You are on page 1of 14

7 Department of Education

National Capital Region


SC HOO LS DIVISIO N OFF ICE
MARIKINA CITY

FILIPINO
Unang Markahan-Modyul 6:
Pasalitang Pagsasalaysay
ng Buod ng Iba’t ibang Teksto
(Kuwento, Mito, Alamat at Kuwentong-bayan)

May-akda: Cristy C. Merlan

Tagaguhit: Paolo N. Tardecilla

City of Good Character


DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
Alamin
Ang modyul na ito ay binubuo ng isang aralin.

 Aralin 1- Pasalitang Pagsasalaysay ng Buod ng Iba’t ibang Teksto


(Kuwento, Mito, Alamat at Kuwentong-Bayan)

Sa pag-aaral ng modyul na ito, inaasahang maisagawa mo ang


sumusunod:
A. napagbabalik-aralan ang buod at paraan ng pagbubuod;
B. naiisa-isa ang mga hakbang sa pagsasalaysay nang
maayos;
C. naisasalaysay nang maayos ang buod at pagkakasunod-
sunod ng mga pangyayari sa kuwento at kuwentong-
bayan; at
D. naisasalaysay nang maayos ang buod at pagkakasunod-
sunod ng mga pangyayari sa mito at alamat.

Subukin
Bago natin ipagpatuloy ang aralin, isagawa mo muna ang
gawaing ito. Basahin at unawaing mabuti ang mga sumusunod na
pahayag. Isulat ang A kung ang pahayag ay may kinalaman sa
pagbubuod at pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa kuwento,
mito, alamat, at kwentong bayan at B naman kung wala itong
kinalaman.

_____1. Itala ang mga pangunahing ideya mula sa binasa.


_____2. Kakikitaan ang mga ito ng paligoy-ligoy na daloy ng mga
pangyayari.
_____3. Ang kwento, mito, alamat, at kwentong bayan ay nagtataglay
ng samot-saring suliranin.
_____4. Ang bahaging kasukdulan ay kakikitaan ng masidhing
kaganapan sa kuwento.
_____5. Ang kuwento, mito, alamat, at kwentong bayan ay
sumasalamin sa kuwento ng lahing pinagmulan kung saan ito
nagmula.

2
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
Pasalitang Pagsasalaysay ng Buod
Aralin ng Iba’t ibang Teksto
1 (Kuwento, Mito, Alamat at Kuwentong-bayan)

Sa araling ito ay pag-aaralan mo ang pasalitang pagsasalaysay ng


buod ng iba’t ibang teksto. Malilinang ito kung maisasagawa mo nang
matapat ang mga gawain.

Balikan
Balik-aralan moa ng tungkol sa dokyu-film at ibigay mo ang mga
kaugnay na salita na may kaugnayan dito. Pagkatapos ay pagsama-
samahin ang mga ito upang makabuo ng sariling pagpapakahulugan
tungkol sa dokyu-film.

Tuklasin
A. Panimula

Naranasan mo na bang magkuwento sa iyong mga kaibigan tungkol


sa mga paboritong palabas na iyong pinanood? Paano mo ito ikinukwento sa
kanila? Naiisa-isa mo ba ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari nito?
Isulat sa iyong kwaderno ang iyong kasagutan.

3
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
B. Pagbasa
Ngayon ay simulant na mo na ang paksang aralin. Handa ka na ba?
Basahin ang akda at pagkatapos ay sagutin ang mga tanong sa hiwalay na
papel.
NAKALBO ANG DATU
(Kuwentong-bayan ng Maranao)

May isang datu na tumandang binata dahil sa paglilingkod sa


kaniyang mga nasasakupan. Sadyang lagi siyang abala sa pamamahala ng
kanilang pook kaya nalimutan na niya ang mag-asawa. Dahil dito,
pinayuhan na siya ng matatandang tagapayo na mag-asawa na upang
magkaroon siya ng anak na magiging tagapagmana niya.
Napilitang mamili ang datu ng makakasama niya habambuhay.
Totoong naging pihikan ang datu dahil sa dami ng magagandang dilag sa
pinamumunuang pamayanan. Ngunit dahil sa tulong ng matiyagang
pagpapayo ng matatandang bumubuo ng konseho, natuto ring umibig ang
datu. Ngunit hindi lamang iisang dilag ang napili ng datu kundi dalawang
dalagang tunay na magaganda at mababait pa. Dahil sadyang wala siyang
itulak – kabigin kung sino sa dalawa ang higit niyang mahal, pinakasalan
niya ang dalawang dalaga.
Isa sa dalagang pinakasalan ng datu ay si Hasmin. Siya ay batang –
bata at totoong napakalambing. Kahit na matanda na ang datu, mahal ni
Hasmin ang asawa. Mahal na mahal din siya ng datu kaya ipinagkaloob nito
sa kaniya ang bawat hilingin niya. Dahil sa pagmamahal sa matandang
datu, nag – isip si Hasmin ng paraan upang magmukhang bata ang asawa.
“Ah! Bubunutin ko ang mapuputing buhok ng datu. Sa ganitong
paraan,
magmumukhang kasinggulang ko lamang siya.”
Ganoon nga ang ginawa ni Hasmin. Tuwing mamamahinga ang datu,
binubunutan ni Hasmin ng putting buhok ang asawa. Dahil dito, madaling
nakakatulog ang datu at napakahimbing pa.
Sadyang mahal din ng datu si Farida, ang isa pa niyang asawa. Tunay
na maganda at mabait din si Farida ngunit kasintanda siya ng datu.
Tuwang – tuwa si Farida kapag nakikita ang mga puting buhok ng datu.
Tuwing tanghali, sinusuklayan niya ito. Kapag tulog na ang datu, palihim
niyang binubunot ang itim na buhok ng asawa.
Dahil sa ipinakikitang pagmamahal ng dalawa sa asawa ay
kuntento
na sa kaniyang buhay ang datu. Tunay na naging maligayang – maligaya
siya, at pinagsisisihan niya kung bakit hindi kaagad siya nag – asawa.
Ngunit gayon na lamang ang kaniyang pagkabigla nang minsang
manalamin siya, hindi niya nakilala ang kanyang sarili.
Kalbo! Kalbo, ako! sigaw ng datu.
Nakalbo ang datu dahil sa pagmamahal nina Hasmin at Farida.

4
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
C. Pag-unawa sa Binasa
1. Ano ang suliraning kinahaharap ng datu?
2. Paano nahikayat ng konseho ang datu na mag-asawa?
3. Bakit kailangang mag-asawa ng datu? Anong tradisyon ang
sumasalamin dito?
4. Nahirapan ba ang datu sa kaniyang pagpili ng kaniyang
mapapangasawa? Patunayan ang iyong sagot.
5. Tama lamang ba na dalawa ang kaniyang naging asawa? Anong
kultura ng mga taga-Mindanao ang sumasalamin dito?
6. Sa iyong palagay, may katotohanan kaya ang kwentong ito sa tunay
na buhay? Ano-ano ang mga ito at ipaliwanag.

D. Paglinang ng Talasalitaan

Basahin at unawaing mabuti ang sumusunod na pahayag mula sa


binasa. Piliin ang letra ng pinakaangkop na sagot sa konteksto ng pahayag.

_____1. May isang datu na tumandang binata dahil sa paglilingkod sa


kaniyang mga nasasakupan.
A. Isang lalaki na bigla na lamang tumanda.
B. Isang lalaki na nakalimutan na ang kaniyang edad.
C. Isang lalaki na matanda na ngunit wala pang asawa.
D. Isang lalaki na namatayan ng asawa.
_____2. Totoong naging pihikan ang datu dahil sa dami ng magagandang
dilag sa pinamumunuang pamayanan.
A. Sinasala ng datu ang magagandang dilag sa kanilang
pamayanan.
B. Iniisa-isa ng datu ang kaniyang mga nais sa isang dilag.
C. Mapili ang datu dahil maraming naggagandahang dilag sa
kanilang pamayanan.
D. Pinipili at isinasaayos ng datu ang mga pamantayan para sa
kaniyang iibigin.
______3. Wala siyang itulak – kabigin kung sino sa dalawa ang higit niyang
mahal, pinakasalan niya ang dalawang dalaga.
A. Naging mapili pa rin ang datu kahit pa dalawa na ang kaniyang
iniibig.
A. Pilit niyang inilalayo ang isa sa mga nais niyang pakasalanan.
B. Patas ang pagtingin ng datu sa dalawa niyang napangasawa.
C. Ang pag-ibig ng datu ay hindi matutumbasan.
_____4. Bubunutin ko ang mapuputing buhok ng datu. Sa ganitong
paraan,magmumukhang kasinggulang ko lamang siya.”
A. Hindi nakukuntento kung ano ang mayroon ang datu.
B. Dito niya ipinakikita ang pagmamahal sa datu.

5
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
C. Nakikita niya ang mga hindi kanais-nais sa datu.
D. Sinisikap niyang maging kaaya-aya ang datu.
_____5. Nakalbo ang datu dahil sa pagmamahal nina Hasmin at Farida.
A. Ang pagmamahal ay nasusukat lamang sa mga materyal na
bagay.
B. Hindi nasusukat sa mga materyal na bagay ang pagmamahal.
C. Kung minsan ay naaabuso natin ang kahulugan ng pag-ibig.
D. Ang pagmamahal ay naipapakita sa iba’t ibang paraan.

Suriin

Ang akdang binasa ay isa sa mga panitikan ng Mindanao na walang


tiyak kung sino ang may-akda. Ang mga kwentong ito ay isinalaysay lamang sa
pamamagitan ng pagkukuwento mula sa isang tao hanggang makarating sa
iba. Ang pamamaraang ito ay tinatawag na pasalindila. Hindi literal na
sinasalin ang dila kundi sa pamamaraan ng pagkukuwento. Sa gawaing ito ay
napakahalaga na matandaan ang mga mahahalagang impormasyon at
pangyayari upang hindi mabago ang orihinal na kwento nito.
Ang kwento kung saan ito nagmula ay may mga pagkakataon na hindi
nalalayo sa kung ano ang nangyayari sa lugar na iyon. Ipinakikita nito ang
salamin ng lahi sa kultura, tradisyon at pamumuhay ng mga mamamayan
nito. Maaaring ito ay likhang-isip lamang o kaya naman ay may malalim na
ugnayan sa naging kasaysayan nito.
Upang maging mabisa ang iyong pagsasalaysay ng kwento ay mahalaga
na iyong malaman ang pagbuo ng banghay. Makatutulong ito upang masiguro
na ang bawat mahahalagang impormasyon ng kwento ay hindi malimutan at
diwa nito ay mananatili sa kung ano ang orihinal.

1. Simula – ipinakikilala dito ang tauhan sa kwento, lugar at panahon


2. Tunggalian – ipinakikita rito ang suliraning kinakaharap ng
pangunahing tauhan
3. Saglit na Kasiglahan – ang panandaliang pagkikita ng pangunahing
tauhan at ng iba pang tauhan sa kuwento.
4. Kasukdulan – climax sa ingles, ang pinakamatinding pangyayari o
kaganapan sa kwento
5. Kakalasan – ang unti – unting pagbaba ng emosyon ng tauhan at
pagkakaroon ng solusyon sa suliranin; ipinakikita dito ang kinalabasan
ng paglalaban
6. Wakas – dito nalalaman ang resulta ng pangyayari sa loob ng kuwento
kung malungkot o masaya; gayundin ang aral na hatid nito sa
mambabasa.

6
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
Pagyamanin

Ngayon naman ay palawakin natin ang iyong kaalaman tungkol sa


pagsasalaysay ng buod ng iba’t ibang teksto.
Alam kong marami ka ng nabasang mga kwento mula sa Mindanao.
Maghanap ka ng iba pang mga kwento batay sa mga hinihingi sa tsart sa
ibaba. Gawing gabay ang mga pinag-aralan sa bahaging Suriin upang
maisagawa ang gawaing ito.
Pamagat Kwentong- Maikling Mitolohiya Alamat
Bayan Kwento
Pamagat
Tauhan
Tagpuan
Buod ng akda
batay sa:
a. Panimula
b.Saglit na
Kasiglahan
c. Suliranin/
Tunggalian
d. Kasukdulan
e. Kakalasan
f. Wakas
Aral o Mensahe

Narito naman ang pamantayan na iyong gagamitin upang maging gabay sa


paggawa ng gawaing ito.
Mga Pamantayan Puntos sa Puntos ng
Sarili Guro
Napupunan ng wastong impormasyon ang
laman ng bawat kolum.
Naisasalaysay ang pagkakasunodsunod ng
mga pangyayari sa kwento.
Naibibigay ang angkop na aral o kakintalan
sa kwento.
Nagamit nang wasto ang mga salitang
nagpapahayag ng paghihinuha

7
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
Kabuoang Puntos
10 – Napakahusay
8 – Mahusay
6 – Katamtamang Husay
4- Kailangan pang paghusayan
2- Magsanay upang humusay

Isaisip
Ang paglalahad ng buod ng isang akda ay isang mabisang kasanayan na
dapat taglayin ng isang mag-aaral na tulad mo. Nalilinang mo rito ang
mahusay na pagsasalaysay batay sa pagkakasunod-sunod ng mga
pangyayari sa kwento. Magagamit mo rin ang mga hakbanging ito sa ibang
paraan upang maibahagi mo nang maayos ang mga kwento batay sa iyong
binasa, pinanood, o pinakinggan nang walang labis at kulang.
Narito ang ilan pang mga hakbang na dapat mong malaman sa
pagbubuod ng akda:

1. Basahin munang mabuti ang buong akda o kaya naman ay pakinggan


itong mabuti upang makuha at maunawaan ito.
2. Hanapin ang pangunahing kaisipan at mga pamuno o katulong na
kaisipan.
3. Dapat gamitan ito ng mga payak na pangungusap na isinulat sa isang
paraang madaling maunawaan ng babasa.
4. Hindi dapat malayo ang diwa ng orihinalidad sa ginawang buod.

8
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
Isagawa
Ilapat natin sa tunay na buhay ang natutuhan mo sa ating aralin.
Isagawa ang gawaini sa ibaba.
Naisipan ng inyong mag-anak na magkaroon ng kuwentuhan bago
matapos ang araw na ito. Napili mong ikuwento sa kanila ang isa sa mga
paboritong akda na iyong nabasa ngayong araw. Upang ito ay maisalaysay
nang maayos ay kailangan mong isaalang-alang ang mga natutuhan mula
sa pagbubuod at pagsasalaysay batay sa pagkakasunod-sunod ng mga
pangyayari.

Sa gawaing ito ay maaari mong gawin ang isa sa mga mungkahi sa


ibaba:

1. #kwentoMo – maaari mong i-rekord ang iyong boses habang


isinasalaysay ang buod ng akda.
2. #ikomiksMo – gamit ang paraan sa pagbuo ng isang komiks ay
maisasalaysay mo ang buod ng napili mong akda.
3. #sayawinMo – sa pamamagitan ng interpretatibong-sayaw ay
maisasalaysay mo ang buod ng napili mong akda.
4. #iarteMo – sa pamamagitan ng pag-arte ay maisasalaysay mo ang
buod ng napili mong akda.
5. #awitinMo- sa pamamagitan ng pagbuo ng liriko ay mailalapat mo
rito ang buod ng akda na iyong pinili.

Mamarkahan ang iyong gawain gamit ang pamantayan sa ibaba.

Pamantayan Puntos Puna ng guro


Nakasunod sa layunin ng gawain
Naisalaysay nang maayos ang
pagkakasunod-sunod ng mga
pangyayari sa pagkamalikhaing
paraan.
Gumamit ng mga angkop na salita,
simbolo at kilos sa pagsasalaysay
ng buod ng akda.
KABUUAN

9
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
10 – Napakahusay
8 – Mahusay
6 – Katamtamang Husay
4- Kailangan pang paghusayan
2- Magsanay upang humusay

Tayahin
Ngayong naunawaan mo na ang ating aralin, susukatin natin ang
iyong natutuhan. Basahin at unawaing mabuti ang mga sumusunod na
tanong at piliin lamang ang pinakawastong sagot.

Alamat ng Marikina

Ayon sa mga matatanda, ang Marikina ay lugar na masukal at sagana


sa iba’t ibang mga pananim. Sa pook na ito ay may kaaya-ayang batis na
dinadaluyan ng malinis na tubig. Dito nakasentro ang mga pangunahing
pangangailangan ng mga tao.
Kabilang sa mga naninirahan sa pook na ito ay mag-asawang Marta
at Kanor, na may isang anak na dalagang ang pangalan ay Marina.
Nagtataglay ng pambihirang kagandahan si Marina,. Dahil sa marikit
nitong mukha, madalas ay inihahawig siya ng kaniyang mga taga-suyo sa
buwan. Mangyari’y mayumi ang pagkabilog ng kanyang mukha, makinis at
maputing mamula-mula ang kulay ng pisngi, may mapupungay na mata at
pantay-sakong ang kanyang maitim at alun-along buhok.
Lagi na lamang pinupuri si Marina ng kaniyang mga taga-suyo ngunit
hindi niya nakikita ang sariling kagandahan sapagkat sa tuwina ay
nakatuon ang kaniyang isip sa pagtawag sa Diyos. Wala siyang hilig sa
layaw at karangyaan. Ang laging idinadalangin ni Marina ay huwag siyang
marahuyo sa matatamis na salita ng sinumang binatang sumumasamo sa
kaniya. Lubos na katutubo sa dalaga ang pagkamaibigin sa katahimikan.
Isang hapon ay naisipan ni Marina na manaog at magtungo sa batis.
Umupo siya sa isang malaking tipak na bato at nanalamin sa malinaw na
tubig. Napagmasdan niya ng sariling larawan na bumibighani sa maraming
binata sa kanilang pook. Napangiti si Marina, sapagak’t siya man ay
humanga rin sa sarili niyang kagandahan.
Naganyak si Marina na maligo sa batis sa pag-aakalang siya ay nag-
iisa nang mga sandaling yaon. Muli niyang inilugay ang mahaba at alun-
alon niyang buhok. Nguni’t nang magtatampisaw na siya sa tubig ay biglang
nakarinig ng isang tinig.

10
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
“Marikit ka, Marina!... Napakarikit mo, Marina!... Pinakamamahal
kita!”

Nagulat si Marina, kaya’t siya ay lumuhod at taimtim na nagdasal.

“Panginoon, kung ako po ay madadaig ng tuksong iyon ay mabuti


pang kunin mo na ako!”

Bigla namang nagdilim at gumuhit ang matatalim na kidlat. At


walang abog-abog ay bumuhos ang malakas na ulan. Nang tumila ang ulan,
sa kung anong hiwaga ay nawala na si Marina. Nguni’t sa buong paligid ng
pook na iyon ay dinig na dinig ng mga tao ang mahabang alingawngaw.

“Marikit ka, Marina-na-na-na!”

Nang magsalin-salin sa bibig ng mga tao ang alingawngaw na iyon,


pagkaraan ng maraming taon ay naging “Marikina”. Ngayon ay naging
pinagmulan ng lungsod ng Marikina na nasasakop noon ng Rizal.

Mga Tanong:

_____1. Tukuyin ang tamang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari batay


sa binasa.
1. Lagi na lamang pinupuri si Marina ng kaniyang mga taga-suyo
ngunit hindi niya nakikita ang sariling kagandahan.
2. Ang laging idinadalangin ni Marina ay huwag siyang marahuyo
sa matatamis na salita ng sinumang binatang sumumasamo sa
kaniya.
3. Isang hapon ay naisipan ni Marina na manaog at magtungo sa
batis.
4. Napagmasdan niya ng sariling larawan na bumibighani sa
maraming binata sa kanilang pook.
5. Nguni’t nang magtatampisaw na siya sa tubig ay biglang
nakarinig ng isang tinig: “Marikit ka, Marina!... Napakarikit mo,
Marina!... Pinakamamahal kita!”
6. Bigla namang nagdilim at gumuhit ang matatalim na kidlat. At
walang kaabog-abog ay bumuhos ang malakas na ulan.
A. 5-4-3-2-1-6 C. 2-3-4-5-6-1
B. 1-2-3-4-5-6 D. 6-5-4-3-2-1
_____2. Suriin ang katangian at elemento ng binasang akda. Base sa iyong
pagsusuri, ang akda ay isang halimbawa ng ___________.
A. mito B. kwentong-bayan
B. maikling kwento D. alamat

_____3. Kung ikukwento mo sa iyong mga kaibigan ang pinagmulan ng

11
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
Marikina sa amamagitan ng pangunahin at pantulong na kaisipan,
alin sa sumusunod ang angkop na paglalagom?
A. Sa taglay na ganda ni Marikit ay walang sinumang lalaki ang
nakaangkin sa kaniyang kagandahan
B. Paulit-ulit na bibigkasin ang salitang marikit at pangalang Marina.
C. Isang magandang babae si Marina na kinahuhumalingan ng mga
kalalakihan
C. Dininig ng diyos ang kahilingan ni Marina.

_____4. Ikaw ay naatasan ng iyong guro na bumuo ng buod batay sa iyong


binasang kuwento, ano ang hakbang na datapt mong gawin?
A. Basahin at unawaing mabuti ang kwento upang makuha ang
diwa nito.
B. Gamitin ang sariling karanasan at iugnay sa kwento.
C. Sumipi ng akda mula sa mapagkakatiwalaang tao.
D. Magsaliksik hg buod nito sa internet upang ipasa sa guro.
_____5. Ano sa mga sumusunod ang nagpapakita ng pagkakatulad ng
kuwento, mito, kuwentong-bayan at alamat tungkol sa ating lahi?
A. Ang kwento, mito, kwentong-bayan at alamat ay pawang
sumasalamin sa kultura, tradisyon at pamumuhay.
B. Ang kuwento, mito, kuwentong-bayan at alamat ay nagsisilbing
aral para sa kabataan.
C. Ang kuwento, mito, kuwentong-bayan at alamat ay
nagsasalaysay ng mga pangyayari na hindi kapani-paniwala.
D. Ang kuwento, mito, kuwentong-bayan at alamat ay bumubuo ng
isang hulagway sa isipan ng mambabasa.

Karagdagang Gawain
Lalo pang palawakin ang iyong kakayahan. Makinig ka sa isang
segment sa radyo tuwing tanghali o hapon. Hanapin mo ang radio station na
nagbabahagi ng kuwento sa mga oras na ito. Pakinggan mong mabuti ang
kuwento at gawin ang gawain sa ibaba.

Gamit ang tsart sa ibaba, isa-isahin ang mga impormasyon na


hinihingi batay sa mga kwento na iyong binasa. Gamitin ang rubrik sa
bahaging Pagyamanin upang maging gabay mo sa pagsasagawa ng gawaing
ito.

Pamagat
Tauhan
Tagpuan
Tema

12
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
Buod ng Kwento batay sa:
a. Panimula
b.Saglit na Kasiglahan
c. Suliranin/Tunggalian
d. Kasukdulan
e. Kakalasan
f. Wakas
Aral o Kakintalan ng kwento

Binabati kita at matagumpay mong natapos ang mga gawain sa


modyul na ito. Ipagpatuloy mo lang ang iyong kasipagan sa mga
susunod pang aralin.

Susi ng Pagwawasto

Talaan ng mga sagot ayon sa mga bahagi.


SUBUKIN

1. A
2. B
3. B
4. A
5. A

PAGLINANG NG TALASALITAAN

1. C
2. C
3. C
4. B
5. D

Sanggunian

13
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE
Bumubuo sa Pagsulat ng Modyul

Manunulat: Cristy C. Merlan (Guro, MHS)


Mga Editor: Maru U. Panganiban (Guro, JDPNHS)
Adelwisa P. Mendoza (Guro, CISSL)
Tagasuri- Panloob: Galcoso C. Alburo (EPS-Filipino)
Tagasuri-Panlabas:
Tagaguhit: Paolo N. Tardecilla (Guro, KNHS)

Tagalapat: Jee-jay B. Canillo (Guro, NHS)

Tagapamahala:
Sheryll T. Gayola
Pangalawang Tagapamanihala
Pinunong Nanunuparan - Tanggapan ng Tagapamanihala

Elisa O. Cerveza
Hepe – Curriculum Implementation Division
Pinunong Nanunuparan - Tanggapan ng Pangalawang Tagapamanihala

Galcoso C. Alburo
Superbisor sa Filipino

Ivy Coney A. Gamatero


Superbisor sa Learning Resource Management Section

14
City of Good Character
DISCIPLINE • GOOD TASTE • EXCELLENCE

You might also like