You are on page 1of 38

Page !1 of !

38

ANG LEKSYON

Salin ni Erika Estacio

ng “The Lesson” ni Eugene Ionesco

MGA TAUHAN:

ANG PROPESOR

ANG BABAENG ESTUDYANTE

ANG KASAMBAHAY

TAGPO:

Sa bahay ng Propesor, sa kanyang opisina na kanya ring hapag-kainan.

Magsisimula ang dula sa tunog ng doorbell, kasunod ang boses ng KASAMBAHAY na galing sa labas
ng silid.

BOSES: Sandali lang!

(Maririnig ang pagbaba sa hagdan ng KASAMBAHAY. Pagkatapos ng ilang sandali ay makikita siya sa
entablado, papasok na parang bugso ng hangin. Tutunog muli ang doorbell.)

KASAMBAHAY: Oo, ‘andyan na!

(Bubuksan niya ang pintuan at papasok ang BABAENG ESTUDYANTE.)

KASAMBAHAY: Magandang umaga, Mademoiselle.

ESTUDYANTE: Magandang umaga. ‘Andyan po ba ang Propesor?

KASAMBAHAY: Nandito ka ba para sa leksyon?

ESTUDYANTE: Opo.

KASAMBAHAY: Hinihintay ka n’ya. Maupo ka muna at tatawagin ko siya.

ESTUDYANTE: Salamat.

(Mauupo ang ESTUDYANTE. Tatawagin ng KASAMBAHAY ang PROPESOR.)


Page 2! of 38
!

KASAMBAHAY: Sir? Nandito na ho ang estudyante n’yo!

(Maririnig ang boses ng PROPESOR.)

BOSES: Sige, salamat, pababa na ako... sandali lang...

(Lalabas ang KASAMBAHAY. Tahimik na maghihintay ang ESTUDYANTE. Pagkatapos ng ilang saglit ay
papasok ang PROPESOR.)

PROPESOR: Magandang umaga, magandang umaga... Ikaw... uh... Marahil ikaw nga ang...
uh... bagong estudyante?

(Tatayo ang ESTUDYANTE at iaabot ang kamay sa PROPESOR.)

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Magandang umaga po, Sir. Dumating po ako sa takdang oras.
Ayoko pong mahuli.

PROPESOR: Mabuti naman. Tama, napakabuti no’n. Salamat. Pero hindi mo naman
kailangang magmadali masyado. Hindi ko alam kung paano hihingi ng
paumanhin sa ‘yo dahil pinaghintay kita... May tinatapos lang ako... alam mo
kasi... uh... Paumanhin... Sana... mapatawad mo ako...

ESTUDYANTE: Oh, pero hindi po kailangan. Wala pong anuman sa ‘kin ‘yon, Sir.

PROPESOR: Oo nga, tatlumpung taon na ako dito sa bayang ‘to. Bago ka pa lang.
Kumusta ka naman dito?

ESTUDYANTE: Oh! Gustung-gusto ko po rito. Napakaganda, kahali-halina, may parke, may


boarding school para sa mga babae—pagkatapos may obispo at mga
nakakatuwang tindahan at mga kalye at mga pasyalan...

PROPESOR: Tama... Siyempre tama ka. Pero alam mo, gusto ko pa ring tumira sa ibang
lugar. Sa Paris, halimbawa, o kahit man lang sa Bordeaux.

ESTUDYANTE: Gusto n’yo po ba sa Bordeaux, Sir?

PROPESOR: Hindi ko masasabi. Hindi ko talaga alam.

ESTUDYANTE: Pero alam n’yo po ang Paris?


Page 3! of 38
!

PROPESOR: Gaya ng... uh... Bordeaux, alam mo, hindi talaga. Pero kung pagbibigyan mo
ako, marahil pwede mong sabihin sa akin... ngayon, ang Paris ay ang kabisera
ng... uh...?

(Sandaling mag-iisip ang ESTUDYANTE.)

ESTUDYANTE: Paris ang kabisera ng... France?

PROPESOR: Oo, tama, oo! Bravo! Magaling! Napakahusay! Binabati kita. Alam na alam
mo ang heograpiya ng iyong bansa. Ang mga kabisera.

ESTUDYANTE: Oh, hindi po lahat, Sir. Hindi po gano’n kadali, mahirap po silang matutunan.

PROPESOR: Matututunan mo rin sila sa tamang oras... maniwala ka, Mademoiselle...


Paumanhin... kaunting pasensiya... makikita mo, darating din ‘yon... Maganda
ang panahon natin ngayon... o marahil hindi masyado... uh... pero bakit
naman hindi? Hindi naman gano’n kasama at ‘yon ang mahalaga... uh... uh...
hindi umuulan... sa katunayan hindi rin umuulan ng snow.

ESTUDYANTE: Nakakagulat po ‘yon ngayong tag-araw.

PROPESOR: Patawarin mo ako, Mademoiselle, ‘yon mismo ang sasabihin ko... pero
matututunan mo ring kailangang maging handa sa kahit na ano.

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Natural.

PROPESOR: Ang snow ay bumabagsak tuwing tag-lamig, tuwing winter. Ang winter ay isa
sa apat na panahon. Ang natitirang tatlo ay...

ESTUDYANTE: Tagsibol o spring. Tag-araw o summer. At taglagas o... uh...

PROPESOR: Nagsisimula na parang “automobile”, Mademoiselle.

ESTUDYANTE: Ah, opo! Autumn...

PROPESOR: Mahusay, Mademoiselle. Napakabuting sagot. Talagang napakahusay.


Naniniwala akong isa kang napakagaling na estudyante. Madali kang
matututo. Matalino ka, mukhang maraming kaalaman, may mahusay na
memorya.
Page 4! of 38
!

ESTUDYANTE: Alam na alam ko po ang mga panahon, ‘di po ba, Sir?

PROPESOR: Alam na alam mo nga, Mademoiselle... o halos alam na alam. Pero darating
din ‘yan sa tamang oras. At kung ano pa man, hindi naman masama ang lahat
ngayon. Malalaman mo rin silang lahat balang araw... ang lahat ng mga
panahon nang nakapikit ang ‘yong mga mata. Tulad ko.

ESTUDYANTE: Napakahirap po no’n.

PROPESOR: Hindi naman. Kaunting pagsisikap lang. Kaunting paniniwala, Mademoiselle.


Makikita mo. Darating ‘yon. Pangako.

ESTUDYANTE: Umaasa po ako, Sir. Uhaw po ako sa kaalaman. At ang mga magulang ko rin
po, gustung-gusto nilang magpursige ako sa pag-aaral. Gusto po nilang
magpakadalubhasa ako. Naniniwala po silang sa panahon ngayon, hindi na
sapat ang kaunting kaalaman sa pangkalahatang kultura, gaano man po
kahusay ang pagkakaturo rito.

PROPESOR: Mademoiselle, tamang-tama ang ‘yong mga magulang. Kailangan mong


ipagpatuloy ang ‘yong pag-aaral. Ipagpaumanhin mo, pero talaga namang
napakahalaga no’n. Napakahirap nang unawain ng buhay sa ngayon.

ESTUDYANTE: At napakasalimuot po!... Siyempre, masuwerte po ako, maykaya ang mga


magulang ko. Kaya po nila akong tulungan para mapag-aralan at makuha ang
pinakamataas na antas na meron.

PROPESOR: At gusto mong magpasa ng aplikasyon para sa isang interbyu...

ESTUDYANTE: Sa lalong madaling panahon po. Para masimulan ko na po ang Doctorate ko.
Tatlong linggo po mula ngayon ‘yon.

PROPESOR: Tingnan natin, ngayon, kung papayagan mo akong magtanong... mayroon ka


ng sertipikasyon sa pag-alis sa eskuwela?

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Para sa Art at Science.

PROPESOR: Oh, napakahusay mo na—para sa ‘yong edad. At anong Doctorate ang gusto
mong pag-aralan? Material Scrience o Normal Philosophy?
Page 5! of 38
!

ESTUDYANTE: Mas gusto po ng mga magulang ko kung pag-aaralan ko ang lahat ng


Doctorates—kung posible po ‘yon sa tingin n’yo, kahit na sa maikling oras.

PROPESOR: Lahat ng Doctorates?... Napakatapang mong binibini. Talaga namang taos-


puso kitang binabati. Kung gano’n, susubukan natin, Mademoiselle, gagawin
natin ang lahat para sa ‘yo. Kunsabagay, napakamaalam mo na. At napakabata
pa rin.

ESTUDYANTE: Oh, Sir!

PROPESOR: O siya, sige! Hindi tayo magsasayang ng oras. Ipagpaumanhin mo, kung ‘yong
mamamarapatin... marahil mabuti pang magsimula na tayo.

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Pakiusap, ‘wag na po kayong humingi ng paumanhin. Sabik na po


akong magsimula.

PROPESOR: Kung gano’n marahil maaari kitang pakiusapan na maupo sa upuang ‘yon... sa
isang ‘yon... at kung pahihintulutan mo ako, Mademoiselle, kung wala kang
pagtutol, mauupo ako sa ‘yong harap?

ESTUDYANTE: Oo naman po, Sir. Siyempre, sige po.

PROPESOR: Salamat, Mademoiselle.

(Mauupo silang magkaharap.)

PROPESOR: Ayan! Dala mo ba ang mga libro mo?

(Ilalabas ng ESTUDYANTE ang mga libro mula sa kanyang bag.)

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Siyempre, Sir. Lahat po ng kailangan natin.

PROPESOR: Napakahusay. Napakahusay, Mademoiselle. Kung gano’n, kung ‘yong


mamarapatin, maaari... na tayong... magsimula?

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Handa na po ako sa inyo, Sir.

PROPESOR: Handa na sa akin? ... Ako ang handa na sa ‘yo, Mademoiselle. Ako’y nasa
iyong lingkod.
Page 6! of 38
!

ESTUDYANTE: Oh, talaga naman po, Sir...

PROPESOR: Kung gano’n, kung... uh... tayo... uh... tayo, ibig kong sabihin, ako...
magsisimula ako sa pagbibigay sa ‘yo ng maikling pagsusulit sa kaalamang
mayroon ka ngayon, na magbibigay sa akin ng ideya kung anong kailangan pa
nating trabahuhin sa hinaharap... Mabuti. Anong pakiramdam mo sa ‘yong
pang-unawa sa plurality?

ESTUDYANTE: Medyo malabo po... at nalilito.

PROPESOR: Sige. Titingnan natin.

(Papasok ang KASAMBAHAY at mistulang maiinis ang PROPESOR. Pupunta ang KASAMBAHAY sa
tukador, may hahanapin sa loob, at mananatili.)

PROPESOR: Ngayon, Mademoiselle, anong masasabi mo kung mag-Aritmetik tayo... ‘yon


ay kung mamarapatin mo...

ESTUDYANTE: Siyempre po, Sir. Pumapayag po ako. Wala na po akong higit na mahihiling
pa.

PROPESOR: Ito’y bagong agham pa lamang, modern science: sa mahigpit na pananalita


marahil dapat itong tawaging isang method sa halip na isang science... Isa rin
itong therapy. (sa KASAMBAHAY) Marie, tapos ka na ba?

KASAMBAHAY: Oho, Sir. Nahanap ko na ho ang hinahanap kong plato. Paalis na rin ako...

PROPESOR: Dalian mo, pakiusap, at bumalik ka na sa kusina.

KASAMBAHAY: Oho, Sir. Aalis na ako.

(Magsisimulang umalis ang KASAMBAHAY ngunit titigil.)

KASAMBAHAY: Ipagpaumanhin n’yo ho, Sir, pero pakiusap mag-ingat kayo. ‘Wag ho kayong
maging sobrang sabik.

PROPESOR: Nakakatawa ka, Marie. Wala kang dapat ipag-alala.

KASAMBAHAY: Pero ‘yan ho ang palagi n’yong sinasabi.


Page 7! of 38
!

PROPESOR: Walang basehan ang mga ipinahihiwatig mo. Marunong akong kumilos ng
nararapat. Matanda na ako.

KASAMBAHAY: ‘Yon na nga ho, Sir. Mas makakabuti ho sa inyo kung hindi n’yo sisimulan si 

Mademoiselle sa Aritmetik. Wala hong ginawang mabuti ang Aritmetik kahit
kanino. Pinapagod lang ho kayo at binubwisit.

PROPESOR: Masyado na akong matanda para ro’n. At wala kang pakialam. Wala ka
namang karapatang maparito.

KASAMBAHAY: Gano’n na nga ho, Sir. Pero ‘wag n’yo hong sasabihing hindi ko kayo
binalaan.

PROPESOR: Hindi ako interesado sa mga babala mo, Marie.

KASAMBAHAY: Dapat gawin ni Monsieur ang kung ano sa tinging n’ya ang tama.

(Lalabas ang KASAMBAHAY.)

PROPESOR: Ipagpatawad mo ang abalang ‘yon, Mademoiselle... Sana’y maintidihan mong


palaging natatakot ang matandang ‘yon na papagurin ko ang sarili ko. Nag-
aalala siya sa kalusugan ko.

ESTUDYANTE: Oh, walang anuman po ‘yon, Sir. Mahal po niya kayo. Marahil ay tuwang-tuwa
po siya sa inyo. Mahirap pong humanap ng mabuting kasambahay.

PROPESOR: Talagang sumusobra na siya. Hindi niya kailangang mag-alala. Balikan na


natin ang ating Aritmetik.

ESTUDYANTE: Susundan ko po kayo, Sir.

PROPESOR: Pero nakaupo ka pa rin!

ESTUDYANTE: Parang kayo po, Sir!

PROPESOR: Mabuti! Kung gano’n, mag-Aritmetik na tayo?

ESTUDYANTE: Ikatutuwa ko po ‘yon, Sir.

PROPESOR: Kung gano’n marahil mamarapatin mong sabihin sa akin...


Page 8! of 38
!

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Ituloy n’yo po.

PROPESOR: Ano ang isa ‘pag dinagdagan ng isa?

ESTUDYANTE: Ang isa ‘pag dinagdagan ng isa ay dalawa po.

PROPESOR: (mamamangha) Talagang napakagaling! Higit kang nauuna sa mga aralin mo.
Hindi ka mahihirapang maipasa ang lahat ng mga Doctorate examinations
mo.

ESTUDYANTE: Masaya po akong marinig ‘yan, Sir. Lalo na po’t galing sa inyo.

PROPESOR: Magpatuloy pa tayo. Ano ang dalawa ‘pag dinagdagan ng isa?

ESTUDYANTE: Tatlo po.

PROPESOR: Ang tatlo at isa?

ESTUDYANTE: Apat po.

PROPESOR: Apat at isa?

ESTUDYANTE: Lima po.

PROPESOR: Lima at isa?

ESTUDYANTE: Anim po.

PROPESOR: Anim at isa?

ESTUDYANTE: Pito po.

PROPESOR: Pito at isa?

ESTUDYANTE: Walo po.

PROPESOR: Pito at isa?

ESTUDYANTE: Walo pa rin po.

PROPESOR: Napakagaling na sagot. Pito at isa?

ESTUDYANTE: Walo po ulit.


Page 9! of 38
!

PROPESOR: Napakahusay. Perpekto. Pito at isa?

ESTUDYANTE: Walo po sa pang-apat na beses. At minsan po siyam.

PROPESOR: Kahanga-hanga! Kahanga-hanga ka! Napakahusay! Malugod na pagbati,


Mademoiselle. Wala nang saysay pa ang magpatuloy. Napakagaling mo sa
addition. Subukan natin ang subtraction. Sabihin mo sa akin, kung hindi ka
pa pagod, ano ang matitira ‘pag binawasan mo ng tatlo ang apat?

ESTUDYANTE: ‘Pag binawasan po ng tatlo ang apat?... Tatlo mula sa apat?

PROPESOR: Oo, ‘yon nga. Ang ibig kong sabihin, ano ang apat ‘pag binawasan ng tatlo?

ESTUDYANTE: Magiging... pito?

PROPESOR: Ipagpaumanhin mo kung sasalungatin kita, pero ang tatlo ‘pag binawas sa
apat ay hindi pito. Nagugulo mo ito. Ang tatlo ‘pag dinagdagan ng apat ay
magiging pito, bawasan mo ng tatlo ang apat at ito’y magiging?... Hindi na ‘to
addition, ngayon kailangan mo nang mag-subtract.

ESTUDYANTE: (nahihirapang maintindihan) Ah... opo...

PROPESOR: ‘Pag binawasan ng tatlo ang apat, magiging... Ilan... ilan?

ESTUDYANTE: Apat?

PROPESOR: Hindi, Mademoiselle. Hindi ‘yon ang sagot.

ESTUDYANTE: Tatlo?

PROPESOR: Hindi rin ‘yon tama, Mademoiselle... Ipagpaumanhin mo... Hindi ‘yon
magiging tatlo... Ipagpatawad mo...

ESTUDYANTE: Apat binawasan ng tatlo... tatlo binawas sa apat... apat binawasan ng tatlo?
Siguro naman po hindi sampu?

PROPESOR: Oh, diyos ko, hindi, Mademoiselle. Pero hindi ka dapat manghula, dapat
mong pag-isipang mabuti ito. Subukan nating sagutin nang sabay? Maaari ka
bang magbilang?
Page !10 of !38

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Isa... dalawa... tatlo...

PROPESOR: Marunong kang magbilang, ‘di ba? Hanggang saan ang kaya mong bilangin?

ESTUDYANTE: Kaya ko pong magbilang hanggang... walang hanggan.

PROPESOR: Imposible ‘yon.

ESTUDYANTE: Hanggang labing-anim po, kung gano’n.

PROPESOR: Pwede na ‘yon. Dapat nating alamin ang ating mga limitasyon. Ipagpatuloy
mo ang pagbibilang, kung maaari.

ESTUDYANTE: Isa... dalawa... pagkatapos ng dalawa ay tatlo... apat...

PROPESOR: Tigil, Mademoiselle. Aling numero ang mas nakakahigit? Tatlo o apat?

ESTUDYANTE: Uh... tatlo o apat? Alin po ang mas nakakahigit? Ang mas nakakahigit pong
numero sa tatlo at apat? Paano pong mas nakakahigit?

PROPESOR: May mga numerong mas maliit kaysa sa iba. Sa mga numerong nakakahigit,
mas maraming units kaysa sa mga numerong mas maliit.

ESTUDYANTE: Kaysa sa mga numerong mas maliit?

PROPESOR: Pwera na lang, siyempre, kung binubuo ng mas maliliit na units ang mga
maliliit na numero. Kung ang lahat ng units ay napakaliit, maaaring mayroong
mas maraming unit ang maliliit na numero kaysa sa malalaki... ‘yon ay kung
hindi pare-pareho ang units...

ESTUDYANTE: Sa gano’n po, pwedeng mas malaki ang maliliit na numero kaysa sa
malalaking numero?

PROPESOR: Oo, pero hindi na tayo pupunta do’n. Masyado na ‘yong malayo. Gusto ko
lang mapagtanto mo na mayroon pang ibang mga bagay bukod sa mga
numero... May mga sukat din at kagamitan, pagkatapos mayroon ding mga
grupo at bunton, bunton ng mga bagay-bagay, tulad ng mga bibeng babae at
lalaki at mga repolyo at mga hari, etc... etc... Isipin na lang natin, para mas
madali, na ang mga numerong pinag-uusapan natin ay magkakatulad ng uri;
Page 11
! of 38
!

ibig sabihin mayroong mas maraming units ang mga numerong nakakahigit,
kung ipagpapalagay na magkakatulad din ng uri ang units na ‘yon.

ESTUDYANTE: Kung alin po ang mayroong mas maraming units ang siyang mas nakakahigit?
Naiintindihan ko na po, Sir, pinagtutumbas ninyo ang quantity sa quality?

PROPESOR: Masyado na ‘yong teoretikal, Mademoiselle, masyadong teoretikal. Hindi mo


‘yon kailangang alalahanin. Magbigay tayo ng isang halimbawa at pag-isipan
ang partikular na kasong ‘yon. Sa huli na lang ang pangkalahatan nating
konklusyon. Mayroon tayong numerong apat at numerong tatlo at bawat isa
ay mayroong magkakatulad na uri ng unit. Aling numero ang mas
nakakahigit, ang maliit na numero o ang malaking numero?

ESTUDYANTE: Patawad po, Sir... pero ano pong ibig n’yong sabihin sa numerong mas
nakakahigit? ‘Yon po ba ang numerong hindi mas maliit kaysa sa isa?

PROPESOR: Iyon nga, Mademoiselle. Mismo. Lubos mo nang naiintindihan.

ESTUDYANTE: Kung gano’n po, malamang apat ‘yon.

PROPESOR: Ano ang apat? Mas higit o mas maliit sa tatlo?

ESTUDYANTE: Mas maliit po... hindi, mas higit po.

PROPESOR: Mahusay na sagot. Ilang unit ang mayroon sa pagitan ng tatlo at apat?... O ng
apat at tatlo, kung gusto mo?

ESTUDYANTE: Wala pong mga unit sa pagitan ng tatlo at apat, Sir. Agad pong susunod ang
apat sa tatlo; wala pong kahit ano sa pagitan nila!

PROPESOR: Mukhang hindi ko sa ‘yo naipaintindi ng maayos. Kasalanan ko ito. Hindi ako
naging malinaw.

ESTUDYANTE: Hindi po, Sir. Ako po ang may kasalanan.

PROPESOR: Makinig ka. Heto ang tatlong posporo. At heto pa ang isa. Apat na sila.
Ngayon, manood kang maigi. May apat na posporo. Kukunin ko ang isa, ilan
na lang ang natitira?
Page !12 of !38

(Ang mga posporo at ang iba pang bagay na mababanggit ay invisible. Tatayo ang PROPESOR at magsusulat sa
kathang-isip na blackboard gamit ang kathang-isip na chalk, atbp.)

ESTUDYANTE: Lima po. Kung makakabuo po ng apat ang tatlo at isa, makakabuo po ng lima
ang apat at isa.

PROPESOR: Hindi, maling-mali. Gustung-gusto mong nagdaragdag. Pero kailangan ding


magbawas. Hindi sapat ang pagsasama lang. Mahalaga rin ang paghihiwalay.
Gano’n ang buhay. At philosophy. Gano’n ang science, progess, civilization.

ESTUDYANTE: Opo, Sir.

PROPESOR: Balikan natin ang mga posporo. Mayroon akong apat. Nakikita mo namang
apat sila. Kukunin ko ang isa at ang matitira ay...

ESTUDYANTE: Hindi ko po alam, Sir.

PROPESOR: Mag-isip ka. Hindi madali, inaamin ko. Pero sapat ang talino mo para gawin
ang pag-iisip na kinakailangan at magtagumpay sa pag-intindi. Ano na
ngayon?

ESTUDYANTE: Parang hindi naman po, Sir. Hindi ko po talaga alam, Sir.

PROPESOR: Sige, magbigay tayo ng mas simpleng halimbawa. Kung mayroon kang
dalawang ilong at pinitas ko ang isa, ilan ang matitira?

ESTUDYANTE: Wala po.

PROPESOR: Anong ibig mong sabihing wala?

ESTUDYANTE: Mayroong po akong iisang ilong ngayon dahil wala pa po kayong binubunot.
‘Pag binunot n’yo po ito, wala na pong matitira.

PROPESOR: Hindi mo lubos na naiintindihan ang halimbawa ko. Ipagpalagay nating isa
lang ang tenga mo.

ESTUDYANTE: Sige po, tapos?

PROPESOR: Lalagyan kita ng isa pa, ilang tenga na ang mayroon ka?
Page !13 of !38

ESTUDYANTE: Dalawa po.

PROPESOR: Magaling. Lalagyan kita ng isa pa. Ilan na ang mayroon ka?

ESTUDYANTE: Tatlo po.

PROPESOR: Kukunin ko ang isa sa kanila... ilang tenga ang matitira sa ‘yo?

ESTUDYANTE: Dalawa po.

PROPESOR: Magaling. Kukunin ko ang isa pa. Ilang na lang ang matitira?

ESTUDYANTE: Dalawa po.

PROPESOR: Hindi. Mayroon kang dalawang tenga. Kukunin ko ang isa. Ngangatngatin ko.
Ilan ang matitira?

ESTUDYANTE: Dalawa po.

PROPESOR: Ngangatngatin ko ang isa sa kanila. Isa sa kanila...

ESTUDYANTE: Dalawa po.

PROPESOR: Isa!

ESTUDYANTE: Dalawa po!

PROPESOR: Isa!

ESTUDYANTE: Dalawa po!

PROPESOR: Isa!

ESTUDYANTE: Dalawa po!

PROPESOR: Isa!

ESTUDYANTE: Dalawa po!

PROPESOR: Isa!

ESTUDYANTE: Dalawa po!


Page !14 of !38

PROPESOR: Hindi, hindi, hindi. Hindi ‘yun ‘yon. Ang halimbawa ay hindi... hindi
masyadong kapani-paniwala. Makinig ka sa akin.

ESTUDYANTE: Opo, Sir.

PROPESOR: Mayroon kang... uh... mayroon kang... uh...

ESTUDYANTE: Sampung daliri po!...

PROPESOR: Magaling! Kung gusto mo. Sige! Mayroon kang sampung daliri.

ESTUDYANTE: Opo, Sir.

PROPESOR: Ilan ang mayroon ka kung mayroon kang lima?

ESTUDYANTE: Sampu po, Sir.

PROPESOR: Hindi, mali!

ESTUDYANTE: Pero gano’n po, Sir.

PROPESOR: Sinasabi ko sa ‘yo, mali ka!

ESTUDYANTE: Pero kakasabi n’yo lang po na mayroon akong sampu...

PROPESOR: At sinabi ko sa ‘yo pagkatapos na mayroon kang lima!

ESTUDYANTE: Pero wala po akong lima, mayroon po akong sampu!

PROPESOR: Ibahin na lang natin... Para lang sa layunin ng subtraction, limitahan natin ang
mga sarili sa mga numero mula isa hanggang lima... Kaunting pasensiya,
Mademoiselle, at makikita mo rin. Tutulungan kitang maintindihan.

(Magsisimulang magsulat ang PROPESOR sa kathang-isip na blackboard.)

PROPESOR: Panoorin mo, Madeoiselle...

(Gagawa ang PROPESOR ng isang guhit, pagkatapos ay isusulat sa ibaba nito ang “1”. Tapos ay dalawang guhit
at isusulat ang “2” sa ibaba. Tapos ay tatlong guhit at “3” hanggang sa apat na guhit at “4”.)

PROPESOR: Nakikita mo?


Page !15 of !38

ESTUDYANTE: Opo, Sir.

PROPESOR: Sticks ang mga ito, Mademoiselle, sticks, naiintindihan mo? Ito ay isang stick,
pagkatapos ay dalawa; isa, dalawa, tatlong sticks lahat-lahat; pagkatapos ay
apat na sticks, limang sticks, at sunud-sunod pa. Isang stick, dalawang sticks,
tatlong sticks, apat at limang sticks, ito’y mga numero. ‘Pag binilang mo ang
sticks, bawat stick ay isang unit, Mademoiselle... Ulitin mo ang kasasabi ko
lang!

ESTUDYANTE: Isang unit, Mademoiselle... Ulitin mo ang kasasabi ko lang!

PROPESOR: Maaaring figure o numero! Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, ang mga elemento ng
numeration, Mademoiselle.

ESTUDYANTE: (nag-aalangan) Opo, Sir. Mga elemento, figures na sticks; units at mga
numero...

PROPESOR: Sa iisa at parehong oras... ibig sabihin doon bumabagsak ang lahat ng
Aritmetik.

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Mahusay po, Sir. Salamat po, Sir.

PROPESOR: Ngayon, pwede kang magbilang, kung gusto mo, gamit ang mga elementong
ito... magdagdag at magbawas...

ESTUDYANTE: (nagmememorya) Ang sticks ay figures at mga numero, units.

PROPESOR: Hm... maaaring sabihin gano’n na nga. Pagkatapos, ano?

ESTUDYANTE: Pwede pong magbawas ng dalawang units mula sa tatlong units, pero pwede
po bang magbawas ng dalawang dalawa mula sa tatlong tatlo? At dalawang
figures mula sa apat na numero? At tatlong numero mula sa isang unit?

PROPESOR: Hindi, Mademoiselle. Hindi maaari.

ESTUDYANTE: Pero bakit hindi po, Sir?

PROPESOR: Dahil gano’n, Mademoiselle.

ESTUDYANTE: Dahil sa ano po, Sir? Dahil pare-parehas lang po sila?


Page !16 of !38

PROPESOR: Gano’n talaga ang mga bagay-bagay, Mademoiselle, hindi ‘yon


maipapaliwanag. Maiintindihan mo ‘yon sa pamamagitan ng isang klase ng
mathematical sense. Maaaring mayroon ka noon o wala.

ESTUDYANTE: Wala pong makakatulong sa ‘kin kung gano’n!

PROPESOR: Makinig ka, Mademoiselle! Kung hindi ka magiging matagumpay na lubos na


maintindihan ang archetypal principles ng Aritmetik, hindi ka kailanman
magtatagumpay sa pagiging polytechnician. At higit pa ro’n, hindi ka
makakakuha ng kurso sa polytechnic school... o kahit sa establisyamentong
pansanggol. Inaamin kong hindi ito madali, kitang-kita namang masyado
itong abstrakto... pero kung hindi mo lubos na naiintindihan itong mga
simpleng posisyon na ito, paano ka makakagawa ng mga kalkulasyon sa utak
mo tulad ng – at ito’y ‘sindali lang ng pagkindat sa isang karaniwang engineer
– tulad nito, halimbawa: ilan ang tatlong bilyon, pitong daan at limapu’t
limang milyon, siyam na raan at siyamnapu’t walong libo, dalawang daan at
limampu’t isa ‘pag pinarami nang limang bilyon, isandaan at animnapu’t
dalawang milyon, tatlong daan at tatlong libo, limang daan at walong beses?

ESTUDYANTE: (mabilisan) Magiging labinsiyam na kwintilyon, tatlong daan at siyamnapung


kwadrilyon, dalawang trilyon, walong daan at apatnapu’t apat na bilyon,
dalawang daan at labinsiyam na milyon, isandaan at animnapu’t apat na libo,
limang daan at walo...

PROPESOR: (mamamangha) Hindi, sa palagay ko. Dapat ay labinsiyam na kwintilyon,


tatlong daan at siyamnapung kwadrilyon, dalawang trilyon, walong daan at
apatnapu’t apat na bilyon, dalawang daan at labinsiyam na milyon, isandaan at
animnapu’t apat na libo, limang daan at siyam...

ESTUDYANTE: Hindi po... limang daan at walo...

PROPESOR: (mas lalo pang mamamangha habang nagkakalkula gamit ang mga kamay) Oo nga...
tama ka nga... tama ang produktong nakuha mo... (pabulung-bulong nang hindi
naiintindihan) kwintilyon, kwadrilyon, trilyon, bilyon, milyon... (mas tiyak) ...
isandaan at animnapu’t apat na libo, limang daan at walo... (gulat na gulat) Pero
Page !17 of !38

paano mong nakuha ‘yon kung hindi mo naman naiintindihan ang mga
prinsipyo ng arithmetic calculations?

ESTUDYANTE: Oh! Napakadali lang po! Dahil hindi ko po kayang dumepende sa reasoning,
inaral at isinapuso ko po ang lahat ng mga posibleng kombinasyon sa
multiplication.

PROPESOR: Pero walang hangganan ang mga kombinasyon!

ESTUDYANTE: Nagawa ko pa rin po!

PROPESOR: Kataka-taka!... Gano’n pa man, marapatin mong sabihin ko sa ‘yo na hindi pa


rin ako nasisiyahan, Mademoiselle, at hindi kita binabati; sa Mathematics,
partikular na sa Aritmetik, ang mahalaga – at hindi ka maaaring umiwas sa
halaga pagdating sa Aritmetik – ang mahala higit sa lahat ay ang kakayahang
maintindihan kung ano ang ginagawa mo... Dapat ay natagpuan mo ang sagot
gamit ang dalawahang proseso ng inductive at deductive mathematical
reasoning, at ‘yon dapat ang paraan kung paano mo mararating ang lahat ng
mga sagot mo. Nakakamatay na kaaway ang alaala sa Mathematics, at kahit na
may mga maitutulong ito, pagdating sa Aritmetik, ang alaala ay hindi
mabuting bagay!... kaya hindi ako masaya sa iyo... talagang hindi pwede ‘yon...

ESTUDYANTE: (madudurog) Hindi po, Sir.

PROPESOR: Kakalimutan muna natin ‘yon pansamantala. Pumunta muna tayo sa isang
naiibang gawain...

ESTUDYANTE: Opo, Sir.

KASAMBAHAY: (habang papasok) Hm!... Hm!... Monsieur!...

PROPESOR: (hindi naririnig ang KASAMBAHAY) Sayang, Mademoiselle, na hindi ka


gaanong magaling sa special mathematical studies...

KASAMBAHAY: (habang hinihila ang manggas ng PROPESOR) Monsieur! Monsieur!

PROPESOR: Ikinalulungkot kong maaaring hindi ka nararapat kumuha ng total


Doctorate...
Page !18 of !38

ESTUDYANTE: Oh, nakakahiya po, Sir!

PROPESOR: Siguro kahit man lang... (sa KASAMBAHAY) Lubayan mo nga ako, Marie,
ano bang gusto mong mangyari? Bumalik ka na sa kusina at sa paghuhugas
mo! Dali! Dali! (sa ESTUDYANTE) Gano’n pa man, susubukan nating
ihanda ka para kahit man lang sa mga partial Doctorates...

ESTUDYANTE: Oh, opo, parang awa n’yo po, Sir!

PROPESOR: ... ang mga pangangailangan ng lingguistic at comparative philology...

KASAMBAHAY: ‘Wag ho, Monsieur, ‘wag ho!... Hindi ko ho gagawin ‘yan kung ako sa inyo!...

PROPESOR: Marie! Talagang sumusobra ka na ngayon!

KASAMBAHAY: Sa lahat ng bagay, ‘wag ho ang Philology, Monsieur, Philology ang


pinakamalupit sa lahat...

ESTUDYANTE: (gulat) Pinakamalupit sa lahat? (ngingiting parang tanga) Nakakatawang sabihin!

PROPESOR: (sa KASAMBAHAY) Sobra na ‘yan! Lumabas ka na!

KASAMBAHAY: Sige ho, Monsieur, sige ho. Pero ‘wag n’yo hong sasabihing hindi ko kayo
binalaan! Ang Philology ang pinakamalupit sa lahat!

PROPESOR: Nasa tamang edad na ako, Marie!

ESTUDYANTE: Opo, Sir!

KASAMBAHAY: Dapat gawin ni Monsieur ang sa tingin niya ay nararapat.

(Lalabas ang KASAMABAHAY.)

PROPESOR: Magpapatuloy ba tayo, Mademoiselle?

ESTUDYANTE: Pakiusap po, Sir!

PROPESOR: Hinihiling ko sa ‘yo kung gano’n na sundin mong mabuti ang inihanda kong
kurso...

ESTUDYANTE: Opo, Sir!


Page !19 of !38

PROPESOR: ... na maaaring makapagbigay sa ‘yo, sa loob ng labinlimang minuto, ng mga


pangunahing prinsipyo ng comparative at lingguistic philology ng mga
wikang neo-Spanish.

ESTUDYANTE: Oh, Sir! Kahanga-hanga! (papalakpak)

PROPESOR: (nang may kapangyarihan) Para saan ‘yan?

ESTUDYANTE: Paumanhin po, Sir! (dahan-dahang ilalapag ang kamay sa lamesa)

PROPESOR: Tahimik! ...... Ang Spanish, kung gano’n, Mademoiselle, ay ang inang wika na
nagsilang sa lahat ng neo-Spanish, Latin, Italian, ang sarili nating wikang
French, Portugese, Rumanian, Sardinian o Sardanapol, Spanish at neo-
Spanish, at sa ibang mga bagay maaari rin nating isama ang Turkish, bagamat
mas malapit ito sa wikang Greek, na lohikal dahil kapitbahay ng Turkey ang
Greece at mas malapit ang Greece sa Turkey kumpara sa akin o sa ‘yo:
ipinapakita lang nito ang isa pang napakahalagang batas ng lingguistic na
nagsasabing ang geography at philology ay magkakambal... Isulat mo ‘to,
Mademoiselle.

ESTUDYANTE: (sa boses na parang sinasakal) Opo, Sir!

PROPESOR: Ang nagpapatangi sa mga wikang neo-Spanish sa isa’t isa at ang naghihiwalay
sa kanila sa ibang lingguistic groups, tulad ng mga wikang Austrian at mga
wikang neo-Austrian, o ang mga wikang Esperantist, Helvetica, Monegaske,
Swiss, Andorran, Basque, Pelota, ‘di pa kasali ang mga grupo ng mga wikang
diplomatiko at teknikal – ang nagpapatangi sa kanila, sa tingin ko, ay ang
kapansing-pansing pagkakatulad nila sa isa’t isa, kung kaya talaga namang
napakahirap malaman kung alin ang alin – ang tinutukoy ko ay ang mga
wikang neo-Spanish, na, gayunman, ay maaaring mapag-iba-iba, salamat sa
mga kakaiba nilang katangian, mga hindi maku-kwestyon at mapagtatalunang
patunay ng kamangha-manghang pagkakapareho na nagpapatotoo sa iisa
nilang pinagmulan at, kasabay nito, malinaw na nagpapaiba sa kanila sa
pamamagitan ng pag-uusap-usap ng mga kakaibang katangiang kasasabi ko
lang.
Page 20
! of 38
!

ESTUDYANTE: Oooh! Oooooh, Sir!

PROPESOR: Pero hindi tayo magtatagal sa mga kalahatan...

ESTUDYANTE: (manghihinayang) Oh, Sir...

PROPESOR: ‘Wag kang mag-alala, Mademoiselle. Babalikan natin ‘yon mamaya... maliban
na lang siyempre kung hindi. Walang makakapagsabi.

ESTUDYANTE: (matutuwa pa rin) Oh, opo, Sir.

PROPESOR: Bawat wika, Mademoiselle – tandaan mo ‘tong mabuti, at alalahanin mo


hanggang sa kamatayan...

ESTUDYANTE: Oh! Opo, Sir, hanggang sa kamatayan... Opo, Sir...

PROPESOR: ... at muli, isa ito sa mga pangunahing prinsipyo, bawat wika sa katunayan ay
isa lamang pamamaraan ng pagsasalita, na nagpapahiwatig na binubuo ito ng
mga tunog o...

ESTUDYANTE: Phonemes...

PROPESOR: Iyon nga ang sasabihin ko. ‘Wag kang masyadong pasikat,
pinangangalandakan ang kaalaman mo! Mabuting makinig ka lang.

ESTUDYANTE: Sige po, Sir. Opo, Sir.

PROPESOR: Ang mga tunog, Mademoiselle, ay dapat mahuli sa paglipad ng kanilang mga
pakpak para hindi mahulog sa mga binging tenga. Dahil dito, ‘pag buo na ang
isip mong bumigkas ng malinaw, inirerekomendang unatin mo ang iyong leeg
at baba hanggang sa kaya mo, at tumayo nang nakatingkayad, tingnan mo,
tulad nito, nakikita mo...

ESTUDYANTE: Opo, Sir.

PROPESOR: Tahimik. Maupo ka lang d’yan. ‘Wag kang sumabat... at hayaang lumabas ang
mga tunog nang pinakamalakas na kaya mo, gamit ang buong pwersa ng
‘yong mga baga, sa tulong ng iyong mga vocal cords. Tulad nito. Panoorin mo
ako: ‘Butterfly’, ‘Eureka’, ‘Trafalgar’, ‘Pepper-pot.’ Sa ganitong paraan, ang
Page !21 of !38

mga tunog, dahil napuno ng maligamgam na hanging mas magaan sa mga


hangin sa paligid, ay magpapalutang-lutang, hindi na manganganib na
mahulog sa mga binging tenga, mga walang-hanggang hukay na siyang
libingan ng mga nawawalang sonorities. Kung maglalabas ka ng iba’t ibang
tunog nang pabilis nang pabilis, automatiko silang makikipagbuno sa isa’t isa,
na bubuo ng mga pantig, mga salita, mga parirala kung kailangan, ibig kong
sabihin mga grupong may humigit kumulang na kahalagahan, mga tunog na
sinadyang ayusin sa paraang irasyonal, nang walang kahit anong kahulugan,
pero dahil mismo sa dahilang ‘yon ay mayroong kakayahang panatiliin ang
mga sarili nila sa hangin, nang walang panganib na mahulog. Tanging mga
salitang siksik sa kabuluhan, mabigat sa kahulugan, ang bumabagsak at
palaging sumusuko sa huli, at...

ESTUDYANTE: ... nahuhulog sa mga binging tenga.

PROPESOR: Tama, pero ‘wag kang sumabat... at sa hindi mailarawang kaguluhan... o


kaya’y pumuputok na parang mga lobo; kung kaya, Mademoiselle...

(Bigla-bigla ay magmumukhang nakakaramdam ng matinding sakit ang ESTUDYANTE.)

PROPESOR: Anong nangyayari sa ‘yo?

ESTUDYANTE: Sumasakit po ang ipin ko, Sir.

PROPESOR: Walang anuman ‘yan, hindi tayo titigil para sa maliit na bagay tulad n’yan.
Tutuloy tayo.

ESTUDYANTE: Opo.

PROPESOR: Sa pagsusuma: aabutin ng taun-taon bago matutunan ang pagbigkas. Salamat


sa science, magagawa natin ito sa loob lang ng ilang minuto. Kaya
makakagawa tayo ng mga tunog at mga salita at kahit anong gugustuhin mo;
kailangan mong mapagtanto kung gano’n na kailangang walang awang
puwersahing ilabas ang hangin mula sa baga at pagkatapos ay marahang
padadaanin sa vocal cords kung kaya parang harps o mga dahon sa ilalim ng
ng hangin, bigla-bigla silang mangangatal, manginginig, mayayanig,
Page 22
! of 38
!

mayayanig, mayayanig o sisitsit, o kakaluskos, o susuklay, o sisipol, at sa isang


sipol ay sisimulan ang lahat: uvula, dila, palate, ngipin...

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: ... mga labi... Hanggang sa wakas lalabas ang mga salita sa ilong, sa bibig, sa
tenga, sa pores ng balat, kasunod ang lahat ng mga nabunot na organs ng
pananalita na katatapos lang nating pangalanan, isang makapangyarihan at
marilag na kuyog, walang iba kundi ang mali nating tinatawag na boses,
humihina sa pagkanta o tumataas sa kahila-hilakbot na galit, isang karaniwang
prusisyon, kumpulan ng mga iba’t ibang bulaklak, ng mga tumataginting na
talinhaga: labial, dental, plosives, palatals, at iba pa, ang ilan ay malambot at
malumanay, ang ilan ay malupit at marahas.

ESTUDYANTE: Opo, Sir. Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: Magpapatuloy tayo. Magpapatuloy tayo. Pagdating naman sa mga wikang


neo-Spanish, napakalapit nilang magkakamag-anak na halos pwede nating
isiping sila’y magpapangalawang-pinsan. Dagdag pa rito, iisa ang ina nila: ang
wikang Spanish. Ito ang dahilan kung bakit mahirap tukuyin kung alin ang
alin sa kanila. Kung kaya malaking tulong ang pagbigkas ng tama, ang pag-
iwas sa mga pagkakamali sa pagbigkas. Ang mismong pagbibigkas ay
katumbas ng isang buong dialect. Maaari kang paglaruan ng maling
pagbigkas. Hayaan mong magkuwento ako ng isang personal na karanasan
bilang halimbawa.

(Magre-relax na kaunti ang PROPESOR. Sandali siyang tatangayin ng mga alaala. Magiging sentimental ang
kanyang mukha pero agad na makakabawi.)

PROPESOR: Musmos na musmos pa ako noon, siguro ay mas matanda ng kaunti sa isang
bata, nasa military service ako. May kaibigan ako sa regiment, isang viscount,
na mayroong malalang depekto sa pananalita: hindi niya kayang bigkasin ang
letrang ‘f ”. Sa halip na ‘f ’, ang nasasabi niya noon ay ‘f ’. Kung gusto niyang
sabihing “fresh fields and pastures new,” ang masasabi niya ay “fresh fields in
pastures new”. Binibigkas niya ang “filly” na “filly”; “Franklin” imbes na
“Franklin”, “fimblerigger” imbes na “fimblerigger”, “fiddlesticks” imbes na
Page 23
! of 38
!

“fiddlesticks”, “funny face” imbes na “funny face”, “Fe Fi Fo Fum” imbes na


“I smell the blood of an Englishman”; “Philip” imbes na “Philip”; “factory”
imbes na “factory”; “February” imbes na “February”; “April-May” imbes na
“April-May”; “Galeries Lafayette” at hindi kung paano ito bigkasin, “Galeries
Lafayette”; “Napoleon” imbes na “Napoleon”, “etcetera” imbes na
“etcetera” at kung anu-ano pa... Maswerte lang siya dahil naitago niya ang
depektong ito, salamat sa mga suot niyang sumbrero.

ESTUDYANTE: Opo, masakit ang ipin ko.

PROPESOR: (mabilis na iibahin ang tono ng boses) Magpatuloy tayo. Una na nating susuriin ang
mga pagkakapareho para mas mabuti nating maintindihan ang pagkakaiba ng
mga wikang ito sa isa’t isa. Ang mga pagkakaiba nila ay halos hindi
mapapansin nang kahit sinong walang karanasan sa pagtukoy sa kanila. Kung
kaya lahat ng mga salita sa lahat ng mga wika ay...

ESTUDYANTE: Oh, siya nga po?... Masakit ang ipin ko.

PROPESOR: Magpapatuloy tayo... ay palaging pare-pareho, tulad ng lahat ng flexional


endings, lahat ng mga prefix, mga suffix, roots...

ESTUDYANTE: Ang roots po ba ng mga salita ay square roots?

PROPESOR: Square o cube. Depende.

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: Tuloy tayo. Halimbawa, at ito’y para lamang bigyan ka ng isang ilustrasyon,
kunin mo ang salitang “front”.

ESTUDYANTE: Paano ko po kukunin?

PROPESOR: Kahit paano, basta kunin mo, at anuman ang gawin mo, ‘wag kang sasabat.

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: Magpapatuloy tayo... Ang sabi ko: Magpapatuloy tayo... Kunin mo ang
salitang “front” kung gano’n. Nakuha mo na ba?
Page 24
! of 38
!

ESTUDYANTE: Opo, opo. Nakuha ko na po. Oh, ang ipin ko, ang ipin ko...

PROPESOR: Ang salitang “front” ay ang ugat ng salitang “frontispiece”. Gano’n din ng
“effrontery”. Ang “ispiece” ay suffix at ang “ef ” ay prefix. Tinatawag silang
gano’n dahil hindi sila maaaring palitan. Ayaw nila.

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: Tuloy tayo. Mas mabilis ngayon. Ang mga prefix na ito ay nagmula sa wikang
Spanish. Umaasa akong naisip mo ‘yon?

ESTUDYANTE: Oh! Kumikirot po talaga ang ipin ko!

PROPESOR: Tuloy tayo. Malamang ay napansin mo ring pareho sila sa wikang French at
maging sa English. Tama, Mademoiselle, walang paraan para palitan sa Latin,
Italian, o kahit na sa wikang Portugese; gano’n din sa Sardanaple o
Sardanapolitan, sa Rumanian, neo-Spanish, Spanish, o maging Oriental;
“front”, “front piece”, “effrontery”; palagi at hindi nagbabagong salita na
mayroong parehong ugat, parehong suffix, parehong prefix sa lahat ng
nabanggit na mga wika. At pare-pareho ang kuwento sa bawat salita.

ESTUDYANTE: Pare-pareho po ang ibig sabihin ng mga salitang ‘yon sa lahat ng wika?
Masakit ang ipin ko.

PROPESOR: Mismo. Bukod pa ro’n, mas isa itong konsepto kaysa isang salita. Sa kahit
anong kaso, mayroon kang parehong kahulugan, parehong komposisyon,
parehong istruktura ng tunog, hindi lang sa salitang ito, kundi sa lahat ng
salitang pwede mong maisip, sa bawat wika. Dahil bawat isang konsepto ay
naipapahiwatig sa pamamagitan ng iisa at parehong salita at ang mga
singkahulugan nito, sa lahat ng bansa sa mundo. Oh, pabayaan mo ang ipin
mo!

ESTUDYANTE: Masakit ang ipin ko! Masakit, masakit, masakit.

PROPESOR: Mabuti. Magpatuloy tayo. Ang sabi ko: Magpatuloy tayo... Paano mo,
halimbawa, sasabihin sa wikang English ang “the roses of my grandmother
are as yellow as my grandfather who was born in Asia”?
Page 25
! of 38
!

ESTUDYANTE: Ang ipin ko! Ang ipin ko! Ang ipin ko!

PROPESOR: Dali na, hindi hadlang ‘yan para magsalita ka!

ESTUDYANTE: Sa English?

PROPESOR: Sa English.

ESTUDYANTE: Uh... gusto po ninyong sabihin ko sa wikang English: “the roses of my


grandmother are...”

PROPESOR: “... as yellow as my grandfather who was born in Asia....”

ESTUDYANTE: Kung gano’n po, sa English, ito po ay “the roses... of my...” Ano po ang
“grandmother” sa English?

PROPESOR: Sa English? “Grandmother.”

ESTUDYANTE: “The roses of my grandmother...” Ang “yellow” po sa English ay “yellow”?

PROPESOR: Oo, siyempre!

ESTUDYANTE: “Are are as yellow as my grandfather when he lost his temper.”

PROPESOR: Hindi!... “Who was born...

ESTUDYANTE: “In Asia”... Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: Tama.

ESTUDYANTE: Masakit po...

PROPESOR: Ang ipin mo... ‘Di bale... tuloy tayo! Ngayon, gusto kong isalin mo ang
parehong pangungusap sa Spanish, tapos ay sa neo-Spanish...

ESTUDYANTE: Sa Spanish... Malamang po “The roses of my grandmother are as yellow as


my grandfather who was born in Asia”.

PROPESOR: Hindi, mali ‘yon.

ESTUDYANTE: At sa neo-Spanish, “The roses of my grandmother are as yellow as my


grandfather who was born in Asia”.
Page 26
! of 38
!

PROPESOR: Mali! Mali! Mali! Pinaghalu-halo mo sila. Ginawa mong Spanish ang neo-
Spanish at ang neo-neo-Spanish... Ah... Hindi... baligtad dapat...

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko at ginugulo n’yo po ang lahat.

PROPESOR: Ikaw ang gumugulo sa akin. Dapat ay mas nakikinig ka pa nang mabuti.
Sasabihin ko ang pangungusap sa Spanish, tapos sa neo-Spanish, at panghuli
sa Latin. Dapat mong ulitin ‘yon pagkatapos ko. Mag-ingat kang mabuti dahil
nakakagulat ang mga pagkakapareho nila. Ang mga pagkakapareho ay
magkakatulad. Makinig ka at sumunod nang dahan-dahan...

ESTUDYANTE: Masakit po...

PROPESOR: ... ang ipin mo.

ESTUDYANTE: Magpapatuloy tayo... Ah!

PROPESOR: ... Sa Spanish: “The roses of my grandmother are as yellow as my


grandfather who was born in Asia”; sa Latin: “The roses of my grandmother
are as yellow as my grandfather who was born in Asia”. Nahuli mo ba ang
pagkakaiba? Isalin mo ang pangungusap sa Rumanian.

ESTUDYANTE: “The...” Ano po ang “roses” sa Rumanian?

PROPESOR: Ano pa ba! “Roses” siyempre.

ESTUDYANTE: Akala ko po “roses”! Oh! Kumikirot po talaga ang ipin ko...

PROPESOR: Hindi, hindi, paano mangyayari ‘yon? Sa Oriental, ang “roses” ay ang salin ng
French na “roses” at ng Spanish na “roses”. Nakuha mo ba? Sa Sardanaple,
“roses”...

ESTUDYANTE: Patawarin n’yo po ako, Sir, pero... Ooh! Kumikirot po talaga ang ipin ko!...
Wala po akong naririnig na pagkakaiba.

PROPESOR: Pero napakasimple no’n! Sadyang napakasimple! Kailangan lang ng


pagsasanay, ng teknikal na karanasan sa iba’t ibang mga wika, magkakaiba
kahit na may mga katangian silang pare-pareho. Susubukan kong bigyan ka
ng susi...
Page 27
! of 38
!

ESTUDYANTE: Ang ipin ko po!

PROPESOR: Ang nagpapatangi sa mga wikang ito ay hindi ang mga salita, na pare-pareho
lang naman, o ang istruktura ng mga pangungusap, na halos magkakatulad
din, o ang intonasyon, na walang binibigay na pagbabago, o ang ritmo ng
pagsasalita... ang nagpapatangi sa kanila ay... nakikinig ka pa ba sa akin?

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: Pwede bang makinig ka sa akin, Mademoiselle? Aah! Ginagalit mo ako.

ESTUDYANTE: Oh, sige po... opo, makikinig ako... susubukan ko... sige po...

PROPESOR: Ang nagpapaiba sa kanila sa isa’t isa sa isang banda, ang Spanish, ang inang
wika, sa kabilang banda... ay... ay...

ESTUDYANTE: Ay ano po?

PROPESOR: Ay hindi nahahawakan. Isang bagay na hindi nahahawakan, na makukuha mo


lang pagkalipas ng takdang panahon, pagkatapos ng lubos na paghihirap at
mahabang karanasan...

ESTUDYANTE: Talaga po?

PROPESOR: Oo, talaga, Mademoiselle. Walang mga patakaran para rito. Kailangan may
pambihirang kakayahan ka, ‘yon lang. At para magkaroon ng pambihirang
kakayahan, kailangan mong mag-aral, mag-aral, at mas mag-aral pa.

ESTUDYANTE: Ang ipin ko po.

PROPESOR: Pero mayroong mga partikular na pagkakataon kung kailan nagbabago ang
mga salita sa bawat wika... pero hindi natin maaaring gamitin ang mga ito
bilang halimbawa sa ating pag-aaral dahil sila’y namumukod-tangi.

ESTUDYANTE: Talaga po, Sir?... Oh, Sir, masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: ‘Wag kang sasabat! At ‘wag mo akong gagalitin! Dahil ‘pag nawalan ako ng
kontrol sa sarili ko... Ano na nga bang sinasabi ko... Ah, oo, ‘yon ay mga
bukod-tanging kaso na sinasabing madaling pag-iba-ibahin... malinaw na
Page 28
! of 38
!

magakakaiba, kung gusto mo... Uulitin ko: kung gusto mo, dahil napapansin
kong hindi ka na nakikinig...

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: Tulad ng sinasabi ko: may mga salitang magkakaiba sa bawat wika kapag
ginamit sa mga kasabihang laganap sa ngayon na nagreresulta sa madaling
pagtukoy sa wikang ginagamit. Bibigyan kita ng halimbawa: sa wikang neo-
Spanish, ang kasabihang “My country is neo-Spanish” na madalas marinig sa
Madrid ay magiging “My country is” ano sa Italian?

ESTUDYANTE: Neo-Spanish.

PROPESOR: Hindi! “My country is Italy”. Ngayon, sabihin mo sa akin gamit ang simpleng
proseso ng deduction, paano mo sasabihin ang “Italy” sa French?

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko!

PROPESOR: Pero walang kahirap-hirap ‘yon, dahil ang salitang “Italy” sa French ay
“France”. At ang “France” sa wikang Oriental ay magiging “Orient”! My
country is the Orient”! At ang salitang Portugese para sa “Orient” ay
“Portugal”! Kaya ang kasabihang Oriental na “My country is the Orient” ‘pag
sinalin sa Portugese ay magiging “My country is Portugal”! At gano’n din sa
iba pa...

ESTUDYANTE: Tama na po! Tama na po! Masakit po...

PROPESOR: Masakit ang ipin mo! Masakit ang ipin mo!... Ipin, ipin, ipin!... Bubunutin ko
silang lahat para sa ‘yo... Ito pa ang isang halimbawa. Ang salitang “capital” ay
nag-iiba ng kahulugan depende sa wikang ginagamit. Kung kaya ‘pag sinabi
ng isang Spaniard ang “I live in the capital”, ang salitang “capital” ay hindi
pareho ang kahulugan sa isang Portugese na magsasabi ng parehong
pangungusap: “I live in the capital.” Gano’n din sa isang Frenchman, neo-
Spaniard, Rumanian, Latin, o Sardanapolian... ‘Pag may narinig kang magsabi
ng... Mademoiselle, Mademoiselle, para sa ‘yo ito, sumpain ka! ‘Pag may
narinig kang magsabi ng “I live in the capital,” malalaman mo agad-agad at
nang walang kahirap-hirap kung ito ba ay Spanish, o neo-Spanish, o French,
Page 29
! of 38
!

o Oriental, o Rumanian, o Latin, dahil ang kailangan mo lang gawin ay hulaan


kung anong kabisera ang iniisip ng taong nagsasalita sa sandaling binanggit
niya ito... Ito na ang pinakatumpak na mga halimbawang mabibigay ko sa
‘yo...

ESTUDYANTE: Oh, Diyos ko po! Ang ipin ko...

PROPESOR: Tumahimik ka! Ayoko nang makarinig ng isang salita sa ‘yo!

ESTUDYANTE: Ang ipin ko...

PROPESOR: Ang pinaka... paano ko kaya sasabihin... ang pinakamalaking kabalintunaan...


tama, ‘yon ang salita... ang pinakamalaking kabalintunaan ay daan-daang tao
na kulang na kulang sa edukasyon ang nagsasalita ng iba’t ibang mga wikang
ito... Narinig mo ba? Kung anong sinabi ko?

ESTUDYANTE: ... nagsasalita ng iba’t ibang mga wikang ito! Kung anong sinabi!

PROPESOR: Nakatsamba ka lang!... Ang mga nasa mababang uri ay nagsasalita ng Spanish
na lingid sa kaalaman nila ay nahaluan ng mga salitang neo-Spanish, habang
ang akala nila ay nagsasalita sila sa Latin... o di kaya ay nagsasalita sila ng Latin
na nahaluan ng mga salitang Oriental, habang ang alam nila ay nagsasalita sila
sa Rumanian... o Spanish na nahaluan ng neo-Spanish habang naniniwalang
ito ay Sardanapolian o Spanish... Nasusundan mo ba ako?

ESTUDYANTE: Opo! Opo! Opo! Ano pa po bang gusto n’yo...

PROPESOR: ‘Wag masyadong matalas ang dila mo, iha, o makikita mo. (galit na galit) Para
tapusin ang lahat, Mademoiselle, lahat, halimbawa, ng nagsasalita ng Latin na
akala nila’y Spanish ay lubos na maiintindihan ng isang Frenchman na walang
alam ni isang salita ng Spanish, na para bang kinakausap siya sa kanyang
sariling wika. Dagdag pa rito, naniniwala siyang ‘yon ay ang kanyang sariling
wika mismo. At ang Frenchman ay sasagot sa French at lubos siyang
maiintindihan ng Spaniard na naniniwalang ang sagot ay sinabi sa wikang
Spanish at Spanish ang wikang ginamit... Kahit na sa totoo, hindi ‘yon
Spanish o French, kundi Latin na winiwika ng isang neo-Spanish... Bakit
Page 30
! of 38
!

hindi ka ba mapakali, Mademoiselle? Tigilan mo ang pagkuyakoy at


pagdadabog!

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: Paano nangyaring habang ang mga nasa mababang uri ay nagsasalita nang
hindi alam ang wikang ginagamit nila, habang bawat tao ay naniniwalang
nagsasalita siya sa wikang sa katunayan ay hindi naman, nagagawa nilang mag-
usap ng maayos sa isa’t isa?

ESTUDYANTE: Nakakapagtaka po talaga.

PROPESOR: Ito ay isa lamang sa mga hindi maipaliwanag at kakatuwang pekularidad ng


bulgar na empirisismo ng masa – hindi karanasan – isang kabalintunaan, ...

ESTUDYANTE: Ha! Ha!

PROPESOR: Mas makabubuti kung hindi mo tinititigan ang mga langaw habang
nagpapakahirap ako dito para sa ‘yo... makakatulong kung susubukan mong
makinig ng mas maiigi... Hindi ako ang kukuha ng Doctorates... matagal ko
nang naipasa ang sa akin... ang aking total Doctorates, sa katunayan... at ang
aking super-total diploma... Hindi mo ba naiintindihang tinutulungan lang kita?

ESTUDYANTE: Ang ipin ko!

PROPESOR: Walang modo!... Pero hindi pwedeng magpatuloy ang ganito, hindi ang
ganito, hindi ang ganito, hindi ang ganito...

ESTUDYANTE: Nakikinig... po... akong... mabuti...

PROPESOR: Sa wakas! Para matutunang matukoy ang lahat nang iba’t ibang mga wikang
ito, sinabi ko nang walang katulad ang pagsasanay... magpapatuloy tayo.
Susubukan kong ituro sa ‘yo lahat ng posibleng salin ng salitang ‘kutsilyo’.

ESTUDYANTE: Sige po, kung gusto n’yo... Tutal naman po...

PROPESOR: (tatawagin ang KASAMBAHAY) Marie!... Marie!... Marie!... Hindi niya ako
naririnig... Marie!... Marie!... Talaga naman!... Marie! (bubuksan niya ang pintuan)
Marie!...
Page !31 of !38

(Lalabas ang PROPESOR at maiiwang mag-isa sandali ang ESTUDYANTE. Tulala ito. Mula sa labas ay
maririnig ang boses ng PROPESOR.)

PROPESOR: Marie! Ano ba? Kanina pa kita tinatawag! Alam mo namang dapat sumunod
ka kaagad ‘pag tinatawag kita!

(Papasok muli ang PROPESOR kasunod ang KASAMBAHAY.)

PROPESOR: Ako ang nagbibigay ng utos sa bahay na ‘to, naiintindihan mo? (ituturo ang
ESTUDYANTE) Walang naiintindihan ang isang ‘to. Wala kahit isa!

KASAMBAHAY: Maghunus-dili ho kayo, Monsieur, isipin ho ninyo kung anong pwedeng


mangyari! Baka sumobra ho kayo, sosobra ho kayo, alam mo n’yo ‘yan.

PROPESOR: Makakapagpigil ako sa tamang panahon.

KASAMBAHAY: Narinig ko na ho ‘yan dati. Gusto ko hong makita.

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko.

KASAMBAHAY: Sinasabi ko na nga ho ba! Ito na ho ang simula! ‘Yan ho ang palatandaan!

PROPESOR: Anong palatandaan? Anong ibig mong sabihin? Anong sinasabi mo?

ESTUDYANTE: Oo nga po, anong sinasabi n’yo? Masakit po ang ipin ko.

KASAMBAHAY: ‘Yan ho ang huling sintomas! Ang pinakamalalang sintomas!

PROPESOR: Kalokohan! Kalokohan! Kalokohan!

(Magsisimulang umalis ang KASAMBAHAY.)

PROPESOR: ‘Wag kang aalis nang ganyan! Tinawag kita para kunin ang mga kutsilyo: ang
mga Spanish, neo-Spanish, Portugese, French, Oriental, Rumanian,
Sardanapolitan, Latin at Spanish na kutsilyo!

KASAMBAHAY: Hindi n’yo po ako kailangan.

(Lalabas ang KASAMBAHAY. Mistulang tututol ang PROPESOR pero pipigilan ang sarili, hindi alam ang
susunod na gagawin. Pagkatapos ay maaalala.)
Page 32
! of 38
!

PROPESOR: Ah!

(Pupunta ang PROPESOR sa tukador at kukunin ang malaki ngunit kathang-isip na kutsilyo.)

PROPESOR: Ito ang isa, Mademoiselle, isang kutsilyo! Sayang iisa lang pero pwede na
natin itong gamitin para sa lahat ng wika! Ang kailangan mo lang gawin ay
sabihin ang salitang ‘kutsilyo’ sa iba’t ibang wika habang tinititigan mong
mabuti ito at iniisip na nabibilang ito sa wikang ginagamit mo.

ESTUDYANTE: Masakit po ang ipin ko.

PROPESOR: (halos parang umaawit) Sige, sabihin mo na: Sabihin mong ‘Kutsil’ na parang
‘Kutsil’, ‘Yo’ na parang ‘Yo’... at panoorin mong mabuti, ‘wag mong aalisin
ang pagkakatitig mo...

ESTUDYANTE: Kutsil...

PROPESOR: Yo... Panoorin mo. (igagalaw ang kutsilyo sa mukha ng ESTUDYANTE)

ESTUDYANTE: ‘Wag po! ‘Wag po! Tama na po! Hindi ko na po kaya! Kumikirot po ang ipin
ko at ang mga paa ko at ang ulo ko...

PROPESOR: Kutsilyo... Panoorin mo... Kutsilyo... Panoorin mo... Kutsilyo... Panoorin mo...

ESTUDYANTE: Pinakikirot n’yo rin po ang tenga ko. Ang boses po ninyo! Tumutusok!

PROPESOR: Sabihin mo, kutsilyo... kutstil... yo...

ESTUDYANTE: ‘Wag po, ‘wag po! Kumikirot po ang tenga ko. Kumikirot po ang buo kong
katawan...

PROPESOR: Tatanggalin ko ‘yang mga tenga mong ‘yan, iha, para hindi na sila kumirot...

ESTUDYANTE: Ow! Nasasaktan po ako, sinasaktan n’yo po ako...

PROPESOR: Tingnan mo, sige na, dali, sabihin mo: Kutsil...

ESTUDYANTE: Oh, sige na nga po... Kutsil... Kutsilyo... (maliliwanagan) Malamang neo-
Spanish po...
Page 33
! of 38
!

PROPESOR: Kung gusto mo. Oo, neo-Spanish nga, pero bilisan mo... wala na tayong
oras... At anong ipinahihiwatig mo? Lumalaki na ang ulo mo!

(Nagiging mas pagod at mas desperado ang ESTUDYANTE, mas naluluha, sabay ang pagkatakot at
pagbubunyi.)

ESTUDYANTE: Ah!

PROPESOR: Sabihin mo ulit, manood ka. (parang bata) Kutsilyo... Kutsilyo... Kutsilyo...
Kutsilyo...

ESTUDYANTE: Oh, ang ulo ko po!... Kumikirot po ang ulo ko... (pararaanin ang kamay sa bawat
bahagi ng katawang binabanggit) ... ang mga mata ko...

PROPESOR: (parang bata pa rin) Kutsilyo... Kutsilyo... Kutsilyo...

(Pareho nang nakatayo ang dalawa. Paikot-ikot ang PROPESOR sa ESTUDYANTE habang hawak-hawak
ang kathang-isip na kutsilyo. Ang ESTUDYANTE naman ay unti-unting lumalapit sa bintana, tulala, at parang
nasa ilalim ng sumpa)

PROPESOR: Sabihin mo ulit, sabihin mo: Kutsilyo... Kutsilyo... Kutsilyo...

ESTUDYANTE: Kumikirot po ang buong katawan ko... ang lalamunan ko, leeg... ah... mga
balikat... suso... kutsilyo...

PROPESOR: Kutsilyo... Kutsilyo... Kutsilyo...

ESTUDYANTE: Tagiliran... Kutsilyo... Mga hita ko... Kutsil...

PROPESOR: Sabihin mo nang malinaw... Kutsilyo... Kutsilyo...

ESTUDYANTE: Kutsilyo... ang lalamunan ko...

PROPESOR: Kutsilyo... Kutsilyo...

ESTUDYANTE: Kutsilyo... mga balikat ko... mga braso, suso, tagiliran... Kutsilyo... Kutsilyo...

PROPESOR: (sa ibang boses) Mag-ingat ka... Baka mabasag mo ang salamin ng bintana... Ang
kutsilyo’y nakakamatay...

ESTUDYANTE: (nanghihina) Opo, opo... nakakamatay po ang kutsilyo?


Page 34
! of 38
!

(Sasaksakin ng PROPESOR ang ESTUDYANTE.)

PROPESOR: Aaaaaah! Ayan!

(Sisigaw ang ESTUDYANTE, pagkatapos ay babagsak. Pagkalipas ng ilang sandali ay muli siyang sasaksakin
ng PROPESOR. Pagkatapos ay manginginig ito.)

PROPESOR: (hinihingal at nauutal) Ang pokpok... Ginusto n’ya ‘to... Mabuti na ang
pakiramdam ko ngayon... Ah! Ah! Pagod na ako... Halos hindi ako
makahinga... Ah!

(Babagsak ang PROPESOR. Pupunasan niya ang kanyang noo habang bumubulong-bulong. Pagkalipas ng ilang
sandali ay babalik sa normal ang paghinga at tatayo, titingnan ang kutsilyo sa kamay, pagkatapos ay ang katawan
ng ESTUDYANTE. Parang nagising ito, masisindak.)

PROPESOR: Anong ginawa ko! Ano nang mangyayari sa akin ngayon! Anong mangyayari?
Oh, Diyos ko, oh, Diyos ko! Nakakakilabot! Mademoiselle! Bumangon ka,
Mademoiselle! (hawak-hawak pa rin ang kathang-isip na kutsilyo, hindi alam kung
saan ito itatago) Sige na, Mademoiselle, tapos na ang leksyon... Pwede ka nang
umuwi... Bayaran mo na lang ako sa susunod... Oh! Patay na siya... patay... At
dahil sa kutsilyo ko... Patay na siya...

(Tatawagin ng PROPESOR ang KASAMBAHAY.)

PROPESOR: Marie! Marie! Oh, Marie, pumunta ka rito, dali! Ah! Ah! (bubukas ang pinto)
‘Wag!... ‘Wag kang pumasok... Nagkamali ako... Umalis ka na, Marie... Hindi
na kita kailangan... naiintindihan mo?

(Papasok ang KASAMBAHAY, titingnan ang bangkay pero walang sasabihin. May pag-aalinlangan magsasalita
ang PROPESOR.)

PROPESOR: Hindi kita kailangan, Marie...

KASAMBAHAY: (sarkastiko) Natuwa ho kayo sa estudyante n’yo, ano? Marami ho siyang


natutunan?

PROPESOR: (itatago sa likod ang kutsilyo) Oo, tapos na ang leksyon... pero... pero nandito pa
rin siya... ayaw niyang umalis...
Page 35
! of 38
!

KASAMBAHAY: (walang pagkaawa) Sige, sige!

PROPESOR: (nanginginig) Hindi ako ‘yon... Wala akong ginawa... Marie... Hindi... Pangako...
hindi ako ‘yon, Marie... mahal kong Marie...

KASAMBAHAY: Ang pusa ba?

PROPESOR: Siguro... hindi ko alam...

KASAMBAHAY: Pang-apatnapu na ho ito sa araw na ‘to! Araw-araw na lang ho pare-pareho


ang kuwento! Araw-araw! Hindi ho ba kayo nahihiya sa sarili n’yo, at sa edad
n’yo hong ‘yan! Darating ho ang araw, wala na kayong matitirang estudyante.
At mas mabuti ho ‘yon!

PROPESOR: (magagalit) Hindi ko kasalanan ‘yon! Wala siyang matutunan! Hindi siya
marunong sumunod! Masama siyang estudyante! Ayaw niyang matuto!

KASAMBAHAY: Sinungaling!

(Dahan-dahang lalapitan ng PROPESOR ang KASAMBAHAY nang nakatago ang kutsilyo sa likuran.)

PROPESOR: Wala kang pakialam!

(Susubukang saksakin ng PROPESOR ang KASAMBAHAY pero mahahawakan nito ang kanyang kamay at
babaliin. Mabibitwan ng PROPESOR ang kutsilyo.)

PROPESOR: Patawarin mo ako!

(Hahatawin siya ng KASAMBAHAY nang dalawang beses. Babagsak ang PROPESOR.)

KASAMBAHAY: Mamamatay-tao! Nakakadiring baboy! Matagal n’yo na hong gustong gawin


sa akin ‘yon, ano! Hindi ho ako isa sa mga pinagpala niyong estudyante!

(Itatayo ng KASAMBAHAY ang PROPESOR gamit ang kolyar nito at aayusan ng damit. Matatakot ang
PROPESOR na parang bata.)

KASAMBAHAY: Ibalik n’yo ho ang kutsilyo kung saan n’yo kinuha! Bilis!

(Ibabalik ng PROPESOR ang kutsilyo sa tukador.)


Page 36
! of 38
!

KASAMBAHAY: At binalaan ko pa ho kayo, kani-kanina lang! Pagkatapos ng Aritmetik ay ang


Philology, at ang Philology ay nagdudulot ng krimen...

PROPESOR: Sinabi mo ngang Philology ang pinakamalupit sa lahat!

KASAMBAHAY: Pare-pareho lang ho ang nangyayari sa huli.

PROPESOR: Hindi ko lubos na maintindihan. Akala ko nung sinabi mong ang Philology
ang pinakamalupit sa lahat, ang ibig mong sabihin ay ito ang pinakamahirap
matutunan...

KASAMBAHAY: Sinungaling! Matandang hayup! Ang matalinong taong tulad n’yo ay hindi ho
magkakamali sa kahulugan ng mga salita. Hindi n’yo ho ako maloloko!

PROPESOR: (humihikbi) Hindi ko sinadyang patayin siya!

KASAMBAHAY: Nagsisisi naman ho ba kayo?

PROPESOR: Oo, Marie, sinusumpa ko.

KASAMBAHAY: Hindi ko ho mapigilang maawa sa inyo ngayon. Sige na. Hindi naman ho
kayo masamang tao. Susubukan ho nating gawin ang lahat para ayusin ‘to.
Pero ‘wag n’yo na hong uulitin... Baka magkasakit ho kayo sa puso.

PROPESOR: Oo, Marie! Ano nang gagawin natin ngayon?

KASAMBAHAY: Ililibing ho natin siya... kasabay ng naunang tatlumpu’t siyam... apatnapung


kabaong lahat-lahat... Tatawagin natin ang mga embalsamador at ang
kasintahan kong pari na si Auguste... magpapadala tayo ng mga bulaklak...

PROPESOR: Oo. Salamat, Marie, maraming salamat.

KASAMBAHAY: Siya nga ho pala, hindi na ho kailangang tawagin si Auguste. Para rin naman
ho kayong pari, kung gusto ninyo, kung maniniwala kayo sa sinasabi ng mga
tao.

PROPESOR: Pero ‘wag masyadong mahal ang mga bulaklak. Hindi pa siya nagbabayad sa
leksyon n’ya.
Page 37
! of 38
!

KASAMBAHAY: ‘Wag ho kayong mag-alala... mas mabuting takpan na lang ho siya ng palda
niya. Pagkatapos ilalabas na ho natin siya.

PROPESOR: Oo, Marie, oo. (tatakpan ang bangkay) Pwede akong makulong dahil dito, alam
mo... apatnapung kabaong... isipin mo... Magugulat ang mga tao... Paano ‘pag
may nagtanong kung anong nasa loob?

KASAMBAHAY: ‘Wag na ho kayong mag-isip ng kung anu-ano. Sasabihin ho nating wala silang
laman. Wala naman hong magtatanong. Sanay na ho sila.

PROPESOR: Kahit na...

(Maglalabas ang KASAMBAHAY ng armband na may nakatatak na simbolo, maaaring swastika.)

KASAMBAHAY: Ayan ho! Isuot ho ninyo kung natatakot kayo para wala na ho kayong
katakutan. (isusuot sa braso ng PROPESOR) Pulitikal ho ‘yan.

PROPESOR: Salamat, salamat, mabuting Marie; mas ramdam kong ligtas ako... Napakabait
mong babae, Marie... Napakabait mong babae, Marie... napakatapat...

KASAMBAHAY: Wala hong anuman. O siya, Monsieur? Handa na ho ba kayo?

PROPESOR: Oo, Marie. Handa na ako.

(Bubuhatin nilang dalawa ang katawan ng ESTUDYANTE.)

PROPESOR: Ingatan mong ‘wag siyang masaktan.

(Lalabas sila. Pagkalipas ng ilang saglit ay maririnig ang doorbell.)

BOSES NG KASAMBAHAY: ‘Andyan na! Sandali lang!

(Makikita muli ang KASAMBAHAY tulad ng sa umpisa ng dula. Tutunog muli ang doorbell.)

KASAMBAHAY: (sa sarili) Nagmamadali ang isang ‘to. (malakas) ‘Andyan na!

(Pupunta sa pinto ang KASAMBAHAY at bubuksan ito.)

KASAMBAHAY: Magandang umaga, Mademoiselle. Ikaw ba ang bagong estudyante? Nandito


ka para sa leksyon? Hinihintay ka ng Propesor. Sasabihin ko sa kanyang
dumating ka na. Pababa na siya. Pasok ka, Mademoiselle.
Page 38
! of 38
!

WAKAS

You might also like