You are on page 1of 9

Mayad Lamang

(ni: Amed O Nail)


(Grade 6)

Spread 1

Maagang nagising si Nene. Bumaba siya ng bahay. Itinuon niya ang kanyang
paningin sa panginorin. “Mayad lamang,” usal niya sa sarili na ang ibig niyang
sabihin ay “Mabuti lamang”. Ilang ulit siyang huminga nang malalim habang
ninanamnam ang sariwang hangin. “Mayad lamang mabuti ang panahon”.

“Kumain ka muna bago magpunta sa kakasuyan. May sinaing, nilagang talbos


ng kamote at okra. May sawsawan din na yaho na may katas ng kalamansi”.
Yaho ang tawag ni Lola Tesing sa bagoong na dilis. Amoy na amoy ni Nene ang
yahoo kaya naghain na siya at nag-almusal.

Spread 2

Halos limang araw na siyang hindi nakapamitas ng bunga ng kasoy.


Nagkasakit kasi ang kanyang lola kaya kailangan niya itong bantayan. “Mayad
lamang gumaling na si Lola Tesing.”

Isinuot niya ang damit na may mahabang manggas. Kinuha niya ang basket o
ang “balaen” kung tawagin ng kanyang Lola Tesing upang paglagyan ng mga
buto ng kasoy. Dinampot niya ang kaluban na may itak at isinabit sa kanyang
baywang. At humakbang na patungo sa kakasuyan.

Malamig-lamig ang simoy ng hangin sa ilalim ng malalabay na puno ng mga


kasoy. Ang daming hinog. Iba’t iba ang mga kulay. Mayroong pula, dalandan,
dilaw at ang iba pang kulay. Ang daming bungang bumagsak mula sa puno
dahil sa sobrang pagkahinog. Subalit ang ibang bunga naman ay ang mga
kinakian ng mga paniki tuwing gabi na kung saan-saan lang ng mga ito
ibinibagsak.

Spread 3
Bahagyang hinila ni Nene ang nakayungyong na sanga. Pumitas siya ng
tatlong pirasong hinog na nakalambitan. “Hmm ang sarap at ang tamis.”
Tumutulo ang katas tuwing kinakagat niya ito. “Mayad lamang hindi ako
naunahan ng mga paniki,” wika ni Nene. Dumighay siya at saglit na
nagpahinga.

Ikinawit na ni Nene sa sanga ang pansungkit. Inuga niya nang inuga ang
sanga hanggang sa malaglag ang mga bunga.
Kasunod noon ay pinulot niya ang lahat na bunga maging ang hinulog ng mga
paniki. Umupo si Nene sa binalangkan. Ang binalangkan ang biniyak na
tuyong bunga ng niyog na pinagkoprahan. Sinimulan niya nang tanggalin ang
mga buto ng kasoy sa bunga nito. Inilagay niya ang mga buto sa balaen at ang
mga bunga naman ay tinumpok niya sa puno ng kasoy. Kinakain ng mga
manok, pato, ibon, bising, daga, baboy at iba pang hayop ang mga tinumpok
na bunga. Pagdating mamaya sa bahay ay huhugasan ni Nene ang mga buto at
itutuyo sa ilalim ng araw.

Bago umuwi ay dumaan pa si Nene sa kanilang gulayan. Napansin niya na


malalago na ang mga damong tumutubo sa kanilang mga gulay. Kaya tinabas
niya ang mga baging na pumupulupot sa mga puno ng gulay. Noong malinis
na ang gulayan ay pumitas siya ng alugbate, sitaw, sigadilyas at maliit na
kundol saka umuwi.

Spread 4
Matapos mananghalian ay dinalaw ng antok si Nene. Naglatag siya ng banig sa
papag na nasa ilalim ng malaking punong mangga sa harapan ng kanilang
bahay. Kahit na tag-init ngayon ay hindi nararamdaman ni Nene ang mainit na
ihip ng hangin dahil ang malamig na hangin mula sa puno ang dumadampi sa
kanyang balat.

Naalimpungatan siya dahil sa sunod-sunod na pagputak ng kanilang inahin.


Dumapo ito sa sanga ng mangga. Akyat-baba ang manok sa puno. Putak ito
nang putak habang tinatawag ang mga sisiw nito na nagkawatak-watak. Tiyak
niya na mayroong bayawak na gustong kumain ng mga sisiw.

Dumako si Nene sa likod bahay. Tumalilis ang bayawak na nais kumain ng


mga sisiw. Kumahol nang kumahol si Balang. Naitaboy nito ang bayawak sa
talahiban. Saka pa lamang natahimik ang inahin nang matiyak na wala na ang
panganib para sa kanyang mga sisiw.

Spread 5
Halos ika-3 na nang hapon. Nasa silong si Lola Tesing na abala sa paglalala ng
banig. Ang paggawa ng banig ay isa rin sa kabuhayan ng maglola. Nagpaalam
si Nene para manginhas. “Amblig kaw apo” ang tugon ng kanyang lola sa
wikang Cuyonon na ang ibig sabihin ay mag-ingat. “Mayad lamang La naglaga
po kau ng kamote.”

Kumuha ng ilang pirasong kamote si Nene at ibinalot sa dahon ng saging, Muli


niyang ibinalot ito sa tela na madalas niyang ginagawang alampay upang
madaling bitbitin. Nagsalin din siya ng suka sa maliit na bote.
Muling isinuot ni Nene ang damit na may mahabang manggas. Nagsuot din
siya ng sombrerong buri bilang panangga sa sikat ng araw. Binitbit niya na
ang buslo o ang tawag nila ay parakinasan na paglalagyan niya ng mga
mapanginhas. Binitbit niya ang lumang itak at lumakad na papuntang aplaya.

Spread 6
Marami na ang nag-aabang ng pagbabaw ng dagat. Mayamaya ay dumating si
Roding. “Nene ang daya mo di mo ako hinintay” pabirong wika ni Roding.
“Roding pasenya ka na akala ko kasi nauna ka na. Napahimbing kasi ang
aking pagtulog. Mayad lamang nagising ako sa ingay ng manok.” “Nagpastol pa
kasi ako ng baka. Dumaan ako sa inyo at ang sabi nga ni Lola Tesing ay
nanginhas ka na.”

Mababaw na ang dagat. Ang lapad ng katihan. Nagsimula nang manginhas


sina Nene at Roding. Napadako sila sa bahaging batuhan. Napakaraming
dawat na nanginginain ng mga maliliit na isda. Kinuha ni Nene ang kanyang
dalang lumang itak. Diniinan niya ng itak ang dawat at dahan-dahang hinuli.
Iningatan niya na hindi siya masipit ng nito.

Ang daming lu’day sa maliit na lawa sa katihan. Nalilibang si Nene habang


pinapanood na lumalangoy ang mga ito. Masarap ipaksiw ang Lu’day lalo na
kung pigaan ng katas ng Tamalarong o ligaw na lemonsito. “Mayad lamang
wala akong dalang sigpaw, kung hindi huli kayong lahat sa akin”, wika ni
Nene. Maliliit ang mga Lu’day kaya mahirap mahuli kung walang dalang
sigpaw. Ang sigpaw ang tinatawag na Scoop net ng guro niya sa English noong
grade 5 siya.

Spread 7
Patuloy lang ang pagpanginhas ng magkaibigan. Nakaramdam na ng pagod si
Nene. “Nagugutom na ako. Roding magpunta tayo doon sa malaking bato.

Malalaki nga ang mga talaba na nakakapit sa bato. Tinuklap ni Nene ng dulo
ng itak ang talaba upang makuha ang laman. Sinawsaw nila ito sa suka saka
kinain. Sarap na sarap ang magkaibigan habang nagmemeryenda ng kamote
at sariwang talaba. “Mayad lamang Nene at may baon kang kamote. Nawala
tuloy ang gutom ko.”

Spread 8
Nagpatuloy na sila sa pagpanginhas. Biglang napasigaw si Nene. “Roding,
Roding!” Halos hindi na maihakbang ni Nene ang kanyang mga paa. Agad na
sumaklolo si Roding, “Bakit anong nangyari? Nakagat ka ba? Nasugatan?
Ano?!” ang sunud-sunod na tanong ni Roding. Hindi sumasagot si Nene.

Itinuro niya ang bagay na malapit sa kanyang paa. “Ay sus, iyan lang pala.
Bahag-bahag iyan. Mukhang ahas lang pero hindi iyan nanunuklaw. Parang
tubig lang iyan. Di ba iyan ang sabi mo nakaraan na snake sea cucumber?”.
“Mayad lamang Roding dumating ka”. Kinahig ni Roding ng itak ang mga
bahag-bahag palayo sa paa ni Nene.

Spread 9
“Roding ang daming alimasag. Ikaw na ang manghuli. Mamumulot muna ako
ng mga kabibe sa unahan.

Nawili na si Nene sa pamumulot ng mga kabibe at iba pang lamang dagat.


“Aruy!” Napalingon si Nene sa kinaroroonan ni Roding. Nakaupo ito sa
buhangin at hawak-hawak ang isang paa. Mabilis na lumapit si Nene. “Roding
napaano ka?”

“Naapakan ko ang Tayong. Nangangalay na ang aking paa. Sabi nila ihi daw
ang gamot para matunaw ang mga tinik nito.” Halos namimilipit na sa kirot si
Roding. “Naku huwag mong ihian di totoo iyan”. Inilabas ni Nene ang natirang
suka. Ibinuhos niya ang suka sa bahaging natinik ng Tayong. Mayamaya lang
ay nakaramdam na ng ginhawa si Roding.

Spread 10
Patindi na nang patindi ang nararanasang tag-init sa lugar nina Nene.
Karamihan sa mga balon ay natutuyo na. Maging ang balon nila sa likod-
bahay na pinahukay pa ng kanyang kalulululuhan noong panahon ng hapon
ay hindi nakaligtas sa tagtuyot. Kapag ganitong tag-init tanging ang balon
lamang na matatagpuan sa Maringit-ringit ang hindi nauubusan ng tubig.
Mayroon doong bukal na nagtutustos ng tubig para sa buong pamayanan.
Napapalibutan ang naturang lugar ng mayayabong na kakahuyan na
nagdudulot ng malamig na simoy.

Nilinis ni Nene ang tapayan na ginagamit nilang imbakan ng tubig. Kinuha


niya ang biyas ng kawayan na ginagamit sa pag-iigib. May dala rin siyang
pansalok ng tubig na gawa sa pinutol na galon na may mahigit sampung
dipang tali.

Dumating na sina Daling at Roding. Nagpaalam na si Nene sa kanyang Lola


Tesing. “Mayad lamang Daling dinaanan ninyo ako ni Roding. Kaya may
kasabay akong mag-igib. Kanya-kanya silang pasan ng biyas ng kawayan
papunta sa balon sa Maringit-ringit.

Spread 11
Inabot din ng mahigit 15 minuto ang kanilang paglalakad sa ilalim ng
kakasuyan at niyugan. May iilan na ring kababaryo na mas nauna pang
dumating kaysa sa kanila. “Mayad lamang Daling di pa gaanong marami ang
nag-iigib kaya madali tayo makapuno nito ng biyas.
Wala pang may sumasalok sa balon. Kailangang paramihin muna ang tubig sa
balon o ang tawag nilang Patubod. Inaabot ng halos 8 hanggang 10 minuto
bago makakaipon ng maraming tubig ang balon. Habang nagpapatubod, ang
iba ay nakaupo sa bato, mayroon namang sa nakausling ugat ng malaking
puno at ang iba ay nakatayo lamang.

Hindi naman gaanong malaki ang bunganga ng balon. Nasa walong katao
lamang ang pwedeng magsabay-sabay na magsalok. Dumungaw si Roding sa
balon. “Marami nang tubig!” sigaw niya. Agad na nagpaunahan ang mga
nakapila upang magsalok ng tubig.

Nakasingit silang tatlo. Hinulog na ni Nene ang pansalok habang mahigpit


nitong hinahawakan ang dulo ng tali. Dapat mabilis ang pag-ahon ng pansalok
upang hindi maubusan ng tubig. Nakapuno na sila ng tig-isang biyas ng
kawayan. Ang iba na hindi nakasingit ay naghintay na lamang ng kanilang
toka. “Mayad lamang napuno natin agad ng tubig ang mga biyas ng kawayan”,
wika ni Nene.

Spread 13
Pang-apat na balik na nila sa balon nang araw na iyon. Maririnig na ang huni
ng mga kuliglig at iba pang insekto sa paligid. Ang mga ibon ay nagmamadali
na sa paghanap ng punong madadapuan. Naririnig na ang huni ng mga tuko
at butiki. Ang mga paniki ay naghahanap na ng punong may maraming bunga
para manginain. Marami nang lamok na nambubulabog sa mga nagsisipag-
igib.

Pauwi na silang tatlo. Ang sumisilay na pinilakang silahis ng buwan ang


nagsisilbi nilang tanglaw. Biglang natakpan ng ulap ang liwanag ng buwan.
Nagdulot ito ng kadiliman sa paligid. Ramdam na nila ang gutom at pagod.
Dahan-dahan lamang ang kanilang paghakbang. Tahimik nilang tinatahak ang
daanan sa ilalim ng kakasuyan nang biglang may pumagaspas sa malaking
sanga.

Napasigaw silang tatlo. Mabitawan ni Daling ang dala niyang biyas. Mabuti na
lamang at mabilis itong nasalo ni Roding. Sumensya si Roding na huwag mag-
ingay. Nakikiramdam lamang sila sa paligid. Biglang humuni ang mga paniki.
Nakahinga sila nang maluwag. “Hay salamat mayad lamang paniki lang akala
ko aswang na”, ang pahayag ni Nene. “Sa susunod huwag na tayong
magpagabi sa pag-iigib ha,” mungkahi ni Daling.

Spread 14
Ulilang lubos na si Nene. Kaya kailangan niyang maghanapbuhay para
makatulong sa kanyang Lola Tesing. Kailangang nilang magtrabaho para
makabili ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Kailangan niya
ring mag-ipon ng pambili ng mga gamit sa iskol dahil malapit na ang pasukan.
“Tao, po, tao po. Ay Daling mayad lamang diyan ka tara na pupunta tayo sa
pataniman ng lato ni Tay Digoy. Maglilinis tayo ng inaning lato. Para may
pambili tayo ng mga gamit sa iskol. Matapos magpaalam ni Daling sa kanyang
nanay ay lumakad na sila ni Nene.

Nababakuran ng mga puno ng bakaw ang pangpang ng dagat. Amoy


palaisdaan ang singaw mula sa putik. Maraming hipon at isda na paminsan-
minsan ay umiigpaw sa mga bakawan. Mula sa pangpang ay nakikita nila si
Tay Digoy at si Nay Pasing na nakasakay sa gakit. Ito ang tawag sa balsang
kawayan na ginagamit sa pag-aani ng lato. Inaahon ni Tay Digoy ang mga
kumpol-kumpol na puno ng lato, samantalang sinasalansan naman ni Nay
Pasing ang mga lato upang di mahulog sa gakit.

Makalipas ang mahigit 30-minuto ay Itinulak na ni Tay Digoy ang gakit


papunta sa kanilang kamalig. Ang kamalig ay nakatayo sa tubig malapit
lamang sa pataniman ng lalo.

Spread 15
Lumusong na sina Nene at Daling upang salubungin ang gakit. Tumigil ang
gakit sa ga-baywang na lalim ng tubig. Itinali ni Tay Digoy ang gakit sa haligi
ng kamalig upang hindi maanod.

Sinimulan na nilang linisin ang lato. Sinasawsaw sa tubig ang bawat puno
upang matanggal ang nakakapit na putik at dumi. Inaalis din ang tangkay ng
lato na may sira o kaya nabubulok na. “Aruy, aruy may kumagat po sa akin!”
sigaw ni Nene. Agap silang sumampa ni Daling sa gakit. “Tay Digoy ano po
iyon? May nangangagat kasi sa tubig”. “Naku Nene baka syokoy,” sabi ni
Daling. “Ay mga bata kayo, kumang lang iyon na palutang-lutang. Naghahanap
kasi sila ng makakapitan.” Hinuli ni Tay Digoy ang kumang at ipinakita sa
kanila. Saka pa lamang nawala ang kanilang takot. “Mayad lamang Tay Digoy
hindi piranha ang kumagat sa akin”. At nagtawanan na sila.

Umabot nang halos isang daang kilo ang nilinis nilang lato. Tuwang-tuwa sila
nang abutan sila ni Nay Pasing ng pera bilang bayad sa kanilang ginawa. Bago
umuwi ay pinaakyat muna sila ni Nay Pasing sa kamalig at pinameryenda ng
suman.

Spread 16
Araw ng Linggo. Maagang gumayak ang maglola. Magsisimba sila. Ang
naturang simbahan ay itinayo pa noong panahon ng mga Kastila. Ito rin ang
nagsilbing tanggulan ng mga mamamayan laban sa mga mandirigmang
dumadayo sa isla ng Cuyo noong unang panahon. Kailangan nilang
makarating sa simbahan bago magsimula ang unang misa.
Makalipas ang halos 20 minutong paglalakad ay narating din nila ang
simbahan. Umupo sila sa harapan malapit sa altar. Sabay na lumuhod ang
maglola at tahimik na umusal ng panalangin.

Nakakabingi ang katahimikan sa loob ng simbahan. Tanging mga huni ng


Maya at pangaspas ng kanilang mga pakpak ang naririnig. Panaka-naka’y
naririnig din ang pagtikhim ng iilan at ang paminsan-minsang pag-ubo. Mula
sa bungad ng simbahan ay maririnig ang kalimbang ng maliit na kampana o
altar bell na bitbit ng sakristan. Hudyat na magsisimula na ang Banal na Misa.

Taimtim nilang pinakingggan ang sermon ng pari. Paghudyat ng pari na


magbigay ng kapayapaan sa bawat isa ay napalingon sa likuran si Nene. Nasa
likuran lang pala nila si Daling ganun din sina Tay Digoy at Tay Pasing. Halos
nasa bungad na nakatayo si Roding. Nginitian sila ni Nene.

Spread 17
Ilang araw nang di nakapasyal si Roding kina Nene. Nakaraan nga mag-isa
lang si Nene na nanginhas. Dalawa lang din sila ni Daling ang nag-igib. Noong
nakaraang Linggo ay hindi niya rin nakita sa simbahan si Roding. Mayad
lamang at inutusan si Nene ni Lola Tesing na bumili ng sabon doon sa tiangge.
Malapit lamang ang bahay ni Roding sa tiangge.

“Mayad lamang Roding nandito ka. Hala napano iyang hinlalaki mo at parang
namamaga? At ang iyong kuko ay nangingitim?” usisa ni Nene.

“Aksidenteng natamaan ng pambiyak ng bato ang aking kuko sa hinlalaki.


Tumutulong ako kay tatay sa pagbibiyak ng malalaking bato. Mahal kasi ang
bilihan ng bato ngayon. Hinahalo nila ang biniyak na bato sa semento kung
mayroong konstruksyon tulad ng bahay, gusali at iba pa. Wala kasing
makuhaan ng graba sa lugar natin, kaya ang biniyak na bato ang pamalit sa
graba.” Ang mahabang paliwanag ni Roding.

“Ahay Roding uminom ka na rin ba ng gamot?” “Hindi pa pero nagdarang sa


apoy ng ilang dahon ng talong si Nanay. Kinatas niya ang dahon at pinatak sa
aking kuko para raw hindi maimpeksyon”.

Spread 18
Marami ang gumagawa ng asin kapag tag-init. Pagtitinda ng asin ang
pinagkakakitaan ni Lolo Pablo. Marami ang pinagawang sementadong kahon o
Siran ni Lolo Pablo. Doon siya nagpagawa ng Siran sa buhanginan sa tabi ng
palaisdaan na malapit sa bakawan. Bago sasalinan ng tubig dagat ang Siran
ay sasalain muna ang tubig dagat upang matiyak na ito ay malinis. Saka ito
padadaluyin sa Siran upang maimbak. Makalipas ang halos isang linggo ang
tubig na nakaimbak sa Siran ay unti-unti nang maging kristal hanggang sa
mabuo na ang mga butil ng asin. Mas mabilis mabuo ang asin kung mainit na
mainit ang panahon.

Marami ang umaangkat ng asin kay Lolo Pablo. Isa na rito si Nanay Feling.
Tuwing magdaong ang barko ay nagtitinda din si Nanay Feling ng asin sa
bungad ng pantalan. Minsan ay katulong din ni Nanay Feling si Nene sa
pagtitinda. Tulad ng lato na itinitinda ni Nay Pasing, kabilang na rin sa
ipinapasalubong ng mga byahero ang asin na galing ng Cuyo. Ilan pa sa mga
pampasalubong ay ang kasoy, kalamay, boti-boti, hopia, banig at bagoong.

Spread 19
Isang araw ay dumating ang Tanod na may kasamang dalawang babae.
Hinahanap nila sina Lola Tesing at Nene. Kinabahan ang maglola kasi iniisip
nila na baka mayroon silang pagkakasala. Nagbigay galang si lola at
mahinahon na nagtanong. “Ano po ba ang aming kasalanan?” “Magandang
araw po naman Lola Tesing. Kami po ay mula sa tanggapan ng Municipal
Social Welfare and Development o MSWD. Kayo ay kwalipikado na mapasama
sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas kilala sa tawag na 4Ps.

Biglang gumuhit ang tuwa sa mga labi ni Lola Tesing. Ang kanyang mata ay
tila bukal sa Maringit-ringit na bigla na lang may bumulwak na tubig.
“Salamat po Panginoon at narinig Ninyo ang aking panalangin”. Ang
malungkot na pahayag ni Lola Tesing. “Maam sana po makasama rin sina
Roding at Daling sa 4Ps kasi nangangailangan din po sila ng tulong.”
pagsusumamo ni Nene. “Ay opo, kasama na sa listahan namin sina Rodrigo
Caabay at Magdalena Socrates.”

Habang kinapanayam ng taga-MSWD si Lola Tesing ay dumating si Kapitan


Berting. “Nene mayroong taong gustong tumulong sa iyo para makapagtapos
ka ng iyong pag-aaral hanggang sa kolehiyo.” Malayang dumaloy ang
inosenteng likido sa mga pisngi ni Nene.

“May nahanap na rin po kaming taong bibili ng inyong mga banig Nanay
Tesing.” Tumingin si Nene kay Kapitan Berting. “Mayad lamang Kapitan
Berting may mga mabubuting tao na hindi po nagkakait ng tulong”. Tumingala
si Nene sa langit at tahimik na nag-usal ng pasasalamat.

Spread 20
Pasan-pasan na naman ng tatlong magkakaibigan ang biyas ng kawayan.
Masigla sila habang nagpapatubod. “Salamat at kabilang na tayo sa 4Ps,” wika
ni Daling. “Hindi ko talaga sukat akalain na tutulungan tayo ng pamahalaan,”
pahayag ni Roding. “Mayad lamang at naging mabuti ang Panginoon sa atin.
Kaya pag-igihan pa natin ang ating pag-aaral para naman matuwa ang mga
taong tumutulong sa atin”, paalala ni Nene. “Mayad lamang Nene at nariyan ka
para paalalahanan kami lagi,” sabi ni Roding. Halina kayo magsalok na tayo ng
tubig. Nagpaunahan sila sa pagsalok ng tubig.

Ang walang malay na halakhak mula kina Daling, Roding at Nene ay


umaalingawngaw sa nakatunghay na mga puno sa palibot ng balon. Ang tuwa
na kanilang naramdaman habang hinihila ang tali ng pansalok ay tinatangay
ng hangin tungo sa puso ng mga taong naghihintay na makapag-igib din.
Maging ang kakasuyan na malimit nilang dinadaan ay nalikop ng positibong
pananaw at tiwala mula sa kanilang matatag na damdamin.

MELCs

 Napapangkat ang mga salitang magkakaugnay F6PT-IVb-j-14

 Naipakikita ang kahalagahan ng pagiging responsable sa kapwa:


 pangako o pinagkasunduan;
 pagpapanatili ng mabuting pakikipagkaibigan;
 pagiging matapat Week 1 EsP6P- IIa-c–30

 Napagsunod-sunod ang mga pangyayari sa kuwento sa tulong ng


nakalarawang balangkas at pamatnubay na tanong
F6PB-Ib-5.4
F6RC-IIe-5.2

 Napag-uugnay ang sanhi at bunga ng mga pangyayari


F6PB-IIIb-6.2

 Naibibigay ang maaaring mangyari sa teksto gamit ang dating


karanasan/kaalaman F6PB-IIIg-17

 Napatutunayan na nagpapaunlad ng pagkatao ang ispiritwalidad. Hal.


pagpapaLiwanag na ispiritwalidad ang pagkakaroon ng mabuting
pagkatao anuman ang paniniwala; pagkakaroon ng positibong pananaw,
pag-asa, at pagmamahal sa kapwa at Diyos (wweek 1 and 2 fourth
quarter) (EsP)

You might also like