You are on page 1of 2

Sikolohiyang Pilipino at ang Unang Kritikal na Sikolohiya

"Si Wilhelm Wundt ang nagtayo ng unang laboratoryo sa sikolohiya noong 1879 sa Leipzig,
Germany." Sa lahat ng diskusyon na narinig ko ukol sa kasaysayan ng sikolohiya ay hindi
nawawala ang linyang ito. Pagkatapos ay ipakikilala ang mga school of thought tulad ng
Strukturalismo, Sikoanalysis at Humanistikong (Makatao) tradisyon sa sikolohiya. Nang dumating
naman ang 1970s, nagtatag si Dr. Virgilio Enriquez (o Doc E) ng isang kilusan - ang Sikolohiyang
Pilipino na batay sa karanasan ng mga Pilipino - na nagpasimula ng katulad na kritikal na
pagsusuri sa iba't ibang bansa. Itinuturing rin na si Doc E ang pinakaunang nagpakilala ng
indigenous psychology o katutubong sikolohiya sa buong mundo (Kim, et. al, 2006). Ang
Humanistikong sikolohiya naman sa kabilang banda, ay ang pinakaunang tumaliwas sa
sikolohiyang batay sa abnormal (sikoanalitikal) at mekanikal (behaviorist) na paliwanag ng kilos at
gawi ng tao.

Sa papel na ito, ilalatag ko ang ilang argumento upang ipakita ang ilang ugnayan ng Sikolohiyang
Pilipino sa Humanistikong tradisyon ng Sikolohiya, at kung paano nito binago ang umiiral na
sikolohiya sa kani-kaniyang panahon.

Noong 1950s, may ilang prominenteng indibidwal tulad ni Abraham Maslow ang hirap na hirap sa
pagpapalaganap ng kanilang ideya dahil sa namamayaning Behaviorist na tradisyon. Bilang
reaksyon, sila ay gumawa ng sariling kilusan at inilimbag ang unang Journal of Humanistic
Psychology. Dito na nagsimula ang kilusan ng Humanistic psychology. Ika pa nga ni Maslow
(1968), ang grupong ito ay tumutulong sa pagkilos upang magkaisa ang mundo at pagiging isa ng
mga nilalang. Kinuwestiyon ng Humanistikong sikolohiya ang noo'y namamayagpag na uri, bagkus
ay tumulong sa paglinang ng kritikal na sikolohiya (Tudor, 2015).

Sa kapanahunan naman ng 1960s ay nagsimula na ang mga Pilipinong intelektwal na


kuwestiyunin ang kakulangan at di patas na pagtingin ng maka-Kanlurang sikolohiya (Enriquez,
1992). Dito naman ipinakilala ni Doc E ang Sikolohiyang Pilipino bilang isang malaya at
mapagpalayang kilusan kung saan kritikal na sinuri niya at mga lokal na iskolar ang kaangkupan
ng mga maka-Kanlurang diskurso sa sikolohiya sa Pilipinas. Hindi ito itinuturing ni Pe-Pua, isa
pang tagpagtaguyod ng SP, bilang isang disiplina, bagkus ay isang kilusan dahil ito ay sikolohiya
pa rin naman ngunit mas makabuluhan para sa mga katutubo at katutubong kultura (Sto. Domingo,
2014).

Sa usapin ng pananaliksik, ang idiograpikong lapit ang parehas na gamit ng dalawang sangay ng
sikolohiya. Sa Humanistikong Sikolohiya (gagamitin ko bilang HS), ang subhektibo at
penomenolohikal na karanasan ng tao ang pinahahalagahan, taliwas sa nomotetiko o ang mga
mapagbuong pananaw ng mga unang namayagpag na sikolohiya sa panahon nito. Sa kabilang
banda, ang SP, tulad ng HS ay nagpapahalaga sa karanasan ng tao. Ito ay may sariling metodo
na angkop sa ugnayan ng tao at mananaliksik, at humahalina sa konsepto ng rapport na mahalaga
sa pag-alam sa karanasan ng kasali sa pananaliksik. Parehas ring may pagpapahalaga sa
katauhan o humanity ang dalawang ito, taliwas sa mekanikal at reduksiyonistang pananaw ng mga
namayagpag na sikolohiya.

Ang mga pagpapahalaga, o values, ay parehas na mahalaga sa dalawang ito. Sa HS, partikular sa
Holistiko-dinamikong teorya ni Maslow, ang mga B-values, o Being values ay mahalaga sa
pagkakaroon ng mabuting kalusugan (Feist, 2008). Bagaman hindi sa kalusugan ang pokus ng
mga pagpapahalaga sa SP, ito naman ay mahalaga sa pag-intindi ng Pagkataong Pilipino. Nariyan
ang Kapwa- na mas maiintindihan bilang "pagsasanib ng ako at ng iba" at hindi ang "iba" lang na
maka-Kanluran ang pagtingin - bilang sentral na pagpapahalaga sa Pagkataong Pilipino.

Isang malaking pagkakaiba naman sa pokus ng mga pagpapahalaga, at mga sangay sa kabuuan,
ay nakatuon ang HS sa indibidwal at sa pakikipag-ugnayan nito sa ibang tao bilang isang
katangian ng malusog na pagkatao. Samantalang sa SP, itinuturing ng tao ang ibang tao bilang
kaisa - isang kamulatan na siya at ang iba ay magkatulad. Bagaman may konsepto ng
Congruence sa HS, ito ay tungkol sa pagtrato sa tao bilang kapantay at madalas pang iugnay sa
sikoterapiya. Ang pagtrato bilang kapantay ay may kaunting halik ng pagtatalo sa kapangyarihan,
ngunit ang pagkakatulad ay may pagyakap sa pakikipagkapatiran, sa pakikipag-isa.

Sa puntong ito ay malayo na ang narating ng Humanistikong Sikolohiya sa iba't ibang aspeto. Ang
Sikolohiyang Pilipino naman, mula sa pagiging sanggol sa akademya ay patuloy pa rin ang
paglago at pagsusuri sa iba't ibang larangan. Ang papel na ito, higit sa lahat, ay pagpapakita na
ang mga estudyante ng sikolohiya, lalo na sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, ay may
kakayahang bumuo ng mga papel gamit ang sariling wika. Mangyari lamang na ang mga
hakbanging ito ay maging simula sa pagsusulong ng mga maka-bansang lapit sa pag-aaral ng
sikolohiya sa loob at labas ng Unibersidad.

Sto. Domingo, M. (2014). Rogelia Pe-Pua: Panayam tungkol kay Doc E at SP. DIWA E-Journal
Tomo 2, Bilang 1.

Enriquez, V. G. (1992). From Colonial to Liberation Psychology. Quezon City: University of the
Philippines Press.

Feist, J. & Feist, G. J. (2008). Theories of Personality 7th Ed. McGraw-Hill Companies Inc. USA.

Kim, U., Yang, K., Hwang, K. (2006). Indigenous and Cultural Psychology: Understanding People
in Context. Spring Science+Business Media, Inc., 233 Spring Street, New York, NY10013, USA.

Tudor, K. (2013). 'Humanistic psychology', in Handbook of Critical Psychology. Routledge, NY


10017.

You might also like