You are on page 1of 4

1

“Mga Negatibong Pag-uugali ng mga Pilipino”


ni Florentino T. Timbreza

Sino nga ba ang Pilipino? Siyempre naman, siya'y isang tao. Ngunit ano-ano ang
pagkakaiba niya sa ibang tao, tulad ng Amerikano? Maputi ang Amerikano, samantalang ang
Pilipino ay kayumanggi. Matangkad ang Kano, bagaman ang Pinoy ay medyo pandak. Matangos
ang ilong ng Kano, samantalang ang ilong ng Pinoy ay pango. Kaya nga ang sabi ni Heber
Bartolome: "Ako'y isang Pinoy, ako'y hindi Kano. Huwag kang mahihiya, kung ang ilong mo ay
pango."
Subalit bukod sa mga pisikal na pagmumukha ng Pilipino, anu-ano ang pagkakaiba ng
kanyang pagkatao sa ibang tao? Mahirap dalumatin ang kanyang kasinuhan at pati siya'y hindi rin
matarok ang kanyang tunay na sarili. Ang kahiwagaan ng kanyang identidad ay lalong lumalalim
habang binabaybay at hinahalughog ang kanyang katutubong mga katangian.
Gayunpaman, winawari ng mga sikologo na ang kayarian ng pagkatao ay may malaking
kaugnayan sa mga kakaibang kilos, galaw, pag-uugali, at asal-panlipunan ng isang indibidwal na
lumilitaw at nasasaksihan sa arawaraw niyang pamumuhay, pakikisalamuha't pakikipagugnayan
sa kanyang kapwa. Kung ano ang ikinikilos, inaasal o inuugali at kung paano gumagalaw at
umaasta ang isang tao ay siyang nagpapamalas ng kanyang likas na pagkatao.
Ito ang ating isaisip habang hinihimay ang mga ugali ng Pilipino na umiiral at karaniwang
namamalas at nangyayari sa araw-araw niyang pamumuhay. Inaasahan ng may-akda na sa
pamamagitan ng mga sumusunod na pagmamasid at mga karanasan ay bahagyang mababanaag
ang ilang aspekto ng istruktura ng pagkatao ng Pilipino.
Mapanlamang
Ang Pilipino ay mapanlamang at hangga't maaari'y ayaw niyang magpalamang o
malamangan. Mapapansin ang ugaling ito sa pagmamaneho. Ang malimit na dahilan ng
pagkakabuhul-buhol ng mga sasakyan sa mga krosing ay ang katigasan ng ulo ng ilang mga
drayber. Ayaw nilang maunahan at hindi sila nagbibigayan. Hangga't maaari ay gusto nilang
mauna sa arangkada. Hindi nila. alam na lalong naaantala't nagagambala ang pagdaloy ng trapik
kapag lusot sila nang lusot, at inihahambalang ang kanilang sasakyan sa dapat daluyan ng trapik.
Maaari namang batid nila ito, subalit nais lamang nilang makalamang sa kapwa drayber; ngunit
pati sila'y naiistorbo rin sapagkat sa halip na bumilis ang takbo ng trapik ay lalo lamang bumabagal
dahil sa kanilang ginagawa. Kapakanang pansarili ang iniisip ng ilang mga Pilipino at hindi
kapakanan ng karamihan.
Ayaw magpalamang ng Pinoy sapagkat ang nais niya'y lagi siya lamang. Madalas,
sinisiraan niya ang kanyang kapwa upang hindi sumikat o tumanyag ang huli, nang sa gayon ay
siya lamang ang magaling. Ito ang ugat ng tinaguriang pag-iisip talangka ng mga Pilipino. Umiiral
ito hindi lamang sa mababang antas ng lipunang Pilipino kundi pati sa mataas na larangan ng
lipunan, katulad ng mga grupong pangkalakalan, mga kolehiyo at mga pamantasan at sa iba't ibang
kagawaran ng pamahalaan.
2

Palakasan
Kaugnay ng nabanggit na asal-panlipunan ay ang sistemang palakasan na nananaig sa
pagkatao ng mga Pilipino. Kung minsan ang tawag dito'y pagpapalapad ng papel. Sa hangarin ng
Pilipino na lumapad ang papel niya at lumakas sa kanyang amo (boss) ay malimit na Pinapaliguan
niya ito ng labis-labis na papuri at halos halikan ya ito sa paa. Dahil dito'y mapanira at pintasero
ang Pinoy. Dahil sa pagsipsip at para mapalapit lang sa mga matataas maimpluwensiya ay natututo
siyang manira ng kapwa.
Madaya
Madaya ang Pilipino. Ang mga produktong lokal ay karaniwang mababa ang kalidad
sapagkat mahihinang uri ng bagay o materyales ang ginagamit ng Pilipino, o kaya'y hindi mahusay
ang pagkakayari kung kaya't madaling masira at nang sa gayon ay bibili na naman ang may-gamit,
Ang kababaan din ng kalidad ng mga produkto ng katutubo ay siyang dahilan kung bakit higit na
nagugustuhan ng karamihang mamamayan ang imported na produkto. Higit na binibigyang-diin
ng Pilipino ang kantidad kung kaya't mahihinang klase ang kanyang likha.
Kapuna-puna ang kadayaan ng Pilipino sa paggawa ng mga sasakyan na sa buong akala
mo'y lahat ng bahagi ay bagung-bago, subalit taliwas ito kung titingnan mo nang mabuti ang mga
assembled parts o kinukumpuni na hindi mo nasubaybayan ang pagkakagawa. Kaya kung
magpapasadya ka ng sasakyan, halimbawa, ay kailangang bigyan mo rin siya ng pansigarilyo at
pangmeryenda nang sa gayo'y magkakaintindihan kayo. Talagang ugaling Pinoy lyan at huwag
mo nang sabihing hindi na naman siya dapat bigyan sapagkat sinusuwelduhan naman siya
Kahit ang mga mekanikong Pilipino ay mandaraya, Kapag magpapaayos ka ng sasakyan
ay kailangang nakamatyag ka rin sapagkat kung hindi ay maaaring palitan nila ang ibang spare
parts sa iyong sasakyan. Kung minsan naman ay aayusin ang isang bahagi ng makina, ngunit
pagdating mo sa bahay ay ibang bahagi na naman ang sira. Sa ganitong mga bagay ay mautak ang
Pilipino. Hindi niya aayusin nang husto ang anumang pinakukumpuni para bumalik ka nang
bumalik sa kanya. Hindi niya kusang maisip na ang ganitong sistema ng paggawa ay makakasira
sa kanyang pangalan at sa tiwala sa kanya ng mga taong nagpapagawa. Alam niya marahil ang
kasamaang ito, ngunit talagang likas ito sa istruktura ng kanyang pag-iisip.
Pagtitimbang
Masasaksihan din ang kadayaan ng Pilipino sa pagtitimbang ng mga bilihin. Kung bibili
ka ng mga panindang kinikilo o tinitimbang, lalung-lalo na ang karne, ubas, lanzones, atbp., talasan
mo ang iyong mga mata sapagkat malamang na dayain ka. Kung hindi ka naman nila dadayain sa
pagkilo mismo, ang kiluhan o timbangan ay may daya na. Laganap pa rin ang dayaan sa pagkilo
gayong di nagkukulang ang mga awtoridad sa mga babala at paalala.
Sa pagpapalit ng pera, pagpapabarya, at pagsusukli ay madalas din ang pandarayang
isinasagawa. Kailangang bilangin mo ang sukli ng iyong pera pagkat kung minsan ay sadyang
kinukulangan. Nagaganap ito sa pagpapalit ng dolyar at pagbibigay ng sukli. Kahit na ang kahera
sa bangko ay nagkakamali rin sa kanilang pagbilang. Hindi kaya nila sinasadya ang pagkakamali
3

kung minsan? Kaya dapat mong bilangin ang tatanggapin mong salapi mula sa kahera sapagkat
kung minsan ay kulang ito. Kailangan maniguro ka sapagkat iba ang Pinoy.
Panghihiram
Gayundin kung humiram ang Pinoy. Madalas na hindi niya isinasauli hangga't hindi mo
itatanong ang bagay na hiniram. Kung minsan pa nga'y nakalilimutan nang ibalik ito. Totoo ito
hindi lang tungkol sa pera kundi sa mga maliliit na bagay tulad ng libro, payong, ballpen,
calculator, atbp. Ang nakapagtataka sa ugaling panghihiram ng Pinoy ay ikaw pa na nagpahiram
ang mang-iistorbo't magkakaroon ng problema. Ikaw pa ang pupunta at lalapit sa taong nanghiram
upang kunin ang hiniram. Malimit ding mangyari na ang hiniram ay ipinahiram din sa ibang tao,
kaya ang kalalabasan, ikaw na nagpahiram ay siyang lalakad at kukuha sa bagay na hiniram doon
sa taong pinagpahiraman ng taong humiram sa iyo. Talagang magulo at mahiwaga ang ugaling
Pinoy na ito.
Pikon
Hindi isport ang Pilipino. Madali siyang mapikon. Hindi niya kusang matanggap ang
pagkatalo, halimbawa, sa halalan o sa isang paligsahan, tulad ng ligawan. Laging mayroon siyang
idinadahilan kung bakit siya natalo, gaya ng pandaraya diumano ng kalaban. Totoo rin ito minsan.
Katulad noong nakaraang halalan, maraming anomalya ang naganap para lamang manalo ang ilang
mga kandidato Umiral na naman ang panlalamang. Umiral din ang talangkaan. Nangyayari rin ito
sa mga liga ng laro, tulad ng basketbol. Mayroong lamangan, dayaan, balyahan, sikuhan, duraan,
at murahan upang manalo lamang sa laro.
Magwawala
Karaniwang magwawala ang Pinoy kung mabigo sa ligawan. Kung hindi siya makapapatay
ng tao ay siya ang magpapakamatay. Madalas din siyang naglalasing o gagawa ng gulo upang
maibsan ang kanyang hinanakit dahil sa kabiguan. Alinsunod din dito, higit na mas maraming
insidente sa Pilipinas kaysa ibang bansa ng patayan dahil sa pagkakabigo sa pag-ibig, love triangle
at pagseselos. Kung minsan ay may magnobyong nagpapakamatay sa loob ng hotel dahil tutol ang
kanilang mga magulang sa kanilang pag-iibigan. Marami rin ang nagpapakamatay o kaya'y
purnapatay ng tao dahil sa sobrang selos. Pati si misis ay kasamang kinakatay. Mapanganib ang
Pinoy kung magselos.
Pandesal
Ating tunghayan naman ang paggawa ng pandesal. Kung bago at kabubukas pa lang ang
isang panaderya, matutuwa ka't malalaki ang ipinagbibiling pandesal. Sa loob ng isa o dalawang
buwan ay halos kasinglaki ng kamao ang mga tinapay. Subalit habang tumatagal ay magtataka ka
sapagkat paliit nang paliit ang pandesal. At lalo pang lumiliit kapag walang ibang panaderya na
malapit at maaari mong puntahan. Talagang gayong karunong ang Pinoy. At kapag madalas ang
brown-out, animo'y hindi na luto ang tinapay. Putlang-putla ang kalalabasan.
4

Pagbinbin
Mahilig sa pagmamadali ang Pinoy. Ito'y pagmamadaling hindi dahil sa hangaring matapos
agad ang isang gawain kundi dahil sa maaksayang panahon na pagbinbin. Kapuna-puna ang
saloobing ito sa pagbabayad ng buwis. Habang matagal pa ang panahon ay hindi kumikilos ang
mga mamamayan. Saka lamang sila magdadagsaan at magmamadaling pupunta sa mga sangay ng
BIR kapag deadline na't kulang na sa panahon. Totoo rin ito pagsusulat ng term papers ng mga
mag-aaral.
Pangwakas
Ito ang mga negatibong ugaling Pilipino na lumalabas at napapansin sa araw-araw niyang
pakikisalamuha sa kanyang kapwa. Masasalamin sa mga ugaling ito ang ilang mga katangian ng
kanyang pagkatao. Marami pang sangkap ng kanyang kaluluwa ang hindi kayang ilarawan ng
wika. Panlabas na anyo lamang ang ating namamalas sa kanya. Hindi natin lubos na matarok ang
kalikasan ng kanyang kalooban
Lubos na inaasam-asam ng may-akda na ang natuklasang mga negatibong aspekto ng
kaugaliang Filipino ay siyang pupukaw sa kamalayan ng mga kaburo't kadiwa natin sa larangan
ng values education. Nawa'y gumawa sila ng kaukulang mga hakbang upang unti-unting imulat
ang mga ito sa ating mga kababayan at nang sa dakong huli'y maituwid ang mga kahinaan at
pagkukulang ng istruktura at pagkataong Filipino. Ang tungkuling pagtutuwid na ito ay isang
napakalaking hamon hindi lamang sa mga magulang, mga guro, mga relihiyoso, at mga opisyal ng
mga paaralan kundi sa iba't ibang sangay din ng pamahalaan.

- Hango mula sa aklat ni Florentino T. Timbreza na pinamagatang.


Sariling Wika at Pilosopiyang Filipino

You might also like