You are on page 1of 11

METODO: COMMUNICATIVE LANGUAGE TEACHING

Mga Pananaw at Komento:

Hindi dapat turuan ang mga mag-aaral batay sa aklat. Huwag ituro ang lahat ng
nakasulat sa aklat at huwag na huwag sasambahin ang mga pahina. Mas mahalaga na turuan
ang mga mag-aaral sa kasalukuyan kung paano mag-isip. Nagiging alipin ng mga aklat ang halos
lahat ng mga mag-aaral at maituturing ka lamang na mahusay kapag marami kang nalalaman na
nakabatay sa aklat. Mataas ang tingin sa iyo ng lipunan kapag halos lahat ng sinasabi mo ay
mayroong basehan o sanggunian ngunit nakalulungkot na hindi ganoon katas ang tingin ng mga
tao sa mga taong mahusay lamang mag-isip. Hindi sila nakikilala ng lipunan sapagkat wala silang
sapat na basehan; ang kanilang nalalaman ay batay lamang sa kanilang pagmamasid sa tunay na
buhay. Hindi ba’t higit na marunong ang mga taong nakapag-iisip nang hindi kinakailangan ang
anomang basehan? Sapagkat mayroon siyang sariling pagpapasya at hindi umaasa lamang sa
kung anong mga kagamitan ang nasa kanyang paligid. Kailangan yatang balikan ng
Departamento ng Edukasyon ang paraan sa kung paano natuto ang mga tao noon sapagkat
masyado ng maraming kagamitan ang abot-kamay ng mga mag-aaral kung kaya’t tinatamad na
silang mag-isip at umaasa na lamang sa internet. Kahit sabihin pang magkaiba ang panahon
noon at ngayon, hindi maitatatwang higit na mahusay ang mga kabataang natuto noong unang
panahon sapagkat sinisikap nilang malaman ang mga bagay-bagay sa kanilang sariling paraan.
Walang instant gaya ng Google, ang mayroon lamang ay ang pagtatanong asa mga taong
marunong sa buhay. Kailangan nating siliping muli at ating balikan ang kurikulum na mayroon
tayo sa kasalukuyan, tunay nga bang epektibo ang malaking bahagdan ng performance tasks
upang matuto ang mga mag-aaral? Gaano kaya ito katotoo sa mga mag-aaral na mayroong iba’t
ibang paraan ng pagkatuto? Sapat na kaya ang mga taon na ginugol natin upang makita kung
gaano kaepektibo ang K-12? Bakit tila walang nagsasagawa ng ebalwasyon tungkol sa
katagumpayan ng kurikulum na ito? Ipagpapatuloy na lamang ba ito sa kabila ng dami ng butas
na kasalukuyan nating nakikita? Hindi kaya takot lamang ang DepEd na harapin ang anomang
problema na mayroon sa kasalukuyan? Nakapagtatakang hindi ito binibigyang-pansin gayong
edukasyon ang tanging susi upang umunlad ang isang bansa. Nakalulungkot ngunit totoong
pera-pera na lamang ang labanan. Hangga’t maginhawa ang buhay ng mga nasa itaas, hindi
kailanman nila maiisip ang hirap na nararanasan ng mga nasa laylayan.

Suhestyon:
Sa bawat metodo mahalaga na mayroon itong kaakibat na trend upang maging akma ang mga
gawain sa edad ng mag-aaral. Kaya naman narito ang aking magiging suhestyon sa metodong
ito: Magpapakita ng iba’t ibang trends na nakaugnay sa bawat bahagi 1. (A)ngkop na Pagkatuto
sa bahaging paghahanda (Adaptive Learning), 2. (BA)tay sa Kontekstong Pagkatuto sa bahaging
pagtalakay (Context-Based Learning), 3. (KA)alaman sa tulong ng argumentasyon sa bahaging
kolaborasyong-pagkatuto ng mga mag-aaral (Learning thru argumentation).

1. (A)ngkop na Pagkatuto – PAGHAHANDA


Sa unang bahagi ay inaasahan na ang guro ay makapaghanda ng isang gawaing
makapagbibigay ng motibasyon sa mga mag-aaral. Sa tulong ng gawain ay kailangan
niyang makabuo ng isang pagtataya upang malaman kung ano pa ang hindi nalalaman
ng mga mag-aaral. Mahalaga ang pagkakaroon ng motibasyon higit lalo bago magtalakay
ng isang mahalagang ideya o paksa sapagkat ang motibasyon ay ang
pinakaimportanteng salik na dapat ma-target ng mga guro upang mapagbuti ang
pagkatuto. (Olson, 1997). Lumabas din sa pag-aaral na isinagawa nina Gupta at Mili
(2015) na malaki ang kaugnayan ng akademikong motibasyong gawain sa katagumpayan
ng mga mag-aaral. Ang mga mag-aaral ay natututo sa iba’t ibang paraan sapagkat
mayroon silang iba’t ibang uri ng kahusayan o ang tinatawag na Multiple Intelligences
(M.I) Kornhaber (2001). Sa pagbuo ng gawain bilang panimula ng prosesong pagtuturo-
pagkatuto, mahalagang isaalang-alang ang iba’t ibang paraan ng pagkatuto ng mga mag-
aaral, kaya importante ang pag-alam kung ano ang kanilang kahusayan. Dito ay
maiuugnay ang paggamit ng trend na Angkop na Pagkatuto o kilala rin sa tawag na
Adaptive Learning – pag-aanalisa sa kaalaman ng mga mag-aaral bago magsimula ang
talakayan sa pagbuo ng mga gawaing gagamitin sa motibasyon.

2. (BA)tay sa Kontekstong Pagkatuto - PAGTALAKAY


Sa ikalawang bahagi, ang pagtalakay ay inaasahang mangagaling sa guro. Ang
bawat mag-aaral ay mayroon ng ideya sa pagsulat ng isang pananaliksik gayunpaman,
hindi maikakaila ang katotohanan ng Teoryang Scaffolding nina Wood, Bruner at Ross
(1976) na naniniwalang ang mga mag-aaral ay mayroong tinatawag na Zone of Proximal
Development, na isang krusyal na oras ng pagtuturo-pagkatuto sapagkat ang More
Knowledgeable Other (MKO) ay mahalagang magabayan sa pagkatuto ang mga mag-
aaral. Kaya naman pagkatapos ng gawain sa motibasyon ay magbibigay ng input ang
guro tungkol sa pagsulat ng isang papel-pananaliksik at ito ay nakabatay sa teoryang
constructivist – ang guro ay magbibigay ng gawain kasabay ng pagbibigay ng
impormasyong mang-eenganyo sa mga mag-aaral upang balikang muli ang alam na nila,
at sila ay dadaan sa prosesong “rediscovering” o muling pagdalumat sa kanilang
kaalaman sapagkat binanggit ni Bada (2015) sa kanyang pag-aaral ang tungkol sa
teoryang constructivism, na nagsasabing epektibo lamang ang pagkatuto kung
naiuugnay ng mga mag-aaral ang dati nilang kaalaman sa bagong kaalaman. Nakaugnay
din sa pagtalakay ng paksa ang kahalagahan ng kontekstong pagkatuto o ang context-
based learning. Mahalagang naiuugnay ng guro ang paksa sa buhay ng kanyang mga
mag-aaral, ang konteksto ng mga aralin ay kailangang nailalarawan bilang mga gawaing
tutulong sa mga mag-aaral na mabigyang kahulugan ang kanilang mga tinatalakay. (De
Jong, 2006).

3. (KA)alaman sa tulong ng argumentasyon – KOLABORATIBONG PAGKATUTO

Sa ikatlong bahagi ng prosesong pagtuturo-pagkatuto, inaasahan ang buong klase ay


magkaroon ng kolaboratibong pagkatuto sapagkat pinaniniwalaan na ang kolaboratibong
pagkatuto ay higit na makatutulong sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng
aktibong mga gawain katulad ng pakikipag-ugnayan hindi lamang sa guro kundi maging sa
kapwa mag-aaral (Linden, 2000). Sa bahaging ito rin naiuugnay ang trend na pagkuha ng
kaalaman sa tulong ng argumentasyon o mas kilala rin bilang learning thru argumentation.
Mula sa pananaw ni Piaget, ang interaksyon sa kapwa kamag-aral ay isang mahalagang
aspekto ng kognitibong pag-unlad at pagkabuo ng kaalaman (Palincsar, 1998). Ang
interaksyon ng isang mag-aaral sa kapwa mag-aaral ay nagbibigay ng oportunidad sa kanila
na muling ikonsidera ang dati na nilang kaalaman at paniniwala. Sa iilang mga kaso, ang
muling pagkokonsidera sa mga ito ay nagbibigay-daan sa isang panibagong kaalaman. (De
Lisi & Golbeck, 1999). Sa katunayan ang argumentasyon ay nananatiling isa sa mga
pangunahing anyo ng interaksyon (Voss & Dyke, 2001). Maraming mga pag-aaral na ang
nagpatunay na higit ang kaalaman at benepisyong nakukuha ng mga mag-aaral mula sa
pagbuo ng mga argumento at pakikilahok sa mag argumentong diskurso hindi lamang sa
mga kolehiyo kundi para sa mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya (Kuhn & Udell,
2003).
METODO: COMMUNITY LANGUAGE LEARNING

Mga Pananaw at Komento:

Mahalaga ang ambag ng pedagohiya sa prosesong pagtuturo at pagkatuto. Halos lahat


ng epektibong guro ay gumagamit ng iba’t ibang mga estratehiya sapagkat walang isang
pangkalahatang lapit o metodo na maaaring gamitin sa lahat ng sitwasyon. Kung gayon,
mahalaga na alam ng bawat guro sa loob ng silid ang kahalagahan ng epektibong pagtuturo.
Ayon kay E. Amidon (1967), ang pagtuturo ay isang interaktibong proseso, na karaniwang
nakikita sa loob ng silid-aralan – ito ay ang palitan ng kuro-kuro sa pagitan ng guro at ng mga
mag-aaral. Bawat guro ay marapat lamang na may kaalaman sa pedagohiya sapagkat ito ay ang
karunungan sa pagtuturo at dito natataya kung gaano kahusay ang guro sa kanyang
pagbabahagi ng kaalaman sa klase (Hill, Rowan, & Ball, 2005). At upang makamit ang layunin sa
epektibong pagtuturo ay palaging kaakibat ng guro ang kurikulum na itinatakda ng
Departamento ng Edukasyon upang may iisang tunguhin ang bawat paaralan sa isang bansa.
Ang kurikulum ang batayang sangkap ng pagtuturo-pagkatuto – ang pangunahing dahilan kung
bakit nag-aaral ang tao sa loob ng paaralan. (Klein, 1986). Dala ng malawakang pagbabago sa
pangangailangan ng mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan marapat na nakaayon sa
nagbabagong henerasyon, pang-ekonomiyang salik, pabago-bagong pangangailangan sa mundo
ng trabaho at iba’t ibang pangangailangan ng bawat paaralan at panahon ang bawat paksang
tinatalakay sa bawat banghay-aralin (Bigham,2014). Kaya ganitong mahalaga ang wasto,
maingat at nakaayon sa pananaliksik na pagkakabuo ng bawat kurikulum. Isa ring mabisang
paraan ay ang pag-uugnay ng mga trends upang tuluyang matugunan ang pangangailangan ng
bawat mag-aaral.

Ngayong hinaharap na natin ang digital age, kabilaan na ang mapagkukuhanan ng


impormasyon at hindi na limitado sa mga aklat ang mga kaalamang hangad matutuhan ng
bawat mag-aaral. Kaya naman isang hamon sa mga guro sa hinaharap ang pagtuturo sa mga
estudyante kung paano ang wastong pagsipat sa mga sangguniang mapagkakatiwalaan at
mayroong basehan. Mahalagang may kasanayan ang mga mag-aaral tungkol dito kaya naman
ang tugon ng Departamento ng Edukasyon ay ang pagkakaroon ng asignaturang may kinalaman
sa pananaliksik at isa sa mga ito ay asignaturang Filbas o ang Pagbasa at Pananaliksik ng Iba’t
ibang Teksto Tungo sa Pagsulat ng Pananaliksik. Gayunpaman, ang pagtuturo ng pagsulat ng
pananaliksik ay hindi natin maikakailang kaiba sa pedagohiyang nakasanayan na magsisimula sa
pagganyak, pagtalakay, paglalapat at pagtataya. Kaya naman sinikap na mabuo ang modelong
ito upang makatulong sa mga gurong nagtuturo ng asignaturang Filbas sa Senior High School.

Suhestyon:
Ang suhestyong ito ay nagbibigay-diin sa pagtuturo ng kahalagahan ng pagsusuri at
pananaliksik, ito ay ibinatay sa teoryang constructivist – Ayon sa Thirteen Ed Online (2004), ito
ay isang estratehiya na tumutulong sa mga mag-aaral na bumuo ng mga konkretong ideya sa
pamamagitan ng asimilasyon (pagtanggap ng bagong ideya) at akomodasyon (pagkilatis sa
bagong tanggap na ideya). Kailangan ng mga mag-aaral ng manghihikayat sa kanila upang
gumamit ng mga aktibong paraan ng pagkatuto gaya ng paglutas ng problema sa tunay na
buhay at mga eksperimento upang sila ay makapagnilay sa bagong tanggap na kaalaman at
mailapat ito sa labas ng apat na sulok ng silid. Maglalapat ng dalawang trend upang higit itong
maging akma sa edad ng mga mag-aaral.

Pinagbatayan din ang Zone Of Proximal Development (ZPD) ni Vygotzky sa pagbuo suhestyon
sapagkat ayon kay Vygotzky ang kahulugan ng ZPD ay:

“Ang distansya sa gitna ng aktwal na lebel ng pag-unlad na natutukoy sa pamamagitan ng


independent problem solving at ang lebel ng potensyal na pag-unlad na natutukoy sa
determinadong paglutas sa problema sa tulong ng gabay ng mas maalam okaya naman ay sa
kolaborasyon ng may mas mataas na kaalaman na kamag-aral” (Vygotsky, 1978, p. 86).

Sa pedagohiya nito ay makikita ang kahalagahan ng wastong gabay sa mga mag-aaral


na mayroon ng kaalaman ngunit nangangailangan ng wastong patnubay at gabay mula sa
kanilang guro okaya sa kapwa kamag-aral o ang tinatawag na More Knowledgeable Other
(MKO). Kaya naman nakapaloob din sa modelo ang Teoryang Scaffolding na una ng ginamit nina
Wood, Bruner at Ross (1976). Sa modelong ito ay mahalagang maalam ang guro sa wastong
paggamit ng scaffolding na ayon kay Maybin, Mercer and Steirer (1992: 186) ay
nangangahulugang:

“Pansamantala ngunit kailangang gabay ng mga tagapagturo upang masuportahan ang


pagkatuto at matagumpay na pagtupad sa mga gawain”

Binanggit din nina Burns (2005) na hindi lamang gabay ng guro ang makatutulong sa
mga mag-aaral kundi marapat ding turuan ang mga mag-aaral kung paano sila makagagawa ng
isang layunin nang hindi na nangangailangan ng gabay mula sa guro. Ang pagtuturo hindi
lamang kung “ano ang kailangang isipin at gawin” kundi kung “paano dapat mag-isip at paano
ito isasagawa” nang sa gayon ay mailapat sa bagong konteksto ang bagong kaalaman na
natutuhan.

1. (DA)lumat ng emosyon – PAGLALAPAT


Sa bahaging ito ng proseso ay tuluyan ng lalabas sa Zone of Proximal Development
ang mga mag-aaral. Dito nila ilalapat ang mga araling natutuhan sa tulong ng scaffolding na
isinagawa ng guro at pagbabahagi ng iba pang mga kamag-aral. Ang bawat pangkat ay
tutungo na sa kanilang expert group upang makasulat ng kani-kanilang mga papel-
pananaliksik. Kasabay ng bahaging ito ang pagtukoy ng guro kung nauunawaan ba ng mga
mag-aaral ang kanilang naging talakayan. Mahalaga ang paglalapat ng kaalaman upang
mataya ang abilidad ng mga mag-aaral. Ang bawat silid-aralan ay maituturing na tagpuan ng
iba’t ibang emosyon. Ang emosyonal na karanasan ay may malaking epekto sa pagkatuto ng
mga mag-aaral, sa kanilang ugnayan sa silid at sa kanilang nais makamit sa buhay (Tresize,
2017). Sa tulong ng trend na Analysis of Emotion ay matutulungan ang bawat guro na
matukoy ang emosyon ng mga mag-aaral habang inilalapat nila ang kanilang kani-kanyang
mga kaalaman sa pagsulat ng papel pananaliksik.

2. Tayain ang kaalaman sa tulong ng teknolohiya – PAGTATAYA AT TAKDANG-ARALIN

Sa ikalimang bahagi at huling hakbang ay tatayain na ng guro ang natutuhan ng mga


mag-aaral sa pamamagitan ng inobatibong paggamit ng teknolohiya. Sa bahaging ito ng
prosesong pagtuturo-pagkatuto ay magkakaroon ng presentasyon ang mga mag-aaral
tungkol sa bahagi ng kanilang papel-pananaliksik na naisagawa.At sa huli ay ang pagsulat ng
mga rebisyon bilang takdang-aralin. Maraming paraan na ang pwedeng gamitin ng mga guro
sa pagtataya ng kaalaman ng mga mag-aaral gamit ang teknolohiya, higit lalo ngayong bukas
na ang kaisipan ng mga itinuturing na millenials sa malawakang paggamit ng midya para sa
kanilang pangkabuuang pagkatuto (Prensky, 2001). Sa bahaging ito ay gagamitin ang
platform na schoology. Ang www.schoology.com ay inilalarawan ang kanilang website
bilang isang learning management system (LMS) na mayroong lahat ng kagamitang
pampagtuturong kailangan ng isang institusyon upang makabuo ng kahali-halinang
nilalaman, disenyo ng banghay-aralin at pagtataya sa kaalaman ng mga mag-aaral. Sa
pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya ay nagkakaroon ng tala ang guro sa progreso ng
bawat mag-aaral. Nakapagbibigay rin ng agarang tugon ang guro sa sagot ng mga mag-aaral.
Ayon sa Thirteen Ed Online (2004), ang ganitong uri ng mga kagamitang panturo ay
malaking tulong sa mga guro upang matulungan ang mga mag-aaral na nahihirapan pa.
PHILIPPINE NORMAL UNIVERSITY
National Center for Teacher Education

METODO SA PAGTUTURO NG WIKA

COMMUNICATIVE LANGUAGE TEACHING


AT
COMMUNITY LANGUAGE LEARNING

Pedagohiya ng Wikang Filipino

FLA 4

Inihanda ni:

Leri Mae P. Mariano

Isinumite kay:
Florencia F. Marquez, Ph.D

PHILIPPINE NORMAL UNIVERSITY


National Center for Teacher Education

METODO SA PAGTUTURO NG WIKA

COMMUNITY LANGUAGE LEARNING

Pedagohiya ng Wikang Filipino

FLA 5

Inihanda ni:
Leri Mae P. Mariano

Isinumite kay:

Florencia F. Marquez, Ph.D

You might also like