You are on page 1of 1

"SALAMAT PO, PASTOR"

(Bukas na liham para sa lahat ng ka-Pasturan)


Pastor, hindi niyo man po nalalaman,

Dahil hindi naman ako makibo at hindi tumatayo sa harapan,


Madalang din naman kung ako ay magsalita,
Ngunit ngayon po ay gusto kong sabihing, “maraming maraming salamat!”
Alam ko pong hindi sapat ang pagpapasalamat sa inyong mga sakripisyo,

Sa mga pagpapagal, pananalangin, sa mga kagaya kong minsan ay perwisyo,


Ngunit sana’y sa sulating ito ay maunawaan ninyo,
Na may isang perwisyong kagaya ko na humahanga sa pananampalataya mo.
May mga panahon po kasing gusto ko nading sumuko,

Dala ng maling pagpapasiya na sa aki’y nagpapalumo;


Alam ko pong nakakahiya pero ito ang katotohanan,
Gusto ko mang maging malakas ngunit may panahon talagang pinanghihinaan.
Ngunit matapat po ang Diyos sapagkat gumagamit Siya ng mga tao,

Pinapaalala Niya na walang masarap na buhay kundi ang maglingkod sa Panginoon ko;
At dito ko po masasabing kayo ang ginamit Niya,
Hindi madali sa ministeryo, pero nananatili po kayong masaya.
Sa kung paano kayo umawit, para bang wala kayong problema,

Sa inyong mga pangangaral, para bang alam niyo lahat sa Bibliya;


Namamangha po ako kung paano kayo gamitin ng Diyos,
Kaya’t hindi po ako magtataka kung sa buhay ninyo, madami ang pinagpapalang lubos.
Hindi niyo kami kadugo ngunit labis ang inyong pag-aalala,

Itinuring niyo po kaming mga anak, kapatid, at bahagi ng inyong pamilya;


Sa mga bagay na ito, alam kong sapat na para hindi ikahiya,
Na sabihing ikaw po ang Pastor na ibinigay sa amin ng Diyos na May likha.
Magpatuloy lang po kayo, minamahal kong Pastor,

Ibilang niyo po ako sa mga taong nananalangin sa inyo;


Alam kong marami pang kagaya ko na hindi man masalita,
Pero alam po ng Diyos kung paano ako lubos na humahanga.
Huwag niyo pong alisin ang inyong mga tawa at ngiti,

Huwag niyo pong pagsawaan na kami ay tuwirin sa tuwing kami’y nagkakamali;


Huwag po kayong matakot mangaral kung ano ang nararapat sabihin,
Sapagkat nangangailangan po kami ng Pastor na may malasakit sa amin.
At sa huli, sa pagharap natin sa Panginoon,

Kung tatawagin man po ang mga naging bunga ng inyong pagtugon,


Malugod po akong lalapit at magpapasalamat sa Diyos Ama,
Dahil sa buhay ninyong ginamit upang ako at marami pang iba ang makakilala sa Kaniya.

You might also like