You are on page 1of 20

Senior High School

Pagbasa at Pagsusuri
ng Iba’t Ibang Teksto Tungo
sa Pananaliksik
Ikalawang Semestre – Modyul 2:
Mga Kasanayan sa Mapanuring
Pagbasa ng Teksto

AIRs - LM
LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA
PANANALIKSIK
Baitang 11 – Ikalawang Semestre
Modyul 2: Mga Kasanayan sa Mapanuring Pagbasa ng Teksto
Ikalawang Edisyon, 2021

Karapatang sipi © 2021


La Union Schools Division
Region I

Ang lahat ng karapatan ay ibinibigay sa may akda. Anomang paggamit o pagkuha


ng bahagi ng walang pahintulot ay hindi pinapayagan.

Bumuo sa Pagsulat ng Modyul

Manunulat: Glaiza Joy M. Ortilano


Tagasuri: Jomari B. Banut at Alvin D. Mangaoang
Editor: Alvin D. Mangaoang
SDO La Union, Learning Resource Quality Assurance Team
Tagaguhit: Ernesto F. Ramos Jr.
Tagalapat: Michael Jason D. Morales

Tagapamahala:
Atty. Donato D. Balderas Jr.
Schools Division Superintendent
Vivian Luz S. Pagatpatan, PhD
Assistant Schools Division Superintendent
German E. Flora, PhD, CID Chief
Virgilio C. Boado, PhD, EPS in Charge of LRMS
Luisito V. Libatique, PhD, EPS in Charge of Filipino
Michael Jason D. Morales, PDO II
Claire P. Toluyen, Librarian II

Inilimbag sa Pilipinas ng: _________________________

Department of Education – SDO La Union


Office Address: Flores St. Catbangen, City of San Fernando, La Union
Telefax: 072 – 205 – 0046
Email Address: launion@deped.gov.ph
Senior High School

Pagbasa at Pagsusuri
ng Iba’t Ibang Teksto
Tungo
sa Pananaliksik
Ikalawang Semestre – Modyul 2:
Mga Kasanayan sa Mapanuring
Pagbasa ng Teksto
Paunang Salita

Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating


mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na
gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga
kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ang modyul na ito ay may inilaang Gabay sa Guro/Tagapagdaloy na
naglalaman ng mga paalala, pantulong o estratehiyang magagamit ng mga magulang
o kung sinomang gagabay at tutulong sa pag-aaral ng mga mag-aaral sa kani-
kanilang tahanan.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng
mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung
kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding
pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan.
May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat
gawain at pagsusulit. Inaasahan naming magiging matapat ang bawat isa sa
paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang
magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang
anomang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa
mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro
kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng
SLM na ito.
Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga tagapagdaloy,
umaasa kaming matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila sa paaralan.
Sapulin

Kumusta ka mahal kong mag-aaral? Binabati kita dahil nakahakbang ka sa


panibagong aralin. Alam kong marami kang natutuhang konsepto sa nakaraang
modyul. Ngayon, mas mapalalawig pa ang iyong kaalaman sa mapanuring pagbasa.

Ang Modyul 2 ay papaksa sa mga kasanayan sa mapanuring pagbasa. Dito


mo maipaliliwanag ang mga uri at anyo ng mga tekstong mahalaga sa pagsulat ng
saliksik. Masusuri at matutukoy mo rin dito ang paksang tinalakay sa mababasang
akda. Ang kasanayan sa kritikal na pagbasa ay taglay ng sinomang nagiging pantas
sa iba’t ibang larangan at disiplina. Ilalatag sa modyul na ito ang mga batayang
kaalaman sa pagbasa na magpapaunawa sa mga mag-aaral ng kahalagahan at
kabuluhan nito tungo sa mas malalim pang pagtuklas ng iba’t ibang kaalaman.

Sa pag-aaral sa modyul na ito, inaasahang malilinang mo ang sumusunod:

Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto (MELCs):


1. Natutukoy ang paksang tinatalakay sa iba’t ibang tekstong binasa (F11PB-
IIIa-98); at
2. Natutukoy ang kahulugan at katangian ng mahahalagang salitang ginamit ng
iba’t ibang tekstong binasa (F11PT-IIIa-88).

Mga Tiyak na Layunin:


1. Naibibigay ang mga kasanayan sa mapanuring pagbasa;
2. Naipaliliwanag ang kahalagahan ng buod, abstrak, at rebyu ng aklat;
3. Natutukoy ang paksang tinalakay sa bawat tekstong binasa; at
4. Nakapagsusuri at nakapagbibigay ng sariling opinion batay sa binasang
teksto.

Alam kong madibdiban ang ating pagtatalakay, kaya halika na’t magsimula
na tayong matuto.

1 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
Aralin Mga Kasanayan
2 sa Mapanuring Pagbasa
ng Teksto

Simulan

Muli, nais kitang batiin dahil nagawa kang dalhin ng iyong sigasig at tiyaga sa
bahaging ito ng iyong lakbay-aral. At sa modyul ngang ito ay mapag-aaralan mo ang
kasanayang dapat isakatuparan ng isang mapanuring mambabasa. Kung handa ka
na, maaari ka nang magsimula sa pamamagitan ng pagtugon sa Gawain 1.

Gawain 1: K-W-L Chart


A. Panuto: Ibahagi ang iyong kasalukuyang pansariling opinyon o kaalaman
hinggil sa kasanayan sa mapanuring pagbasa. Kopyahin ang chart sa
iyong sagutang papel at doon itala ang iyong magiging tugon.
KNOW/ALAM WANT/NAIS MALAMAN LEARN/NATUTUHAN
1. 1. 1.
2. 2. 2.
3. 3. 3.
4. 4. 4.
5. 5. 5.

B. Panuto: Magsulat ng maikling buod ng isang aklat o anomang babasahing sa


tingin mo ay makapagpapasimula ng interes sa pagbasa. Isulat ang
sagot sa sagutang papel.

______________________________________________________________________
______________________________________________________________________
______________________________________________________________________
______________________________________________________________________
______________________________________________________________________

Napakagaling! Maraming salamat sa matapat na pagbabahagi ng iyong


kasalukuyang pansaraling opinion hinggil sa mga kasanayan sa mapanuring
pagbasa.

2 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
Lakbayin

Mga Kasanayan sa Mapanuring Pagbasa

Sa nakaraang aralin, isa-isang tinalakay ang iba’t ibang antas ng pagbasa.


Lahat ng antas ay pagdadaanan ng mambabasa upang makamit ang pinakamataas
na uri ng pagbasa, ang sintopikal na pagbasa. Higit pa sa komprehensiyon o pag-
unawa sa teksto kinakailangang maging mapanuri at kritikal sa anomang uri ng
pagbasa. Iba’t iba ang kasanayan na dapat paunlarin sa bawat bahagi ng proseso ng
pagbasa Sa kabuoan, mahahati ang mga kasanayan sa tatlong bahagi: Bago
Magbasa, Habang Nagbabasa, at Pagkatapos Magbasa.

1. Bago Magbasa

Sinisimulan ang pagbasa sa pagsisiyasat ng tekstong babasahin. Ang


pagsusuri ng panlabas na katangian ng teksto ay mahalaga upang malaman ang
tamang estratehiya sa pagbasa batay sa uri at genre ng teksto o kung
kinakailangan ba ito ayon sa itinakdang layunin ng pagbasa. Kinapalolooban ito
ng previewing o surveying ng isang teksto sa pamamagitan ng mabilisang
pagtingin sa mga larawan, pamagat, at pangalawang pamagat sa loob ng aklat.
Sa bahaging ito, iniuugnay sa inisyal na pagsisiyasat ang mga imbak at kaligirang
kaalaman upang lubusang masuri kung anong uri ng teksto ang babasanin.
Nakabubuo ng mga tanong at matalinong prediksyon kung tungkol saan ang
isang teksto batay sa isinagawang pagsisiyasat. Ito ang pagsisimula ng
kognitibong proseso.

2. Habang Nagbabasa

Nangyayari ang pinakamalaking bahagi ng kognisyon habang nagbabasa. Sa


bahaging ito, sabay-sabay na pinagagana ng isang mambabasa ang iba’t ibang
kasanayan upang lubusang maunawaan ang teksto. Ang kaniyang mga naunang
tanong at prediksyon bago magbasa ay pinanghahawakan niya upang panatilihin
ang pokus sa aktibong pag-unawa sa binabasa. Sa bahaging ito, lumalawak at
umuunlad ang bokabularyo ng mambabasa. Narito ang ilan pang pamamaraan
upang maging epektibo ang pagbasa:
 Pagtantiya sa bilis ng pagbasa. Binabago-bago ng mambabasa ang bilis o
bagal ng pagbasa batay sa hirap ng teksto at personal na kakayahan sa
pagbasa.
 Biswalisasyon ng binabasa. Gamit ang mga impormasyon mula sa teksto
at imbak na kaalaman, bumubuo ang mambabasa ng mga imahen sa
kaniyang isip habang nagbabasa.
 Pagbuo ng koneksiyon. Pagpapayaman ng ugnayan sa pagitan ng teksto at
imbak na kaalaman upang matiyak ang komprehensiyon.
 Paghihinuha. Pag-uugnay ng impormasyon mula sa teksto at imbak na
kaalaman upang bumuo ng mga pahiwatig at kongklusyon sa kalalabasan ng
teksto.
 Pagsubaybay sa komprehensiyon. Pagtukoy sa mga posibleng kahirapan sa
pagbasa ng teksto at paggawa ng mga hakbang upang masolusyonan ito.

3 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
Halimbawa, kung may isang salitang mahalaga at susi upang maunawaan
ang buong teksto, maaaring sumangguni sa diksyunaryo ang mambabasa.
 Muling pagbasa. Muling pagbasa ng isang bahagi o kabuoan ng teksto kung
kinakailangan kapag hindi ito naunawaan.
 Pagkuha ng kahulugan mula sa konteksto. Paggamit ng iba’t ibang
estratehiya upang alamin ang kahulugan ng mga di-pamilyar na salita batay
sa iba pang impormasyon sa teksto

Mababaw ang komprehensiyon kung hindi mananatili sa isip ng mambabasa


ang natutuhan nila. Sinisimulan ng isang aktibong mambabasa ang paglilipat ng
impormasyon sa matagalang memorya sa pamamagitan ng elaborasyon,
organisasyon, at pagbuo ng mga biswal na imahen.
 Ang elaborasyon ay ang pagpapalawak at pagdaragdag ng bagong idea Sa
impormasyong natutuhan mula sa teksto.
 Ang organisasyon ay pagbuo ng koneksiyon sa pagitan ng iba’t ibang bahagi
ng impormasyong nakuha sa teksto.
 Ang pagbuo ng biswal na imahen ay paglikha ng mga imahen at larawan sa
isipan ng mambabasa habang nagbabasa.

3. Pagkatapos Magbasa

Upang maipagpatuloy ang malalim na pag-unawa at pag-alala sa teksto kahit


natapos na ang proseso ng pagbasa, mahalagang isagawa ng isang mambabasa
ang sumusunod:
 Pagtatasa ng komprehensiyon. Sagutin ang iba’t ibang tanong tungkol sa
binasa upang matasa ang kabuoang komprehensiyon o pag-unawa sa binasa.
 Pagbubuod. Sa pamamagitan ng pagbubuod, natutukoy ng manunulat ang
pangunahing idea at detalye sa binasa.
 Pagbuo ng sintesis. Halos kagaya rin ito ng pagbubuod, ngunit bukod sa
pagpapaikli ng teksto, ang pagbuo ng sintesis ay kinapapalooban ng
pagbibigay ng perspektiba at pagtingin ng manunulat batay sa kaniyang pag-
unawa.
 Ebalwasyon. Pagtataya ng mambabasa sa katumpakan at kaangkupan ng
mga impormasyong nabasa sa teksto. Sa bahaging ito, tinutukoy niya rin
kung ano ang halaga at ugnayan ng teksto sa layunin ng pagbasa.

Kapag nagawa na ng isang mambabasa ang mga nabanggit, natitiyak na


magiging makabuluhan ang karanasan sa pagkatuto at makakukuha ng
mahahalagang impormasyong hindi agad mawawala sa alaala ng mambabasa.
Bukod sa mga nabanggit na kasanayang dapat linangin habang nagbabasa,
makatutulong din ang iba pang pamamaraan sa pagpapayaman ng karanasan sa
pagbasa.

Pagkilala sa Opinyon o Katotohanan

Ang pagtukoy kung opinyon o katotohanan ang isang pahayag ay mahalagang


kasanayan ng isang mambabasa, lalo na’t napakarami nang iba’t ibang
impormasyon ang maaaring makuha sa Internet.

1. Katotohanan – Ito ay mga pahayag na maaaring mapatunayan o


mapasubalian sa pamamagitan ng empirikal na karanasan, pananaliksik, o
pangkalahatang kaalaman o impormasyon.

4 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
2. Opinyon – Ito naman ay mga pahayag na nagpapakita ng preperensiya o idea
batay sa personal na paniniwala at iniisip ng isang tao. Maaaring kakitaan ito
ng mga panandang diskurso tulad ng “sa opinyon ko, para sa akin, gusto ko
o sa tingin ko”.

Pagtukoy sa Layunin, Pananaw, at Damdamin ng Teksto

Mahalagang sa umpisa pa lang ng pagbasa ng teksto at habang napapalalim


ang pag-unawa rito ay matukoy ang layunin, pananaw, at damdamin ng teksto
upang maging epektibo ang pag-unawa rito.

1. Layunin – Ito ay tumutukoy sa nais iparating at motibo ng manunulat sa


teksto. Mahihinuha ito sa pamamagitan ng uri ng diskursong ginagamit sa
pagpapahayag. Halimbawa, naglalarawan ba ito o kaya ay nagkukuwento lang
ng isang tiyak na karanasan o sitwasyon? Maaari ding nangangatuwiran ito
o kaya naman ay hinihikayat ang mambabasa na pumanig sa opinyon o
paninindigan niya. Sa layunin, tinutukoy rin ang suliranin o pangunahing
tanong ng akda na nais solusyonan ng may-akda.

2. Pananaw – Ito naman ay ang pagtukoy kung ano ang preperensiya ng


manunulat sa teksto. Ibig sabihin, natutukoy rito kung ano ang distansiya
niya sa tiyak na paksang tinatalakay. Nasa unang panauhan ba ito na
maaaring magpakita na personal ang pespektiba niya sa paglalahad, o kaya
naman ay nasa ikatlong panauhan na nagbibigay ng obhektibong pananaw
at paglalahad sa paksa? Mula sa mahusay na pagtukoy ng pananaw,
nahihinuha rin ng mambabasa kung ano ang kahihinatnan ng isang teksto.

3. Damdamin – Ito naman ay ang ipinahihiwatig na pakiramdam ng manunulat


sa teksto. Maaaring nagpapahayag ito ng kaligayahan, tuwa, galit, tampo, o
kaya naman ay matibay na paniniwala o paninindigan tungkol sa isang
pangyayari o paksa. Dahil sa damdamin na ipinahahayag ng teksto, hindi
naiiwasang ito rin ang nagiging pakiramdam ng mambabasa sa pagbasa nito.
Sa katapusan ng pagbasa, maaari ding tasahin ng isang mambabasa kung
nagtagumpay ba ang manunulat na iparamdam ang layunin ng teksto.

Pagsulat ng Paraphrase, Abstrak, at Rebyu

1. Paraphrase – Ito ay tumutukoy sa muling pagpapahayag ng idea ng may-


akda sa ibang pamamaraan at pananalita upang padaliin at palinawin ito
para sa mambabasa. Mahalaga ang paraphrase sa pananaliksik upang
tukuyin ang pinagmulan ng isang idea o kaisipan at ipahayag ito sa
pamamaraan na makatutulong sa pananaliksik. Narito ang isang halimbawa
ng paraphrase:
Ayon kay Bienvenido Lumbera (2000, p.130), Pambansang
Alagad ng Sining sa Panitikan, mahalaga ang pagkakaroon ng isang
wikang pambansa na magiging daluyan ng mga aspirasyon at
pagpapahalaga ng mga karaniwang mamamayan. Ito ay dahil mas
katanggap-tanggap ang paggamit ng wikang Ingles sa iba’t ibang
sangay ng pamahalaan at paaralan, na wikang hindi nauunawaan ng
mamamayan.
Ang paraphrase na ito ay nagmula sa sumusunod na sipi:
“Ang usapin ng wikang pambansa ay usaping kinasasangkutan ng
buhay ng milyon-milyong Pilipino na hindi nakapagsasatinig ng kanilang

5 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
adhikain at pananaw sa kadahilanang ang nasa pamahalaan, paaralan at iba-
ibang institusyong panlipunan ay sa Ingles nagpapanukala at
nagpapaliwanag” (Lumbera 2000, p. 130).

2. Abstrak – Ito naman ay isang buod ng pananaliksik, tesis, o kaya ay tala ng


isang komperensiya o anomang pag-aaral sa isang tiyak na disiplina o
larangan. Ang abstrak ay nakatutulong upang mabilis na makita ng isang
mambabasa ang kabuoang latag na pananaliksik kabilang ang mga layunin
at kinalabasan nito sa ilang publikasyon, tinatawag din itong precis o
synopsis.

3. Rebyu – Ito naman ay isang uri ng pampanitikang kritisismong ang layunin


ay suriin ang isang aklat batay sa nilalaman, estilo, at anyo ng pagkakasulat
nito. Naglalaman din ang rebyu ng pagtataya o ebalwasyon ng akda batay sa
personal na pananaw ng mambabasa na nagbibigay ng rebyu. Ang mga
nagsusulat ng rebyu sa mga pahayagan o online portal ay gumagamit ng
panunuri upang magpalaganap ng sariling kaalaman na sumusuporta o kaya
ay nagpapasubali sa nilalaman ng aklat. Maaaring ang rebyu ay naglalaman
ng maikling buod ng aklat upang magkaroon ng idea ang mga mambabasa.

Naunawaan mo ba ang ating talakayan? Alam kong oo, kaya naman ngayon
ay hihilingin ko sa iyo na ipamalas mo ang iyong mga natutuhan sa pamamagitan ng
pagtugon sa iba’t ibang gawaing pampagsasanay.

Galugarin

Gawain 2: Maging Mapanuri at Mausisa


Panuto: Basahing mabuti ang teksto. Kunin mula rito ang mga hinihinging datos.
Kopyahin ang Chart sa iyong sagutang papel at doon itala ang iyong mga
tugon

Bangkang Papel
ni Genoveva Edroza-Matute

Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang


pinakahihintay nilang araw mula nang magkasunod-sunod ang pag-ulan. Alam
nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw, ang lansangang patungo sa
laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan.
Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang
tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.
Sa tuwing makakikita ako ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang
isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking
bangkang papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman...
Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mga dagundong na
nakagugulat. Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon
ding malalakas na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon.
Ngunit pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay
na pumapatak mula sa kanilang bubungan.

6 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
Sa karimla’t pinalaki niya ang dalawang mata, wala siyang makitang
anoman maliban sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang
dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang pagliliwanag. Gulilat siyang
nagbalikwas at hinanap nang paningin ang kaniyang ina.
Nagsunod-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang
bubungan. Ang paggulong ng mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim
ng bahay, ng pagliliwanag na muli. Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa
kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako. Muling nahiga ang
nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatagos sa karimlan. “Inay, umuulan, ano?”
“Oo, anak, kangina,” anang tinig mula sa dulo ng hihigan. “Inay,” ang ulit
niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?” Sumagot ang tinig ngunit hindi
niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagya ang likod at humilig sa
kaliwang bisig. Sa kaniyang tabi’y naroon ang kapatid na si Miling. Sa tabi nito’y
nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman nito’y nakita niya ang
banig na walang tao.
Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang
sigis ng lamig ng kaniyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni Miling ay hinila
niya ang kumot at ito’y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang
kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling
kaya’t ang kalahati ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot
sa nalabing kalahati.
Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kaniyang likod. Inilabas niya
ang kanang kamay sa kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang
sahig. Anong lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling
ipinasok muli sa kumot.
“Inay”, ang tawag niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”
“Ewan ko”, ang sagot ng kaniyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas ay
magpapalutang ka ng mga bangkang ginawa mo.” Natuwa ang bata sa kaniyang
narinig. Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t
matitibay...hindi masisira ng tubig.
Dali-dali siyang nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng
kapatid at ng kaniyang kausap. Idinaan niya ang kaniyang kamay sa pagitan ng
baywang at bisig ng ina. Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng
kaliwang bisig niyon. Ang kanang kamay noo’y ipinatong sa kaniyang ulo at
pabulong na nagsalita: “Siya, matulog ka na.”
Ngunit ang bata’y hindi natulog. Mula sa malayo’y naririnig niya ang hagibis
ng malakas na hangin. At ang ulang tangay-tangay noon. “Marahil ay hindi na
uuwi ang tatay ngayong gabi,” ang kaniyang nasabi. Naalala niyang may mga
gabing hindi umuuwi ang kaniyang ama. “Saan natutulog ang tatay kung hindi
siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kaniyang ina. Ngunit ito’y hindi sumagot.
Sinipat niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kaniyang ina.
Ngunit sa karimlan ay hindi niya makita. Bago siya tuluyang nakalimot, ang
kahuli-hulihang larawan sa kaniyang balintataw ay ito. Tatlong malalaking
bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang tapat...
At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang
pangarap ng batang yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang
munting bahay na pawid ay patuloy sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik
at pag-uumugong, sa pagbabata ng walang awing hampas ng hangin at ulan...
Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang
papel ay dumating... Ngunit kakaibang kinabukasan. Pagdilat ng inaantok pang
batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa hihigan. Naroon ang kumot at unan
ni Miling at ng kaniyang ina. Pupungas siyang bumangon.

7 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
Isang kamay ang dumantay sa kaniyang balikat at nang magtaas ng
paningin ay nakitang yao’y si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay. Hindi niya
maunawaan ang tingin noong tila naaawa. Biglang-biglang naparam ang nalalabi
pang antok. Gising na gising ang kaniyang ulirat. Naroon ang asawa ni Aling Berta,
gayon din sina Mang Pedring, si Aling Ading, si Feli, at si Turing, si Pepe. Nakita
niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.
Nahihintakutang mga batang humanap kay Miling at sa ina. Sa isang sulok,
doon nakita ng batang lalaki ang kaniyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kaniyang
kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na
hinahaplus-haplos ng kaniyang ina. Ang mukha ng kaniyang ina ay nakita ng
batang higit na pumuti kaysa rati. Ngunit ang mga mata noo’y hindi pumipikit,
nakatingin sa wala.
Patakbo siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang kaniyang pagtatanong.
“Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”
Ngunit tila hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi
pagsikap. Ang kamay noo’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling.
Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-
uusap nila’y biglang natigil nang siya’y makita. Wala siyang narinig kundi...
“Labinlimang lahat ang nangapatay...” Hindi niya maunawaan ang lahat.
Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang ayos ng kaniyang
ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita. Sa pagitan ng mga hikbi, siya’y
patuloy sa pagtatanong... “Bakit po? Ano po iyon?” Walang sumasagot sa kaniya.
Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi. Ipinatong ang kamay sa kaniyang
balikat o kaya’y hinahaplos ang kaniyang buhok at wala na. Hindi niya matandaan
kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.
“Handa na ba kayo?” anang isang malakas ang tinig. “Ngayon din ay
magsialis na kayo. Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang
maiiwan, isa man. Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito... Kaya’t walang
maaaring maiwan.” Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nangyari.
Sila’y palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang
maraming-maraming tao, at ang kani-kanilang balutan. Sa paulit-ulit na salitaan,
sa sali-salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay.
Sa labinlimang nangapatay kagabi ay kabilang ang kaniyang ama...sa labas
ng bayan... sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan. Nag-aalinlangan, ang
batang lalaki’y lumapit sa kaniyang ina na mabibigat ang mga paa sa paghakbang.
“Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”
Ang mga bata noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na
lumapit sa kaniyang mukha. Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay
nagsalita. “Iyon din ang nais kong malaman, anak, iyon din ang nais kong
malaman.”
Samantala... Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting
bukid na kaniyang tahanan ay nararagdagan ang agwat ng ulila sa kaniyang
kabataan. Ang gabing yaon ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na
kinabukasan at ng mga bangkang papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa
kabataang sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba
at ng mga katanungang inihahanap ng tugon.
Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik
sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong
malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman...

8 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
Pagtukoy sa Mahahalagang salita sa Teksto

Limang Katangian ng Salita Kahulugan ng Salita


pinakamahalagang (Pambansa, Pampanitikan, o
salita di-pormal)
1.
2.
3.
4.
5.

Pagtukoy sa Layunin, Pananaw, at Damdamin ng Teksto

LAYUNIN PANANAW DAMDAMIN

Gawain 3: Opinyon o Katotohanan


Panuto: Magbasa ng kahit anong artikulo mula sa Facebook o Google. Mula sa
nasabang artikulo, tukuyin kung ano ang katotohanan at opinyon. Isulat
ang sagot sa sagutang papel.

KATOTOHANAN ARTIKULO mula sa OPINYON


Facebook o Google
_______________________ _______________________
_______________________ ____________________ _______________________
_______________________ ____________________ _______________________
_____________________ ____________________ _____________________

Mahusay! Nagawa mo nang buong husay ang gawain. Ngayon, mas linangin
pa natin ang iyong kasanayang pampagkatuto sa pamamagitan ng pagsasagawa ng
inaasahang awtput sa araling ito.

9 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
Palalimin

Gawain 4: Mapanuring Pagbasa


Panuto: Basahin at suriin ang sumusunod na seleksiyon. Gamitin ang mga
kasanayan sa mapanuring pagbasa sa pagsuri ng teksto. Kopyahin ang
Chart sa iyong sagutang papel at doon itala ang iyong mga tugon.

Mall, Malling, Nagmo-malling


ni Rolando B. Tolentino

Isipin na lang natin ang salitang “malling”, na isang partikular na


karanasan sa pagtangkilik ng kulturang popular sa Pilipinas. Galing sa salitang
“mall”, ang “malling”. Ito ay nangangahulugan ng pamamasyal sa loob ng mall,
pagpapalipas ng oras, pagwi-window shopping, paggawa ng errands sa espasyo ng
mall.
Kakatuwang ang salitang “mall” ay ginawang present tense, at mas
kakatuwang ang karanasang malling ay kino-conjugate: nag-malling, nagmo-
malling, magmo-malling. Dahil hiram na salita, ang baybay ay hiwalay pa rin sa
pagbigkas. Galing sa global na estruktura ng konsumerismo ang malling at kaiba
lang ang adaptasyon ng negosyante at konsumeristang Filipino sa estrukturang
ito.
Una, ang malls sa bansa ay nasa sentro, nagsisiksikan sa pangunahing
lansangan, tulad ng EDSA at Roxas Boulevard. Hindi tulad ng malls sa Amerika
na nasa laylayan ang malls, tulad sa freeways, ang malls sa Pilipinas ay nasa
pagunahing kalsada. Kaya mas siksik ang trapikong sasakyan at pedestriano. Ang
malls ang nagiging natural na open space, tulad ng sa plaza. Isiniksik sa kalsada,
at dahil sa pagkilos na ito, ito rin ang rekurso sa nagsisiksikang kalsada. Hindi
nga rin ba, sa pangarap ni Henry Sy, ang pangunahing mall developer sa bansa
na nag-estandardisa ng disenyo at gamit sa mall, pati sa franchise sa karanasang
malling, ay nagkaroon ng mall sa pangunahing kalsada ng Metro Manila kada 30
minutong biyahe?
Ikalawa, kakatuwa rin ang disenyo ng mall, ito ay higanteng kahon at
malinaw na nagmamarka ng espasyo (ang loob at labas ng mall), at ang amenities
na nagpapatingkad dito (aircon sa loob, mainit sa labas; maayos sa loob, magulo
sa labas), pero nagmamarka rin ang pagkalito sa panahon (parating tanghaling
tapat ang panahon sa mall kahit pa pagabi na sa labas). Hanggang sa mga
nakaraang taon, ito ang unang klase ng disenyo ng naglalakihang malls. Dumating
ang Gateway sa Cubao, Trinoma at ang inaayos na SM North EDSA, at ang disenyo
ay mas naging pakurba, kahit pa ganito, kahon pa rin ang panlabas na estruktura.
Binuksan ang espasyo sa loob para makapasok ang elemento ng labas; nagkaroon
ng garden na gamit ay tunay na halaman (kumpara sa plastik na puno ng niyog
sa Glorietta), at daluyan ng tubig. Inilahok sa bagong disenyo ng mall ang iba pang
pampublikong gamit sa labas: mismong ang parke ay ipinaloob, at pati serbisyo
ng simbahang Katoliko at outdoor tiangge ay natatagpuan na rin sa mall.
Ang ikatlong distinksiyon ng mall ay ang malawakang sakop ng mga
serbisyo at negosyo rito. Bukod sa pamimili at panonood ng sine sa loob ng mall,
puwede kang magpadentista, magpa-botox, mag-gym, magsanla, mag-rebond ng
buhok, kumonsulta sa iyong health provider, bumili ng bagong condo

10 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
(condominium) unit, gumimik (bucket beer), at kung ano-ano pa. Binanggit nga ng
isang VJ (Video Jock), hindi na niya alam ang kaniyang gagawin kung masunog
ang Megamall. Ito rin ang dahilan kaya maaring magtagal sa loob ng mall.
Ang mall ay representasyon ng aspirasyong mapabilang sa gitnang uri ng
bansa, kundi man ang pagpapabilang ng bansa sa hanay ng First World.
Nagbabago ang disenyo ng mall, lumalaki ito, higit na kumakalat sa iba’t ibang
lungsod sa labas ng Metro Manila at patuloy na nakaaapekto sa pang-araw-araw
na buhay ng mamamayan. Pinangalanan na ang karanasan sa loob ng mall,
nagkaroon na ng bagong identidad, ang “maller”. At ang aspirasyonal na mundo
ng pag-unlad ng mamamayan at bansa ay natatanaw at nararanas kada malling.
Ito ang kapangyarihan ng salita, ang kapangyarihang angkinin, akuin at
pangalanan ang espero ng mundo ng karanasan.
Hindi kakatuwang ang karanasang malling ay naipatagos na sa mga gitnang
uring mamamayan ‘di lamang bilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na
buhay kundi bilang aspirasyonal na layunin sa buhay. Kung bakit nagpupursigi
sa nagdaan at kasalukuyan, sa posibilidad na maging gitnang uri. Ang araw-araw
na pangako ng akses sa mundong ito sa pamamagitan ng malling.

Mga Kasanayan sa Mapanuring Pagbasa

BAGO MAGBASA
1. Pamagat ng Teksto:
2. May-akda ng Teksto:
3. Bilang ng Talata:
4. Uri ng Teksto:

HABANG NAGBABASA
Mahahalagang salitang ginamit sa Kotekstuwal na pagpapakahulugan
teksto sa mga salita
1.
2.
3.
4.
5.
6.
7.
8.
9.
10.

PAGKATAPOS MAGBASA
Ano ang pangkalahatang paksa ng teksto?

Ano ang layunin ng may-akda sa pagsulat niya ng teksto?

Ano ang pananaw ng may-akda sa kaniyang paksa?

11 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
Rubrik sa Pagtataya ng Awtput

Napakahusay Mahusay Katamtaman Papaunlad


Krayterya
(20) (15) (10) (5)
Nilalaman Naipahayag nang Naipahayag nang Katamtamang Papaunlad ang
sobrang husay ang mahusay ang naipahayag ang paraan ng
pagsusuri sa akda pagsusuri sa akda pagsusuri sa akda pagpapahayag ng
pagsusuri sa akda
Organisasyo Napakaayos ng daloy Maayos ang daloy ng Hindi gaanong Nangangailan pa ng
n ng mga ng mga idea sa mga idea sa kabuoan maayos ang daloy ng pagsasaayos ng
idea kabuoan ng mga ng mga sagot mga idea sa kabuoan mga idea sa
sagot ng mga sagot pagsagot
Gramatika Mahusay na nailapat Nailapat ang wastong Katamtamang Papaunlad ang
ang wastong gramatika sa awtput nailapat ang wastong pagkakalapat ng
gramatika sa awtput nang may kakaunting gramatika sa awtput wastong gramatika
kamalian sa awput

Sukatin

Mahusay! Binabati kita dahil iyo na namang natamo ang panibagong


kasanayan sa mapanuring pagbabasa. Nawa ay ipagpatuloy mo pa ang iyong
pagpapalawak ng iyong kakayahan. Ngayon, sukatin naman natin ang iyong
pangkalahatang natutuhan mula sa mga talakayan at gawaing iyong
naisakatuparan.

PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. Panuto: Tukuyin kung kailan isinasakatuparan ng isang mapanuring
mambabasa ang mga kasanayang inilahad sa bawat bilang. Piliin ang
titik ng iyong kasagutan at isulat ito sa sagutang papel.

A. Bago Magbasa B. Habang Nagbabasa C. Pagkatapos Magbasa

_____ 1. Inaalam ang uri ng teksto.


_____ 2. Sinasagot ang mga kaugnay na katanungan ng tekstong binasa.
_____ 3. Pagtatagpi-tagpi ng mga kaganapan at impormasyong inilahad sa
tekstong binasa.
_____ 4. Pagsasalarawan ng ideang inilahad ng teksto sa isipan ng mambabasa.
_____ 5. Pag-alam sa kaligirang pangkasaysayan ng teksto.
_____ 6. Pagkilala sa katauhan ng may-akda at sa estilo ng kaniyang pagsulat.
_____ 7. Pagbubuod ng nabasang teksto.
_____ 8. Paglalahad ng sariling pagkakaunawa sa punto ng may-akda.
_____ 9. Pagbibigay ng karagdagang impormasyon sa puntong binigyang-diin sa
loob ng teksto.
_____ 10. Kontekstuwal na pagpapakahulugan sa mga salitang ginamit sa loob
ng teksto.

12 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
B. Panuto: Isulat ang K kung ang pahayag ay nagpapahayag ng katotohanan
samantalang O naman kung ito’y opinyon. Isulat ang sagot sa sagutang
papel.

_____ 1. Si Rodrigo Duterte ang nagpasimula ng Oplan Tokhang.


_____ 2. Sa palagay ko, mas uunlad ang ating bansa kung ang mamumuno ay
may layuning pag-isahin ang mga mamamayan.
_____ 3. Ayon sa balita ng GMA News, nakapasok na sa Pilipinas ang Omicron
Variant.
_____ 4. Para sa akin, mas mabuting magpabakuna na upang mas mababa ang
tiyansa mong mahawaan ng COVID-19.
_____ 5. Sa ulat ng News 5, si Leni Robredo ay may pinakamalaking nagastos
sa Facebook Ads na umabot sa mahigit kumulang 14.1 milyong piso.

Magaling! Napakahusay ng iyong


ipinakitang talino at dedikasyon bilang
isang mapanuring mambabasa. Ang
kasanayan mo sa mapanuring pagbasa ang
magiging lunsaran mo sa kasunod na mga
modyul tungkol sa pagbasa ng iba’t ibang uri
ng teksto. Ihanda mo ang iyong sarili sa
kasunod na modyul – Modyul 3: Paglalahad
(Tekstong Impormatibo)

13 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2 14
ARALIN 2 (Mga Kasanayan sa Mapanuring Pagbasa ng Teksto)
SIMULAN
Gawain 1: KWL Chart Iba-iba ang sagot
GALUGARIN
Gawain 2: Maging Mapanuri at Mausisa Iba-iba ang sagot
Gawain 3: Opinyon o Katotohanan Iba-iba ang sagot
PALALIMIN
Gawain 4: Mapanuring Pagbasa
Bago Magbasa
- Pamagat ng Teksto: Mall, Malling, Nagmo- Malling
- May- akda: Ronaldo B. Tolentino
- Bilang ng Talata: 22
- Uri ng Teksto: Sanaysay na naglalahad
Habang Nagbabasa: Iba- iba ang sagot
Pagkatapos Magbasa: Iba- iba ang sagot
SUKATIN
PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. B.
1. A 6. A 1. K
2. C 7. C 2. O
3. B 8. C 3. K
4. B 9. B 4. O
5. A 10. C 5. K
Susi sa Pagwawasto
Sanggunian
De Laza. C.S et al (2016). Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa
Pananaliksik. Manila City: Rex Book Store, Inc.

Lumbera, B. (1993). “Bakit Hindi Paksaing Filipino? Pananalita sa Pagtanggap ng


Ramon Magsaysay Award, Cultural Center of the Philippines noong Agosto 31,
1993.” Mula sa Writing the Nation. Quezon City: University of the Philippines Press.

15 LU_Q3_Pagbasa at Pagsusuri_Module2
Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Department of Education – SDO La Union


Curriculum Implementation Division
Learning Resource Management Section
Flores St. Catbangen, City of San Fernando, La Union 2500
Telefax: 072-205-0046
Email Address:
launion@deped.gov.ph
lrm.launion@deped.gov.ph

16

You might also like