Gov. Pablo Borbon Campus II, Lunsod ng Batangas, Pilipinas 4200 KOLEHIYO NG INHENYERIYA, ARKITEKTURA AT PINONG SINING TeleFax Number: +63(43) 425-0139 local 118/2121.
Gawain 5: Pagsusuri
Sa aking napiling artikulo na pinamagatang “Ang Wikang Katutubo at ang Kamalayang
Filipino”, ibinahagi ng may akda na si Bienvenido Lumbera ang ilang mga likhang pampanitikan gaya ng ilang tula na gumamit ng wikang katutubo bilang susi upang gisingin ang kamalayan ng mga Filipino. Kaugnay nito, isinalaysay niya kung paanong ang isang kundiman mula sa panahon ng Rebolusyong 1896 na tinawag na “Kundiman ng Himagsikan” at kilala rin sa pamagat na “Jocelynang Baliwag” ay nagbigay daan sa pagkapukaw ng nasyonalismo ng mga Pilipino na nagtulak sa diwa ng himagsikan. Unti-unting hinimay at binigyang pansin sa akda kung paano nagkabisa ang nasabing tulang gaya ng “Jocelynang Baliwag” na sinasabing awit para sa isang dalaga bilang kundimang pumukaw sa paghihimagsik ng mga mamamayan noon. Binanggit din ni Lumbera sa kanyang teksto ang akda ni Balagtas na Florante at Laura na sinasabing naging daan sa pagtuligsa sa kolonyal na paghahari ng mga Espanyol. Taong 1930 naman nang maglabas ang batang makata-peryodistang si Amado V. Hernandez sa kanyang kolum ng isang tulang buong kalumbayang nagngingitngit na ang bayang Pilipinas ay “lukob ng dayong bandila.” Sa mga nabanggit na tula, ipinakikita ng mga ito kung gaano kahiwaga at ka- makapangyarihan ang ating wikang pambansa. Binibigyang-diin ni Lumbera kung paano ginamit ng mga sinaunang Pilipino ang ating wikang katutubo bilang pangunahing armas sa pagtuligsa sa mga mapang-aping banyaga sa iba’t ibang panahon ng rebolusyonaryo. Ayon sa kanya, mula sa mga pinagsama-samang salita, hinango ng mga manunulat ang mga danas na pinagdaanan nila, inangkin, at hinugisan ang mga ito hanggang maging mensaheng kalaunan ay nag-udyok at pumukaw sa mga mga mamamayang Pilipino. Kung susumahin, batay sa malalim at maingat na pagsusuri, mahihinuha natin na ang kabuuan ng akda ay naka-ugat sa kaisiping Marxismo na umiikot sa panghimagsikang pananaw ng pagbabago ng lipunan. Ayon nga kay San Juan, et al, (2019), ang Marxismo sa Pilipinas ay karaniwang ginagamit sa panunuring pampanitikan kung saan, sa ganitong konteksto ay inaalam ang uring panlipunan na nasa teksto, pelikula, at iba pa. Gaya ng nabanggit, ang mga tulang ihinalimbawa ni Lumbera ay kapwa naglalahad ng tunggalian ng mga uring panlipunan gaya ng pagsasamantala ng mga banyagang bansa sa mga Pilipino at kalaunan ay ang pagbangon ng ating mga ninunong Pilipino sa kaapihan o sitwasyong mapagsamantala. Sa kabuuan, masasabi natin na ang akda ni Lumbera at ang mga nabanggit nitong iba pang akdang pampanitikan ay kapwa nakatuon sa pagsulong ng nasyonalismo gayundin ng koseptong Marxismo na kakikitaan ng pagtugon hindi lamang sa pagiging makabayan kundi sa pagkakaroon ng paninindigan, karapatan, diwa, at pakikisangkot para sa lipunan.