Ang epikong ito ay maisasalin sa Tagalog bilang “Buhay ni Lam-ang”. Ito ay
panitikan ng mga Ilokano at orihinal na isinulat sa wikang Ilokano ng isang bulag na manunulat na si Pedro Bukaneg. Ang epikong ito ay maituturing na makasaysayan dahil ito ay isa sa mga akdang unang naisulat sa Pilipinas sa panahon ng mga Kastila. Kung kaya’t ganoon na lang kapansin-pansin ang impluwensiya ng Kristiyanismo sa akda. Sa pagsisimula pa lang ng epiko kakikitaan na agad ito ng katapangan at kagitingan ni Lam-ang. Doon pa lamang sa bahaging siya’y agad na nakapagsalita matapos siyang mailuwal ng kanyang inang si Namongan ay talagang kamangha- mangha na’t hindi kapani-paniwala. Bagaman hindi naman ito kataka-taka sapagka’t ito naman talaga ang tunay na kahulugan at katangian ng isang epiko. Marami pang mga kagilagilalas na kakayahan at kapangyarihan na ipinamalas si Lam-ang sa epiko. Lalo na yung sinugod niya ang mga Igorot na pumaslang sa kanyang amang si Don Juan. Hindi man lang siya nasugatan sa gitna ng hidwaan ni magalusan man lang. Medyo natatawa lang rin ako doon sa bahaging namatay ang mga isda sa ilog Amburayan habang si Lam-ang ay nagtatampisaw. Hindi lubos masagi ng isip ko kung iyon ba ay dulot ng kanyang dungis mula sa labanan o dahil sa kanyang taglay na amoy sa katawan. Sa kabilang banda, masasalamin sa buhay ni Lam-ang ang buhay rin ng ating mga ninuno noon. Ang mga tradisyon na nabanggit sa epiko na hanggang sa ngayon ay isinasabuhay pa rin ng mga kapatid nating katutubo. Halimbawa nito ang pagbibigay ng “dowry” o mga handog ng lalaki sa magulang ng kanyang mapapangasawa. Sa kuwento, nagawang makuha ni Lam-ang ang pag-ibig ni Ines Kannoyan dahil sa kanyang ipinakitang kagitingan at karangyaan sa pagbibigay niya ng dalawang barko ng ginto. Mapapansin rin sa epiko ang matapat na pagsunod sa mga tradisyon. Patunay nito si Lam-ang matapos maikasal ay sumisid ng rarang o isang klase ng isda na pinaniniwalaang kailangang hulihin pagkatapos ng kasalan. Bagama’t batid na ni Lam-ang na siya’y lulunukin ng isang berkahan o isang pating siya’y nagpatuloy pa rin sa pakikipagsapalaran at ibinilin sa kanyang asawa ang gagawin sakaling mangyari iyon. Nakain nga ng berkahan si Lam-ang at ipinasisid ni Ines ang buto nito at ipinangtiklop ang kanyang saya at walang anu-anoy nagising at nabuhay si Lam-ang. Hindi maitatangging maraming mga pangyayari sa epiko na supernatural at hindi karaniwan subalit sinasagisag lamang nito ang lawak ng imahinasyon ng mga ninuno natin noon. Pinaghalong aksyon at komedya rin ang kabuuang daloy ng epiko subalit may hatid naman itong kaalaman hinggil sa kultura’t tradisyon noong sinaunang panahon. Sa unang pagsilip, masasabi talagang ang akda ay naglalaman lamang ng kabayanihan ng pangunahing tauhan ngunit kung papalawakin natin ang ating pag- unawa matutuklasan natin na ito’y may hatid ring kabutihang aral. Isa sa mga mapupulot na aral dito ang pagtitimpi at ang kaisipang ang paghihiganti ay hindi kailanma’y magiging solusyon sa problema sa halip ito’y magpapalala lamang sa sitwasyon. Sa paggawa rin ng desisyon mahalagang huwag pairalin ang galit at poot dahil sa huli hindi magandang kalalabasan lamang ang dulot nito. Mas mahalaga pa ring ugaliing magpakumbaba at huwag hayaang ang emosyon ang mangibabaw. Huwag palaging puso at damdamin, ikonsidera rin ang isip at matalinong pagdedesisyon.