You are on page 1of 14

Mga Sandali ng Paglaya

Dahil sa post-modernismo, namulaklak ang labag-sa-kaayusang panitikan na naglalayong hamunin ang


mga katotohanang ipinaglaban ng modernismo, bigyan ng kalayaan ang may-akda na mag-eksperimento
at pagwatak-watakin ang mga bahagi ng akda upang magkaroon ng pagbubuklod, at maipakita ang
tunay na kalagayan ng mga tao sa lipunan. Kabilang sa mga akdang ito ang Ang Lohika ng mga Bula ng
Sabon ni Luna Sicat-Cleto.

Ang maikling kuwentong ito ay tungkol sa isang babaeng titser na piniling mamuhay nang mag-isa.
Dinidistansiya niya ang kaniyang sarili sa ibang tao. Paminsan-minsan lang din siyang dumadalaw sa
kaniyang kapatid at mga magulang—patunay na hindi maayos ang relasyon niya kahit sa sarili niyang
pamilya.

Ang akda ay maaaring basahin bilang isang feminismong akda dahil ang mga karanasan ng pagiging
babae ng tauhan sa kuwento ay umiikot sa pagkakatali ng babae sa lipunang kanyang ginagalawan.
Nilalabanan niya ang de-kahong konsepto ng lipunan sa esensya ng pagiging babae. Nagtatangka siyang
humiwalay sa realidad dahil doon ay maituturing siyang kakaiba at malayo sa tradisyunal na konsepto ng
babaeng domestikado, dahil naninirahan siyang mag-isa, hindi siya marunong magluto, sumisiping siya
sa isang tao na hindi naman totoo, at bayolente siyang mag-isip. Ang pagtakas niyang ito ay maaaring
makita bilang isang paraan ng kanyang paglaya mula sa kulungan ng lipunan — ang paglaya mula sa
kumbensyonal na pagtingin sa mga babae.

Sa simula pa lamang ng kuwento ay ipinakilala na ng persona si Sandali—isang bisita na bigla na lamang


sumusulpot ngunit hindi niya kayang itaboy. Si Sandali ang kaniyang kathang-isip na kalaguyo at iniibig
sa kuwento (“..paano naman niya papasukan, e hindi ko naman siya nahahawakan o nakikita o naaamoy
sa kumbensyunal na paraan..”). Maliban dito, kinakatawan ni Sandali ang oras. Ang pakikipag-ugnayan
ng tagapagsalaysay kay Sandali ay ang kanilang mga biglaang pagkikita, paglalayag/pagsisiping, at
pagtatalik. Ayon sa akda, siya rin ang pinagmumulan ng libog ng persona; lagi niya itong hinahanap-
hanap. Ang pagiging isang babae sa Modernong lipunan ay may kaakibat na obligasyong magmahal sa
lalaki lamang, kaya naman ang pagmamahal ng persona kay Sandali ay isang pagwasak sa tradisyunal na
konsepto ng pagiging babae.

Samantala, kasama rin ni Sandali ang kanilang mga supling (“..punung-puno ng aking mga kawangis ang
buong silid..”, “..palaki na nang palaki ang mga bilog sa aking mga mata, kailangang gawan ko na ng
paraan ang kanilang pagdami..”). Inilarawan ng persona ang mga ito na parang “mga dagang
naghahabulan sa kisame, sa kisame ng aking utak, at pinamumukha nila sa aking hindi ko sila
matatakasan…” Maaaring silang tingnan bilang simbolo ng mga istruktura ng lipunan (tulad ng simbahan
at media) na kumakahon sa mga kababaihan. Sa huling bahagi ng kuwento, sinabi ng mga ito na “gawin
mo kaming mga alagad ng katahimikan …”. Nais nilang maging puwersang makakapagpalaya sa
personang nakararanas ng represyon at kalungkutan. At dahil kathang-isip lamang din sila ng persona,
mapapansing siya na rin mismo ang nagtulak sa kaniyang sarili na huwag magpakahon sa mga
istrukturang ito.

Pinatatamaan din ng akda ang Relihiyong Katoliko dahil kinuwestiyon ng kaibigang pari ng persona ang
kagustuhan niyang matamasa ang katahimikan. Sinabi nito na maari naman daw hilingin ng babae na
magkaroon ng isang kumportableng buhay sa piling ng isang responsableng asawa, dalawang
magaganda at normal na anak, at isang bahay sa malinis at tahimik na lugar. Ang pari na isang alagad ng
Diyos, ay nagpahayag ng isang napakamateryalistikong pananaw sa kung ano ang dapat hinahangad ng
persona. Sinasabi niya na ang kaligayahan ng babae ay nakakabit sa pagkakaroon lamang ng tradisyunal
na pamilyang binubuo ng mag-asawa at mga anak. Ngunit nilalabanan nga ito ng persona; iwinawaksi
dahil ayaw niyang siya’y ikinokontrol at ikinakahon.

Malinaw ring naipakita sa kuwento ang represyon at ang takot ng persona na mahusgahan ng iba
(“gusto ko sanang ihinga sa ibang tao ang tungkol sa kanya, kaya lang, hindi ko alam kung maiintindihan
nila ako…”), kaya bumuo siya ng sariling paraiso. Ang ibig sabihin ng paraiso bilang babae ay malaya
siyang maging kung ainong gustuhin niya, at malaya mula sa pagdidikta ninuman. Sa kaniyang paraiso,
hawak niya ang sariling niyang mundo, pati ang sariling niyang oras na kasama si Sandali, ang kanyang
“imaginary friend, lover, and enemy”. Ang mga oras na ito (habang kasama si Sandali) ang mga sandali
na siya’y lumalaya mula sa kulungan ng lipunan. Hindi rin siya nakatali sa obligasyon niyang paglingkuran
ang iba, lalo na ang kaniyang pamilya (“binibigyan ko ang aking ina ng pera mula sa aking suweldo,
panggastos sa grocery, naidaing niyang mataas ang presyo ng bilihin…”).

Sa paraiso niya, kalaro niya ang mga anino niya. Ang tinutukoy na mga aninong kapiling niya ay siya rin.
(“..bigyan niyo na ako ng katahimikan..minura ko silang lahat, tang-ina niyo, natawa sila dahil sarili ko
ang aking minumura, natauhan ako, huminga ako nang malalim..”) Kung susuriin ito sa Teoryang
Sikolohikal, masasabing ang mga anino na kaniyang kapiling ay sumimbolo sa mga bahagi ng kaniyang
sarili na pilit niyang ikinukubli, ngunit lumilitaw pa rin sa kaniyang pagkatao. Sa kuwento ay hindi na
kontrolado ng AKO ang lahat, kaya tinanggap niya na lamang ang mga ito.

Tulad ng ibang mga post-modernong akda, ang kuwento ay mayroong paglalaro o page-eksperimento
hindi lamang ng nilalaman ng kuwento kundi pati na rin ng porma at istatehiya ng pagsusulat nito. Hindi
ito sumusunod sa tradisyunal na banghay ng kuwento. Hindi maayos ang daloy at parang walang
pagkakasunud-sunod ang mga pangyayari. Metafiction din ang akda dahil kung anu-anong kuwento na
lamang ang kaniyang isinasalaysay. Ikinukuwento ng persona ang kaniyang mga karanasan at ideya: Si
Sandali, ang kanilang mga anak, ang kaniyang mga saloobin, ang kaniyang nakaraan (Sa pamamagitan ng
paggamit ng flashbacks), at ang kaniyang mga guni-guni. Mapapansin ding higit na gumagamit ng kuwit,
kaysa sa tuldok, kung kaya’t napakahahaba ng mga talata nito. Kung bibilangin, labindalawa lamang ang
mahahanap na tuldok sa buong kuwento. Ang kakaunting tuldok ay tanda ng pagtigil sa kanyang pag-
iisip. Ang implikasyon nito ay napakarami ng kaniyang gustong sabihin ngunit pabago-bago ang kaniyang
iniisip. Sa tuloy-tuloy lang na pag-aagam-agam ay naipakita ang kaniyang pagkatao na malalim at malabo
ang pag-iisip, at napaka-random. Samantala, nasa isipan lamang ng persona ang kuwento. Sinusundan
ang daloy ng kamalayan o stream of consciousness ng nagkukuwento. Dahil dito ay nagging mas kapani-
paniwala at halata ang masalimuot na internal na tunggalian ng tauhan. Naisiwalat din ang iba’t ibang
komplikasyon sa buhay niya.

Binubura ng maikling kuwento ang mga hangganan ng mundo ng realidad at mundo ng guniguni sa
pamamagitan ng pagtuon sa mga bagay na hindi aakalaing aabutin ng imahinasyon. Tulad na lamang ng
pakikipagtalik at paghawak sa oras na isang elementong hindi naman kayang hawakan ng kahit sino, pati
iyong pagkakaroon nila ng mga anak. May paghahalo ng kathang-isip at katotohanan upang
kuwestiyonin ang realidad o katotohanan. Sa huli, nakatulong ito sa pagkamit ng persona ng liberasyon
mula sa pananaw ng mundo sa kanya dahil napagtanto niya na nasa kaniya ang kapangyarihan
magdesisyon kung ano ang dapat paniwalaan, na ang kathang-isip ay puwede rin namang maging
katotohanan.

Matatagpuan sa huling pangungusap ng kuwento ang mga linyang, “Ito ang paraiso, bulong ko sa sarili,
ang paraiso’y isang babaeng naglalaro ng mga bula ng sabon, kapiling ang kanyang mga anino, at
kapiling ang kanyang Sandali,” Ang ibig sabihin ng pahayag ng tagapagsalaysay ay ninanamnam niya ang
mga sandaling kasama si Sandali dahil ang pagsiping nila ni Sandali ang nagbibigay sa kaniya ng
panandaliang paraiso, na maaring mawala na lamang bigla na parang isang bula. Binulong niya ito sa
kaniyang sarili dahil gusto niyang mapaniwala ang sarili, dahil ang iniisip niya lang naman ang tanging
importante, at para makamtan niya ang kalayaang kaniyang inaasam.

Ang lohika ng mga bula ng sabon ay bumabasag sa lohika natin. Hindi natin ito lubusang maiintindihan at
hindi rin mabibigyan ng depinisyon dahil ganito ang mga likha sa Post-moderno. Hinahamon nito ang
ating rason. Ang kwento ay hindi lamang kung ano ang nagaganap sa isip ng persona, ang kwento rin ay
kung ano ang nagaganap sa utak ng mambabasa, kung paano niya bubuuin ang kwento. May kalayaan
tayong magbibigay ng pagpapakahulugan. Maaaring ihalintulad ang babae sa mga bula ng sabon na
sumasabay sa ihip ng hangin at sumusunod lamang sa dikta ng lipunan. Maaari din itong representasyon
ng mga isyung nilalabanan ng persona tulad ng represyon at karahasan sa kababaihan. At masasabing
pinaglalaruan ng babaeng persona ang mga bula, na mga paraan ng pagkakahon ng lipunan, sa
pamamagitan ng pagiging iba at hindi pagsunod sa sistemang binuo nito.

Ang paraiso ng persona ay puwede ring maituring na bula ng sabon. Maaari itong sumabog at pumutok
sa isang iglap, dahil sensitibo (o fragile) ang karakter, pati na rin ang mundo niya kung saan naglalayag
siya kasama ni Sandali na kaniyang kalayaan.#
Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon Luna Sicat

Dumarating ang sandaling iyon, di inaasahan, di hinihingi, basta na lang sumusulpot, parang isang bisita,
isang bisitang hindi ko maitaboy, patutuluyin ko lang, pakakapehin, hindi niya iinumin ang kape,
hahaplusin niya lamang niya ang tenga ng tasa, at tititigan niya ako, mula ulo hanggang paa,

parang bata siya kung makatitig, at alam kong tinitimbang niya ako dahil ako ma’y naninimbang rin,
titingin siya sa bintana at may ibubulong siya tungkol sa panahon, tatango ako, kunwa’y narinig ko ang

kanyang ibinulong kahit hindi, matagal na akong nabingi, hindi ko alam kung ano ang narinig kong ingay,
hindi ko na alam kung kumakanta pa ang ibon tuwing umaga, kung ano mang ingay ang aking narinig,
sigurado akong nabasag na ang aking bahay-luga, tumagos hanggang sa aking utak, ngunit nakatatawa,

alam ko pa rin ang tunog ng aking pangalan, at dito’y nabibigyan ako ng pag

-asa, delikado ang pag-asa, sabi nila ito ang naguttulak sa tao sa kabaliwan, at nang tawagin ng bisita ang
aking pangalan, hindi ko

alam kung ako’y na

nanaginip, iniangat ko

ang aking ulo at ako’y ngumiti

, may sasabihin sana ako tungkol

sa panahon, o sa timbang namin, kung kami ba’y pumayat o tumaba,

kaya lang nakalimutan ko na ang aking sasabihin nang pisilin niya ang aking palad, doon sa may pulso,
kung saan humimlay ang latay ng blade, at ibinulong niya: tumakas ka, tumakas ka, at mauunawaan ko
ang ibig niyang mangyari, gusto na naman niyang sumiping, hindi ako tututol, ako pa nga ang aakay sa
kanya sa kama, at nararamdaman ko ang kanyang panginginig, huhubarin ko ang kanyang damit at
gagayahin niya ako at uumpisahan na namin ang aming paglalayag, ganoon ang tingin ko sa aming
pagsiping, isang paglalayag, hindi ako tututol, pipilitin kong hindi mag-isip, hahayaan ko lang, babalik
siya bukas, bukas ang aking pinto, hindi ako umaangal, pagkat gusto kong mapuno ng aming supling ang
buong mundo, ang buong sansinukob, para hindi ko na maramdaman ang pag-iisa, hindi ba, Sandali,
pagkat iyon ang kanyang pangalan, Sandali, wala siyang mga magulang o kapatid, wala rin siyang
permanenteng tirahan o trabaho, hindi siya nakatali sa kahit ano, kahit sa panahon. Sandali, hindi bagay
sa kanya and pangalang iyon, marahil hindi ko na siya dapat pang bigyan ng pangalan, katulad siya ng
isang tula, walang pangalan ang tula, kapag binansagan na ng tao na ang tula ay tula, nawawala ito,
naglalahong parang bula, hindi mahahawakan kailanman.

Madalas kong iniisip kung ang lahat ng tao’y binibisita ni Sandali, hindi ako sigurado, gusto ko

sanang ihinga sa ibang tao ang tungkol sa kanya, kaya lang, hindi ko alam kung maiintindihan nila ako,
naalala ko tuloy ang aking kaibigan na nagpari, hindi daw niya maintindihan kung bakit katahimikan ang
aking hiniling nang minsang dalawin namin ang Monasteryo ng Sta. Clara, maaari ko naman daw hilingin
ang iba pang bagay, isang kumportableng buhay sa piling ng isang responsableng asawa, dalawang
maganda at normal na anak, at isang bahay na malinis at tahimik na lugar, hindi ko nakikita ang aking
sarili sa ganoong sitwasyon, sagot ko sa kanya,

hanggang sa kami’y magkahiwalay ng aking kaibigan,

isang araw, sa telepono, ibinalita niya sa akin na nahanap na niya ang katahimikan, at ngayon lang daw
niya naintindihan ang pag-

uukilkil ko sa aking sarili, ayaw ko sanang isipin niya na ako’y nagmamalini

s, hindi ko pa natitikman ang lahat, hindi ko pa nararanasan ang lahat, marami pa akong hindi
nauunawaan, akala ko noon, nakilala ko na ang lahat ng dapat kong kilalanin, ang Diyos, ang
katahimikan, ang pang-unawa, inakala kong may nalalaman ako pero wala naman pala, isa pa rin akong
mangmang. Siyanga pala, walang nakakaalam tungkol sa aking bisitang si Sandali, matagal na akong
namumuhay mag-isa, sa isang apartment sa Quezon City, maliit, masikip, maraming agiw, walang tubig
at kailangan mong buhusan ng tubig ang inidoro tuwin gagamitin mo, bumibili na lang ako ng ulam sa
labas dah

il hindi ako marunong magluto, nasubukan ko na’ng mabuhay sa de

-lata at Skyflakes, kung minsan dinadalaw ko pa ang aking mga magulang at kapatid, pero kaagad akong
umaalis kapag

naghahain na sila pagkat ayokong sumabay sa kanila, hindi ko alam kung bakit, binibigyan ko ang aking
ina ng pera mula sa aking sweldo, panggastos sa grocery, naidaing niyang matataas ang presyo ng bilihin
at habang nagtatalumpati ang announcer sa tunog-lata niyang AM radio, gusto ko na itong ihagis sa
bintana, nagbabasa ng diyaryo ang aking ama, ni hindi siya lumingon nang sinabi kong aalis na ko,
tinitigan kong muli ang bote ng vitamins na nakatanghod, pampalakas, panlaban sa pagtanda, tuwing
itatanong ng aking ina kung kalian ako muling dadalaw, sasabihin kong sa susunod na linggo, kahit hindi

totoo, dahil matagal ko na’ng binura ang konsepto ng lingguhang bisita, basta na lang akong susulpot sa

bahay, tulad ni Sandali. Kung minsan tuloy, naiisip kong mas madalas kong nakakasama si Sandali kaysa
sa ibang tao, ni hindi ko alam kung tao nga ba siya o kathang-isip ko lamang, kung ibang tao siguro ang
makakaalam tungkol dito, sasabihin siguro nila na kailangan ko nang magpatingin, noong bata ako,
mayroon akong kaibigan na ako lamang ang nakakakita, si Eugene, nagtatago siya sa likod ng kurtina,
nawala si Eugene, hindi ko alam kung bakit, baka nagtampo, hindi naman ako nauubusan ng mga
ganoong kaibigan, mga imaginary friends, kung tutuusin, mas naging kumplikado ngayon dahil
nagkaroon na ako ng mga kathang-isip na kaaway at kalaguyo. Ganoon si Sandali, imaginary friend, lover
and enemy, ang tindi ano, hindi naman ako drug addict pero ganito ako mag-isip, bangag, maraming
natatakot sa akin dahil weird daw ako, sa tingin ko karaniwang sakit ito ng mga taong makikitid mag-isip,
katulad lang sila ng mga taong nagsasabing mabubuntis ka kapag umihi ka sa inidorong inihian ng lalaki,
hindi lang ako sumasabay sa kanila, ang utak ko pitik lang ng pitik, parang isang kamera, basta na lang
kumukuha ng litrato, hindi na nagpapaalam, kaya naiinis sila sa akin, masyado daw akong candid, kung
totoo, minsan isa akong anarkista, napakabayolente ko kung mag-isip, nang minsang makakita ako ng
lalaking tumatawid ng kalye iniisip ko kung ano kaya kung masagasaan siya ng isang trak at gumulung-
gulong ang kanyang ulo na parang barya, hindi lang ako nagpapahalata na ganito ako mag-isip, kunwari,
nasa isip ko ang dagat, ang bibilhin kong damit, tumitingin ako sa kalawakan, nagkukunwang umiibig.
Wala akong boyfriend, maliban kay Sandali, siya lang ang nakakaalam ng aking amoy, ang bawat tao ay
may amoy, ang nanay ko amoy gatas na hinaluan ng ihi, ang tatay ko amoy langka na inaanay, si

Bituin amoy ng dahong malapit na isiga, ang amoy ko’y alam ng lahat ngunit hindi matukoy, ewan ko

kung bakit, hindi ako kagaya ng mga babae na amoy baby powder o amoy pabangong kulay-luya, kung
minsan ka-amoy ko ang bagong tabas na damo, ang mumo sa lamesang nilalangaw, ang malalansang
isda sa palengke, lalo na tuwing may regla ako, sana hindi na lang nagreregla ang babae para tipid sa
gastos sa napkin, si Sandali may regla din, hindi nga lang siya gumagamit ng napkin, kasi wala namang
dugo, alam ko lang na nireregla siya kapag hinahawakan niya ang kanyang kamay, na parang
hinuhugasan, nagtatatanggal ng di makitang dumi doon, parang may hinuhugasang kasalanan, wala
akong mortal na kasalanan, hindi ako nakiapid sa lalaking may asawa, hindi rin ako nagnakaw o
pumatay, hindi ko rin sinuway ang aking mga magulang, siguro ang pinakamabigat na kasalanang maiisip
kong ginawa ko at ginagawa ko ay ang hindi ko paglimot sa mga kasalanan ng iba sak akin, ayokong
magmalinis, pero heto ako, ginagawa ko ang ritwal na pagmamalinis. Kasalanan kaya ang pagsiping ko
kay Sandali, hindi naman niya ako pinapasukan, ni hindi pa ako nabibiyak, katulad ako ng isang
dalanghitang lamog pero hindi pa nababalatan, paano naman niya papasukan, e hindi ko naman siya
talaga nahahawakan o nakikita o naaamoy sa kumbensyunal na paraan, ihahambing ko siya sa hangin,
ang hanging malaswa, na humahaplos sa buhok at binti at dibdib, malaswa ba talaga ang hangin, hindi
siguro, hanging mapusok, hanging malambing, tayo ang malaswa,

tayo naman ang nagbibigay ng kulay sa lahat, ang kulay mismo’y walang kulay, ang pula ay hindi simbolo

ng gamit, ang bughaw ay hindi kalmado at misteryoso, ang dilaw ay hindi duwag, tayo ang gumagawa ng

kulay, kung minsan hindi ko alam kung naaawa si Sandali sa akin, dahil ako’y hinahalikan niya sa noo,

dilat ang kanyang mga mata, hindi niya ipinipikit, masarap humalik si Sandali, para kang kumakagat ng
isang bagong pitas na bayabas, isang bayabas na ninakaw mo mula sa bubong ng inyong kapitbahay, na
sinusuputan ng inyong pinsan para hindi pitasin ng iba pero pinipitas mo pa rin para maasar siya, at
maiisip mo na lang, bakit kaya niya sinusuputan ang bayabas, at para mo na ring tinanong, bakit may
mga taong gustong angkinin ang lahat, pati ang hangin? Kung minsan gusto ko na lang sumama sa
hangin, hindi ko nga alam kung makakayanan ng hangin ang aking bigat, siguro pwede akong sumama sa
ipoipo, alam kong sa dulo ng ipoipo may lugar na maari kong bagsakan, mabuti na lang hindi ako
magaan dahil kung magaan ako, tiyak na sasama ako sa ipoipong iyon habambuhay, gusto ko lang
munang maglakbay at kumawala, katulad ni Sandali, naiinggit ako sa kanya, marunong siyang makisama
sa lahat, kaya niyang magparami kahit wala ako, maghahanap lang siya ng ibang kaluluwang gaya ko,
nagkalat naman daw kami sa buong mundo, hindi ko lang daw alam iyon, dahil masyado akong nakatira
sa alapaap, doon ako natatakot, nakakatakot ang pagkilos ni Sandali, takot ako sa lahat, sino ba ang
kumportable sa mga sandali, ang mga guru, Zan Roshis, siguro yinayakap nila ang mga sandal, katulad ng
pagyakap nila sa mga ataul na walang laman, kanser, makalimuting mga kaibigan, selda, sobinismo at
sopistikasyon ng mga taong marunong

umunawa ng mga masaya dahil sila mismo’y masaya.


Kung kumilos si Sandali, para siyang daga, lalo na kapag kasama niya ang aming supling, para silang mga
dagang naghahabulan sa kisame, sa kisame ng aking utak, at pinamumukha nila sa aking hindi

ko sila matatakasan, na ang bawat isa sa kanila’y kailangan kong pakapehin,

patuluyin sa akong loob,

hanggang sila’y dumami, sinusunod lang nila ang bilin ng Testamento, humayo kayo at magparami, at

hindi ako dapat tumutol, hahanapin nila ako kahit saan ako magpunta, at sisisihin ko naman ang aking
sarili, ang aking libog, alipin ako ng libog sa Sandali, kaya hindi na ako masaya dahil palagi ko siyang
hinahanap-hanap, gusto kong tapalan ang lahat ng puwerta sa aking loob, mula sa aking mga mata,
tenga, bibig hanggang sa aking dakilang butas, pero walang silbi ang tapal, talaga namang wala akong
alam sa vulcanizing kahit noon pa man, isa lamang akong bulok na gulong, sarhan ko kaya ang mga pinto
at bintana, tapalan ko na kaya ang butas ng lumulundong kisame, tapalan ko kaya ang simento ng pader,
saan naman ako hahagilap ng simento, wala rin akong alam sa konstruksyon ng mga guni-guni at
panaginip at bangungot at multo, wala akong alam sa konstruksyon, nandiyan na sila, pabilis nang pabilis
ang kanilang mga kilos, hindi, wala, walang mangyayari, makakahanap pa rin sila ng malulusutan, ang

masaklap, naging kamukha ko silang lahat, at ako mismo’y nalilito sa among repleksyon sa salamin,

punung-puno ng aking mga kawangis ang buong silid, ang buong apartment, ang buong kalye, ang buong
siyudad, ang buong planeta, ang buong sansinukob, nandoon sila sa kusina, nagluluto, gumagawa ng
omelette, may nagbubukas ng refrigerator at kumukuha ng isang pitsel ng tubig, may naghuhugas ng
plato, may nagta-tumbling sa sahig, may naliligo sa banyo, may nagpapatugtog ng lumang plaka, may
nagsasayaw, may humahalakhak, wala, kahit saan ako magpunta, nandoon ang mga anak namin ni
Sandali, hindi ako magtataka kung bukas (umaasa pa rin akong isang bangungot lamang ito) kasabay ko
sila sad yip, at kaharap ko sila sa aking klase, at matatanaw ko sila mula sa bintana ng aking klasrum, at

kasabay ko silang muli sa dyip pagkatapos ng trabaho, at kasabay ko sila sa aking pagtulog, kung ako’y

makakatulog, palaki nang palaki ang mga bilog ng aking mga mata, mga itim na bilog, tanda ng aming
pagsisiping ni Sandali, kailangang gawan ko ng paraan ang kanilang pagdami, ngayon ko lang
naiintindihan kung bakit kailangan ng population control, noon nakokornihan ako sa mga taong
nagdedemo ng contraceptives, dahil mukha silang tanga, pero sana may contraceptives para dito, para
hindi na dumami ang mga supling namin ni Sandali, kailangan kong magdesisyon, kailangan ko silang
patayin, ngunit natatakot akong pumatay, hindi ko rin alam kung kinikilala nila ang kamatayan, dahil

hindi naman nila kinikilala ang panahon, naiinis ako sa sarili ko tuwing ako’y nagiging pilosopo, sana nag

-aral na lang ako sa isang catholic school, baka-sakaling may maiambag sila sa akin tungkol sa kabanalan
ng buhay, ano kaya ang ibig sabihin non, marami namang kolehiyalang nabubuntis, laglag belo na ang
panahon ngayon, naalala ko ang I Believe in God, may bahagi doon na sasabihin mong I belive in the
communion of saints, isang santo lamang ang aking hinahangaan, si St. Francis of Assisi, siya yung
santong marunong magpaamo ng mga mabangis na hayop, baka pwede akong humingi ng tulog mula sa
kanya para maigpawan ko na ang problema ko kay Sandali, pero hindi naman sila mababangis na hayop,
mababangis lamang sila kung kumilos, parang mga daga, dagang ngumangatngat ng kisame ng aking
utak.

“Gawin mo akong alagad ng iyong katahimikan,” ang sabi ng aming mga anak

ni Sandali, kung saan may kumakaluskos, magkakaroon ng kapayapaan, o kung hindi man ito
magkatotoo, pag-ibig, pag-

ibig ang solusyon, sa bawat mukha ng damdaming ito’y naroroon ang kakayahan nitong magpahupa ng

mga kaluskos na bumabagabag at lumiligalig sa puso ng tao, bigyan niyo na ako ng katahimikan, sigaw
ko sa kanila, parang wala silang narinig, mas matindi ang kanilang pagkabingi kaysa sa akin, minura ko
silang lahat, tang-ina niyo, natawa sila dahil sarili ko ang aking minumura, natauhan ako, huminga ako
nang malalim, nasaan ang iyong sense of humor, tanong nila, hindi k aba marunong tumawa, natatawa
ako, aaminin ko sa kanila, kahawig lang ng tawa na lumalabas sa aking bibig, linilipsync ko na lang ang
tawam katulad ng mga taong hindi marunong kumanta pero napipilitang kumanta, aalis kami basta
kumanta ka, sagot nila, peks man, mamatay man kami, kutya nila, wala akong maisip na kanta, kundi

‘yung mais na mais na kanta ni Paul Williams, You and Me Against the World, pinaligirian nila ako, nasa

gitna ako ng kanilang bilog, paos ang aking tinig sa umpisa pero sa bandang huli na, bigay na bigay,
mapait pa rin ang lasa ng himig, paborito naming kanta iyon ni Bituin, kinakanta namin pagkatapos
kaming paluin ng tatay ko tuwing tanghaling tapat pag ayaw naming matulog, at hindi ko namamalayan,
nakakatulog na ang mga anak namin ni Sandali, isa-isa silang nahiga, kanya-kanya ng puwesto, hanggang
kami na lang ni Sandali ang naiwan sa silid, at may inabot sa aking flashlight ang aking kalaguyo,
maglalaro daw kami ng mga anino, kumuha ako ng kumot, pinatay ko ang ilaw, naglaro kami ng mga
anino, ginamit namin ang aming buong katawan, ginuhitan ni Sandali ang mga iniwang bakas ng anino,
nagsimula siya sa mga walang-buhay na bagay at huminto siya sa akin, may inabot siya sa aking isang
tabo, isang tabong may tubig na hinaluan ng sabon at isang alambreng may bilog sa dulo, sa kanyang
kanang kamay may dinurog siyang mga talulot ng gumamela na hinalo niya sa tubig at sabon sa tabo, at
hinipan niya ang alambre at nagpabula, at isa-isang inakay ang mga bula, ang mga supling namin ni
Sandali.

Ito ang paraiso, bulong ko sa aking sarili, ang paraiso’y isang babaeng naglalaro ng mga bula ng

sabon, kapiling ang kanyang mga anino, at kapiling ang kanyang Sandali.
Tagpuan

Mag-isa lamang namumuhay ang pangunahing tauhan, sa isang apartment sa Quezon City, maliit,
masikip, maraming agiw.

Tauhan

Narrator / Persona

- Babae

- Sinubukan nang magpakamatay (“..nang pisilin niya ang aking palad, doon sa may pulso, kung saan
humimlay ang latay ng blade..”)

- Siya pa ang umaakay kay Sandali (..sa kama, “..huhubarin ko ang aking damit at uumpisahan na
namin ang aming paglalayag..”)

- Hindi nakikita ang sarili sa isang “kumportableng buhay” sa piling ng isang responsableng asawa
kasama ang mga anak sa isang bahay na nasa tahimik na lugar

- Hindi marunong magluto

- May trabaho (pagbibigay ng suweldo sa ina), maaaring nasa may edad na ng 20-30 ~, buhay pa ang
mga magulang

- Madaldal, malalim mag-isip

- Maraming natatakot sa kanya dahil weird siya

- Ayaw na sumasabay sa iba

- Alipin ng libog sa Sandali

- Stream of conciousness, pauses (para sa pag-iisip), naiisip mo lang siya kapag wala kang kinakausap

Sandali

- Babae (“..si Sandali, may regla din..”)

- Hindi kayang tutulan ng bida

- Walang magulang o kapatid


- Walang permanenteng tirahan o trabaho

- Ang narrator ang nagbigay sa kanya ng pangalan

- Kathang-isip (“..paano naman niya papasukan, e hindi ko naman siya nahahawakan o nakikita o
naaamoy sa kumbensyunal na paraan..”)

- Inihambing ng bida sa hanging malaswa

- Kinaiinggitan ng bida dahil sa kaya niyang (Sandali) makisama sa lahat

- Masturbation, ito yung moment na in-control siya, sariling paraiso, puputok bigla na parang bula
(existence)

Mga Supling

- Pinatuloy sa kanyang loob, hanggang sa sila’y dumami

- Pabilis nang pabilis ang kanilang mga kilos

- Kahit saan magpunta ang bida, nandoon ang kanilang mga supling

- Alagad ng kanyang katahimikan

- Cum

Eugene

- Dating imaginary friend, bago si Sandali

Ina

- Idinadaing sa kanya ang matataas na presyo ng bilihin

- Tinatanong siya kung kailan muling dadalaw

Ama
- Hindi lumingon nang sinabing aalis na siya

Bituin

- Kapatid ng bida, kasabay niyang kumanta pagkatapos paluin ng ama

Banghay

1. Ipinakilala ang sarili

2. ipinakilala si Sandali

a. si Sandali bilang imaginary friend

b. alam ni Sandali ang kanyang amoy

c. si Sandali bilang malaswang hangin (paghaplos sa kanyang binti, buhok at dibdib, paghalik sa
kanyang noo, pagsama sa hangin, sa ipoipo)

d. si Sandali kasama ang kanilang mga supling (“..punung-puno ng aking mga kawangis ang buong
silid..”, “..palaki na nang palaki ang mga bilog sa aking mga mata, kailangang gawan ko na ng paraan ang
kanilang pagdami..”)

3. katahimikan

a. “..bigyan niyo na ako ng katahimikan..”

b. “..minura ko silang lahat, tang-ina niyo, natawa sila dahil sarili ko ang aking minumura, natauhan
ako, huminga ako nang malalim..”

c. “..linilipsynch ko na lang ang tawa..”

d. “..nakakatulog na ang mga anak namin ni Sandali..”

e. Ang sandaling iyon bilang kanyang paraiso.

Tunggalian

Laban sa kapaligiran – pinoproblema niya ang social norms, hindi siya naiintindihan ng mundo, ayaw
niyang magconform, “Hindi ako ang may problema, kayo ang may problema sa akin.”
Resolusyon

Mithi – magawa ang mga nais nang normal lamang ang tingin sa kanya

Balakid – social norms

Katapusan – pagsiping ni Sandali sa kanya, nagbibigay ng panandaliang paraiso, na mawawala na lamang


na parang isang bula

Banghay

Mapapansing walang maayos na daloy ang kuwento, parang walang pagkakasunud-sunod ng mga
pangyayari. Ibig sabihin, yung madalas na itinuturong istruktura ng isang banghay ay ‘di makikita sa
kuwento. Nasa isipan lamang ng persona o ng nagsasalita ang kuwento. Mapapansing ang pagkakasulat
sa mga nagmumukhang paragraph ay mga sentences lamang na pinagdugtung-dugtong at pinaghiwa-
hiwalay ng mga kuwit, bilang tanda ng pagtigil sa kanyang pag-iisip. Nawala ang naturang konsepto ng
banghay.

ANG KAMALAYANG FEMINISMO BILANG LOHIKA NG KUWENTO

Rebyu sa Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon ni Luna Sicat-Cleto

rebyu ni nanaybunso

Kailan nga ba nabibigyan ng boses ang mga babae sa lipunan? Naisasapraktika ba sa pang-araw araw na
karanasan ang tunay na kamalayang feminismo? Sa unang pagtatangkang maintindihan ang kabuluhan
ng kuwento, ito ang mga tanong na bumungad sa akin.

Isang matingkad na paglalahad ng feminist struggle ang mismong lohika ng kuwentong ito. Sa pagitan ng
mga salita ay nakapaloob ang mga talinhaga na nagpapakita ng tunay na ideya ng may akda.
Pinaglilimian ng kuwento ang internal at external na tunggalian ng babae bilang persona sa teksto.

Ang kuwento ay hindi lamang nakasentro sa tunggalian kundi isang pagtuklas sa mga karanasan ng
babaeng piniling mamuhay mag-isa (“matagal na akong namumuhay mag-isa, sa isang apartment sa
Quezon City, maliit, masikip, maraming agiw, walang tubig…nasubukan ko nang mabuhay sa de-lata at
Skyflakes, kung minsan dinadalaw ko pa ang aking mga magulang at kapatid…”). Naging kaakibat ng
kanyang pag-iisa ang kalungkutan pero pilit niya itong nilalabanan dahil iwinawaksi niya ang tradisyunal
na konsepto ng pamilya (“isang kumportableng buhay sa piling ng isang responsableng asawa, dalawang
maganda at normal na anak, at isang bahay sa malinis at tahimik na lugar, hindi ko nakikita ang aking
sarili sa ganoong sitwasyon…”). Sa kuwento, ang pag-iisa at kalungkutan ay naging magkahugpong na
bagay, dito lumitaw ang kahinaan ng tauhan, ngunit sa puntong ito naipakita na ang akda ay naging
makatotohanan.

Nilandas ni Luna ang kaisipan ng babaeng tahimik na lumalaban sa de-kahong konsepto ng lipunan sa
esensya ng pagiging babae. Mula sa domestikong pagtingin (hindi ako marunong magluto…)hanggang sa
moralistikong pananaw (kasalanan kaya ang pagsiping ko kay Sandali?), detalyadong naipakita ang
agam-agam ng babaeng humihiwalay sa realidad kasabay ng paglaya nito sa kumbensyunal na pagtingin
sa pagkababae.

Sa simula pa lamang ng kanyang paglalahad, ipinakilala niya ang isang bisita, si Sandali, ang kanyang
imaginary friend, lover and enemy. Si Sandali ay di lamang isang kathang-isip na kanyang naging
kaulayaw kundi sumisimbolo ito sa oras kanyang paglaya -- ang sandali na kumakatawan sa
oras/panahon. Sa bawat pagniniig nila ni Sandali, ang kanyang gunita at kaluluwa’y naglalayag sa isang
mapagpalayang mundo na nilikha niya. Doon, hawak niya ang kanyang sariling mundo, ang kanyang
sariling oras. Hindi siya nakatali sa ideya na kailangan niyang paglingkuran ang iba; (“binibigyan ko ang
aking ina ng pera mula sa aking suweldo, panggastos sa grocery, naidaing niyang mataas ang presyo ng
bilihin…”) isang kalagayan na malaon nang nakatanikala sa kababaihan na mas lalong nagiging
komplikado dahil sa mga isyung pangkabuhayan.

Sa isang normatibong kalagayan, maaring tawagin na isang kahibangan ang pagkakaroon ng imaginary
friend, subalit nagsisilbi itong susi sa kanyang mga realisasyon dahil sa mga pagkakataong ito lamang
siya nakasusumpong ng katahimikan.

Maari ding tingnan si Sandali bilang repleksyon ng kanyang sarili na kumakatawan sa kanyang mga naisin
at saloobin (“gusto ko lang munang maglakbay at kumawala, katulad ni Sandali, naiinggit ako sa
kanya…”). Malinaw ring naipakita sa kuwento ang represyon at ang takot ng persona na mahusgahan ng
iba (“gusto ko sanang ihinga sa ibang tao ang tungkol sa kanya, kaya lang, hindi ko alam kung
maiintindihan nila ako…”).

Samantala, ang kanilang mga naging supling ni Sandali ay maaring sumalamin sa mga social institutions
tulad ng simbahan at media na nagdidikta sa normatibong kondisyong nagkakahon sa mga babae bilang
mahinang hanay sa lipunan. Sa kuwento, inilarawan ang mga supling bilang; (para silang mga dagang
naghahabulan sa kisame, sa kisame ng aking utak, at pinamumukha nila sa aking hindi ko sila
matatakasan…) daga na makulit at mapanira. Maaring tingnan na ito ay mga structural/social aggression
sa kababaihan.

Sa huling bahagi ng kuwento, ang mga supling nila ni Sandali ay tila nagbagong anyo (gawin mo kaming
mga alagad ng katahimikan, ang sabi nila…), nais nilang maging matibay na puwersang maaring
makapagpamulat sa mga taong nakararanas ng represyon at kalungkutan.

Dito naipakita ang transpormasyon ng isang imahe ng kahinaan tungo sa pagiging sagisag ng lakas at
pagbabago.

Isang pagbasag sa naratibong daloy ang hindi pagkakaroon nito ng isang yugto kung saan mamumulat
ang mambabasa sa kung ano nga ba ang kabuluhan ng kuwento. Maituturing na isang matapang na
hakbang ang paghiwalay ni Luna sa nakagawiang kumbensyon ng pagsusulat. Tuloy-tuloy ang daloy ng
mga pangungusap sa kuwentong ito, isang retorikal na paglalahad ng nagaganap sa utak ng tauhan. Sa
kabilang banda, masasabing nakatulong ang malaya at tuluyang pagbubukas ng persona. Naging mas
kapani-paniwala ang masalimuot na internal na tunggalian. Naisiwalat ang mga tahi-tahing
komplikasyon sa buhay ng tauhan.

Kung tayo’y magbabalik-tanaw sa kasaysayan, ang babae ay maaring ihalintulad sa mga bula ng sabon,
sumasabay sa ihip ng hangin kung saan ito dadalhin, sumusunod lamang sa dikta ng lipunan. Sa
kontemporaryong panahon, kung saan marami nang sumibol na mga progresibong babae na may
feminismong kamalayan, ang mga bula ng sabon ay maaring representasyon ng mga isyung kanilang
nilalabanan tulad ng opresyon, represyon at karahasan sa kababaihan. Sa paglulundo ng kuwento,
naging mapagpalaya ito (“Ito ang paraiso, bulong ko sa aking sarili, ang paraiso’y isang babaeng
naglalaro ng mga bula ng sabon, kapiling ang kanyang mga anino, at kapiling ang kanyang Sandali.”). Sa
pagsusuri ng akda, hindi lamang lohika ang aking nakita, bagkus, naramdaman ko ang kaluluwa nito.

You might also like