You are on page 1of 1

Abstract/Summary

Ang Pilosopiya ng Edukasyon para sa mga Pilipino ayon kay Emerita S. Quito ay dapat tungo sa rekonstruksyon ng
lipunan. Ito ay nakabatay sa pagmamahal sa bayan o nasyonalismo. Para sa kanya kailangan ang dekolonisasyon
upang alisin ang impluwensya ng mga dayuhan na naipunla sa loob ng mahigit tatlot kalahating sentenaryo ng
pananakop. Sa ganitong punto ay mababalikan ang kakanyahan at kadalisayan ng Diwang Pilipino. Lilitaw muli ang
pagpapahalagang Pilipino na siyang simula ng isang matibay na pilosopiya ng edukasyon at marapat na pundasyon
ng mga bansang nasa Third Word. Bagamat marami na ang nagtangkang ilagay ang nasyonalismo bilang batayan ng
pilosopiya ng edukasyon, kakaiba ang paraan ni Quito sapagkat isinabay niya ito sa pangangailangan ng pragmatiko
at maka-essensiyang (klasiko) kaalaman. Samakatwid ang kanyang pilosopiya ng edukasyon ay nakabatay sa
kasalukuyang sitwasyon ng bansa kung saan ang mga Pilipino ay nasa krisis sa pagitan ng pag-alam ng pagmamahal
sa bayan at praktikal na ideya ukol sa pagtatrabaho at paninirahan sa ibang bansa. Ang pag-aaral na ito ay isang
pagsusuri ng pilosopiya ng edukasyon ni Quito bilang batayan ng pambansang adhikain. Naglalayon din ito na
iposisyon ang ideya ni Quito sa makabagong diskurso at salik sa edukasyon. Kakaiba ang ideya ni Quito sapagkat
nag-uugat ito sa pag-uugnay niya ng nasyonalismo sa edukasyon bilang batayan ng bansang nasa Third World.
Samantalang nakaugat ang pangunahing diskurso ng mananaliksik ukol sa mga banta sa ideya ni Quito sa pananaw
na ang Diwang Pilipino ay di nawala o natabunan ng banyagang kalinangan. Di rin ito kailangang tabasan at ibalik sa
estado bago dumating ang mga Kastila, sapagkat ang mga karanasan sa panahon ng pananakop ay bahagi na rin ng
Diwang Pilipino. Ang Diwang Pilipino ay isang nagpapatuloy na proseso at hindi isang esensya. Kung gayon ang
direksyon ng pilosopiya ng edukasyon para sa mga Pilipino ay di pagbalik sa nakaraan kundi pagkilala sa
kasalukuyang salik sa edukasyon at paggawa ng mga bagong pagpapahalaga na aakma sa nagbabagong Diwang
Pilipino at nagbabagong sitwasyon.

You might also like