Professional Documents
Culture Documents
Lungsod ng Surigao
ELECTIVE 2
MALIKHAING PAGSULAT
Ipinasa ni
MARGIE L. CONSIGNA
BSEd-Filipino-3B
Ipinasa kay
GNG. GERALDINE A. SERDAN, M.A.
Assistant Professor II
Maraming wika ang mundo at bawat isa sa mga ito ay mahalaga. Ang wika ng bawat
bansa at ang mga varayti at baryasyon nito ay maituturing na yaman sapagkat ang pagkakaiba
ay nagbibigay ng kulay at nagpapatingkad sa mga katangian natin bilang indibidwal na may iba't
ibang pinagmulan at karanasan. Walang wika ang superyor o inferyor. Lahat ng wika sa mundo
ay mahalaga dahil taglay nito ang pagkakakilanlan ng isang lipunan ng taong may sariling
kasaysayan at panitikan pati na rin bokabularyong kabahagi ng kanilang pang-araw-araw na
pamumuhay.
Kaya naman, bilang mga mag-aaral ng mayoryang Filipino, marapat lamang na tayo ay
magkaroon ng aktibong papel sa pagtuklas at paggalugad ng kahit anong may kaugnayan sa
wika. Ang pagtataglay ng sariling pagkukusa sa pagsasagawa ng mga obserbasyon, pananaliksik
at pagsusuri ay makakatulong sa pagpapaunlad ng ating kaalaman tungkol sa wika. Ang mga
gawaing ito, kahit nagsisilbi mang hamon, ay kinakailangang ugaliin sa ating mga silid-aralan. Sa
ganitong paraan, ang mga mag-aaral at mga guro ay makakatuklas ng mga impormasyon na
hindi lamang purong lingguwistika ngunit maaari ring magkaroon ng implikasyon sa pagtuturo ng
wika sa klasrum.
Sa kabuuan, ang wika ay isang malawak at malaking puwersa sa ating lipunan na patuloy
lamang na nagpapatunay na ang tao ay isang bukod-tanging likha. Maraming mga pagkakataon
sa ating kasaysayan ang hinulma at pinagtibay ng wika. Ang pagkakaroon ng maraming wika sa
mundo ay nag-uukol din ng higit na pangngailangan sa pagsagawa ng mga pananaliksik at pag-
aaral na may hangaring maging daan sa preserbasyon at pagyayaman sa mga ito. Sa panahon
ng ika-21 siglo, ang ating sistema rin ng edukasyon ay naghahangad na makapagluwal ng mga
mag-aaral na may sapat na kakayahan sa pagtugon sa ganitong mga pangangailangan. Habang
patuloy na umiinog ang panahon, walang humpay rin ang mga nababagong nagaganap sa wika.
Kaya naman, tulad ng kung paano sinubukang tustusan ng mga teorya nina Sapir at Whorf ang
iilan sa mga pinakakontrobersyal na katanungan sa wika, maaari din tayong magsimula sa
pagtuon ng ating panahon at kagiliwan sa pagsasagawa ng mga makabuluhang pagtuklas hinggil
sa wika sa ating sariling pamamaraan.
TEKNIKAL NA PAGSULAT
Liham-Aplikasyon
AMY P. FEBRA
HR Direktor
Kiddie Star Tutorial Center
Narciso-Espina Street, Brgy. Taft
Lungsod ng Surigao
Bilang isang tutor na may dalawang taon nang karanasan sa parehong face-to-face at online tutorial, lubos
ko pong ikinagalak nang makita sa isang patalastas na bukas ang inyong posisyon para sa isang tutor sa
asignaturang Matematika.
Ako po ay kasalukuyang nag-aaral sa Surigao State College of Technology at nasa aking huling taon na sa
programang Bachelor of Secondary Education sa mayoryang Matematika. Nakapagturo na po ako sa
Mathinik Tutorial, Inc. at sa loob ng dalawang taon doon, 60 estudyante ang natulungan kong tumaas ang
kabuuang marka sa kanilang asignaturang Matematika. 50% sa kanila ang nakakuha ng pinakamataas na
posibleng marka sa kanilang mga eksaminasyon. Ang mga tagumpay na ito ay nakamtan nila dahil na rin
sa mga ginawa kong kagamitan sa pagtuturo at mga de-kalidad na banghay-aralin.Nakatanggap rin po ako
ng 98% na approval rating mula sa parehong mga mag-aaral at kanilang mga magulang.
Masaya man po ang naging karanasan ko sa Mathinik Tutorial, Inc., ako po ay matagal na talagang
naghihintay ng pagkakataon na maging bahagi ng inyong tutorial center. Ito ay hindi lamang sa inyong
mabuting reputasyon, kundi ay pati na rin sa inyong misyon na makatulong sa mga nangangarap na maging
guro sa pamamagitan ng pagbibigay ng sertipikasyon.
Umaasa po ako na inyong isasaalang-alang ang aking kwalipikasyon. Ako po ay maghihintay ng inyong
paanyaya sa isang panayam sa ano mang oras na inyong mararapatin. Maaari niyo po akong maabot sa
numerong 09078638262 o sa aking e-mail address na mconsigna@gmail.com.
Lubos na gumagalang,
Margie L. Consigna
JOURNAL
Liham sa Patnugot
FERN T. TABUDLO
Punong Patnugot
Ang Sinagtala
P-Santan, Espina Extension
Brgy. Taft, Lungsod ng Surigao
Kagalang-galang na G. Tabudlo:
Kami ay sumulat upang magalang na hingin ang inyong atensyon ukol sa isang balitang nailimbag sa inyong
marangal na pahayagan ngayong araw na may pamagat na “MGA GURO SA FILIPINO: PINIPILIT NG
DepEd NA MAGTURO NG IBANG ASIGNATURA” na mahahanap sa pahina 4 at isinulat ni Mona Mae
M. Lopez.
Maging maalam sana kayo na batay sa orihinal na press release na aming ipinasa sa iba’t ibang miyembro
ng midya noong Sabado, ika-22 ng Marso, 2022 na makikita ninyong kalakip ng liham na ito, hindi
kailanman ipinahayag ng mga guro sa Filipino na pinipilit sila ng kagawaran na magturo ng ibang
asignatura.
Sa paglilinaw, ang press release ay nakatakdang magbigay ng karampatang atensyon sa kakulangan ng mga
guro sa mga asignaturang Matematika, Agham at Araling Panlipunan na patuloy na nagiging hamon para
sa departamento at sa mga kasapi at empleyado nito at higit sa lahat, sa mga mag-aaral.
Sa kabila nito, nagtutulungan ang mga guro sa pagtuturo sa mga nabanggit na asignatura sa mga paraan na
pinakamabuti para sa mga mag-aaral. Ang mga mapiskay nating guro sa Filipino ay hindi pinipilit ngunit
dahil sila ay malaking kabahagi ng kagawaran, naiintindihan nilang sumusunod lamang na ang kalagayang
ito ay may mga naidudulot sa kanilang papel bilang mga guro.
Uulitin lamang na hindi pinipilit ng DepEd ang mga guro sa Filipino na magturo ng ibang asignatura.
Sa kadahilanang ito, umaasa kami na makitang nailimbag ang paglilinaw na ito sa inyong pahayagan na
nanumpa ng obhektibo at tumpak na pamamahayag.
Lubos na sumasainyo,
MARGIE L. CONSIGNA
Kalihim – Kagawaran ng Edukasyon
REFERENSYAL NA PAGSULAT
Kaugnay na Literatura at Pag-aaral
I. INAASAHANG BUNGA
Sa loob ng isang oras ng talakayan, inaasahang malinang ng mga mag-aaral ang mga sumusunod:
II. NILALAMAN
PANITIKAN
Akda: Paglalayag sa Puso ng Isang Bata ni Genoveva Edroza Matute
Taon: 1974
Mga Manunulat: Enrijo, Willita, et. al.
Tagapaglathala: Book Media Press, Inc.
Printwell, Inc.
GRAMATIKA/RETORIKA
Paksa: Kaantasan ng Pang-Uri
Sanggunian: Ona, Luzviminda, et. al.
Libro sa Filipino V: Hiyas sa Wika
Lexicon Inc., Tandang Sora
Quezon City, Phil. (2003), pp. 5-8.
Ang Makata
“Maaari mo bang ilarawan sa akin ang kulay ng langit ngayon?” Nabigla ako sa boses na narinig ko. Kanina
pa akong nakatayo sa dulo ng tulay na ito at pinag-iisipan nang seryoso kung itutuloy ba ang pagtalon. Sa
lalim ng aking pag-iisip, hindi ko man lang narinig ang yapak ng sinumang papalapit. Nabitawan ko ang
matagal nang pinipigilang paghinga. Mabagal at nagdadalawang-isip akong umalis sa dulo ng tulay at
tuluyan nang hinarap ang isang estranghero na sa aking hula ay higit 40 taong gulang na. Suot niya ang
isang lumang sombrero at itim na salamin at hawak niya ang isang mahaba at puting tungkod.
“Maaari mo bang ilarawan sa akin ang kulay ng langit ngayon?” Pag-uulit niya nang maramdaman niya
siguro ang paglapit ko. Muli kong pinag-aralan ang estranghero at pinagtagpi-tagpi ang mga detalye. Itim
na salamin. Mahaba at puting tungkod. Nagtatanong ng kulay ng langit. Nang mapagtanto ang kanyang
kalagayan, para akong binuhusan ng malamig na tubig mula ulo hanggang paa at tuluyan na lamang akong
napaupo sa tabi niya. Tinitigan ko ang langit sa aming harapan. Papalubog na ang araw.
“Ang araw ay bumababa na. Kulay kahel na may halong mapusyaw na dilaw at pula ang mayroon ang
kalangitan ngayon,” nahihiya kong tugon sa kanyang pakiusap.
“Paano mo ba mailalarawan ang kulay kahel?” Napapikit ako dahil hindi ko kailanman inakala na darating
ang panahon sa buhay ko na kailangan kung ipaliwanag sa isang mahigit sa 40 taong gulang kung ano
ang kulay kahel.
“Matingkad at parang mainit sa mata ang kulay kahel,” nahihirapan kong pagsubok ng tugon.
“Kung ganoon, masakit ba sa matang tignan ang langit ngayon?” Patuloy niya pa ring tanong.
“Hindi naman. Tama lang. Maraming taong paboritong tanawin ang pagbaba ng araw dahil kahit
matitingkad ang mga kulay kahel, pula at dilaw, ang kanilang paghahalo ay nakakalikha ng malambot na
kulay sa kalangitan.”
“Ganoon naman pala. Ano pa ba ang iba mong nakikita? May mga ibon ba? Naririnig ko kasi silang
humuhuni.”
“Ang mga ibon na naririto ay maliliit. Lumilipad sila nang sabay-sabay. Ngayon ang mga ibon na narito ay
kulay abo at puti. Ang mga kulay na ito ay siya ring kulay ng buhok mo.”
Matagal muna bago siya nagsalita kaya nag-aalala ako kung ano nga ba ang iniisip niya o mas mahirap ba
ang susunod niyang itatanong.
Napatitig ako sa kanya at nag-uunahan na ang mga salita sa dulo ng aking dila. Ang hitsura ko. Tinatanong
niya ang hitsura ko na lagi na lang kinukutya, pinagtatawanan, at minamaliit. Huminga ako ng malalim at
tumingala, inaalala lahat ng pangungutya nila.
“Maitim, pangit, pango, baduy. Iyon ang hitsura ko. Maitim na parang tsokolate. Idagdag mo pa ang kulot
kong buhok na parang pugad ng mga sinabi kong ibon. Magulo ang hitsura ko na para bang piangtagpi-
tagpi lang ang mga bahagi ng mukha ko. Kung nakikita mo ako, marahil maaawa ka lang sa akin.”
Huminga nang malalim ang estranghero at sa mahinang bulong ibinanggit, “Hanggang hindi natin
tinatanggap ang ating sarili at kalagayan, lahat tayo ay kawawa.” At gusto kong magtanong kung tulad ko,
kawawa rin ba siya.
KAWALAN
Masining na Paglalarawan
Paglalarawan sa Damdamin
Isang tawag ang bumasag sa tatlong pusong naging libo-libong piraso sa loob lamang ng
ilang minuto. Nang marinig namin ang balita ng paglisan mo, biglang tumigil ang mundo. Bakit?
Anong nangyari? Bumaha ng mga katanungan kasabay ng bagyo ng mga damdamin na
nasundan nang marahas na pagtanggi. Hindi ito totoo. Hindi ito maaari. Buhay ka. Sa ilalim ng
iyong paboritong abong damit, tumitibok ang puso mo. Natutulog ka lang at magigising ka.
Ngunit patuloy kang nahimbing. Ang iyong balat ay naging puting rosas. Ang mga
matitibay mong kamay na dati ay nagpupukpok ng pako ay nawalan na ng lakas. At mula sa iyong
maninipis na labi ay tumakas na ang bakas ng huli mong mga ngiti at tawa na kahit saan man
ako magpunta ay aking makikilala.
Kulay pula ang pighati para sa akin dahil sa galit na nararamdaman ko sa buong mundo.
Gusto kong may sisihin. Gusto kong maghimagsik laban sa oras dahil ito ay hindi sapat, laban sa
tadhana dahil ito ay madaya. Gusto kong ako na lang ang nawala. Ngunit, mula sa mga malalakas
na sigaw, unti-unti akong tahimik na magdarasal. Susubok na makahanap ng pang-unawa,
mangangapa sa dilim na umaalong sa aking paghikbi, at matutulog nang tuyo ang luha.
Kinabukasan, babalik din sa pagtanggi. Muling ilalaban ang kailanman ay wala nang pag-asang
maging katotohanan. Muling papaniwalain ang sarili na narito ka lang at magkukulong sa walang
hanggang pagsisi.
Ganito ang pakiramdam nang mawalan, maiwan at mag-isa. Hindi ko alam kung sa mga
pagkakataong iyon ay nabingi ba ako o sadyang nawaglit lahat ng musika sa mundo. Walang
huni ng mga ibon. Walang bulong ng hangin. Walang ingay ang yapak ng ibang tao. Walang
tugma ang mga salita. Wala. Ang tanging mayroon ay kawalan. Kawalan na kasinglaki ng
kalawakan at kasingdilim ng gabing walang buwan. Kawalang hindi mapupunan. Una ko itong
naramdaman bilang isang sugat na hindi dumurugo at bilang sakit na hindi ko mapangalanan.
Hanggang sa lumusong ang mga araw, linggo, buwan, at taon at naintindihan ko na ang kawalan
ay hindi isang damdamin ngunit isang karanasan ng tuluyang pagtakas ng kaluluwa mula sa
pisikal na katawan. Kaya, kahit naigagalaw ko man ang mga daliri ko, pumipikit at bumubuka man
ang mga talukap ko, kahit batid ko mang humihinga ako, hindi ko na maramdaman kung totoong
buhay pa ba ako. Ang kawalang ito ay patuloy lamang na lumalawak at lumalalim habang patuloy
na nabibiyak ang aking sarili. Sa bawat espasyo sa pagitan ng mga biyak, sumisibol ang panibago
na namang kawalan na hindi kayang pasukin ng sinag ng araw o ng patak man ng marahang
ulan. Doon ko rin nalaman na sa nag-iisang buhay natin, hindi lamang isang beses tayong
namamatay.
Araw-araw, parang sabay-sabay na sampal ng isang libong kamay sa aking pisngi ang
napagtanto ko sa pagkawala mo. Ang buhay ay hiram lamang at tayo, sa huli, ay magiging alaala
na lang. At ikaw ay habangbuhay na magiging isang magandang alaala ng isang bulaklak na sa
akin ay laging handang ngumiti.