You are on page 1of 1

 

1 5 9+
Search Facebook Kainoa

This note is published.

Ang Popular at Kultural sa Kulturang Popular sa Espasyo ng


Neoliberalismo
Rolando Tolentino
November 27, 2015 · 28 min read ·

ni Rolando B. Tolentino

(Ito ang “Epilog” ng Kritikal na Espasyo ng Kulturang Popular, ko-editor si Gary Devilles (Quezon City: Ateneo de Manila
University Press). Para sa citation, tignan ang detalye ng libro.)

Ang kulturang popular ay malakihang negosyo na nangangailangan ng malakihang bilang ng mga individual na
tumatangkilik. Walang mabebenta--produkto, karanasan, serbisyo, brand, kwento, sandali, o panahon--kung walang bibili--
literal, at figuratibo para sa walang kapasidad na tumangkilik, ang idea pa lamang na ang ibinebenta ay isang kanasa-
nasang bagay. Kahit pa sinasabi na ang kulturang popular ay mga produkto at serbisyong ipinapataw ng mga nasa itaas--ng
mga negosyo at kapitalismo--ang paratihang challenge ay kung paano ito gagawing katanggaptanggap sa mga nasa ibaba
para ang want ay maging need, ang luho ay maging batayang pangangailangan ng malaking bilang, at ang mga produkto
at serbisyo ay maging measure ng individual na fulfillment. Ang kapangyarihan ng kulturang popular ay lumikha ng kultura
na popular sa labas ng sakop ng loob ng aktwal na produkto at serbisyo nito, o kung paano ang produkto at serbisyo ng
kulturang popular ay nagiging bahagi ng mga kolektibo ng individual--nag-uusap, nakikitungo, nakikipagkapwa sa aktwal at
virtual na mundo, magkakilala man o hindi--o sa madaling salita, kung paano ang kulturang popular ay nagiging vital sa
pagkanilalang (becoming, being) ng mga individual na tumatangkilik sa karanasan nito.

Ang pagkanilalang ay nakabatay sa gitnang uring panuntunan na may global na dimensyon: gitnang uri bilang tagpuan ng
maykayang kayang bumaba sa popular na panlasa at ng abang uri na abot-tanaw, abot-kaya (kahit sa sachet o
paminsanminsan lamang) na madanas; at global dahil sa yugto ng neoliberal na globalisasyon, ang mga pangarap ay
pawang nakapaloob lamang sa inaalok nito, lalo na ng mga brand para sa global na hanay ng mga kabataan. Ang akses sa
cellphone na I-phone o Samsung Galaxy, Mac computer at Air Mac, kanluraning fastfood at resto bars, 24/7 na
establsyimento, portable wifi connection, at kulturang mall, halimbawa, ay pangarap ng lahat ng mga kabataan sa lahat ng
bansa at teritoryo sa mundo. Ang ganitong panuntunan at peg ang siyang magbibigay-substansya sa pagkanilalalang at ng
pagdanas ng pagiging global na kabataan: kung paano umibig, malaglag, mag-Valentine's date, lumigaya, gumimik sa
barkada, at tumanda, pati maging rebelde, magkaroon ng premarital at extramarital affairs, magdroga, magpatiwakal, at
magbagong buhay, o sa madaling salita, kung paano hip, fashionable, young, at youthful na mabuhay at mamatay.

Kabataan ang panuntunan ng kulturang popular, kaya intermittent, revivalist, retrospektibo at may shelf life lang ang mga
produkto at serbisyo ng kulturang popular. Pabago-bago dahil tumatawid ang pangkalahatang nosyon ng kulturang
popular sa iba't ibang henerasyon ng mga kabataan. Pabago-bago kahit hindi naman talaga (nag-uulit, nag-a-update,
nanghihiram, kumukuha sa nakaraan, at iba pa) para hindi magmukhang nauubusan ng maaring ihain na produkto at
serbisyo. Nagbabago dahil walang katiyakan na tatangkilikin ang mga variasyon ng global na kulturang popular sa pagsapi
nito sa mga pambansang kontexto--kahit na benchmark na ang cellphone, iba-iba ang kalakaran sa pagdanas nito: sa
Filipino, halimbawa, texting, pagbili ng load sa suking tindahan o pwesto, siste ng pasa-load, G-cash o ang kumbersyon ng
load sa credit na makakabili ng produkto at serbisyo, at iba pa, na nagpapatangi sa kontexto ng bansa kahit hindi naman
talaga pangkalahatang naiiba sa global na gamit at kontexto nito. Nagpapahintulot ng variasyon pero hindi pwedeng ibang-
iba, tulad ng lokal na offering sa standardisadong menu ng McDonalds.

Ang kabataang pagkanilalang ay nakatuon sa pagdanas sa karanasan ng kulturang popular sa isang sado-masokistang
relasyon. Hindi kailanman may paglapat sa ninanais ng individual sa inaalok na produkto at serbisyo ng kulturang popular.
Parating kulang, parating hindi nakakasapat kaya regular na dinadanas. Sa ritwalisasyon naanigan ang kalidad ng
pagkanilalang. Ang sine, halimbawa, kahit naantig na ang damdamin sa isang napakamakabagbag-damdaming pelikula,
hindi ito nakakasapat. Manonood at manonood muli't muli ang individual. Sa ritwalisasyon ng karanasan--mula pagkabata
hanggang sa pagtanda--nabubuo ang pangangailangang muli't muling gawin ang mga takdang gawain sa kulturang
popular. Pero sadlak ang pagkakasa sa kulturang popular dahil parating kulang at hindi nakakasapat ang pagtimbang sa
karanasan nito. Hindi mabibili ng mga individual ang lahat ng modelong lumalabas sa I-phone at Samsung Galaxy, at sa
akto ng kanyang aktwal na pagbili, minamarkahan na ang produktong tinangkilik niya bilang paluma na, pawalang-bisa na
dahil ilang buwan at taon lamang, may mas bagong ilalabas ang malalaking negosyo. Ang sado-masokismo ay ang relasyon
ng individual sa produkto at serbisyo ng kulturang popular. Self-flagellation na nakangiti ang ginagawa ng individual sa
pagtutumbas ng makakayanan para sa makasabay na global na panuntunan. Dinaranas niya ang karanasan sa ligaya
(pleasure) mode, hindi sa aktwal na moda ng pasakit at pighati. Alam niyang nagdusa ang individual para makasabay, na
kahit na mabili na ay may peryodikong karagdagang halaga pa na kailangang kitain at pagkagastusan (load at postpaid sa
cellphone, at monthly sa cable at wifi service, halimbawa) pero magpapaubaya na lamang ang individual sa pagpaloob sa
karanasan ng pagtangkilik. Sa pangako ng figuratibong pag-akyat , kung mayroon man, sa maliliit na mundong
kinapapalooban ng mga social ladder nakatuon ang kanyang motibasyon na ipagpatuloy. May ngiti bilang artifice ng
nakatagaong pagdurusa dahil sa artificial na negotiated na ligaya lamang magkakaroon ng katuturan--ng kultural na lohika-
-kung bakit niya tinatangkilik ang produkto at serbisyo.

Sadista ang individual dahil siya mismo ang nagbibigay ng latay sa kanyang pagkanilalang, at natutuwa siya na ang kanyang
subhetibismo ay may ngiti itong tinatanggap. Tulad sa maraming sado-masokistang relasyon maliban sa hardcore, walang
aktwal na latay, wala namang namamatay sa pagtangkilik sa madalas (kahit pa marami ang biktima ng karahasan sa
nakawan ng cellphone, date rapes, sex eyeballs, at iba pa, o kahit pa may namamatay sa aktwal na konstruksyon ng malls,
ipinaglalaho ito ng mismong negosyo at estado para manatiling wagas at dalisay ang pagdanas). Sa isang banda, sinasaad
na mahal ko ang produkto dahil mahal ko ang sarili na nagpakahirap para makamit ang produkto, at para matumbas ang
pagmamahal sa ligaya, kailangan kong burahin ang mga bahid ng pasakit at pighati. Sa kabilang banda, sinasaad din ng
sarili na kinamumuhian ko ang produkto dahil kinamumuhian ko ang sarili na pumayag na magpakahirap para makamit ang
produkto (hindi naman ikamamatay ng sarili kapag hindi), at para matumbas ang pagkamuhi sa pasakit at pighati, kailang
kong burahin ang mga bahid ng pasakit at pighati. Sa madaling salita, walang KJ (kill joy) sa pagdanas ng kulturang popular
dahil hindi masaya--kaya nga KJ--na tumangkilik na nababalisa kung bakit nga ba tumangkilik at patuloy na tumatangkilik.
Para hindi mabalisa, voluntaryo man o hindi, pinipilit ang sarili na iwaksi ang pasakit at pighati, at danasin lamang ang
karanasan sa modalidad ng ligaya.

Ang dialetiko ng ligaya at pasakit ay matagal na pinanday ng individual sa kanyang sarili. Sa pamamagitan ng panlipunan,
pampamilya at sariling pag-ako na sosyalisasyon natutunan niya ang mekanismo ng pagsasabuhay ng nekropolitika--dahil
sa depolitisasyon ng pagtangkilik at pagdanas, pinapatay ng neoliberal na kapitalismo ang pagka-individual niya, ang
kanyang subhetibididad. Ang pagsasabuhay ay nagsimula pa lamang sa konsepsyon sa individual, ang mga produktong
tinangkilik, ang karanasang dinanas, ang syensya at kultura ng sex para mabuo ng magulang, makapagdalangtao ang at
maipanganak siya ng kanyang ina. Matapos, ang pag-alaga sa kanya ng mga produkto ng negosyong unti-unting
nagmamarka sa kanyang pagkatao: baby books, diapers, powedered milk, Gerber baby food, anti-rash lotion, bakuna, baby
albums, at iba pa. Maraming sanggol ang dinadala na sa malls ng mga buryong na magulang, kontraryo sa alituntunin na
huwag munang i-expose ang sanggol sa malalaking publikong espasyo.

Ang kanyang kamusmusan ay tatadtarin ng cartoon channels, Disney films, fastfood, at iba pa. Sa katunayan, kahit pre-
literate ang bata, marunong na itong kumilala ng branded na pagkain, pati ng karakter ng mga palabas sa telebisyon at
pelikula. Sa fastfood, halimbawa, ang musmos ay daranasin sa ligaya ang pagpunta rito bilang manifestasyon ng afeksyon
ng magulang dahil sa maalat at mainit na french fries, matamis na sundae at spaghetti, langhap sarap na Chicken Joy.
Maligaya ang pagbihis sa musmos, pagdala sa lugar na maari siyang maglaro sa playground ng outlet, o mas maganda,
makapag-birthday party rito, gusto man ng sanggol o umiiyak ito sa takot sa pagdalaw ng at pagkarga sa kanya ng
higanteng maskot dahil inakala ng magulang na ito ang alaalang gusto nilang ipasa--sa pamamagitan ng souvenir photos,
video, at Skype (kung overseas contract worker ang magulang)--sa anak bilang integral na bahagi ng imahinasyon ng
nakakatanda na childhood memory. Hanggang sa pagdadalaga't pagbibinata, mapapansin ng individual na regular niyang
tinatangkilik ang fastfood kahit pa matutunan niya ang deadly health issues na kaakibat ng pagtangkilik na ito.

At sa kangyang sariling pagtanda tungo sa pagiging magulang, siya naman ang magbibigay-sosyalisasyon sa kanyang
sanggol at musmos para sa pagsasaulit ng life cycle ng kanyang kapamilya sa pagtangkilik sa global brand ng fastfood.
Kahit pa siya lolo at lola na, gaya ng pagtampok sa mga figurang ito sa komersyal ng fastfood, dahil may kapasidad sila ng
personal savings at kahit bawal na rin sa kanilang edad, sila naman--bilang doting na lolo at lola--ang patuloy na
magsusustina ng ganitong taliwas na habit. Itong pagkatagos ng kulturang popular sa iba't ibang yugto ng buhay ng
individual, at ang sosyalisasyon sa kanya ng mga entidad na malapit--familial at familiar--sa kanya ang nagtitiyak sa
sustainabilidad ng pagdanas ng individual at ng kita ng negosyo ng kulturang popular.

Ang personalisasyon ng pagdanas ang nagbibigay-preferensya at paninindigan na pumapabor sa kulturang popular. Bakit
naman hindi, ang sinimulan paborableng alaala sa kanyang pagkasanggol at kamusmusan sa pagtangkilik ay patuloy na
sinusustina sa kanyang pagtanda? Sa tuwing dadalaw siya at muli't muling makikibahagi ng pagtangkilik sa sityo ng
kulturang popular--sa fastfood, halimbawa--ay may impit na alaala ng ligaya ng kamusmusan, at sa kanyang pagtanda, ang
pagkawalay at pagkawala nito. May pangungulila na mabubuo ang individual sa kanyang nawawalang kamusmusan bilang
integral na kaganapan sa naratibo ng individual na buhay sa kapitalismo. Nawawala kaya patuloy na hinahanap, nawawala
dahil mahalaga, nawawala pero hindi na muling matatagpuan, permanenteng nawawala kaya permanente ang paghahanap:
win-win sa mga global na negosyo na sa kabuuan at bahabagi ng life cycles, may kitang mahihita sa mga individual. Kung
iisipin, personal ang relasyon ng individual sa mga produkto: Coke, Disney cartoons, anime, sine, malling, fastfood, birthday
party at gimik, debut at kasal. Kahit pa may template ang mga ito, ang individual na pagdanas--kasama ang residue ng
pagdanas: litrato, video, Facebook posts and tweets, halimbawa--ay nagmimistulang natatangi ang naging pagdanas kahit
pa nga mass ang saklaw ng mga produkto at serbisyo ng kulturang popular. Paano iisiping sa habit ng pag-inom ng Coke
simula musmos pa lang na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit marami ang nagkaka-diabetes? O ang maling pagtangkilik
ng pagkaing fastfood na ito ang simulain ng high blood na maaring dumiretso sa atake sa puso at stroke? Na wala namang
aktwal na pagbabagong nagaganap sa kinetisismo ng narsisistikong paglahok sa mga plataporma Facebook at Twitter?
Kung naging bff (best friend forever) mo ang mga ito sa napakatagal na panahon, kahit pa sabihin ng liberal na edukasyon
at panlipunang aktibismo ang mga kakulangan at kalabisan ng mga ito, hindi maiisip ng individual na masama ang
nagpapaligaya sa kanya, ang mga bagay na tinangkilik niya at ipinatangkilik ng mga mahal niya sa kanya. Na kahit pa nga
mass ang produkto't serbisyo ng kulturang popular, may personalisadong ritwal ang individual na nasustina sa mahabang
panahon ng pagtangkilik na nagtitiyak na ang ritwalisasyon ng pagdanas ang parati kaysa madalang na magpapatagumpay
sa negosyo kaysa sa individual sa kulturang popular.

Figuratibong hawak sa leeg ng neoliberal na kapitalismo ang mamamayan at konsumerista--ang dalawang pangunahing
identidad ng indvidual bilang politikal at ekonomikong nilalang ng estado. Hawak ang kaluluwa ng individual dahil
kailangang dumaan sa rigor ng pagdanas, primaryo sa kulturang popular, para madulas na ipatanggap ang kalakaran para
sa substansasyon ng individual sa kaayusan ng neoliberal na kapitalismo: kung paano maging tao, makipagkapwa tao (mga
panlipunang relasyon), at ang pagkatao (pagiging nilalang). Walang ligaya sa labas ng inaalok ng neoliberal na kapitalismo
ang inilalako mismo ng neoliberal na kapitalismo. Ito ang parametro ng ligaya na efektibong iniaalok para sa publiko ng
individual at paghulma ng individual na publiko (na tulad sa social networks ay nakakawing pa rin sa negosyong
namamayagpag sa neoliberal na kapitalismo). Kaya ang isinasaad ng neoliberal na kapitalismo, walang ligaya na hindi
maaring madanas dahil ang ligaya ay matutunghayan sa pagtangkilik--pangangarap, aktwal sa bawat akto, ritwal sa
pagsasaulit ng aktwal sa panahon--kundi man, walang ligaya na hindi nabibili, walang hindi mabibili para makamit ang
ligaya sa kulturang popular. Ito ang hiwagang nakakapanghimok na tumangkilik sa neoliberal na kapitalismo kahit pa ang
ligaya ay hindi naman talaga nakaugat sa anumang may yamang-balon, o mga ligayang dulot ng instant gratifikasyon
lamang, ang ligaya sa sandali ng akto ng pagtangkilik na matapos ay kagyat na nawawalay at nawawala rin.

Kagyat ang pagkawalay at pagkawala dahil kung matagalan ang sandali--naging panahon--hindi na ito saklob ng kulturang
popular na walang pangako na aratihan itong available kahit pa sa habambuhay na pagkatagos nito sa individual: una,
kailangan ng aktwal na konsumo at partisipasyon, at kung gayon pag-ayon sa referendum na bumobotong paborable sa
pagdanas, para matiyak ang akses sa ligaya; at ikalawa, kinakailangang maikli lang ang self-life--ang mismong sandali
lamang ng pagdanas--ang buhay para muli't muli itong hanapin para ala-tsamba na mahagilap. Kaya naglalaho sa ere
matapos ng sandali dahil mas may kita ang negosyo at may kumpyansa sa estado ang individual sa ritwalisasyon ng
konsumpsyon. Sa panahon ng post-World War II na magulang, mabubuhay at mamamatay sila na kakailanganin lang ng
isang kotse, ref at iba pang appliances. Sa kontemporaryong panahon, peryodiko ang pagpapalit ng gamit. Walang lifetime
guaranty ang binili maliban sa aktwal na shelf life ng mga bagay.

Ito ang kultura ng pagkalaos (obsolescence) sa kapitalismo, lalo na sa neoliberal na yugto nito. Gaya nga ng isinasaad, ang
sityo ng ligaya ay nasa sandali ng gratifikasyon nito. Matapos nito, hindi na natin maalaala dahil nga winalay at winala na ito
para muling hanapin at tangkilikin. Ano ang ikatlo sa huling sine na napanood mo? Ano ang ikalawang huling text at tawag
na natanggap? May pause muna bago masagot ito. Matapos ng pagdanas sa sandali, wala na itong halaga. Ang ikalawa
pang manifestasyon ng kultura ng pagkalaos sa kapitalismo na efisyenteng pinapadaloy ng pinaka-epektibong galamay
nito, ang kulturang popular, ay ang rekisitong pagiging papalitpalit nito. Basta hindi na bebenta, laos na, luma kaya
kailangang palitan na ng iba. Kahit ano. Ang bawat paglabas ng bersyon ng operating system ng kompyuter, cellphone o ay
may karagdagang feature lang naman, hindi naman reimbensyon ng siste. Maging ang retail outlet sa mall ay
kinakailangang magpalit ng display window kada ilang buwan para kolektibong makapanghimok ng patuloy na
pangtangkilik.

At ito ang paradoxikong indikasyon ng pag-agnas ng kulturang popular sa ahensyang integral sa liberalismong pinag-
ugatan nito: mas madalas lumahok at tumangkilik, mas normalisado sa pang-araw-araw, mas wala nang pagtatanong sa
ritwal ng pagtunghay at partisipasyon, mas pinapaimbabaw ang modalidad ng ligaya, at kung maligaya ang tampok na
modalidad ng pagdanas, may pagtagos sa individual na may ahensya sa ginawang pagpili, paglahok at pagtangkilik sa
kulturang popular. Samakatuwid, hindi narerealisa ng individual na sa depolisadong akto ng pagtangkilik--kahit pa
politisado naman ang aktong ito dahil hinakayat ng negosyo at estado na maging docile ang katawan at tinig ng individual-
-siya ay nawawalan ng ahensya ng sarili. Lahat ng pinili ay overdetermined na o inilatag na ang posibilidad ng pagpipilian sa
mismong pagpaloob sa mga diskurso ng produkto at serbisyong tinatangkilik. Hindi pwedeng umorder ng adobo sa
McDonalds o banana split sa Jollibee, halimbawa, dahil hindi ka naman papasok sa mga establisymentong ito kung malinaw,
una pa man, na wala ito sa kanilang menu na kinatatampukan ng burgers, fries at colas. Hindi individual ang mapagpasya
dahil maging ang kapasidad niyang pumili bilang individual ay nahimok nang umalinsabay sa itinataguyod ng negosyo at
estado. Paano iisipin na mapanupil sa manggagawa ang kalakaran ng SM malls, ang pinakamalaking mall developer sa
bansa, sa subkontrakwalisasyon--na ang buhay ng manggagawa sa mall ay limang buwan lamang para hindi ma-hire ito at
makakamit ng benefisyo--kung ang alaalang historikal ng pagkamulat sa malls at ng kasalukuyang patuloy na malling ay sa
modalidad nga ng ligaya dinanas? Paano iisiping racista at patriyarkal ang Disney films kung nangarap ka noong bata ka at
pinapatunghay pa ang mga pelikula sa mismong mga anak ang mga imahen ng sirena, damsel in distress, prince charming,
pananakop sa Africa at Latin Amerika? Nilikha ang kulturang popular na exonerhado ang lumikha at nagpapalaganap ng
mga ito. Walang nagpipiket o mass action na matutunghayan sa mall o theme park. Hindi maaring tukuyin si Henry Sy, mga
Gokongwei at Ayala Corporation bilang salarin sa depolitisasyon ng mga nagmamalling sa kanilang mga establisymento.
Sasabihan ka ng public relations ng mga ito, may choice naman ang tumatangkilik kung tatangkilik ba sila o hindi. At kahit
pa sa masigabong konsumerist na boykot ang maaring gawin para semplangin ang mga ito, walang mayorya na
makikilahok. Kaya nga mahina rin ang kilusang konsumerist sa bansa dahil walang bisa ang pagtatangkang magtaguyod ng
solidaridad sa mga naagrabyado sa pamamagitan ng pagboykot sa mga negosyong simbolo at direktang salarin nito.

Ang tagumpay sa kapitalismo, kahit pa malinaw ang panlipunang akawntabilidad ng mga negosyo sa mga akto at epekto ng
depolitisasyon, hindi krimeng maging tanga (mas krimen pa nga ang maging kritikal), at epektibo rin nalikha ng mga
negosyo ang sariling abstraksyon dahil hindi naman isinasaalang-alang ng mga konsumerist ang moda ng produksyon.
Tanging sa tail-end lang sila lumalahok, kung saan nabura na ang lohika ng mapanupil na paggawa, at ang tapos na
produkto ay natransforma na sa mamahalin at mahikang komoditi.

Sa kalidad ng personal na investment at interes sa mga produkto at serbisyo ng kulturang popular, walang ibang rekurso na
iniaalok maliban sa sapilitang pagtangkilik. Kahit pa, sa pamamagitan ng liberal na edukasyon, alam na ang katiwalian at
kahayupang pagmaniobra ng mga industriya ng kulturang popular, hindi naman isusuko ang mga kalakaran ng pagtangkilik
sa mga ito. Sino ang handang itapon ang cellphone sa basuran, o manindigan na hindi na sila mag-a-update sa mga
bagong modelo hanggat hindi nasisira ang laos nilang gadget? O huwag nang magmalling? Maging maging vegetarian na
lamang dahil sa siste ng industrial na pagpaslang sa mga hayop na pinagmumulan ng kinakaing karne? Sino ang makaka-
afford na kumain ng mamahalin na organikong pagkain? Sino ang handang hindi na kumain sa fastfood? Ang individual na
negasyon sa politikal--ang kapasidad ng individual na magpasyang may alam, at makapili nang pinakamabuti sa kanyang
interes--ay isinagawa na mismo sa antas ng individualidad, sa naipatagos na individualismo at individualista ng individual.
Walang ligaya sa makitid na loob nito. Kung gustong maging maligaya, piliin ang ligaya sa nagsisikipang loob ng kawalan-
pagpili at aktwal na kawalan-ligaya sa kawalan-pagpipilian naman talagang kalakaran sa kulturang popular.

Ang Nosyon ng Kolektibo at Popular

Walang kolektib--o ang transformadong kabuuan ng mga individual napagbuklod para sa transformasyong politikal--sa
kulturang popular kahit ang simulain ng nosyon ay nanggaling sa kolektibo ng folk, o ang katipunan ng mga rural na
paniniwala, idea, gawi, tradisyon, at praxis. May pagbabalikwas ang folk dahil sinasambit nito, at least sa Filipinas, ang
aktibong transformasyon ng kolonialismo at katolisismong Kastila sa naunang katutubong gawi. Binabago at sa inobasyon
ay naiiba, kundi man natatangi, mula sa orihinal ang pagbabalikwas. Hindi na ito matutunghayan bilang kalakaran ng gahum
kundi bilang kultural na idiom ng sinakop. Ang kulturang folk ang nagpasulong ng ebolusyon ng katutubong kultura tungo
sa kultura ng at hindi ng mananakop, na siya ring magiging punla tungo sa pagdadalumat ng postkolonyal na kultura, at sa
pihit ng nasyonalistang kilusan, tungo sa paghahagilap ng etikal na panuntunan ng pambansang kultura, o ang pag-aninag
ng kontraryong kontemporaryong kultura ng bansa na may diin sa politikal na produktibo nitong pagbubuo at natatanging
pagkakaiba ng mga grupong nakapaloob dito. Masisipat na ang politikal na agenda ng kolektibo ang siyang nagpaiba sa
iba pang anyo ng kabuuang sinipat ng negosyo. Ipinakilala ang konsepto ng mass bilang pag-aninag sa media at
komunikasyong isinisiwalat para sa nakararami. At dulot nito, ang kinakailangang teoretikal na balangkas, metodolohiya at
pagsusuri na makakapag-aproximisa sa tinutumbok na kabuuang odyens, konsumerista, at mamamayang tinatarget na
ipaloob ng pag-aaral na pinopondohan ng negosyo at estado. Simula sa pagtaguyod nito noong 1960s, empirisismo ang
naging simulain, tulad ng maraming disiplina sa sensyang panlipunan. May mga disiplina't partikular na unibersidad na
nakawala rito, naging referensyal na kakayahan ng mga ito na higit na maging kapaki-pakinabang sa interes ng mas
malaking publiko, kundi man, nang higit na kabuluhan ng akademikong disiplina at departamento. Ang politikal na
tradisyon sa akademiko ay napihit ng mas malaking politikal na kilusan sa labas ng akademya.

Naghahanap ng kolektibong tinig ang mga mamamayan at mga sektor nito noong 1960s din. At ang mass ay nagsimula na
agad maging walang kabuluhang politikal na termino. Ang ipinantapat ng kilusan--batay sa pagpaloob ng teorya ni Mao
Zedong na nagdiin ng papel ng pesante at masa sa rebolusyonaryong gawain at pagbabagong hinawi nina Marx at Lenin--
ay ang nosyon ng masa o ang batayang kabuuang may paratihang potensyal para sa gawain at pagpapayaman ng kilusan
tungo sa panlipunang pagbabago. "Mula sa masa, tungo sa masa," ang idea ng mass line ni Mao na naging batayan ng
gawaing pagmumulat, pagpapakilos, at pag-oorganisa ng kilusang pagbabago. May batayang teoryang marxismo na
sinasandalan ang masa bilang nagpapabukod-tangi na konsepto ng kolektibo at ng katangian na politikal na trasformasyon
ng kabuuan at bansa na itinataguyod ng kilusang nasyonalistiko noong 1960s at 70s, na nagsilbing tulay sa diwa ng
taumbayan na sinasambit ni Bonifacio at rebolusyonaryong kilusan ng Katipunan noong 1890s tungo sa muling
pagsasabuhay at transformasyon nito sa pambansa at bagong tipong antas ng Communist Party of the Philippines simula pa
sa muling pagkakatatag nito noong 1968.

Nananatiling may popularidad ang kolektibo ng masa dahil ito ay tumutukoy sa aktibong paglahok at pagkilos para sa
pambansang pagbabago. Magkagayon pa man, sa prente ng kulturang industriya, nagpatuloy pa rin ang motibo ng kita at
malawakang depolitisasyon para sa pagpapaunlad ng market na tatangkilik sa mga ipinapakilala at ipinapalaganap na
produkto at serbisyo ng kulturang popular. Noong 1980s na nagsimula at 1990s na naramdaman ang mayor na hidwaan sa
pangunahing kilusan ng politikal na pagbabago, nagkaroon ng hidwaan (biyakan) sa pagitan ng dalawang grupo: ang
reaffirmist (RA) na nanalig sa batayang marxistang teorya at sa pagpapatuloy ng rebolusyonaryong kilusang nakaugat sa
mga prinsipal na teorya; at ang rejectionist (RJ) na sa paghalaw sa kondisyon ng biktimisasyon at trauma ay pumihit naman
sa higit pang integrasyon sa estado. Nanghina ang kolektibo ng masa dahil sa pagkahiwalay na resulta ng hidwaan.
Dalawang beses na nakapagpatalsik ng pangulo ang mamamayan, kabilang ang masa at kilusang masa. Pero hindi pa rin
nakakapagtagumpay ng rebolusyonaryong layon ng pambansang pagbabago matapos ng ilang dekadang pakikibaka. Ito
ang naging isa sa mga susing isyu sa pagkakaroon ng rekonseptwalisasyon ng masa batay sa susunod na politikal at non-
politikal na proyekto ng kilusan at mga faksyon nito. Muling nagsimula ang RA na mag-organisa at magpalawak ng hanay,
batay sa mas referensyal na kalakaran ng pamumuno at pag-oorganisa. Ang RJ naman ay nagkaroon ng epektong nawalay
at nawala ang masa dahil sa pagnanasa at kinalabasan higit na integrasyon sa estado. Kaya ang muling umusbong na
kolektibong masa ay nagmula sa RA, na patuloy pa rin sa gabay nina Marx, Lenin at Mao sa pagpolitisa ng kabuuan para sa
pambansang pagbabago. Ang isang nangyari rin sa 1980s at 90s na hidwaan ay natunghayan din sa rekonseptwalisasyon ng
masa sa sining na praxis at akademya. Sa sining na praxis, nabura ang premium ng social realism sa tipo ng 1970s at 80s na
ang masa ay integral sa mga mural, dula, panitikan at pelikula. Nagkaroon ng pihit na higit na matutunghayan sa 2000s,
kung saan ang masa ay nabuo sa idea ng subalternong identidad sa indie cinema, o postmodernistang kilusan sa iba pang
sining na may pagdiin sa individual na hindi lubos na napapaloob sa hanay ng kabuuang masa kundi sa laylayan ng
mismong dating itinangi na masa. At hindi nakakapagtaka na ipinaloob sa hanay ng laylayan ang mismong artista at
intelektwal.

Patuloy pa rin ang masa bilang politikal na expresyon ng kolektibo. Patuloy ang masigabong pagtuklas ng bago at pag-
aninag sa dati nang nagtatagumpay na paninipat sa masa bilang pwersa ng pambansang pagbabago. May kontraryong pihit
ang negosyo ng kulturang popular, at ang sintomatikong manifestasyon nito sa diskursong akademikong nagbura't
naghayag sa papel ng masa at popular. Ang popular sa kolektibo ay yaong makauring pagsusuri at pagkilos na
makakapagpalawak ng saklaw ng kaisahan at solidaridad para sa pambansang pagbabago. Sa kulturang industriya, ito ang
konseptong makakapagbenta nang higit pang produkto at serbisyo ng kulturang popular sa tinarget at pinapaunlad na
market nito. Sa akademya, naglaho na ang masa maliban sa pagsisilbi sa interes ng negosyo at gobyerno na makapagtukoy
ng agenda at programang makakalahok ang target market na ito, at ang popular ay nakabatay sa postmodernong kalakaran
nito: kung ano ang hip, fashionable, young at youthful na teorya, metodo, aralin, disiplina sa kinapapaloobang sistemang
edukasyon na hindi hiwalay sa real life situation, o ang mismong market na ang presensya sa akademya ay higit lalong
nagiging visible at paborable.

Ang Kultura at Araling Kultural

Ang objek at sabjek ng pag-aaral sa akademya ang siyang naglatag ng kondisyon para mabura at matalaga ang masa at
popular. Kung gayon, sa larangan ng kultura ang mas malaking teryn ng pag-aninag kung ano ang naging kondisyon ng
masa at napaunlad ang popular. Gaya nang nabanggit, ang nasyonalistikong kilusan at ang kilusang pambansa ang
naghudyat ng paradigm shift sa pag-aninag sa masa at popular. Sa kanilang mga publikasyong popular, tulad ng mga
pahayag at newsletter, at proceedings matutunghayan ang advokasi para sa pambansang paglaya, ang puwang ng masa, at
ang pagpapaunlad ng kontraryong kultura, maging ang pagpasok ng debate sa teoretikal na usapin ni Mao: ang debate na
naresolba ng dialektika ng pagtataas ng standard at popularisasyon. Sa popular press at libro lumabas naman ang diskusyon
ng paninipat ng nasyonalistikong identidad sa pagka-Filipino at makabansa na integral na salik sa pagbabago ng popular na
diskurso sa kulturang popular. Lumabas ang isyu ng Filipinisasyon, maging ng pagbabalik sa kasaysayan ng popular na
media at kultura, at features sa mga direktor, artista, produser sa pelikula, maging ang mga isyu na paano naisa-Filipino ang
media ng pelikula sa mga sulatin noong 1970s at 80s. Ang mga unang kritiko ng popular na media ay mga akademiko,
malikhaing manunulat at peryodista, tulad nina Bienvenido Lumbera, Nicanor Tiongson, Petronilo Bn. Daroy, Soledad Reyes,
Valerio Nofuente, T.D. Agcaoili, Nick Joaquin, at Pete Lacaba. Sila rin ang magpapasok ng diskurso ng kulturang popular sa
akademya.

Gamit ang pelikula sa pangunahin bilang tampok sa paglalatag ng kulturang popular, maging ng iba pang bagay tulad ng
jeep at jeans, bakya crowd at syudad, ang diskursong kulturang popular na mabubuo ay magkakaroon ng alindog sa
akademiko't intelektwal na makakapaglatag ng mas malaking kultural na kontexto ng penomenong sinusuri. Naipasok ang
usapin ng kultura sa popular na kultura, maging ang simulang pagtatangka na ipaloob din ang kulturang popular sa mga
pag-aninag ng mga akademikong teorya, lalo na ng marxistang Frankfurt School sa simula nito. Hindi nagtagal ang
pagbatikos ng teorya dahil sa simula pa lang din, nakinita na napakalawak ng saklaw ng kulturang popular, kasama ng
kulturang folk at katutubo sa pagdalumat ng kulturang Filipino at ng Pilipinas o Filipinas. Dekada 1990 at 2000 nang
magsimulang mabitak ang kultura sa fasinasyon ng mga kabataang skolar sa postmodernismo bilang mas makabuluhang
rekurso sa pagsaklaw sa kultural na penomenong pinag-aaralan, lampas sa lawak ng kultura at tungo sa mas spesipikong
aspekto ng kasarian at sexualidad, lahi at etnisidad, at henerasyonal. Ang araling kultural (cultural studies) ang siyang
natunghayan comfort zone sa inaakalang ortodoxiyang mula sa marxismo. Sa postmodernistang hamig sa araling kultural,
ang mga akda ay naging pagtunghay sa pagsusuri sa negosiasyon, pagbabalikwas, pagbibigay-kahulugan, inobasyon,
reinterpretasyon, reteritorialisasyon, at making do tactics bilang alternatibong paglulunan sa hegemoniya ng penomenon.
May metodong penomenolohikal na sinasambit ang mga pagsusuri, na siya ring rasyonal kung bakit ang idea ng
pagbabalikwas at negosiasyon ay madalas nakaangkla lamang sa usaping textual, individual, at ang propensidad na
ipamayagpag ang isyu sa politika ng identidad (identity politics) na spesifiko sa mga usapin at teorya ng formasyong
identidad (identity formation). Nakaangkla rito ang pagbubuo ng spesifikong identidad sa labas ng gahum ng penomenon,
o kung paano naaninag ang kontraryong politika ng identidad mula sa penomenong sinusuri. Dito nagsimulang mawalay at
mawala ang usapin ng mass at masa sa kulturang popular. Ang politikal na proyekto ay nakatuon sa mikropolitikal na
identidad, na inakalang tumutunggali sa represibong usapin ng nasyonal, nasyonalismo at formasyong bansa (nation
formation) na tinuligsa dahil sa pagkabura rin sa akademikong diskurso ng prinipribilehiyong mga politika ng identidad.

Nagkaroon ng pihit noong 2010s na dulot ng pagkilala sa pag-igting ng neoliberalismo sa ekonomiya, politika at kultura sa
tila pagkakawalang-bisa ng politika ng identidad at formasyong identidad, maging ng formasyong bansa, kung hindi
nakakawing sa mas malawig na kritikal ng kapital at kapitalismo, at ng papel ng kultura sa neoliberalismo sa formasyong
estado (state formation). Lumaki muli ang lente ng pagsisipat na teoretikal na ikinakawing

ang penomenong pinag-aaralan sa formasyon ng kulturang ineendorso at nakapanghihina sa estado. Ang estado ay
tinitignan bilang amalgamasyon ng pwersa ng malalaking negosyo at gobyerno bilang gahum sa paglalatag ng kondisyon
ng kultura sa mismong masaklaw na politika at ekonomiya, at kung paano ang mamamayan at mga katawan ay pinapanday
tungo sa formasyon nito.

Kulturang Popular sa Espasyo ng Neoliberalismo

Mas may linaw sa papel ng kulturang popular bilang pinakaswabeng daluyan ng kultura ng estadong nagtitiyak ng
kapitalismo sa bansa. Ang pihit na nangyari ay politikal na pilosopiya at panlipunang sysensya--sosyolohiya, politikang
sysensya, sikolohiya, antropolohiya, linggwistika, at iba pa--at ang naunang humanidades bilang mobilisasyon ng muling
akademikong pagtugon sa imperatibo ng kulturang popular sa espasyo ng neoliberalismo. Simula pa lang sa panahon nina
Ronald Reagan sa U.S. at Margaret Thatcher sa U.K. noong 1980s, ang neoliberalismo ay wala nang pagtatatwa na
nakasakop na ng mga global at pambansang formasyon, at maging ng mga lokal at individual na formasyon ng pagkatao at
pagkanilalang. Hindi na lamang kumpleto ang pagkalatag ng neoliberalismo kundi epektibo itong nalatag sa malakihan at
individual na formasyon, o na-integrate na ang espasyo ng individual at ang mga bansa ang muling bastardisasyon ng
liberalismo sa porma ng neoliberalismo.

Kung sa liberalismo, ang individual ay may rekurso pa sa kamulatan sa pamamagitan ng sistemang edukasyon at ng iba
pang politikal na institusyon at welfare ng safety mechanisms, sa neoliberalismo, wala nang safety nets. Kanya-kanya na
lamang--sa antas ng individual--na paghahagilap ng kamulatang magdudulot ng rekurso sa panlipunang mobilidad. Ang
sabwatan ng malalaking negosyo ang siyang nagdidikta ng politika ng integrasyon sa kapitalismo sa bansa. Ang mga
pinuno, kundi man representatibo ng maykayang politika o nanggagaling sa mismong nagpapatakbo ng malalaking
negosyo, ay isanasangkapan ang gobyerno at pamamahala (governance) para sa higit na pagkiling sa interes ng kita at
kapital. Sa pamamagitan ng malawakang polisiya ng pribatisasyon o pagtalaga ng serbisyong publiko sa kamay ng
malalaking negosyo, ang naging papel ng gobyerno ay deregularisasyon o pagbubukas ng mga susing industriya at ng
safety features nito para sa disenfrantsisadong mamamayan at sektor sa poder ng negosyo na inaakalang maglalatag ng
patas na kumpetisyon sa mga nagnanasang magkaroon ng bahagi sa mga industriya. Sa kalaunan, ang mga binuksang
negosyo ay nauwi sa kamay ng iilan o ang oligopoliya na nakakapagdikta ng presyo sa pamilihan, at ng kalidad o kawalan
nito sa produkto at serbisyo, na siya namang magdidikta ng ninanais na kita ng iilan.

Kaya mahina ang wifi, kuripot sa channels sa telebisyon, wala pang kabuuang siste ng mass transit, at iba pa, halimbawa, ay
hindi dahil sa kawalan ng kapasidad ng gobyerno na mapondohan ito dahil sa espasyo ng neoliberalismo, ang serbisyo ay
ipinasa na sa kamay ng pribadong negosyo na nagdidikta ng kalakaran--hindi pa ito kakikitaan kaya hindi pa ito papasukin.
Unahin muna ang higit na pasisikip ng malls sa mga sentro at iba pang panig ng syudad, mga pocket development hubs,
gusali para sa BPO (business process outsourcing), condos at expressway na pagmamay-ari ng pribadong sektor na may
katiyakan ang kita sa 2010s. At nagsimulang mamukadkad ang kaakibat na kultura mula sa pihit sa ekonomiya at politika:
mas maraming maralitang lungsod sa mas tagong lugar, mas paghihikahos sa agrikultural na sektor sa malawakang
transformasyon ng sakahan sa iba pang mas komersyal na gamit, subkontraktwalisasyon, gitnang uring fantasya, 24/7 na
establisymento, door-to-door delivery ng mga bagay, mas trafiko, mas hindi maganda ang kalidad ng pambansang buhay,
at ang pamamayagpag ng mito ng individual na ahensya. May dalawa pang epekto ang pribatisasyon at deregularisasyon:
ang komersyalisasyon o ang lampaslampasang pag-akyat ng halaga ng produkto at serbisyo sa mamimili--matrikula sa
edukasyon, value meal sa fastfood, designer burgers, toll fee sa expressways, at iba pa--na nagtitiyak ng patuloy na higit na
kita ng mga negosyo; at marketisasyon o ang pamilihan ang magdidikta ng mga produkto at serbisyong tatangkilikin ng
individual, tulad ng nursing bilang dating tampok na kurso sa kolehiyo dahil sa inaakalang madaling makakuha ng trabaho
sa ibang bansa, ang preferensiya sa pagpapaunlad ng mas marami pang expressways kaysa mass transit system, at iba pa.
Ang individual at nosyon ng popular ay nilamon sa espasyo ng neoliberalismo para maging tail-end ng epekto nito (sa
individual) at transformadong nilalang kundi man advocate (mas konserbatibo, mas reaksyonaryo) nito; at ang popular, ang
anti-politika (anti-politics) ng kabuuang entidad ng depolitisadong individual. Sinasaad lang ng anti-politikal ang uri at
kalidad ng disavowal sa anumang malawakang politika ng transformasyon at transformatibo, o ang etika ng pambansang
pagbabago na may kilusan at rebolusyonaryong adhika, lampas sa antas ng politisadong individual at individualidad
lamang. Hindi laos ang mangarap ng sistema sa labas ng kapitalismo at ng yugto nito sa neoliberalismo. Ang
rebolusyonaryo ang skolar na nakikisangkot at malikhaing lumilikha ng posibilidad ng panlipunan at historikal na
pagbabago. Sinasaad ng antipolitikal ang anti-politika na panuntunan sa pagsusuri sa kulturang popular, maging sa kultura
mismo. Wala na raw teorya dahil ang teorya ay manggagaling sa inaakalang otentikong hanay ng mga individual at grupo
sa kanilang pang-araw-araw na pagdanas. Madilim ang pangitain sa neoliberalismo dahil tinatanggap na lamang ang
natural nitong pagdanas sa pang-araw-araw. Ibinabalik ng kritika ng kapitalismo at formasyong estado ang komplisidad ng
negosyo at gobyerno sa depolitisasyon ng individual. Kaya sa muling pagkasalanlan ng politika at politikal na
transformasyon maaring magkaroon ng pagkaunawa sa historikal at panlipunang kondisyon ng individual sa neoliberalismo:
na hindi ito maganda, hindi ito maningning, hindi ito nakakapag-unlad ng pagkatao maliban sa pagkanilalang ng
neoliberalismo. Sa usapin ng pagsusuri sa kulturang popular higit na mababanaag ang kondisyon ng individual at estado sa
neoliberalismo, at maaring lumikha sa aktwal na malikhaing artikulasyon ng individual, mamamayan at grupo ng
kontraryong kaayusan.

Ang politikal ay makapangyarihang konsepto dahil naglalayon ito ng malawakang transformasyon, lampas sa individual at
kanyang individualidad at individualismo. Maaring muling sipatin ang kultural sa araling kultural bilang
reinstrumentalisasyon sa politikal, o kung paano magiging bahagi ang kultura at kultural na gawain para sa politikal na
pagbabago. Inilalatag ng mga sanaysay ang korelasyon ng espasyo at kulturang popular. At ito ang nilalayong tunguhin ng
pagkakalatag ng mga ito, ang muling pagbabasa at pagsusuri tungo sa kontemporaryong pagkakasalansan ng individual,
mamamayan, kultura, at kulturang popular sa espasyo ng neoliberalismo, at sa katumbas na espasyo ng politikal dito.

Apitong, Mapayapa Village 3

Quezon City

24 Marso 2014

You and 131 others


132 6 Comments 54 Shares

Like   Comment Share

View 1 more comment

Aloysiusi Lionel Salome Polintan IV


Ang paborito ko dito ay yuong life cycle ng pagkanilalang ng kabataang nilalang. Sinagot ng epilogong ito ang
aking mga subconscious curiosities - mga tanong tungkol sa kulturnang mapaniil at nakatuon lamang sa quantity.
Kung ito ay magiging lecture o … See More

Like · Reply · 4y

Alyssa Romielle Manalo


Markus Aserit

Like · Reply · 4y

Ar Ar Concepcion
Jeffrey Rosario Ancheta

Like · Reply · 4y

Ruezza David
Jhon Dale Elnar Famisan

Like · Reply · 1y

Write a comment...

You might also like