You are on page 1of 2

Hapô

Lyka Jane N. Zambales (PNHS-LPT)

Sa pagsilip ng araw sa silangan, nagtagpo ang tinatahak nating daan,


nagkita tayo sa gitna’t sabay kinilatis ang bawat himaymay at kalamnan,
umabot tayo sa umaga at parehong mga bagay ang pinagkasunduan,
nauna ka ng ilang hakbang ngunit humabol ako upang ika’y maabutan.

Walang ibang mahalaga sa akin kung hindi ang iyong kaligayahan,


kaya’t sa lahat ng iyong ninanais ikaw ay palaging pinagbibigyan,
kahit minsan palagay ko’y sobra na ang aking pinagdaraanan,
tuloy lamang, dahil sinabi ko sa sarili kong pagod lamang iyan.

Maaari namang magpahinga ngunit bumalik pa rin sa inumpisahan,


gawin ang lahat ng kailangan upang masuklian ang iyong kabutihan,
sapagkat upang mapalapit sa iyo’y iyon lamang ang tanging paraan,
isinaisip na lahat ay magiging magaan, patuloy tayo sa kinabukasan.

Sa pagtirik ng araw, sa mga kabutihan mo’y labis akong nasilaw,


kaya’t nagpursige sa mga gusto mo kahit labis nang nabubulahaw,
naging madali sa’yo ang lahat dahil ako ang kamay na gumagalaw,
nanatiling tanga sa pag-asang bibigyan mo ng halaga balang-araw.

Nabulag sa pag-aakalang bahagi na ako ng iyong pamilya,


ngunit nalamang isa lamang pala ito sa iyong mga istratehiya,
nanatili pa ring sunud-sunuran at sa mga gawai’y hindi pumalya,
kahit luha’y lihim na pumapatak at wala nang sariling ligaya.
Ngunit katulad ng panahon, dumating din tayo sa dapit-hapon,
naubos na ang lahat ng lakas na inilaan at inipon-ipon,
kailangang hangga’t maaga ay makabuo na ng desisyon,
kailangan nang alisin sa iyo ang buo kong atensiyon.

Ngunit ang naging reaksyon mo ay hindi kailanman inasahan,


masakit na mga salita’y iyong binitiwan at ako’y sinumbatan,
ng mga bagay na binigay, akala ko’y bukal sa iyong kalooban,
ngunit ginamit lamang na panghamak sa oras ng aking kagipitan.

Akala ko ay sapat na ang umaga at tanghali ng buhay kong bigay sa’yo,


sa pagsilip at pagtirik ng araw ay ako ang palaging nasa likod mo,
subalit kailanman siguro ay hindi ka talaga makokontento,
kailangan kong umusad at dumaan sa masakit na proseso.

Sa pagsapit ng takipsilim sa ating mga buhay-buhay,


alam kong lahat ay mababaon na lamang sa hukay,
ngunit mananatili ka pa rin sa kaibuturan ng aking puso,
dahil kailanma’y hindi ako naging huwad sa aking pagsuyo.

You might also like