You are on page 1of 2

Tunay na tatak ng isang UMyong

Nakilala natin si UMyong bilang isang mag-aaral nag-uumapaw sa sigla at ligalig sa


pag-aaral. Isang huwarang estudyante na may angking kahusayan, katapatan at
paninindigan; may interes sa pagbuo ng mga makabago at nakikipagtulungan sa
kapwa. Subalit sa hindi inaasahan, tila nasubok ang kanyang katatagan nang
umarangkada ang nakababahalang pandemya. Sa kasalukuyang kalagayan nating
walang katiyakan, patuloy na bang malulunod si UMyong sa malawak na karagatan o
makakaahon pa siya at makahaharap sa maliwanag na bukas?
Sa patuloy nating paglalakbay tungo sa landas ng lunas, hindi alintana ang hirap
na ating naranasan. Naging isang malaking dagok ang usapin sa edukasyon na
nagbukas sa bagong kaparaanan o “new normal” kung ito’y tawagin. Alinsunod sa
Batas Republika Blg. 7722 o mas kilala bilang Higher Education Act of 1994 at Batas
Republika Blg. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, inihain ng Commission on
Higher Education (CHED) ang CHED Memorandum Order (CMO) No. 4 serye 2020
bilang pamantayan at panuntunan sa pagsusulong ng Flexible Learning. Sakop ng
naturang utos ang pag-implementa ng mga pampribado at pampublikong paaralan sa
kolehiyo ng mga online classes.
Sa kabilang dako, kakaibang lebel ng kahusayan ang ipinakita ng College of Arts
and Sciences and Education (CASE) ng Unibersidad ng Mindanao (UM) sa ginanap na
February 2021 Social Worker Licensure Examination. Umabot sa 87.50% o katumbas
ng 21/24 ang mga nakapasa na mga first time takers at nakakuha naman ng 33.60% o
495/1473 takers ang national passing rate ng kabuuang performance ng UM. Patunay
lamang ito na hindi hadlang ang krisis na ating kinakaharap sa kasalukuyan upang
maipalabas ang katas ng pagtitiyaga’t pagsisikap ni UMyong.
Samantala, kung integridad naman ang pag-uusapan hindi matatawaran ang
tiwala na natangap ng UM bilang katuwang sa pagpapatuloy sa pag-aaral ngayong
taon. Tinatayang umabot sa 35,000 ang bilang ng mga mag-aaral sa lahat ng
campuses habang 19,301 naman ang mga freshmen at continuing students sa
ikalawang semestre ngayong taong panuruan. Patuloy na itinataguyod ng UM ang
kanilang pangakong makapaghatid ng kalidad, bukas at abot-kayang edukasyon.
Hindi rin naman nakapagtataka kung ganitong tiwala ang nakukuha ng
institusyon sapagkat isa ang UM sa dalawang paaralan sa lungsod ng Dabaw ang
gumagamit lamang ng Learning Management System at Quipper bilang mga online
learning platform.
Dagdag pa rito, naglunsad ng Purposive Confidential Baseline Survey on
Cheating Practices in Online Classes in the Philippines ang BlackBoard LMS bilang
pagtugon sa karaniwang umiiral na problema sa bagong kaparaanan ng pag-aaral. Ang
sarbey na ito ay pambansa at naglalayon na matugunan ang isyu sa pandadaya sa
mga online classes.
Bagama’t napakahirap makapagbigay daan sa larangan ng inobasyon lalong lalo
na sa ating sitwasyon ngayon, isang magandang testimonya mula sa unibersidad ang
pagbuo ng sariling 70% rubbing alcohol na alam nating napakahalaga sa gitna ng ating
pagsugpo sa nakakahawang virus. Ang ekspirementong ito na isinagawa sa Chemical
Engineering Laboratory ay pinangunahan ng College of Engineering Education (CEE)
sa pakikipagtulungan ng mga kompanyang DASUSECO at SUMIFRU. Inaasahan na
libre itong maipamahagi sa mga opisina ng main campus para magamit ng mga
empleyado.
Bukod pa rito, ang diwa ng pagtutulungan ay hindi kailanman nakakaligtaan. Sa
pakikipag-ugnayan ng UM sa Philippine Long Distance Telephone (PLDT) Company
nagawang mapalakas ang koneksyon ng internet sa unibersidad. Ang hakbanging ito ay
naganap bilang pagtiyak sa kahandaan ng unibersidad sa online na estilo ng pag-aaral.
Kaugnay dito, naging matagumpay naman ang paglulunsad ng mga virtual na
klase sa pamamagitan ng BlackBoard Collaboration na isa sa mga features ng BBLMS,
maging sa mga online video conferencing app kagaya ng Google Meet at Zoom. Isa sa
sa mga hindi maikakailang balakid ang minsang paghina ng koneksyon sa internet
ngunit hindi ito naging rason ni UMyong upang hindi makapagpatuloy bagkus mas
nanaig pa ang apoy ng determinasyon sa kanyang puso.
Gayon pa man, tunay na maipagmamalaki ang kuwento ng katatagan ni
UMyong. Hindi man naging madali ang lahat sa kanya subalit pinili niyang lumaban at
magpatuloy para sa mga darating na pahina pa ng kanyang buhay. Hindi siya
nagpadaig sa halip mas naging matapang at matatag siyang humarap sa mga hamon.
Ngayon na patuloy na namamayagpag at naglalayag si UMyong sa iba’t ibang
larangan, nawa’y maging baon niya sa tuwina ang mga aral na naibahagi ng pandemya.
Tayo bilang mga salamin ni UMyong ay nararapat na maging handa sa pakikipaglaban
sa pamamagitan ng pagbihis ng mga kasuotang pandigma. Ibigkis natin sa baywang
ang sinturon ng kahusayan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katapatan, gawing
panangga ang pagyakap sa pagbabago at gamitin ang tabak ng pakikipagtulungan.
Bilang pagwawakas, huwag nating isawalang-bahala ang mga mahahalagang
asal na ito dahil ito ang tunay na tatak ng isang UMyong.

You might also like