You are on page 1of 2

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

(Suring Basa)
Pamagat:
Ang tulang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ay isinulat ni Andres Bonifacio, ang
lider ng Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan.
Kilala rin siya bilang “Ama o Supremo ng Katipunan”. Ang akda ay nagpapahayag sa
masidhing pagmamahal ng may-akda sa kanyang sariling bayan na kahit maging
ang kanyang buhay ay handa siyang ibuwis sa ngalan nito.
Panimula:
Sa kasagsagan ng panahon ng Himagsikan nailimbag ang akdang ito na
naglalayong himukin ang mga Pilipino na magtaglay ng angking pagmamahal sa
bayan. Kung babalikan natin ang kasaysayan, nasaid at napuno na ang mga Pilipino
sa labis na pagmamalupit ng mga mananakop na Espanyol na tila ba’y silay mga
bulag at bingi sa mga karaingan ng mga Pilipino. Dito nagsimulang pagsamahin ng
ating mga mandirigma ang bisa ng panulat at tabak upang gawing armas o sandata
laban sa mga gahaman na mga Kastila. Namalasak sa panahong ito ang mga
akdang mapaghimagsik at tumutuligsa sa pamahalaan at simbahan.
Sa kasalukuyan, tila nawawaglit na ang ating pagiging makabayan na
nagbigay daan upang mas ating tangkilikin ang mga makadayuhang mga gawi at
kaugalian. Nakakalungkot lang isipin na parang tayoy bihag pa rin ng mga dayuhan
na taliwas naman sa katotohanang natamasa na natin ang ating kalayaan dahil sa
mga bayaning buong pusong nag-alay ng kanilang buhay sa ngalan ng kasarinlan.
Paglalahad ng Tesis:
Ang akda ay kakikitaan ng mga matatalinhagang pananalita na lubhang
nagbibigay ng kariktan sa tula. Ito ay may mga linyang tatagos talaga sa kaibuturan
ng iyong puso. Mapapahanga ka rin sa labis na pagmamahal ng may akda sa
kanyang tinubuang lupa.
Sa kabilang banda, nilalayon ng pagsusuring ito na bigyang interpretasyon at
mas palawakin pa ang kahulugan na nais ipahayag ng tula.
Bilang mga mamamayan ng ating bayan, tungkulin nating mahalin ang ating
bayang sinilangan sa pamamagitan ng pagbibigay dangal nito at maging isa sa mga
responsable at kapaki-pakinabang na mamamayan ng ating bansa.
Katawan:
Marami sa ating mga kabataan ngayon na nabubuhay sa makabagong
henerasyon ang tila ibinabaon na sa limot ang ating kasaysayan maging ang ating
mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para mapasakamay natin ang kalayaan.
Halos sa lahat ng saknong ng tula madadama ang paglalarawan sa pag-ibig
na kinakailangang taglayin nating mga Pilipino. Yaong pag-ibig na handang mag-
alay sa kanyang sarili para sa bayan.
Konklusyon:
Sa pangkalahatan, nais buhayin ng akda ang tunay na diwa ng ating pagka-
Pilipino na bubunga upang umalab ang ating pagpapahalagang nasyonalismo. Hindi
naman ibig sabihin na kagaya ni Andres Bonifacio kinakailangang magbuwis rin tayo
ng buhay para sa bayan upang ating maipahayag ang ating puspusang pagmamahal
sa bayan. Sa simpleng pagtangkilik sa sariling atin; kultura, tradisyon at paniniwala
maaari nating maipakita ang ating pag-ibig sa bayan.
Bilang kabataan, malayo pa ang ating lalakbayin at sa paglalakbay na ito
tiyakin natin na tayoy makapagbigay ng karangalan sa ating bayan sa pamamagitan
ng simpleng pag-aaral ng mabuti at pakikilahok sa mga adbokasiyang panlipunan.
Maraming anyo ang pag-ibig, maaaring itoy pagmamahal sa Diyos, pamilya,
kaibigan, kasintahan at marami pang iba ngunit wala ng dadakila pa sa pag-ibig na
alay sa iyong tinubuang lupa.

You might also like