You are on page 1of 6

KABANATA IV : MGA BATAYANG KAALAMAN SA MGA TEORYA SA PANANALIKSIK NA AKMA SA

LIPUNANG PILIPINO
A. LAYUNIN
 Matutukoy ang mga mapagkakatiwalaan, makabuluhan at kapaki-pakinabang na sanggunian sa
pananaliksik;
 Malikhain at mapanuring mailalapat sa pananaliksik ang konsepto at teoryang local at dayuhan na
akma sa konteksto ng komunidad ng bansa;
 Makapagpapahayag ng mga makabuluhang kaisipan sa pamamagitan ng tradisyonal at
modernong midyang akma sa kontekstong Pilipino; at
 Mapalalim ang pagpapahalaga sa sariling teorya ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan; at
 Makapag-aambag sa pagtataguyod ng wikang Filipino bilang daluyan ng makabuluhan at mataas
na antas ng diskurso na akma at nakaugat sa lipunang Pilipino bilang wika ng pananaliksik
nakaayon sa pangangailangan ng komunidad at bansa.
PANIMULA
Malaking bahagi ng isang pag-aaral o ano amng uri ng pananaliksik ang teorya na nagsisilbing
pundasyon ng kabuuan ng pag-aaral. Ito ang magagamit ng mananaliksik sa pagsusuri ng kanyang mga
datos na nakalap at sa pagsagot ng pangkalahatan at mga espisipikong layunin/tanong ng pag-aaral. Sa
pamamagitan ng teorya, nagkakaroon ng pagkakataon ang mananaliksik na bumuo ng koneksyon sa
pagitan ng abstrakto at ng konkreto. Pero ano nga ba ang teorya?
B. PANIMULANG PAGTATAYA
Pangalan: ______________________________ Kurso at Seksyon: ______________________
Panuto: Tukuyin kung tama o mali ang diwa ng sumusunod na pangungusap. Isulat ang T sa unahan ng bilang
kung tama at M kung mali.
_____1. Layunin ng Sikolohiyang Pilipinong unawain ang pagkatao ng mga Pilipinong gamit ang kanluraning
perspektiba.
_____2. Ang Teoryang Dependensya ay nakatutulong sa mahihirap na bansa na maging ganap na maunlad
batay sa pananaw ni Raul Prebisch.
_____3. Layunin ng Marxismo ang isang lipunang klasles tungo sa pagkakapantay-pantay ng mga
mamamayan sa isnag lipunan.
_____4. Ang Panatawang Pananaw ay itiuturing bilang tawang may katwiran.
_____5. Layunin ng Pantayong Pananaw ang pagkakaugnay-ugnay ng mga katangian, halagahin, kaalaman,
karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan.
_____6. Sinasabi ng mga Marxista na magaganap ang rebolusyon bunga ng opresyon sa takdang panahon na
magiging mitsa ng pagbabago ng lipunan.
_____7. Sosyalismo ang lipunang hinahangad ng mga Marxista.
_____8. Tuon lamang ang Pantawang Pananaw ang pag-aaral ng konsepto at praktika ng pagtatanghal at
palabras.
_____9. Para sa Pantayong Pananaw, dapat ang pagkukwento ay nasa wikang naiintindihan ng halos lahat ng
Pilipino.
_____10.Wika, kultura, at kasaysayan ang mga batayan upang ganap na maunawaan ang Sikolohiyang
Pilipino.
C. NILALAMAN
A. KAHULUGAN AT KAHALAGAHAN NG MGA TEORYA
 Ayon kina Nuncio at Nuncio (2004) , ang teorya ay binubuo ng mga pagsasapangungusap mg mga
ideya at dalumat-salita na nagpapaliwanag sa relasyon o pag-kakaugnay-ugnay ng mga konsepto
tungkol sa kaganapan, karanasan at phenomenon. Ito ay tumutukoy sa estruktura ng ugnayan sa
pagitan ng realidad at dalumat-salita. Dagdag pa rito, itinuturing na ang teorya ay isang wika at
makawika.
 Mahalaga ang paggamit ng ng sariling wika sa pagbuo ng sariling konsepto ng teorya.
 Isang wika ang teorya dahil ito ay gumagamit, lumilinang ng mga salitang ‘di payak at
nakikipagtalastasan para maunawaan at mailapat ito sa iba’t ibang tiyak na panukat, domeyn, at
kaligiran ng pananaliksik.
 Samantala, binanggit sa aklat na Talaban: Komunikasyon, Pagbasa at Pananaliksik na sa
paghahanap ng teoryang gagamitin, ipinapayong dapat itong suriing mabuti ng mananaliksik upang
maisaalang-alang ang kaugnayan nito sa paksa at balangkas ng pag-aaral.
 Tandaang malaki ang magiging epekto nito sa kabuuan ng pananaliksik, partikular na sa pagsusuri
ng mga datos kung maling teorya ang mapipili. Kaya naman iminumungkahi na dapat maging
malinaw ang pagtalakay ng mananaliksik sa teoryang pinili (Geronimo, et al., 2017).
 Kaugnay nito, sa konteksto ng maka-Pilipinong pananaliksik, hindi uunlad ang wika ng teorya at
pagteteorya sa Araling Filipino kung hindi wiakng Filipino ang gagamitin, liban na lang sa kung
nasa ibang bansa na ibayong pananaw ang ginagamit o Filipinong nasa Ingles ang kinalululanan
nila (Nuncio at Nuncio, 2004)
B. TEORYANG MARXISMO TUNGO SA KAPAYAPAANG NAKABATAY SA KATARUNGAN
 Ang Marxismo ay isang kalipunan ng mga sosyalistang doktrina na itinatag ni Karl Marx at Friedrich
Engels na may matibay na paniniwalang ang kapitalistang lipunan ang tunay na dahilan ng paghihirap
ng mga taong nananahan dito.
 Sa pangkasaysayang konteksto nito, ang isang kapitalistang lipunan ay binubuo ng mga kapitalista na
siyang nagmamay-ari ng kapital o namumuhunan at ng mga manggagawang gumagawa sa
kapakanan at kayamanan ng kapitalista (Timbreza, 2002).
 Sa ganitong kaayusan, sinasabi ng mga Marxista (naniniwala sa Marxismo) na dehado ang kalagayan
ng mga manggagawa dahil sa kinakasangkapan lamang sila ng mga nasabing kapitalista habang
patuloy sila sa pagkakamal ng salapi at pagyaman.
 Samakatuwid, nais ng mga Marxista ang isang klasles na lipunang may tunay na kalayaan,
pagkakapantay – pantay at katarungan. Sa lipunang yaon ay wala nang maniniil ( Timbreza, 2002)
 Ayon pa kay Timbreza (2002), sa konteksto ng lipunang Pilipino, ang Partido Komunista ng Pilipinas o
Communist Party of the Philippines at National Democratic Front ang mga nagtataguyod ng ilang
simulain at pangangaral ng Marxismo.
 Naniniwala ang mga miyembro ng nasabing organisasyon na ang paghihirap ng mga Pilipino mula
noon hanggang sa kasalukuyang panahon ay produkto ng kawalan ng pagkakapantay –pantay sa
lipunang Pilipino bunsod sa pananaig ng kapitalismo sa bansa at paghahari ng iilang pamilya.
Bilang teorya, ito ay magagamit sa mga paksang pampananaliksik na may kaugnayan, sa sumusunod
na usapin:
1. Migrasyon at Diaspora
2. Karahasan sa kababaihan
3. Pang-aabuso sa mga manggagawa
4. Kahirapan
5. Globalisasyon at iba pang kaugnay ng mga ito.
C. SIKOLOHIYANG PILIPINO : SIKOLOHIYANG NAKABATAY SA KULTURA, KASANAYAN AT
WIKANG KATUTUBO
 Ayon kay Dr. Enriquez, ang Sikolohiyang Pilipino ay ang sikolohiyang bunga ng karanasan, kaisipan at
oryentasyong Pilipino (Daluyan, 2015). Tuon nito ang buhayin ang pambansang identidad at
kamalayan ng mga Pilipino, pakikisangkot sa mga isyung panlipunan at gawaing panlipunan, at
sikolohiya ng wika at kultura.
 Sa pag-aaral ng Sikolohiyang Pilipino , mahalagang dukalin at unawain ang konsepto ng kapwa o
shared identity upang ganap na maunawaan ang pamamaraan ng pag-iisip at pagkilos ng isang
Pilipino.
 Samantala, ang Pakikipagkapwa ang pinakamahalagang sikolohiko at pilosopong konsepto sa
Sikolohiyang Pilipino.
Itinuturing kang hindi ibang tao kung ikaw ay marunong ng sumusunod:
1. Pakikitungo / transaksyon/ paggalang (Level of Amenity/Civility)
2. Pakikisalamuha/ interaksyon (level of mixing)
3. Pakikilahok/ Pagsama / Pagsali (level of joining)
4. Pakikibagay/Pagsunod (level of Conforming)
5. Pakikisama/Pakikiayon (level of adjusting)
6. Pakikipagpalagayang-loob/Pagiging Maunawain/ Pagiging katanggap-tanggap (level of Mutual Trust)
7. Pakikisangkot/ pakikialam (level of getting involved)
8. Pakikiisa/ pagkakaisa (level of Fusion / oneness)
(Enriquez, 1985, 2017)
 Ang mga nabanggit na lebel ay nagpapatunay lamang na upang lubos din nating malaman
ang Sikolohiyang Pilipino, mahalagang suriin ang wika. Sa katunayan, ang pag-aaral ng wika
ay isa sa mga pundamental na saligan ng Sikolohiyang Pilipino. Patunay rito ang pagkilala sa
WIKA bilang hindi lamang isang mabisang kasangkapan sa komunikasyon kundi isa ring
mayamang mapagkukuhanan ng mahahalagang pag-unawa at pananaw tungkol sa kultura.
 Kaya naman maituturing ang wika bilang pangunaghing sanggunian sa pag-unawa ng lawak
at lalim ng Sikolohiyang Pilipino.
 Bukod sa pag-unawa ng kahulugan ng mga nabanggit na salita, narito pa ang ilang patunay na
ang wikang FILIPINO ay bukal ng Sikolohiyang Pilipino.
 Halimbawa, kung susuriin ang salitang hiya, hindi naman ito nangangahulugan ng shame sa
wikang Ingles sapagkat nababago ang kahulugan nito batay sa kultural na konteksto at
pamamaraan ng paglalapi.
 Halimbawa, iba na ang kahulugan ng salitang nakakahiya, kahiya-hiya, hiyang –hiya,
ikinahiya, ikahiya, hiyain, manghiya, nakahihiya, mahiyain, at walang hiya.
 Sa pagsusuri, makikita na isa sa mga batayan upang unawain ang Sikolohiyang Pilipino ay
ang pagsusuri ng wikang FILIPINO batay sa paggamit nito at kultural na pananaw.
 Marami ring sikolohikal na konseptong katutubo ang mga Pilipino na mahirap tumbasan o
isalin sa ibang wika.
 Halimbawa, ang salitang saling-pusa na itinuturing na makabuluhang konseptong sikolohikal
sa Pilipinas na nagpapahiwatig ng mataas na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa damdamin
ng isa’t isa kung kaya’t iniiwasan ang huwad ma pakikipagkapwa.
 Samantalang ang salitang pagkapikon ay nagpapakita lamang na buhay na buhay sa
kulturang Pilipino ang biruan at dahil sa masiglang kulturang ito ang pagbibiro ay nauuwi sa
pagkapikon (Magracia, 1994)
Bukod sa WIKA, mahalagang batayan din ng Sikolohiyang Pilipino ang kinagisnang sikolohiya:
 Mga aral at ritwal ng mga babaylan at katalonan, mga dalangin, bulong, kuwentong-bayan, alamat at
epiko
 Ang tao at ang kanyang diwa
 Ang panahon ng pagbabagong-isip
 Ang panahon ng pagpapahalaga sa suliranin ng lipunan na tumatalakay sa pagpapanaog ng mga
sikolohistang Pilipino mula sa kanilang toreng gareng (Enriquez, 1975, 2015).
Samantala, bunsod din ng pagkakatatag ng Sikolohiyang Pilipino ay nabuo din ang mga
maka-Pilipinong metodo sa pangangalap ng datos na binaggit nina Pe-pua at Marcelino (2002) gaya
ng :
 Pagtatanong-tanong (Pe-pua, 1989)
 Pagmamasid-masid (Bennagen, 1985)
 Panunuluyan (San Juan & Soriaga,1985)
 Pakikipagkwentuhan (Orteza, 1997)
 Pagkapa – kapa (Torres, 1992) at
 Ginabayang talakayan (Bennagen, 1985, sa Geronimo, et al., 2017)
Samakatuwid, akmang gamitin ang pananaw sa SIKOLOHIYANG PILIPINO sa mga pananaliksik sa
kasaysayan, kultura at wika ng mga Pilipino na nakatuon sa paraan ng pag-iisip at pagpapakahulugan ng
mga partisipant o saklaw ng pag-aaral.
D. BATAYANG KAALAMAN SA PANTAYONG PANANAW BILANG LENTE SA MAKA-PILIPINONG
PAG-AARAL NG KASAYSAYAN
 Ang PANTAYONG PANANAW ay isang maka-Pilipinong lenteng pangkasaysayan na binuo ni Dr.
Zeus Salazar na kinikilala bilang Ama ng Bagong Kasaysayan.
 Ayon kay Chua (1989), ang Pantayong Pananaw ay ang pag-aaral ng kasaysayan natin sa ating
sariling perspektiba gamit ang mga konsepto/dalumat at isang wikang naiintindihan ng lahat. Ito ay
mula sa salitang tayo. Sa madaling salita, ito ay ang kwento at kasaysayan ng Pilipinong
isinasalaysay ng mga Pilipino at para sa mga Pilipino.
 Bagama’t pareho ang diwa, kaiba ito sa ginawa ng mga nationalist historians na katulad nina Jose
Rizal, Teodoro Agoncillo, at Renato Constantino sapagkat sumulat sila sa dayuhang wika. Para sa
Pantayong Pananaw, dapat ang pagkukuwento ay nasa wikang maiintindihan ng halos lahat ng
Pilipino – at sa panahong ito, ito ay ang wikang Filipino.
 Samakatuwid, tumutuukoy ito bilang isang maka-Pilipinong pagtingin sa pag-aaral ng kasaysayan.
Binabasag nito ang kinagisnan nang makadayuhang pamamaraan ng pagsusuri at pag-aaral ng
kasaysayang tuon sa perspektiba ng mga dayuhan. Dagdag pa rito, mahalagang masuri ang
kasaysayan ng Pilipinas batay sa maka-Pilipinong lente sa tulong ng pagsusuri ng mga Pilipinong
Iskolar.
 Sa huli, sinasabing napapaloob ang kabuuan ng Pantayong Pananaw sa pagkakaugnay-ugnay ng
mga katangian, halagahin, kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng
isang kabuuang pangkalinangan – kabuuang nababalot at ipinapahayag sa pamamagitan ng isang
wika. Dagdag pa ni Salazar, magkakaroon lamang ng pantayong pananaw kapag gumagamit ang
lipunan at kalinangan ng Pilipinas ng mga konsepto at ugali na alam ng lahat ang kahulugan ng
magiging talastasang bayan (Salazar, 1997).
 Samantala, sa paglalapat, magagamit ang diskursong pangkasaysayan partikular sa mga paksang
may kaugnayan sa lokal na kasaysayan, pambansang kasaysayan, kababaihan at kasaysayan,
kasaysayan ng manggagawa at paggawa sa bansa, kultura at kasaysayang Pilipino at iba pang
paksang kaugnay ng mga ito.
E. INTERSECTIONALITY: TEORYANG FEMINISMO
 Batay sa tala, ang Intersectionality Theory ay isang feminismong sosyolohikal na teoryang nabuo
noong 1989 ni Crenshaw, isang critical legal scholar na Amerikano.
 Ang terminong ito ay unang binanggit ni Crenshaw sa kanyang malamang sanaysay na
pinamagatang Demarginalizing the Intersection of Race and Sex: A Black Feminist Critique of
Antidiscrimination Doctrine, Feminist Theory and Antiracist Politics. Ito ay ginamit na ng ilang mga
iskolar bilang teoritikal na balangkas sa iba’t ibang pag-aaral sa loob ng ilang dekada. Sa
katunayan, ito ay kalimitang ginagamit bilang teorya, metodolohiya, paradigma at suriin ang
kalagayan ng mga babae sa Estados Unidos partikular na ang kalagayan ng Black Women (
women of color).
 Para kay Crenshaw, ang teoryang Intersectionality ay naglalarawan kung paano ang iba’t ibang
paraan ng diskriminasyon ay nararanasan o kung paanong ang ay bunsod ng magkakaiba subalit
magkakaugnay na elementong bumubuo sa tao o lipunan.
 Sa katunayan, ayon sa mga eksperto, ang teoryang ito ay tumutukoy sa kung paano ang iba’t
ibang sangay ng identidad gaya ng lahi, kasarian abilidad, sekswal na oryentasyon, relihiyon at
grupong kinabibilangan at mga kaugnay nito ay nagiging ugat ng opresyon/pagmamalupit at
pagmamaliit sa lipunan o pribelehiyo.
 Sa kabuuan, layunin ng teoryang ito na tugunan ang rasismo, patriyarkang lipunan, opresyon ng
lahi, at iba pang uri ng diskriminasyong lumilikha ng ‘di pantay na pagtingin sa kababaihan.
 Sa kabilang banda, ayon kay Dr. Olena Hankivsky, ang Intersectionality bilang teorya ay nakabatay
sa paniniwalang ang buhay ng tao ay multi-dimensyonal at komplikado. Ang malay na karanasan
ay nahuhubog ng iba’t ibang salik at sangkap panlipunan. Kaugnay nito, sinabi rin ni Symington na
ito ay nag-ugat sa prinsipyong ang tao ay nabubuhay sa multiple layered identities na nagmula sa
pakikipag-ugnayan (social relations) at nakaugat sa kasaysayan.
 Gayundin,, ipinaliwanag ng teroyang ito na ang tao ay bahagi ng higit pa sa isang komunidad (
tahanan, trabaho, organisasyon) na maaaring makaranas ng pribelehiyo o opresyon/
pagmamalupit nang magkasabay. Sa katunayan, dahil sa multiple identities na nakakapit sa isang
babae, nauuwi ito sa labis na diskriminasyon at pagmamalupit samantalang ang iba ay nauuwi sa
maayos at maswerteng posisyon.
 Subalit nililinaw ng teoryang ito na ang pagkakaroon ng kombinasyon ng mga identidad ay hindi
isang pahirap o di dapat ituring na problema, bagkus ito ay dapat ituring na tagapagbigay ng iba’t
ibagn karanasan.
 Samakatuwid, sa pagsusuri ng intersectionality bilang isang teorya, layunin nito na ipakita ang mas
makahulugang pagkakaiba at pakakatulad ng bawat tao upang malagpasan ang diskriminasyon
upang tunay na maramdaman ang karapatang pantao. Sa kabuuan, ipinapaliwanag ng
Intersectionality Theory na ang opresyon o pagmamaliit sa isang tao partikular na ang mga
kababaihan ay bunga ng iba’t ibang magkakaugnay na kadahilanan.
 Kung gayon, magagamit ang teoryang ito sa pananaliksik na umiikot sa kalagayang babae sa iba’t
ibang setting.
F. PANTAWANG PANANAW: TAWA BILANG KRITIKA
Ang Pantawang Pananaw ay produkto ng kritikal na isipan at malikhaing imahinasyon nina Dr. Rhoderick
Nuncio at Elizabeth Morales-Nuncio (2004). Ito ay nangangahulugang tawa bilang kritika sa mga isyu at
tauhan sa lipunan. Ang pantawa bilang pang + tawa ay pag-angkin at pagtukoy sa kakanyahan ng tawa
bilang kritika.
Ganito ang paglalarawan nina Nuncio at Nuncio(2004) sa konsepto ng tawa at pananaw:
Ang tawa ay reaksyong pandamdam. Isang mekanismo ng damdamin na nagbibigay ng laman sa puwang
o guwang sa damdamin ng isang taong malungkutin o taong naghahanap ng kasiyahan sa buhay. Kaya’t
mahihinuha sa sikolohiya ng tao ang paglikha ng iba’t ibang pamamaraan (maaaring bagay, persona, o
mga pangyayarihang nagiging tampulan ng katatawanan) na magpapaaliw sa kanya.
Tumutukoy ang pananaw sa pag-iisip ng tao. Pinagninilayan o pina-iisipan ng tao ang pagkakaroon ng
pananaw. Sa pagbuo ng pananaw, inaabot ng tao ang kahalagahan o kabalintuan ng isang pangyayari.
Kung isang interpretasyon ang pananaw, maituturing ito bilang kritika--- na tumutukoy sa pagbasa ng
karanasan, teksto, at kultura na inuunawa sa perspektiba ng kamalayan. Samakatuwid, ang pananaw ay
kritikal na pagbasa na nakaugat sa kontekstong panlipunan.
Ang pantawang pananaw ay may limang mahahalagang elemento. Ang mga ito ay ang:
1. Midyum
2. Konteksto o anyo
3. Aktor
4. Manonood
(Nuncio at Nuncio 2004)
Ang midyum ay daluyan kung saan nagiging laganap ang pantawang pananaw . Ito ay maaaring
entablado, kalye, radyo, panitikan, o telebisyon. Samantalang, nakapaloob sa midyum na ito ang iba’t
ibang anyo/nilalamang kinabibilangan ng kwentong-bayan, sainete, drama, bodabil, dulang panradyo at
impresyonasyon bilang palabas sa telebisyon. Ang mga nagsiganap/aktor ay ang tinaguriang mga puso,
aktor, komedyante, at impersoneytor. Ang mga isyung panlipunan na tumatahak sa sosyal at politikal na
kalagayan ng bansa ang bumubuo sa konteksto ng Pantawang Pananaw.
Samantala, may limang katangian ang Pantawang Pananaw.
UNA, ito ay isang pagbasang kritikal. Gaya ng nabanggit, ang pananaw na ito ay hindi lamang pagtawa
nang walang konteksto. Ito ay isang kritikal na pagbasang tumatarok sa kamalayan at kaisipang Pilipino.
PANGALAWA, ito ay subjective na pagbasag sa imahe at katawan. Isa itong pagkwestyon sa katauhan,
kaligiran, katawan, at kaayusang panlipunan bilang object ng tawa at pagtuligsa. Winawasak nito sa
ganitong kritikal na pagbasa ang imahe ng kawalang kapangyarihan.
PANGATLO, ang pananaw na ito ay may kasaysayan. Sa katunayan, nakatuon ito sa pangyayaring
historikal – ang pagkukuwestyon sa imahe o katawan ng kolonyalismo o komersyalismo. Nagpapabago
ng kahulugan ang Pantawang Pananaw sa tayo o poder ng karanasang kolonyal o komersyal.
PANG-APAT, ito ay intersubjective. Tumutukoy ito sa pangangailangan ng kapwa subject na direktang
babasa at magsusuri gamit ang Pantawang Pananaw. Sa ganitong katangian, katumbas nito ang walang
humpay na pagbabasa ng manonood, tagapakinig o sino man upang makapagbigay ng kritikang
nakabatay sa nagaganap sa lipunan.
PANLIMA at panghuli, ang Pantawang Pananaw ay kapwa intersekswal at repleksibo. Ito ay pagiging
bukas sa ilang teksto upang magamit sa pagpapakahulugan at pagkatuto sa mensahe ng diskurso. Hindi
lamang ito nakatuon sa iisang genre ng panitikan (maaari ring comic strip sa pahayagan) sapagkat
nakabukas din ito sa iba pang anyo at daluyan ng karanasang Pilipino. Subalit, dapat na, maunawaan na
tuon lamang ng Pantawang Pananaw ang pag-aaral ng konsepto at praktika ng pagtatanghal at palabas
(Nuncio at Nuncio, 2004).
Sa pagsusuri, masasabing isang diwa mula sa karanasang Pilipino ang Pantawang Pananaw .
Nakapaloob ito sa karanasan ng tawa bilang kritika, bilang pagtuligsa sa kapangyarihan at kaayusan ng
lipunan na mababakas mula pa sa oral na tradisyon hanggang sa paglaganap ng mass media ngayon.
Sa paglalapat, magagamit ang teoryang ito bilang lente sa pag-aaral o pagsusuri ng mga dulang
panteatro (komedya at sarswela), dulang panradyo (kwentong kutsero), kwentong bayan, (Kwento ni
Matsing), awit, sayaw, pelikula, programa sa telebisyon, stand-up comedy, at iba pang may elemento ng
pagpapatawa tungo sa pagbasang kritikal.
G. TEORYANG DEPENDENSIYA
 Noong 1960’s nang maging tanyag ang Teoryang Dependensiya. Ito ay ipinakilala ni Raul
Prebisch na noon ay direktor ng United Nations Economic Commission for Latin America. Ayon
sa kanyang pagsusuri,kapalit ng patuloy na pagyaman ng mga mayayaman nang mga bansa sa
mundo ay ang patuloy na paghihirap ng mga maliliit, mahihirap at walang kalaban – labang mga
bansa bunsod ng mga ‘di makatarungang polisiyang pang-ekonomiyang nararanasan mula noon
hanggang sa kasalukuyang panahon.
 Sa katunayan, batay sa teoryang ito, ang mga gawain at polisiyang pang-ekonomiya ng
mayayamang bansa ay direktang nakakaapekto sa mga mahihirap nang mga bansa sa
negatibong pamamaraan. Patunay rito ang kabalintunaang ginawa ng mga mayayamang bansa.
Halimbawa, ang mga paso at lumang mga teknolohiya mula sa mahihirap na bansa, dagdagan
pa ang pang-aabuso sa likas na yaman ng mga bansang mahihirap. Sa ganitong anggulo,
makikita ang panibagong pamamaraan ng opresyon sa mga mahihirap na bansa na nagtatago
sa mapagkunwaring konsepto ng pagtulong ng mga mayayamang bansa.
 Ang Teoryang Dependensya, minsa’y tinatawag ding Dependensya sa Dayuhan, ay ginagamit
upang ipaliwanag ang pagkabigo ng mga ‘di industriyalisadong bansa. Ang sentral na argumento
ng teoryang ito ay ito : Labis ang ‘di pagkakapantay-pantay ng ekonimiyang pandaigdig sa
distribusyon ng kapangyarihan at yaman bunga ng kolonyalismo at neokolonyalismo. Ito ang
naglalagay sa maraming bansa sa posisyon ng dependent o umaasa (Crossman, 2018).
 Katulad ng nabanggit na, kaugnay ng teoryang ito ang konsepto ng kolonyalismo at
neokolonyalismo. Ayon kay Crossman (2018), inilalarawan ng kolonyalismo ang abilidad at
kapangyarihan ng mga industrialisado at nangungunang bansa na epektibong manakawan ng
mahahalagang resorses ang kanilang mga kolonya, tulad ng lakas-paggawa at mga natural na
elemento at mineral. Sa kabilang banda, ang neokolonyalismo ay tumutukoy sa pangkalahatang
dominasyon ng mga makapangyarihang bansa sa mga bansang ‘di mauunlad kasama ang
kanilang mga kolonya, sa pamamagitan ng mga panggigipit sa ekonomiya at opresibong
rehimeng politikal.
 Bagama’t naglaho na ang kolonyalismo matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi nito
binura ang dependensya. Sa halip, pumalit ang neokolonyalismong sumikil sa mga umuunlad na
bansa sa pamamagitan ng kapitalismo at pananalapi. Maraming mga umuunlad na bansa ang
nabaon sa utang sa mauunlad na bansa at nawalan ng risonableng pagkakataong makatakas sa
pagkakautang at umunlad.
 Sinasabi nga ng Teoryang Dependensya na hindi tiyak na ang mga umuunlad na bansa ay
magiging industriyalisadong bansa kalaunan kung sila’y susupilin ng mga pwersang panlabas na
epektibong nagpapatupad ng dependensya sa kanila kahit pa sa mga batayang
pangangailangan sa buhay. Halimbawa nito ang Africa na tumanggap ng bilyong dolyar na utang
mula sa mayayamang bansa mula 1970 hanggang 2002. Nagkapatong-patong ang interes ng
kanilang mga lupain, may bilyong utang pa rin ang Africa sa interes. Kakaunti, kung hindi man
halos walang nang resorses ang Africa sa interes. Kakaunti, kung hindi man halos wala nang
resources ang Africa upang mamuhunan sa kanyang sariling ekonomiya at pag-unlad ng tao.
Malabo nang umunlad pa ang ang Africa liban na lang kung patatawarin ang interes ng mga
makapangyarihang bansang nagpautang upang tuluyan nang mabura ang utang ng Africa
(Crossman, 2018). Hindi ba parang pamilyar sa atin ang kwento ng Africa?

E. PAGTATAYA
Pangalan: _________________________ Kurso at Seksyon: ___________________
1. Ano ang teorya? Ano ang gamit at kahalagahan nito sa pananaliksik-panlipunan?
2. Ano-ano ang mga teorya o pananaw sa pananaliksik na akma sa lipunangPilipino? Ano-ano ang
batayang premis at esensya na bawat isa? Bakit at paanong ang bawat isa ay masasabing akma sa
lipunang Pilipino?
3. Aling suliranin o aspektong panlipunan sa kasalukuyan ang naiisip mong/ninyong saliksikin? Aling
teorya o pananaw sa pananaliksik ang sa palagay mong/ninyong akmang gamiting teoretikal na
batayan? Ipaliwanag ang inyong sagot.

You might also like