Jane Cruz,“ Sosyal Midya” Kasabay ng pag-usbong ng makabagong teknolohiya ay siya ring pagdagsa ng samu’t saring social media platforms gaya ng Facebook, Twitter, Instagram, Youtube, Tiktok at Wattpad. Sa pagpapakahulugan ni Ubalubao et al., ang sosyal midya ay ang pakikihalubilo sa lipunan ng mga tao sa buong mundo sa pamamagitan ng mga elektronikong gamit tulad ng kompyuter, cellphone, tablet at iba pa na pwedeng ibahagi ang iyong mga ginagawa, mga larawan, musika, mga aktibidad, mga gusto at ayaw, mga video at marami pang iba na gusto mong maisip. Sa madaling sabi, ang social media ang siyang nagiging daan upang maiparating natin ang mga nilalaman ng ating isip at damdamin na hindi natin kayang ihayag sa totoong mundo. Ayon kay Ian Estares ng dataspring.com, umabot na sa 76 milyong Pilipino noong Agosto 2019 ang naging aktibo sa social media o katumbas ng 71% ng kabuuang populasyon ng Pilipinas. Sa taas ng bilang nito ay masasabing bahagi na ng ating sistema ang social media dahil talaga namang malaki ang naitutulong nito lalo na sa mga kababayan nating may kamag-anak na OFW. Nang dahil sa social media, naiibsan ang pangungulila nila sa nawalay na mga mahal sa buhay. Bukod pa rito, social media rin ang dahilan kung bakit may kaalaman na tayo sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, sa loob at labas man ng ating bansa at lumalawak na rin ang ating pakikipag-kapwa. Sa kabila ng mga kabutihang nabanggit ukol sa sosyal midya, hindi maitatangging may masama itong maidudulot sapagkat ang lahat ng bagay kapag sumubro ay nagdudulot ng hindi maganda lalo na sa ating mga kabataan. Wika nga nila, lahat ng sobra ay masama. Ayon sa ulat ni Rouchelle R. Dinglasan ng GMA News Online, karamihan sa gumagamit ng social media sa bansa ay mga kabataang may edad 30 pababa. At sa sarbey naman na ginawa ng isang kompanya sa Singapore, lumalabas na pinipili ng walo sa sampung kabataang Pinoy na gumamit ng internet kaysa gumamit ng telebisyon. Idinagdag pa ng We Are Social and Hootsuite na tumatagal mula 9 na oras at 29 na minuto hanggang 10 oras at 2 minuto ang inilalaan ng mga Pilipino sa pagbababad sa internet. Sa kadahilanang ito, hindi talaga maiiwasan ang mga masamang maidudulot sa labis na paggamit ng sosyal midya. Ang paglaganap ng masamang bunga nito ay maihahambing sa isang virus na kung saan madali nitong napapabagsak ang immune system at mabilis na kumakalat sa ating utak. Kung hindi ito makokontrol ay siguradong masisira ang buhay ng mga kabataan at tiyak na lulubha ang sitwasyon ng ating bansa. Ang cyberbullying ay isa sa masamang epektong dulot ng lumalawak na presensya ng sosyal midya. Sa payak na pagpapakahulugan, ito ay isang uri ng bullying na nangyayari sa pamamagitan ng digital technology. Ang mga naging biktima nito ay nakararanas ng harassment gaya ng personal na pag- aatake, paninira, o ibang bagay na hindi mabuti o nakasasama sa kaniyang pagkatao. Ayon kay Dinalene Babac ng smartparenting.com, sa isinagawang National Baseline Survey on Violence Against Children dito sa Pilipinas, karaniwan na naaapektuhan ang halos kalahating populasyon ng mga kabataan na nasa edad 13 hanggang 17 na nasa 44 % sa kalalakihan at 43 % naman sa kababaihan. Ipinapakita rin ng pag-aaral na ito na sangkatlo ng mga kabataang Pilipino ang nakararanas ng verbal abuse sa internet. Sabi ng brainly.ph, isa sa pinakamabisang paraan para maiwasan ang cyberbullying ay huwag makipag- ugnayan sa mga taong hindi lubusang kilala. Kung nagpapadala ito ng mensahe na hindi kanais-nais maaaring mo itong iulat na spam o i-block. Gawin ding pribado ang personal na impormasyon sa lahat ng account sa sosyal midya. Makatutulong ito upang hindi magamit ang social media account sa mga krimen. Ang Anti-Bullying Act of 2013 (RA 10627) ay ang itinakdang batas upang magkaroon ng proteksyon ang mga mamamayan sa banta ng cyberbullying. Laganap din ang Cybersex sa sosyal midya na isa sa mga problemang kinakaharap ngayon. Ito ay binubuo ng iba’t ibang uri ng representasyon ng pagtatalik na ipinalalabas sa tinatawag na audio-visual na kasangkapan na tanging matatanda lamang, may asawa man o wala ang siyang makakakuha ng mga benepisyong dulot nito. Ito ay pangkaraniwang romantikong sekswal na aktibidad na kinasasangkutan lalong-lalo na ng mga kabataan (Ross, 2005). Sa pag-uunawa sa salitang “cybersex” at kung paano ito nagaganap, marapat lamang na mabigyang pansin ang istruktura at ang daloy ng mga kaganapan na pumapaloob dito. Maipapakita ito sa representasyong ribbon na kung saan ang kanang parte ay ang audience o ang taong tumatangkilik nito at ang kaliwang parte naman ay ang aktor o taong gumagawa ng akto sa harap ng kamera o maaari nama’y nabibiktima ng mga eskandalo. Distributor naman ang “nagtitirintas” ng ribbon sapagkat nagiging posible ang daloy ng proseso dahil sa pagpapalaganap nya ng mga audio-visual na materyales, ang pumapagitna sa ribbon. Sa madaling salita, pumapaloob sa isang cybersex ang tatlong indibidwal. Ang audience, actor at ang distributor idagdag na ang pinakamahalagang kasangkapan sa pagbubuo ng daloy nito. Ang audio-visual na materyales tulad ng computer, cellphone, MP4 player, DVD player, PSP, compact disc, malalaswang imahen ng mga comic at magazine. Napakalaki ng epekto ng pagkahumaling ng mga kabataan sa cybersex maging ang paggamit sa kanila bilang mga aktor ng mga malalaswang palabas. Una, apektado ang sikolohikal na kahulugan ng isang kabataan. Addiction o sobrang pagkahumaling (audience), pagiging agresibo (audience), trauma (actor) at kakulangan ng sosyal na pakikisalamuha (audience at actor) ang mga posibleng maging epekto ng pagtangkilik ng kabataan sa cybersex. Pangalawa, apektado ang pisikal na kahulugan ng kabataan. Hindi inaasahang pagbubuntis ng mga kabataang babae (actor o audience), pagkawala ng disiplina sa sarili (actor at viewer) at ang posibleng pagkakaroon ng STI o Sexually Transmitted Infection kagaya ng AIDS, hepatitis at iba pa sa murang edad ng ilan pa sa mga posibleng epekto ng cybersex sa kabataan. At pangatlo, nawawalan ng maayos na karapatan ang bawat kabataang sangkot sa child trafficking na kung saan ginagamit ang bata sa anumang pinagkakakitaang bagay tulad ng pagbebenta at pagluluwas sa mga ito. Isa pang halimbawa ay ang puwersahang paggawa ng akto sa harap ng kamera idagdag pa ang pagmamaltrato at eskandalo. Noong ika-17 ng Nobyembre 2009, inaprubahan ni Dating Pangulong Arroyo ang Anti-Child Pormography Act (ACPA) na nakapaloob sa Republic Act No.9775. Isinasaad nito na karapatan ng bawat kabataan na maprotektahan sila laban sa mga mapanuksong palabas at paggamit sa kanila bilang mga pormographic performers na nakakasama ng lubusan sa kabuuang pagkatao ng isang kabataan. Ang mga kilalang organisasyon kagaya ng UNICEF, Anti-child Pormography Alliance (ACPA), Akap Bata Philippines, Stairway Foundation, Council for the Welfare of Children, PREDA Foundation, Share A Child Movement, at Kabataan Consortium ay nagkaisa para sa Action Speaks Louder than Words Campaign na layong ipasa at aprubahan ang Bill sa Senado. Hindi naman kaila sa marami ang mga nangyayaring scam o panggagantso ngayon na nagmumula sa mga social networking sites. Sa pagpapakahulugan ni NCZ Ambitios, ang scam ay isang panlilinlang ng tao o ng mga tao na tanging layunin ay makuha ang tiwala ng iba at paglamangan sila. Kalimitan, ang scam ay sistematikong panloloko ng mga tao o grupo na naghahangad ng pera mula sa iba. Modus o Modus Operandi rin ang maaari pang isang tawag dito o mas kilala sa katawagang budol- budol. Nangyayari ang online scam kapag nakipagtransaksiyon ang isang kostumer sa online seller ngunit wala itong natanggap na produkto o substandard ang nakuha nito. Kadalasan ding gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan ang mga kawatan sa online scam. Ayon nga sa ulat ni Zhander Cayabyab ng ABS-CBN News noong ika-12 ng Disyembre taong 2018, nasa halos 1,000 katao ang nabiktima ng online scam. Sa panayam ng DZMM radio patrol kay NBI cybercrime division agent Efren Abantao, para makaiwas sa scam, kailangang huwag kaagad tayong naniniwala sa internet, dahil marami ngayon ang gumagamit ng pagkakakilanlan ng iba na gustong makalamang sa kapwa. Huwag kaagad maniwala sa mga nakakachat lalo na kung may kalakip ng pera ang pinag-uusapan. Hindi maipagkakaila na malaki ang naitutulong ng mga makabagong teknolohiya sa ating pang araw- araw na buhay. Kamakailan lang, ginawaran ng Nobel Peace Price ang internet bilang isa sa mga pinakamahalagang imbensyon ng ating panahon. Subalit hindi rin maipagkakailang ang internet din ang nagdadala ng samu’t saring mga negatibong bagay na nangyayari ngayon sa ating lipunan. Lahat tayo bata man o matanda ay dapat maging responsable sa paggamit ng sosyal midya. Huwag natin itong abusihin sapagkat walang kalabisan ang nagdudulot ng maganda. Sa maling paggamit natin ng internet ay para na rin nating iniligay ang isa nating paa sa hukay. Para sa mga magulang kailangang gabayan ninyo ang inyong mga anak sa lahat ng pagkakataon. Kontrolin ang labis na pagkakahumaling nila sa mga gadyet at kompyuter na may direktang access sa sosyal midya. Huwag din tayong agad-agad na maniniwala sa mga nakabalandrang post sa sosyal midya. Kailangan muna natin itong kilatisin kung gaano ito katotoo. Iba kasi ang may alam at sigurado. Ayon nga sa lumang kasabihan, “Ang maniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili”. At idagdag pa ang sabi pa ni Pia Wurtzbach, “Think before you click!” Maraming Salamat!