You are on page 1of 3

Buhay Tambay

June 22, 2018


ni Rei Lemuel Crizaldo
inilathala sa Pananaw Pinoy

Noong June 13, ipinag-utos ni Presidente Duterte ang pagbabawal sa mga ‘tambay’ sa kalye
at pampublikong lugar. Diumano, makakatulong ito sa pagsugpo ng krimen dahil kadalasan ay mga
‘tambay’ ang nagiging sangkot sa mga kaguluhan sa komunidad. Mahigpit niyang inatasan ang mga
pulis na ‘pauuwiin’ o di kaya naman ay bitbitin ang mga ito sa kani-kanilang bahay.

Marami ang umalma sa pahayag na ito ng pangulo dahil sa pamamagitan ng RA 10158, na


nilagdaan ng dating pangulong Noynoy Aquino noong 2012, hindi na itinuturing na krimen ang
magpagala-gala sa mga lansangan at pampublikong lugar ng walang tiyak na pupuntahan. Sa
madaling salita, walang legal basis ang mga pulis na magsagawa ng pag-aresto sa mga pakalat-kalat
na ‘tambay.’ Dagdag pa dito, maaaring ireklamo ng illegal detention at illegal na pag-aresto ng
walang warrant of arrest ang mga agresibong pulis. Paalala ng mga human rights advocates, maaaring
gamitin ng mga ‘tambay’ ang petition for writ of amparo at writ of habeas corpus bilang proteksyon
sa illegal na pagdampot ng kapulisan.

Subalit sa loob lamang ng ilang araw, may 7,291 na katao ang inaresto ng pulisya. Paliwanag
ng Philippine National Police, inaresto sila hindi dahil sa pag-tambay per se kundi dahil sa paglabag
nila sa mga lokal na ordinansa tulad ng paglampas sa itinakdang curfew sa mga barangay, pag-inom
sa mga ipinagbabawal na lugar, at iba pa.

Naging maiinit ang diskusyon sa social media sa bagong polisiyang ito na isinusulong ng
pangulo. Para sa ilan, tama lang na mabawasan o mawala ang mga walang ginagawa o walang
magawa sa lansangan. Subalit para sa iba, mauuwi lang sa pag-abuso at paglabag sa karapatang-
pantao ang direktiba ng pangulo. Sa usapin na ito, marapat maging maingat sa pagkakabit ng
unnecessary ‘stigma’ sa mga ‘tambay’ at mismong sa pag-‘tambay.’ Madaling ikapit sa mga ‘tambay’
ang pagiging tamad, walang silbi sa lipunan, at potensyal na madawit sa mga illegal na gawain.

Dapat isaalang-alang na isang mahalagang aspeto ng kulturang Pinoy ang mag-umpukan at


magpalipas ng oras kasama ang mga kaibigan at kabarkada. Maaaring mag-iba ang konteksto kung
saan may mga sama-samang nagpapalipas ng oras sa lansangan o pampublikong lugar at mayroon
namang sa mga mamahaling lugar tulad ng coffee shops. Subalit parehong lukso ng kultura ang
dalawang ito, kapwa sila ‘tumatambay’ na magkakasama, at maaaring nagkaiba lamang ng economic
status sa buhay.

Sa Bibliya, may isang sitwasyon kung saan pinaalalahanan ni Apostol Pablo ang mga
matatawag nating ‘tambay’ sa siyudad ng Tesalonica. Ganito ang kanyang sinabi,

Mga kapatid, inuutusan namin kayo sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo na umiwas sa


sinumang kapatid na tamad at hindi namumuhay ayon sa itinuro namin sa inyo. 7 Alam naman
ninyong dapat ninyo kaming tularan. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama ninyo. 8 Hindi
kami kumain ng tinapay ng sinuman nang hindi nagbabayad. Nagtrabaho kami gabi't araw upang
hindi kami makabigat kaninuman sa inyo. 9 Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan
sa inyong tulong, kundi upang bigyan kayo ng halimbawang dapat ninyong sundan.10 Noon pa
mang kasama ninyo kami'y ganito na ang iniutos namin sa inyo: Huwag ninyong pakainin ang
sinumang ayaw magtrabaho. 11 Binanggit namin ito dahil nabalitaan namin na ang ilan sa inyo'y
tamad at ayaw magtrabaho. Wala silang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. 12
Alang-alang sa Panginoon, inuutusan namin ang mga ganoong tao na magtrabaho nang maayos para
sa sarili nilang ikabubuhay.

Bagamat tila mataas ang tagubilin na binanggit ng apostol dahil tila ba gugutumin ang
sinumang ‘tatambay-tambay’ lang, mahalagang pansinin na ang bottomline ng kanyang paaalala ay
upang itulak ang mga ‘tambay’ sa Tesalonica na maging mga produktibong nilalang -masipag na
nagta-trabaho para sa kanilang ikakabuhay. Nawa ay ganito din ang maging saloobin ng pulisya sa
bawat tambay na makakaharap nila dahil hindi na maiaahon ng isang ‘tambay’ ang kanyang buhay
kung siya ay mauuwing isang malamig na ‘bangkay.’
Pormat ng Pagsusuri para sa SURING BASA (Unang Markahan)
(Gawin ito sa long bond paper-- font size: 12, style: Maiandra, Calibri (light), o Arial; spacing: 1.5)

I. May Akda
Maglahad ng ilang impormasyon tungkol sa nagsulat ng komentaryo
Mga gabay:
- Pangalan ng May-akda
- Propesyon
- Mga karangalang natanggap (kung mayroon)
- Ambag sa panitikan
II. Uri ng akda
- Ano ang uri ng akda at ipaliwanag kung bakit
III. Istilo sa Pagsulat
- Paano isinulat ang akda? Ano ang istilo ng may-akda sa pagsulat ng komentaryo?
IV. Buod
Gumamit ng Concept Map:

V. Mensahe
- Ano ang mensahe ng binasang komentaryo?
VI. Reaksyon

Araw ng pagpasa: July 27, 2018

You might also like