You are on page 1of 5

Pagbasa at Pagsulat ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa

Pananaliksik
Ika-Siyam na Linggo

Pagbuo ng Pansamantalang Balangkas at Konseptong Papel

Pagbuo ng Pansamantalang Balangkas

Marami-rami ka nang nagagawa para sa iyong sulating pananaliksik. Binabatikita dahil sa


mga paunang gawaing natapos mo.Malayo-layo na ang narating mo dahil ngayon ay mayroon ka
nang matibay na pahayag ng tesis mula sa iyong nilimitahang paksa at sa mga naunang
impormasyon at datos na nakalap mo. Sa araling ito ay lalong magkakaroon ng direksiyon ang iyong
gawain sapagkat bubuo ka ngayon ng pansamantalang balangkas. Ginamit ang salitang
pansamantala sa balangkas na gagawin mo sapagkat hindi pa ito pinal. Habang dumarami kasi ang
nababasa mong sanggunian ay nadaragdagan o lumalawak ang kaalaman mo tungkol sa iyong tesis
kaya't maaaring may mabago pa sa iyong balangkas.

Bagama't hindi pa pinal ay mahalaga ang pansamantalang balangkas sa pagbibigay ng


direksiyon sa mananaliksik. Mula rito'y makikita niya kung ang mga ideya ay konektado sa isa't isa,
kung maayos ang daloy ng bawat bahagi, at kung walang puwang o gap na dapat punan sa
pagkakasunod-sunod ng mga ito. Ang pansamantalang balangkas ay magsisilbi ring gabay upang
masagot ng mananaliksik ang dalawang mahahalagang tanong:

 Ano-ano na ang mga bagay na alam ko na o nasaliksik ko na at maaari ko nang i-organisa


patungkol sa aking paksa?
 Ano-ano pang mga datos o impormasyon ang wala pa o kulang pa at kailangan ko pang
saliksikin?

Isa ring magandang pagkakataon ang pagbuo ng balangkas upang maisaayos ng


mananaliksik ang iskedyul para sa bawat bahaging isinulat niya rito. Ang guro ay karaniwang
nagbibigay ng takdang araw o panahon ng pagpasa sa gawain. Halimbawa, kung walong linggo ang
ibinigay para maisagawa ang buong sulatin, magagamit ng mananaliksik ang tentatibong balangkas
upang mahati-hati ang natitirang panahon o araw para sa bawat bahagi. Sa ganitong paraan ay
maiiwasang matambak ang gawain o magmadali sa pagtapos ng lahat kapag malapit na ang araw ng
pagpasa.

Sa pagsasagawa ng pansamantalang balangkas ay mahalagang ikonsidera ang pagiging


maayos ng daloy ng bawat bahagi. Sa simula pa lang ay mahalaga na ang binuo mong matibay na
pahayag ng tesis. Dito kasi ihahanay o i-a-align ang iba pang bahagi o nilalaman ng iyong balangkas.

Makikita sa kabilang pahina ang isang halimbawa ng pansamantalang balangkas.

Paano Ginagamit ang E-Textbooks sa Loob ng Silid Aralan


(Pansamantalang Balangkas)

1. Introduksiyon

A. Paunang kaalaman o Background sa Paggamit ng E-Textbook sa Silid- Aralan


B. Layunin ng Pag-aaral
C. Pahayag ng Tesis
D. Mga Tanong na Nais Sagutin ng Papel
E. Kahalagahan ng Pananaliksik
F. Lawak at Delimitasyon ng Papel

II. Mga Kaugnay na Literatura


A. Depinisyon ng E-Textbook
B. Maikling Kasaysayan ng E-Textbook
C. Mga Pormat ng E-Textbook
D. Pagkokompara ng E-Textbook sa mga Inimprentang Libro
E. Mga Naunang Pag-aaral Tungkol Paggamit ng E-Textbook

III. Metodolohiya

IV. Resulta V Kongklusyon at Rekomendasyon

VI. Bibliyograpiya

Pagbuo ng Pansamantalang Balangkas

Mula sa iyong nabuong paksa, pahayag ng tesis, at balangkas ay maaari ka na ngayong


bumuo ng iyong konseptong papel. Sa pamamagitan nito'y mailalahad mo ang magagawa mo upang
mapatunayan ang iyong paksa at pahayag ng tesis. Samakatwid, ito ang magsisilbing proposal para
sa gagawin mong pananaliksik.

Makatutulong ang konspetong papel upang lalong magabayan o mabigyang- direksiyon ang
mananaliksik lalo na kung siya'y baguhan pa lang sa gawaing ito. Bago pa man kasi niya gawin ang
malalimang pagsisiyasat o pagpapatunay sa pamamagitan ng mga nakalap na ebidensiya ay
magkakaroon na siya ng pagkakataong maipakita o mailahad kung ano ang mangyayari. Sa
pamamagitan nito'y malalaman agad ng guro ang tunguhin o direksiyong ninanais niya para sa
sulatin. Makapagbibigay agad ng feedback, mungkahi, o suhestiyon ang guro kung sakaling may
mga bahagi sa konseptong papel na kailangang maisaayos pa.

Ayon kina Constantino at Zafra (2000), may apat na bahagi ang konseptong papel na binubuo
ng rationale, layunin, metodolohiya, at inaasahang output o resulta.

1. Rationale-Ito ang bahaging nagsasaad sa kasaysayan o dahilan kung bakit napiling talakayin ang
isang paksa. Mababasa rito ang kahalagahan at kabuluhan ng paksa.

2. Layunin-Dito naman mababasa ang hangarin o tunguhin ng pananaliksik base sa paksa.

3. Metodolohiya - Ilalahad dito ang pamamaraang gagamitin ng mananaliksik sa pangangalap ng


datos gayundin ang paraang gagamitin sa pagsusuri naman niya sa mga nakalap na impormasyon.

May iba't ibang paraan ng pangangalap ng datos o impormasyon. Ang pinakakaraniwang


paraan ay ang tinatawag na literature search kung saan ang mananaliksik ay naghahanap ng
impormasyon o datos sa mga kagamitang nasa aklatan at sa Internet. Gayumpama'y madalas na
hindi sapat ang impormasyon o datos na makukuha sa nasabing paraan depende sa layunin, uri,
gamit, at larangan kung saan kabilang ang paksang sinasaliksik. Kaya naman, may mga
mananaliksik na nangangailangang magsagawa ng obserbasyon at pagdodokumento ng mga
naobserbahan, sarbey sa pamamagitan ng pag-interview o sa pamamagitan ng paggamit ng survey
form o questionnaire, one-on-one interview sa mga taong may awtoridad at primaryang
makapagbibigay ng impormasyong kinakailangang makuha, o focused group discussion, at iba pa o
kombinasyon ng dalawa o higit pang paraan upang higit na mapagtibay ang kanilang argumento o
pagpapatunay sa kanilang tesis.

Kapag nakalap na ang mga datos ay mayroon ding iba't ibang paraan ng pagsusuri o
pagbibigay-kahulugan o interpretasyon sa mga ito. Maaaring magamit dito ang mga paraang tulad ng
empirikal, komparatibo, interpretasyon, pagsusuri sa kahulugan, at iba pa.

4. Inaasahang output o resulta-Dito ilalahad ang inaasahang kalalabasan o magiging resulta ng


pananaliksik o pag-aaral. Dahil patuloy pa rin ang pangangalap ng impormasyon ay maaaring
magkaroon pa rin ng pagbabago ang inaasahang resulta sa pinal na papel depende sa kalalabasan
ng pagkalap ng datos.
Mababasa sa ibaba ang isang halimbawa ng konseptong papel. Naka-label naman sa gilid
ang bawat bahagi nito.

Paano Ginagamit ang E-Textbooks sa Loob ng Silid-Aralan


(Konseptong Papel)

Ayon kina Bernie Trilling at Charles Fadel sa kanilang aklat na 21st Century Skills: Learning
for Life in our Times (2009), ang kasalukuyang siglo ay nagdala ng mga bagong set ng indibidwal na
lubhang naiiba sa kanilang magulang. Sila ang mga digital native. Sila ang unang set ng henerasyon
na napaliligiran ng digital media. Sila rin ay naiiba sa mga "natutong gumamit ng teknolohiya paglipas
ng panahon o mga digital immigrants. Inilarawan nila Trilling at Fadel ang mga digital native bilang
unang henerasyon sa kasaysayan na mas marami pang nalalaman tungkol sa mga impormasyong
digital at teknolohiyang pang-komunikasyon o digital information and communications technologies
kaysa sa mga mas nakatatanda sa kanila. Ayon sa kanila, binago nito ang dinamika sa paaralan dahil
ang mga mag-aaral na ang mga digital mentor at ang mga guro at magulang na ang mga part-time
na mga mag-aaral. Dahil sa pagkalantad ng mga digital native sa mundong digital, sila ay naglalatag
ng bagong set ng pangangailangan sa ating sistemang pang-edukasyon.

Ayon muli kina Trilling at Fadel, may mga kakayahang pang-21 siglo o 21" century skills na
kinakailangang matamo ng mga mag-aaral. Hindi lamang ang pagiging bihasa sa mga natukoy na
kakayahan o identified skills tulad ng problem solving at critical thinking ang kabilang sa mga
kakayahang ito, kundi maging ang pagiging bihasa sa mga makabagong kakayahan tulad ng digital
media literacy. Ipinaliwanag rin nila Trilling at Fadel na may tatlong set ng kakayahan na
kinakailangang matamo ng mga mag-aaral sa ika-21 siglo. Ito ay ang life and career skills, learning
and innovation skills, at information, media, and technology skills.(RATIONALE)

Nais ng papel na ito na mag-pokus sa information, media, and technology skills lalo na at ang
ilan sa mga silid-aralan sa Pilipinas ay nagsisimula nang maging hi-tech hindi lamang sa
pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya upang gumawa ng mga teaching aid at instructional
material, kundi sa pamamagitan rin ng unti-unting pagpapalit sa mga inimprentang teksbuk ng
electronic textbook o e-textbook. Nais ng papel na ito na malaman kung paano ginagamit ng mga
guro at mga mag-aaral ang e-textbook sa pagtuturo at pag-aaral sa loob ng silid-aralan bilang
manipestasyon ng kanilang information, media, and technology skills at kung ano ang impak ng
teknolohiyang ito sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto sa loob at labas ng mga silid-aralan.

Sa kasalukuyan, magkaka-iba ang lebel ng information, media, and technology skills ng mga
guro at mag-aaral sapagkat iba-iba rin ang kanilang exposure sa mga makabagong teknolohiya.
Dahil dito, ipinahahayag ng papel na ito na ang paggamit ng e-textbook sa loob ng silid-aralan ng
mga mag-aaral at mga guro ay naka-depende sa kanilang information, media, and technology
skills.* (LAYUNIN)

Ipinapanukala ng konseptong papel na ito ang pagsasagawa ng pakikipanayam sa ilan sa


mga guro at mag-aaral na gumagamit ng e-textbook bilang metodo ng pagkalap ng impormasyon
ayon sa layunin ng pananaliksik na isasagawa. Ipinapanukala rin ng papel na ito ang pagsasagawa
ng obserbasyon sa mga silid-aralan ng isang piling paaralan na nagpapatupad ng paggamit ng e-
textbook sa pili nitong mga pangkat at baitang upang higit na mapatatag ang mga datos na
makukuha mula sa pakikipanayam.(METODOLOHIYA)

Inaasahang makabubuo ng 50 pahinang output ang pananaliksik na isasagawa na tumutugon


sa layunin ng papel na ito. Inaasahan ring makapagpapahayag sa output ng mga rekomendasyon na
maaaring magamit ng piniling paaralan o ng iba pang paaralang nagnanais na gumamit ng e-
textbook sa kanilang kurikulum. (INAASAHANG OUTPUT O RESULTA)

"Ang bahaging nakasulat nang madiin ay ang pahayag ng tesis o thesis statement ng pananaliksik na
ito.
Pagbasa at Pagsulat ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa
Pananaliksik
Ika-Siyam na Linggo

Pagbuo ng Pansamantalang Balangkas at Konseptong Papel


Gawain 1

Pagsunod-sunurin ang mga paraan o tamang proseso sa konseptong papel. Lagyan ng 1 ang
rationale, 2 ang layunin, 3 ang metodolohiya, at 4 ang inaasahang output o resulta.

1.________May mga epekto ang paglalaro ng video games sa mga batang nasa preschool.

________Bubuo ng 20 pahinang sulating pananaliksik tungkol sa mga epekto ng paglalaro ng video


games sa batang nasa preschool.

________Tutukuyin ang mga epekto ng paglalaro ng video games sa mga batang nasa preschool.

________ Magpapasagot ng questionnaire sa magulang ng mga batang ito na madalas maglaro ng


video games.

2._______ Aalamin ang pinagmumulan ng spam messages.

_________Magsasaliksik ukol sa pinagmumulan ng spam messages.

_________Nayayamot ang maraming tao sa tuwing makakikita ng spam messages na pumupuno sa


kanilang inbox.

_________Makabubuo ng isang sulating pananaliksik na maaaring maging basehan ng isang artikulo


tungkol sa spam messages

3________ Mangangalap ng talá sa Internet, aklat, at journal at makikipanayam sa mga doctor.

_________ Ang paggamit ng marijuana bilang gamot sa ilang sakit ay ipinapanukala ng ilang
eksperto.

_________Susubuking alamin ang benepisyo at panganib sa paggamit ng marijuana bilang gamot o


medisina.

________Bubuo ng isang sulating pananaliksik na maaaring maging basehan ng isang brochure na


tumatalakay sa mga benepisyo at panganib ng paggamit ng marijuana bilang gamot o medisina.

Gawain 2

(Pangkatang Gawain)

Gumawa ng konseptong papel para sa inyong sulating pananaliksik.

 Rationale
 Layunin
 Metodolohiya
 Inaasahang Output o Resulta

Gawain 3

Basahing mabuti ang bawat datos na nakalahad sa ibaba. Isulat ang A kung ito ay nagpapakita
ng kalidad (qualitative data) at ang B kung nagpapakita ng kailanan (quantitative data)
1.________________ Mga mag-aaral sa Grade 11

 135 na mag-aaral
 75 ang babae, 60 ang lalaki
 17 ang bumagsak sa matematika
 25% ang pasok sa honor roll

2.________________Ang karaniwang silid-aralan

 Puti ang pintura


 Maaliwalas ang paligid
 May malalapad na blackboard
 Maliwanag ang ginagamit na ilaw

3._________________Ang Kapeng Barako

 Itim dahil hindi ginagamitan ng creamer


 Mainit at umaaso pa
 Amoy na amoy ang matapang na kape

You might also like