You are on page 1of 14

Filipino 10

1
Filipino – Ikasampung Baitang
Ikatlong Markahan – Modyul 4: Anekdota (Mullah Nassreddin)
Unang Edisyon, 2020

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring


magkaroon ng karapatang-sipi ang sinuman sa anumang akda ng Pamahalaan ng
Pilipinas. Gayunpaman, kailangan na may pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng
pamahalaan na naghanda ng akda kung ito ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga
maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay ang pagtakda ng kaukulang
bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o
brand name, tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa
modyul na ito ay nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang
malikom ang mga ito upang makuha ang pahintulot sa paggamit ng materyales. Hindi
inaangkin ng mga tagapaglathala at mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang
anumang gamit maliban sa modyul na ito ay kinakailangan ng pahintulot mula sa mga
orihinal na may-akda.

Walang anumang bahagi ng nilalaman nito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa


anumang paraan nang walang pahintulot sa kagawaran.

Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon Dibisyon ng Lungsod ng Pasig.

Komite sa Pagsulat ng Modyul


Manunulat: Apple P. Salazar
Tagasuri: Ana Mae F. Santos at Shirley H. Amorada
Editor: Albert C. Nerveza at Melinda P. Iquin

Tagapamahala: Ma. Evalou Concepcion A. Agustin


OIC-Schools Division Superintendent
Carolina T. Rivera
OIC-Assistant Schools Division Superintendent
Victor M. Javeña EdD
Chief, School Governance and Operations Division and
OIC-Chief, Curriculum Implementation Division

Education Program Supervisors

Librada L. Agon EdD (EPP/TLE/TVL/TVE)


Liza A. Alvarez (Science/STEM/SSP)
Bernard R. Balitao (AP/HUMSS)
Joselito E. Calios (English/SPFL/GAS)
Norlyn D. Conde EdD (MAPEH/SPA/SPS/HOPE/A&D/Sports)
Wilma Q. Del Rosario (LRMS/ADM)
Ma. Teresita E. Herrera EdD (Filipino/GAS/Piling Larang)
Perlita M. Ignacio PhD (EsP)
Dulce O. Santos PhD (Kindergarten/MTB-MLE)
Teresita P. Tagulao EdD (Mathematics/ABM)

Inilimbag sa Pilipinas, Kagawaran ng Edukasyon – Pambansang Punong Rehiyon


Tanggapan ng mga Paaralan ng Sangay-Lungsod Pasig
2
Filipino 10
Ikatlong Markahan
Modyul 4 para sa Sariling Pagkatuto
Anekdota (Mullah Nassreddin)
Manunulat: Apple P. Salazar
Tagasuri: Ana Mae F. Santos at Shirley H. Amorada/Editor: Albert C. Nerveza at Melinda P. Iquin

3
Paunang Salita

Para sa tagapagdaloy:
Malugod na pagtanggap sa asignaturang FILIPINO 10 ng Modyul 4 para sa
araling Anekdota (Mullah Nassreddin)

Ang modyul na ito ay pinagtulungang idinisenyo, nilinang at sinuri ng mga


edukador mula sa Tanggapan ng mga Paaralan ng Sangay-Lungsod Pasig na
pinamumunuan ng Nanunuparang Pinuno-Tanggapan ng Pansangay na
Tagapamanihala, Ma. Evalou Concepcion A. Agustin, sa pakikipag-ugnayan sa
Lokal na Pamahalaan ng lungsod sa pamumuno ng butihing Punong Lungsod, Kgg.
Victor Ma. Regis N. Sotto, upang matulungang makamit ng mag-aaral ang
pamantayang itinakda ng Kurikulum ng K to12 habang kanilang pinanagumpayan
ang pansarili, panlipunan at pang-ekonomikong hamon sa pag-aaral.

Inaasahan na sa pamamagitan ng modyul na ito, ang mga mag-aaral ay


makauugnay sa pamamatnubay at malayang pagkatuto ng mga gawain ayon sa
kanilang kakayahan, bilis at oras. Naglalayon din itong matulungan ang mag-aaral
na makamit ang mga kasanayang pang-ika-21 siglo lalong-lalo na ang 5 Cs
(Communication, Collaboration, Creativity, Critical Thinking and Character) habang
isinasaalang-alang ang kanilang mga pangangailangan at kalagayan.

Bilang karagdagan sa pangunahing teksto, makikita ang pinakakatawan ng


modyul sa loob kahong ito:

Mga Tala para sa Guro


Ito'y naglalaman ng mga paalala at
estratehiyang magagamit sa paggabay sa
mag-aaral.

Bilang tagapagdaloy, inaasahang bibigyan mo ng paunang kaalaman ang


mag-aaral kung paano gamitin ang modyul na ito. Kinakailangan ding subaybayan
at itala ang pag-unlad nila habang hinahayaan silang pamahalaan ang kanilang
sariling pagkatuto. Bukod dito, inaasahan mula sa iyo na higit pang hikayatin at
gabayan ang mag-aaral habang isinasagawa ang mga gawaing nakapaloob sa
modyul.

4
Para sa mag-aaral:

Malugod na pagtanggap sa FILIPINO10 Modyul 4 ukol sa Anekdota (Mullah


Nassreddin)!

Ang modyul na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong pangangailangan.


Layunin nitong matulungan ka sa iyong pag-aaral habang wala ka sa loob ng silid-
aralan. Hangad din nitong madulutan ka ng mga makabuluhang oportunidad sa
pagkatuto.

Ang modyul na ito ay may mga bahagi at icon na dapat mong maunawaan.

MGA INAASAHAN
Sa bahaging ito malalaman mo ang mga dapat mong
matutuhan pagkatapos mong makumpleto ang modyul.

PAUNANG PAGSUBOK
Dito masusukat ang dati mo nang kaalaman at mga dapat mo
pang malaman sa paksa.

BALIK-ARAL
Dito masusukat ang iyong matutuhan at naunawaan sa mga
naunang paksa.

ARALIN
Tatalakayin sa bahaging ito ang aralin batay sa kasanayang
pampagkatuto.

MGA PAGSASANAY
Sa bahaging ito, pagbibigay ng guro ng iba’t ibang pagsasanay
na dapat sagutin ng mga mag-aaral.

PAGLALAHAT
Sa bahaging ito ibunuod ang mahahalagang konsepto na dapat
bigyang-halaga.

PAGPAPAHALAGA
Sa bahaging ito ay titiyakin kung ang mga kasanayang
pampagkatuto ay naiuugnay at nailalapat sa inyong mga
pagpapahalaga.

PANAPOS NA PAGSUSULIT
Dito masusukat ang mga natutuhan ng mga mag-aaral.

5
MGA INAASAHAN
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
KASANAYANG PAMPAGKATUTO

1. Nabibigyang -kahulugan ang salita batay sa ginamit na panlapi


2. Nahihinuha ang damdamin ng sumulat ng napakinggang anekdota

MGA LAYUNING PAMPAGKATUTO:

A. Naibibigay ang kahulugan ng salita batay sa ginamit na panlapi;


B. Natutukoy ang damdaming nangingibabaw sa mga pahayag; at
C. Nailalahad ang damdaming nangingibabaw sa simula, gitna at wakas ng
anekdota.

PAUNANG PAGSUBOK
Sa puntong ito, sasagutin mo muna ang maikling paunang pagsusulit
na inihanda para sa iyo upang masukat ang iyong nalalaman sa araling
pag-aaralan. Simulan mo na!
PANUTO: Tukuyin ang isinasaad ng mga pahayag sa bawat aytem. Piliin ang
letra ng wastong sagot at isulat ito bago ang bilang.
____1. Ito ay kuwento ng isang kawili-wili at nakatutuwang pangyayari sa buhay ng
isang tao.
A. Alamat B. Anekdota C. Nobela D. Sanaysay
____2. Sa pagsulat ng isang anekdota, kinakailangan na ang panimulang
pangungusap ay ______________.
A. kagila-gilalas C. kanais-nais
B. kamangha-mangha D. kapana-panabik
____3. Siya ay kilala bilang pinakamahusay sa pagkukuwento ng katatawanan sa
kanilang bansa sa Persia (Iran).
A. Idries Shah C. Mullah Nassreddin
B. Muhammad Ali D. Saadi
____4. Naniniwala ang hari na kayang magsalita at mangaral ni Mullah sa mga tao
dahil sa kanyang angking husay, talino at listong pag-iisip. Ang salitang may
salungguhit ay nangangahulugang _______________________.
A. magpaalala C. magtalumpati
B. magsalaysay D. magturo
_____5. Si Mullah ay maituturing ding isang mangangaral ng pangkalahatang
moral ng Q’uran noong kanyang kapanahunan. Ang salitang may
salungguhit ay nangangahulugang _______________________.
A. tagapagturo C. tagapakinig
B. tagapagkuwento D. tagasunod

6
BALIK-ARAL
Bago ka tumuloy sa ating aralin, magkaroon ka muna ng kaunting
pagbabalik-tanaw sa nakaraang aralin upang matiyak ang lubos mong
pagkatuto. Handa ka na ba? Tara, iyo nang sagutin.
PANUTO: Kilalanin ang isinasaad ng bawat pahayag sa pamamagitan ng
pagpupuno ng mga letra sa bawat kahon upang mabuo ang wastong sagot.
1. Ito ay kalipunan ng mga mito mula sa isang pangkat ng tao sa isang lugar
na naglalahad ng kasaysayan ng mga diyos-diyosa noong unang panahon na
sinasamba, dinadakila at pinipintakasi ng mga sinaunang tao.
M O H A
2. Sa bansang ito, nagmula ang mito ni Liongo.
E Y
3. Parte ng katawan ni Liongo na kapag tinamaan ng karayom ay ikamamatay
niya.
P D
4. Ayon kay Santiago 2003, ito ang dapat na isinasalin at hindi ang bawat
salita na bumubuo rito kapag nagsasagawa ng pagsasaling-wika.
D A
5. Ito ang pangunahing aklat na ginagamit upang maisagawa ang pagsasaling-
wika.
D S N R O

ARALIN

A. Panimulang Gawain
Magandang buhay! Sa pagsisimula ng ating aralin, nais ko munang
sagutan mo ang gawaing ito. Halina’t simulan.
PAGGANYAK
PANUTO: Hanapin sa loob ng kahon ang mga salitang tinutukoy sa bawat
pahayag. Isulat ang sagot sa patlang bago ang bilang.
___________1. Ito ang bahay sambahan ng mga
P S F G E J L B Muslim.
E A D A B K O I ___________2. Ito ang panglimang araw sa loob
R I V D H T M Y
ng isang linggo.
S P O S N L N E
___________3. Ito ay bansa na matatagpuan sa
I L P E I P L R
Kanlurang Asya na kilala ngayon
A Y W Y T A V N
F U E U R B C E sa tawag na Iran.
K I I A Q X Y S ___________4. Ito ay isang salaysay na maaaring
M O S Q U E Z A buhat sa tunay na buhay o
imahinasyon lamang.
___________5. Ito ay nangangahulugang mga payo, turo at mga
leksyon na natutuhan ng tao.

7
Sa bahaging ito, iyong matutuklasan ang ilang mahahalagang bagay
tungkol sa bansang Persia na mas kilala ngayon sa tawag na Iran. Sa
Persia (Iran), ang kanilang mga lupain, mga tao na binabanggit kasama ng
Medo at mga Persiano ay magkakaugnay na mga bayan sa sinaunang
Tribong Aryano. Mayaman sa sining tulad ng pagpana at pangangaso. Ang
pagsasabi ng katotohanan ay makikita sa literaturang naiambag nila sa
maraming bansa. Masusuri rin sa kanilang matapat na pakikipamuhay sa
kapwa at mga naiambag ng kanilang mahusay na mga manunulat sa
mundo ng pilosopiya at paniniwala.
B. Alam mo ba?
Ang Anekdota ay kuwento ng isang kawili-wili at nakatutuwang pangyayari
sa buhay ng isang tao. Layon nitong, makapagpabatid ng isang magandang
karanasan na kapupulutan ng aral. Ito’y magagawa lamang kung ang karanasan o
ang pangyayari ay makatotohanan.

Isang malikhaing akda ang anekdota. Dapat ang bawat pangungusap ay


kukuha ng interes ng mambabasa. Dapat na ang panimulang pangungusap ay
kapana-panabik. Ang isang magandang panimula ay magbibigay ng pagganyak sa
mambabasa at mahihikayat na ipagpapatuloy ang pagbasa ng anekdota.

Narito ang ilang katangian ng anekdota:


a. May isang paksang tinatalakay. Ito ay dapat bigyan ng kahulugan sa
pagsulat ng anekdota. Lahat ng mga pangyayari ay dapat mabigyan ng
kahulugan sa ideyang nais ilahad.
b. Ang isang anekdota ay nagdudulot ng ganap na pagkaunawa sa
kaisipang nais nitong ihatid sa mga mambabasa. Di dapat mag-iwan ng
anumang bahid ng pag-aalinlangan na may susunod pang pangyayari.

TI.answer.com/o/Ano_ibig_sabihin_ng_ anekdota

C. Paglalahad ng Teksto

Ngayon ay dadako na tayo sa isang akda na buhat pa sa


bansang Persia (Iran) na isinulat ng isang kilalang tao na dalubhasang
pilosopo at tagapayo ng hari sa kanilang lugar. Tara na’t iyong kilalanin!
Pagkatapos ay iyo nang basahin ang kanyang anekdota.
Sino siya?

Si Mullah Nassreddin (Nasruddin) na kilala bilang Mullah Nassr-e Din


(MND) ang pinakamahusay sa pagkukuwento ng katatawanan sa kanilang bansa.
Lagi siyang naaalala ng mga Iranian na dating mga Persiano noong sila ay mga
bata pa. Libo-libong kuwento ng katatawanan ang naiambag ni Mullah Nassreddin
sa kanilang lipunan. Tinagurian din siyang alamat ng sining sa pagkukuwento
dahil sa mapagbiro at puno ng katatawanang estilo sa pagsulat. Nagpasalin-salin
sa bibig ng mga tao ang kaniyang mga naisulat mula noon magpasahanggang
ngayon.

Mula sa http://iranian.com/main/blog/m-saadat-noury/frist-iranian-mullah-who-was-master-anecdotes.html

8
Maaari mo rin itong mapanood sa Youtube na nasa wikang Ingles
kung ikaw ay may internet, i-type lamang ang link na ito,
https://www.youtube.
com/watch?v=A_nO7QV5YNs&feature=youtu.be&fbclid=IwAR3F3Pu_WYutoMA
AGQ3iQ_Dl5JTAQymrNAak0MOAdf6U3gKb5pW3Zxd3lKg .

Kung wala naman, ay maaari mo itong basahin dito sa modyul.


Halina’t iyong simulan.

Mullah Nassreddin – Ang Tatlong Araw ng Biyernes


Salin mula sa Mullah Nassreddin- The Three Fridays
(Youtube channel: Geethanjali- Cartoons for Kids)
Isinalin sa Filipino ni Apple P. Salazar

Isang araw, habang abalang nagbabasa ng mga libro si Mullah sa kanilang


sala, may narinig siyang kumakatok sa pinto. Binuksan niya ang pinto at nakita
niya ang mensahero ng hari na naghihintay sa labas na may dala-dalang
kautusan. Nakatanggap ng utos si Mullah na siya ay inaatasan ng hari ng isang
gawain. Siya ay magbibigay ng sermon sa Mosque tuwing araw ng Biyernes.
Naniniwala ang hari na kayang magsalita at mangaral ni Mullah sa mga tao dahil
sa kanyang angking husay, talino at listong pag-iisip.

Tinanggap ni Mullah ang utos ng hari kahit ito ay labag sa kanyang


kalooban dahil para sa kanya, mahirap mangaral sa loob ng isang oras tungkol sa
pangkalahatang moral kada linggo. Dumating ang unang araw ng Biyernes ng
kanyang pagpunta sa Mosque, sa kanyang paglalakbay, masinsinan niyang iniisip
kung ano ang kanyang sasabihin. Narating kaagad niya ang Mosque at naglakad
siya patungo sa pulpito pagkatapos ay umupo nang tahimik matapos niyang
madaanan ang mga tao na naghihintay sa kanyang sermon. Walang pag-
aalinlangang tiningnan ni Mullah ang mga tao at nagsalita, “Alam niyo ba ang
aking sasabihin?” Ano kaya ang sasabihin ko ngayon?” siya ay nagpatuloy, “Aking
mga minamahal, alam niyo ba ang sasabihin ko ngayon?” Sumagot ang mga tao.
“Hindi po.” Agad na tumayo si Mullah sa pagkakaupo at natamik ang buong
kapulungan. Nagtatakang tiningnan nila si Mullah at hinintay ang sasabihin nito.
Nagsalita si Mullah “Aking mga minamahal, ipagpaumanhin ninyo ngunit ayokong
makipag-usap sa mga taong walang alam kung ano ang aking sasabihin.” Nalito
ang mga tao nang marinig nila ito at sila ay naguluhan. Bago pa man magkaroon
ng reaksyon ang mga tao, agad na lumisan si Mullah.

Nang sumunod Biyernes, ang mga tao ay nagkatipon-tipon, sila ay nagbasa


ng mga katuruan mula sa banal na Q’uran at naupo sa loob ng Mosque habang
sabik na inaabangan ang pagdating ni Mullah. Tulad nang nakaraan, si Mullah ay
naglakbay nang hindi nakapaghahanda ng kanyang sasabihin.

Pumasok siya sa Mosque na walang ideya kung ano ang kanyang sasabihin.
Siya ay nagwika, “Aking mga minamahal, nawa’y naging mabuti kayo nitong

9
nakaraang linggo”. At nagpatuloy sa pagsasalita, “Alam n’yo ba kung anong
sasabihin ko ngayon?” tumugon ang mga tao, “Opo, alam po namin dahil kami po
ay nagbasa ng mga mahahalagang katuruan”. Tumayo si Mullah at nagsalita,
“Aking mga minamahal, gayo’y nabasa niyo na ang lahat, sa tingin ko’y wala nang
saysay pa kung magsasalita pa ako.” Muling lumisan sa Mosque si Mullah. Nagulat
ang mga tao sa inasal niya.

Dumating ang ikatlong Biyernes, muling nagtipon ang mga tao sa pagdating
ni Mullah na bakas sa kanila ang pag-aalinlangan. Si Mullah ay hindi pa rin
naghanda ng kanyang sasabihin sa linggong ito. Nagwika si Mullah “Alam n’yo ba
kung anong sasabihin ko ngayon?”. Nalito ang mga tao. Ang ilan sa kanila ay nais
tumugon ng “oo” samantalang ang iba naman ay “hindi”, dulot na rin ng kanilang
pagbabalik-tanaw sa nakaraang pangyayari. Sa huli, ang mga tao ay tumugon.
“Opo” sabi ng iba, at “Hindi po”, ang sagot naman ng ilang natira. Agad na nagwika
si Mullah “Aking mga minamahal, yaong mga nakapag-aral na, ang siyang
bahalang magsasabi sa mga di pa nakaaalam dahil ito ang isinasaad sa Q’uran,
kung ano mang mayroon ka na wala sa iba, huwag mag-alinlangan na ibahagi ito sa
iba, salapi man o kaalaman. Ito ang nais kong ipaliwanag sa inyo. Ito ang dahilan
kung bakit hindi ko kayo kinausap sa loob ng tatlong araw ng Biyernes, Nawa’y
inyong naunawaan ang halimbawang ito.” Napasambit ng ganito ang isang taong
nakikinig “Ang husay! nagawa niyang ipaunawa sa mga tao ang katuruang moral
mula sa Q’uran”. Ang mga tao ay sabay-sabay na nagwika “Dakila si Mullah!”.

MGA PAGSASANAY

Matapos mong mabasa ang akda, nais kong subukin at mapalalim pa


ang iyong pagkakaunawa. Narito ang ilang mga gawain na magpapayabong
pa sa iyong kaalaman. Tara na’t iyong sagutan!

PAGSASANAY 1

PANUTO: Tukuyin ang kasingkahulugan ng mga salitang nakasalungguhit


batay sa ginamit na panlapi. Piliin ang letra ng wastong sagot sa loob ng
kahon at isulat ito bago ang bilang.

A. galing B. gumagaling C. pinagbuti D. praktisado

_____1. “Ang husay! nagawa niyang ipaunawa sa mga tao ang katuruang moral
mula sa Q’uran”.
_____2. Pinaghusayan niya ang kanyang ginagawang pagkukuwento upang
magpasaya sa mga tao.
_____3. Ang mga tao ay nagbasa muna ng mga katuruan sa Q’uran bunga nito,
mas lalo pa silang humuhusay.
10
A. nawala B. iniwan C. iwanan D. umalis

_____4. Matapos magsalita ni Mullah ay agad siyang lumisan bago pa man


makapagbigay ng reaksyon ang mga nakikinig.

_____5. Nilisan niya ang mga tao na gulong-gulo sa pangyayari at gulat na gulat sa
kanyang inasal.

PAGSASANAY 2
PANUTO: Tukuyin ang damdaming nangingibabaw sa pahayag. Isulat ang letra
sa patlang bago ang bilang.

A. humahanga B. kampante C. nag-alinlangan


D. nagulat E. nainis F. natakot
_____1. Ang mga tao ay sabay-sabay na nagwika “Dakila si Mullah!”.
_____2. Sumagot ang mga tao, “Hindi po.” Agad na tumayo si Mullah sa
pagkakaupo at natamik ang buong kapulungan.
_____3. “Opo, alam po namin dahil kami po ay nagbasa ng mga mahahalagang
katuruan”.
_____4. Ang ilan sa kanila ay nais tumugon ng “oo” samantalang ang iba naman ay
“hindi”, dulot na rin ng kanilang pagbabalik-tanaw sa nakaraang
pangyayari.
_____5. “Ang husay! nagawa niyang ipaunawa sa mga tao ang katuruang moral
mula sa Q’uran”.

PAGSASANAY 3
PANUTO: Piliin sa loob ng kahon ang mga pangyayari mula sa anekdota at
tukuyin ang damdaming nangingibabaw. Isulat ito sa loob ng talahanayan.

Bahagi ng Pangyayari Damdamin


Anekdota
1.Simula

2.Gitna

3.Wakas

11
Mga Pangyayari Mga Damdamin
A. Naipaliwanag nang malinaw ni Mullah ang kaugnayan
 Pagwawalang
ng kanyang sermon sa kautusan na nais ituro ng
bahala
Q’uran.  Pagkagalak
B. Nakatanggap ng utos si Mullah na siya ay inaatasan  Pagkainis
ng hari ng isang gawain na pagbibigay sermon sa mga  Pagkagulat
tao sa Mosque.
C. Tahimik na nagkatipon-tipon ang mga tao sa Mosque.
D. Dalawang beses na nilisan ni Mullah ang Mosque
nang hindi pinaliliwanag ang kanyang sermon.

PAGLALAHAT
Nagagalak ako dahil nakarating ka na sa bahaging ito kung saan
iyong tutukuyin ang mga mahahalagang impormasyon na naikintal sa
iyong isipan buhat sa araling pinag-aralan. Sagutin mo ang maikling
gawaing ito.
PANUTO: Lagyan ng (😊) ang pahayag na nagsasaad ng tamang impormasyon
tungkol sa araling binasa at (☹) kung mali ang isinasaad ng pahayag.
_______1. Ang anekdota ay pawang buhat lamang sa imahinasyon ng manunulat.
_______2. Bukod sa kawili-wili ang pagbabasa ng anekdota, ito rin ay kapupulutan
ng mahalagang aral.
_______3. Ang anekdotang Mullah Nassreddin ay naglalahad ng mahalagang
katuruan na nagmumula sa Q’uran.
_______4. Labis na kinainisan ng mga tao ang naging paraan ng pagbibigay
sermon ni Mullah sa loob ng Mosque.
_______5. Hindi maitatanggi na si Mullah ay labis na kinagiliwan ng kanyang mga
kababayan dahil sa nakatutuwa niyang mga kuwento.

PAGPAPAHALAGA
Sa puntong ito, batid ko na marami ka nang natutuhan buhat sa
ating aralin, kaya sa pagkakataong ito, nais kong malaman kung paano mo
isasabuhay ang mahalagang aral mula sa anekdotang binasa. Halina’t
iyong ibahagi.

PANUTO: Isalaysay ang iyong naisip na paraan kung paano mo isasabuhay ang
aral na inilahad sa anekdota. Isulat ito sa loob ng kahon.
Aral: Gagawin ko ito sa pamamagitan ng
“Kung ano mang mayroon ka …_________________________________________
na wala sa iba, huwag mag- __________________________________________
alinlangan na ibahagi ito sa __________________________________________
iba, salapi man o kaalaman.” __________________________________________
12
Rubriks
5 - puntos Napakahusay Makatotohanan at malinaw na
naipahayag ang kasagutan.
3 – 4 puntos Mahusay Malinaw na naisalaysay ang
kasagutan.
1 - 2 puntos Pagbutihin pa Hindi naipaliwanag ang
kasagutan.

PANAPOS NA PAGSUSULIT

Sa wakas, nasa pinakahuling bahagi ka na ng modyul na ito, masaya


akong nakarating ka na sa panghuling gawain sapagkat layunin nitong
masukat ang iyong natutuhan sa aralin. Kaya huwag ka nang
magpatumpik-tumpik pa, sagutan mo na!
Panuto: Piliin ang letra ng wastong sagot at isulat ito bago ang bilang.
____1. Ito ang bansang pinagmulan ng anekdotang Mullah Nassreddin na kilala
ngayon sa tawag na Iran.
A. Persia B. Peru C. Pilipinas D. Puerto Rico
____2. Sa pagsulat ng anekdota kinakailangan maging kawili-wili ang mga unang
pangungusap nito upang makuha ang ________________ ng mambabasa.
A. damdamin B.inaasahan C. interes D. kiliti
____3. Ito ang estilo sa pagsulat ni Mullah Nassreddin kaya siya ay tinaguriang
alamat ng sining ng pagkukuwento.
A. mapangaral at seryoso
B. mapagbiro at mapagkutya
C. mapagbiro at puno ng katatawanan
D. puno ng katatawanan at mapanghusga
____4. “Kung ano mang mayroon ka na wala sa iba, huwag mag-alinlangan na
ibahagi ito sa iba.” Ang salitang magsalungguhit ay nangangahuluggang
________________.
A. ialok B. ipamigay C. ipagbili D. ipalimos
____5. Ang unang bahagi ng akdang binasa ay pagpapakilala sa tauhang si Mullah
Nasreddin na isang tagapayo at mahusay magkuwento ng katatawanan.
Ang salitang may salungguhit ay nangangahuluggang ________________.
A. kabuuan B. panimula C. parte D. tagpo

13
14
Filipino 10 Modyul Para sa mga Mag-aaral
R3F3Pu_WYutoMAAGQ3iQ_Dl5JTAQymrNAak0MOAdf6U3gKb5pW3Zxd3lKg
https://www.youtube.com/watch?v=A_nO7QV5YNs&feature=youtu.be&fbclid=IwA
https://www.piliapp.com/facebook-symbols/
http://filipino10niwarville.blogspot.com/2015/08/mullah-nassreddin.html
Sanggunian
MODYUL 4:
ARALIN 3.2: ANEKDOTA (Mullah Nassreddin)
Paunang Pagsubok Pagsasanay 1
1. B 1. A
2. D 2. C
3. C 3. B
4. D 4. D
5. A 5. B
Balik-Aral Pagsasanay 2
1. Mitolohiya 1. A
2. Kenya 2. D
3. Pusod 3. B
4. Diwa 4. C
5. Diksyunaryo 5. A
Pagganyak Pagsasanay 3
1. Mosque Pangyayari
2. Biyernes
3. Persia 1. B
4. Kuwento 2. D
5. Aral 3. A
Paglalahat Damdamin
1. ☹ 1.Pagkagulat
2. 😊 2.Pagwawalang bahala
3. 😊 3.Pagkagalak
4. ☹
5. 😊
Panapos na Pagsusulit
1. A
2. C
3. C
4. B
5. C
SUSI SA PAGWAWASTO

You might also like