugar ay marami nang krimen ang
nangyayari dito. Ayon sa residente sa lugar, kabi-kabilaan ang tunog ng baril sa tuwing sasapit
ang gabi. Marami ding nag-iinuman sa labas ng kanilang mga bahay tuwing gabi na kung saan
ang ilan dito ay nagreresulta sa away-kalye at mga sigawan.

Malapit ang Barangay Batasan Hills sa usaping “Laban Kontra Droga” ng


Administrasyong Duterte. Tinatayang nasa 800 katao na ang sumuko sa sinasagawang Oplan
Tokhang. Bukod dito, marami ang nababalitaang kaso ng vigilante killings na may kinalaman din
sa droga. Ayon sa isang balita noong Pebrero 2017, isang 34-anyos na babae ang natagpuang
patay matapos pagbabarilin ng apat na lalaking nakasuot ng jacket at sombrero. Siya raw ay
kabilang sa mga sumuko sa Tokhang. Iniulat na may natagpuang isang sachet ng shabu malapit
sa kaniyang labi. Ayon sa isa pang balita noong Abril 2017, may taga-Batasan, isang tubero, na
natagpuang patay. Pinaghihinalaan na siya raw ay pinagbabaril ng apat na lalaking nakasuot ng
bonnet na nakita ng mga rumorondang BPSO. Inamin ng kaniyang kapatid na siya raw ay dating
gumagamit ng droga at dati nang sumuko sa Tokhang.

Layunin ng Pagsisiyasat
Ang layunin ng pagsisiyasat ay ang ang malaman ang mga panganib na nararanasan ng
komunidad na nakakaapekto sa kaligtasan ng kanilang mga anak. Bahagi ng konteksto ng
pagsisiyasat ang isinasagawang War on Drugs ng kasalukuyang administrasyon na isa sa
nangungunang panganib na nararanasan ng mga tao sa maralitang tagalungsod sa kasalukuyan.
Dahil dito, ang pag-aaral na ito ay naglalayong alamin ang pagkaunawa ng mga magulang sa
kanilang mga karanasan patungkol sa War on Drugs. Ang panghuling layunin ng pag-aaral na
ito ay ang malaman ang kahulugan ng ‘ligtas na komunidad’ ayon sa mga magulang para sa
kanilang mga anak..

Ang pagsisiyasat ay nakatutok sa pananaw ng magulang dahil ayon sa artikulo 27 ng UN


Convention of Rights of a Child (1990), ang magulang ay responsable para sa pagsisiguro ng
seguridad, kakayahan at pinansyal na kapasidad, at mga kondisyones ng pamumuhay na
kinakailangan para sa paglaki ng bata. Sa ika-5 na artikulo naman ay sinasabing responsibilidad
ng magulang na gabayan ang bata tungo sa wastong direksyon at alamin ang kanilang karapatan
bilang bata. Makikita na pangunahing nasa kamay ng magulang ang maayos at matuwid na
pagpapalaki ng isang bata kung kaya’t napili ng mga mananaliksik na suriin ang pananaw ng
magulang ukol sa ligtas na komunidad.

Ano ba ang konteksto ng ligtas na pamumuhay? Ano nga ba ng nakikita pag sinasabing
ligtas ka? Ayon sa Quebec (1998) ang pagiging ligtas ay isang kalagayan kung saan ang mga
posibilidad na panganib sa pisikal, sikolohikal, o kagamitang pinsala ay kontrolado para sa
kagalingan ng mga indibidwal sa lipunan. Makikita sa pagsisiyasat na ito ang mga konkretong
bagay na indikasyon ng isang ligtas na tahanan para sa mga nanay na kalahok sa FGD.

Ang War on Drugs ay ipinatupad upang wakasan ang lumalaganap na pag-gamit ng


ilegal na droga na siyang tinutukoy bilang ugat ng krimen sa bansa. Bahagi nito ang Oplan
Tokhang kung saan ang paraan ng pagtugis sa mga hinihinalang gumagamit o nagbebenta ng
droga ay pag-‘katok’ sa mga bahay-bahay at pagpakiusap na sumuko sa pulis. Sinasabing lahat
ng gumagamit ng ilegal na droga ay kasama sa pagtutugis ngunit ukol sa Amnesty International
(2017), ang war on drugs ay nagiging war on the poor dahil kalakhan sa nakikitil ay ang mga
maralitang taga lungsod. Dagdag pa rito, may mga vigilantes na kumikitil ng mga hinihinalang
‘adik.’ Ang mga ito ay hindi kinikilala bilang miyembro ng kapulisan. Nakatago ang kanilang
pagkakakilanlan. Bahagi sa layunin ng pagsisiyasat ang pagsisiwalat ng pananaw ng komunidad
ukol sa Oplan Tokhang. Para sa kanila, bunga ba nito ang ipinangakong sense of security o
bunga ba nito ay karagdagang takot at pangangamba?

Kahalagahan ng pagsisiyasat sa konteksto ng pag-aaral ng kultura at gawaing


pagpapaunlad

Pagbibigay-kahulugan sa ‘Ligtas na Komunidad’ at ugnay nito sa Kaunlaran

Ang anumang humahadlang sa kapasidad at kapabilidad ng indibidwal ay unfreedom


(Sen, 1999). Maituturing na unfreedom ang kawalan ng ‘ligtas na komunidad’ dahil nalilimita
nito ang pagkilos ng tao. Dahil sa takot, pangamba, o kaya pagiingat, iiwas ang tao sa anumang
maaaring magdulot ng pinsala o pahamak. Sa gayon, nalilimita din ang kaniyang akses sa
rekurso at oportunidad.

Ang kaunlaran naman ay ang pagtatanggal ng mga unfreedom para magkaroon ng


kakayahan ang tao na magdesisyon para sa kaniyang sarili kung ano ang minimithi niyang
buhay. Ayon kay Sen, ang freedom ay ang puno’t dulo ng kaunlaran. Sa gayon, ang kawalan ng
‘ligtas na komunidad’ ay hadlang sa pagkamit ng kaunlaran at bunga rin ng kakulangan ng
kaunlaran.

Ang pagkakaroon ng ‘ligtas na komunidad’ ay isang uri ng freedom, kung kaya’t


masasabi na ang ‘ligtas na komunidad’ ay parehong kasangkapan at bunga ng kaunlaran.
Mahalagang malatag ang pangangahulugan ng tao sa ‘ligtas na komunidad’ dahil ito ang
nagsisilbi bilang kaniyang pamantayan. Halimbawa, kung ang ‘ligtas na komunidad’ para sa
kaniya ay ang kakayaha niyang lumabas ng tahanan nang walang takot at pangangamba, ang
anumang pagkukulang o pagsasalungat sa pamantayang ito ay maituturing na unfreedom at
hadlang sa at bunga ng kakulangan ng kaunlaran.
Ang Culture of Impunity, Culture of Silence, at Spiral of Silence sa Laban kontra Droga

Layunin ng Laban Kontra Droga na gawing ligtas ang Pilipinas sa pamamagitan ng


pagtugis sa mga gumagamit at nagbebenta ng pinagbabawal na droga. Ngunit ayon sa datos ng
Amnesty International, tinatayang higit walong libong katao na ang kinikitil sa proseso, kalakhan
mga maralita, na siyang naging dahilan para ito ay bansagang War on the Poor. Iniulat na
marami sa mga kaso ang hindi dumaan sa wastong operation procedure, ngunit hindi
napapanagot ang nakatalaga sa operasyon. Ang kawalan ng pananagutan ng awtoridad ay isang
manipestasyon ng culture of impunity (Amnesty International, 2017).

Sa ganitong konteksto, paano naiiba ang kahulugan ng ‘ligtas na komunidad’ na


binibigay ng estado sa kahulugang binibigay ng komunidad? Sino ang nakaiimpluwensya sa
polisiya? Sino ang may kapangyarihan? Sino ang pinakikinggan?

Iniuugnay ni Guieb III ang ‘pagkakaroon ng bikig sa lalamunan’ o ang kawalan ng boses
sa konsepto ni Freire na culture of silence (1990). Ayon kay Freire, tinatanggap ng inaapi ang
kaniyang kalagayan dahil hindi bukas ang kaniyang kamalayan at pinanatilihan siyang
mangmang ng mga nasa kapangyarihan. Sa ilalim ng namamayaning kaayusan ang naghaharing
uri ang may boses at ang masa ang kanilang tagapakinig.

Sa Laban Kontra Droga, ang masa ay may bikig sa lalamunan. Wala siyang malaking
papel sa pagtataguyod ng seguridad at kaligtasan. Siya ay simpleng tagasunod. Wala rin siyang
boses. Wala siyang kapangyarihang magpahayag ng kaniyang mga adhikain. Ang sangkot naman
sa droga, bukod sa sinusupil, ay tinitiwalag. Siya ay excluded, siya ay sinasaminorya. Mula sa
pananaw ng estado, siya ang ugat ng krimen, ang sumasalungat sa konsepto nila ng kaligtasan.
Gamit ang kasangkapang ideolohikal, ang pananaw ng estado ay nagiging pananaw ng publiko.
Nililikha nito para sa mga sangkot sa droga ang kondisyon ng spiral of silence. Ayon kay
Nuemann, ang spiral of silence ay ang kondisyon kung saan nananahimik ang may pananaw na
hindi naaayon sa pananaw ng mayorya dahil sa takot na siya ay itiwalag o i-exclude (1974).

Pagpapatahimik, unfreedom, at gawaing pagpapaunlad


Ang kawalan ng boses ay maituturing na unfreedom dahil nililimita nito ang kapasidad at
kapabilidad ng indibidwal na makipagkapwa. Sa gayon, ang kawalan ng boses ay nagsisilbing
hadlang sa pagunlad. Mahalaga ang pagsisiyasat na ito dahil ang pagbubukas ng diskurso ay
isang paraan ng pagtatanggal ng bikig sa lalamunan ng masa. Ang personal na pananaw at
karanasan ng masa kaugnay ng ‘ligtas na komunidad’ sa konteksto ng Laban Kontra Droga ay
magiging hamon sa namamayaning kahulugan ng ‘ligtas na komunidad’ na binibigay ng estado.

Sa pamamagitan ng pagsusuri ng dinamiko ng pakikipagkapwa, mapapakita ang


dinamiko ng kapangyarihan sa loob ng komunidad at masisiwalat kung paano naaapektuhan ng
‘ligtas na komunidad’ at Laban Kontra Droga ang freedom ng bawat indibidwal. Masisiwalat din
nito ang pagpapahalaga ng bawat indibidwal, na siyang sasagot sa mga tanong na, sino ang
bahagi ng ‘ligtas na komunidad’ at sino ang bahagi ng kaunlaran?

Pamamaraan ng Pagsisiyasat (Methodology)

Upang palitawin ang pagpapahulugan ng mga taga-Batasan Hills sa ‘ligtas na


komunidad,’ nagsagawa ng isang kwalitatib na pagsisiyasat. Ang napiling paraan ng pagsisiyasat
ay ang focus group discussion (FGD) dahil a) ang datos na kinakailangan ay deskriptib; b) may
mga panibagong ideya o konsepto na nais ipalitaw; at c) sa paraang ito magkakaroon ng
pakikipagugnayan sa pagitan ng mga kalahok at mga tagapagdaloy o kaya sa kapwa kalahok
kung saan maaaring mabago o mapatibay ang pananaw.

Kalakhok Edad Tagal na paninirahan Trabaho Bilang ng Antas ng


sa komunidad anak/apo edukasyon ng
anak/apo

Tess 59 50 Housewife 6 na anak 2 elementary

Kristi 29 29 Housewife 5 2 elementary

Len 26 26 Housewife 1 elementary


Lorna 35 35 Housewife 2 elementary

Sally 46 16 Housewife 6 na anak 2 college, 2


highschool, 2
elementary

Nagtakda ng isang araw para sa FGD kung kailan libre ang contact person na taga-
komunidad. Sa itinakdang araw nagpadalo ang contact person ng sinumang makakapunta sa
FGD. Nagumpisa ang paguusap sa isang simpleng pagpapakilala. Inanyayahan ang mga kalahok
na ipahayag ang kanilang a) edad, b) trabaho, c) bilang ng anak o apo, d) antas ng edukasyon ng
mga anak, at e) tagal ng paninirahan sa komunidad.

May limang nanay na pumunta sa isinagawang FGD ng grupo, sina nanay Tess, Kristi,
Lem, Loma at Nanay Sally ang naging kalahok ng grupo sa isinagawang FGD. Sila nanay ay
matagal ng naninirahan sa Kalayaan na kung saan ang ilan sa kanila ay 16 na taon na narito. Si
Nanay Tess ay may tatlong anak na nagaaral na kung saan ang isa dito ay nasa elementarya pa
lamang. Habang si nanay Kristi naman ay mayroon ng dalawang apo na nagaaral at ganoon din
si Nanay Lorna. Si nanay Sally naman ay may anim na anak at ang lahat dito ay nagaaral din.

Bagamat may mga gabay na tanong para sa pagpapadaloy ng FGD, wala itong pormal na
istraktura. Ang mga sumusunod ay ang ginamit na gabay sa pagtatanong:

1. Kamusta po ang community? Gaano po kayo katagal dito? Ano yung nakikita niyong
mga problema dito?

2. Paano nito naapektuhan ang mga anak niyo?

3. May nababalitaan po ba kayo tungkol sa Oplan Tokhang? Dito po sa inyo?

4. Sa tingin niyo ba nakakatulong ito sa pagpapanatili ng kaligtasan sa komunidad?


5. Paano po nito naaapektuhan ang inyong mga anak?

6. Ano po yung konsepto niyo ng kaligtasan?

7. Para sa inyo, paano niyo masasabi na ligtas ang isang komunidad para sa inyong mga
anak?

Dagdag dito, pinalarawan sa mga kalahok ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang


tahanan at ng kanilang komunidad. Sumunod, pinalarawan sa kanila ang konsepto nila ng isang
‘ligtas na komunidad.’ Pinatukoy sa kanila ang mga sanhi ng pangamba at panganib sa kanilang
komunidad—dahilan para hindi matawag na ligtas ang kanilang komunidad—gayundin ang mga
nagsisilbing hadlang sa pagtamo ng ideyal na ‘ligtas na komunidad.’

Bilang bahagi ng konteksto ng komunidad ang Laban Kontra Droga, inanyayahan ang
mga kalahok na magbahagi ng kwento tungkol dito, personal man na karanasan o hindi. Sila ay
tinanong kung sila ba ay naaapektuhan nito at kung paano. Tinanong din sila kung naaapektuhan
ang pamilya at pamumuhay nila, at kung ito ba ay negatibo o positibo. Pinalarawan sa kanila ang
epekto nito sa kanilang pamumuhay. Pinakumpara sa kanila ang isinasagawang pagtutugis sa
mga sangkot sa droga sa ibang mga sanhi ng pangamba at takot tulad ng sakuna at krimen. Sa
bandang huli, muling ibinalik ang usapin sa ‘ligtas na komunidad.’ Tinanong sila kung ang
Tokhang ba ay may positibo o negatibong epekto sa usapin ng ‘ligtas na komunidad.

Highlights sa resulta/kinalabasan ng inyong pagsisiyasat

Sa pakikipag-usap ng grupo sa mga kananayan ng Kalayaan B, lumabas na iba-iba ang


pagpapakahulugan nila sa konsepto ng ligtas na komunidad. Ang paglalarawan ng mga
nakibahagi sa usaping ito ay mahahati sa dalawang kategorya: mga pisikal na katangian na
maaaring makita nang direkta sa komunidad o mga pakiramdam na naibibigay ng pagkakaroon
ng isang ligtas na kapaligiran. Bukod pa dito, natalakay din sa FGD ang iba’t ibang aspeto na
kailangang isaalang-alang upang magkaroon ng isang ligtas na komunidad. Ang ilan sa mga
nabanggit ay patungkol sa kalusugan, pagiging handa sa sakuna, pagtugon ng barangay sa mga
pangunahing pangangailangan ng komunidad, at ang pagsugpo sa iba’t ibang anyo ng krimen.

Naging makabuluhan ang usapan tungkol sa pagsugpo sa iba’t ibang anyo ng krimen
dahil talamak sa komunidad ang pagkakaroon ng mga kaso kaugnay sa War on Drugs. Ayon sa
kwento ng mga kananayan, bago pa ang implementasyon nito ay lantaran na ang krimen sa
kanila. Hindi na iba sa kanila ang makakita at makarinig ng mga away sa kalye, sigawan ng mga
naglalasing, barilan sa labas at iba pang klase ng gulo. Ika nga nila nanay sa mga taong
nagdudulot ng mga gulo, “akala nila hawak na nila ang mundo”.

Marami ang nagbago nang naipatupad ang curfew na nagbabawal sa kanila lalo na sa mga
kabataan edad 17 pababa na lumagi pa sa labas ng bahay mula ika-9 hanggang ika-11 ng gabi. Sa
oras ng curfew ay may mga naglilibot na mga volunteer kasama ang mga pulis upang
magmanman kung may mga lalabag sa mga patakaran, kasama na dito ang pagpapatrol sa mga
mahuhuli na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Mula ng magkaroon ng curfew ay unti-unti
ring umangkop ang mga residente sa mga patakaran gaya na lamang ng pagsimula ng mga
handaan o pagsasama-sama sa mas maagang oras para matapos ng ika-10 ng gabi. Ngunit ayon
din sa mga nanay ay mayroon pa ring mga matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa curfew. Ito
ay binubuo ng mga kabataan pati na rin ng mga nakatatanda. Ang mga nahuhuli na lumalabag sa
curfew ay hinuhuli ng mga Barangay Service Point Officers (BSPO) at dinadala nila ang mga ito
sa barangay kung saan doon na ang mga ito magpapalipas ng buong gabi. Bukod dito ay
nagsasagawa din ng mga pabiglaang drug testing ang mga pulis at volunteers lalo na kung
mayroon na silang kutob na ang kanilang nahuli ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Kadalasan, sila ay bumabase sa itsura at pangangatawan ng kanilang nahuli bago sila magsagawa
ng mga tests.

Bilang pagpapalalim sa pagtalakay patungkol sa War on Drugs, nakwento din ng mga


nakibahagi ang ilan sa mga mekanismo ng mga pulis at BSPO sa pagpapatupad ng mga
patakaran sa kanilang lugar. Una na dito ay ang pagbabahay-bahay ng mga ito upang tiyakin
kung lahat ba ng miyembro ng pamilya sa isang sambahayan ay hindi gumagamit ng
ipinagbabawal na gamot. Ang mga kabahayan na pumapasa sa kanilang screening ay binibigyan
ng sticker na may katagang “drug-free house”. Kung may mahuli man sila na gumagamit nito sa
isang pamilya ay pinagbabantaan na agad nila ito at pinapapili kung tokhang ba o tumba. Ayon
sa mga nanay, ito agad ang panakot ng mga pulis sa mga mahuhuli. Ito ay sumasakahulugan ng
pagpili kung ang suspek ba ay nais na lamang sumuko at magpasailalim sa mga pa-seminar ng
barangay o kaya naman ay sumuway at harapin ang masalimuot na dulo ng hindi pagsunod sa
may autoridad.

Isa pang paraan ng pag-alam nila kung sino ba ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na
gamot ay ang pakikipagkontrata nila sa mga tinatawag nilang assets. Ang mga ito ay nagsisilbing
espiya ng mga pulis. Sila ay nagpapanggap bilang mga tindero ng sampaguita at balot ngunit
may mga pagkakataon ding nagkukunwari silang tagabenta ng ipinagbabawal na gamot. Sa
ganoong paraan daw ay malalaman nila kung sino ang mga lumalabag sa mga kautusan kapag
wala ang mga autoridad. Ang pangalan ng mga mahuhuli ng assets ay madadagdag na sa listahan
ng barangay. Nabanggit na din noong una ang pagsasagawa ng mga biglaang drug testing ngunit
ginagawa lamang ito kapag sa tingin ng mga pulis ay kahina-hinala ang itsura ng isang tao - luwa
ang mata, payat ang pangangatawan, atbp. Ang mga nahuli na piniling sumuko ay maaaring
padaluhin lamang ng mga seminar sa barangay o kaya naman ay ipadala sa mga institusyon
upang ipa-rehabilitate. Mayroon daw nito sa Payatas at Nueva Ecija.

Ang mga sumuko na ipapadala sa barangay ay kakausapin ng kagawad at mga pulis na


sinasabi nilang mga advisers. Ipapatawag ang mga magulang ng mga nahuli kung kabilang ang
mga ito sa grupo ng mga kabataan. Sa barangay ay ipapaliwanag sa kanila ng mga advisers kung
ano ang mga kailangan nilang gawin at sundin. Kakailanganin nilang magpabalik-balik sa
barangay upang sila ay patuloy na ma-monitor at mapayuhan ng barangay. Ito ay tumatagal ng
hanggang anim na buwan at pag natapos ito ng isang surrenderee siya ay mabibigyan ng isang
sertipiko na magpapatunay ng kanyang paglaya.

Iba naman ito sa kinahahantungan ng ibang mga napagsuspetiyahan na gumagamit ng


ipinagbabawal na gamot. Sa mga kwento ng mga nanay, talamak na sa kanilang lugar ang
makarinig ng mga barilan, sigawan, habulan at iba pang anyo ng karahasan dulot ng War on
Drugs. Maliban daw sa mga pulis ay mayroon ding mga naka-motor na nakatakip ang mukhana
pumapatay ng mga biktima ng Oplan Tokhang. Wala daw pinipiling oras ang gulo sa kanilang
lugar kaya maski tanghaling tapat ay may nadadatnan silang naghahabulan at duguan.
Karamihan daw sa mga nabibiktima ng Tokhang sa kanila ay mula sa labas. Ang mga ganitong
pangyayari ay nagbibigay sa kanila ng matinding takot. Kadalasan ay nasisindak na agad sila
kapag nakakarinig ng tunog ng motor. Bukod pa dito, marami na din ang naging kaso sa
komunidad kung saan may nadadamay na inosente sa mga patayang nagaganap. Ilan na lamang
sa mga nakwento nila ay ang pagkadamay sa engkwentro ng isang tindero ng isda na pumunta ng
sugalan. Ayon sa kanila, ang kanyang katabi dapat ang aasintahan ngunit sa kanya ito naitama.
Dahil dito ay naisip ng mga kananayan na kahit sino ay pwedeng maging biktima ng mga
ganitong klase ng karahasan.

Ang War on Drugs ay isa lamang sa mga balakid ng pagkakaroon ng isang ligtas na
komunidad sa Kalayaan B para sa mga kananayan. Sa pangkabuuan, masasabi ng mga nanay na
ang kanilang lugar ay “...medyo ligtas pero hindi sapat” para sa kanilang mga anak. Ayon sa
kanilang pagpapaliwanag, hindi ito nagiging sapat dahil marami pa rin sa kanila ang lumalabag
sa mga patakaran. Para sa kanila, mahalagang salik sa pagiging ligtas ng isang komunidad ang
pagkakaroon ng disiplina sa sarili ng mga residente nito. Nakikita nila na ang batas ay dapat na
sinusunod basta ito ay para sa pangkalahatang kabutihan. Sabi nga nila, “...wala tayong
magagawa e. Sumunod ka na lang” lalo na at alam na daw ng mga tao kung ano ang dapat at di
dapat gawin sa kanilang buhay. Sa mga kaganapan, halimbawa sa War on Drugs, masasasbi ng
mga kananayan na “...kaya karamihan ay namamatay kasi sila ay sumusuway” kaya dapat ang
mga tao daw ay “...tumupad sa utos ng kagawad at ng pulis”.

Ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili ay maaaring masimulan sa loob ng tahanan. Ito ay


napapalitaw ng mga kananayan sa kung paano nila dinidisiplina ang kanilang mga anak.
Karamihan sa mga nagbahagi ang nagsabi na iba ang kanilang pamamaraan ng pagdidisiplina sa
anak na lalake at babae. Sila ay mas naghihigpit sa kanilang mga anak na babae dahil ayon sa
kanila, “...mga babae kasi sila”. Ang bawat nanay ay may kanya-kanyang paraan sa kung paano
nila dinidisiplina ang kanilang mga anak o kaya ay apo. Ilan sa kanilang mga ginagawa ay ang
paghatid at pagsundo ng mga bata sa eskwelahan. Sa ganitong paraan daw ay mas nababantayan
nila ang kanilang mga anak. Hindi naman daw ito mahirap para sa kanila dahil na rin sa malapit
lamang ang eskwelahan. Palagiang bilin din ng mga nanay sa kanilang mga anak ang pag-uwi
agad sa kanilang mga tahanan kung kinakailangan talagang lumabas at huwag masyadong
magpadala sa impluwensya ng mga kaibigan. Para sa mga nanay ng Kalayaan B, ligtas ang loob
ng kanilang mga tahanan at sa labas lamang may gulo.

Nagiging ligtas naman daw sa loob ng tahanan dahil hindi ganon kadalas ang gulo sa
loob ng tahanan. Ayon sa kanila, wala masyadong kaso ng pang-aabuso sa kanilang lugar.
Malaking tulong daw dito ay ang pagbibigay agad ng aksyon ng barangay sa mga gulo na
nagaganap sa kanila. Ang kanilang barangay daw ay dumarating kahit pa anong oras mo silang
tawagan. Dahil dito ay nakikita nila ang kahalagahan ng mabilis na pagtugon ng isang barangay
sa mga emergency o kaya naman ay sa iba pang panahon ng kagipitan, sa pagiging ligtas ng
isang komunidad.

Ilan pa sa mga natalakay sa usapan ang ay pagiging handa sa mga sakuna. Ang kanilang
lugar daw ay nasa gitna ng fault line na galing sa Marikina. Madalas daw magbigay ng
earthquake drill sa mga eskwelahan upang paghandaan ang mga maaaring mangyari sa
hinaharap. Maliban dito, wala naman silang ibang risko na kinakaharap. Ayon pa sa kanila, wala
din daw masyadong kaso sa kanila ng pagkakasakit dahil mahigpit daw ang kanilang barangay sa
pagpapatupad ng mga programang pangkalinisan.

Sa dulo ng pakikipagkwentuhan, inilarawan ng mga kananayan ang naiisip nilang mga


pisikal na katangian ng isang ligtas na komunidad. Para sa kanila, ligtas daw ang isang
komunidad kapag sila mismo ay hindi nakakaramdam ng takot o pangamba sa tuwing naglalakad
sila sa kanilang lugar lalo na’t pag sumapit ang dilim. Kaya naman ang isang komunidad daw ay
dapat parating may ilaw sa kalsada upang magkaroon ng mas maliwanag na kapaligiran. Mas
makakabuti rin kung ang mga institusyon kagaya na lamang ng eskwelahan, simbahan, at ospital
ay malapit lamang sa kanilang mga tahanan para hindi na nila kakailanganin pang magpakalayo.
Isa pa sa kanilang naisip ay ang pagkakaroon ng mga tanod sa bawat kanto ng kanilang lugar.
Ayon sa mga nanay, sila daw ay mas nakakaramdam na sila ay ligtas kapag may presensiya ng
mga pulis o kung sino mang may autoridad dahil para daw silang ginagabayan ng mga ito.
Panghuli sa kanilang mga nabanggit ay ang pagkakaroon ng mga malilinis na kanal upang
makaiwas sa sakit kagaya na lamang ng dengue.

Analisis

Disiplina at Indibidwalismo

Mula sa datos ay sinasabing ang disiplina ay isang puntong binigyang diin ng mga nanay
na nakapanayam para sa pagsisiyasat na ito. Naibahagi na ang disiplina ay nagsisimula sa kanya
kanyang tahanan. Nagsisimula ito sa patakaran ng pamilya sa loob ng tahanan na dapat
nasusunod upang magkaroon din ng disiplina sa kanilang paglabas ng tahanan.

Malaki ang importansya ng pagdidisiplina para sa mga nanay na aming nakapanayam.


Natukoy na ang disiplina ay kadalasang sa loob ng tahanan itinuturo ng mga magulang sa
kanilang anak. Ang pagtuturo ng disiplina sa loob ng tahanan ay isang argumento ng
pagkakaroon ng ligtas na komunidad dahil makakaiwas ito sa mga gulo. Wika ng dalawang
nanay na aming nakapanayam na “Sa loob ng bahay muna ang disiplina bago sa labas. Kapag
walang disiplina...”, “...hindi nila kaya kapag sa labas”. Makikita na para sa mga magulang ay sa
tahanan nagsisimula ang pagkakaroon ng disiplina, disiplina bilang pagsunod sa mga patakaran
sa loob ng bahay. Ang kanilang argumento ay kapag masunurin ka sa mga patakaran ng iyong
mga magulang o ng inyong pamilya sa loob ng inyong tahanan ay madali kang makasunod sa
mga patakaran sa labas at makaiwas ka sa kapahamakan. Makakaiwas din sa malalang epekto ng
pagtama ng sakuna ang pagsunod sa mga patakaran. Ang pagsunod sa loob ng tahanan ay isang
manipestasyon ng pagpapahalaga sa pamilya. Bilang pagsunod sa batas na ipinapatupad sa
kanilang tahanan, ay ang pagrespeto sa kagustuhan ng magulang sa isang maayos na pamumuhay
sa loob ng tahanan.

Sa pagkakaroon ng disiplina sa loob ng tahanan ay nais na maging pagsasanay ito ng


isang indibidwal na sumunod sa batas kahit saan pa man ito mapadpad. Ngunit may pagkakaiba
sa ibinahagi na pamamaraang pagkilos ng mga nanay na aming nakapanayam sa FGD patungkol
sa pagkakaroon ng ligtas at payapang kapaligiran paglabas. Nang itanong namin ang kanilang
pananaw sa mga kapahamakang nangyayari sa kanilang paligid patungkol na doon sa mga
nabibiktima dulot ng malawakang paglaban sa ilegal na droga ay sinasabi nilang kawalan ng
disiplina sa sarili ang naghantong sa kanila sa sitwasyong iyon.

“Kapag kumaliwa ka, may pupuntahan ka. Ganon lang.” Wika ito ng isang nanay nang
itanong namin kung bakit kailangan sumunod sa batas. Malaki ang kanilang pagtingin sa batas
bilang isang daan upang makamit kapayapaan. Kung kaya’t hindi nila kinekwestyon ang
pamamaraan ng pagsasagawa ng batas. Ganon na lamang ang pagtiis nila sa pamamaraang
pagpatay sa mga gumagamit ng ilegal na droga.

“Kagaya nung mga ano, tinotokhang. Ayaw nilang sumunod e. Ayaw nilang magbago.
Binigyan na sila ng chance. Ganito ganyan sige pa rin.” Bagamat nabanggit nila na marami din
ang inosenteng nadadamay sa mga pagpatay ay hindi nila ito nakikita bilang senyas ng pang-
aabuso sa batas. Sinasabing nasa tao nakasalalay ang kanyang kahahantungan sa buhay at
ginagawa lamang ng mga awtoridad ang kanilang tungkulin sa pagsunod sa batas na
ipinapatupad. Pagsisimpatya lang ang naibahagi ng mga nanay na aming nakapanayam sa sinapit
ng mga inosenteng nadamay sa pagtotokhang.

Makikitang may pagkakaiba sa pagtugon nila sa paghihimuk nila sa pagiging disiplinado.


Sa loob ng tahanan ay nabibigyang-diin nila sa kanilang mga kamag-anak ang kahalagahan ng
pagiging disiplinado at pagsunod sa batas. May pagmamalasakit sila sa kalagayan ng kanilang
mga kamag-anak kung kaya’t labis nalang ang pagpapaalala nila sa kung ano dapat at hindi dapat
gawin. Ngunit sa paglabas ng tahanan ay naging kanya kanya ang “responsibilidad” ng mga tao
sa pagkakaroon ng disiplina sa kapaligiran. Sa konteksto ng malawakang paglaban sa ilegal na
droga ay nakikita ng mga nanay na nasa sa tao na mismo ang bigat ng responsibilidad para
sumunod sa batas upang hindi matugis ng pulis o mga vigilante. Kumbaga pagtapak sa labas ng
tahanan ng mga tao ay wala nang responsibilidad ang mga taong himukin ang kapwa nila sa
pagiging disiplinado. Hindi na pinapakealaman ang mga ginagawa ng kapwa nila dahil may
palagay na sila na alam ng tao ang kanilang responsibilidad at ang kakabit na bunga nito positibo
man o negatibo. Makikita na may pagka-indibidwalismo na ang mga tao sa pagtapak nila sa
labas ng tahanan.
Dinamiko o power relation sa pagitan ng estado at mamamayan

Iba-iba ang manipestasyon ng power. Para kay Rowlands (1997), ang ‘power over’ ay
ang kakayahang magkontrol; ang ‘power to’ ay ang kakayahang gumawa; ang ‘power with’ ay
ang total na kapangyarihan ng nagsama-samang mga indibidwal; at ang ‘power from within’ ay
ang pagtanggap at pagrespeto sa sarili at sa kapwa.

May ‘power over’ ang estado sa mga mamamayan ng Batasan Hills. Sila ang
nangingibabaw, sila ang nagdidirekta ng Laban Kontra Droga, sila ang sinusunod. ‘Disiplina’
ang pangalan na binibigay sa pagsunod sa kanilang mga kautusan. Halimbawa nalang nito ay ang
pagpatupad ng curfew sa Barangay. Disiplinado ang mamamayang sumusunod sa curfew.
Hinuhuli at pinapatawan ng kaso ang sumuway sa curfew. Sa ganitong paraan, nagiging
tagasunod ang mamamayan. Ang kanilang ‘power to’ ang nagiging kapalit ng kaligtasan.

‘Power from within’ naman ang ipinagkakaila sa mga naiuugnay sa pinagbabawal na


gamot. Pinapakita sa iba’t ibang kasangakapan ng estado na sila ang latak ng komunidad, ang
ugat ng mga krimen at panganib. Nararapat lang na sila ay tinitiwalag, sinasaminorya. Sa
prosesong ito, tinatanggalan sila ng halaga bilang tao at ‘kapwa tao.’

Ganito napapatahimik ng estado ang mamamayan. Culture of silence ang bunga ng di


pantay na relasyon ng estado at mamamayan. Ang konsepto ng mga kananayan ng disiplina ay
manipestasyon nito. Spiral of silence ang bunga ng pagsasaminorya sa may ugnay sa droga. Ang
kumampi o tumanggap sa kanila ay pinapatahimik, sa pamamagitan ng pagbubukod. Baka sila,
katulad ng kinakampihan nilang gumagamit o nagbebenta ng droga, ay magdulot ng
kapahamakan.

Takot sa Vigilante, Tiwala sa Kapulisan

Nang tanungin ang mga kananayan, ang pangunahing sanhi ng takot sa kanilang
komunidad ay ang Oplan Tokhang dahil maraming naaapektuhan dito, kasama dito ang mga
inosente dahil sa mga ligaw na bala at “mistaken identity.” Ngunit nang tanungin sila, nakikita
nila bilang sanhi ng pangamba ang vigilantes pero ang kinakapitan nila para sa kaligtasan ay ang
kapulisan. Dagdag pa rito, tila natural na sa kanila ang may nadadamay na mga inosente kapag
nagsasagawa ng police pursuit.

Angkop sa pagsusuri na ito ang tinatawag ni Bourdieu (1977) na ‘symbolic violence’


kung saan nagagawang natural ang paghahari ng isang grupo. Bunga nito ang pagiging pasibo at
sunud-sunuran ng masa. Kapag lehitimo ang isang grupo, sila ay may kakayahang gumamit ng
kapangyarihan upang pasunurin ang sinumang nakapailalim dito sa kanilang kagustuhan. Ang
kapangyarihang ito ay nakabatay sa mga karanasan at kasanayan ng mga mamamayan ng
komunidad at naisasakongkreto at pumapaloob sa iba’t ibang institusyong panlipunan. Isa sa
mga institusyong ito ay ang kasulatan ng batas. Ayon dito, mayroong inaasahang monopolyo ang
estado sa paggamit ng dahas at pagpilit sa kanyang mga mamamayan (Koonings & Krujit, 2004).
Ito ang tinatawag ni Weber (1965) na “monopolyo sa lehitimong paggamit ng dahas.” Ang pulis
bilang ahente ng katahimikan at seguridad ng estado ay kinikilala ng komunidad bilang
lehitimong tagasagawa ng mga operasyon na tumutugis sa kriminal sa kanilang barangay. Sa
kabilang dako, ang mga vigilante ay hindi kinikilala bilang lehitimong ahente ng estado bagamat
ang pamamaraan nila ay kaparehas sa gawain ng pulis. Ang resulta nito ay ang magkaibang
pananaw ng komunidad sa mga aktor na sangkot sa Tokhang.

Isa pa sa mga epekto ng pagiging lehitimong ahente ng kapulisan ay ang pagtingin ng


mga mamamayan sa mga nadadamay na inosente sa konteksto ng Laban Kontra Droga. Tanggap
ng komunidad na hindi maiiwasang may madamay na inosente subalit ang kaibahan ng kanilang
pagtingin ay nakadepende rin sa kung sino ang nagsagawa ng operasyon. Ikinalulunos at
ikinakatakot nila kapag ang nakapatay ay vigilante ngunit tinatanggap lamang nila ito bilang
natural na pangyayari kung ang pulis ang nakagawa.

‘Ligtas na Komunidad’ bilang espasyong ginagalawan

Ang ideya na ang paglabas ng bahay ng walang bahid ng takot at pangamba ay isang
pagtingin ng isang ‘Ligtas na komunidad’. Ang pagpapatupad ng estado ng iba’t ibang polisiya,
batas at regulasyon upang maprotektahan ang mga tao. Ito ang nagsisilbing instrumento ng
pagkakaroon ng ideya ng mga tao na ang pagkakaroon ng kalayaang gawin ang anumang bagay
sa pagtapak ng isang indibidwal sa labas ng kanyang tahanan na kung saan nagsisilbing ‘ligtas’
sa anumang kapahamakan.

Ligtas din kung maituturing ang kalagayan na kung saan ang kanilang mga anak ay
disiplinado, ang pananatili nito sa loob ng tahanan na kung saan kapag ang isang tao ay
sumusunod at disiplinadong ang mga ito ay maituturing itong ‘ligtas na komunidad’.
Pagpapanatili sa kanilang mga anak sa loob ng tahanan sa pagtingin na ang loob ng kanilang
bahay ay isang espasyo na kung saan ay naglalayo sa kanilang pamilya sa kahit anumang
kapahamakan.

Ngunit nakatago sa pagiging ‘disiplina’ ang culture of impunity, ang pagtanggal ng


estado ng kanyang responsibilidad upang protektahan ang mamamayan nito. Sa halip, nalilipat sa
mga tao ang responsibilidad na sila mismo ang may hawak ng kaligtasan na kung saan sila
mismo din ang mananagot kapag sila ay napahamak. Sa gayon, hindi mapapanagot ang estado.
Implikasyon ng inyong pagsisiyasat sa CD Practice

Sa pag-aaral na ito, lumabas ang mga realidad na bumubuo ng iba’t ibang pagtingin ng
mga magulang tungkol sa isang ligtas na komunidad para sa kanilang mga anak. Malaking
bahagi ng pagsisiyasat ang nakatutok sa War on Drugs na siyang pangunahing
pinangangambahan ng mga magulang hindi lang para sa kanilang mga anak, kundi para na rin sa
buong komunidad. Mula sa mga datos na nakalap, nalaman ang mga palaisipan, kaugalian, at
mga paniniwalang taglay ng ilang mga miyembro ng Kalayaan B sa usapin ng pagpapahalaga at
pagsunod sa mga batas at patakarang ipinapataw ng awtoridad.

Naipakita sa pag-aaral ng kanilang konteksto na maraming mga hadlang para sa


pagkakaroon ng isang ligtas na komunidad. Isa itong pagpapahayag na ang mga residente ng
Kalayaan B ay nakakaranas ng iba’t ibang anyo ng unfreedoms (Sen, 1999). Dahil dito, mahirap
para sa kanila ang makatamasa ng isang disenteng pamumuhay na siyang nakakaapekto sa kung
paano nila nakikita ang kanilang kahalagahan sa komunidad. Dagdag pa dito, nagiging
karaniwan na lamang para sa mga kananayan ang mga unfreedoms na kanilang nararanasan kung
kaya mas nagiging lehitimo ang porma ng opresyon na nabubuo sa pagitan nilang mga
stakeholders at ng mga duty-bearers. Konkreto itong naipakita sa kung paano nakikita ng mga
kananayan ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili bilang isang mahalagang salik sa pagkakaroon
ng isang ligtas na komunidad.

Dahil kontrolado ng mga may kapangyarihan ang mga institusyon na dapat


nagpapalaganap sa interes ng nakakarami, mayroong pangangailangan na ilihis ang
kapangyarihan upang pumapabor sa aping grupo. Kailangang ibalik sa masa ang boses na
ninakaw mula sa kanila sa pamamagitan ng pagtaas ng lebel ng kamalayan ng indibidwal at pati
na rin ng buong sector o grupo sa mga isyu na hinaharap ng kumunidad. Ang konsepto nila ng
isang ligtas na komunidad ay maaring lumawak kapag napalalim ang kaalaman nila ukol sa
kanilang karapatan bilang isang ordinaryong mamayang Pilipino.

Dokumentasyon
X. Mga Sanggunian

Agoncillo, Jodee. (2017). “Gunmet cut short her dance of change.” Philippine Daily Inquirer.
Amnesty International. (2017). “If You are Poor, You are Killed” Extrajudicial Executions in the
Philippines’ “War on Drugs”. Amnesty International Ltd. London, UK.

Cupino, Cyrille. (2017). “Tubero, patay matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang bahay sa
Batasan Hills, QC.” DZIQ Radyo Inquirer 990 AM.

Freire, Paulo. (2005). Pedagogy of the Oppressed. The Continuum International Publishing
Group Inc, New York.

Guieb, Eli R. III. 1991. Ilang Konseptwal na Balangkas sa Pagsusuri ng Kulturang Popular.
Lundayan.

Habermas, J. (1991). The Structural Transformation of the Public Sphere. MIT Press. Retrieved
from https://s3.amazonaws.com/arena-
attachments/447615/0dd193e21ecb7fcdf86e3b6f18ebb955.pdf

Nuemann, Elizabeth Noelle. (1974). Spiral of Silence. Retrieved from


http://www.afirstlook.com/docs/spiral.pdf

Québec Collaborating Centre for Safety Promotion and Injury Prevention | Definition of the
concept of safety | INSPQ - Institut national de santé publique du Québec. (n.d.).
Retrieved from https://www.inspq.qc.ca/en/expertise/safety-and-injury-
prevention/quebec-collaborating-centre-safety-promotion-and-injury-prevention/definition-
concept-safety

Philippine Statistics Authority (2016). “Population of the National Capital Region (based on the
2015 Census of Population).” Philippine Statistics Office.

Sen, Amartya. (1999). Development as Freedom.

XI. Mga Appendix

Ang mga sumusunod ay ang ginamit na gabay sa pagtatanong:

1. Kamusta po ang community? Gaano po kayo katagal dito? Ano yung nakikita niyong
mga problema dito?
2. Paano nito naapektuhan ang mga anak niyo?

3. May nababalitaan po ba kayo tungkol sa Oplan Tokhang? Dito po sa inyo?

4. Sa tingin niyo ba nakakatulong ito sa pagpapanatili ng kaligtasan sa komunidad?

5. Paano po nito naaapektuhan ang inyong mga anak?

6. Ano po yung konsepto niyo ng kaligtasan?

7. Para sa inyo, paano niyo masasabi na ligtas ang isang komunidad para sa inyong mga
anak?

You might also like