You are on page 1of 3

Minalas man sa Una, Kampeyon naman sa Huli

Maling Akala!

Halos mawalan na ng pag-asa si Jayson Sagan ng siya na ang sasalang sa kanyang kategorya sa “Bangkarera”. Tatlong
beses kasi siyang nahulog sa bangka bago pa man makalampas sa starting line. Malalaki kasi ang alon sa araw na iyon
na naging dahilan ng kanyang pagkahulog sa bangka. At ng nagsimula na ang huling pagkakataon na ibinigay sa
kanya ay ipinakita niya ang kanyang lakas ng loob.

Nahuli siya sa karera sa unang estasyon, ngunit napakamapagbiro talaga ng tadhana ng biglang tumirik ang bangkang
nangunguna sa kanya. Ang pangyayaring ito ang naging daan upang maungusan niya ang kanyang katunggali na
naging dahilan ng kanyang pagkapanalo.

Hindi pa doon nagtatapos ang lahat, dahil pagkatapos ng kategoryang iyon ay lumaban na naman siya sa iba pang
kategorya na lahat ay pinanalo niya.

“Akala ko, matatalo na talaga ako nung paulit ulit akong nahuhulog sa bangka. Hindi ko akalain na ako pala ang
magiging kampeyon ngayon,” masayang tugon ni Sagan.

Si Sagan ay representante na nagmula sa Dipolog City.

Efren “Bata” Reyes, Sa Katipunan Nagpakitang Gilas


Showtime!

Isa sa mga highlights ng ika-110 na selebrasyon ng Araw ng Katipunan ay ang pagbisita at pagpapakitang gilas ng
tinaguriang “The Magician”, si Efren “Bata” Reyes.

Hindi magkaugaga ang mga tagahanga at mga nakakakilala kay Reyes nang ito’y dumating sa lungsod noong ika-29
ng Enero, 2024. Isa kasi siya sa mga pinakaimportanteng panauhin na inimbitahan ni Mayor Meiko Wong upang
bigyan ng kasiyahan ang lahat ng tao sa lungsod.

Siksikan ang mga tao sa loob ng Katipunan Municipal Gymnasium noong ika-30 ng Enero kung kailan nagpakitang
gilas si Reyes. Nakakabinging ingay ang hiyawan ng mga tao tuwing nagpapakita si Reyes ng kanyang mga tricks sa
pagpapapasok ng huling bola ng bilyar.

Kinalaban ni Reyes ang mga kampeyon mula sa iba’t-ibang mga lungsod sa lalawigan ng Zamboanga del Norte at ang
huli niyang kinalaban ay si Raprap na mula sa Davao City.

“Mayor’s statement”

Tiyak na mag-aabang na naman ang mga Katipunero ng iba pang sikat na mga personahe ng bansa sa susunod na
selebrasyon ng Araw ng Katipunan.

Katipunan I, Humakot ng Ginto sa Swimming

Kinabog ng mga manlalangoy mula sa Katipunan I ang kanilang mga kalaban sa katatapos lang na pangklaster na
palaro na ginanap sa Dipolog City Convension Center.

Madikit ang labanan ng dalawang manlalangoy na sina Xyriel T. Amit, mag-aaral sa Mababang Paaralan ng
Katipunan at Gabrielle Saile, mag-aaral sa Mababang Paaralan ng Roxas sa back stroke na kategorya.

Ayon kay Gng. Ana Cual, tagasanay ni Amit, Si Saile ay nakakuha ng tyempong 1:45.70 habang si Amit naman ay
nakakuha ng tyempong 1:45.09. Hindi kaagad naiproklama si Amit na panalo dahil nagprotesta ang kabilang kampo
sa oras na gimugol ng mga manlalangoy. Ayon sa tagasanay sa distrito ng Roxas 1 na si Gng. Hamoy ay mas mabilis
daw ang oras ng kanilang atleta. Ngunit mahigpit na pinanindigan ng tagatala sa oras na G. Lindo Roda ang resulta ng
kanyang pagbabantay sa oras na mas nauna talaga si Amit kaysa kay Saile.

Sa huli, iprinoklamang panalo sa Amit sa nasabing kategorya at nakakuha pa siya ng iba pang gintong medalya sa
kategoryang Free style, Breast stroke at 200-m Individual Medley.

Sa kategorya naman ng mga lalaking manlalangoy ay nakakuha din si Terrence Bill Estologa ng tatlong pilak na
medalya. Si Estologa ay mag-aaral din sa Mababang Paaralan ng Katipunan. Ito’y mula sa kategoryang Free style,
Back stroke at Breast stroke.

“Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang makauuwi kami ng gintong medalya sa Palarong
Panlalawigan,” pahayag ni Amit.

Ang kanilang determinasyon na makapunta sa Palarong Pambansa ang naging motibasyon nila upang magpursige pa
sa kanilang nakahiligang isports.

Maliit na Malaki
Tulay na Matagal ng Minimithi

Tuwing umuulan, kalbaryo ng mga guro at mga mag-aaral ang lugar na nakapalibot sa covered court. Maputik at
minsan ay punong-puno ito ng tubig. Hindi tuloy makapunta sa covered court ang mga bata at mga guro na gustong
pumunta doon dahil nababasa ang kanilang mga sapatos at tsinelas.

Isang maliit na tulay na gawa sa semento ang ipinagawa ng punongguro na si G. Dennipher Rillera. Ang tulay na ito
ang nagdudugtong sa daanan sa harap ng mga silid ng Grade 4 papunta doon sa covered court. Ang maliit na tulay na
ito ay unang ginamit ng mga mag-aaral at mga guro noong ika-12 ng Oktubre, 2024.

“Sobrang saya ko po na may maliit na tulay na sa bahaging ito ng paaralan. Madali na ang aming pagtawid mula dio
sa aming klasrum patungo sa covered court,” masayang tugon ni Georgina, mag-aaral sa ikaapat na baiting.

Maliit man ang tulay na ito sa ating paningin ngunit malaki naman ang pakinabang nito sa lahat ng mga tao na
gagamit dito.

Mabuti na ‘yung Sigurado!


Panggabing Sekyu

Ilang beses ng may nangyayaring nakawan sa loob ng paaralan gawa ng kawalan ng tagabantay sa paaralan tuwing
gabi.

TV, Tablet, laptop at iba pang mahahalagang gamit ng mga guro ang mga ninanakaw sa loob ng paaralan. Kahit na
nilalagyan na ng bakal na harang ang mga bintana ay nakukuha pa rin itong sirain ng mga kawatan.

Ang problemang ito ay isinumbong ng mga guro sa presidente ng PTA at hindi naman sila binigo ng mga opisyales ng
PTA at ng mga magulang. Noong ika-23 ng Nobyembre ay napagkasunduan ng lahat ng mga magulang na kumuha na
ng panggabing sekyu para magbantay sa loob ng paaralan upang maiwasan na ang serye ng nakawan sa paaralan.
Napagkasunduan din ng lahat na magbibigay ng sampung pisong donasyon ang bawat magulang sa kada buwan.
Si G. Dindo Ondac ang kinuha na panggabing sekyu ng paaralan. Magbabantay sya sa paaralan mula alas sais ng gabi
hanggang alas sais ng umaga.

“Panatag na ang loob ko ngayong may panggabing sekyu na tayo ditto sa paaralan. Hindi na ako mag-aalala sa aking
mga mahahalagang gamit ditto sa aaralan,” tugon ni Gng. May Tunguia, guro sa ikalimang baitang.

Nangangako naman si G. Ondac na babantayan niyang mabuti ang mga gamit at pasilidad sa loob ng paaralan.

Pangarap na Palikuran, Ngayon Naisakatuparan


Salamat Mayor!

Mahigit 5 na taon na rin ang nakalipas mula ng maitayo ang SNED building ditto sa Mababang Paaralan ng
Katipunan. Mayroon itong 3 silid-aralan na hinati-hati nila sa limang maliliit na klasrum. Ngunit ang gusaling
nabanggit ay walang kasamang palikuran.

Malaking balakid sa mga guro at mga mag-aaral ang paggamit ng palikuran. Kailangan pa nilang pumunta sa
palikuran sa labas ng kanilang silid na may distansyang aabot sa 150 na metro. May mga pagkakataong umuuwi
nalang sa kani-kanilang mga bahay ang mga bata kung gusto nilang gumamit ng palikuran. Minsan din ay nababasa pa
sila sa ulan habang patawid papunta sa palikuran ng paaralan. Isang malaking abala talaga para sa kanila ang kawalan
ng pasilidad na ito.

Bilang tugon dito sa pangunguna at pagpupursige ng SNED Coordinator ng paaralan na si G. Vincent T. Quiamhor ay
nagbunga ang matagal na nilang inaasam.
Mahigit 3 taon ang panunuyo ni G. Quiamhor sa punonglungsod ng Katipunan, at sa pamumuno ni Mayor Maiko
Wong ay nabigyang buhay ang proyektong ito. Naaprubahan ang badyet sa 3 palikuran sa loob ng silid-aralan ng
SNED building.

“Maraming salamat Mayor Wong! Asahan mong iingatan at papahalagahan namin ang mga palikurang ito, bilang
ganti sa busilak mong kalooban para sa mga batang may kapansanan,” mangiyak ngiyak na tugon ni G. Quiamhor.

Sa ngayon ay komportable nang nakakagamit ang mga guro at mga mag-aaral sa SNED sa mga palikuran sa kani-
kanilang silid-aralan.

Salamat Mamang Pulis!


Libreng Pakain Para sa Mga Mag-aaral sa SNED

Swak na swak sa malamig na panahon nitong umaga ng huling araw ng Enero, 2024 ang mainit at masarap na
tsamporado, tinapay, juice at mga kendi ang ipinamahagi ng mga pulis sa mga mag-aaral sa SNED sa Mababang
Paaralan ng Katipunan. Kaugnay ito sa programang PNP Good Deeds ng PNP Drug Enforcement Group.

Isang daang mga mag-aaral sa SNED ang benepisyaryo ng nasabing programa.


Mismong mga pulis ang nanguna sa pagbibigay ng mga pagkain para sa mga bata.

“Ginawa namin ito upang ipakita sa mga tao sa komunidad na kaming mga pulis ay tumutulong sa mga mag-aaral sa
SNED na nangangailangan ng atensyon dahil minsan sila’y napag-iiwanan na,” pahayag ni Police Corporal Sandra
Lou B. de Castro na isa ring ina ng isang batang may autism.

Taos-pusong nagpasalamat naman si G. Vincent Quiamhor, ang SNED coordinator ng paaralan sa kanilang paglunsad
ng programang ito.

Dagdag pa ni PCpl. De Castro na ito ay tuloy-tuloy ng programa ng kanilang institusyon upang iboost ang kanilang
moral bilang mga pulis at pati na rin ang komunidad na kanilang kinabibilangan.

You might also like