You are on page 1of 6

PAGSULAT NG

KATITIKAN NG
PULONG

Sa modyul na ito, inaasahang magagawa mong:


• mabigyang-kahulugan ang isang katitikan ng pulong;

• makilala ang layunin, gamit, mga katangian, at anyo ng mahusay na


katitikan ng pulong;
• matukoy ang kahalagahan ng pagsulat ng katitikan ng pulong;
• matalakay ang mga hakbang sa pagsulat ng katitikan ng pulong;
• matukoy ang mahahalagang impormasyon na pinakinggan at binasa
upang makabuo ng katitikan ng pulong;
• masuri ang kalakasan at kahinaan ng katitikan ng pulong;
• maisaalang-alang ang etika sa binubuong katitikan ng pulong; at
• makasunod sa estilo at teknikal na pangangailangan ng katitikan ng
pulong.
DALOY NG MODYUL
TALAKAYIN AT UNAWAIN

ANG KATITIKAN NG PULONG


Halos lahat ng mga grupo, organisasyon, at kompanya ay may mga pulong na kailangang irekord ang mga pag-uusap
tungkol sa partikular na paksa, mga napagpasiyahang aksiyon, mga rekomendasyon, mahahalagang isyung lumutang sa
pulong, at iba pa. Anuman ang layunin o uri ng pulong— tungkol sa mga pagbabago sa polisiya o sa pagbibigay ng
magandang balita, regular o espesyal na pulong, pormal o impormal— kailangang maitala ang mahahalagang napag-
usapan o nangyari dito. Ang dokumentong nagtatala ng mahahalagang diskusyon at desisyon ay tinatawag na katitikan
ng pulong.

TAMPOK NA TEKSTO

Pambansang Samahan sa Pagsusulong ng Wika at Panitikang Filipino (PSPWPF) Silid Blg. 401, Gusaling San
Alberto Magno, Pamantasan ng Bagong Pilipinas

Regular ng Pulong 2019-3


Petsa: Ika-20 ng Mayo 2018
Lunan: Conference Room, Gusaling San Alberto Magno, ALSU
Nakadalo: Dr. Jason dela Cruz
Dr. Neil Dimaculangan
Prof. Lester Paul Datuin
Prof. Rouena Villarama
Dr. Elizabeth Gomez
Dr. Ma. Rosario Vergara

Di Nakadalo: Prof. Martin Ericson Santos


Dr. Selene Santillan

1. Nagsimula ang pulong ganap na 10:30 n. u. sa pangunguna ni Dr. dela Cruz, pangulo.
2. Hiniling ni Dr. Vergara ang pagpapatibay ng katitikan ng nakaraang pulong na pinangalawahan ni Dr.
Dimaculangan.
3. Dalawang bagong opisyal ang papasok sa organisasyon sa katayuang probation. Sila sina Dr. Elizabeth Cruz na
magsisilbing katuwang na kalihim at Prof. Edilberto Manapat na magsisilbi namang ingat-yaman. Sinang-ayunan
ng mga dumalong opisyal ang mosyon.
4. Iminungkahi ang pagpapasok ng probisyon sa Saligang Batas tungkol sa pagkakaroon ng mga tagapag-ugnay
panrehiyon upang mapalakas ang koordinasyon ng PSPWPF sa mga lalawigan. Sa Bicol, maaaring maging
tagapag-ugnay si Prof. Marites Aragones samantalang sa Timog Luzon, si Dr. Ma. Mercedes Santos. Ihaharap sa
Pambansang Kongreso at Asemblea ang mga panukalang pagbabago sa Saligang Batas.
5. Itutuloy ang libreng seminar sa Liceo de Manila sa ika-30 ng Agosto 2018. Sina Prof. Datuin at Prof. Villarama
at dalawang taga-Liceo de Manila ang magsisilbing mga tagapagsalita. Magsisimula ito ng 9:00 n. u.
6. Hiniling ng Kolehiyo de Santa Monica na gawing dalawang araw ang libreng seminar sa ika -21–22 ng Hunyo
2018. Magiging tagapagsalita ang mga sumusunod: Dr. dela Cruz – pananaliksik; Dr. Dimaculangan – dif
erentiated instruction; Prof. Villarama – pagtataya sa Filipino; Dr. Gomez – samu’t saring paglilinaw sa
gramatikang Filipino; at Dr. Santillan – pagsusuri ng pelikula.
7. Gaganapin ang pambansang seminar ng PSPWPF sa ika-28–30 ng Oktubre 2018, Lunes– Miyerkoles sa
Bulwaga ng Nicanor Abelardo,Unibersidadng Tacloban na may temang “Suri, Saliksik, Sanay.” Magiging direktor
si Dr. Dimaculangan at mga katuwang na direktor sina Prof. Datuin at Prof. Vergara. Ang mga delegado ay
magmumula sa elementarya, hayskul, at kolehiyo.
8. Itutuloy ang paglalabas ng Sulo Journal bilang parangal kay Dr. Jose Villa Panganiban. Ika -30 ng Hulyo 2019
ang palugit ng pagpapasa ng mga artikulo. Ang haba ay 15–30 pahina, 1-inch margin sa lahat ng panig, Arial 12
ang font at font size, at sunod sa estilong MLA. Kukuha ng mga internasyonal na tagasuri gaya ni Dr. Ruth Elynia
Mabanglo.
9. Ang direktoryo ng mga kasapi ng PSPWPF ay gagawin nina Dr. Gomez at Prof. Villarama.
10. Natapos ang pulong ganap na 12:40 n. h. Ang susunod na pulong ay gaganapin sa ika-12 ng Hulyo 2018.

Itinala ni:
Prof. Lester Paul Datuin

KAHALAGAHAN NG KATITIKAN NG PULONG

Ginagamit ang katitikan ng pulong upang ipaalam sa mga sangkot sa pulong, nakadalo o di-nakadalo, ang mga nangyari
rito: kailan at saan ito nangyari, sino-sino ang mga dumalo, sino-sino ang lumiban at ano-ano ang kanilang mga dahilan,
ano ang pinag-usapan, ano ang mga desisyon, at iba pa. Makikita sa mga mas detalyadong katitikan ng pulong (depende
sa sitwasyon kung gagawing mas detalyado ang katitikan) kung sino ang nagsabi ng ano, kanino, ano ang tugon dito ng
pinatutungkulan at ng iba pang nasa pulong at sino-sino ang magkakapareho ng posisyon sa isang isyu.

Katulad ng korespondensiya opisyal, nagsisilbing permanenteng rekord ang mga katitikan ng pulong. I mposibleng
matandaan ang lahat ng detalye ng pinag-usapan o nangyari sa pulong. Tandaang hindi magandang idea ang iasa ang
lahat sa iyong memorya. Gaano man katalas ang memorya, hindi maaasahang mananatili nang matagal sa isip ang mga
detalye.
Sa pamamagitan ng mga katitikan ng pulong, maaaring magkaroon ng nahahawakang kopya ng mga nangyaring
komunikasyon. Sa paglipas ng panahon, maaaring maging mahalagang dokumentong pangkasaysayan ang isang katitikan
ng pulong. Halimbawa rito ang katitikan ng mga pulong na nilahukan ni Andres Bonifacio at iba pang opisyal ng Katipunan.

Isa pa sa mga kahalagahan ng pagkakaroon ng katitikan ng pulong ang pagiging hanguan nito ng mga impormasyon para
sa mga susunod na pulong. Maaari itong gawing sanggunian, halimbawa, kapag may malaking epekto ang ginanap na
pulong sa mga susunod na proyekto o gawain sa loob ng organisasyon. Katulad din ng korespondensiya opisyal at iba pang
opisyal na dokumento ng organisasyon o kompanya, magagamit ang katitikan ng pulong bilang ebidensiya sakaling
magkaroon ng pagtatalo sa dalawa o higit pang indibidwal o grupo.

Ginagamit din ang katitikan ng pulong upang ipaalaala sa mga indibidwal ang kanilang mga papel o responsabilidad sa
isang partikular na proyekto o gawain. Isa rin ito sa mga batayan ng kagalingan ng indibidwal.Ilang beses siyang lumiban
o nahuli sa dating sa mga pulong? Anong magagandang idea ang kaniyang inihain? Gaano siya kabukas sa mga mungkahi
at idea ng mga kasama sa trabaho?

GABAY SA PAGSULAT NG KATITIKAN NG PULONG


Ang sumusunod na gabay ay makatutulong sa pagsulat ng maayos at mahusay na katitikan ng pulong.

BAGO ANG PULONG


Kung naatasan o nagboluntaryong magsulat ng katitikan ng pulong, siguraduhing hindi ang sarili ang pangunahin o
pinakaimportaneng kalahok dito. Mahahati lamang ang iyong atensiyon. Lumikha ng isang template sa pagtatala upang
mapadali ang pagsulat. Maglaan ng maraming espasyo.

Bago pa man magsimula ang pulong, basahin na ang inihandang adyenda upang madali na lamang sundan ang magiging
daloy ng mismong pulong. Mangalap na rin ng mga impormasyon tungkol sa mga layunin ng pulong, sino na ang mga
dumating, at iba pa. Maaaring magtanong sa mamamahala sa pulong at sa mga dumalo. Sa pamamagitan nito, hindi na
mahihirapang unawain kung ano ang nangyayari sa pulong. Maaaring gumamit ng lapis o bolpen at papel, laptop, o audio
recorder.

HABANG NAGPUPULONG

Hindi kailangang itala ang bawat salitang maririnig sa pulong. Hindi iyon ang kahingian ng pagsulat ng katitikan ng pulong.
Nagsusulat nito upang ibigay ang balangkas ng mga nangyari sa pulong, hindi ang irekord ang bawat sabihin ng mga
kalahok. Magpokus sa pag-unawa sa pinag-uusapan at sa pagtala ng mga desisyon o rekomendasyon. Itala ang mga
aksiyon habang nangyayari ang mga ito, hindi pagkatapos.

PAGKATAPOS NG PULONG

Repasuhin ang isinulat. Maaaring magdagdag ng mga komento. Kung may mga bagay na hindi naintindihan, lapitan at
tanungin agad pagkatapos ng pulong ang namahala rito o ang iba pang dumalo. Gawin ito habang sariwa pa sa isipan ng
lahat ang mga impormasyon.
Kapag tapos nang isulat o i-encode ang katitikan ng pulong, ipabasa ito sa namuno sa pulong para sa mga hindi wastong
impormasyon. Mas mainam na may numero ang bawat linya at pahina ng katitikan upang madali itong matuko y sa
pagrerepaso o pagsusuri sa susunod na pulong. Repasuhin muli ang isinulat at tingnan kung wasto ang baybay ng salita,
bantas, at iba pa. Ibigay ito sa mga dumalo sa pulong sa oras na matapos ang pinal na kopya. Magtabi ng kopya sakaling
may humiling na repasuhin ito sa hinaharap.

You might also like