You are on page 1of 12

BAGONG DAAN

Isinulat ni Heireen Kei S. Alfaro

“May napili ka na ba?” Napatingin si Sabrina sa kanyang kaibigan na abala sa pagbabasa


sa brochure na inabot sa kanila ng kanilang guro. Tungkol ito sa gaganapin na “Career
Orientation” para sa mga Senior High School na katulad nila. Ang Career Orientation ay
isinagawa upang magabayan ang mga mag-aaral sa pagpili ng mabuti sa kanilang kurso na
gustong kunin at naka-ayon sa kung ano ba ang kanilang pangarap na maging trabaho sa
hinaharap.

Maraming mga tagapagsalita ang inimbitahan para sa kaganapan na ito, marami rin ang mga
representatibo ng mga Unibersidad ang pumupunta para manghikayat ng mga mag-aaral at mag
apply o mag inquire para sa kanilang pag ko-kolehiyo. 

“Meron na, ikaw ba?” Sagot ni Sabrina sa kaibigan. Maagang natapos ang klase nila ngayong
araw dahil sa gaganapin na Career Orientation sa hapon. Lahat ng Senior High School ay
kailangan pumunta dahil may attendance na kailangan pirmahan. May karagdagang puntos daw
kasi kapag pumunta. Kaya kahit hindi nila gustuhing pumunta ay napilitan sila dahil kailangan
pang pirmahan ang attendance sheet. 

“Meron na rin,” masayang sambit ni Fiona– kaibigan ni Sabrina. “Gusto ko nga na mag
pharmacy, ‘di ba?” 

Isang simpleng ngiti ang binigay ni Sabrina sa kaibigan. “Nai-kwento mo nga.”

“Uy, pupunta kayo?” Napalingon ang magkaibigan sa tumawag sa kanila. “Sa auditorium daw
ba gaganapin?” Tanong pa nito.

“Dean!” Tawag ni Fiona sa babaeng papalapit sa kanila. “Oo, sa auditorium daw.”

1
“Papunta ka na ba?” Tanong naman ni Sabrina sa kararating lang na kaibigan.
“Hindi sana,” buntong hiningang sagot nito. “Kaso may attendance raw kaya ayan papunta na
ako.” 

Napatawa naman ang dalawang magkaibigan sa sinabi ni Dean. Alam kasi nila na tamad talaga
ito pagdating sa mga pagpunta sa mga event sa eskwelahan nila. Mas gusto na lang nito na
tumambay sa loob ng classroom at magpalamig doon. Ayaw kasi nitong naiinitan at
makihalubilo sa maraming tao. Hindi naman sa ayaw niya sa mga tao pero ganung klase lang
talaga si Dean, hindi lang siya sanay sa mga masikip at mainit na lugar. Ayaw niya rin sa
masyadong maingay kaya madalas talaga wala siya sa mga event na nagaganap sa kanilang
eskwelahan. Naiintindihan naman ito ng magkaibigan. Alam nila ang mga bagay na gusto at
hindi gusto nilang magkakaibigan. Kaya nga sila naging magka-kaibigan dahil naiintindihan nila
ang isa’t isa. 

“Pwede namang kami na lang mag attendance sa’yo,” suhestiyon naman ni Sabrina sa kaibigan. 

Napatingin naman sa kanya ang kanyang mga kaibigan dahil sa kanyang sinabi. “Naisip ko na
‘yan pero si Ma’am Reyes daw mag papa-ikot nung papel.”

“Ay.” Sabi na lang ni Sabrina dahil mukhang hindi talaga makakatakas si Dean sa pagpunta sa
Career Orientation na magaganap. 

“Ang dami naman niyang time kung ganun.” Natatawang sabi ni Fiona. Marami ang pupunta
para sa event sa hapon, matitiis pa kaya ‘yon na mag check ng attendance sa lahat ng dadalo?
Napailing na lang sila na natatawa dahil d’on. 

Sabay-sabay naman na silang naglakad papuntang auditorium dahil may gaganapin na “Career
Talk” bago magsimula ang event. Gusto kasing makinig ni Fiona dahil baka raw may makuha
siya mula rito at makatulong sa pagdedesisyon niya sa kukunin niyang kurso para sa kolehiyo.
Kahit naman na may napili na silang na kurso ay napapaisip pa rin sila kung tama ba talaga

2
‘yung landas na tinatahak nila. Hindi naman talaga madali na mag desisyon lalo na kung ang
pinag uusapan ay ang magiging buhay mo sa hinaharap. Kailangan ay mapag isipan mong
mabuti kung ang kursong kukunin mo ay talagang gusto mo, kung iyon ba talaga ang gusto mo
maging trabaho sa hinaharap. Mahirap kasing mahalin ang isang bagay kung hindi mo naman ito
gusto. Kaya laging nagsasagawa ng Career Orientation ang kanilang eskwelahan para
matulungan ang mga estudyante sa pagdedesisyon para sa kanilang gustong maging kurso at sa
kung anong gusto nilang maging trabaho. 

“Ano bang gusto mong program sa college, Dean?” Tanong ni Sabrina habang mabagal silang
naglalakad patungong auditorium. Binagalan talaga nilang maglakad para hindi sila sa may
harap maupo. Mas gusto kasi nila na medyo gitna sila makaupo para hindi naman nakakailang
habang nakikinig sila. 

Napaisip naman si Dean sa tanong ni Sabrina. “Hindi ko pa alam, hindi pa kasi talaga ako
sigurado kung anong gusto kong kunin.”

“Pero nag file ka na ba ng application para sa entrance exams sa mga Universities?” Tanong ulit
ni Sabrina.

“Oo, pero ang nilagay ko lang na mga kurso roon ay ‘yung mga balak kong kunin.” 

“Hindi pa rin sigurado ‘yon?”

Umiling naman si Dean bilang sagot. “Ang hirap kasing mag decide kung ano ba talaga ‘yung
gusto ko, alam mo ‘yon.” 

“Hindi ko alam kung kakayanin ko ba ‘yon o kung para sa akin ba talaga ang kurso na ‘yon.”
Tapat na sabi ni Dean. Halata sa mukha nito na hindi pa talaga siya desido sa kung anong gusto
niyang kunin na kurso para sa kolehiyo. Mukhang nahihirapan ito sa pagpili at pagdesisyon sa
mga bagay na gusto niya. 

3
“Ikaw ba, anong gusto mo?” Tanong naman ni Dean sa kanya.
Alam na ni Sabrina ang sagot niya sa tuwing may nagtatanong sa kanya tungkol sa kung ano ba
ang gusto niyang kuhanin na kurso o kung ano ba ang gusto niya maging kapag nasa tamang
edad na siya. 

Umabot sa mga mata ni Sabrina ang ngiti niya sa kanyang sagot sa kaibigan. “Gusto kong mag-
sulat.” 

“Ano?” Nagtatakang tanong ni Dean. “Gusto mong mag sulat?”

“Oo.” Walang alinlangan sagot ni Sabrina at ngumiti muli.

“Seryoso ba ‘yan?” Tanong ni Fiona na biglang sumulpot sa tabi ni Dean at inagkla ang braso
niya sa braso ng kaibigan. “Kung gusto mo mag-sulat, bakit ka nag STEM?”

“Para maging doktora ka, ‘di ba?” Isang tipid na ngiti na lamang ang ibinigay ni Sabrina sa
kanyang ina. 

Naglilitanya na naman kasi ito na dapat ay maging doktora rin siya. Pero hindi naman iyon ang
gusto ni Sabrina. Ang gusto niya ay ang magsulat. Maging manunulat. Pero mukhang malabo
iyon kung galing ka sa pamilya ng mga doktor. 

Isang simpleng estudyante lamang si Sabrina. Isang butihing anak na laging sumusunod sa mga
sinasabi ng kanyang  mga magulang. Bawal mag-ingay kapag may bisita. Hugasan agad ang mga
pinagkainan at huwag itambak sa lababo. Umuwi bago mag curfew. Mag paalam kapag aalis
kasama ang mga kaibigan. “Hindi pa pwede mag boyfriend hanggat hindi pa 20 ang edad”, “Mag
STEM ka, anak”. Lahat ng iyan sinusunod niya. Lahat ng utos, lahat ng payo na binibigay ng
kanyang mga magulang. Pero mukhang nahihirapan siyang sundin ang mga yapak ng mga
magulang niya. Hindi niya gustong maging doktor kagaya nila. Ayaw niyang maging kagaya
nila.

4
Gusto niyang maging manunulat. Sa pagtupad niya sa pangarap niyang iyon ay masasabi niya na
hawak niya pa rin ang buhay niya. Siya pa rin ang may ari ng sarili niya. 

“Ma, ayoko.” Mahinang sambit ni Sabrina. 

Ilang beses na nila itong pinag uusapan at buo pa rin ang desisyon niya na maging manunulat.
Ngunit buo rin ang desisyon ng kanyang ina na maging doktor siya. Halos araw-araw itong
gumagawa ng paraan upang makumbinsi ang anak na kumuha ng pre-medical program upang
makapag doktor ito pagkatapos. Palagi siyang nakakatanggap na magiging maganda ang buhay
niya kapag naging doktor siya. Matutunan niya rin na mahalin ang pagdo-doktor. Pero kahit
anong sabihin nila ay lumalabas lang ito sa kabilang tenga ni Sabrina. Ayaw na niyang makinig
pa sa mga gusto nilang sabihin sa kanya. 

Ayaw niyang mag doktor. Simple lang ‘di ba?

“Sabrina,” tawag ng kanyang ina sa kanya. 

Hindi na umimik si Sabrina. Gusto na niyang matapos ang usapan nila. Tapos na siyang makinig.
Pagod na siya sa mga pag pupursigi nila sa kanya. 

“Subukan mo lang,” suhestiyon naman ng kanyang nakakatandang kapatid na lalaki. Isa na rin sa
napilit ng kanyang mga magulang na mag doktor. Kakapasa lang nito sa kanyang licensure exam
para maging doktor. At ang dahilan din kung bakit pinipilit siya ng kanyang mga magulang na
maging doktor na rin. 

“Pwede namang pag tapos mo ‘tsaka ka kumuha ng gusto mo talaga na kurso.” Sabi pa nito. 

Gusto na umalis ni Sabrina sa kinauupuan niya ngayon. Gusto na niyang pumunta sa kwarto niya
at itulog na lang ang lahat. Kailan ba matatapos ang usapan nila? Halos mag i-isang oras na
siyang linilitanyahan ng pamilya niya tungkol sa dapat niyang maging kurso. Paulit-ulit na lang

5
sila na ganito. Hindi na yata natapos. Kapag hindi pa rin nila nakumbinsi ang kanilang bunso ay
tuloy pa rin ang pag pipilit hanggang bukas o hanggang sa pumayag na si Sabrina sa gusto nila.

“Pagisipan mo muna,” Dagdag naman ng kanilang ina. “Maraming magandang oportunidad


kapag naging doktor ka, anak.”

“Mas marami kang trabaho na makukuha at mas malaki ang magiging kita mo.”

Pang ilang beses na niya ba itong narinig? Pang lima? Pang anim? Pang sampu? Hindi na niya
mabilang. Halos lagi niya itong naririnig sa ina at nakabisado na niya ang mga linya nito sa
tuwing nag uusap sila tungkol sa kung anong propesyon ang dapat niyang kunin. 

“Ma, ayoko po talagang mag doktor.” Madiin na sabi ni Sabrina. Sigurado na siya sa desisyon
niya pero mukhang hindi pa tanggap ng pamilya niya kung ano talaga ang gusto niya. 

“Sabrina, anak,” tawag sa kanya ng kanyang ina na tila bang sinasabi niya na baka magbago pa
ang isip nito. Ngunit buo na ang desisyon ni Sabrina. Hindi siya mag dodoktor.

“Kuya,” mahinang tawag ni Sabrina sa nakakatandang kapatid, humihingi ng tulong. Pagod na


talaga si Sabrina na makinig pa. 

Tumango naman ang kanyang kuya at nakuha na ang gustong iparating nito sa kanya. “Gusto mo
ba talagang mag sulat?”

“Oo.” Masayang sagot ni Sabrina kay Fiona kung nasasabik na ba ito sa kanilang gagawin
ngayong araw. Ngayon kasi ang kanilang alis. Balak kasi nilang bumisita ngayon sa mga
Unibersidad na gusto nila o nasa pagpipilian nila. 

Biyernes at wala silang pasok ngayong araw. May importante kasing seminar na pupuntahan ang
mga guro nila kaya kinansela na lang nila ang pasok para sa araw na ito. Upang maging

6
produktibo ang araw nila ay naisipan nilang bumisita sa mga sikat na unibersidad at sa mga nais
pa nilang puntahan. 

Maganda rin ang panahon kaya naisipan nila na ngayon gumayak. Maaliwalas ang hangin at
hindi gaano kainit. Tamang tama lang sa kanilang pag alis. “Tara na!” Tawag sa kanila ni Dean
na nasa loob na ng sasakyan at hinihintay na sila.

Una nilang pinuntahan ay ang mga sikat na unibersidad. Lumibot sila sa bawat pasilyo at sa mga
departamento na gusto nilang kurso. Sa pagbisita nila sa mga paaralan na ito ay nararamdaman
nila ang saya sa kanilang puso. Nakikita nila na isang araw ay magiging parte na rin sila ng mga
gusto nilang kurso. Na malapit na nila matupad ang kanilang mga pangarap.

“Sa tingin mo makakapasok tayo rito?” Tanong ni Dean habang taimtim silang naglilibot sa
Unibersidad ng Pilipinas– isa sa mga pangarap na pasukan ni Sabrina na paaralan. 

Matipid namang ngumiti si Sabrina. “Oo naman.” 

“Iiyak talaga ako kapag nakapasok ako rito!” Emosyonal naman na sambit ni Fiona. Pangarap
niya ring kasing makapasa at makapasok sa paaralan na ito. Sino nga bang hindi?

Isa ang UP sa pinakamagandang paaralan sa buong Pilipinas. Ang reputasyon nito bilang
Unibersidad ay talagang masasabi mo na kakaiba. Dahil magagaling at matatalino talaga ang
nakakapasa sa paaralan na iyan. Kaya pangarap ng mga magkakaibigan na makapasok rito at
makapag aral. 

“Gusto mong magsulat ‘di ba?” Tanong ni Dean. “Ang alam ko maraming kurso ang UP tungkol
sa pagsusulat. Mag a-apply ka?”

“Gusto ko.” Sagot naman ni Sabrina. 


“Kaso?” 

7
“Gusto ng pamilya ko na kumuha ako ng pre-med program para makapag doktor ako.” Tipid ang
ngiti ni Sabrina habang ibinabahagi ang mga naging usapan sa kanilang pamilya. 

Mabuti na lang at mayroong mga kaibigan si Sabrina na napagbabahagian niya ng mga problema
niya. Lalo na kapag tungkol sa pamilya niya. Minsan kasi hindi na niya alam kung saan pa
patungo ang mga nararamdaman niya. Kaya sobrang nagpapasalamat siya sa mga kaibigan niya
na laging handang makinig sa mga problema niya at ganun din naman siya sa mga kaibigan
niya. 

“Pero hindi mo naman ‘yon gusto ‘di ba?” wika naman ni Fiona. “Ano na ang gagawin mo
niyan?” 

“Paano kung hindi ka payagan?” Napatahimik na lang si Sabrina sa tanong ni Dean. 

Hindi niya rin kasi alam ang gagawin kung sakaling hindi siya payagang kunin ang gusto niya.
Hindi niya alam ang gagawin kung mangyayari nga iyon. 

Hindi ko na alam. Sabi ni Sabrina sa sarili. Dahil sa pandemya na nangyayari sa mundo ay lahat
ng mga eskwelahan ay nagtala ngayon ng online class. Bawal lumabas basta basta at kailangan
lang manatili sa loob ng bahay upang maging ligtas sa virus na kumakalat. Kapag lumabas
naman ay may mga safety measures na kailangan sundin upang hindi mahawa ng sakit. 

Nawawala na rin ng pag asa si Sabrina sa kukunin niyang kurso. Ngayon na nasa bahay na lang
siya ay binabantayan ng pamilya niya ang bawat galaw at kilos niya. At higit sa lahat
nababantayan nila ang pag aaral nito. Hindi naman sa lebel na nasasakal si Sabrina sa loob ng
bahay nila. Hindi lang siya sanay sa atensyon na binibigay sa kanya. 

Ngayong mukhang matatagalan pa bago mawala ang sinasabing virus at nasa pandemya pa rin
sila ay nabibigyan siya ng oras upang magawa ang bagay na gusto niya. Ang magsulat.
Nakakapagsulat siya kapag meron siyang libreng oras at nahuhubog niya ang sarili sa pagsulat.
Mas lalo niyang minahal ang pagsusulat kaya mas lalong umigting ang pagkagusto niya kumuha
8
ng kurso na may kinalaman sa pagsusulat. Ngunit mas lalo lang din lumala ang pagkukubinsi ng
pamilya niya na kumuha siya ng pre-medical program. Lalo na ngayon na nagkapandemya, mas
kinukumbinsi nila si Sabrina na magtuloy na sa pre-med program. 

Kaya ngayon na malapit na matapos sa Senior High School si Sabrina ay mas lalong napapadalas
ang pagkukunbinsi sa kanya ng kanyang pamilya. Hindi na lamang nagsasalita si Sabrina tuwing
nangyayari ito. Ayaw na niya humaba pa ang usapan kaya minsan hindi na lang siya umiimik o
nagkukulong na lang siya sa loob ng kanyang kwarto. Ginagawa niya ito para hindi pa humaba
ang diskusyunan nila at sumama ang loob niya sa kanyang pamilya.

Gusto lang naman niyang gawin kung ano sa tingin niya ang dapat at nakakapagpasaya sa kanya.
Gusto niyang kunin ang kurso na kung saan siya sasaya. Pero bakit parang ayaw siyang sumaya
ng pamilya niya? Hindi na ba siya pwede pumili ng gusto niyang gawin? Bakit palagi kailangan
ng opinyon nila sa kasiyahan niya? Hindi ba siya pwedeng sumaya ng kanya lang? Hindi na ba
siya pwedeng maging siya? Dahil buong buhay naman niya ay naging mabuting anak at kapatid
siya sa kanyang pamilya. Pero bakit parang ngayong gusto niyang sundin ang kasiyahan niya ay
hinahadlangan siya ng mga ito? Ganito ba talaga dapat?

“Sabrina?” Nakarinig na mahinang katok si Sabrina sa kanyang pintuan. 

Narinig niyang bumukas ang pintuan niya kaya napalingon siya sa kung sino ang nagbukas nito.
Nakaupo siya ngayon sa may study area niya dahil inaasikaso niya ang mga kailangan niya pang
ipasang requirements para makapag tapos na siya ng Senior High School. 

Medyo abala siya sa maraming bagay ngayon dahil patapos na nga siya ng High School. Marami
siyang inaasikaso ngayon para maging madali na lang ang araw niya sa mga susunod pa. At wala
na siyang poproblemahin pa. 

Nakita naman niya ang kanyang ina na may dalang mga biskwit, hiniwang prutas at orange juice
para sa kanya. 

9
“Ma,” nakangiting tawag ni Sabrina sa ina. 

“Nagdala ako ng makakain mo, may ginagawa ka pa ba?” Inilapag naman nito ang mga dala sa
isa pang lamesa malapit sa study area ni Sabrina. 

“Patapos na rin po ako,” sagot nito at ipinasa na ang mga requirements na hinahanap para sa
kanyang paaralan. “Salamat po sa pagkain.”

Ngumiti lang ang kanyang ina at pinagmamasdan ang ginagawa ng anak. Inoobserbahan niya
kung anong ginagawa nito at kung patapos na ba talaga siya sa kanyang gawain. “Malapit ka na
mag kolehiyo.” Mahinang sabi nito ngunit rinig pa rin ito ni Sabrina. 

“Parang kailan lang ang liit mo pa tapos ayaw mong pumasok kasi ayaw mong humiwalay sa
akin.” Natawa naman si Sabrina sa alaalang iyon. Kahit sino naman yatang maliit na bata ay ay
ayaw humiwalay sa kanilang mga nanay at ayaw pumasok sa paaralan. “Tapos ngayon mag ko-
kolehiyo na ang bunso ko.”

“Mabilis lang talaga ang panahon, Ma.” Nakangiting sabi ni Sabrina sa ina na tila ba sinasabi
niya na hindi niya maiiwasan ang paglipas ng panahon. “Tignan mo si kuya, doktor na!”

“Kapag ikaw naging doktor, panigurado doktor ka sa puso.” Sabi ng kanyang ina. “Mahilig ka
magbasa about sa mga parte ng puso ‘di ba?” 

Tumango naman si Sabrina bilang sagot. Kung magiging doktor man siya siguro nga ayun ang
magiging espesyalidad niya. 

“Okay naman ang puso mo hija, wala namang problema ang nakita.” Magandang balita ng
doktora sa kanyang pasyente. “Ang sintomas na nararamdaman mo ay dahilan lamang ng
sobrang pagkapagod.”

10
“Kailangan mo lang mabuting pahinga at uminom ng tubig palagi, huwag kakalimutan.” Bilin pa
nito sa pasyente. 

“Maraming salamat Dok” pagpapasalamat ng pasyente sa doctor

“Alam mo ba na tagahanga mo ako, sana ay makabili ako ng bago mong isinulat na libro at hindi
na naman ako maubusan” pabirong sabi ng doktora sa kaniyang pasyente

“Sure, magkikita pa tayo doktora Santos at maraming salamat sa’yo”

“Magpagaling ka ha” sabay nang lumabas ang doktor at ang pasyente ng kwarto dahil sa huling
pasyente na niya ito at may kailangan pa siyang asikasuhin sa labas.

“Sabrina” tawag ng isang lalakeng doktor, napatingin naman sa kaniya ang doktora.

“Kuya patapos na rin ang duty mo? Sabay na tayong umuwi?”

“Marami pa akong kailangan na tapusin, by the way doktora Santos may kailangan pala tayong
pag-usapan sa taas”

“Sure may aasikasuhin lang ako at susunod na ako sa taas, maiwan ko na muna kayo diyan”
ngumiti ito at umalis na.

11
“Kumusta ang lagay mo, ano ang sabi sayo ni Dra. Santos?” nag-aalalang tanong ng doktor sa
kaniyang kapatid.

“Okay na ako kuya hindi mo na ako kailangan pang alalahanin, siya nga pala kailangan ko ng
umalis at marami pa akong isusulat malapit na ang deadline ng mga iyon at isa pa kung ako
sa’yo ay liligawan ko na si Dra. Santos” nagulat naman ang Doktor sa sinabi ng kapatid kaya
napatingin ito sa kaniyang paligid, sinigurado niyang walang nakarinig sa sinabi ng kaniyang
kapatid “umuwi kana nga kung ano-ano na ang pinagsasabi mo, mag-iingat ka paguwi”

“ikaw rin kuya ay mali… ikaw rin dok” pabiro niyang sigaw sa doktor na kapatid

“Umuwi na Sabrina at marami ka pang isusulat”.

Hindi naging Doktora sa Sabrina gaya ng inaasahan ng kaniyang ina ngunit sa huli ay naging isa
siyang sikat na manunulat, natupad niya ang kaniyang pangarap at sinuportahan siya ng kaniyang
pamilya, pinatunayan niya na may buhay ang pagsusulat, may mapapala ang pagsusulat at may
maidudulot itong maganda para sa lahat.

12

You might also like