Ika nga nila, ang pagkabata ang isa sa mga alaalang gugustuhin mong balikan, mga alaala na magbibigay ngiti at pagnanais na sana’y muli, tayo’y mga bata na lamang. Mga kulturang ating nakagisnan, mga larong bumuhay sa ating diwa’t nagpalakas ng katawan, mga nakagawian na ngayo’y unti-unti ng nakalilimutan ng mga kabataan. Kabataan, kamusta na ang iyong kapaligiran? Masaya ka pa ba sa iyong kinalalagyan? Nariyan pa ba ang mga dati mong nakagawian o isa ka na rin sa kabataan na nakalimot na sa kanyang nakagisnan at tuluyan ng nilamon ng mga makabagong pamamaraan? Ngayon ay ating balikan ang saya ng nakaraan. Isa sa mga alaala na agad nating maiisip sa tuwing babalikan ang nakaraan ay ang mga panahon na tayo’y mga munting bata pa lamang. Mga panahon na tayo ay aabutin ng anong oras sa kalsada, nagtatakbuhan sa kalagitnaan ng sikat ng araw, mga panahon na uuwi tayong kay dungis at amoy pawis at ang ating mga magulang ay may dalang pamatpat at nakaabang sa pintuan upang tayo’y kagalitan. Minsan pa nga ay kahit nasa paaralan, ang pahinga natin sa break-time ay paglalaro ng habulan, luksong baka, piko at taguan, mga babaeng nagtatalunan sa mahabang garter na binili sa labas ng paaralan at kung minsan ito ay gawa sa pinagdugtong dugtong na goma lamang, ang laro na ito ay tinawag na chinese garter ng karamihan. Naalala ko pa noon, naglaro kami ng tagu-taguan at hindi namin namamalayan na ang aming guro ay nasa loob na ng silid aralan at magsisimula na ng aralin ngunit kami ay nagtatago parin. Ang mga laro na yan ay hindi matatapos sa eskwela, kahit paglabas ng paaralan kami ay dederetso sa kalsada at maghahanap ng mapupwestuhan para maglaro ng patintero at tumbang lata, pag-uwi naman sa bahay ay may bahay-bahayan pa. Ang mga laro na ito tunay na tumatak sa aking isipin, parte ito ng aking pagkabata, at masasabi ko na halos buong pagkabata ko ay ang mga larong ito ang nakasama ko. Hindi magiging Masaya ang nakaraan kung wala ang larong pinoy na talaga namang bumuhay sa aming mga isipin. Ngunit ngayon, ang mga larong ito ay unti-unti ng napapalitan ng mga larong tanging gadgets lang ang iyong hahawakan. Sa patuloy na pagbabago ng panahon, maraming bagay din ang patuloy na nagbabago, may nadaragdag ngunit may nawawala rin. Marami na ang nabago sa ating kulturang Pilipino kaya’t sana ay huwag natin hayaan na pati ang mga larong nagbigay buhay at kulay sa ating pagkabata ay tuluyan na rin na mawala. Pagpatuloy natin ang kultura na mayroon tayo, patuloy nating buhayin at huwag hayaang makalimutan ang laro na hindi lang saya ang dulot kung hindi talino, pagkakaisa, maayos na pangangatawan ng bawat isa at higit sa lahat ay pagkakakilanlan ng ating pagkapilipino.