You are on page 1of 4

1

FILIPINO 11
Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino
Ikalawang Markahan

Pangalan: __________________________________________ Petsa: _______________


Pangkat: ___________________________________________ Ikaanim na Linggo

ISAISIP
Kakayahang Diskorsal
Bahagi ng komunikasyon ang diskurso. Ito ay tumutukoy sa pagpapahayag ng mga
ideya, nosyon, teorya, at sa pangkalahatan, ang kahulugang maaaring nasa pasulat o
pasalitang paraan. Halimbawa ng pasalitang diskurso ay pag-uusap tulad ng
pakikipagkuwentuhan, debate, at kumustahan. Ang pasulat nito ay natutunghayan sa palitan
ng liham at korespondensiyang nangangailangan ng tugon (De Vera, 2010).

Hindi lamang wika ang tinutukoy sa diskurso, kundi maging ang aktuwal na gamit
nitong lampas sa usapin ng gramatika. Maaaring suriin ang diskurso sa pamamagitan ng
pagtingin sa ugnayan ng wika at ng konteksto kung saan ito ginamit. Kabilang sa
komunikatibong kakayahan ng isang indibiduwal ang taglay nitong kakayahang diskorsal
(discourse competence) na nagbibigay-pansin sa kakayahang bigyan ng interpretasyon ang
isang serye ng mga napakinggang pangungusap upang makagawa ng isang makabuluhang
kahulugan. Ang tagumpay ng pag-unawa sa isang diskurso ay sang-ayon sa kaalamang
taglay, kapuwa ng mga nag-uusap (world knowledge) at ng kaalamang lingguwistika,
estruktura, diskurso, at kaalaman sa social setting (Tiongnan, 2011).

May iba’t ibang teorya ng diskurso na naipanukala ng mga iskolar sa komunikasyon.


Nariyan ang Speech Act Theory na tumutukoy sa paniniwalang anoman ang ating sabihin,
lagi itong may kaakibat na kilos, maging ito man ay paghingi ng paumanhin, pagbibigay-
babala, paghihimok, at iba pa. Kaugnay nito, may tatlong gawi ng pagsasalita ang taong
tagapaghatid ng pahayag (De Vera,2010). Ito ay maaaring lokusyunaryo, na ang gawi ay
nagpapahayag ng literal na paglalarawan at pagkaunawa sa ginamit na wika. Literal,
sapagkat sinasabi ang aktuwal na ginagawa o kilos at binabanggit din ang mga tinatawag na
performative verb. Halimbawa nito ay pag-uulat, pagtatanong, pagsubok, at iba. Ikalawang
gawi ay ang ilokusyunaryo na may aktong nagpapahayag ng tungkulin sa
pagsasakatuparan ng bagay o mensahe, batay sa nais o intesiyon ng tagapaghatid.
Halimbawa: Sasamahan kitang kumain sa labas (pahiwatig ng pangako); Maaari mo ba
akong samahan kumain sa labas (pakiusap); Samahan mo akong kumain sa labas (pautos).
Ikatlo at huli sa gawi ay ang perlokusyunaryo na may aktong nagpapahayag ng bisa,
puwersa, o epekto ng pahayag ng aktong ilokusyunaryo. Halimbawa: Tumupad siya sa
kaniyang pangako; isinakatuparan ng anak ang utos ng magulang.

Kabilang din sa mga teorya ng diskurso ay ang Etnograpiya ng Komunikasyon


(ethnography of communication) na nauukol sa pag-aaral ng mga sitwasyon, gamit, patern,
at tungkulin ng pagsasalita. Ikalawa ay ang Teoryang Pragmatik na nakatuon sa
kaangkupan ng gamit ng wika sa isang partikular na sitwasyon; at ang ikatlo ay ang
Variationist Theory na nakapokus sa baryasyon ng wikang ginagamit ng mga taong
sangkot sa isang diskurso. Nakapaloob dito ang pagkakaiba sa tono, intonasyon, at gamit
ng salita, gayon din ang estrukturang panggramatika ng nagsasalita.
2

Teksto at Konteksto ng Diskurso


Teksto ang inilalarawang wika o ideyang itinatawid o pinagpapalitan sa diskurso;
samantalang ang kahulugan (berbal o hindi berbal) na matutunghayan mula rito ay
tinatawag na konteksto.

May iba’t ibang konteksto ang diskurso. Halimbawa nito ay ang kontekstong
interpersonal na makikita sa usapan ng magkaibigan; ang kontekstong pampangkatan
na matutunghayan sa pulong ng pamunuan ng isang samahan; ang kontekstong pang-
organisasyon na matatagpuan sa halimbawa ng memorandum ng pangulo ng isang
kompanya sa lahat ng mga empleyado; at ang kontekstong interkultural na nagtatampok
sa pagpupulong o pag-uusap ng mga sangkot mula sa iba’t ibang lahi at bansa.

Ang isang pasalitang diskurso ay may estruktura at isa ang modelo nina Siclaire at
Coulthard (S&C) sa ginagamit upang suriin ang nabanggit. Nagsimulang gamitin ang orihinal
na modelong ito sa konteksto ng eskuwelahang primarya noong 1970. Ang palitan o toka
(exchange) ay kinapapalooban ng mga sulong (moves). Dito sa mga sulong ay
matutunghayan ang mga akto (acts). Ang palitan ay may dalawang uri: (1) ang boundary
exchanges na nagbibigay-hudyat ng transisyon mula sa isang bahagi ng leksiyon tungo sa
susunod, sa pangunguna ng guro; at (2) teaching exchanges na kinasasangkutan ng tanong
at sagot at pagbibigay tugon sa mga sagot.

Sa modelong S&C matutunghayan ang limang uri ng sulong (moves) at ito ay ang
framing at focusing na tumutukoy sa boundary exchanges, opening, answering, at follow-up
moves na tumutukoy sa teaching exchanges. Bilang mga elemento ng estruktura, ang mga
ito ay binigyan ng katawagan IRF na kadalasan ay tumutukoy sa modelong S&C at
kinapapalooban ng tatlong estrukturang bahagi (Cockayne, 2010).

Ang IRF nina Sinclaire at Coulthard ay maaaring gamitin para sa analisis ng


diskurso. Nakapaloob dito ang Inisasyon (I), Responde (R), at Follow –up (F), ayon sa
pagkakasunod-sunod. Maaaring magsimula ang bawat palitan ng pahayag sa tanong at sa
utos. Maaari ding respondehan ito ng salita o aksiyon. Samantala, ang follow-up ay
maaaring akto ng paggalang o apirmasyon na maaaring pahabain pa.

Sa kabilang banda, sa pasulat na diskurso ay pangunahing isinasaalang-alang ang


estrukturang gramatikal ng wika (parirala, sugnay, at pangungusap) at ang
kontekstuwalisadong gamit nito. Ayon kina Garcia et al. (2007), sa pagbuo ng isang
maugnaying pasulat na diskurso ay kinakailangang gumamit ng mga pang-ugnay, gaya ng
paggamit ng mga referens. Halimbawa ng mga ito ay panghalip panao gaya ng siya, sila, at
iba pa; panghalip pamatlig gaya ng ito, iyon, iyan, at iba pa; ang panandang “ang” at pang-
abay na “gaya ng, tulad ng,” at iba pa; ang gamit ng elipsis (…); at ang gamit ng mga
pangatnig.

KASANAYANG PAMPAGKATUTO
1. Nahihinuha ang layunin ng isang kausap batay sa paggamit ng mga salita at
paraan ng pagsasalita (F11WG-IIf-88).
3

SUBUKIN

Gawain 1. Itranskrip Mo
Panuto: Sumulat ng sariling transkripsiyon mula sa anomang kontekstong panlipunan, gaya
ng sariling tahanan, pamilihan, paaralan, at iba pa. Ilagay ito sa mga kahon, alinsunod sa
modelong IRF nina Sinclair at Coulthard.

Inisasyon

Responde

Follow-up

Gawain 2. Diskurso Mo, Ilarawan Mo


Panuto: Gumawa ng sariling diskurso at ilarawan ito ayon sa konteksto nito. Suriin din ito
ayon sa larangan, tenor, at modo nito.

DISKURSO KONTEKSTO

LARANGAN TENOR MODO

Gawain 3. Sagutin Mo Ako


4

Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang mga tanong. Matapat na sagutin ang mga ito.

1. Ano ang ibig sabihin ng kakayahang diskorsal? Paano ito matataglay ng isang tao?
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________

2. Bilang isang indibiduwal, bakit kailangang magtaglay ng kakayahang diskorsal?


Maglahad ng tatlong kahalagahan nito at ipaliwanag ang bawat isa.
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________

3. Bilang isang mag-aaral, paano nagagamit ang mga lokal o etnolingguwistikong wika
sa lipunan ngayong panahon ng krisis? Maglahad ng tatlong gampanin ng wika sa
panahong itoat ipaliwanag kung paano ito nakatutulong.
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________

SUSI SA PAGWAWASTO

Maaaring magkaroon ng iba’t ibang sagot ang mga mag-aaral.

SANGGUNIAN

Nuncio, Rhoderick V., Elizabeth M. Nuncio, Rogelio Valenzuela, Vilma A. Malabuyoc, Aileen
Joy G. Saul, Jean Marie D. Gragasin, and Ma. Anna Villanueva. Sidhaya 11 Komunikasyon
at Pananaliksik Sa Wika at Kulturang Pilipino. Quezon City: C&E Publishing, 2016.

Inihanda:

Roselle P. de Jesus
Rafael L. Lazatin Memorial High School

You might also like