You are on page 1of 3

Prexy Adriana B.

Padua 12 Trust G 11

Isang Hakbang Tungo sa Diyos

Bilang isang taong kilala sa pagiging masayahin, masigla, at nakakatawa, maaaring tila
ako ay mayroon ng pinakamagandang buhay... ngunit hindi. Tulad ng iba, itinatago ko ang aking
mga paghihirap, pagsasakit, pagsasakripisyo, at iba pang di nais na damdamin... sapagkat
parte lang naman ito ng buhay ng tao, hindi ba? Lahat naman ng tao ay may pinagdadaanan
diba? Nang ako ay nasa ika-apat na baitang, nagbago ang aking buhay, ang buhay ng aming
pamilya. Sa paghihiwalay ng aking Ina at Ama dahil sa kanilang madalas na away at
mapanirang relasyon, alam na namin na ito ang nararapat na mangyari. At para sa isang tulad
kong bata na minsang nabuhay sa isang masaya, kumpleto, at buong pamilya, naimulat sa
akin ng mas maaga ang mapait na realidad ng buhay kumpara sa iba. Ngunit hindi roon
nagtapos ang lahat dahil mas sinira pa ng buhay ang aking kagustuhang mabuhay habang ito'y
unti-unti kong binubuo muli.

Ang paglaho o pagkamatay ng isang mahal mo sa buhay ay isang hindi maiiwasang


bahagi ng pamumuhay. Sapagkat lahat ng bagay sa mundo ay pansamantala lamang at may
hangganan, hindi ba? Sa pagkakahiwalay ng aking mga magulang, ang aking lola o si Mamate
ang aking naging karamay at sandayan. Siya ang tumayo bilang aking ina habang ang aking
tunay na ina ay naninirahan at nagtatrabaho sa Maynila. Siya ang nagsilbing ilaw ng aming
madilim na tahanan. Siya ang bumubuo sa bawat bahagi ng aking buhay. siya ang naging
sentro ng aking buhay na pinaka nais kong pasalamatan. At ang pagmasdan siyang unti-unting
nauupos, maputla, matang nagdidilim, ang nag-iwan ng malalim na sugat sa aking alaala.

Noong ika-25 ng Marso (2021), kami ni mamate ay nanunuod ng pelikula sa pangalawang


palapag ng aming bahay. Kami ay nakaupo lamang sa sofa sapagkat ang binti niya ay may
dinaranas na sakit. Lumipas ang oras, hiniling niya na tumaas na sa pangatlong palapag upang
makapagpahinga, sabi niya sa akin, “Prexy, mapahingalo na ako”. Sa kadahilanan na hindi ko
kaya ang kaniyang bigat para igabay siya pataas tinawag ko ang aking kapatid na si Piolo.
Tinulungan at ginabayan namn ni Piolo si Mamate sa palikuran, pati na rin sa kwarto. Nang
walang kamalay- malay sa nangyayari, kami naman ay naghahanda para sa aming hapunan o
dinner. Maya-maya ay bumaba si Piolo at sinalubong kami ng hagulgol, hindi namin
naiintindihan ang kanyang sinasabi hanggang siya ay pinagsabihan ng aking Ama na ayusin
ang pananalita upang siya ay maintindihan. Sabi niya “Si Mamate…. dae na nakakaulay.”
Dali-dali kaming tumaas at doon na nagsimula ang pinakamalaking pagsubok na ipinagkaloob
Prexy Adriana B. Padua 12 Trust G 11

sa amin. Kahit anong pag yugyug, pagtatapik, at pag sigaw ng kanyang pangalan, siya talaga
ay walang imik. Habang naririnig ko ang walang humpay na nagmamadaling pagtibok ng aming
mga puso, nahirapan kami na hanapin ang kanyang pulso. Inilawan din namin ang kanyang
mga mata ng flashlight ngunit ang kanyang iris ay dilated na. Natira kami ni Piolo sa kwarto
kasama si Mamate at sinubukan namin na i-CPR siya. Dahil sariwa pa sa aking alaala ang
paraan ng pagsasagawa ng CPR na aming natutunan sa aming klase sa PE, ako'y nagbigay ng
gabay sa aking kapatid na siyang sumasagawa nito. Ngunit tuwing binibigyan ng hininga ng
aking kapatid ang bibig ni mamate, ito'y binabalik at tinatanggihan lamang ng kanyang
katawan. Habang nangyayari ito, si Patricia naman ay sumubok na tumawag ng ambulansya
ngunit lahat ng linya ay busy at walang sumasagot. Sinubukan rin niya na tumawag sa mga
aming kakilala ngunit wala talaga sapagkat kasagsagan din ito ng pandemya. Umabot na sa
punto na si Prexon ay mismong pumunta ng hospital upang humingi ng tulong. Sinubukan din
namin magtawag ng tao upang dalhin si mamate palabas ngunit kahit sa lakas ng limang lalaki
ay di siya kinaya. Inabot ng halos dalawang oras ang pagdating ng ambulansya, nakakalungkot
isipin na sa mga oras na ganoon, maaring mas mabilis pa ang pagdating ng pinadeliver na
pagkain kaysa sa ambulansya. Dumating man ang paramedics ngunit huli na ang lahat.
Napakasakit na masaksihan si Mamate habang dinidiin ang gitna ng kanyang dibdib nang
walang sign ng buhay, ngunit sa halip ang kanyang maputla, malamig at naninigas na katawan,
nangingitim na bibig at kuko. Nang kami ay nasa ambulansya, tinanong ako ng mga
paramedics ngunit hindi ko maayos na maisip ang sagot. Nanginginig ang aking katawan at
nauutal ang aking bibig, hindi sigurado sa aking mga sinasabi. Pagdating namin sa ospital,
tiningnan nila ang tibok ng puso niya ngunit wala na, ito ay itinuturing na DOA o Death on
Arrival. Kami man ay nag hagulgol sa ospital ngunit napagtanto namin na ang mga pangyayari
sa buhay ay bahagi lamang ng plano ng Diyos.

Ang pagkamatay ni Mamate ay gumawa ng butas o kakulangan sa aking puso na


kailanman hindi maaaring mapuno o matugunan. Ang karanasan na ito o pagkasaksi sa
proseso ng unti unting pagkamatay ng mahal mo sa buhay ay naghatid ng permanenteng sugat
sa aking memorya, isang trauma na hinding hindi ko makakalimutan. Sa totoo niyan, minsan
may mga oras na sinisisi ko ang Diyos sa mga masasamang nangyari sa buhay ko. Dahil dito,
kinuwestiyon ko siya, tinanong ko siya na bakit ako? Bakit kailangan ako pa? Sinisi ko siya sa
pagkuha ng aking lola nang labis na maaga at sa pagpapahintulot na mangyari lahat ng iyon,
ngunit alam mo ba? Sa paglipas ng panahon, napagtanto ko na hindi ang Diyos ang problema o
ang sanhi at hindi kailanman magiging dahilan sa ako talaga ang may kasalanan. Ito ang aking
Prexy Adriana B. Padua 12 Trust G 11

pagiging walang kakayahan at walang magawa sa aking mga pagsisisi sa mga pagkakataon na
hindi ko nagawa ang mga bagay bagay kasama siya at para sa kanya. Ako ay labis na nalunod
at napuno ng sakit na nadama ko na nauwi ito sa galit at poot sa Diyos. Ginamit ko siya bilang
isang paraan para ilabas ang aking pagsisisi, galit, sakit, paghihirap, at bawat damdamin na
nadama ko. Ang pagsisisi sa kanya noong panahong iyon ay parang isang coping mechanism
sa akin upang magpatuloy sa buhay…. ngunit napagtanto ko na mali ito hanggang sa lahat ay
nagbago noong binago ko ang aking pananaw.

Napagtanto ko na sa halip na walang-katuturan at bulag na sisihin ang aking pagdurusa


sa Diyos, natutunan kong humanap ng lakas at ginhawa mula sa kanya, sa pamamagitan ng
pag-aalay ng lahat na sakit ng emosyon na. aking nadarama. Ang pagkamatay ni Mamate ay
naging isang tulay o daan para sa akin upang mas maging malapit sa Diyos. Ang pag-aalay ko
ng aking pagdurusa sa Panginoon ay nag-udyok sa akin na umasa at magtiwala sa kanyang
lakas at hanapin ang lakas na laging nasa atin. Naramdaman ko rin ang kaalwanan sa
Panginoon sa pagkakaroon ng kamalayan na lagi siyang andiyan at kasama natin, nagdadala
sa atin, lalo na sa madilim at pinakamababang punto ng ating buhay sapagkat sa pamamagitan
lamang ng lakas ng Diyos natin malalampasan ang mga hamon na dala ng kalungkutan sa
ating buhay. Ito ay nagbibigay kamalayan sa atin kung gaano natin kinakailangan ang Banal na
Espiritu upang palakasin tayo sa pagharap sa mga susunod na hadlang o pagsubok na itatapon
ng buhay sa atin. Ang malungkot na karanasan na ito ay nag udyok sa akin upang magdasal ng
mas marami, upang humingi ng patnubay at tulong, at hayaan na ang Panginoon na maging
balikat na maaari kong maasandalan sa mga araw na tila bang hindi ko na kaya. Sa
pamamagitan ng pag-reach out o pakikipag-ugnayan sa kanya, makakamit natin ang
kaginhawaan at inspirasyon o motibasyon na kailangan natin. Ang pagtitiwala sa Diyos,
pag-aalay ng ating mga sarili sa kanya, at ang pagbabago sa paraan ng aking pananaw sa
pagdurusa ang pinakamahalagang desisyon na ginawa ko sa aking buhay na nagbigay sa akin
ng kapayapaan sa isip, pagiging mas malapit sa Panginoon, at tumulong sa akin na magpatuloy
sa buhay.

You might also like