You are on page 1of 1

SA SUSUNOD NA PAHINA

ni
Raymon Guiama

Bilang isang Senior High na mag-aaral, madalas tayong makarinig ng mga tanong na "Saang
Paaralan ka magkokolehiyo?" "Ano ang kukuhain mong kurso?" Mga tanong na iilan sa atin ay hirap at
takot na sagutin. Mga simpleng tanong na nagpapaalala sa atin na hindi na tayo mga musmusin.

"Life Begins in College," ika ng karamihan. Ang kolehiyo raw ay kung saan magsisimula ang
buhay—kung saan ang mga pangarap ng ating pagkabata ay natutupad, kung saan maaari na nating
gawin ang mga bagay na matagal nating gustong gawin. Dito raw napagtatanto ng karamihan sa mga tao
na marami pa silang hindi alam tungkol sa mundo. Ngunit, paano natin ito mararanasan kung tataliwas
tayo ng daan?

Sa ulat ng The Borgen Project noong 2019, ang Pilipinas ang may pinakamataas na dropout rate
sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations na may dropout rate na 6.38 porsiyento sa
elementarya at 7.82 porsiyento ng mga estudyante sa sekondarya. Ang mga karaniwang rasoj nito ayon
kay Samuel John Parreño ay mataas na halaga ng edukasyon at paghahanap ng trabaho.

Alam naman natin kung gaano kalahaga ang makapagtapos ng pag-aaral. Ayon sa Northeastern
University noong 2020, maraming benepisyo ang pagkakaroon ng degree sa kolehiyo: nakadadagdag ito
ng oportunidad na makapaghanap tayo ng trabaho, maaari nitong mapataas ang potensyal na kita ng
isang tao, at napalalago nito ang pagpapahalaga natin sa ating mga sarili. Base naman sa pag-aaral nina
Holt at Cornwall, 2017, ang mga nagtapos sa kolehiyo ay mas madaling makahanap ng trabaho dahil
alam ng mga employer na mas marami silang karanasan at kasanayan.

Sa susunod na taon, marami sa atin ang nasa wastong gulang na at ang bawat isa ay
kinakailangan nang magdesisyon sa isa sa mga importanteng sandali ng ating buhay. May mga
nakapagdesisyon na sa kukuhain nilang kurso, may mga maghahanap muna ng trabaho, at may mga
taong hindi pa rin sigurado.

Ang pagtatapos sa pag-aaral ay hindi lamang isang tagumpay para sa atin, kundi pati na rin isang
hakbang para sa ating hinaharap. Ito ay isang mahaba at mahirap na proseso para sa sinumang mag-
aaral. Malamang sa malamang, marami sa atin ang takot, nangangamba, nag-aalala sa kung ano ang mga
naghihintay sa atin sa susunod na pahina ng ating buhay. Bata, kaya mong harapin ito. May mga
pagkakataon na mabibigo tayo, ngunit ang mahalaga ay ipinagpatuloy mo!

You might also like