You are on page 1of 2

MARITES NG AKING BUHAY

Kung bibigyan man ako ng pagkakataong mabuhay muli at


pumili ng panibagong inang mag-aaruga sa akin, paulit-ulit ko pa
ring pipiliin ang aking ina.

Hindi lahat sa atin ay nabiyayaan ng inang labis ang


pagmamahal at pag-aaruga sa kanyang anak. Masasabi kong ako
ay maswerte sapagkat binigyan ako ng Diyos ng inang lubusang
humubog sa aking pagkatao at patuloy na gumagabay sa akin sa
araw-araw.

Ang aking ina ay kilala sa palayaw na Marites. Ito ay nagmula sa


kanyang buong pangalan na Maria Theresa. Bagamat ang
Marites ay bansag sa mga taong mahilig sa tsismis at taglay ang
di kaaya-ayang ugali, kabaligtaran naman nito ang katangian ng aking ina. Simula’t sapul, ang aking ina
ay labis na pinahahalagahan ang pagkakaroon ng magandang asal lalong-lalo na sa pakikitungo sa
kapwa. Katulad ni Teodora, ang aking ina ay hindi nagkulang sa pagdidisiplina sa aming magkakapatid.
Araw-araw niya kaming pinaalalahanan na palaging magpakumbaba, ano man ang estadong narating
namin sa buhay. Sa kanya rin namin nakuha ang pagiging disiplinado sa kahit ano mang bagay. Naalala
ko noong ako ay bata pa, palagi akong sinasabihan ng aking ina na maging maingat sa gamit kung kaya’t
hanggang ngayon nadala ko ang pagigigng organisado at masinop sa gamit. Kalakip pa nito ang pagiging
strikto sa oras. lubos kong hinahangaan ang katangiang ito sa aking ina. Tinuruan niya akong bigyang
halaga ang oras na mayroon ako. Dahil dito, natutuhan kong huwag ipagpabukas ang mga bagay at
gawain na maaari ko namang gawin ngayon. Natutuhan kong maglaan ng sapat na oras lalo na sa mga
importanteng bagay katulad na lamang ng pag-aaral at pagkakaroon ng koneksyon sa pamilya.

Isa rin sa pagkakatulad ng aking ina kay Teodora ay ang pagiging masipag. Bukod sa paghahain
ng mga masasarap na pagkain, paglilinis ng bahay, at pagganap ng kanyang tungkulin bilang asawa at
ina, inaasikaso rin ng aking ina ang aming taniman ng palay at sibuyas. Simula noong mamatay ang
aming lola, ang aking ina at ama na ang namamahala ng aming bukirin. Dahil madalas ding
ginagampanan ng aking ama ang kanyang trabaho bilang isang guro, ang aking ina ang madalas na
bumibisita sa aming bukirin. Kadalasan, lalo na tuwing Sabado at Linggo, naaabutan naming wala na ang
aming ina sa bahay ngunit nakahanda na ang aming almusal, siya ay nakapaglaba na rin, at nakapagligpit
na ng mga kalat sa loob at labas ng bahay. Lubos ang aking paghanga sapagkat kahit kami ay malalaki na,
patuloy pa rin kaming pinagsisilbihan ng aming ina. Dito ko napagtanto na hindi natatapos ang
paghihirap at pagsisikripisyo ng isang ina kahit matanda at may sariling isip at buhay na ang kanyang
anak. Katulad na lamang ng pagmamahal ni Teodora kay Rizal hanggang sa huli nitong buhay, ito ay
walang kapantay at natatanging uri ng pagmamahal ng ina sa anak.

Hindi ko rin maipagkakaila na sa 20 taong nabubuhay ako sa mundo, ang aking ina ang
nagsilbing sandalan at kasangga ko sa anumang problemang aking kinaharap at kinakaharap. Ang aking
ina ang naging una kong bff. Noong ako ay nag-aaral sa sekondarya, naranasan kong mawala sa top 5 ng
aming klase. Labis ko itong dinamdam sapagkat ako ay nasanay na palaging nasa top 3 na
pinakamagagaling. Sa takot kong madismaya ang aking mga magulang lalo na ang aking ama, ito ay aking
nilihim ngunit kalaunan ay sinabi ko rin sa aking ina. Inakala kong magagalit ang aking ina ngunit sa halip
na ako ay pagalitan, agad niyang pinagaan ang aking loob at binigyan ng payo na hindi sa lahat ng
panahon ay palagi akong nasa taas, paminsan-minsan ay kailangan ko ring bumaba upang mas lalo kong
mapagbuti ang pag-aaral. Siya rin ang nagsabi sa akin na hindi mahalaga ang pagkaroon ng mataas na
grado sa halip ay mas pahalagahan ko ang aking mga natututuhan.

Sa aking pag-alala ng mga katangian ng aking ina, mas lalong lumalim ang aking paghanga sa
kanya. Talagang hindi matatawaran ang kanyang mga sakripisyo at paghihirap na panatilihing buo ang
aming pamilya sa kabila ng mga problemang mayroon kami. Kahit na paminsan-minsan at salat kami sa
salapi, hindi niya pinaramdam na kailangan naming tipirin ang aming mga sarili sapagkat siya ay
naghahanap ng paraan upang kami ay makaraos araw-araw. Kahit maraming dahilan na kami ay kanyang
sukuan, hindi niya ginawa. At kahit na napababayaan niya na ang kanyang sarili, kami pa rin ang kanyang
inuuna. Sa Marites ng aking buhay, tunay kang huwaran kaya’t iyong katangian ay palaging isasabuhay at
mga pangaral mo sa akin ay ‘di malilimutan.

You might also like