You are on page 1of 3

1

SULAT NG PAGSISIMULA AT PAGKAPIT


Geramy B. Espia
November 29, 2016

Gusto kitang isulat, gusto kong ihulma ang bawat letra at salita na gaya ng iyong mga mata na kahit
alam ang buo kong pagkatao, ay naririto pa rin at hinahawakan ang aking mga kamay.

Gusto kong lagyan ng hugis ang mga patlang at tuldok na gaya ng mga katahimikang nagagawa
mong lagyan ng ngiti sa simpleng pagsambit mo ng pangalan ko.

Gusto kong ulit-ulitin ang salitang tayo na gaya ng paulit-ulit na pagpatak ng ulan sa mundo na para
bang tanging sila lang ang bagay na itinadhanang magkatagpo at maging masaya.

Gusto kitang isulat, maniwala ka Pero natatakot ako.

Natatakot ako na baka hindi na ako tumigil sa kasusulat tungkol sayo kahit nakakapagod na ang
bawat letra ng pangalan mo.

Natatakot ako na makabuo ng tulang tutugma sayo at sa atin na paniniwalaan kong makakabuo ng
mas matatag na salita pa sa habambuhay na ginawa ng ilang mga nabigo na sa pag-ibig.

Natatakot akong buhayin ka sa mga papel at makagawa ng librong maglalaman ng iyong mga ngiti,
mata, at pagkatao na mananatiling buo kahit lipasan pa ito ng mga taon.

Maniwala ka, gusto kitang isulat, gawan ng obra, at makabuo ng librong tungkol lamang sa iyo
Pero natatakot akong maging sobra ang bawat pahinang sinulatan ko ng salitang mahal kita.
Natatakot akong maging sobra ang bawat umagang mahat kita,
Ang mga hapong sigurado akong mahal kita,
Ang mga gabing nararamdaman kong mahal kita,
Ang mga magdamag na iniisip kong mahal kita,
Ang mga maghapong alam kong mahal kita,
At ang mga araw, linggo, buwan at taong mahal kita.

Aaminin ko, natatakot akong maging sobra ang lahat.

Aaminin ko, gusto kita pero natatakot ako.

Natatakot ako na mahal kita ng sobra pa sa tamang pagmamahal.

Pero para sayo, kahit nakakatakot ay gagawa pa rin ako ng kwentong tungkol sa atin

At para sayo, sisimulan ko ito sa salitang Oo.


2

SULAT NG PAG-AALALA AT PAGLIMOT


Geramy B. Espia
November 29, 2016

Muli akong nagsulat hindi para gawan ka ng obra,


Hindi para buhayin ka sa bawat matatamis na mga salita,
Hindi para ilarawan ang mga mata, o ang mga ngiti mo,
O ang mga umagang gigising akot hihinga na mahal kita.

Hindi ako nagsulat muli para sayo,


O para ipaalala uli sa blangkong papel ang mga letrang nabubuo na may lamang pag-ibig para sayo,
O para patunayan sa mundo na sa milyong-milyong tao na umiibig, sa atin lang ang totoo,
O para ipagsigawan sa kalawakan na hindi magkakatuldok ang ating kwento.

Mali ka, hindi na ikaw ang sentro ng mga sinusulat ko,


Hindi ka na ang kalawakang pilit kong niyayakap,
O langit na pilit kong binibilang ang mga tala para patunayan ang dami ng mga paraang kaya kong
ipakitang mahal kita,

Tama, Hindi na ikaw ang mundo ko, matagal na.

Pero aaminin ko, naaalala ko pa rin ang lahat,


Ang mga umaga, hapon at gabi na masaya pa ang bawat ikaw at ako,
Ang bawat pag-uusap, tawanan, pangako, at mga pangarap na laging may karugtong na natin
At ang mga plano sa hinaharap na laging nagsisimula sa salitang tayo

Oo, naaalala ko pa rin ang lahat.

At aaminin ko, naaalala ko rin ang pakiramdam na dala ng lahat ng mga alaalang yun.
Ang mga ngiti, kilig, saya, takot, pag-asa, at paniniwala lahat!
Ang mga pagkakamali at pagkalimot na madali lang nababawi ng bawat pag-uusap at pagkakasundo,
Ang mga ayoko at hindi na kayang gawing oo at pwede ng simpleng paglalambing at pangangako,
Ang mga pagod, hirap, sakit, at pagdududa na kayang kalimutan sa isang yakap lamang at paghawak
sa kamay.

Oo, Naaalala ko pa rin ang lahat kahit lumipas na ang ilang mga taon,
At alam kong dapat ay wala na talaga akong pakealam ngayon.
Na dapat ay wala na akong pake sayo, o sa kanya, o sa mga nangyari noon.
Na dapat ay hindi na ako tanga.
Na dapat ngayon ay natuto na ako.

Pero hindi pa rin eh, naaalala ko pa rin ang lahat.

At dahil sa pag-alala, maraming dapat at sana ang nabuo,


Gaya ng dapat ay alam ko na ang tama ngayon,
Na dapat hindi na ako apektado sa bawat oras na naaalala kong wala nang ikaw at wala nang tayo.
Na dapat ay hindi ko na iniisip ang mga tala sa langit, ang mga ambon ng ulan, at ang mga alon sa
dagat na para bang hinahanapan ko ng sagot ang nagyari sa ating dalawa.

Dahil sa pag-alala, maraming dapat at sana ang nabuo,


Gaya ng sana ay hindi ko naaalala ang lahat,
Na sana kaya ko nang makalimot para makayanan kong patawarin ka na ng totoo,
Na sana ay kaya ko nang tanggapin ang katotohanang hanggang doon lang talaga tayo,

Pero kasi, sa ating dalawa, ako ang mas nagmahal. At kahit kailan, hindi tatamis ang mga luhang
tumulo sa papel na pinagsulatan ko ng lahat ng tungkol sayo.
Kahit kailan, hindi na magiging tama ang pag-amin na naaalala pa rin kita.
Kaya heto, kahit tungkol parin sayo lahat ng mga sinusulat ko ay hindi ko ito aaminin.
Kaya pasensiya na, pero kailangan na kitang kalimutan.
Pasensiya na pero ayoko nang maalala na mahal pa rin kita.#
3

SULAT NG PAG-ALIS AT PAGBALIK


Geramy B. Espia
November 29, 2016

Bumukas ang malaking pinto ng simbahan at dahan-dahan siyang lumakad patungo sa iyo.
Nakangiti ka noon Nandoon din ako Sa labas ng simbahan Nakatingin sa iyo, nakatingin sa kanya

Alam kong mangyayari ito. At kahit pinangako ko noon sa sarili ko na hindi na kita gustong makita, nandito pa
rin ako Nakitingin. Tinitingnan kung paano ka ngumiti at tumingin sa kanya habang naglalakad siya papunta
sa iyo.
At alam mo ba, ganoon na ganoon kita pinangarap na tumingin sa akin noon. At wakas, nagawa mo rin, ngunit
para sa kanya, hindi sa akin.

Hindi naman talaga ako dapat nandito. Kaninang umaga nga ay nakaupo ako sa sulok ng klasrum kung saan
una tayong nagkatabi, ilang taon na ang nakaraan.

Tulad ng dati, ngayon ay puno pa rin ng mga estrangherong mukha ang lugar na ito. Minsan nga ay iniisip
kong mas mabilis ang takbo ng oras sa kwartong iyon.
At tulad ng mga nakaraang taon, palagi pa rin akong lumilingon sa paborito mong pwesto, sa tabi ko.

Pero ngayon ay wala nang nananatili sa pwestong iyon. At kasabay ng pag-alis mo ay ang unti-unting
paglamig ng upuang iyon na para bang pinapaalala sa akin na ngayon ay wala na akong katabi.
Na ngayon ay mag-isa na lang ako.

Inakala ko noon na tapos na ang lahat noong panahong huli nating hinawakan ang kamay ng isat isa. Pauwi
ka na noon, tapos na ang graduation Kasama mo na siya noon. At nagsisimula na ako noong mag-isip na
talagang tapos na ang lahat.
Pero bumalik ka.
Naglakad ka noon patungo sa akin.
Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong gawin,
Pero ngumiti ka.
At napangiti rin ako sa ngiti mo.
Ilang segundo nating pinagtagpo ang mga titig natin sa isat isa hanggang sa inabot mo ang iyong kamay at
sinabing, Congrats.
Salamat. Ikaw din.
At sabay tayong bumitaw.

Isa dalawa tatlo apat na taon na noon ang lumipas.


Muli kang nagbalik.
At tulad ng dati, ang iyong mga mata ang una kong napansin.
Tumigil ka ng ilang metro mula sa akin.
Tinitigan kita noon. Hinahanap ko kasi ang ngiti mo dati.
Yung ngiti mo na para lang sa akin.
Pero hindi ko na iyon nahanap sa ngiti mo ngayon.
Katulad na rin ito sa mga kaswal na ngiti na binibigay mo sa ibang tao.

At doon ko na nalaman ang katotohanan.


Naging ibang tao na pala ako sa iyo at anino na lamang ng isang taong kilalang-kilala ko noon ang taong
nakangiti sa akin ngayon.

Doon ko pa lang naisip na kasabay pala ng paglipas ng taon ay ang unti-unting paglawak ng distansya nating
dalawanaging magkahiwalay na salita na ang tayo, naging ikaw na lang at ako.

Nakatutuwang isipin na binago na tayo ng panahon. At sa mga oras na iyon, habang tinititigan kita at nakangiti
ka sa akin Nalaman kong hindi na natin lubusang kilala ang isat isa.

Tumigil na kasi tayong kilalanin ang isat isa simula noong huli nating pagkikita. At sa bawat pagtakbo ng
panahon, may nababago rin sa atin.
At ang mga pagbabagong iyon, aminin man natin ito o hindi, ay ang mga bagay na dumidikta kung sino na
tayo ngayon.

At iyon ang katotohanang hindi na natin kilala ang isat isa.

You might also like