You are on page 1of 1

Carlos Palanca Awards

Ang buong pangalan ng timpalak pampanitikang ito ay Carlos Palanca Memorial Awards for Literature na
binuksan noong 1950 bilang pagalaala ng mga tagapagmana ni Don Carlos Palanca Sr. Isang tao na nag-
aral na may sariling pagsisikap at umangat hanggang sa naging matagumpay na negosyante. Siya ay
patron ng mga institusyong pang-edukasyon at itinanim niya sa mga isip ng kanyang mga anak ang halaga
ng edukasyon.

Ang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ay isang pinakabantog at pinakamatagal na gawad
pampanitikan at binansagang "Gantimpalang Pulitzer" ng Pilipinas. May layunin itong tumulong sa
pagpapaunlad ng panitikan ng Filipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng premyo sa mga manunulat
para sa pagpapahusay nilá ng kanilang mga akda; at maging tagapag-ingat ng mga hiyas pampanitikan ng
Filipinas at tumulong sa pagpapalaganap ng mga ito, lalo na sa hanay ng mga mag-aaral.

Nagsimula ang timpalak para sa maikling katha sa mga wikang Ingles at Filipino na iginawad noong 1951.
Naging matagumpay ang timpalak, kayâ nagdagdag ito ng mga kategorya: dulang may isang yugto noong
1953, tula noong 1963, sanaysay noong 1979, nobela noong 1980, maikling kuwentong pambatà noong
1989, dulang pantelebisyon noong 1990 iskrip pampelikula noong 1994. Noong 1997, idinagdag ang mga
dibisyon sa wikang rehiyonal at nagkaroon ng timpalak sa maikling kuwentong Iluko, Sebwano, at
Hiligaynon. Marami pang ibang kategoryang binuksan sa paglipas ng panahon bukod sa tumaas ang
salaping gantimpala para sa nagwagi.

Sa kasalukuyan, may koleksiyon ang Palanca ng daan-daang nagwaging akda. Nalathala ang mga nagwagi
hanggang dekada 80 sa mga antolohiya na ipinamudmod sa mga aklatan. May mga pansariling
koleksiyon ng mayakda ang nalimbag na. Marami rin sa mga nagwaging dula ang naitanghal sa
entablado. Ang Foundation Library ay nakabukas sa mga mag-aaral at iskolar na nais magsaliksik. Noong
1995, binuksan ang Palanca Hall of Fame na kumikilala sa sinumang limang ulit nagwagi ng unang
gantimpala. May 22 awtor nang nagawaran ng Palanca Hall of Fame. Nagsimula rin ng palihan sa
malikhaing pagsulat ang Palanca noong 1996. (VSA)

You might also like