You are on page 1of 29

Natatanging Diskurso sa Wika at Panitikan

General

Announcements

Ang Pagtuturo at Pagkatuto ng wika

1. Ano ang wika?

Maraming depinisyon ang maikakapit sa wika. Bibigyang kahulugan natin ito bilang sining ng
komunikasyon. Sa malawak na pagtanaw rito, ang wika ay hindi lamang nakatuon sa anyo nitong
pasalita o pasulat. Ayon kina Sampson et al. (1995:4) ang wika ay isang obra maestra ni Picasso, isang
komposisyon ni Beethoven, o di kaya'y ang kahanga-hangang pagtatanghal ng mga dyimnast sa
Olimpyada. Totoong ang wika ay "makikita" sa mga produktong pagsulat ng mga mag-aaral o maririnig
sa kanilang pagsasalita, ngunit higit pa rito ang nasasaklawan ng wika.

Ang wika ay nakaugat sa ating karanasan. Ang mag-aaral na may sapat na kabatiran sa mga
nagaganap sa kanyang kapaligiran ay inaasahang magiging matatas sa paglalahad ng kanyang mga ideya
o kaisipan tungkol sa kapaligirag ito. Kaya sa pagtuturo ng wika, nararapat lamang na ihantad ang mga
mag-aaral sa iba't ibang makatotohanang gawain upang "iparanas"sa kanila ang tunay na gamit ng wika.
Maaaring bigyan sila ng maraming babasahing aklat at mga magasin, palikhain ng tula na malalapatan ng
himig, pasulatin ng isang maikling dula , paguhitin ng magagadang tanawin, pasalihin sa mga
interaktibong talakayan - lahat ng mga karanasang ito'y magsisilbing matibay na pundasyon sa
pagkakaroon ng mag-aaral ng isang maunlad na wika.

2. Ang mga batang mag-aaral at ang pagtuturo ng wika

Sa mga talakayan sa larangan ng pagtuturo ng wika, maging Filipino o Ingles man, palagi ng
nakasentro ang usapan sa mga guro ng wika at kung paano sila nagtuturo. Mayroon nga ang banggit
tungkol sa mga mag-aaral, subalit mga palipad hangin lamang. Sa katunayan, mas mahalagang isipin
muna natin ang tungkol sa mga batang ating tinuturuan:
Sino Sila?

Saan sila galing?

Ano ang alam nila?

Anu-anong mga motibasyon nila sa pag-aaral ng wika?

Ano ang palagay nila sa wikang Filipino?

Paano sila natuto ng wika?

Samakatuwid, ang simula ng lahat ng pagsisikap sa pagtuturo ng Filipino sa ating mga paaralan ay
ang pag-unawa sa kalikasan at pagkakaiba-iba ng mga bata sa paaralan, pati na ang pagkakaroon ng
kaalaman at lubusang pang-unawa kung paano natutuhan ang wika , una o pangalawang wika man, at
ang mga proseso sa pagkatuto nito.

Napaniwala tayo ng popular na kaalaman na mas madaling matuto ng pangalawang wika ang mga
bata kaysa may edad nang mag-aaral. Sa mga ganitong paniniwala, nararapat lamang ang ilang
kwalipikasyon.

Una. hindi totoong mas madaling matutuo ng pangalawang wika ang mga bata. May mga patunay na
marami rin silang mga pagsisikap at ginagawa upang matutuhan ang kanilang una at pangalwang wika
(Brown, 1994). Ang kaibhan sa pagkatuto ng wika sa pagitan ng mga bata at may edad na mag-aaral ay
nakabatay sa likas at natural na paraan ng pagsasalita ng mga bata at kalimitang hindi nila binibigyang
pansin ang anyo ng wikang sasabihin. Samantalang sa isang may edad na nag-aaral ng wika, tahasang
binibigyan niya ng pokus ang salitang bibigkasin at pinag-iisipang mabuti ang anyo ng wikang kanyang
sasalitain.

Ikalawa, may mga pag-aaral na nagsasabi na ang may edad ay may higit na kakayahan sa pagtatamo
ng pangalawang wika. Magagawa nilang makapagsaulo ng higit na maraming talasalitaan kaysa mga
bata. Maaari silang gumamit ng mga prosesong deduktibo at abstraksyon sa pag-aaral ng balarila at iba
pang konseptong panlinggwistika kaya sa kabila ng otomatikong pagpoprosesong ginagamit ng mga bata
sa pagtatamo ng wika, maaaring magkaroon sila ng problema sa pag-aaral ng pangalawang wika.

Ikatlo, hindi maliwanag ang hangganan ng edad ng mga batang bago pa lamang nag-aaral magsalita
sa mga batang pre-pubescent. Lumilitaw sa maraming pagkakataon na may mga batang totoong hirap
sa pagtamo ng pangalawang wika sa maraming kadahilanan. Pangunahin sa mga kadahilanan ay may
kinalaman sa mga salik na personal, sosyal, kultural, at politikal.
Ang pagtuturo ng wika sa mga bata ay hindi basta nagaganap sa pamamagitan ng pagbibigay ng
maraming karanasang pangwika sa loob ng klasrum. Kailangan ng guro ng tanging kasanayan at
intwisyon na kaiba kung may edad na mga mag-aaral ang tuturuan niya.

Inilahad sa ibaba ang limang kategorya na may kinalaman sa paglaki at pag-unlad ng mga mag-aaral
na maaaring makatulong sa guro sa pagpili ng mga praktikal na teknik at istratehiya sa pagtuturo ng
wika.

Intelektwal na Pag-unlad- Dahil sa ang mga bata (humigit kumulang hanggang edad labinsiyam) sa
ganitong edad ay nasa yugto pa rin ng tinatawagg ni Piaget na conrete operations, dapat lamang na
isaalang-alang ang kanilang mga limitasyon. Ang mga tuntunin at mga paliwanag tungkol sa wika ay
kailangang gamitin nang may ibayong pag-iingat. Hindi masyadong pinahahalagahan ng mga bata sa
ganitong yugto ng paglaki ang nosyon ng mga edad ng "kawastuhan " at lalong higit na hindi nila
mauunawaan ang mga pagpapaliwanag ng tungkol sa mga konseptong panlinggwistika. Ilang mga
tuntunin para sa mabisang pagkaklase:

> Iwasan ang paggamit ng mga teknikal na salita sa pagpapaliwanag ng isang kaalamang pambalarila.
(e.g ponolohiya, morpema, at iba pa).

> Iwasan ang pagbibigay ng mga tuntunin na makalilito sa mga nag-aaral.

Tagal ng Pagkawili (Attention Span) - Isang kapansin-pansing kaibahan ng mga may edad sa mga bata ay
ang tagal ng panahon ng kanilang pagkawili.. Mahalagang maunawaan ng guro ang kahulugan ng tagal
ng panahan ng pagkawili: Paupuin mo ang mga bata sa harapan ng TV na ang palabas ay ang paborito
nilang cartoons at asahan walang tatayo ni isa man sa kanila hanggang hindi natatapos ang palabas.
Kaya't hindi ka maaaring magbigay ng isang paglalahat na maikli lamang ang tagal ng panahon ng
pagkawili ng mga bata. Mangyayari lamang ang maikling panahon ng pagkawili kung ang pagkaklase ay
nakasasawa at walang kabuhay-buhay. Dahil mahirap minsan ang paksang pinag-aaralan sa wika.
Tungkulin mong gawin itong kawili-wili, buhay, at masaya. Paano mo ito gagawin?

> Mag-isip ng mga gawaing may kagyat na kawilihan para sa mga bata
>Maglahad ng mga makabago at iba't ibang gawain.

>Gawing buhay ang pagkaklase at huwag mabahala na mag-oober-acting dahil kailangan ito ng mga bata
para sila'y maging gising at listo.

>Tuklasin ang kiliti ng mga bata at gawin itong puhunan sa pagpapanatili ng kanilang kawilihan.

>Isaalang-alang ang pagiging palatanong o kuryusidad ng mga bata upang mapanitili ang kanilang
kawilihan.

Pakilusin ang iba't ibang Padamdam (Sensory Input)

> Maglaan ng mga gawaing magpapakilos sa mga bata tulad ng role play at mga laro

> Gumamit ng iba't ibang kagamitang panturo na makatutulong sa pagpapatibay ng mga kaisipang
natamo.

> Isaalang-alang din ang paggamit ng sariling mga non-verbal language

Mga salik na Apektib (Affective Factors)

> Iparamdam sa mga mag-aaral na natural lamang na makagagawa sila ng pagkakamali sa pagsasalita,
pagbabasa, at pagsulat habang nag-aaral ng isang wika.

> Maging mapagpaumanhin at ibigay lahat ng suporta upang magkaroon ng tiwala sa sarili ang bawat
mag-aaral, ngunit maging matiyak sa mga inaasahang matatamo ng iyong mag-aaral.
> Maglaan ng mas maraming pakikilahok na pasalita mula sa mga mag-aaral lalo't higit iyong mga
tahimik sa klase upang mabigyan sila ng maraming pagkakataon na subukin ang iba't ibang gawain sa
pag-aaral ng wika.

Awtentiko, Makabuluhang Wika

> Iwasan ang pag gamit ng mga salitang hindi awtentiko at di makahulugan. Magaling ang mga bata sa
paghalata ng wikang di awtentiko; dahil dito, iwasan hangga't maaari ang mga de kahon o di natural na
paggamit ng wika.

> Ang mga pangangailangang pangwika ng mga mag-aaral ay kailangang nakapaloob sa isang konteksto.
Gumamit ng mga kwento, sitwasyon, mga tauhan, at mga usapang pamilyar sa karanasan ng mga mag-
aaral upang mapanaili ang kanilang atensyon at mapatatag ang kanilang retensyon.

> Iwasan ang paghahati-hati ng wika sa maliliit nitong mga sangkap mga sangkap dahil mahihirapan ang
mga batang makita ang kabuuan nito. Bigyang-diin din ang pag-uugnayan ng mga kasanayan sa
pakikinig , pagsasalita, pagbasa, at pagsulat.

Hindi biro ang maging epektibong guro ng wika. Inaasahang sa pagdaraan ng mga araw,
makatutulong sa mga guro kahit bahagya ang mga inilahad na patnubay lalo't higit sa mga baguhang
guro sa paaralan.

Ang Mga May Edad na Mag-aaral at ang Pagtuturo ng Wika

Bagama't maraming tuntunin sa pagtuturo ng mga bata na maaaring ilapat kung may edad na mag-
aaral ang tuturuan, dapat pa ring alalahanin na maraming pagkakaiba ang dalawang pangkat na ito ng
mag-aaral na kailangang alam ng isang guro . Mas higit ang kakayahang kognitibo ng mga may edad
kaysa mga batang mag-aaral kaya't maaaring mas magiging matagumpay sila sa ilang mga gawaing
pangwika sa loob ng klasrum. Mapapagalaw nila nang mabisa ang kanilang mga pandamdam
("imahinasyon" sa pagsamyo ng bulaklak vs. totoong pag-amoy ng bulaklak) na hindi pa kaya ng mga
bata. Maaaring pareho ang antas ng kanilang pagiging mahiyain pero higit na may tiwala sa sarili ang
mga may edad na mag-aaral. Kung may limang salik na isinasaalang-alang sa pagtuturo ng wika sa mga
bata, mayroon ding mga mungkahing dapat isaalang-alang kung may edad na mag-aaral ang tuturuan.

May kakayahan na ang mga may edad sa pag-unawa ng mga konsepto at mga tuntuning mahirap
unawain pero kailangan pa rin ang pag-iingat. Maaaring kainisan ng mga ito ang masyadong mahirap at
masyadong madali na paglalahat at tuluyan silang mawalan ng interes sa pag-aaral

Maaaring mahaba ang kanilang panahon ng pagkawili subalit ang mga gawaing maikli at ayon sa
kanilang interes ay hindi dapat kaligtaan.

Hangga't maaari'y gisingin ang lahat nilang mga pandamdam upang ang klase'y maging masigla at laging
buhay.

May taglay rin silang kaunting tiwala sa sarili kaya't hindi masyadong kritikal ang kanilang pagiging
maramdamin. Subalit hindi dapat iwaksi ang mga salik emosyunal na kaugnay ng kanilang pag-aaral ng
wika.

Implikasyon sa Pagtuturo ng Pag-alam ng Pagkakaiba ng mga Bata at mga May-Edad na Mag-aaral ng


Wika

Igalang ang mga damdaming emosyunal ng mga mag-aaral lalo na iyong medyo mahina sa pagkatuto.

Huwag ituring na parang bata ang mga may edad na mag-aaral

2.1 Huwag silang tawagin na "mga bata"

2.2 Iwasan ang pagkausap sa kanila na parang bata.

Bigyan sila ng maraming pagkakataon para makapamili at makapagbigay ng sariling desisyon hinggil sa
kung ano ang maaari nilang gawin sa loob at labas ng klasrum.

Huwag disiplinahin ang mga may edad na parang mga bata. Kung may lumabas sa suliraning pandisiplina
(di-paggalang, pagtawa, pag-aabala, sa klase at, iba pa), laging ipalagay na may edad ang iyong
tinuturuan at may kakayahan silang umunawa at magpaliwanag sa bawat kilos at galaw na ipinapakita
nila sa loob at labas ng klasrum.
3. Ang Mga Tinedyer At Ang Pagtuturo ng Wika

Mahalaga ring isaalang-alang sa alinmang pagtuturo ang pangkat ng mga mag-aaral na nagbibinata o
nagdadalaga na. Mga tinedyer o "bagets" na may edad mula 12-19 ang tawag sa pangkat na ito ng mga
mag-aaral sa sekundarya.

"Sakit ng ulo" ang tawag ng ilang guro sa mga mag-aaral na nasa ganitong edad. Ito ang yugto ng
paglaki na sila'y lito, kimi, at kakikitaan ng maraming pagbabago sa kanilang anyong pisikal at
intelektwal. Ito ang edad tungo sa pagbibinata at pagdadalaga. Samakatuwid, kailangan ang isang
tanging set ng mga konsiderasyon kung ang ganitong pangkat ng mag-aaral ang iyong tuturuan.
Bagama't kakaunti kung mayroon man tayong mababasa tungkol sa pagtuturo ng mga mag-aaral sa
ganitong edad, makabubuti siguro kung pagtutuunan natin ng pansin ang ilang paalala:

May kakayahan na ang mga mag-aaral sa ganitong edad na gamitin ang mga proseso sa abstraktong pag-
iisip kaya't maaari na silang ilayo nang unti-unti mula sa kongkretong paglalahad ng mga gawain tungo
sa supostikadong pagpoproseso ng mga kaisipan subalit mahalaga pa ring isaisip na ang pagtatagumpay
sa anumang gawaing intelektwal ay nakasalalay sa antas ng kawillihan o atensyong ibinibigay rito; kaya
nga kung ang isang mag-aaral ay maraming pinagkakaabalahan tulad ng barkada, pagpapaganda sa sarili,
disco, parti, at iba pa, maaaring ang gawaing pangklase at mga bagay hinggil sa kanilang pag-aaral ay
maaaring maisantabi.

Ang tagal o haba ng kanilang pagkawili (attention span) ay tumatagal na rin bunga ng kahustuhan ng
kanilang pag-iisip suballit maaari itong maging panandalian din dahil sa maraming pabagu-bagong
nagaganap sa pag-iisip at buhay ng isang tinedyer.

Maglaan din ng iba't ibang input na pandamdam (sensory input) sa mga pagkakataong kailangan ito ng
mag-aaral.

Tandaan palagi na ang mga kabataan sa yugtong ito ng paglaki ay nasa karurukan ng kanilang
pagpapahalaga sa sarili. Masyado silang sensitibo sa kanilang mga naririnig na puna lalo't higit tungkol sa
kanilang pagbabagong pisikal, mga emosyon, at kanilang kakayahang pangkaisipan. Isa sa mga
mahalagang tungkulin ng guro sa paaralang sekundarya ang mapanatiling mataas ang pagpapahalagang
pansarili ng kanyang mga tinuturuan sa pamamagitan ng mga sumusunod:
> Pag iwas na ipahiya sila sa klase;

> Pagpapahalaga sa kanilang iwi at pansariling talino at kalikasan;

>Pagiging maluwag sa mga pagkakamaling nagagawa sa pagkaklase;

> Pag-iwas sa mga kompetisyong pangklase na maaaring mauwi sa di-pagkakaunawaan; at

> Paglalaan ng mga gawaing pangkatan sa loob ng klase kung saan maaari silang makipagsapalaran sa
paglahok na hindi totoong magiging kahiya-hiya kung magkamali man sila sa pagsagot.

Hangga't maaari ay maging maingat sa pagbibigayng puna at mahihirap na gawain lalo na roon sa may
kahinaan sa pag-aaral. Isang malaking dagok sa kanilang katauhan kung sila'y maiinsulto lalo na'tsa
harap ng klase.

4. Paano natututuhan ang Wika?

Prescriptive Grammar

Bukambibig ng marami noong panahong iyon ang balarilang Latin sa mga pag-aaral-wika. Maging
ang mga mambabalarilang Ingles ay totoong nanalig din dito. Di nila binigyang pansin ang mga
sintaktikong kaibahan sa pagitan ng wikang Ingles at Latin at pilit na inilipat ang deskripsyong Latin sa
Ingles. Karagdagan pa, sa lubos na pangongopya mula sa balarilang Latin, nilimitahan nila ang kanilang
sarili sa paggamit ng klasikong balarila sa pag-aatas kung paano dapat ginagamit ang wika. Hindi sila
nagsikap na ilarawan ang kalikasan ng wika o kung paano ito ginagamit sa aktwal na pakikipagtalastasan
(Kitzhaber et al., 1970).
Halos ganito rin ang nangyari sa unang balarila ng wikang Filipino. Noong unang ituro ang Filipino
sa ating mga paaralang bayan, nakaangkla ito sa balarila ng wikang Ingles. Sa kayarian at istruktura ng
Ingles ibinatay ang anumang pagpapaliwanag hinggil sa wikang Filipino. Kaya ang paniniwala noong una,
kung ano ang ayos ng pangungusap sa Ingles ay ganoon din sa Filipino.

Ang mga pananalig at mga paniniwalang binanggit hinggil sa pagkatuto ng wika ay naglundo sa
metodong grammar-translation sa pagtuturo ng wika. Sa metodong ito, ang mga mag-aaral ay
nagmememorya ng mahabang talaan ng mga talasalitaan, mga anyo ng pandiwa at mga pangngalan.
Pangunahing gawain sa klase ang pagsasalin ng mga nakasulat na teksto. Hindi inaasahang nasasalita ng
guro ang wikang itinuturo. Ang mahalaga ay may malawak siyang kaalaman sa sa mga tuntuning
pambalarila.

Ang terminong prescriptive grammar ay tumutukoy sa mga set ng gawi o panuntunan hinggil sa
tama at hindi tamang paggamit ng wika. Nagsisilbi itong gabay sa kung paano ang nararapat na baybay,
bantas at marami pang iba. Alinsunod nito ay ang ipinalabas ng KWF na “Binagong Gabay sa Ortograpiya
ng Wikang Filipino” na naglalatag ng mga alituntunin hinggil sa tamang gamit ng e at i, r at d, ng at nang,
gitling at marami pang iba.

Descriptive Linguistics

Noong mga siglo labingwalo at labingsiyam, nagsimulang pagtuunan ng pansin ng mga isklar ang
pagkakatulad na masasalamin sa matandang wika. Sa kanilang pag-aaral ng mga nakasulat na
dokumento ng mga unang wika, nagawa nilang matunton ang pinagmulan ng mga tunog at salita at
naroon na rin ang pagtatangkang maipakita ang partikular na mga pagbabagong pinagdaanan ng mga
wika saloob ng mahabang panahon at ang ugnayang pangkasaysayanng mga wikang ito. Sinuri ng mga
naunang lingwist ang mga yunit ng tunog ng isang wika, kung paano nabuo ang mga ito, at nailarawan
din nila ang istruktura ng mga pangungusap. Nakabuo sila ng isang metodo sa pagtukoy ng mga tunog ng
wika, ng pagsusuri at pagtukoy ng mga morpemang bumubuo ng isang salita, at ng pagsusuri ng mga
anyo ng pangungusap.

Sumibol ng panahong ito ang pagbabalangkas o dayagraming bilang gamiting paraang pedagohikal
sa paglalarawan ng wika. Ang pagsusuri ng mga pangungusap ay nagsisimulasa paghahati ng mga
pangungusap sa dalawang bahagi at bawatisa nito ay hahatiin pang muli hanggang sa masuri ang maliliit
na komponent na bumubuo sa pangungusap. Ang ganitong sistema sa pag -aaral ng wika ay
pinaniniwalaang mailalapat din sa pag-aaral ng pangalawang wika. Bukod pa rito, marami rin ang
umaayon na ang ganap na pag-unawa sa mga ponetikong komponent ng unang wika ay makatutulong sa
paghahambing ng palatunugan ng una at ng target na wikang pinag-aaralan. Isang mahalagang tungkulin
ng guro ng wika noon ang kaalaman sa istruktura ng una at ikalawang wika upang maipaliwanag ang
target na wika (W2) sa tulong ng kaalaman sa kayarian ng unang wika .

Teoryang Behaviorist

Bagama't hindi tuwirang teoryang linggwistik ang behaviorism, malaki ang naging umpluwensiya nito
bilang teorya sa pagkatuto ng una at pangalawang wika.

Ipinahahayag ng teoryang behaviorism na ang mga bata ay ipinanganak na may kakayahan sa


pagkatuto at ang kanilang kilos at gawi ay maaaring hubugin sa pamamagitan ng pagkokontrol ng
kanilang kapaligiran. Ang kakayahang intelektwal ng mga bata ay mapayayaman at mapauunlad sa
tulong ng mga angkop na pagpapatibay rito. Binigyang-diin ni Skinner (1968), isang pangunahing
behaviorist, na kailangan "alagaan" ang pag-unlad na intelekwal sa pamamgitan ng pagganyak at
pagbibigay-siglat at pagpapatibay sa anumang mabuting kilos o gawi. Ayon sa mga behaviorist, ang
pagkatuto ng wika ay bunga ng pangagaya, paulit-ulit napagsasanay hanggang sa mamaster ang tamang
anyo nito, at positibong pidbak.

May paniniwala rin si Skinner na maaaring maisagawa ng bata ang anumang gawain kung tuturuan
at bibigyan siya ng tamang direksyon. Halimbawa, posibleng pagkaanak pa lamang ay maaaring hubugin
na ng mga magulang ang kanilang anak para maging isang doktor o isang abugado. Unti-unting ihahanda
ang bata sa mga bagay at gawaing kaugnay nito at palagi nang may angkop na pagpapatibay. Ang mga
gurong umaayon na sa paniniwalang ito ni Skinner ay palaging kariringgan ng mga papuring: "Magaling."
"Tama ang sagot mo". "Kahanga-hanga ka." "Sige ipagpatuloy mo."

Ang teoryang behaviorism sa pagkatuto ay nagbigay sa mga guro ng set ng mga simulain at mga
pamaraang madalign isagawa sa pagtuturo. Ang Audio Lingual Method (ALM) nanaing popular nooong
mga taong 1950 at 1960 ay ibinatay sa teoryang behaviorism. Ang mga pangunahing katangian ng ALM
ay inilahad sa ibaba:
> Binibigyang-diin ang mga kasanayang pakikinig at pagsasalita;

> Binibigyang-diin ang pag-uulit at mga dril;

> Paggamit lamang ng target na wika;

>Kagyat na gantimapal/pagpapatibay sa bawat tamang sagot;

> Kagyat na pagwawasto ng kamalian; at

> Ang pagtuturo at pagkatuto ay nakatuon sa guro

Teoryang Innativist

Ang teoryang innatism sa pagkatuto ay batay sa paniniwalang lahat ng bata ay ipinanganak na may
"likas na talino" sa pagkatuto ng wika. Ipinaliwanag ni Chomsky (1975) na ang kakayahan sa wika ay
kasama na pagkaanak at likas itong nalilinang habang ang mga bata ay nakikipag-interaksyon sa kanyang
kapaligiran. Ang pananaw na ito ang nagpapahayag na ang wika ay nakapaloob at nabibigyang-hugis ng
sosyo-kultural nakapaligiran kung saan ito nabubuo. Ito'y mabibigyang-kahulugan lamang kapag may
interaksyong nagaganap sa kapaligiran.

Ayon pa rin kay Chomsky, ang mga bata ay biologically programmed para sa pagkatuto ng wika at
ang wikang ito ay nalilinang katulad nang kung paano malilinang ang iba pang tungkuling bayolohikal ng
tao. Halimbawa, pagdating ng bata sa takdang gulang, nagagawa niya ang paglalakad lalo na kung
nabibigyan ng tamang nutrisyon bukod pa sa malaya siyang nakakikilos at nakagagalaw. Hindi na siya
dapat pang turuan sa paglalakad. Lahat ng bata ay nag-uumpisang maglakad sa halos na magkakatulad
na edad at ang gawaing ito ay nararamdaman ng mga batang normal ang paglaki at pag-edad. Para kay
Chomsky, ganitong-ganito rin ang pagtatamo ng wika.

Inilahad pa rin ni Chomsky na ang isipan ng mga bata ay hindi blangkong papel na kailangan lamang
punan sa pamamagitan ng panggagaya ng wika na kanilang naririnig sa paligid. Sa halip, inihayag niya na
ang mga bata ay may espesyal na abilidad a tuklasin sa kanilang sarili ang nakapaloob na mga tuntunin
sa isang sistema ng wika.
Tinukoy ni Chomsky ang espesyal na abilidad na ito na Language Acquisition Device (LAD). Ang
aparatong ito ay karaniwang inilalarawan bilang isang likhang-isip na "black box" na matatagpuan sa
isang sulok ng ating utak. Tinatayang naglalaman ang "black box" ng lahat at tanging iyon lamang mga
simulaing panlahat na taglay ng mga wika ng lahat ng tao, at ito ang humahadlang sa isang bata na
lumihis sa tamang daan sa kanyang pagtuklas ng mga tuntunin ng wika. Upang gumana ang LAD,
kailangan lamang ng bata na may pagkakataon siyang mahantad sa mga halimbawa ng wikang kanyang
sasalitain o pag-aaralan.

Ang mga halimbawang ito ang mga nagbibigay-daan upang gumana ang aparato. Sa oras na gumana
na ito, magagawa na ng batang tuklasing sa kanyang sarili ang istruktura ng wikang pag-aaraaaaalan sa
pamamagitan ng paglalapat ng kanyang taglay na kabatiran sa batayang gramatika ng isang partikular na
wika sa kanyang kapaligiran.

Sa kasalukuyan, inilaglag ni Chomsky at ng kanyang mga kapanalig ang terminong LAD; sa halip,
Universal Grammar (UG) na ang tawag nila sa aparatong pang-isipan na taglay ng lahat ng mga bata
pagsilang (Chomsky, 1981; Cook, 1988; White, 1989).

Teoryang Cognitive

Ayon sa pananaw ng teoryang cognitive, ang pagkatuto ng wika ay isang prosesong dinamiko kung
saan ang nag-aaral ng wika ay palaging nangangailangang mag-isip at gawing may saysay o
makabuluhan ang bagong tanggap na impormasyon, alamin ang pumapailalim na tuntunin, at mailapat
ang mga ito upang makabuo ng orihinal na pangungusap. Habang isinasagawa ang prosesong ito,
malimit na nagkakamali sa pagpapakahulugan ng mga tuntunin ang mga mag-aaral ng wika o di kaya
nama'y nailalapat nang mali ang mga ito. Dahil dito, malimit na nagaganap ang mga kamalian sa
paggamit ng wika. Ayon sa mga cognitivist, ang pagkakamali ay isang palatandaan ng pagkatuto at
eksperimenatyson at hindi ito kagyat at tuwirang iwinawasto. Tinatanaw ng mga cognitivist ang
pagkakamali bilang isang integral na bahaging pagkatuto

Nakatuon sa mga mag-aaral ang mga pangklaseng batay sa teoryang cognitive . Nakapukos ito sa
patuklas na pagkatuto sa pamamagitan ng mga dulog na pasaklaw at pabuod. Sa dulog na pabuod ,
ginagabayan ng guro ang pagkatuto sa pamamagitan ng ilang tiyak na halimbawa at ipasusuri niya ang
mga ito upang makatuklas sila ng isang paglalahat. Ang dulog na pasaklaw naman ay kabaligtaran ng
dulog na pabuod. Kung ang dulog na pabuod ay nagsisimula sa mga halimbawa patungo sa paglalahat o
pagbubuo ng tuntunin; ang dulog na pasaklaw naman ay nagsisimula sa paglalahad ng tuntunin patungo
sa pagbibigay ng mga hallimbawa. Ang teoryang cognitive ay palaging nakapokus sa kaisipang ang
pagkatuto ay isang aktibong prosesong pangkaisipan. Sa ganitong pananaw, tungkulin ng guro ang
paglalahad ng mga bagong impormasyon kung saan ang mga impormasyong ito'y maiugnay ng mga
mag-aaral sa kanilang umiiral na istrukturang pangkaisipan at sa kanilang dating kaalaman. Sa pagkatuto
ng wika, kailangang himukin ng guro ang mag-aaral na mag-isip nang may kamalayan at pag-usapan ang
wika upang mapag-ibayo ang kanilang kakayahan sa paggamit nito.

Ang teoryang cognitive at teoryang innatism ay magkatulad sa maraming aspekto. Parehong


pinanghahawakan ng mga teoryang ito na ang mga tao ay ipinanganak na may likas na kakayahan upang
matutuhan ang isang wika (Page at Pinnel, 1979). Ang tanging pagkakaiba ng dalawang teoryang ito'y
may kinalaman sa implikasyon sa pagtuturo. Pinaniniwalaan ng mga innativist na hindi kailangang
suportahan ang mga bata sa pagtatamo ng wika dahil likas niya itong matututuhan. Samantalang sa
kampo ng mga cognitivist, kailangan ang pagtuturo at mga kaligiran sa pagkatuto na magpapabilis sa
pagkatuto ng wika

Bilang isang guro, kailangang may sarili kang paniniwala tungkol sa kalikasan ng mga bata at kung
paano sila natututo . Mahalaga ang kabatiran sa mga teorya dahil ang mga ito ang magsasabi ng mga
tamang gawain sa pagtuturo. Ang paglilinaw ng iyogn posisyon hinggil sa mga teoryang ito'y hindi ang
isa-isang pagbabanggit ng ngalan ng teorya o pagsaulo ng mga paliwanag hinggil dito. Ang mahalaga ay
ang sarili mong paniniwala hinggil sa kung paano natuto at kung nakapagtatamo ng wika ang mga bata.

Teoryang Makatao

Ang teoryang makatao sa pagkatuto ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga salik na


pandamdamin at emosyunal. Ito'y nananalig na ang pagtatagumpay sa pagkatuto ay mangyayari lamang
kung angkop ang kapaligiran, may kawiliha ang mga mag-aaral at may positibong saloobin sila sa mga
bagong kaalaman at impormasyon. Kung ang mga kondisyong ito'y hindi matutugunan, ang anumang
paraan o kagamitang panturo ay maaaring hindi magbunga ng pagkatuto.

Kaya nga, sa larangan ng pag-aaral ng wika, kailangang may magandang saloobin ang mga mag-aaal
sa wikang pinag-aaralan, sa mga gumagamit ng wika at sa mga guro ng wika. Tungkulin ng guro na
maglaan at lumikha ng isang kaaya-ayang kaligiran sa klasrum at isang pagkaklaseng walang pananakot
kung saan maginhawa ang pakiramdam ng bawat mag-aaral at malaya nilang nagagamit at nasusuri ang
bagong wikang natutuhan. Kailangan ding linangin ng guro ang pagpapahalaga sa sarili ng mga mag-
aaral.

Pangunahing binibigyang-pansin ng teoryang makatao ang mga mag-aaral sa anumang proseso ng


pagkatuto. Palaging isinasaalang-alang ang saloobin ng mga mag-aaral sa pagpili ng nilalaman,
kagamitang panturo at mga gawain sa pagkatuto.

Ilan sa mga metodo ng pagtuturo ng wika na may kaugnayan sa makataong tradisyon ay ang
sumusunod: Community Language Learning ni Curran; ang Silent Way ni Gattegno at ang Suggestopedia
ni Lazonov.

5. Pagkatuto vs Akwisisyon ng Wika

Nagbigay si Krashen (1981) ng magandang paliwanag hinggil sa pagkakaiba ng pagkatuto at


akwisisyon ng wika. Ang pagkatuto ay isang binalak na proseso kung saan pinag-aaralan ang wika sa
isang organisadong paraan at may sinusunod na isang tiyak na programa o silabus. Ang ganitong
pagkatuto ay humahantong sa pag-alam ng mga tuntunin sa paggamit ng wika at pagsasalita nito ayon
sa kung paano ito inilahad sa isang sistematiko at pormal na paraan.

Sa kabilang dako, ang akwisisyon ay nagaganap nang hindi namamalayan at katulad ito halos kung
paano natutuhan ang ating unang wika. Ito ay nagaganap sa isang sitwayon na ang mag-aaral ay
nahaharap sa maraming pagkakataon na natural na ginagamit ang wika. “Pinupulot” ng mag-aaral ang
wikang kanyang naririnig na sa palagay niya’y kailangan sa pakikipag-usap sa mga tao sa kanyang paligid.

Mahalaga ang mga kaalamang ito sa pagtuturo ng wika lalo’t higit kung pangalawang wika ang
ituturo dahil sumusuporta at nagbubuo ang dalawang ito sa isa’t isa.
Kung sisilipin natin ang nangyayari sa loob ng klasrum at sa loob ng tahanan hinggil sa pagkatuto
ng wika, makikita natin ang ganitong tanawin. Sa loob ng klasrum, ipinalalagay na kailangang ituro sa
mga bata ang mga tuntunin para matutuhan ang wika. Sa halip na ihantad ang bata sa mayamang
kaligiran ng wikang sinasalita, ang input ay may hangganan at inihahanay nang may kontrol ayon sa
paniniwala ng humuhubog ng kurikulum. Ang pag-aaral ay nagsimula sa paglalahad ng mga titik at tunog
patungo sa pagbuo ng salita. Ang pokus ng pag-aaral ay ang wika sa halip ng mga makabuluhang gawain
o konteksto na kinapapalooban nito. Sa pagsagot ng mga bata, isa ng mahigpit na batas na ang sagot ay
sa kompletong pangungusap.

Sa loob ng tahanan, malaya ang bata sa kanyang pagkatuto. Walang mga tuntunin na kailangan
sundin. Walang kontrol ang dami ng wikang naririnig. Hindi ang pagkatuto ng magkahiwalay na tunog at
salita ang kanilang natutuhan kundi mga natural na wika na kanilang naririnig at ginagamit araw-araw.
Positibo palagi ang pidbak at walang nagsasabi sa kanila na “ulitin mo nga sa kompletong pangungusap.”
Ayon kay Krashen, ang ganitong kaligiran sa pag-aaral ng wika ay may “low affective filter” kaya ang
pagkatuto ay madali at mablis.

Ano ang implikasyon ng mga senaryong inilahad sa pagtuturo ng wika? Sa epektibong pagtuturo
ng wika, hindi sapat ang pag-alam lamang sa iba’t ibang pamaraan sa pagtuturo. Dapat ay may sapat na
pagkaunawa ang guro sa mga teoryang linggwistika at sikolohiya na pinagbabatayan ng mga pamaraan
sa pagtuturo.

6. Mga Salik sa Matagumpay na Pagkatuto ng Wika

Ang matagumpay na pagkatuto ng Wika

Pagnilayan🤔

Naggigitgitan ang mga magulang, nagsisiksikan, nagtutulakan, at kung minsan ay nagkakapikunan


mapabilang lang ang kanilang pitong taong gulang na anak sa kalse sa unang baitang ni Mrs. Quirit.
Nangyayari ang ganito dahil maraming magaganda at kapana-panabik na sandali sa kanyang pagkaklase.
Alam din ng mga magulang na kung ang kanilang anak ay mapapailalim sa pagtuturo ni Mrs. Quirit,
magtataglay ito ng mga pangunahing kaalaman at kasanayan na mahalaga sa pagtuklas ng mas lalong
malawak na karunungan. Batid din ng mga magulang na ang mga tinuturuan ni Mrs. Quirit ay mahihilig
sa pagbabasa ng libro at masisipag sa pag-aaral.

Masasalamin sa katauhan ni Mrs. Quirit ang likas niyang pagmamahal sa mga bata, ang masaya
niyang pagtuturo at pagkamahiligin sa pagbabasa. Kung makapapasok ka sa loob ng kanyang klasrum,
makikita mong masasayang gumagawa ang mga bata. May mga batang nasa isang sulok ng klasrum na
tahimik na nagbabasa. Ang ilan ay abala sa pagpili ng mga aklat na kanilang babasahin, samantalang may
mga batang tahimik na nagsusulat sa kani-kanilang desk. May mga bata ring gumagawa na kasama si
Mrs. Quirit. Sa isa pang sulok ng klasrum ay makikita ang tatlong batang sumusulat ng isang kwento na
kanilang ibabahagi sa klase. At sa isa pang bahagi ng klasrum ay may mga bata namang gumagawa ng
puppet na kanilang gagamitin sa isang palabas sa klase.

Magandang pagmasdan ang nagaganap sa klasrum ni Mrs. Quirit. Ang mga bata ay malayang
nakagagawa ng mga gawain na di alintana ang pagkakamali. Hindi rin sila natatakot na sumubok ng mga
gawaing bago sa kanilang pananaw. Subalit hindi dapat isipin na ang ganitong kaligiran ay basta na
lamang nagaganap. Si Mrs. Quirit ay isang master titser. Kilala niya ang kanyang mga mag-aaral at
iginagalang niya ang kanilang pagkakaiba-iba. Ginagamit din niya ang kanyang napag-aralan sa paglaki at
pag-unlad ng mga bata at isinasaalang-alang ang mga teorya sa pagkatuto upang makalinang ng isang
kaligiran na komportable ang mga bata at naroon ang sigasig sa pagtuklas ng karunungan.

Isinasaalang-alang din ni Mrs. Quirit ang dignidad ng bawat bata at naroon palagi ang respeto sa
kanyang mga tinuturuan. May sapat din siyang kamalayan sa mga mag-aaral hinggil sa kaibahan ng lalaki
sa babae at tinitiyak niyang magkapantay ang mga hamon at mga pagganyak na inilalaan sa mga ito.
Hindi rin makakaligtas sa kanya ang mga batang mapanukso o iyong mga nang-aapi ng kapwa. Humihingi
siya ng tulong sa mga magulang kung kailangan at palagi niyang iniuulat sa kanila ang progreso sa pag-
aaral ng kanilang mga anak.

Kataka-taka bang isipin kung maraming mga magulang ang nangangarap na magkaroon sana ng
clone si Mrs. Quirit para lahat ng batang papasok sa unang baitang ay magkaroon ng kawili-wiling
karanasan sa pagkatuto?
Siguro ikaw nangangarap ka ring maging Mrs. Quirit sa darating na araw. Kaya mo iyan! Lamang,
bukod sa likas mong hilig sa pagtuturo lagi mong isasaisip ang mga mahahalagang bagay upang
mapagtagumpayan ng mga bata ang lahat ng kaalaman sa pagkatuto na iyong inihanda . Nasa ibaba ang
ilang kaisipang dapat mong balik-balikan lalo na't mapapansin mong nananamlay ang mga bata sa
kanilang pag-aaral.

Motibasyon. Hindi mapasusubalian na ang motibasyon ay napakahalagang salik sa matagumpay na


pagkatuto. Sa isang klase na halos magkakapantay ang antas ng karunungan ng mag -aaral, pakaasahan
na may mas higit ang pagtatagumpay sa pag-aaral dahil mataas ang kanilang motibasyon. Samantalang
ang mga mag-aaral na mababa ang motibasyon o hindi seryoso sa pag-aaral ay mapapansing makapasa
ma'y pilit o di kaya ay pasang-awa.

May dalawang uri ng Motibasyon:

Panlabas na Motibasyon (Extrinsic motivation) ang motibasyong ito ay bunga ng mga panlabas na salik
tulad ng:

a. Integratibong Motibasyon (pagkagustong makahalubilo sa isang kultura ng


mga taong Filipino ang sinasalita)

b. Motibasyong Instrumental ( pag-asam na makatuntong sa isang kolehiyo o


pamantasan o kaya ay pagkakaroon ng isang trabaho na mataas ang pasahod dahil
kaalaman sa wika)

c. pagkagusto na makatanggap ng mga papuri o pagkilala mula sa kapwa mag-


aaral o mga guro

2. Motibasyong Intrinsik ( Intrinsic Motivation). ito ang likas na kagustuhan sa


pagkatuto ng isang wika. Halimbawa, ang isang mag-aaral na galing sa isang pamilya na
may positibong saloobin sa wikang Filipino ay maaasahang magkakaroon ng ibayong
interes sa Filipino at magkakaroon ng pagkagusto upang masterin ang wika.

Ang mga Guro -psychic earnings


Malaki ang pananagutan ng mga guro sa isang matagumpay na pagtuturo at pagkatuto ng wika. Ang
buong katauhan, saloobin, panlahat na kaalaman, at estilo sa pagtuturo ay maaaring maging sanhi ng
pagkakaroon o pagkawala ng interes o kawilihan ng mga bata sa pag-aaral ng wika.

Maraming tungkulin o "papel" na ginagampanan ang guro sa loob ng klasrum. Ilan sa mga ito ay ang
mga sumusunod:

pagbibigay impormasyon at paglalahad ng kaalaman;

paglalaan ng patnubay at tulong sa mag-aaral upang pagsanayan ang natamong kaalaman

pagbibigay ng angkop na pagganyak sa pamamagitan ng paglalaanng iba't iba at nakawiwiling gawain na


magbibigay ng pagkakataon upang magamit ang wikang natutuhan;

pagbubuo ng makabuluhang gawain at pagtitiyak na magagawa ng mga mag-aaral ang gawain sa isang
kaligiran na walang pangamba o pagkabahala;

binibigyang sigla ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga papuri ("Magaling ang iyong
sagot, sige ipagpatuloy mo"). Ito'y nagbibigay ng lugod sa mga bata dahil kinikilala ang kanilang
kakayahan sa klase; at

palaging may ginagawang pagtataya at ebalwasyon sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa wika.

Ang mga Mag-aaral

Lalong magiging matagumpay ang isang guro sa kanyang pagtuturo kung may kabatiran at
nauunawaan niya ang mga katangian ng kanyang mag-aaral. Sa isang pag-aaral nina Rubin at Thompson
(1983), nagtala sila ng mga katangian ng isang magaling na estudyante ng wika. Ito'y ang mga
sumusunod:

Nagagawa niyang manghula hinggil sa kayarian ng wikang pinag-aaralan at sinusubukan niya ang mga ito
sa pamamagitan ng pangangalap at pag-iipon ng mga impormasyon sa isang mabisang paraan.
Gumagamit din siya ng mga hudyat (cues) na maririnig, makikita niya sa paligid. Idinagdag pa ni Rubin na
ang magagaling na manghula ay gumagamit ng kanilang "pandama" hinggil sa balangkas na pambalarila,
hudyat mula sa mga kalabisan sa isang mensahe. Isinasaalang-alang din nila ang mga palatandaang di-
berbal, ugnayan ng mga salita, ilang kabatiran tungkol sa pamayanan, at ilang pagkakatulad sa kanilang
unang wika. Hindi sila nababahala sa mga maling hula at agad nila itong iwinawasto mula sa susunod na
mga konteksto.
Mataas ang kanyang motibasyon upang makipagtalastasan at humahanap siya ng mga posibleng
istratehiya para maparating sa iba ang kanyang naiisip at nadarama. Isang istratehiya na ginagamit niya
ay ang paggamit ng sirkumlokyusyon (circumlocution), halimbawa, pagsasabi na iyon bang ginagamit
kapag umuulan kung hindi niya alam ang salitang payong o kapote. Gumagamit din siya ng sariling
pagpapakahulugan (paraphrase) sa pagpapaliwanag ng iba't ibang kahulugan ng isang teksto. Malimit
din siyang gumagamit ng mga signal na di-berbal tulad ng pagkumpas o paggalaw ng katawan,
ekspresyon ng mukha, at iba pa.

Hindi rin niya pinipigilan ang kanyang sarili na makipagsapalaran sa paggamit ng wika. Tinatanggap niya
ang kanyang kalagayan bilang linguistic toddler at tanggap niyang magmukhang hangal para lamang
maunawaan siyang mabuti ng kanyang kausap.

Humahanap siya ng mga pagkakataon upang magamit ang wika at nangunguna siya sa pagsisimula ng
isang usapan sa kanyang guro at mga kaklase at palaging sinasamantala ang mga pagkakataong
makapagsalita sa klase.

7. Mga Istilo sa pagkatuto

Ang mga istilo sa pagkatuto ay tumutukoy sa mga kaparaanan na mas higit na gusto ng mga
estudyante sa kanilang pag-aaral. Si Willing (1988 at binanggit kay Nunan) ay nagsabi na ang isang guro
na sensitibo at isinasaalang-alang ang mga gustong istilo sa pag-aaral ng mga estudyante ay
makatutulong sa pagkakaroon ng isang matagumpay at mabisang pagkatuto. Sa isang pag-aaral ni
Willing, nagawa niyang pagpangkat-pangkatin ang mga mag-aaral at inuri niya ito sa apat na kategorya.
Nagtala rin siya ng mga pinapaborang istratehiya sa bawat uri ng mag-aaral.

Tingnan ang talahanayang inilahad sa ibaba:

Mga Uri ng mag-aaral at mga Gustong Istratehiya sa Pag-aaral

URI NG MAG-AARAL

MGA ESTRATEHIYANG KINGIGILIWAN SA PAG-AARAL


Mag-aaral na “concrete”

1. Mga laro

2. Mga larawan

3. Video clips

4. Pair work

5. Pagsasanay ng wika sa labas ng klase

Mag-aaral na “analytical”

1. Pag-aaral ng Balarila

2. Pag-aaral ng maraming aklat sa wika


3. Pagbabasa ng mga Pahayagan

4. Pag-aaral ng mag-isa

5. Pag-alam at pagsusuri ng mga kamalian sa wika

6. Pagtuklas ng mga solusyon sa mga suliraning inilahad ng guro

Mag-aaral na “communicative”

1. Pagmamasid at pakikinig sa mga taal na tagapagsalita ng wika

2. Pakikipag-usap sa kaibigan na gamit ang wikang pinag-aaralan

3. Panonood ng programa sa TV sa wikang pinag-aaralan

4. Pag-aaral ng mga bagong salita sa pamamagitan ng pakikinig dito at paggamit sa aktuwal na


pakikipag-usap
Mag-aaral na

“authority oriented”

1. Mas gusto na ang guro ang magpapaliwanag ng lahat tungkol sa wika

2. May sariling batayang aklat

3. Isinusulat ang lahat ng impormasyon sa notbuk

4. Pinag-aaralan ang balarila

5. Nagbabasa para matuto

6. Natututuhan ang mga bagong salita kung makikita ang mga ito

Maaaring matagpuan sa isang klase na binubuo ng 40-60 mag-aaral ang apat na uring ito ng mag-
aaral ng wika. At dapat asahan na magkakaroon sa klase ng iba't ibang pagkagusto hinggil sa mabisang
istratehiya sa pagkatuto. Sa ganitong kalagayan , kailangan maglaan ang guro ng angkop na pakikibagay
sa iba't ibang istratehiya na tutugon sa pngangailangan ng bawat mag-aaral.

8. Mga Yugto sa Pagkatuto ng Wika


Ayon sa pag-aaral ng mga linggwist, hindi raw basta ginagaya ng mga bata ang wikang kanilang
naririnig. Pinipili at iniaakma nila ang kayarian ng mga bahagi ng pananalita na makahulugan sa kanila.
Samakatuwid, ang mga bata ay active learnrers at hindi passive learners gaya ng paniniwala nang
marami. Sinusuring magaling ng mga bata ang wikang naririnig at pinipila nila ang bahaging may
kahulugan sa kanila. Ang intonasyon ng wika ang unang hulwarang natutuhan ng mga bata. Mula rito ay
pinipili nila ang salita at mga hulwaran ng mga makahulugang tunog gaya ng: mama, dada, dede. Ang
mga salitang ito ay nakakabit sa mga kongkretong bagay at pangyayari. Sa simula, ang mga bokabularyo
ng mga bata ay binubuo ng mga pangngalan, pandiwa, at pang-uri. Ang mga salitang pangkayarian o
function words ay sa bandang huli na natutunan.

Sa ganitong paraan binubuo ng bata ang wikang kanilang naririnig. Sa katunayan, umiimbento sila ng
sarili nilang balarila, sariling tuntunin na nababago batay sa modelo, dalas ng paggamit, at pidback. Pare-
pareho ang istratehiyang ginagamit ng lahat ng bata sa pagkatuto ng kanilang wika.

Ang mga modelong inilahad sa ibaba ay isang paglalarawan sa proseso ng pagkatuto ng wika na
konsistent sa ilang pananaliksik (Brooks, Goodman,1976; Brown at Bellugi, 1961). Sa modelong ito, ang
pagkatuto ng wika ay hinati-hati sa iba't-ibang yugto. Kakikitaan ito ng pagsasanib na ang ibig sabihin ay
may mga bata na pumapasok sa mas mataas na yugto bago pa man nila namamaster ang mas mababang
yugto ng pagkatuto. Ang pangyayaring ito ay may kinalaman sa kanilang pagkakaiba. Ang mga edad na
inilahad sa bawat yugto ay mga kalkulasyon lamang.

Unang Yugto: Pasumala (Random)

Sa yugtong ito, ang mga bata ay lumilikha ng mga tunog na kakailanganin nila sa pagsasalita sa mga
darating na araw. Kasama sa mga likhang tunog na ito ay iyong bunga ng kanilang vocalizing, cooing,
gurgling, at babbling. Ang mga tunog na nililikha ng mga bata ay marami at iba-iba at ito'y tinatanaw ng
mga matatanda bilang mga ponema (pinakamaliit na yunit ng tunog sa pagsasalita). Karaniwan nang
ang babbling ng mga bata ay binubuo ng magkakalapit na tunog gng katinig-patinig gaya ng Ma Ma Ma o
Da Da Da. Ang mga unang likhang tunog na ito'y tinatanggap ng magulangn nang may lugod at
kagalakan. Bagama't talagang hindi mawawaan ang mga likhang tunog na ito, tinatanaw naman ng
maraming magulang na ang mga ito'y nangangahulugan ng Mama at Daddy dahila para sa kanilang sarili,
nakapagsasalita na ang kanilang bunso. Uulit-ulitin nila ang mga ito at bibigyan nila ng kaukulang
atensyon at gantimapala ang mga bata sa tuwing mabibigkas nila nang maayos ang mga tunog na
kanilang ipinaririnig. Ang mga ginagayang pagbigkas at pagsasalita ay karaniwang tinatawag na echoic
speech.

Ikalawang Yugto: Unitary

Sa yugtong unitary, patuloy na lumilikha ng maliliit na yunit ng tunog ang mga bata na limitado sa
isang pantig. Ang haba ng pagsasalita o likhang tunog ay naaayon sa kalikasan ng pag-unlad na pisikal at
pagkontrol sa paggamit ng kanilang mekanismo sa pagsasalita sapagkat ang mga proseso ng paglinang
ng wika at paggulang (maturation) ay magkasabay na nagaganap. Halimbawa, ang batang isang taong
gulang ay limitado lamang sa pagbigkas ng isang salita na maaari niyang ulit-ulitin. Ang isahang salitang
ginagamit ng mga bata sa yugtong ito'y isang pagpapaikli sa kung paano nila tinatanaw ang isang
sitwasyong komunikatibo. At karaniwang ang isang salita na kanilang binibigkas ay pagpapahayag ng
iba't ibang kaisipan. Halimbawa: Ang "sali" ay maaaring mangahulugang "Sali ako" o "Sali Ikaw". Ang
paggamit ng mga bata ng isang salita upang magpahayag ng mga ideya ay tinatawag na holophrastic
speech.

Sa gulang na 12 buwan, ang mga bata ay nagsisimula ng sumunod sa ilang payak na pasalitang
pautos tulad ng upo, tayo, at iba pa at mapaghuhulo na maaari na silang magsimulang sumagot sa
kabuuang ponemikong konpigurasyon ng mga salita at mga parirala.

Ang pagkatuto ng bata ng ponolohiya, bokabularyo, at balarila ay matagal at mahirap kahit na ang
pag-unlad nilang pisikal ay maoobserbahang mabilis. Natutuhan ng mga bata ang ponema ng kanyang
wika sa pamamagitan ng unti-unting proseso ng pag-iiba-iba. Sa una, ang mga salitang binigkas niya ay
masasabing katulad ng mga salita ng nakatatanda na ipinalalagay na ginaya, pero ang katunayan, ito'y
pagpapatibay na maging sa panahong ito, taglay na ng mga bata ang kanilang sariling phonemic system
kahit na di pa maayos. Halimbawa: nagrararo, tatain, tatayaw, at iba pa. Sa paglaon, natutuhan ng mg
abata ang mga ponemang eksaktong katulad ng sa matanda.

Ikatlong Yugto: Ekspanyon at Delimitasyon

Sa yugto ng ekspansyon at delimitasyon, ang pagsasalita ay umuunlad mula isahan o dalawahang


pagsasalita hanggang sa maging katulad na ito ng pagsasalita ng matanda. Humigit-kumulang, sa edad
na 18 hanggang 20 buwan, lumalabas na ang kanilang dalawahang salita. Ang mgasalitang gamit dito ay
may dalawang klase. Ang una ay tinatawag na pivot class na kalimita'y maikli, at ito iyong malimit nilang
bigkasin at maaaring nasa una o ikalawang posisyon. Ang posisyon ay iyong kinalalagyan ng salita sa
isang pangungusap. Ang ikalawa ay iyong isa pang salita na tinatawag itong open class. Halimbawa:
"Kain baby", "Kain Mommy", "Kain ato" (Kain ang pivot word). Sa mga halimbawang "Dede ko", Dede
tata", "Dede Mama", ang dede ang pivot word. Sa mga halimbawang "Tuya alit", "Mommy alit", "Daddy
alit", alit (allis) ang pivot word at mapapansing ito ay nasa ikalawang posisyon. Ilan sa mga dalawahang
salitang pagsasalita ay maaaring magtaglay ng maraming kahulugan ayon na rin sa layunin ng
pagsasalita. Halimbawa, ang "Mommy raro" ay maaaring pakahulugan ng "Naglalaro si Mommy" o
"Gusto kong makalaro si Mommy".

Magiging mabilis ang pagtatamo o pagkatuto ng mga salita kapag ang kognitibong kalinangan ng
mga bata ay humahantong sa punto ng pagkaunawasa mga bagay, pangyayari, at mga tiyak na
pangalang ng mga ito. Magiging palatanong na ang mga bata at malimit na maririnig ang mga taong na
"Ano to?", " Ano yan"? at maraming "Bakit?"

Upang hind "malunod" ang mga bata sa yugtong ito ng kanilang pagsasalita, iwasan ang pagbibigay
ng maraming mensahe ng batang nagsasalita . Kailangan gumanap bilang mga salbabida ang mga
matatandang nakapaligid sa mga bata.

Ikaapat na Yugto: Kamalayang Istruktural

Upang mailahad nang mahusay ng mga bata ang kanilang papaunlad at paparaming mga
abstraktong ideya at mga damdamin, kailangan makarating sila sa yugtong kamalayang istruktural. Ito'y
mahalaga upang makabuo sila ng mga paglalahat at matuklasan nila ang hulwaran at kaayusan sa
pagsasaltia. Habang patuloy na nagiging komplikado ang kanilang pagsasalita, magagawa nilang
magkamali dahil bumubuo sila ng sariling paglalahat na kung minsan ay hindi pinapansin ang mga
eksepsyon. Halimbawa: "nikain" vs. "kinain".

Ikalimang Yugto: Otomatik

Sa yugtong ito, ang bata'y nakapagsasabi ng mga pangungusap na may wastong pagbabalarila kaya
magagawa na nilang maipahayag ang kanilang ideya at damdamin kagaya ng mga matatandang
tagapagsalita ng wika. Ang mga batang nasa yugtong ito ay may kahandaan na sa pagpasok sa
kindergarten.

Ikaanim na Yugto: Malikhain

Sa yugtong ito, nagagawa ng mga bata na mag-imbento o lumikha ng sarili nilang wika. Bagama't ang
mga pariralang gamit ay mga dati nang naririnig, nagkakaroon sila ng lakas ng loob dahil nagagawa na
nilang masalita ang ginagamit ng kanilang mga kaibigan at mga tao sa paligid.

Sa mga talakay sa itaas, malalagom na ang mga bata ay natututo ng wika sa pamamagitan ng 1) pag-
uugnay (pagtatambal ng tunay na bagay sa tunog ng salita), 2) pagpapatibay (anumang positibong
papuri na gaganyak sa isang bata upang ulitin ang anumang tugon), 3) panggagaya (paggagad sa
anumang tunog na naririrnig sa matatanda), at 4) elaborasyon (pagpapalawak ng isang salita upang
makabuo ng pangungusap).

ISANG MODELO NG MGA YUGTO SA PAG-UNLAD NG WIKA

(Halaw sa E. Brooks Smith, Kenneth S. Goodmen, at Robert Merideth, Language and Thinking in School,
2nd ed. New York: Holt, Rinehart, and Winston, 1976 sa aklat ni Badayos, 2008)

Malikhain
Nakalilikha ng sariling pangungusap at nakagagawa na ng abstraktong pag-iisip. Mariringgan sila ng
karaniwang usapang bata.

Otomatik (antas Kindergarten)

Nagagawa nang makipag-usap sa iba’t ibang tao. Malawak na ang talasalitaan at marami nang
nabubuong pangungusap. Natutukoy kung alin ang tama o maling pahayag subalit hindi maipaliwanag
kung bakit.

Kamalayang Estruktural

(60 buwan)

Ang mga salita at parirala ay nagkakaroon ng kahulugan. Nagkakamali dahil sa sariling paglalahat, Hal. I
goed sa halip na I went . Malawak na ang talasalitaan, katulad na ng sa matanda ang pagsasalita.

Ekspansyon at delimitasyon(48 buwan)

Mas tiyak na ang pagsasalita mula sa isang salita hanggang dalawang salita ay maaaring magtaglay ng
maraming kahulugan.
Unitary (24 buwan)

Ginagaya ng bata ang pagsasalita ng magulang. Gumagamit ng isang salita para sa isang pangungusap.
Ang isang salita ay maaaring may iba’t ibang kahulugan.

Pasumala

(12 buwan)

Lumilikha ng tungo upang makatawag-pansin. Karaniwan pa rin ang babbling. Ang mga tunog ay katulad
ng mga ponema na sinasalita ng mga may edad. Ang iba’t ibang tunog na likha ay hindi wika. Babbling,
halimbawa: Ma, Ma, Ma, Cooing.

Topic 2

Topic 3
Topic 4

You might also like