You are on page 1of 3

FILIPINO 11:

Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino


QUARTERLY ASSESSMENT (Performance Task Type)

FAITHFOLIO – Introduction and Conclusion

Magandang araw! Ngayong linggo (Enero 10-14) at sa susunod na linggo (Enero 17-21)
ay gagamitin ninyo ang oras na nakalaan sa Filipino at RS sa paggawa ng inyong
FAITH-Folio.

Tandaan:
• Ang ginawa ninyong Introduksiyon at Konklusyon sa FAITH-Folio ang siyang
magiging batayan ng marka o grado ninyo sa QA ng Filipino. Ibig sabihin hindi
ang buong Folio ang ipapasa sa akin kundi ang bahaging Introduction at
Conclusion lamang. Ang pagpasa sa akin ng awtput na ito ay mula Enero 17
hanggang sa Enero 28.
• Ang Introduksiyon at Konklusyon ay bubuoin ng DALAWA hanggang TATLONG
TALATA na hindi bababa sa 250 na mga salita (2-3 paragraphs, minimum of
250 words)
• Upang magkaroon na kayo ng gabay sa paggawa o pagsulat ng inaasahang
nilalaman ng introduksiyon at konklusyon , tingnan at basahin ang halimbawa na
aking ginawa.

NILALAMAN:
Introduksiyon: Makabuo ng dalawa hanggang tatlong talata kung saan inaasahan na
maibahagi ang (a) personal na impormasyon; (b) paglalarawan sa antas ng pisikal,
mental, emosyonal o ispiritwal na kalusugan; at (c) pag-uugnay ng wika, komunikasyon,
pagpapahayag at pananampalataya sa paghubog ng sarili at kakayahan.

HALIMBAWA:

‘Lahat ng bagay at sitwasyon na nagaganap ay may kaakibat na dahilan’

Ito na marahil ang mga kataga na madalas kong panghawakan, bilang gabay sa
patuloy na pagbangon, pagpapalakas ng loob at pagbibigay ng panibagong pag-asa. Ang
pag-iwas sa tama ng palaso ay hindi palagiang magaganap, kung kaya’t inihahanda ko
pa rin ang aking sarili sa ilang mga posibilidad at pagsuong tungo sa iba’t ibang mga
balakid at pagsubok.
Ako si Maria Charlene Ann May Mary Marie Anne Princess, ngunit mas kilala sa
tawag na ‘Lesa’ para mas astig. Ipinanganak noong taong 2004, ikadalawampu’t pito ng
buwan ng Marso sa bayan ng Camalig, Albay. Kasalukuyan ay isa akong mag-aaral sa
Akademya ng Sta. Ines na nabibilang sa seksiyon ng 11 – St. Lorenzo Ruiz. Ang pagiging
matangkad ang madalas na pisikal na katangian na sinasambit at naririnig ko mula sa
mga tao. Natural na rin sa akin ang madaling pakikibagay at pakikihalubilo sa mga tao na
nasa aking paligid, ito marahil ay dahil sa magaan na pakikitungo ko sa bawat isa at ang
madalas na pagngiti na kinaaaliwan nang karamihan. Lingid sa kaalaman ng bawat isa
ay malamang hindi rin ako nawawalan ng mga pinagdadaanan sa buhay na nakaaapekto
kung minsan sa aking emosyonal at mental na kalusugan. Naniniwala ako na hindi lahat
ng ngiti na namumutawi sa ating mga labi ay tanda ng kasiyahan, bagkus ito ay maaaring
panangga lamang sa mga dagok na nagaganap sa reyalidad ng buhay. Upang
malampasan ito ay hindi kailanman nawala ang pagkapit sa Panginoon at pagsasanay
sa sarili sa ilang mga gawain na may kaugnayang-ispiritwal. Naging malaki ang tulong o
ambag ng pananampalataya at pakikipagkomunikasyon sa ibang tao sa pagpapagaan
ng sarili at patuloy na pag-abante sa bawat araw na dumarating. Nagsilbing batis ng
kaalaman rin ang asignaturang RS1 upang mas mapalapit pa ang aking loob sa
Panginoon at mas maunawaan nang malaliman ang mga paksain.

Masasabi kong makapangyarihan rin ang wika sapagkat ito ang nagiging lunsaran
ng pakikipag-ugnayan at pagpapahalaga sa sarili kong kapasidad – pasalita man o
pasulat. Bilang isang mag-aaral, marami pa akong ninanais o inaasam at hindi ito
magiging matagumpay kung hindi ko gagamitin ang aking kakayahan sa pagpapahayag.
Ang Faith-folio na ito ay naglalaman ng iba’t ibang mga gawain o aktibidad na kakikitaan
ng pagpapaunlad at pagpapahalaga sa sarili at pananampalataya. Sa mga gawaing ito
napagtanto ko na hindi lamang ito basta isang gawaing pang-akademiko kundi personal
na rin na pagpapabatid ng aking ideya, pananaw at nararamdaman. Kaya’t halina at
samahan ako na muling balikan ang mga mahahalagang aktibidad o gawain dito sa
unang semestre.

NILALAMAN:
Konklusyon: Makabuo ng dalawa hanggang tatlong talata na nagpapakita ng kaugnayan
ng wika at pananampalataya. Pagsagot sa tanong na ‘Ano ang magiging papel ng wikang
Filipino sa pananampalataya bilang isang Katoliko?’ o kaya ‘Paano magagamit ang wika
partikular ang Filipino bilang kagamitan sa pagpapahayag na may kaugnayang-
ispiritwal?’

HALIMBAWA:

Sa mga nagdaang aralin ay mas lalong naging bukas ang aking isipan ukol sa mga
nagaganap sa lipunan partikular sa usaping wika at pananampalataya sa tulong ng
dalawang asignatura ngayong unang semestre. Sa asignaturang Komunikasyon at
Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino, nabigyan ako ng pagkakataon na mas kilatisin
at alamin kung paano ba makatutulong ang kaalaman ko sa wika at komunikasyon sa
pagpapahayag ng aking ideya, emosyon o pananaw sa iba’t ibang paksain. Sa kabilang
dako naman ay mas lalong lumakas ang aking pananalig, pananampalataya at pag-alam
sa sariling kakayahan o kapasidad sa tulong ng Religious Studies 1. Nasisiguro ko na sa
mga susunod pang kwarter o markahan ay mas mapapalalim pa lalo ang aking pag-
unawa na may kaugnayan sa wika at pananampalataya. Ngunit ano nga ba ang magiging
papel ng wikang Filipino sa Pananampalataya at paano ko ito magagamit sa
pagpapahayag na may kaugnayang-isipiritwal?

Nabanggit ni Bob Bonifacio sa kaniyang artikulo mula sa Philippine Journal of


Linguistics, na ang wikang Filipino ay mura pa; at hindi natin magagawang piliting
umusbong ito habang hindi pa napapanahon. Kakailanganin pa itong linangin, bungkalin,
suyurin nang puspusan hanggang sa maiangat sa antas ng mga dinadakilang
kanluraning wika. Nagbigay rin siya ng ilang mga punto ukol sa hindi gaanong paggamit
ng wikang Filipino sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos at pagiging midyum sa pag-aaral
partikular sa larangan ng Teolohiya. Bagamat nailahad niya ito sa kaniyang pag-aaral ay
ninanais niya na manaig pa rin ang ating wika sapagkat mas may kapangyarihan ito sa
madaliang pakikipag-ugnayan sa mga Pilipino. Kung papansinin sa ating paligid sa
kasalukuyang panahon ay hindi na nagiging huli at bago ang paggamit ng wikang
Pambansa partikular sa pagpapahayag na may kinalaman sa pananampalataya. Ang
wikang mas nauuunawaan ng karamihan at ng ordinaryong mamamayan ang
magsisilbing sagwan sa pagpapahatid ng mensahe at salita ng Diyos.

Hindi natin maikakaila na malaki na ang tulong ng wikang ito upang mas mapalalim
ang pag-alam at pag-unawa sa ating relihiyon. Kung buong puso ang pagtanggap ng mga
pahayag na may kaugnayang-ispiritwal, maaaring maging sanhi ito upang maipabatid rin
sa iba lalo na sa mga Kristiyano/Katoliko ang kadakilaan ng Panginoon. Bilang isang
mag-aaral, ay may kakayahan o kapasidad rin ako upang magsilbing instrumento ng
pagbibigay kaalaman ukol sa pananampalataya gamit ang wikang aking kinagisnan at
isa sa mga iyon ay ang pagbuo ko ng Faithfolio na ito.

- Ms. Charlene M. Miraflor

You might also like