You are on page 1of 4

FAJANILAN, Denver Jett B.

6 November 2018

2014-35148 PI 100 TZQ

“Ang Kwento ni Maria”

(Ito ay maikling kwento na halaw sa Alamat ni Maria Makiling na isinulat sa konteksto ng

kasalukuyan panahon at kasalukuyang pampulitikang sitwasyon.)

Matagal na rin nang huling dumalaw si Maria sa aming lugar. Bitbit ang buslo na

puno ng kung anu-anong kanyang mga inilalako at ang ngiting ni minsan ay hindi

pumalyang makapagpaligaya sa mga bata sa aming barangay, nililibot niya ang bawat

sulok ng Sitio Sinukuan para kumustahin ang mga maysakit at mga nakatatanda.

Wala talagang nakaaalam kung saan siya nakatira. Walang nakaaalam kung saan

siya nagmula. Sa katunayan, hindi rin namin alam kung anong totoong pangalan—

madali lamang para sa aming tawagin siyang Maria dahil sa kanyang maamong mukha

at busilak na kalooban. Kahit siya’y lumilingon din naman pag tinatawag siya sa aming

pinangalan sa kanya. At kahit estranghero siya sa aming lupain ay hindi nalalayo ang

loob ng mga tao sa kanya dahil laging naririto si Maria sa tuwing kailangan siya ng mga

mamamayan ng Sitio Sinukuan.

Maraming beses na kaming pilit palayasin ng mga kapulisan para tayuan ng mga

nagsisitaasang mga gusali ang aming mga kabahayan. Palibhasa’y ang lugar na lang

namin ang hindi pa nila nakukuha para gawing mall. Ilang taon na rin kaming

naghahagisan ng mga bato at tsinelas para protektahan ang lupang ipinamana pa sa

amin ng aming mga magulang.

Lahat kami dito sa Sitio Sinukuan ay nagmula sa pamilya ng mga magsasaka na

napilitang makipagsapalaran sa lungsod dahil sa hirap ng buhay sa probinsya. Ngunit


hindi alam nila Inay at Itay na kung anong kawalan ng lupa doon sa Negros ay kawalan

din ng trabaho dito sa Maynila.

Ang naging tahanan lamang namin dito ay ‘yung barung-barong na itinayo nila

Itay dito sa Sitio Sinukuan. Tambakan na ito ng basura noon pa man kaya’t maraming

nag-isip na walang magkakainteres na bilhin ang lugar na ito para palayasin kami at

pagtayuan ng kung anu-anong imprastraktura na hindi naman namin

mapakikinabangan.

Ngunit kahit hanggang ngayon ay patuloy kaming dinarahas. Dugo at tubig na

ang dumadaloy sa batis ng Sitio Sinukuan sa dumaraming bilang ng mga taong binabato,

hinahampas, at binubugbog. Pulahan na ang agos ng batis sa Sitio Sinukuan,

namantsahan ng galit ng mga mamamayang inaapi sa kasalukuyang kalagayan ng

lipunan.

Isang araw, dumating si Maria sa plaza, bitbit ang kanyang buslo na puno ng mga

gamot, gasa, at benda upang alalayan ang mga sugatan pagkatapos ng demolisyon.

Kanyang binigyan ng gamot ang mga dumadaing sa sakit at binendahan ang mga

napilayan. Kita ang pagkalugmok sa mukha ng mga mamamayan ng Sitio Sinukuan,

ngunit walang atubili si Maria na tumayo sa gitna ng plaza at nagsalita.

Tinawag niya kaming mga kasama—ang laban nami’y nagsisimula pa lamang,

aniya. Marami pa kaming ipagtatagumpay sa aming sama-samang pagkilos para sa

protektahan ang aming karapatan sa Sitio Sinukuan. Hene-henerasyon ng mga

mamamayan ng Sinukuan ang titindig para ipaglaban ang aming tirahan at kabuhayan

dito sa aming komunidad at hindi ito kayang agawin kahit ng kapulisan man.

Madalas sa isang linggo magpunta si Maria, bitbit ang buslo na puno ng mga libro

at pag-aaral. Kada linggo, sa tuwing ang mga nanay at tatay ay tapos nang maglaba,

magtitipon sila sa plaza para pag-aralan ang lipunang kumukupkop sa mga mayayaman
at patuloy na nambubusabos sa aming mahihirap. Pinag-aaralan namin kung paano

magsulat at magbasa; kung paano tumula at kumanta. Maraming tinuro sa amin si Maria

kung kaya’t walang kaduda-dudang minahal siya ng masa. Kahit nag-iinit na ang dugo

ng kapulisan sa kanya ay wala siyang takot na mapabalik-balik sa amin para tulungan

kaming matuto pa.

Ngunit dumaan na lamang ang mga linggong hindi na nagpupunta si Maria sa

Sitio Sinukuan. Marami ang natataka at nag-aalala kung bakit hindi niya na nagagawag

magpakitang muli sa amin. Maraming nagsasabi na baka bumalik na siya sa kanyang

probinsya, kasama ng kanyang mga magulang. Maraming nagsasabi na baka namundok

na siya’t nagpasyang mag-armas. Marami din ang nagsasabing baka dinakip siya ng

kapulisan at pinatay na lang sa may lansangan.

Wala talagang nakaaalam kung ano na ang nangyari kay Maria. Walang

nakaaalam kung saan siya matatagpuan pa. Bagama’t hindi makita ay may kumpyansa

ang mga mamamayan na kakayanin nilang lumaban dahil tinulungan sila ni Maria, at

babalik siya sa panahong kailangan namin siya lalo na’t nakaambang magkaroon muli

ng marahas na demolisyon dito sa Sitio Sinukuan.

Ngunit ilang araw ang nagdaan at hindi na siya bumalik. Marami ang nasaktan sa

aming hanay—mga napukpok sa ulo’t nahambas ng baton at hindi na makabangon at

makatayo at may mga taong wala nang malay. Ang dating pulang batis ay nangingitim

na sa dami ng dugong dumanak sa kamay ng kapulisan na walang ibang ginawa kung

hindi paglingkuran ang mga may kapangyarihan. Ngunit sa kabila ng mga nangyari sa

aming lugar, wala pa ring Maria na dumating sa Sitio Sinukuan.

Minsan, iniisip ko kung multo lamang ba si Maria na nagparamdam sa aming

bayan. Marahil, sa takot na tuluyang mapaslang ay bigla na lang siyang nawala. Marahil,

sa lupit ng sistemang ito ay pinili niyang tanganan na ang pinakamataas na antas ng


pakikibaka. Hanggang sa huli, kahit wala na siya, ay nagagawa niya pa rin kaming

himukin na umunlad. Dahil kahit hindi kami nagtagumpay sa laban dito sa Sitio Sinukuan,

ipagpapatuloy namin ang aming pakikibaka doon sa kanayunan.

Nang araw ng aming pag-alis ay nagsimula na ring pumasok ang mga traktora

sa aming komunidad. Sinagasaan nito ang mga barung-barong na bumubuo sa hulma

ng Sitio Sinukuan. Luha lamang ang naging tugon ko sa pagwasak nito sa tahanang

gawa ng aking mga magulang na naging kanlungan ko ng dalawampung taon.

Marami sa amin ang bitbit na ang aming mga damit at gamit, kung saan papunta,

ay hindi namin na alam. May mga nagsasabing maninirahan muna sa isa pang sitio sa

may kabilang lungsod at may iba namang nagnanais bumalik sa kanilang tahanan doon

sa probinsya. May ibang katulad ko na nagnanais ipagpatuloy ang mga sinimulan ni

Maria para organisahin ang mga katulad kong maralita na makita ang landas ng

paglaban sa kasalukuyang sistema ng lipunan.

Hinukay na ng mga traktora ang nagsisitaasang bundok ng mga basura

hanggang sa ilalim nito ay gumulong ang wala nang buhay na katawan ng isang

babaeng hindi namin alam ang pangalan, bahagyang nababalutan ng packaging tape at

sinasabitan ng karatulang may nakasulat na “ADIK, HUWAG TULARAN”.

Nagkaroon ng komosyon sa huling mga oras ng Sitio Sinukuan. Nagsisigawan,

nag-iiyakan—hindi ko mawari kung ano ba talaga ang nangyari. Batid ang kalungkutan

at galit sa mga mata ng aking mga kaibigan at kapitbahay. Nang bumungad sa akin ang

katawan ng babaeng walang pangalan, saka ko lamang napagtanto...

Matagal na rin nang huling dumalaw si Maria sa aming lugar.

You might also like